{"id":590,"date":"2016-11-01T06:52:06","date_gmt":"2016-11-01T06:52:06","guid":{"rendered":"http:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/?p=590"},"modified":"2018-01-05T03:41:48","modified_gmt":"2018-01-05T03:41:48","slug":"diwa-e-journal-tomo-4-nobyembre-2015-moral-na-pamantayan-at-pangangatwiran-ng-mga-bata-at-ina-sa-konteksto-ng-kahirapan","status":"publish","type":"post","link":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-4-nobyembre-2015-moral-na-pamantayan-at-pangangatwiran-ng-mga-bata-at-ina-sa-konteksto-ng-kahirapan\/","title":{"rendered":"[DIWA E-Journal Tomo 4, Nobyembre 2016] Moral na Pamantayan at Pangangatwiran ng mga Bata at Ina sa Konteksto ng Kahirapan"},"content":{"rendered":"<p><span style=\"color: #000000;\"><strong>Danielle P. Ochoa<\/strong><\/span><br \/>\n<span style=\"color: #000000;\"> Departamento ng Sikolohiya<\/span><br \/>\n<span style=\"color: #000000;\"> University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City<\/span><\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><span style=\"color: #000000;\"><strong>Abstrak<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Malawak na ang pananaliksik sa moralidad sa sikolohiya, ngunit kadalasang hindi napapansin ang konteksto, lalo na ng mga mula sa laylayan ng lipunan. Dahil dito, nilayon ng pananaliksik na ito na maunawaan ang moral na pamantayan at pangangatwiran ng mga bata at ng kanilang mga ina sa konteksto ng kahirapan. Sa ganitong layon, ginamit sa pananaliksik ang metodong pakikipagkwentuhan sa 12 batang may edad na 7 hanggang 14, at pakikipanayam sa kanilang mga ina. Binigyang-diin ang mga pamantayan ng respeto sa kapwa at nakatatanda, pagiging masunurin, pangangalaga sa mga relasyon, pag-iwas sa panganib at masasamang impluwensiya, respeto sa pagmamay-ari ng iba, at pag-aaral nang mabuti. Ang mga moral na pangangatwiran naman ay mas nakatuon sa kahihinatnan, maging sa bata mismo, sa kanyang pamilya, at sa ibang tao sa labas ng pamilya. Ang mga kahihinatnang tinalakay ay nagbibigay-halaga sa kapwa, hindi lamang sa mga taong may direktang kinalaman sa asal na tinutukoy, kundi pati sa ibang tao tulad ng pamilya at komunidad. Naging matimbang din ang kahirapan sa pagbibigay-diin sa mas matiwasay na kinabukasan ng bata at pag-ahon sa kahirapan, at pagpapanatili ng relasyon sa komunidad. Mula sa mga kinasapitan, kapansin-pansin ang halaga ng pag-unawa ng konteksto sa pag-aaral ng moralidad.<\/span><\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><span style=\"color: #000000;\">\u00a0<strong>Abstract<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>There is a rich body of research on morality in various areas of psychology. However, they do not always take into account the context of individuals, particularly those at the margins of society. Thus, this study examined the moral standards maintained by children and their mothers living in poverty, as well as their reasoning behind these standards. To achieve these objectives, <\/em>pakikipagkwentuhan<em> was used among a total of 12 children aged 7 to 14, while interviews were conducted with their respective mothers. Moral standards revolved mainly around deference to authority, respect, fulfillment of household and academic responsibilities, avoidance of vices, and maintenance of relationships within the family and community. Such standards are rooted in <\/em><em>reasoning oriented towards consequences, be it on the child, the family, or other people. These consequences emphasize the value of <\/em>kapwa<em>, not just in terms of the individuals directly involved in the behaviors, but even in relation to the family and the community. The context of poverty also weighs heavily, as they emphasize the importance of increasing children\u2019s chances of success and survival, and maintaining positive relationships within the community. These findings thus highlight the importance of considering contextual factors in understanding morality.<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ang moralidad ay isa sa mga pinapahalagahang paksa sa sikolohiya ng pag-unlad, kung saan pinakatanyag ang mga teorya nina Kohlberg (2008) at Piaget (1977). Bagaman tinitingnan ng mga teoryang ito ang mga yugto ng moral na pangangatwiran, ang mga pamantayang tinuturing moral ay naka-angkla lamang sa hustisiya at pagkakapantay-pantay, at hindi binibigyang-pansin ang posibleng mga pagkakaiba ng mga pamantayang ito sa iba\u2019t ibang konteksto. Mayroon namang ilang mga teoryang mas pinagtutuunan ng pansin ang mga kultural na aspeto ng moralidad, at pinag-aaralan ang pagkakaiba ng mga pamantayang moral ayon sa kulturang pinagmumulan ng indibidwal (Graham, atbp. 2012; Shweder at Haidt 1993). Ngunit tulad ng nabanggit ni Jensen (2008), may puwang pa ang mga pag-aaral na ito pagdating sa aspeto ng pag-unlad, sapagkat hindi masyadong tinitignan ang pagkakaiba sa iba\u2019t ibang yugto ng buhay. Maliban sa kultural na aspeto, posible ring may impluwensiya sa moralidad ang ibang konteksto. Ayon kay Bronfenbrenner at Evans (2000), mahalagang maunawaan ang pangkapaligirang konteksto, maging mga pangyayari, kalagayan, lugar, kultura, at iba pang mga salik na siyang may interaksyon sa mga proseso ng pag-unlad ng tao. Pagtutuunan ng pansin sa pananaliksik na ito ang konteksto ng kahirapan sa Pilipinas, na maaaring may natatanging mga pangangailangan, pagkabahala, panganib, pagpapahalaga, at pinagmumulan ng suportang may ugnayan sa moral na mga pamantayan at pangangatwiran ng mga bata at kanilang mga ina. Habang madalas naiuugnay ang kahirapan sa negatibong kinalabasan ng pag-unlad ng tao, mahalaga ring kilalanin ang mga katangian ng kontekstong ito na maaaring makatulong sa paglinang ng mas positibong kahihinatnan.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong><em>Mga Teorya ng Moral na Pangangatwiran<\/em><\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isa sa mga pangunahing teorya ng moralidad ay nagmumula kay Piaget (1977), na nagbigay ng mga yugto ng moral na pag-unlad. Kapag mas bata sa 7 taong gulang, sinasabing nasa <em>heteronomous <\/em>na antas ang bata, kung saan nakadepende ang \u00a0paghusga ng tama at mali sa utos ng awtoridad at posibilidad ng parusa. Sunod dito ang <em>moral realism,<\/em>kung saan mas binibigyang-pansin ng mga bata ang mga batas at obligasyon. Mas litaw para sa kanila ang mga kahihinatnan kaysa intensyon, sa pagtingin nila sa tama at mali. Pagdating sa <em>autonomous <\/em>na yugto, kinikilalang maaaring magbago ang mga batas kapag napagkasunduan, at pinahahalagahan na ang parehong layunin at kahihinatnan kasama ang pagiging makatarungan ng asal ng tao. Malawak man ang pagtanggap at suporta sa teoryang ito, may ilang pagkakaibang nakita sa mga batang Filipino (Jimenez 1976). Nakikita ng mga mas nakatatandang bata na anupaman ang layunin ng tao, ang pagdulot ng negatibong kahihinatnan ay dapat pa ring parusahan dahil sa abalang nadadala nito sa ibang tao. Kahit ang moral na pangangatwiran ng mga mas nakababatang kalahok ay nakatuon sa kahihinatnan, hindi lang sa posibleng pagsira ng kagamitan, kundi sa relasyon sa ibang tao. Dito maaaring makita ang pagpapahalaga ng mga batang Filipino sa relasyon sa kapwa sa kanilang moral na pangangatwiran.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Maliban kay Piaget, mahalaga ang teoryang nagmumula kay Lawrence Kohlberg (2008), na nagbuo rin ng mga antas ng moral na pangangatwiran. Sa unang antas (<em>Pre-Moral), <\/em>nakatuon ang pangangatwiran sa kahihinatnan sa taong gumawa ng tama o mali, maging pag-iwas sa parusa o pagtamo ng pakinabang sa kanya. Sa susunod na antas (<em>Morality of Conventional Rule Conformity), <\/em>mas matingkad ang mga pamantayang panlipunan, lalo na ang pagsunod sa batas upang makamit ang puri ng ibang tao, o mapanatili ang kaayusan sa lipunan. Sa pinakamataas na antas (<em>Morality of Self-Accepted Moral Principles),<\/em>ang pangangatwiran ay nakabase na sa sariling mga paniniwala at prinsipyo, at pagpapahalaga sa hustisya at karapatang pantao, kahit taliwas ito sa batas. Ayon kay Kohlberg, bihirang may umaabot sa ganitong antas.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Tulad ng teorya ni Piaget, may mga kultural na pagkakaiba rin sa teorya ni Kohlberg. Sa isang pananaliksik na naghahambing ng mga Briton at Koreanong bata (Baek 2002), bagamat nakitang may pagkakatulad sila pagdating sa pagkakasunod-sunod ng antas, mas nakatuon ang mga batang Koreano sa pagiging makatarungan. Mayroon din silang mga sagot na hindi pasok sa modelo ni Kohlberg. Halimbawa, binibigyang-pansin ng mga mas nakatatandang kalahok ang kultural na pagpapahalaga sa <em>chung<\/em>, o matinding paglalapit ng damdamin ng mga tao sa isa\u2019t isa paglipas ng panahon. Batay sa ganitong paglalarawan ng <em>chung, <\/em>maaari itong maihambing sa ating sariling pagpapahalaga sa kapwa. Sa mga pananaliksik na natalakay, nakikita ang mga pagkukulang sa sakop ng mga kanluraning teorya kapag inangkop sa ibang kultura at konteksto.