{"id":173,"date":"2013-11-03T07:49:14","date_gmt":"2013-11-03T07:49:14","guid":{"rendered":"http:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/?p=173"},"modified":"2014-09-04T04:41:15","modified_gmt":"2014-09-04T04:41:15","slug":"diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-sa-wakas-a-new-pinoy-rock-musical-2013-nina-andrei-nikolai-pamintuan-charissa-ann-pammit-at-mariane-a-r-t-abuan","status":"publish","type":"post","link":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-sa-wakas-a-new-pinoy-rock-musical-2013-nina-andrei-nikolai-pamintuan-charissa-ann-pammit-at-mariane-a-r-t-abuan\/","title":{"rendered":"[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical (2013) nina Andrei Nikolai Pamintuan, Charissa Ann Pammit, at Mariane A.R.T. Abuan"},"content":{"rendered":"<p><strong>ANATOMIYA NG ISANG (HETEROSEKSWAL NA) ROMANTIKONG RELASYON:<\/strong><br \/>\n<strong> SIKOLOHIKAL NA PAGSUSURI SA ISANG DULANG MUSIKAL<\/strong><\/p>\n<p><strong>Jose Antonio R. Clemente<\/strong><br \/>\nDepartment of Psychology<br \/>\nUniversity of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City<\/p>\n<p>Sa ganang akin, nagtagumpay ang <em>Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical<\/em> bilang isang marapat na pagpupugay sa naging kontribusyon sa <em>original Pilipino music <\/em>(OPM) ng bandang <em>Sugarfree<\/em>, ngunit hindi bilang isang dulang musikal na mapanghamon o mapagpabago.\u00a0 Bilang isang tagahanga ng <em>Sugarfree<\/em>, kinilig ako, at marahil ang maraming tagahangang tulad ko, sa ideyang muli kong madidinig ang ilan sa mga kantang pinasikat nila, lalo pa\u2019t mahigit dalawang taon na nang magdesisyon ang bandang magkanya-kanya ng landas matapos ang labing-isang taong pagsasama (Godinez 2011).\u00a0 Maaaring ituring na <em>tribute concert <\/em>ang dula dahil sa siksik na set list nito\u2014tig-sampung kanta ang ginamit at inawit sa dalawang yugto ng dula.\u00a0 May <em>nostalgia<\/em> na hatid ang muling pagtatanghal sa mga awiting nagsilbing <em>theme song<\/em> ng iba\u2019t ibang bahagi ng buhay ko (at marahil muli, ng iba pang manunuod).\u00a0 Idagdag pang may kurot talaga sa puso ang ilan sa mga kanta nila dahil sa tingin ko, sanay na sanay silang ilapat sa himig at titik ang mga karanasang may halong pait at lambing (<em>bittersweet<\/em>), tulad ng pananabik sa isang pag-iibigang nauwi sa hiwalayan.\u00a0 Kuhang-kuha ito halimbawa ng mga simpleng linya tulad ng \u201c<em>O kay tagal din kitang minahal,<\/em>\u201d hango sa <em>Burnout<\/em>, na ipinasok sa unang yugto ng dula matapos ang unang apat na kanta.<\/p>\n<p>Iyon lang, dahil nga isang dula at hindi isang konsyerto ang <em>Sa Wakas<\/em>, mahalaga siyempre ang usaping naratibo at ang mga perspektibong inilatag patungkol sa mga karanasang sinubukan nitong ikuwento.\u00a0 Kung tutuusin, dalawang kuwento ng (heterosekswal na) pag-iibigan ang sinikap pagtagpiin ng dula: ang pagwawakas ng isang romantikong relasyon [ng mga tauhang sina Topper (ginampanan ni Fred Lo) at Lexi (ginampanan ni Laura Cabochan)] bunga ng mga dahilang tulad ng kawalan ng pagkakatugma sa ugali at hangarin ng magkasintahang magkasama nang naninirahanat ikakasal na dapat, at ang pagpasok ng isang <em>third party<\/em> [ang karakter na si Gabbi (ginampanan ni Justine Pe\u00f1a)] na namagitan sa magkasintahang ito, na (mukhang) nakasandig sa mga alituntunin ng isang relasyong monogamo kung kaya hindi kataka-taka ang pagguho ng tiwala ni Lexi kay Topper.\u00a0 Simple at walang ligoy ang kuwento ng <em>love triangle <\/em>nila Topper, Lexi, at Gabbi [maaaring tingnan ang rebyu nina Job de Leon (2013) at Gibbs Cadiz (2013) para sa ilan pang detalye tungkol sa dula].