Paghulagpos at Pag-imbulog: SP bilang Malaya at Mapagpalayang Sikolohiya
17-19 Nobyembre 2016
Colegio de San Juan de Letran
Lungsod ng Maynila
Panawagan sa papel: (DEADLINE: 30 Hulyo 2016)
Panawagan sa symposium: (DEADLINE: 30 Hulyo 2016)
Pagpapatala ng mga delegado:
Kasapi | Di-Kasapi | Di-Gradwadong Mag-aaral | |
Early Bird Registration
(hanggang 17 Setyembre 2016) |
Php3,300.00 | Php3,500.00 | Php1,800.00 |
Regular Registration
(mula 18 Setyembre hanggang 29 Oktubre 2016) |
Php3,600.00 | Php3,800.00 | Php2,000.00 |
Sa mahigit 40 taon, naging pangunahing tulak ng Sikolohiyang Pilipino ang pagiging malaya at mapagpalayang sikolohiya. Bilang malayang sikolohiya, binabasag nito ang monopolyo at imposisyon ng kaisipang hango sa lipunang iba sa reyalidad ng Pilipinas. Samantala, bilang mapagpalayang sikolohiya, kumikilos ito laban sa eksploytasyon ng masa at iba pang anyo ng pagsasaisantabi. Samakatuwid, malinaw ang pag-iral ng SP sa tunguhin ng paghulagpos sa mga tanikalang pangkaisipan at panlipunan at sa pag-imbulog sa tunay na unibersal na sikolohiya at sa lipunang may pagkakapantay-pantay. Ang pagkilos na ito ng SP ay isang panghabampanahong tindig at kung gayon, patuloy na hinuhubog at hinahamon ng mga usapin sa akademya at sa lipunan.Liham-paanyaya at CHED Endorsement:
Sa ganang ito, bibigyang-tuon ng PSSP, sa ika-41 Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino ang anyo, pwersa, salik, hamon, at pagkilos ng/sa SP bilang malaya at mapagpalayang sikolohiya. Bahagi nito ang pagsusuri sa mga kaakibat na usaping gaya ng paglaban sa diskriminasyong kadikit ng uri, etnisidad, kasarian at sekswalidad, edukasyon, wika, edad, at iba pa. Sa huli, inaasahang mailatag ang gampanin ng SP sa pagtugon sa mga isyu sa kapasidad nito bilang disiplina at kilusan.
Mga Layunin ng Kumperensiya
1.) Matalakay at masuri ang katayuan ng Sikolohiyang Pilipino bilang malaya at mapagpalayang sikolohiya at ang papel nito sa akademya at sa lipunan;
2.) Magsagawa ng interdisiplinaryong talakayan ukol sa iba’t ibang anyo, usapin, at hamon ng/sa paglaya at pagpapalaya (identidad, edukasyon, pamamahayag, relihiyon, at iba pa);
3.) Magtampok ng mga bagong pananaliksik sa kultura, lipunan at sikolohiyang Pilipino; at
4.) Magbahagi ng mga kaalaman at kasanayan sa Sikolohiyang Pilipino.
Mga Tagapagsalita
Pangunahing Tagapagsalita
Dr. Nicanor G. Tiongson
Professor Emeritus
UP Film Institute
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Ang Pamumukadkad ng Sikolohiyang Pilipino sa New Wave Indie Film 2005-2015
Mula 1933 hanggang 2000, naghari sa industriya ng pelikula ang mga komersiyal na prodyuser, na nagpalaganap ng pelikulang genre na may de-kahong istorya, kilalang artista, at mga epektong nakaaaliw. Dahil dito, ginawang istiryotipo ang mga tauhan ng pelikula, upang mas madaling maisulong ang mga banghay na may wakas na didaktiko. Ngunit nang lumabas ang bago at napakamurang DV kamera noong 2000, nakalaya ang filmmaker sa tiraniya ng komersiyo at malayang nakapagpahayag ng kanilang personal na mga saloobin hinggil sa pagkatao at lipunang Pilipino. Inilarawan ng mga indie film sa isang realistikong paraan ang mga tauhan na dati’y hindi pinapansin ng pelikulang genre o paksain ma’y ginagawang istoryotipo. Kabilang sa mga pinaksa ng indie ang mga indibidwal na galing sa sektor ng maralitang taga-lungsod at panggitnang uri, ang mga tauhan ng midya, artista, manggagawa, pulis, kriminal, LGBT, katutubo at taga- rehiyon, bata, matanda, at PWD. Makatotohanan ang mga ito dahil inilalahad sa manonood ang kanilang pinanggalingan at ibig patunguhan, ang kanilang mga kaisipan, halagahin, at pananaw sa mndo at buhay. Higit pa, sila’y inilarawan sa paraang kritikal at may oryentasyong makatao. Gayunman, mapupuna na marami sa mga pelikula ay ginawa para sa panggitnang-uri at may mga tauhang nakakulong sa kanilang mga suliranin at halos di makasilay ng liwanag ng pag-asa.