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong><em>Mga Kultural na Lapit sa Moralidad<\/em><\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sa larangan ng sikolohiyang panlipunan, may mga mas makabagong teoryang tumitingin\u00a0 sa mga pamantayan sa labas ng katarungan at pagkakapantay-pantay, na siyang nagbibigay-pansin sa mga kultural na pagpapahalaga (Jensen 2008). Isa sa mga ito ang nagsasabing may tatlong etikang sensitibo sa pagkakaiba ng mga kultura: <em>Autonomy, Community, <\/em>at <em>Divinity <\/em>(Shweder, Mahapatra, &amp; Miller 1987; Shweder, Much, Mahapatra, &amp; Park 1997). Ang etika ng <em>Autonomy <\/em>ay kamukha ng pamantayang tinutukoy ni Kohlberg, kung saan ang indibidwal na karapatan, hustisya, at kalayaan ang pinaka dinidiin. Sa etika ng <em>Community<\/em>, mas pinahahalagahan ang tungkulin, katayuan, antas sa lipunan, at pagtutulungan. Sa etika ng <em>Divinity, <\/em>nasa sentro ang pagpapanatili ng natural na kaayusan at kalinisan, at pag-iwas sa kasalanan at kalaswaan, upang panatilihin ang kadalisayan ng katawan at kaluluwa. May mga kultural na pagkakaiba sa pagpapahalaga sa bawat etikang ito. Halimbawa, halos pantay-pantay ang pagturing ng mga Filipinong estudyante sa tatlong etika sa kanilang moral na pag-iisip, habang mas binibigyang-diin ng mga Amerikanong estudyante ang <em>Autonomy <\/em>(Vasquez, Keltner, Ebenbach, &amp; Banaszynski 2001). Gayunpaman, hindi pa malinaw ang mga pagkakaiba sa pagpapahalaga rito sa iba\u2019t ibang yugto ng buhay (Jensen 2008).<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Upang mas palawakin ang lapit nina Shweder (1987; 1997), binuo nina Graham atbp. (2012) ang <em>Moral Foundations Theory, <\/em>kung saan dinagdagan nila ang tatlong etika sa pagsusuri ng antropolohikal at <em>evolutionary <\/em>na mga pananaliksik para makahanap ng mga moral na pamantayan sa iba\u2019t ibang kultura. Mula rito, nabuo nila ang limang <em>moral foundations <\/em>o saligan<em>: Harm\/care,<\/em> <em>Fairness\/reciprocity, Ingroup\/loyalty, Authority\/respect,<\/em>\u00a0at<em> Purity\/sanctity. <\/em>Sa teoryang ito, walang tinuturing nakaaangat na pinakamahalagang saligan. Mas binibigyang-pansin ang pagkilala sa saligang pinahahalagahan ng mga indibidwal at grupo upang mas maunawaan ang mga taong may pagkakaiba sa moralidad. Sinasabi rin ditong may epekto ang moral na pag-iisip sa mga saloobin at asal. Tulad ng pananaliksik nina Vasquez atbp. (2001), nakita rin nina Graham atbp. (2012) ang ilang mga pagkakaiba sa pagpapatibay sa mga saligang ito: mas mahalaga sa mga Amerikanong liberal ang <em>Harm\/care<\/em> at <em>Fairness\/reciprocity<\/em>, habang ang mga konserbatibong Amerikano ay binibigyang halaga lahat ng limang saligan. Gayundin, sa mga kolektibistang kultura, mas binibigyang-halaga rin ang lahat ng limang saligang ito.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Mula sa mga kasalukuyang teorya at lapit, nakikita ang mga puwang sa ating kaalaman: pinapakita ng mga teorya nina Piaget at Kohlberg ang pag-unlad ng moral na pangangatwiran, ngunit limitado ang kanilang pagpapakahulugan sa moralidad. Nagbibigay naman ang mga kultural na teorya ng mas malawak na mga pamantayang moral, ngunit hindi tinitignan ang pag-unlad nito. Gayundin, nakatuon ang parehong lapit sa mga kategoryang nabuo sa kani-kanilang konteksto, na maaaring hindi kasali ang mga pagpapahalagang kultural ng mga Filipino. Mas binibigyang-timbang din nila ang mga metodo at sukat na maaaring hindi naisasama ang mga karanasan ng mga indibidwal at grupong nasa laylayan.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Batay sa mga puwang na ito, nilayon ng pag-aaral na maunawaan ang moral na pamantayan at pangangatwiran ng mga Filipinong bata at kanilang mga ina sa konteksto ng kahirapan. Inihambing din ang pananaw ng mga bata at kanilang mga ina, at ng iba\u2019t ibang edad ng mga bata upang maipakita ang pagkakatulad at pagkakaiba sa iba\u2019t ibang yugto ng kabataan. Gumamit ng kwalitatibong lapit ang pananaliksik upang bigyang-diin ang pinapahalagahan ng mga indibidwal batay sa kani-kanilang karanasan at konteksto, na maaaring maging mas angkop sa pagbuo ng teorya at programa tungo sa moral na pag-unlad ng mga bata. Sa paggamit ng kwalitatibong pamamaraan, hindi nilalayon ng pananliksik na patunayan ang alinmang partikular na teorya ng moralidad. Mas pinapahalagahan ang pagbibigay-pansin sa pananaw ng mga kalahok na naka-angkla sa kanilang sitwasyon, upang mas mapayaman ang pagkaunawa sa iba\u2019t ibang teorya, maging sa kalakasan o kahinaan man nila. Sa ganitong paraan din maaaring magbigay ng mga rekomendasyong mas naaayon sa pinagmumulan at pangangailangan ng kalahok at mga indibidwal na katulad nila.<\/span><\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><span style=\"color: #000000;\"><strong>METODO<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong><em>Mga Kalahok<\/em><\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isinagawa ang pananaliksik sa isang komunidad sa Quezon City. Labindalawang batang may edad na 7 hanggang 14, at ang kanilang mga ina ang naging bahagi ng pananaliksik. Bahagi ng batayan sa paghahanap ng kalahok ang pagiging pangunahing tagapangalaga ng bata, at sa pagkakataong ito, lahat sila ay mga ina ng mga bata. Pinaggrupo ang mga bata ayon sa kanilang mga yugto ng buhay (7-9 para sa kalagitnaan ng pagkabata, 10-12 para sa nahuhuling bahagi ng pagkabata, at 13-15 para sa maagang bahagi ng adolesens), na may tigalawang babae at lalaki sa bawat grupo. Gumamit din ng tatlong basehan ng kahirapan sa pagpili ng kalahok \u2013 dapat sila ay mahirap batay sa kinikita, sa sariling paghusga, at sa kakayahan. Pagdating sa kinikita, ginamit ang halagang P1,789 bawat miyembro ng pamilya kada buwan, na siyang batayan ng kahirapan noong nagkalap ng datos (Ordinario, 2012). Sa mga lumahok sa pananaliksik, ang karaniwang kinikita sa buong pamilya ay P7,058.33 sa pitong miyembro ng tahanan, o mga P996.47 kada tao. Kinailangan ding husgahan ng kalahok na hindi sapat ang kinikita nila para sa pang-araw-araw na pangangailangan, at pagturing sa pamilya nila bilang mahirap (Mangahas 2008). Ang kahirapan naman base sa kakayahan ay isinukat batay sa natapos na pag-aaral ng magulang, na dapat high school o pababa (Alkire at Santos 2010; Sen 1983, 1999).\u00a0 Upang siguraduhing naaayon ang mga kalahok sa mga pangangailangan ng pananaliksik, nagsagawa ako ng <em>purposive sampling<\/em> gamit ang isang sarbey.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong><em>Pagkalap ng Datos<\/em><\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Upang makakalap ng datos, nakipagpanayam ako sa bawat ina. Gumamit naman ako ng pakikipagkwentuhan sa tatlong grupo ng mga bata, batay sa kanilang edad. Sa dalawang nakababatang grupo, nagsimula ang pakikipagkwentuhan sa kanilang pagguhit ng isang mabuting bata. Ito ang naging paraan ng pagsimula ng talakayan, upang mabawasan ang pagkahiya ng mga bata sa akin bilang mananaliksik.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Dahil bahagi ito ng mas malaking pananaliksik, may ilang mga paksang tinalakay sa mga panayam at pakikipagkwentuhan na hindi tatalakayin dito. Para sa kasalukuyang papel, dalawang pangunahing tanong ang tinalakay: Anu-ano ang mga mabuting asal na dapat ginagawa ng mga bata, at bakit nasabing mabuti ito? Anu-ano ang mga masasamang asal na hindi dapat ginagawa ng mga bata, at bakit nasabing masama ito? Nilinaw ko ang mga sagot gamit ang dagdag na mga tanong sa takbo ng talakayan.