\u00a0 Sang-ayon ako sa obserbasyon ni de Leon (2013) na walang bago sa naratibo, liban sa paggamit ng <em>reverse chronology <\/em>bilang paraan ng pagpapadaloy ng kuwento: nagsimula ang dula sa wakas\u2014kung saan ipinakitang tila walang naging masaya at matagumpay sa tatlong karakter dahil naghiwa-hiwalay na sila ng landas\u2014at nagtapos naman ang dula kung saan ipinakita ang matatamis na sandali sa mga unang bahagi ng pagsasamahan nina Lexi at Topper.\u00a0 Binalikan pa nga nila kung paano sila nagkakilala\u2014sa isang <em>Prom<\/em>, na siyang huling awiting nagsara ng palabas.<\/p>\n<p>Dalawa ang layon ng rebyung ito.\u00a0 Sa mga susunod na bahagi, susubukan kong ipaliwanag kung bakit hindi ako lubusang nasiyahan sa napanuod na dula. Sisikapin ko ring himay-himayin kung paano nga ba inilarawan ng dula ang isang heterosekswal na romantikong relasyon. Manggagaling ako sa punto-de-bista ng isang sikolohistang interesado sa mga pag-aaral ng mga ugnayan at tunguhan sa pagitan ng mga tao.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>PAGGAMIT SA MGA AWITIN NG <em>SUGARFREE<\/em>:<\/strong><br \/>\n<strong>KALAKASAN AT KAHINAAN<\/strong><\/p>\n<p>Wais ang estratehiyang gumamit ng mga pamilyar na awitin upang ilako ang dula sa mga manunuod.\u00a0 Ayon sa ilang pag-aaral (<em>e.g.<\/em>, North at Hargreaves 1995), sa pangkaraniwan, kung pamilyar na ang isang produkto dahil sa paulit-ulit na pagdanas nito (gaya ng isang kanta), tataas ang pagkagusto sa produktong nabanggit.\u00a0 Wais, dahil ipinapalagay ng mga tao sa likod ng produksyong ito na maililipat ang pagkagusto o pagkahilig ng mga manunuod sa mga awitin ng <em>Sugarfree<\/em> sa mismong dula.\u00a0 Sa simpleng pananalita, dahil simula pa lang gustung-gusto ko na ang mga kantang ginamit, tataas ang probabilidad na magugustuhan ko rin ang dula.<em>\u00a0 <\/em>Posible ngang nangyari ito para sa ilan pero para sa akin, naging disbentahe rin ang paggamit ng mga kantang masyadong pamilyar sa akin.<\/p>\n<p>Bilang manunuod, may bitbit na akong mga alaala at karanasang kakabit ng mga kantang narinig ko sa entablado.\u00a0 May baon-baon akong sariling interpretasyon sa mga kantang ginamit.\u00a0 May nabuo na sa isipan kong mga tagpo kung saan palagay ko angkop ang isang partikular na kanta.\u00a0 Kung kaya, sa paggamit ng mga awiting popular, isang sugal para sa mga manunulat at direktor ng dula ang interpretasyong inihain nila sa mga tagahangang tulad ko dahil babanggain nito ang anumang alaala at pagpapakahulugang dala-dala ko.\u00a0 Kung swak ang eksena sa kanta (<em>e.g.,<\/em> ang pambungad na <em>Kwarto<\/em>, kung saan tahimik at madilim ang paligid, at inaawit ni Topper ang mga linyang \u201c<em>Magpapaalam na sa \u2018yo ang aking kwarto<\/em>,\u201d habang akmang binabalikan ang alaala ng nasirang relasyon mula sa kahon na puno ng mga gamit ng dating kasintahan), walang isyu dahil umayon ito sa inaasahan.<\/p>\n<p>Kung isang kaaya-ayang sorpresa ang pagkakalapat ng kanta sa eksena, mas tagumpay ito para sa akin.\u00a0 Isa sa mga pinakapaborito kong eksena\u2014na tingin ko ay ang pinakaromantiko ring tagpo sa buong dula\u2014ay nasa ikalawang yugto, sa bandang dulo ng buong dula.\u00a0 Sa puntong ito, nagkaka-\u201cdebelopan\u201d na ang magkatrabahong sina Topper at Gabbi.\u00a0 Nasa <em>rooftop <\/em>sila ng gusali kung saan sila nagtatrabaho.\u00a0 Dito ipinakitang halos pareho sila ng mga pinagdadaanan at mithiin sa buhay.\u00a0 Damang-dama ang <em>chemistry<\/em> sa pagitan nila.\u00a0 Sa madaling sabi, bagay sila.\u00a0 Sabay pasok ang mga linya mula sa kantang <em>Kwentuhan<\/em> (\u201c<em>Kwentuhan lang\/Wala namang masama<\/em>\u201d).