Plenaryong Sesyon 1: Usapin at Hamon ng/sa Paglaya at Pagpapalaya sa Karapatang Pangkasarian sa Pilipinas
Dr. Sylvia Estrada-Claudio
Professor of Women and Development Studies
College of Social Work and Community Development
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Usapin at Hamon ng/sa Paglaya at Pagpapalaya sa Karapatang Pangkasarian sa Pilipinas
Sa papel na ito, ililihis ko nang kaunti ang diskusyon sa nakasanayan nang pagtatalakay ng usapin ng kababaihan sa SP. Sa halip, nais kong talakayin ang metodolohiya ng pagsusuri ng pwersa na nagbunsod ng isang kaganapan (power analysis). Minabuti ko ang ganitong lapit sa inatas sa aking paksa upang maipakita ang isang metodong magagamit ng mga paham, upang masiguro ang paglapat ng perspektiba ng kababaihan at iba pang sektor na nasa laylayan sa disiplina ng Sikolohiyang Pilipino.
Plenaryong Sesyon 2: Paglaya at Pagpapalaya sa Edukasyong Pilipino/Edukasyon sa Pilipinas
G. Edicio G. dela Torre
Pangulo
Education for Life Foundation/E-Net Philippines
Paglaya at Pagpapalaya sa Edukasyong Pilipino/Edukasyon sa Pilipinas
Marami-rami na rin ang naging pagsisikap tungo sa pagkakaroon ng isang malaya at mapagpalayang edukasyon sa Pilipinas. Hindi ito maihihiwalay sa konteksto ng iba’t ibang pagkilos para sa kalayaang pambansa at katarungang panlipunan. Ano ang mga aral na mahahango natin sa karanasan, para gamiting gabay sa kasalukuyang mga pagkilos?
Ang usapin ng pagiging malaya at mapagpalaya ng edukasyon ay karaniwang mas nakatutok sa nilalaman ng mga aralin. Mahalaga ito, ngunit kailangan ring bigyan ng pagpapahalaga ang pamamaraan ng pagtuturo. Gayundin, mahalaga ang pamantayan at paraan ng pagkilala sa pagkatuto.
Plenaryong Sesyon 3: Indibidwal at Kolektibong Pagpapatawad bilang Anyo ng Paglaya at Pagpapalaya
Prop. Darwin C. Rungduin
Dekano
Kolehiyo ng Malalayang Sining at Agham
Colegio de San Juan de Letran
Indibidwal at Kolektibong Pagpapatawad bilang Anyo ng Paglaya at Pagpapalaya
Ang pagpapatawad ay isang karanasan na nagdudulot ng gaan ng kalooban at kaisipan na nagmula sa pagpapalaya sa karanasang bunga ng sama ng loob. Dahil sa iba’tibang antas ng ating ugnayan – pansarili, ibang-tao, at panggrupo, ang pagpapatawad ay maaaring maganap ayon sa katangian ng mga ugnayan at sa mga pumapaloob na dinamiko nito. Sa paglalahad na ito, tatalakayin ang iba’t ibang salik na nag-uudyok sa mga tao upang magpatawad ayon sa iba’t ibang antas ng ugnayan. Ngunit, higit na bibigyang diin ang pagsasalarawan ng proseso ng pagpapalaya ng sarili sa bigat ng kalooban ng nararamdaman upang humingi at maghandog ng pagpapapatawad. Tatasahin ng papel na ito ang ginagampanan at nagiging dulot ng pagpapatawad sa ‘loob’ ng taong humihingi ng tawad at sa nagkakaloob nito. Sa huli, ihahain sa pagtalakay na ito ang isang balangkas na mag-uugnay sa pagpapatawad sa pagkakaroon ng gaan at gana sa buhay bilang bunga ng pagpapalaya sa bigat ng kalooban at sa paglaya mula sa isang kasalanan.
I-download: Liham Paanyaya at CHED Endorsement; Listahan ng mga Hotel sa Maynila
Mga Isponsor ng Kumperensiya:
Major Sponsor
Minor Sponsor