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong><em>Pagsusuri ng Datos<\/em><\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Nirekord at <em>transcribe <\/em>ang bawat panayam at pakikipagkwentuhan, at isinuri gamit ang <em>thematic analysis <\/em>(Braun at Clarke, 2006). Nagtakda ako ng <em>code <\/em>para sa bawat makahulugang sagot gamit ang Qualyzer, isang libreng software para sa kwalitatibong pagsusuri. Pagkatapos nito, gumamit ako ng KJ analysis, kung saan pinagsama-sama ang mga code na may magkakauring tema sa tulong ng dalawa pang mananaliksik. Sa pamamaraang ito, kinakailangang pagkasunduan ng lahat ng mga tagasuri ang bawat temang mabubuo. Sa susunod na bahagi ng pagsusuri, ihinambing ko ang sagot ng mga ina at mga bata, at ng iba\u2019t ibang mga edad. Dahil nakagrupo ang sagot ng mga bata, at isa-isa ang panayam sa mga ina, ang pagsusuri ay hindi nakapares sa ina at anak, at hindi rin naipaghiwalay batay sa kasarian ang sagot ng mga bata. Pagkatapos ng pagsusuring ito, bumalik ako sa komunidad upang magkaroon ng sesyon para sa pagpapatunay ng mga kinasapitan. Magkahiwalay ang mga pulong ng mga ina at ng mga bata. Sa ganitong paraan, sinikap kong maging etikal ang aking pananaliksik, dahil sinigurado kong wasto ang aking interpretasyon ng kanilang sagot, at nabigyan din ng pagkakataong magnilay at matuto ang mga kalahok.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong><em>Etika ng Pananaliksik<\/em><\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Maliban sa pagpapatunay, sinigurado kong nasundan ang bawat hakbang para masegurong etikal \u00a0ang pananaliksik. Ipinaliwanag ko muna nang mabuti sa mga ina at mga bata ang mga layunin ng pananaliksik, at diniin sa kanilang hindi malalaman ng kahit sino ang kanilang identidad sa aking pagbabahagi ng pananaliksik. Nagpaalam din ako kung maaaring irekord ang kanilang panayam o pakikipagkwentuhan. Humingi ako ng pahintulot sa mga ina para sa paglahok nila at ng kanilang mga anak; gayundin, sinigurado kong may pahintulot akong nakuha mula sa mga batang kalahok. Sinigurado ko ring maging sensitibo sa pagsagot ng mga kalahok, nang hindi nagpupumilit magtanong kapag mukhang hindi sila komportableng sumagot. Sinigurado ko ring walang pahamak sa mga kalahok sa kahit anong hakbang ng proseso, at nagbigay ako ng simpleng regalo pagkatapos ng panayam o pakikipagkwentuhan bilang pasasalamat sa paglahok nila.<\/span><\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><span style=\"color: #000000;\"><strong>MGA KINASAPITAN<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong><em>Mga Moral na Pamantayan<\/em><\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Makikita sa moral na pamantayang pinanghahawakan ng parehong mga bata at ina na may kanya-kanyang konteksto at taong pinagtutuunan ang mga pamantayang ito. Tatalakayin dito ang mga pamantayang pampamilya, pamantayang panlabas, at pamantayang pansarili.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Pamantayang pampamilya<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sa loob ng tahanan, ang mga pamantayang ito ay may kinalaman sa pagkilala sa magulang bilang may awtoridad, relasyon sa mga kapatid, at responsibilidad sa tahanan. Ang pagkilala sa awtoridad ng magulang ay nakikita sa respeto sa magulang sa \u00a0pamamagitan ng pagsunod sa utos nang walang reklamo, pakikinig sa payo at paalala ng magulang, at pagsunod sa lahat ng mga patakaran ng mga magulang. Nabanggit ng ina ng batang 8 taong gulang, \u201c\u2019<em>Yun lang naman ang [pinapaalala] ko sa kanila, tumutulong sa bahay, mga utos, sumusunod.\u201d<\/em> Isa pang inaasahan sa bata ang kanilang pagpapaalam kapag aalis ng bahay, at pagsabi sa magulang kung nasaan sila kung hindi makakauwi agad. Lalong mahalaga ito sa mga ina ng mga batang 7 hanggang 9 na taong gulang, marahil dahil mas kinakailangan pa silang bantayan. Mahalaga rin sa magulang na hindi makisali ang mga bata sa usapan ng matatanda, lalo na kapag may mga bisita at hindi pambata ang paksa ng talakayan.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Maliban dito, mahalaga rin sa lahat ng kalahok ang pagpapanatili ng positibong relasyon ng magkakapatid, na nakikita sa kanilang pagtutulungan, pagbahagi ng gamit, pagmamahal, at respeto. Diniin ng ina ng batang 12 taong gulang na dapat, \u201c<em>Nagbibigayan sila kasi sila ang magkakapatid, basta sila magtutulungan<\/em>.\u201d Bahagi rin nito ang pag-alaga sa nakababatang kapatid, na mas inaasahang gawin ng nakatatandang kapatid. Kaugnay nito, mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-aaway ng magkakapatid. Tulad ng sabi ng grupo ng mga batang 7 hanggang 9 na taong gulang, <em>\u201cMinsan kinukulit ang kapatid kaya napapalo.<\/em>\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isa pang pamantayan sa tahanan ang pagtulong ng bata sa gawaing-bahay, at mas dinidiin ito ng mga ina ng mga batang 10 hanggang 14 na taong gulang. Sa mga may anak na nasa adolesens na, hindi lang pagsunod sa utos sa gawaing-bahay ang inaasahan, kundi ang pagkukusang gawin ito. Hindi lang edad ang nakaugnay sa gawaing bahay; isang salik din ang kasarian pagdating sa inaasahan ng mga ina sa pagtulong sa gawaing bahay. Naniniwala silang mas matulungin at masunurin ang mga batang babae, habang ang mga lalaki ay hindi masyadong gumagawa sa bahay kahit inaasahan ito sa kanila.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Partikular sa konteksto ng mga kalahok, inaasahan din ng mga inang maunawaan ng kanilang mga anak ang kahirapang kanilang nararanasan, na madalas nilang inilalarawan bilang isang kahig, isang tuka. Kasama sa pag-unawang ito ang hindi paghingi masyado ng materyal na bagay, at pagtitiis kapag hindi kayang mabigay ang kailangan nila. Ayon sa ina ng batang 11 taong gulang, \u201c<em>Marunong siya umintindi kung wala o meron<\/em><em>.\u201d <\/em>Habang mahalaga ito para sa mga ina, inaamin nilang hindi nila masyadong inaasahan sa mas nakababata nilang mga anak, at mas hinahanap nila ang pag-unawang ito sa mga mas nakatatandang anak.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Pamantayang panlabas<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Pinapahalagahan din ng mga bata at ina ang mga pamantayang may kinalaman sa asal nila tungo sa ibang tao. Isa sa mga dinidiin nila ang respeto para sa kapwa, na dapat ipakita sa magalang na pakikipag-usap, at sa mahabaging pakikitungo sa iba, kahit na naiiba sila. Banggit ng ina ng batang 11 taong gulang, \u201c<em>Ang gusto ko po yung maganda ang asal niya paglaki niya, yung marunong siya gumalang sa kapwa<\/em>.\u201d Lalong pinagdidiinan ang respeto sa nakatatanda sa pamamagitan ng pagsabi ng <em>po<\/em> at <em>opo<\/em>, pagmamano, at hindi pagsagot sa kanila. Ayon sa ina ng batang 9 na taong gulang,<em> \u201cKadugo o hindi, basta mas matanda sa \u2018yo, dapat nirerespeto.\u201d<\/em> Bagamat inaasahan ang pagrespeto sa nakatatanda, ayon sa mga ina, dapat din namang igalang ng nakatatanda ang mga bata. Dito nakikitang mas pinahahalagahan ang respeto sa kapwa kumpara sa tradisyon ng pagrespeto sa nakatatanda. Para sa ilang mga ina, mahalaga rin ang respeto ng mga bata sa sarili dahil nagbubunga ito ng respeto sa kapwa. Kaugnay sa pamantayan ng pagrespeto sa iba ang pagtulong ng mga bata sa ibang tao. Pinakamatingkad ito sa pinakabatang grupo ng mga bata, na nagbanggit na, \u201c<em>Ako tumutulong sa kapatid tsaka sa matanda at sa kapwa bata.<\/em><em>\u201d<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isa pang matingkad na pamantayan sa mga bata at mga ina ang pag-iwas sa pakikipag-away. Madalas itong nabanggit ng mga bata, na umaming lumalabag sila rito, lalo na kung gumaganti sila sa nangunang mang-away sa kanila. Diniin naman ng mga nanay na kapag may nanguna, dapat na lang umiwas ang bata. Kinuwento rin ng pinakamatandang grupo ng bata na mahalagang iwasan ang nakikita nilang karahasan sa komunidad nilang tinatawag bilang <em>panti-trip<\/em>, kung saan may mga barkadang nananapak ng mga taong dumadaan nang walang malinaw na dahilan. Sa mga ganitong pangyayari, nagiging matingkad ang mga panganib na nakikita sa kanilang konteksto, at ang pinagmumulan ng takot ng mga ina para sa kanilang mga anak.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Lalong taglay sa mga ina ang halaga ng pag-iwas sa mga masamang impluwensiya at panganib. Isa na rito ang pagbabarkada, lalo na sa mga taong may bisyo at nakikipag-away. Habang hindi naman nila tinuturing likas na masama ang barkada, maaari nilang mahubog ang isipan ng mga bata at maimpluwensiyahan ang kanilang pagkilos, lalo na kung mas pinakikinggan na ng bata ang barkada kaysa sa magulang nila. Sinasalamin ng isang ina ng batang 14 na taong gulang ang saloobin ng ibang mga ina nang sabihin niyang, \u201c<em>Siyempre iyong masasama [ang] ugali, masasamang asal, doon nakukuha sa barkada. Madadala ka kung saan-saan niyan<\/em>.\u201d Sa kasalukuyan, naniniwala ang mga ina na hindi pa malululon sa barkada ang kanilang mga anak, ngunit magiging mas mahalaga ang pag-iwas dito kapag umabot na ang anak nila sa adolesens.