\u00a0 Nahusayan ako sa malikhaing eksenang ito dahil sa kabalintunaang ipinadama sa mga manunuod.\u00a0 Ang tila walang malisya nilang kuwentuhan (o landian), na sinabayan ng tila inosenteng kanta, ay hudyat na pala ng isang <em>affair<\/em> sa pagitan nilang dalawa.\u00a0 Panalo.<\/p>\n<p>Subalit, hindi ko rin naiwasang madismaya kung taliwas sa inasahan ko ang paraan ng paggamit sa ilang kanta, kahit na sinikap ko sa abot ng aking makakaya ang maging bukas sa anumang ihahain sa akin.\u00a0 Halimbawa, nabanggit ko na kanina ang <em>Burnout <\/em>na ginamit sa isa sa mga (tila paulit-ulit na) komprontasyon ng magkasintahang Lexi at Topper.\u00a0 Malakas ang mga boses nila at mabigat ang bagsak ng mga salita kung kaya\u2019t malinaw na nag-aaway ang dalawa.\u00a0 Pero kung susuriin ang tema ng kantang ito, isa siyang introspeksyon ng mga kaganapan (\u201c<em>Kung iisipin mo\/Di naman dati ganito<\/em>\u201d), na may halong pagtanggap sa naging kinahinatnan (\u201c<em>Kay bilis kasi ng buhay\/Pati tayo natangay<\/em>\u201d), pagsusumamo at panghihinayang (\u201c<em>Di mo man madama\/O kay tagal kitang mamahalin<\/em>\u201d).\u00a0 <em>Bittersweet<\/em>, hindi galit.<\/p>\n<p>Kung kaya\u2019t kung tatasahin ko kung nagustuhan ko ang dula, hindi madaling sabihing oo o hindi.\u00a0 Dahil may ilang eksenang mahusay, may ilang sablay, may ilang puwede na, depende sa kung paano binigyang-buhay ang mga kanta ng isa sa paborito kong banda.\u00a0 Idagdag pa rito na kung minsan, naging hadlang sa naratibo ng dula ang paggamit ng mga kanta ng <em>Sugarfree<\/em>.\u00a0 Hindi ito kabawasan sa husay ng mga kanta.\u00a0 Hindi rin nito ibinababa ang paghanga ko sa mga tao sa likod ng produksyon dahil hindi naman talaga madali ang bumuo ng isang \u201c<em>jukebox musical<\/em>\u201d (Cadiz 2013).\u00a0 Hindi lang kasi talaga nilikha ang mga kanta ng <em>Sugarfree<\/em> upang magpadaloy ng isang kuwento.<\/p>\n<p>Kung tutuusin, madaya ang konsepto ng isang <em>jukebox musical<\/em>: may mga kantang handa na at kilala pa, pagtagpiin na lang sila para makabuo ng kuwento.<em>\u00a0 <\/em>Pero dahil ang mga kantang buo na ang siyang nagdikta ng daloy\u2014sa halip na bumuo ng mga bagong kanta batay sa gustong tahakin ng kuwento\u2014limitado na agad ang naging istorya.\u00a0 Sa kaso ng <em>Sa Wakas<\/em>, may mga aspeto ng isang romantikong relasyong hindi naisama dahil walang kanta ang <em>Sugarfree <\/em>para rito.\u00a0 Halimbawa, nasaan ang mga kaibigan nina Topper at Lexi para tulungan silang mag-ayos ng kanilang problema?\u00a0 Nasaan ang mga kaibigan ni Gabbi para damayan siya sa pagdedesisyon kung itutuloy niya ang relasyon kay Topper?\u00a0 Ang ilan sa matatagumpay na pelikulang may romantikong tema [<em>e.g.<\/em>, <em>One More Chance <\/em>(Garcia-Molina <em>et al<\/em>. 2007), na tinukoy rin sa dula bilang paboritong pelikula ni Lexi] ay hindi lang umikot sa mga magkasintahan.\u00a0 Malaki ang papel ng mga kabarkadang umaalalay rin sa magkarelasyon.\u00a0 Mukhang ganito rin naman ang sinasabi ng mga pananaliksik.\u00a0 Nakitang malaki nga ang papel ng mga kaibigan sa pagmimintina ng isang relasyon (<em>relationship maintenance<\/em>) at maging sa pagresolba ng mga di-pagkakasunduan (<em>conflict management<\/em>).\u00a0 Maaaring hingan ng payo ang mga kaibigan o maaari rin silang asahan sa oras ng krisis (Canary<em> et al.<\/em> 1993).\u00a0 Sa katunayan, may <em>say<\/em> ang mga kabarkada kung aprub ba sila o hindi sa karelasyon ng kaibigan nila (Etcheverry <em>et al.<\/em> 2012).<\/p>\n<p>Lumabas tuloy na parang may sariling mundo ang mga bida, na hiwalay sila sa kontekstong kanilang ginagalawan.\u00a0 Maliban lang kay Topper.\u00a0 Sa isang eksena, ipinakitang nagbahagi si Topper sa kanyang kuya (ginampanan ni Hans Dimayuga) na nasa ibang bansa ng kanyang kalituhan, na may halong <em>excitement<\/em>, sa pagpasok ni Gabbi sa buhay niya.\u00a0 Pero tila bunsod ang eksenang ito ng <em>convenience<\/em>\u2014nagkataon kasingmay kanta ang <em>Sugarfree<\/em> na pinamagatang <em>Dear Kuya<\/em>.\u00a0 Gayumpaman, ikinatuwa ko ang eksenang ito dahil ipinamalas nito ang dalawang katotohanan: 1) bukod sa mga kabarkada, may papel din ang mga kapamilya sa pagbibigay ng suporta sa isang romantikong relasyon at 2) malaki ang tulong ng <em>internet <\/em>at <em>computer-mediated communication<\/em> (CMC)upang makausap ang mga kapamilyang <em>overseas Filipino worker<\/em> (OFW).\u00a0 Tunay ngang para sa maraming kabataan sa Pilipinas, nakakatulong ang CMC (tulad ng <em>Facebook<\/em> at <em>Skype<\/em>) sa pagbuo o pagpapanatili ng kanilang <em>sense of connectedness<\/em> sa mga kapamilyang nagtatrabaho sa ibang bansa (Alampay<em> et al.<\/em> 2013).<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>ANG PAGTINGIN NG DULA SA MGA ROMANTIKONG RELASYON<\/strong><\/p>\n<p>Kung hihimayin pa ang dula, paano ba nito inilarawan ang isang heterosekswal na romantikong relasyon at ang isang <em>love triangle<\/em>?\u00a0 Dahil limitado ang espasyo, magbabahagi lamang ako ng tatlong naging matingkad para sa akin:<\/p>\n<p><strong><em>Dumadaan sa \u201cturning points\u201d ang mga relasyon<\/em><\/strong>.\u00a0 Sa simula pa lang, nais nang ipamalas ng dula na dumadaan ang mga relasyon sa mga yugto\u2014na proseso ang isang relasyon at hindi ito istatik.\u00a0 Dahil agad nang inilatag na hindi nga nagkatuluyan ang tambalang Topper-Lexi at Topper-Gabbi, napatanong ako: Anong nangyari sa kanilang tatlo?\u00a0 Habang unti-unting binabalikan ng dula ang mga pangyayari na nagbunsod ng hiwalayan, sinubukan nilang ipakita ang mga <em>turning point<\/em> sa dalawang relasyong nabanggit (<em>e.g.<\/em>, ang madalas na pag-aaway nina Topper at Lexi dahil tila hindi sila magkatugma sa direksyong gusto nilang tahakin patungkol sa kanilang karera). Ang mga <em>turning point<\/em> ay mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng isang (romantikong) relasyon na nagdudulot ng pagbabago sa takbo nito (Baxter at Wolf 2009).\u00a0 Ang mga pagbabago ay maaaring positibo (pagbuo ng isang pag-iibigan) o negatibo (paghihiwalay).\u00a0 Maihahalintulad ang buong dula sa kuwento ng isang kaibigang nagbabalik-tanaw sa mga kaganapang nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kanyang mga relasyon.\u00a0 Interesante ito dahil sa totoong buhay man o maging sa ipinakita sa dula, hindi naman natin ikinukuwento ang bawat detalye ng ating mga relasyon.\u00a0 Bilang tagapakinig ng kuwento o manunuod ng dula, mas nais nating malaman kung kailan ba nila natiyak na gusto na nila ang isa\u2019t isa, ano ang pinakamatinding pinag-awayan nila, paano sila umabot sa desisyong tapusin na ang pagsasama, at iba pa.\u00a0 At ang tila mensahe ng dula: nakakatulong ang (kung minsa\u2019y paulit-ulit na) pagsasalaysay ng mga <em>turning point <\/em>na ito sa proseso ng pag-<em>move on.<\/em><\/p>\n<p><strong><em>Katapusan ang kahahantungan nang di matapos-tapos na bangayan<\/em><\/strong>.\u00a0 Anu-ano nga ba ang mga posibleng tugon ng magkasintahan kapag pareho na silang hindi masaya sa kanilang pagsasama?\u00a0 Sa kaso nina Topper at Lexi, pinili nilang maghuntahan at magsumbatan.\u00a0 Sa katunayan, lima sa dalawampung kanta sa buong dula ay inilaan sa pag-aaway ng dalawa!\u00a0 Ito ang tinatawag nina Caryl Rusbult (1986) na mapagpabaya o mapagsawalang-bahalang pagkilos (<em>neglectful response<\/em>).