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Kaugnay din nito ang pamantayang hindi dapat maging tambay o gala ang isang bata, na dinidiin ng lahat ng ina, pati ng mga batang 13 hanggang 15 taong gulang. Lalong matinding paglabag ito kapag gabihin ang bata sa pagtambay at gala dahil sa panganib at masamang impluwensiya sa paligid. Sa pagkalarawan nga ng isang ina ng batang 14 taong gulang, \u201c<em>Parang masyadong naging brutal na iyong lugar namin eh, kaya iyong mga bata, alarma sa mga ganoon. Andiyan na iyong [naghahagisan] ng bato, nagtatagaan ng itak, kaya alam na nila.<\/em><em>\u201d <\/em>Naniniwala ang mga inang magdudulot ang mga impluwensiyang ito sa pagkalulon ng bata sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagdodroga, at pagsusugal, na kitang-kita nilang nagaganap sa kanilang komunidad. Para sa ilang ina ng mga lalaki, isa pang bisyong dapat iwasan ng mga anak nila ang paglalaro ng kompyuter, na maaari ring makasira sa anak nila kung masobrahan.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ang huling pamantayang sa bahaging ito ay may kinalaman sa pagmamay-ari ng iba. Lubos na ipinagbabawal ang pagkuha ng hindi kanila, maging pangungupit man o mas malaking krimen ng pagnanakaw. Kahit ang pakikialam sa gamit ng iba, tulad ng paggamit nang walang paalam o pagtago ng gamit na naiwan ng iba ay tinuturing masama rin. Hindi man ito kasing sama ng pagnanakaw, naniniwala ang mga kalahok na may paglabag pa rin ito sa pagmamay-ari ng ibang tao. Parehong alam ng mga bata at ina ang problema ng pagnanakaw sa kanilang komunidad, kung saan binansagan na sila ng ibang mga barangay. Kwento ng ina ng batang 14 na taong gulang, \u201c<em>Maraming magnanakaw, nakakahiya itong lugar namin. Oo, kapag sinabing, \u2018Taga saan kayo?\u2019 \u2018Sa [housing].\u2019 \u2018Ano dyan sa [housing], maraming magnanakaw.<\/em><em>\u201d<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Pamantayang pansarili<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Nangunguna sa mga mabuting asal na inaaasahan sa bata ang pag-aaral nang mabuti, maging pagtatapos hanggang high school, paggawa ng homework, pagpasok sa klase, pag-una sa pag-aaral kaysa paglalaro, at pagkamit ng mataas na grado, lalo na sa mga batang may scholarship. Mas nakikita rin ang pangmatagalang inaasahan ng mga ina, tulad ng nabanggit ng ina ng batang 11 taong gulang na, \u201c<em>Gusto ko siyang makatapos. Kasi pangarap niya \u2018yun, na makapagtapos siya sa pag-aaral niya<\/em>.<em>\u201d<\/em> Bagamat minsan ay may mga pagkakataong hindi pinapapasok ng mga magulang ang kanilang anak dahil wala silang mabigay na pambaon, hindi nila hinahayaang tuluyang tumigil ang kanilang anak sa pag-aaral.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isa pang natalakay ng iilang mga kalahok ang pagtupad sa mga tungkulin sa kanilang pananampalataya, tulad ng pagdarasal, pagsisimba, at pagbabasa ng bibliya. Kahit karamihan ng mga Filipino ay Katoliko, at ang housing ay hawak ng isang relihiyosong organisasyon, dalawang ina at ang mga batang 10 hanggang 12 taong gulang lamang ang nagbanggit ito.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ang huling pamantayang pansariling tinalakay ng mga ina ay may kinalaman sa gawaing sekswal. Batay sa edad ng kanilang mga anak, hindi naman nila tinutukoy ang pakikipagtalik mismo, ngunit mga gawaing maaaring may epekto kapag tumanda ang bata, tulad ng pagnood ng mga bastos na palabas sa telebisyon. Mas madalas din talakayin ng mga ina ng babaeng bata ang mga may kinalaman sa gawaing sekswal, kung saan dinidiin nilang dapat iwasan ito ng mga anak pagtanda nila. Ginagamit nga nila ang salitang <em>pamomokpok<\/em> kapag tinatalakay ang iba\u2019t ibang gawain, mula sa pakikipaglambingan sa harap ng ibang tao, hanggang sa pakikipagtalik. Ayon sa ina ng batang 11 taong gulang, \u201c<em>Mga bata pa na mayroong kasamang mga lalaki na hindi naman magandang tignan\u2026<\/em> <em>Kasi po \u2018yung ibang bata, kumbaga ang sabi nila, namomokpok. \u2018Yun yung ayaw ko<\/em>.\u201d Ginagamit nila ang salitang <em>pamomokpok<\/em> kapag tinutukoy ang mga babaeng tinuturing nilang malandi, ngunit kasali rin dito ang mga babaeng nakatambay sa labas kapag gabi, dahil parang naghihintay sila ng mamimili sa kanila sa kalye. Iniugnay nila ang pamantayang ito sa kanilang takot na mabuntis o kaya mapagsamantalahan ang kanilang anak na babae.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><strong>\u00a0<\/strong><strong>Moral na Pangangatwiran<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">May sari-saring dahilan ang mga bata at ina sa pagpapaliwanag kung bakit mabuti o masama ang mga natalakay nilang mga asal. Maaaring maihanay ang pangangatwiran ng mga bata at ina sa dalawang grupo: katarungan at pamantayang panlipunan, at mga kahihinatnan. Tulad ng makikita sa susunod na bahagi ng papel, mas matimbang ang mga kahihinatnan sa moral na pangangatwiran.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Mga kahihinatnan<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ang pangangatwiran ng mga bata at ina tungkol sa kahihinatnan ng pagsunod o paglabag sa mga pamantayan ay hindi lamang sa mga taong direktang may kinalaman sa sitwasyon, kundi pati sa pamilya at sa mas malawak na komunidad. Gayundin, makikitang ang kahihinatnan ay maaaring mangyari nang agad-agaran o sa malayong kinabukasan pa ng bata.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Kahihinatnan sa bata.\u00a0\u00a0<\/em>Matimbang ang kahihinatnan sa kinabukasan ng bata, at hindi lang sa kasalukuyan, sa moral na pangangatwiran ng kanilang mga ina. Halimbawa, sinasabi ng mga inang mahuhubog ang pagkatao ng mga bata batay sa mga mabubuti o masasamang gawain nila. Ayon sa ina ng batang 9 na taong gulang, dapat iwasan ang bisyo dahil, \u201c<em>nakakasira iyan sa pagkatao nila.<\/em>\u201d May kinalaman din dito ang paniniwala ng mga inang dapat iwasan ang ilang masasamang asal dahil maaaring magdulot ang mga ito ng mas malalang mga gawain sa kinabukasan ng bata. Isang tinukoy rito ang pangungupit, na maaaring maging pagnanakaw sa kinabukasan. May mga gawain ding hindi naman masama mismo, ngunit maaaring magdulot ng mas malubhang gawain. Madalas banggitin dito ang pagbabarkada, na posibleng paraan ng pagkalulon ng bata sa bisyo o pakikipag-away, at pagkasira sa kinabukasan ng bata. Tulad ng nabanggit ng ina ng batang 12 taong gulang, \u201c<em>Nagiging <\/em>priority<em> niya ang barkada. Mapapariwara ang buhay niya. Ayaw ko po \u2018yun. Pangarap ko po sa anak ko, kahit kami ay naghihirap, maging maayos ang pamumuhay nila<\/em><em>.\u201d<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sa kabilang dako, maaari ring magdulot ang kasalukuyang mabuting asal ng magandang kahihinatnan sa kinabukasan ng bata. Sa pagtupad ng responsibilidad sa bahay, mas kaya na ng batang suportahan ang kanyang sarili sa kinabukasan. Madalas banggitin ng mga inang hindi nila maaalagaan ang anak nila habambuhay, kaya nais nilang tiyaking kaya na nila ang sarili nila pagtanda nila. Maliban dito, nakikita rin ng mga ina pati na rin ng dalawang mas nakatatandang grupo ng bata na ang pag-aaral nang mabuti ay may positibong maidudulot sa kinabukasan, tulad ng pagkakaroon ng magandang trabaho, pag-ahon sa kahirapan, at pagtupad ng pangarap.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Nabanggit din, ngunit hindi kasing tingkad, ang relihiyosong pangangatwiran pagdating sa kinabukasan ng bata. Iilang ina, at ang mga batang 10 hanggang 12 taong gulang ang nagsabing kalulugdan sila ng Diyos kapag gumawa sila ng mabuting asal. Ayon sa ina ng batang 11 taong gulang, \u201c<em>Kasi sinasabi nila, \u2018pag tumulong ka sa nakatatanda, kinalulugdan ka ng Diyos. \u2018Yun ang laging sinasabi sa akin ng nanay namin.<\/em><em>\u201d<\/em> Naniniwala rin ang grupo ng mga batang 10 hanggang 12 taong gulang na gagabayan sila ng Diyos kapag nagsimba at nagdasal sila. Kapag gumawa naman ng masama, sinabi nilang mapaparusahan sila sa kinabukasan, maging sa pagpunta sa impiyerno o pagkagalit ng Diyos.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Para sa mga bata naman, mas nakatuon ang kanilang pansin sa agad-agarang kahihinatnan ng kanilang mabubuti at masasamang asal. Kadalasan din ay mas konkreto ang binibigay nilang dahilan, na may kinalaman sa tinutukoy na dapat o hindi dapat gawin. Halimbawa, sinasabi ng mga batang 13 hanggang 15 taong gulang na mas magkakaroon ng kaibigan ang umiiwas makipag-away. Para sa mga ina naman, mas malawak ang nakikitang kahihinatnan ng mabuting asal ng bata. Pagdating sa pahamak na maaaring maidudulot ng masamang asal, mas binibigyang-diin ito ng mga ina at mga batang 7 hanggang 9 at 13 hanggang 15 taong gulang, at mas malinaw nilang napapaliwanag ang maaaring mga kahihinatnan. Lumilitaw dito ang posibilidad ng pisikal na pahamak at panganib sa masasamang elemento sa komunidad kapag gumala, tumambay hanggang gabi, at makipag-away ang bata. Mas nagiging mulat din sa bisyo, tulad ng sabi ng ina ng batang 7 taong gulang: \u201c<em>Kaya iniiwasan ang bisyo para hindi sila mapahamak. Maya-maya kasi nagbibisyo, umiinom, o kaya nambababae. Marami na kasi \u2018yung mga pinapanood natin, \u2018yung pinapatay sa inuman.