\u00a0 Tila hindi naging aktibo sina Topper at Lexi na ayusin ang kanilang relasyon at pawang kumilos pa sila tungo sa tuluyang pagkasira ng kanilang pagsasama (<em>e.g.<\/em>, kawalan ng oras sa isa\u2019t isa, pamumunang nakakasakit).\u00a0 Kaya bilang piping saksi sa mga pangyayari, nayamot akong panuorin sila.\u00a0 Maaga pa lang sa dula ay bumitiw na ako sa <em>love story<\/em> nila dahil tila wala rin namang elemento sa pag-iibigan nilang maaaring mag-adya sa pagtingin ko sa kanila.\u00a0 Bilang isang sikolohista, nanghinayang ako dahil magandang pagkakataon sana ang dula para suriin ang iba\u2019t ibang estratehiya sa pagpapanatili ng isang relasyon at pagtugon sa di-pagkakaunawaan (maliban sa sumbatan).\u00a0 Talamak na kasi ang mga kuwento tungkol sa kung paano ba nabubuo ang pag-iibigan.\u00a0 Madalas din, nagtatapos na ang mga kuwentong ito kapag nagkatuluyan na ang mga bida.\u00a0 Pero ano nga bang nangyayari matapos maging sila?\u00a0 Paano nila sinisikap na manatiling maging magkasama?\u00a0 Kapag tapos na ang kiligan at landian, ano na?\u00a0 Ang mensahe tuloy ng dula para sa akin: Kung mahilig ka sa drama at gusto mong magpakasasa sa sakit at dusa, huwag nang magsikap na ayusin ang relasyon.\u00a0 Hindi kasi romantiko at <em>exciting <\/em>ang relasyon kapag maayos, kapag hindi kumplikado.\u00a0 Hindi na rin romantiko kapag tapos na ang landian at nasa gitna na kayo ng relasyon.\u00a0 Pero para sa akin, ang mga pang-araw-araw at mumunting pagsisikap\u2014iyong tinatawag na mga \u201c<em>routine maintenance behavior<\/em>\u201d (Dainton at Stafford 1993)\u2014ay maaari pa ring ipresenta bilang romantiko.\u00a0 Kasama na diyan ang <em>date night<\/em>, paggawa ng mga gawaing-bahay nang sabay, mahinahong pag-uusap, kulitan, at iba pa.\u00a0 <em>Clich\u00e9<\/em> mang pakinggan, <em>hard work<\/em> talaga ang mga relasyon.\u00a0 <em>Hard work <\/em>na puwede pa ring pagmulan at kahantungan ng kilig at kasiyahan [tingnan ang artikulo nina Marianne Dainton at Laura Stafford (1993) para sa ilang mungkahi ng <em>maintenance behavior<\/em>].<\/p>\n<p><strong><em>May mga babaeng pang-altar at may mga babaeng pang-kama<\/em><\/strong>.\u00a0 Hindi man sinadya ng dula, pero sa kabuuan, may pagkaseksista ang representasyon nito ng mga babae at lalake.\u00a0 Ang mensahe ng dula: may dalawang klase ng babae\u2014may \u201c<em>Madonna<\/em>\u201d at may \u201c<em>prostitute<\/em>\u201d (Holmes at Baer 2012).\u00a0 Sa dula, laging balot si Lexi samantalang maigsi ang mga damit ni Gabbi.\u00a0 May eksenang mukhang kakatapos lang magtalik nina Gabbi at Topper pero walang ganitong pahiwatig ang dula kina Lexi at Topper kahit na magkasama na sila sa iisang bubong.\u00a0 Kahit parehong edukada at makapangyarihan sa kanilang mga larangan, pinagmukhang <em>boring <\/em>si Lexi kaya mukhang mas <em>exciting <\/em>si Gabbi.\u00a0 Ganoon nga ba iyon?\u00a0 Kapag pang-\u201c<em>long term<\/em>\u201d at \u201cinuuwian\u201d ang isang babaeng tulad ni Lexi, dapat kagalang-kagalang siya kaya hindi na siya puwedeng maging <em>sexy <\/em>at <em>exciting<\/em>?\u00a0 Sa kabilang banda, kahit na mas <em>sexy<\/em>, mas masarap kasama, mas masayang kakulitan, mas kapana-panabik na kalandian\u2014sa madaling sabi, mas kaaya-ayang alternatibo\u2014ang mga kabit tulad ni Gabbi ay mababa na ang pagtingin sa kanila simula\u2019t sapul pa lang kaya hindi iiwan ng mga lalake ang kanilang mga karelasyon para sa mga kabit?\u00a0 Idagdag pang sa pagpili sa karakter ni Topper bilang salawahan\u2014sa halip na sina Gabbi at\/o Lexi ang siyang nangaliwa\u2014mukhang ipinahiwatig nito ang pagtingin ng dula sa mga lalake bilang taksil, malibog, mapaglaro.