<\/em>\u201d Ayon din sa mga batang 13 hanggang 15 taong gulang, \u201c<em>Mapapahamak ka po kasi pwede ka pong mamatay<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isa pang uri ng kahihinatnan ay may kinalaman sa pabor o parusa mula sa may kapangyarihan, na mas lumitaw sa pangangatwiran ng mga bata. Madalas nilang banggiting dapat iwasan ang masasmang asal upang hindi maparusahan ng magulang. Sa lahat ng grupo ng bata, kadalasan ay iniiwasan daw nilang mapagalitan, habang sa dalawang mas batang grupo, kasali rin ang pamamalo sa kanilang nais maiwasan. Para sa parehong bata at ina, isang uri rin ng kahihinatnang may kinalaman sa awtoridad na naging matingkad ang pagkakakulong o panghuhuli na nangyayari sa barangay, na siyang maaaring maidulot ng mga sala tulad ng pagnanakaw at malubhang pakikipag-away.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Maliban sa parusa mula sa awtoridad, isa ring kahihinatnang binigyang-pansin ang pagtingin at pagkilos ng ibang tao tungo sa bata bunga ng kanilang mabuti o masamang asal. Nakita sa mga bata ang pagpapahalaga sa positibong pagtingin at pagtrato sa kanila ng iba, lalo na ng kanilang magulang, kapag gumawa sila ng mabuting asal. Nasalamin din ito ng sagot ng mga inang nagsabing ang mabuting asal ng bata para sa iba ay magbubunga ng respeto at tulong mula sa ibang tao sa panahong kinakailangan ito ng mga bata. Ayon sa ina ng batang 12 taong gulang, \u201c<em>Kung marunong po sila sa isang bagay, sa trabaho sa bahay, kahit saan po sila matira, hindi sila itataboy. Kasi masipag po sila eh<\/em>.\u201d Sa kabilang dako, ang masamang asal ay magdudulot ng masamang pagtingin at kawalan ng respeto sa bata. Dagdag ng mga ina, kahit hindi gumawa ng masama ang bata, ang pakikipag-ugnayan niya sa masamang barkada ay sapat na upang magdulot ng negatibong pagtingin sa bata.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Hindi lang ang mga hayag na kahihinatnang ito ang inaalala ng mga ina; ayon sa kanila, maaring may matamo o mawala rin ang bata sa sarili nila kapag gumawa sila ng mabuti o masamang asal. Kapag gumawa sila ng mabuti, ayon sa ilang ina at mga batang 10 hanggang 12 taong gulang, gaganda ang pakiramdam ng bata sa sarili niya. Mayroon ding mga nanay na nagsabing maaaring magbigay ng dangal ang kabutihan, kahit pa naghihirap sila, dahil matatamo nila ang respeto at paghanga ng iba.\u00a0 Banggit ng ina ng batang 9 na taong gulang, \u201c<em>Walang silbi ang may pinag-aralan kung wala kang galang. Para na rin[g] pinag-aralan ang pagiging magalang sa isang tao. Balewala lang din ang mataas na pinag-aralan mo kung hindi ka marunong makipagkapwa-tao<\/em>.<em>\u201d<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Kaugnay nito ang konsepto ng <em>hiya<\/em>, na tumatawid sa konteksto ng sarili at pamilya, pati na rin ng panloob at panlabas na kahihinatnan. Ayon sa ilang mga ina, nakakahiya para sa bata at sa kanyang pamilya kapag nagkasala ang bata, lalo na kapag ang kanyang nagawa ay malaman ng ibang tao. Pinaka nakakahiya para sa bata at sa pamilya ang pagnanakaw at pagsisinungaling, pati ang pakikipag-away sa iba. Ayon sa ina ng batang 14 na taong gulang, \u201c<em>Kasi po \u2018yong may maidudulot po ng pag-aaway ng anak ko sa iba&#8230; Siyempre po kahihiyan ng magulang<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Kahihinatnan sa pamilya.\u00a0\u00a0<\/em>Nagiging nakakahiya rin para sa pamilya ang mga kasalanan ng bata dahil sinasalamin nito ang pagpapalaki ng magulang \u2013 isang dahilang narinig sa parehong mga ina at mga bata mula sa dalawang mas nakatatandang grupo. Ayon sa mga pinakamatandang bata, \u201c<em>Pag-uusapan po \u2018yung [aking] magulang na hindi [ako] tinuturuan ng magandang asal<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Maliban sa mga kahihinatnang may kinalaman sa ibang tao, may ilang mga benepisyo rin ang mabuting asal ng bata para sa magulang mismo. Ayon sa mga ina, ang mabuting asal ng bata ay magbibigay sa kanila ng panatag na loob. Hindi ito nabanggit ng mga bata, marahil dahil hindi pa nila buong nauunawaan ang saloobin ng kanilang mga ina. Gayunpaman, kinikilala ng mga bata mula sa dalawang mas nakatatandang grupo ang epekto ng kanilang mabuting asal sa pagpapagaan ng gawain ng magulang nila. Ayon sa kanila, mahalagang tumulong sa bahay, \u201c<em>para mabawasan ang gawain ng magulang<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Lumilitaw din sa pangangatwirang may kinalaman sa pamilya ang utang na loob ng bata sa magulang. Ayon sa mga magulang at mga bata sa dalawang nakatatandang grupo, ang respeto sa magulang ay isang paraan ng pagpapakita ng pasasalamat at utang na loob sa suporta at pagpapalaki ng magulang sa anak. Halimbawa, sabi ng mga batang 10 hanggang 12 taong gulang, \u201c<em>Kasi parang hindi mo na sila (ang magulang) ginagalang eh\u2026Tapos wala ka nang utang na loob\u2026 Kasi pinalaki ka nila tapos sasagut-sagutin mo lang<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Kinikilala rin ng mga bata na may epekto ang kanilang mabuting asal sa buong pamilya at hindi lang sa kani-kanilang magulang. Sa pag-aalaga ng nakababatang kapatid, maiiwasan ang pahamak sa kanila, at makakatulong din sila sa magandang pagpapalaki ng kapatid. Ang pag-iwas din ng pag-aaway ay magpapanatili ng kapayapaan at katahimikan sa tahanan. Ayon din sa ilang ina at sa mga batang 10 hanggang 12 taong gulang, maaaring maging halimbawa sa nakababatang kapatid ang kanilang sariling asal. Dagdag pa rito, ang pagkalulon sa bisyo ay maaaring maging pabigat sa pamilya at magdudulot ng pag-aksaya sa kanilang pera. Banggit ng mga batang 10 hanggang 12 taong gulang, \u201c<em>Ginagasta iyong pera imbis sa pagkain na lang<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Naging matingkad dito sa bahagi tungkol sa kahihinatnan sa pamilya ang pagiging sensitibo ng parehong ina at dalawang nakatatandang grupo ng bata sa epekto ng kanilang ginagawa sa buong pamilya. Hindi pa ito gaanong hayag sa mga batang 7-9 taong gulang, na maaaring limitado pa ang kakayahang makita ang mga epekto na hindi gaanong tuwiran.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Kahihinatnan sa ibang tao.\u00a0\u00a0<\/em>Hindi kasing litaw sa pangangatwiran ng mga ina at bata ang kahihinatnan ng kanilang mabuti at masamang asal sa mga tao sa labas ng pamilya. Halimbawa, ang mga batang 7 hanggang 9 na taong gulang lamang ang nagsabing mahalagang tumulong sa iba upang mapagaan ang kanilang pasan. Ayon sa kanila, mahalagang tumulong sa iba, \u201c<em>para hindi siya mapagod<\/em>.\u201d Ang mga batang 13 hanggang 15 taong gulang lang din ang nagsabing hindi dapat pakialaman ang gamit ng iba dahil baka maabala sila kapag hindi nila mahanap ang gamit nila. Mas madalas nabanggit ng mga bata at mga magulang ng pinakamatandang grupo ang halaga ng pag-iwas sa pag-aaway at pagmumura dahil nakasasakit ito ng ibang tao.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Maliban dito, mayroong naging matingkad na pangangatwiran sa lahat ng grupo, at pinaka naging hayag sa mga ina ng batang 7 hanggang 9 na taong gulang \u2013 ang pagkakasala ng bata ay maaaring magdulot ng hindi pagkakaintindihan at away sa magkakaibigan, mga kapitbahay, at iba pang miyembro ng komunidad. Madalas nabanggit ng mga bata na hindi dapat makipag-away sa mga kaibigan at kaklase dahil baka magbunga ito ng away sa kanilang mga ina. Nabanggit ng mga batang 7 hanggang 9 na taong gulang, \u201c<em>Kasi mapapaaway din ang mga magulang [namin]<\/em>.\u201d Ang pagtsitsismisan din ay dapat iwasan dahil baka mag-away ang mga magkakapitbahay. Dito nakikita ang halaga ng maayos na relasyon sa komunidad, na kinikilala kahit ng mga bata.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\"><em>Katarungan at patakarang panlipunan<\/em><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Hindi lahat ng moral na pangangatwiran ay nakatuon sa kahihinatnan. May ilan ding nakaangkla sa mga patakaran at prinsipyo. Halimbawa, maraming mga inang nagsabing may mga masamang asal na dapat iwasan dahil likas na masama sila. Ayon sa ina ng batang 8 taong gulang, \u201c<em>Hindi na dapat tinatanong pa \u2018yong ganon kasi alam naman nating lahat na masama \u2018yon, \u2018di ba?\u201d <\/em>Kabilang dito ang pagmumura, pagsagot sa magulang, pagnanakaw, at pag-aaway ng magkakapatid. Habang may mga asal na itinuring likas na masama, wala sa mga nabanggit na mabuting asal ang nasabing dapat gawin dahil likas na mabuti sila. Marahil itinuturing mas mahalaga ang pag-iwas sa masasamang asal kaysa paggawa ng mabubuting asal. Posible ring nahirapan ang mga kalahok na makahanap ng salita upang ipaliwanag ang kanilang saloobin.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Kung ikukumpara sa kani-kanilang mga ina, mas binigyang-pansin ng mga bata ang katuwiran at pagkakapantay-pantay sa kanilang pangangatwiran. Sa lahat ng grupo ng bata, nabanggit na dapat tulungan at igalang ang iba dahil ito ang nararapat na pagtrato sa kahit sino. Halimbawa, sinabi ng pinakamatandang grupo ng mga batang hindi dapat pinagtatawanan ang mga taong may kapansanan, \u201c<em>kasi po tao din sila.\u201d <\/em>Sa ganitong paraan kinikilala nila ang pagkatao ng bawat isa, at ang karapatang maituring nang naaayon dito. Nakita rin sa kanilang sagot ang pagbibigay-halaga sa karapatan ng tao sa kanyang pag-aari bilang dahilan sa pag-iwas sa pagnanakaw at pakikialam sa gamit ng iba, lalo na sa dalawang mas matandang grupo ng bata at sa mga ina ng pinakamatandang grupo. Ayon sa mga batang 10 hanggang 12 taong gulang, \u201c<em>Hindi mo naman pinaghirapan\u2026 Dapat paghirapan mo kung gusto mo<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Para sa mga ina naman, mas lumitaw ang patakarang panlipunan sa kanilang moral na pangangatwiran. Madalas nilang binibigyang dahilan para sa pag-iwas ng mga bata sa masasamang asal tulad ng pagsagot sa magulang, pagmumura, paninigarilyo, at mga sekswal na gawain ang pagiging pangit tignan sa bata. Sa ganitong pangangatwiran, tinuturing masama ang ilang mga bagay dahil sa edad ng bata, at nagiging katanggap-tanggap na ito kapag tumanda sila. Gayundin, ang pagsunod sa utos at paggalang sa nakatatanda ay tinuturing mabuti dahil ito ang inaasahan sa mga bata. Nakita ang paniniwalang ito sa ina ng batang 8 taong gulang na binanggit, \u201c<em>Dahil magandang pag-uugali ng bata\u2019 yan. \u2018Yan ang unang-unang&#8230; noong araw pa sa ninuno namin, \u2018yan ang unang-una naming kinalakihan, ang gumalang sa matanda<\/em>.\u201d<\/span><\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><span style=\"color: #000000;\"><strong>PAGTALAKAY<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Nilayon ng pananaliksik na maunawaan ang moral na pamantayan at pangangatwiran ng mga bata at ina sa konteksto ng kahirapan gamit ang kwalitatibong lapit. Lumitaw ang mga grupo ng pamantayan bilang pampamilya, panlabas, at pansarili. Pinaka binigyang-diin ang mga pamantayan ng respeto sa kapwa at nakatatanda, pagsunod sa utos ng naktatanda, pangangalaga sa mga relasyon, pag-iwas sa panganib at masasamang impluwensiya, pagrespeto sa pagmamay-ari ng iba, at pag-aaral nang mabuti.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ang mga moral na pangangatwiran naman ay may kinalaman sa kahihinatnan ng mabuti o magandang asal, at sa katarungan at patakarang panlipunan. Mas diniin ang mga kahihinatnan, maging sa bata mismo, sa kanyang pamilya, o sa ibang tao sa labas ng pamilya. Mahalagang bigyang-pansin ding ang mga kahihinatnang tinalakay ay hindi lamang sa mga taong direktang may kinalaman sa asal na tinutukoy, kundi pati sa ibang tao tulad ng pamilya at komunidad. Habang mas nakatuon ang mga bata sa agarang kahihinatnan, lalo na ang matatamong benepisyo o matatanggap na parusa, mas iniisip naman ng mga ina ang kinabukasan ng bata, at mas matingkad sa kanila ang mga posibleng kawalan sa bata dulot ng kanyang masamang asal. Taglay sa kanila ang kakayahan ng batang suportahan ang sarili sa kinabukasan at makaahon sa kahirapan.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Mayroon ding pagkakaibang nakita pagdating sa edad ng mga bata. Katulad ng nakasaad sa mga teorya nina Kohlberg (2008) at Piaget (1977), ang mga mas nakababatang kalahok ay mas pinagtutuunan ng pansin ang mga parusa at magandang pagtingin sa kanila ng mga nakatatanda. Gayunpaman, kahit ang mga batang 7 hanggang 9 na taong gulang ay may pagkilala sa pananaw ng ibang taong maaaring maapektuhan ng kanilang ginagawa \u2013 alam nilang ang masamang asal nila ay maaaring magdulot ng gulo sa kanilang pamayanan. Maliban dito, mas matingkad pa rin sa pangangatwiran ng dalawang mas matandang grupo ng bata ang kanilang pag-unawa sa epekto ng kanilang asal sa kapakanan at saloobin ng ibang tao sa paligid nila. Kapansin-pansin ding mas kaunti ang mga sagot ng mga bata sa ganitong edad, na posibleng bunga ng kanilang mas limitadong kakayahang sabihin ang kanilang saloobin. Dito nakikita ang mga limitasyon sa pag-iisip ng mga mas nakababatang kalahok, na mas payak pa ang isipan\/bokabyularyo sa mga nakatatandang kalahok.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Mas nagiging matingkad ang kaibahan ng mga batang 7 hanggang 9 na taong gulang kumpara sa dalawang mas matandang grupo kung pag-uusapan ang mga diniin ng kanilang mga ina. Taglay sa sagot ng mga ina ng pinakabatang grupo ang pagtiyak na kontrolado nila ang kapaligiran at mga impluwensiya sa kanilang anak. Maaaring may kinalaman ito sa paniniwalang mas madaling maakit ang kanilang batang anak ng masasamang elemento kapag hindi nabantayan, at mapahamak sa mga panganib na nakapaligid sa kanila (De Leon 2010). Dahil dito, maaaring mas ninanais nilang pangalagaan ang anak sa ganitong murang edad. Kahit ano pang edad ng bata, madalas nasa isip ng mga inang kalahok ang mga panganib na nakapaligid sa kanila \u2013 laganap ang pagnanakaw, panggagahasa, at karahasan, lalo na sa gabi. Sa pananaw ng mga ina, ang mga maliliit na bata at babae ay maaaring maging biktima, at mga lalaki ay posibleng maging pasimuno nito. Ang takot na ito ang isang nagiging batayan ng mga pamantayan upang siguraduhing mapalayo ang kanilang mga anak sa ganitong mga panganib. Sa pag-iwas dito, mas masisiguro nila ang kinabukasan ng anak nila\u2014kinabukasang hindi masisira ng bisyo at karahasan.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ang pagpapahalaga sa kinabukasan ng bata ay hindi lang tungkol sa pag-iwas sa pahamak. Ang inaasam ng mga ina, at sinisikap ng mga bata, ay ang pag-ahon sa kahirapan at pagkakaroon ng katiwasayan. Marami sa mga pamantayan at pangangatwirang nakita ay tungo rin dito. Habang kasali rito ang pag-aaral nang mabuti, kahit ang ibang mga pamantayan tulad ng pagtulong sa gawaing-bahay ay maaaring makatulong tungo sa magandang kinabukasang ito, dahil natututo ang batang suportahan ang sarili niya at ang kanyang pamilya.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Maliban sa edad ng bata at konteksto ng kahirapan, maaaring kaugnay rin sa mga nakitang pamantayan at pangangatwiran ang mga paniniwala tungkol sa mga bata sa kulturang Filipino. Isang temang madalas nakikita sa pananaliksik tungkol sa mga pahalagang Filipino at pagpapalaki ng bata ang kahalagahan ng mga herarkiya (Save the Children 2006; Dela Cruz, atpb. 2001; Domingo 1977; Bulatao 1973; Guthrie &amp; Azores 1968), kung saan kadalasang nailalagay ang mga bata sa pinakababa (Torres 1985). Ang mga paniniwalang ito ay maaaring magbunga sa mga inaasahan sa batang maging masunurin at magalang sa nakatatanda, lalo na sa magulang. Maaari ring may kinalaman ang kultura sa paniniwala tungkol sa bata, tulad ng kanilang pagiging mainipin at makulit (Dela Cruz, atbp. 2001), at ang kanilang kahinaan sa mga panlabas na impluwensiya (De Leon 2010).<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isa pang kultural na aspetong taglay sa mga pamantayan at pangangatwiran ang pagpapahalaga sa pamilya, na tinitingala sa ating kultura (Bulatao 1973) at dinidiin sa paglinang ng bata (Garo-Santiago, Mansukhani, &amp; Resurreccion 2009). Kitang-kita sa pag-aaral na itong karamihan ng mga sagot ng kalahok ay umiikot sa pamilya. Kahit ang mga asal ng bata sa labas ng bahay ay tinuturing may epekto sa pamilya, bilang sumasalamin ito sa pamilya at pagpapalaki ng magulang (De Leon 2010; Sta. Maria, Reyes, Mansukhani, &amp; Garo-Santiago 2009; Dela Cruz, atbp. 2001). Kapag nagkasala ang bata, nakakahiya ito para sa kanya at sa magulang niya. Para sa iba, maaaring ang hiyang ito ay makita ayon sa mababaw lamang na pagkapahiya,ngunit batay sa sagot ng mga kalahok, lalo na ng mga ina, maaaring maging mas malalim ang hiyang ito, bilang kawalan ng dangal dulot ng pagpapawalang-halaga sa kapwa (Enriquez 1992).