\u00a0 Kaya sa tingin ko, hindi mapagpabago o mapanghamon ang dula\u2014dahil lalake na naman ang manloloko at babae na naman ang biktima, naloko, at naagrabyado.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>BILANG PAGWAWAKAS<\/strong><\/p>\n<p>Nang sa wakas ay natapos ang dula, hindi naging tiyak sa akin kung nagustuhan ko ang unang handog na ito ng <em>Culture Shock Productions<\/em>.\u00a0 Marahil dahil una pa nga lang, na sinabayan pa ng marami ring baguhan sa produksyong ito\u2014mula sa mga artista hanggang sa <em>production staff\u2014<\/em>kayamay pagka-<em>amateur<\/em> ang dating ng buong dula\u2014mula sa pag-arte hanggang sa detalye ng entablado.\u00a0 Pagdating sa pagganap, nandoon ang sigasig ng mga bidang sina Lo, Cabochan, at Pe\u00f1a na maitawid ang bawat linya at kanta.\u00a0 Mula sa kilos, pananamit, at enerhiyang ipinamalas sa entablado, bagay sa kanila ang papel ng mga <em>young professional<\/em>.\u00a0 <em>Charming <\/em>si Lo bilang <em>leading man<\/em>, kuha ni Cabochan ang pagiging isang <em>eager-beaver-know-it-all, <\/em>at may di-katiyakan sa mga kilos ni Pe\u00f1a na hindi ko masabi kung dulot ng kaba (parang madami siyang nainom na kape) o dahil ang karakter niyang si Gabbi ay dapat mukhang walang kumpyansa sa sarili.<em>\u00a0 <\/em>May sapat naman silang kakayahan para ikover ang mga kanta ng <em>Sugarfree<\/em>.\u00a0 Iyon nga lang, may pagka-<em>karaoke<\/em> kung minsan ang atake.<em>\u00a0 <\/em>Hamon ding hindi magtunog <em>pop <\/em>ang mga awitin dahil kailangan nilang lagyan ng <em>nuance <\/em>ang kanilang pagkanta\u2014kumbaga, kailangan nilang umarte habang kumakanta\u2014upang padaluyin ang naratibo.\u00a0 Sa tingin ko, pinakanahirapan sa kanilang tatlo si Lo, dahil kung minsan masyadong mataas para sa kanya ang mga kanta.\u00a0 Nakadagdag sa <em>dynamics <\/em>ng tunog ng tatlong bida ang <em>ensemble<\/em>\/koro (ginampanan nina Dimayuga, Abi Sulit, Lucia Kristina Francesca David, at Cassie Manalastas).\u00a0 Sila rin ang naghatid ng ilan sa nakakatawang eksena sa dula.\u00a0 Idagdag pang natuwa akong makita ang banda sa entablado pero napaisip din ako kung ano kaya ang naging tunog ng buong dula kung bukod sa gitara, <em>drum<\/em>, at piano\u2014mga kadalasang instrumento rin ng isang <em>rock band<\/em>\u2014ay sinamahan pa sila ng <em>orchestra<\/em>.\u00a0 Hindi ako aral sa teatro o produksyong musikal kaya hindi pino ang pandinig ko at dahil dito, hindi ko masabi kung gaano kalaki o kadami ang binago sa areglo (ng <em>musical director<\/em> na si Ejay Yatco) para bumagay ang mga kanta sa konteksto ng isang dulang musikal.\u00a0 Ang dating sa isang simpleng manunuod na katulad ko, halos katunog ang orihinal na areglo ng <em>Sugarfree<\/em>, maliban sa <em>vocal harmony<\/em> na dulot ng mga <em>duet <\/em>at <em>back-up <\/em>ng koro.\u00a0 Sa puntong ito, naging tapat nga ang dula sa pagbibigay-pugay sa <em>Sugarfree<\/em> dahil pamilyar pa rin ang tunog ng bawat kanta.<\/p>\n<p>Simple lang ang kabuuang produksyong tila nakisabay sa simpleng kuwento nito.\u00a0 Mas mainam lang para sa akin kung naipakita sana ang pagbabago ng panahon sa pamamagitan ng pagbabago ng hitsura ng mga bida.<em>\u00a0 <\/em>Ito marahil ang isang limitasyon ng paggamit ng <em>reverse chronology <\/em>sa isang dula.\u00a0 Walang oras para pagmukhaing bumabata ang mga bida o ibahin ang <em>set<\/em> para maihayag na ibang taon na dahil mabilis ang daloy ng kuwento.\u00a0 Sa katunayan, dahil bahagi si Topper sa halos lahat ng eksena, hindi na siya nakapagpalit ng damit (hindi ko tuloy alam kung simbolismo ba na hindi nagbago ang hitsura niya o baka limitasyon nga lang ito ng produksyon).\u00a0 Ipagpapalagay na lang talaga ng manunuod na umaatras nga ang kuwento dahil limitado ang biswal na aspeto ng dula.