<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Tunay na naging matingkad nga sa mga sagot ng mga kalahok ang pagpapahalaga sa kapwa, lalo na sa pamilya, na siyang nasa pinakamataas na antas ng kapwa. Sa ganitong paraan, ang pangangatwiran ng mga bata at ina ay tinutuunan ng pansin ang kapakanan ng pamilya. Gayundin, hindi hiwalay ang sarili sa mas malawak na komunidad \u2013 kahit ang mga pinakabatang bata ay nauunawaang ang kilos nila ay may epekto sa kanilang kapwa at komunidad. Taglay din ang kapwa sa pagdiin sa paggalang, hindi lang sa nakatatanda, kundi sa lahat ng tao. Lalo pang naging mahalaga ang pakikipagkapwa sa konteksto ng kahirapan. Sa kanilang sitwasyon, mahalagang pinagkukunan ng suporta ang ibang mga miyembro ng komunidad. Dahil dito, lalong nagiging mahalaga ang relasyon sa isa\u2019t isa, kung kaya\u2019t mas pinapangalagaan ang pakikipagkapwa. Madalas ding nanganganib ang kapayapaan sa komunidad, lalo na sa mga bisyo at krimen na pumapaligid dito, at sa pang-araw-araw na paghihirap na nararanasan ng bawat isa. Sa ganitong konteksto, lalong nag-iingat ang mga kalahok na hindi mapaaway para manatili ang suporta ng kapwa sa kanila.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ngunit hindi lang naman praktikal ang silbi ng pakikipagkapwa sa mga kalahok. Kinikilala rin ito bilang pinagmumulan ng dangal at lakas sa gitna ng kahirapan. Madalas binabanggit ng mga ina na hindi matatawaran ng respeto sa kapwa ang pagkakaroon ng edukasyon. Gayundin, kahit anong pinag-aralan ng tao, wala pa rin siyang dangal kung wala siyang respeto sa kapwa. Dito nakikita ang kalakasang nakukuha ng mga Filipino sa pakikipagkapwa. Sa paglinang ng mga anak na kinikilala ang kapwa, nagkakaroon ng dangal ang mga kalahok kahit ano pang kahirapan ang kanilang nararanasan (Enriquez 1992).<\/span><\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><span style=\"color: #000000;\"><strong>PAGWAWAKAS<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sa pagtingin sa mga kultural na aspeto ng moralidad, mas nakikita ang mga puwang sa mga pangunahing teorya ng moral na pag-unlad (Kohlberg 2008; Piaget 1977), na mas pinahahalagahan ang kapahamakan at katarungan. Sinasabi rin sa mga teoryang ito na ang mga tao ay nasa iisang antas lamang ng moral na pag-unlad, mula sa mas payak tungo sa mas masalimuot na pangangatwiran. Ngunit nakita sa pananaliksik na ito na maaaring may iba\u2019t ibang aspeto ng bawat antas ng pag-unlad na nakikita sa pangangatwiran tungkol sa partikular na pamantayan, lalo na kung batay ito sa aktwal na karanasan ng tao. Sa paghatol din sa mga antas ng pangangatwiran bilang mataas o hindi, maaaring mapagpasiyahang payak lamang ang pag-iisip ng isang tao kahit hindi naman, lalo na kapag hindi nabigyang-pansin ang kanyang pinagmumulan. Sa pagtingin sa konteksto ng tao, mas mauunawaan ang kanyang pangangailangan at pinapahalagahan, na mas magbibigay ng malalim na kaalaman tungkol sa kanyang moral na pag-iisip at pag-unlad.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Bagamat naging taglay pa rin naman ang ilang mga aspeto ng mga teoryang ito sa moral na pag-iisip ng mga kalahok, nakikita rin ang mga aspeto ng moralidad na mas sensitibo sa kultura. Sa pagpapahalaga sa kapwa, maaaring maiugnay ito sa etika ng <em>Community<\/em> nina Shweder atbp. (1997) at moral na saligan ng <em>Ingroup\/loyalty <\/em>nina Graham atbp. (2012), na mas nagbibigay-halaga sa pangangalaga sa relasyon ng tao sa kanyang grupo tulad ng pamilya at komunidad. Gayundin, sa pagbibigay-diin sa pagrespeto at pagsunod sa utos ng nakatatanda, maihahambing din ito sa moral na saligan ng <em>Authority\/respect <\/em>(Graham, atbp. 2012). Sa pag-ugnay ng mga kinasapitan sa mga kasalukuyang teoryang ito, mas naging hayag ang mga posibleng unibersal tungkol sa moral na pag-iisip, habang nagbibigay-halaga rin sa mga partikular na katangian ng kulturang pinagmumulan ng kanya-kanyang pamantayan at pangangatwiran ng mga kalahok.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Mula sa mga kinasapitan at mga limitasyon ng pananaliksik na ito, maaaring makapagtakda ng direksyon para sa susunod na mga pag-aaral. Habang ang kwalitatibong lapit ng pananaliksik ay naging sensitibo sa karanasan ng mga kalahok, maaaring ang pamamaraang ito ay nalimitahan sa kakayahan ng mga kalahok, lalo na ang mga pinakabata, na sabihin ang kanilang saloobin. Gayunpaman, nagbigay pa rin ito ng pagkakataong lumitaw ang mga sagot na hindi matatagpuan sa mga kasalukuyang panukat ng moral na pag-iisip ng mga tao. Marahil ang mga susunod na pananaliksik ay maaaring ipagsama ang lalim at lawak ng kwalitatibong metodo, at ang pagkakataon maghambing sa iba\u2019t ibang grupo sa kwantitatibong metodo.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Pagdating sa paghahambing ng iba\u2019t ibang grupo, maaaring mas pagtuunan ng pansin ang iba\u2019t ibang edad ng parehong mga bata at nakatatanda, lalo na ang mga edad na hindi sakop ng pananaliksik na ito. Lumitaw rin sa kasalukuyang pananaliksik ang pagkakaiba ayon sa kasarian mula sa pananaw ng mga ina; maaaring ang mga susunod na pag-aaral ay mas mapagtutuunan ng pansin ang salik ng kasarian upang mas maunawaan ang mga posibleng pagkakaiba at pagkakatulad base rito. Isa pang pagkakaiba o pagkakatulad na maaaring tignan ang mga moral na pamantayan at pangangatwiran ng mga tao mula sa iba\u2019t ibang antas ng lipunan, sapagkat tinignan lamang ang isang grupo sa kasalukuyang pananaliksik. Ang konteksto ng lungsod at lalawigan ay posible ring maihambing, bilang nakita sa pananaliksik na ito na salik din sa mga pamantayang moral ang kalagayan ng komunidad. Sa paghimay ng iba\u2019t ibang konteksto at salik ng moral na pag-iisip, maaaring mas makita ang mga pagkakatulad ng mga Filipino, gayundin ang mga partikular na aspeto ng kontekstong may kinalaman sa moralidad ng tao.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Isang tanong na hindi pa tiyak na nasasagot sa kasalukuyang pag-aaral ay kung tunay na moral nga ba ang mga pamantayang nabanggit. Sa larangan ng sikolohiya ng pag-unlad, kadalasang pinag-iiba ang mga pamantayang moral at hindi moral sa <em>social domain theory <\/em>(Nucci 1981; Smetana 1999; Smetana 2006). Ayon sa teoryang ito, ang moral na mga pamantayan ay hindi nagbabago, masaklaw, at hindi nakabatay sa mga batas at awtoridad. Gayundin, ang paglabag sa mga moral na pamantayan ay tinuturing pinaka seryoso at nararapat parusahan pag inihambing sa paglabag sa pamantayang kumbensyunal. Ang mga pamantayang kumbensyunal naman ay tinuturing pinagkasunduan lamang ng nakararami, at ginagamit bilang gabay sa wastong asal. Sa mga susunod na pag-aaral, maaaring isa-isahin ang mga pamantayang natalakay sa kasalukuyang papel upang suriin kung pasok nga ba sila sa larangan ng moral ayon sa mga salik na nabanggit.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sa pananaliksik na ito, at sa kasalukuyang kalagayan ng larangan ng moral na pag-unlad, nakikitang marami pang maaaring tahakin upang mas maunawaan ang moralidad sa sikolohiya. Gayunpaman, sa pagtingin ng pag-aaral sa partikular na karanasan ng mga bata at ina sa konteksto ng kahirapan, mas nabigyang-halaga ang kanilang pamantayan at pangangatwiran sa kanilang sariling pananaw at konteksto. Sa ganitong paraan, maaari ring magbigay-gabay ang pananaliksik na ito sa paggawa ng mga programa para sa paglinang ng moralidad ng bata sa paraang mas sensitibo sa kanilang pangangailangan at pinapahalagahan.<\/span><\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><span style=\"color: #000000;\"><strong>Sanggunian<\/strong><\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Alkire, S. at Santos, M. E. (2010). Acute multidimensional poverty: A new index for developing countries. (OPHI Working Paper Series No. 38). Oxford, UK: Oxford Poverty &amp; Human Development Initiative.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Baek, H. J. (2002). A comparative study of moral development of Korean and British children. <em>Journal of Moral Education, 31<\/em>(4), 373-391.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Braun, V., at Clarke, V. (2006). Using thematic analysis in psychology. <em>Qualitative Research in Psychology<\/em>, <em>3<\/em>(2), 77-101.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Bronfenbrenner, U., at Evans, G. (2000). Developmental science in the 21<sup>st<\/sup> century: Emerging questions, theoretical models, research designs and empirical findings. <em>Social Development, 9<\/em>(1), 115-125.