\u00a0 Sa kabuuan, bumaba ang telon at natapos ang palakpakan na walang partikular na emosyon, eksena o linyang kumapit sa akin hanggang sa dulo.\u00a0 Para siyang <em>softdrink <\/em>na lata na, walang masyadong sipa.\u00a0 Kumbaga, <em>steady <\/em>lang.<\/p>\n<p>Kung ako ang tatanungin, sana hindi naging trahedya ang kinahinatnan ng tatsulok nina Topper, Lexi, at Gabbi.\u00a0 Wala nga lang itong <em>bittersweet <\/em>o dramatikong epekto sa manunuod tulad ng epekto ng mga awitin ng <em>Sugarfree <\/em>sa mga tagapakinig.\u00a0 Pero maganda rin sanang mensaheng kayang igpawan ng magkarelasyon ang isang isyu tulad ng pagtataksil basta desidido silang magkapatawaran at pagtrabahuhan ito.<\/p>\n<p>Napagtanto ko rin nang matapos ang dula na makapangyarihan pala talaga ang <em>hindsight<\/em>.\u00a0 Dahil alam ko na ang wakas, naging madali para sa aking manghusga ng mga karakter at sabihing, halimbawa, na kaya naman pala naghiwalay sina Topper at Lexi ay dahil hindi naman talaga sila bagay, may Gabbi man sa eksena o wala.\u00a0 Hindi laging malinaw ang mga motibasyon ng mga karakter at hindi laging naipaliliwanag ng mga piniling <em>turning point<\/em> ang naging kinahinatnan, pero dahil alam ko na ang <em>ending<\/em>, parang awtomatiko na sa aking bigyang-linaw ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagdudugtong-dugtong ng wakas, gitna, at simula.<\/p>\n<p>Sa totoong buhay, pumapasok tayo sa mga relasyong hindi naman talaga natin alam kung paano magwawakas.\u00a0 Aktibo tayong kalahok nito at habang nangyayari ito, kronolohikal ang daloy.\u00a0 May simula (na nagiging bahagi ng nakaraan), may gitna (na maaaring nararanasan sa kasalukuyan), at may hindi pa malinaw na hinaharap.\u00a0 Kaya naging paalala sa akin ng dula ang tatlong bagay patungkol sa mga romantikong relasyon: 1) sana may mga kaibigan at kapamilya tayong kasama at kaagapay lalo na sa mga sandaling kailangan natin ng suporta; 2) kung dumating man ang wakas, nawa\u2019y may kakayahan tayo o may kakilala tayong may sapat na balangkas, bukas na isipan, at kabatiran para gabayan tayo sa pagbuo ng rasonable at makabuluhang paliwanag o panghuhusga sa mga kaganapan nang hindi tayo nabubulugan ng <em>hindsight<\/em> lamang; at 3) maaaring makatulong ang mga saktong <em>theme song<\/em> o set list\u2014mapa-<em>Sugarfree<\/em> man o hindi\u2014sa pagpapaigting ng mga emosyong kinakaharap natin, pagpapahayag ng mga nararamdamang hindi natin maipaliwanag o masabi, at pagpoproseso ng ating mga karanasan, nasa aling yugto man tayo ng romantikong relasyon naroroon.<\/p>\n<p><strong>Sanggunian<\/strong><\/p>\n<p>Alampay, E.A., L.P. Alampay, at K.S. Raza (2013).\u00a0 The impact of cybercaf\u00e9s on the connectedness of children left behind by overseas Filipino workers.\u00a0 <em>Global Impact Study Research Report Series<\/em>.\u00a0 Seattle, WA: University of Washington School of Information.<\/p>\n<p>Baxter, L.A. at B. Wolf (2009).\u00a0 Turning points in relationships.\u00a0 Nasa H.T. Reis at S. Sprecher (mga pat.), <em>Encyclopedia of Human Relationships; Volume 3<\/em>. CA: Sage Publications, Inc., 1652-1653.<\/p>\n<p>Cadiz, G. (2013, Abril 27). \u2018Sa Wakas\u2019 \u2013 nothing less than a prototype for the Filipino jukebox musical.\u00a0 Nakuha noong Setyembre 20, 2013, mula sa Philippine Daily Inquirer Website:\u00a0 <a href=\"http:\/\/goo.gl\/hh622B\">http:\/\/goo.gl\/hh622B<\/a>.<\/p>\n<p>Canary, D.J., L. Stafford, K.S. Hause, at L.A. Wallace (1993).\u00a0 An inductive analysis of relational maintenance strategies: Comparisons among lovers, relatives, friends, and others.\u00a0 <em>Communication Research Reports<\/em>, 10 (1),5-14.