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Bulatao, J. (1973). The Manile\u00f1o\u2019s mainsprings. Nasa F. Lynch at A. de Guzman III (Mga pat.)<em>, Four readings on Philippine values, Institute of Philippine Culture Papers, No.<\/em> <em>2 <\/em>(pp. 93-118). Quezon City: Ateneo de Manila University Press.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Dela Cruz, M. T., Protacio, E., Balanon, F., Yacat, J., at Francisco, C. (2001). <em>Trust and power: child abuse in the eyes of the child and the parent<\/em>. Manila: Save the Children UK &amp; United Nations Children\u2019s Fund.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">De Leon, M. P. E. (2010). <em>Parenting practices that help promote the development of positive social behavior among preschool children within the family.<\/em> Di-nalathalang tesis masterado, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Domingo, M. F. (1977). Child rearing practices in Barrio Cruz-na-Ligas. <em>Philippine Journal of Psychology<\/em>, <em>10<\/em>(2), 3-66.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Enriquez, V. E. (1992). <em>From colonial to liberation psychology: The Philippine experience.<\/em> Quezon City: University of the Philippines Press.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Garo-Santiago, M. A., Mansukhani, R., at Resurreccion, R. (2009). Adolescent identity in the context of the Filipino family. <em>Philippine Journal of Psycho<\/em>logy, <em>42<\/em>(2), 175-193.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Graham, J., Haidt, J., Koleva, S., Motyl, M., Iyer, R., Wojcik, S., at Ditto, P. (2012). Moral Foundations Theory: The Pragmatic Validity of Moral Pluralism. <em>Advances in Experimental Social Psychology<\/em>, <em>47<\/em>, 55-130.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Guthrie, G., at Azores, F. (1968). Philippine interpersonal behavior pattern. Nasa W. Bello at A. de Guzman (Mga pat.), <em>Institute of Philippine Culture Papers, No. 6<\/em> (pp. 3-63). Quezon City: Ateneo de Manila University Press.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Jensen, L. A. (2008). Through two lenses: A cultural\u2013developmental approach to moral psychology. <em>Developmental Review<\/em>, <em>28<\/em>(3), 289-315. http:\/\/doi.org\/10.1016\/j.dr.2007.11.001<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Jimenez, M. C. (1976). The development of moral judgment in Filipino urban children. <em>Philippine Journal of Psychology<\/em>, <em>9<\/em>(1-2), 3-33.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Kohlberg, L. (2008). The development of children\u2019s orientations toward a moral order: I. Sequence in the development of moral thought. <em>Human Development, 51<\/em>, 8-21.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Mangahas, M. (2008). SWS monitoring of self-rated deprivation. Nasa PIDS-NEDA-UNDP<em> Comprehensive Documentation and Analysis of Issues on the Official Poverty Estimation Methodology of the Philippines<\/em>. Nakuha mula sa http:\/\/goo.gl\/61nXAu<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Nucci, L. (1981). Conceptions of personal issues: A domain distinct form moral or societal concepts. <em>Child Development, 52<\/em>(1)<em>, <\/em>114-121.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Ordinario, C. (2012, January 19). Filipino family needs P7.6k\/mo. to breach poverty line, says NSCB. <em>Business Mirror.<\/em> Nakuha mula sa https:\/\/goo.gl\/Fn4txr<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Piaget, J. (1977). Moral feelings and judgments. Nasa H. Gruber at J. J. Voneche (Mga pat.), <em>The essential Piaget<\/em> (pp. 154-158). New York: Basic Books.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Save the Children. (2006). <em>What children say: Results of comparative research on the physical and emotional punishment of children in Southeast Asia and the Pacific<\/em>, <em>2005<\/em>. Sweden: Save the Children.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sen, A. (1983). Poor, relatively speaking. <em>Oxford Economic Papers, 35<\/em>(2), 153-169.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sen, A. (1999). Poverty as capability deprivation. Nasa A. Sen (Pat.), <em>Development as Freedom <\/em>(pp. 87-110). London: Oxford University Press.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Shweder, R. A., at Haidt, J. (1993). The future of moral psychology: Truth, intuition, and the pluralist way. <em>Psychological Science<\/em>, <em>4<\/em>(6), 360-365.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Shweder, R. A., Mahapatra, M., at Miller, J. (1987). Culture and Moral Development. Nasa J. Kagan at S. Lamb (Mga pat.), <em>The Emergence of Morality in Young Children<\/em> (pp. 1-83). Chicago: University of Chicago Press.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Shweder, R. A., Much, N. C., Mahapatra, M., at Park, L. (1997). The \u201cbig three\u201d of morality (autonomy, community, divinity) and the \u201cbig three\u201d explanations of suffering. Nasa A. M. Brandt at P. Rozin (Mga pat.), <em>Morality and Health<\/em> (pp. 119\u2013167). Abingdon, UK: Routledge.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Smetana, J. G. (1999). The role of parents in moral development: A social domain analysis. <em>Journal of Moral Education<\/em>, <em>28<\/em>(3), 311-321. http:\/\/doi.org\/10.1080\/030572499103106<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Smetana, J. (2006). Social-cognitive domain theory: Consistencies and variations in children\u2019s moral and social judgments. Nasa M. Killen at J. Smetana (Mga pat.), <em>Handbook of Moral Development<\/em> (pp. 119-153). Mahwah NJ: Erlbaum.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Sta. Maria, M. A., Reyes, M. L., Mansukhani, R., at Garo-Santiago, M. A. (2009). Expectations and resources in different contexts of development: Toward positive developmental outcomes among Filipino youth. <em>Philippine Journal of Psychology<\/em>, <em>42<\/em>(2), 153-174.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Torres. A. T. (1985). Kinship and social relations in Filipino culture. Nasa A. Aganon at A. David (Mga pat.), <em>Sikolohiyang Pilipino: Isyu, Pananaw at Kaalaman <\/em>(487-499). Manila: NBS.<\/span><\/p>\n<p><span style=\"color: #000000;\">Vasquez, K., Keltner, D., Ebenbach, D. H., at Banaszynski, T. L. (2001). Cultural variation and similarity in moral rhetorics: Voices from the Philippines and the United States. <em>Journal of Cross-Cultural Psychology<\/em>, <em>32<\/em>(1), 93-120. doi:10.1177\/0022022101032001010<\/span><\/p>\n","protected":false},"excerpt":{"rendered":"<p>Danielle P. Ochoa Departamento ng Sikolohiya University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City Abstrak Malawak na ang pananaliksik sa moralidad sa sikolohiya, ngunit kadalasang hindi napapansin ang konteksto, lalo na ng mga mula sa laylayan ng lipunan. Dahil dito, &hellip;<\/p>\n<p class=\"read-more\"> <a class=\"more-link\" href=\"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-4-nobyembre-2015-moral-na-pamantayan-at-pangangatwiran-ng-mga-bata-at-ina-sa-konteksto-ng-kahirapan\/\"> <span class=\"screen-reader-text\">[DIWA E-Journal Tomo 4, Nobyembre 2016] Moral na Pamantayan at Pangangatwiran ng mga Bata at Ina sa Konteksto ng Kahirapan<\/span> Read More &raquo;<\/a><\/p>\n","protected":false},"author":1,"featured_media":0,"comment_status":"closed","ping_status":"open","sticky":false,"template":"","format":"standard","meta":[],"categories":[9],"tags":[],"_links":{"self":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/590"}],"collection":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts"}],"about":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/types\/post"}],"author":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/users\/1"}],"replies":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/comments?post=590"}],"version-history":[{"count":9,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/590\/revisions"}],"predecessor-version":[{"id":670,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/590\/revisions\/670"}],"wp:attachment":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/media?parent=590"}],"wp:term":[{"taxonomy":"category","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/categories?post=590"},{"taxonomy":"post_tag","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/tags?post=590"}],"curies":[{"name":"wp","href":"https:\/\/api.w.org\/{rel}","templated":true}]}}