<\/p>\n<p>Dainton, M. at L. Stafford (1993).\u00a0 Routine maintenance behaviors: A comparison of relationship type, partner similarity, and sex differences.\u00a0 <em>Journal of Social and Personal Relationships<\/em>, 10 (2),255-271.<\/p>\n<p>De Leon, J. (2013).\u00a0 Uncovering beginnings in <em>Sa Wakas<\/em>.\u00a0 Nakuha noong Setyembre 20, 2013, mula sa The Manila Review Website: <a href=\"http:\/\/goo.gl\/NZTdOB\">http:\/\/goo.gl\/NZTdOB<\/a>.<\/p>\n<p>Etcheverry, P.E., B. Le, at N.G. Hoffman (2012).\u00a0 Predictors of friend approval for romantic relationships.\u00a0 <em>Personal Relationships<\/em>, 20 (1), 69-83.<\/p>\n<p>Garcia-Molina, C. (direktor), E.S. Medua (prodyuser), C. Santos-Concio (prodyuser), M. Santos (prodyuser), C. Raymundo (prodyuser at manunulat), at V. Valdez (manunulat) (2007).\u00a0 <em>One more chance <\/em>[Pelikula].\u00a0 Quezon City: Star Cinema.<\/p>\n<p>Godinez, B. (2011).\u00a0 Ebe Dancel puts <em>Sugarfree<\/em> behind; Focuses on solo career. Nakuha noong Setyembre 20, 2013, mula sa Philippine Entertainment Portal Website: <a href=\"http:\/\/goo.gl\/rf5ydw\">http:\/\/goo.gl\/rf5ydw<\/a>.<\/p>\n<p>Holmes, M.G.S. at A.A.F. Baer (2012).\u00a0 <em>Love triangles: Understanding the macho-mistress mentality<\/em>.\u00a0 Mandaluyong City: Anvil Publishing, Inc.<\/p>\n<p>North, A.C. at D.J. Hargreaves (1995).\u00a0 Subjective complexity, familiarity, and liking for popular music.\u00a0 <em>Psychomusicology<\/em>, 14 (1), 77-93.<\/p>\n<p>Rusbult, C.E., D.J. Johnson, at G.D. Morrow (1986).\u00a0 Determinants and consequences of exit, voice, loyalty, and neglect: Responses to dissatisfaction in adult romantic involvements.\u00a0 <em>Human Relations<\/em>, 39 (1),45-63.<\/p>\n<p>&nbsp;<\/p>\n<p>&nbsp;<\/p>\n","protected":false},"excerpt":{"rendered":"<p>ANATOMIYA NG ISANG (HETEROSEKSWAL NA) ROMANTIKONG RELASYON: SIKOLOHIKAL NA PAGSUSURI SA ISANG DULANG MUSIKAL Jose Antonio R. Clemente Department of Psychology University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City Sa ganang akin, nagtagumpay ang Sa Wakas: A New Pinoy Rock &hellip;<\/p>\n<p class=\"read-more\"> <a class=\"more-link\" href=\"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-sa-wakas-a-new-pinoy-rock-musical-2013-nina-andrei-nikolai-pamintuan-charissa-ann-pammit-at-mariane-a-r-t-abuan\/\"> <span class=\"screen-reader-text\">[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical (2013) nina Andrei Nikolai Pamintuan, Charissa Ann Pammit, at Mariane A.R.T. Abuan<\/span> Read More &raquo;<\/a><\/p>\n","protected":false},"author":1,"featured_media":0,"comment_status":"closed","ping_status":"open","sticky":false,"template":"","format":"standard","meta":[],"categories":[6],"tags":[],"_links":{"self":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/173"}],"collection":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts"}],"about":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/types\/post"}],"author":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/users\/1"}],"replies":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/comments?post=173"}],"version-history":[{"count":3,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/173\/revisions"}],"predecessor-version":[{"id":295,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/173\/revisions\/295"}],"wp:attachment":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/media?parent=173"}],"wp:term":[{"taxonomy":"category","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/categories?post=173"},{"taxonomy":"post_tag","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/tags?post=173"}],"curies":[{"name":"wp","href":"https:\/\/api.w.org\/{rel}","templated":true}]}}