{"id":159,"date":"2013-11-03T07:31:28","date_gmt":"2013-11-03T07:31:28","guid":{"rendered":"http:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/?p=159"},"modified":"2014-09-04T04:40:39","modified_gmt":"2014-09-04T04:40:39","slug":"diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-philippine-cultural-disasters-essays-on-an-age-of-hyper-consumption-2010-ni-r-kwan-laurel","status":"publish","type":"post","link":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-philippine-cultural-disasters-essays-on-an-age-of-hyper-consumption-2010-ni-r-kwan-laurel\/","title":{"rendered":"[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Philippine Cultural Disasters: Essays on an Age of Hyper Consumption (2010) ni R. Kwan Laurel"},"content":{"rendered":"<p><strong>SA <em>LOOB<\/em> AT <em>LABAS<\/em> NG KULTURANG SAWI<\/strong><\/p>\n<p><strong>Adonis L. Elumbre <\/strong><br \/>\nAsia-Europe Institute<br \/>\nUniversity of Malaya (UM), Kuala Lumpur, Malaysia<\/p>\n<p>Sa isang tingin, mahirap bigyan ng masinop na pagbasa ang aklat ni R. Kwan Laurel na pinamagatang <em>Philippine Cultural Disasters: Essays on an Age of Hyper Consumption<\/em>.\u00a0 Tubog ito sa ideolohikal na lenggwahe sa pagsusumikap na imapa ang panunuot ng kapitalismo\u2014sa huling yugto nito (<em>i.e., late capitalism<\/em>)\u2014sa iba\u2019t ibang larangang kultural sa Pilipinas.\u00a0 Hindi nito inalintana kapwa ang mga tanyag na institusyon at indibidwal na sa tingin ng may-akda ay malayo sa oposisyunal na iskolarsyip, bagay na siyang diumano\u2019y iminamatuwid ng mga ito.\u00a0 Sa ganitong sentido, madali namang ipook ang aklat bilang isang anyo ng kontra-diskurso sa mga higit na laganap at popular na kontra-diskurso, isang pagsisiwalat sa kinahantungan ng intelektwal na kapital sa hanay ng mga tumutunggali mismo sa kapitalismo.\u00a0\u00a0 Hindi nakapagtataka kung gayon ang pagkakatubog din nito sa kontrobersya hindi lamang dahil sa panduduro sa mga ipinalagay na kontradiksyon, kundi maging sa paghamon nito sa kasalukuyang lagay ng kapantasan at produksyong kultural sa bansa.<\/p>\n<p>Mula sa kanyang karanasan bilang guro, manunulat, editor, iskolar sa Araling Ingles, at aktibista, inihapag ni Laurel sa kasalukuyang kalipunan ng mga sanaysay ang kanyang kritisismo sa umiiral na kalakaran sa mga institusyon at indibidwal na may matatatag na ahensiya o gahum, sa pagbubuo ng kulturang Pilipino.\u00a0 Sa kabalintunaan, ani Laurel, ang mga ito ay pawang nabitag na ng lohika ng kapitalismo at sagad-sagarang konsumerismo.\u00a0 Idinetalye sa unang kabanata ng kanyang akda kung papaanong binura ang kasaysayan sa piling akdang pampanitikang nasa Ingles na nagwagi sa premyadong <em>Palanca Awards<\/em>.\u00a0 Hindi rin pinalampas ni Laurel maging ang ilang lumitaw na sanaysay sa <em>Philippine Free Press<\/em>, tanyag na alternatibong magasin na naglalathala ng mga piyesang pampanitikan.\u00a0 Gayundin, sa parehas na balangkas, inusisa ni Laurel para sa kanyang ikalawang kabanata ang mga nanalong nobela sa <em>Centennial Literary Awards <\/em>noong 1998.\u00a0 Paksa naman ng ikatlong kabanata ang <em>University of the Philippines <\/em>(UP), kinikilalang pambansang pamantasan, at kung papaanong sa kabila ng tanyag nitong reputasyon sa radikalismo ay sumaliw rin ito sa ideolohiya ng pamilihan (<em>market<\/em>).\u00a0 Maituturing namang pinakatampok sa mga sanaysay ang kanyang ikaapat na bahagi kung saan sinuri ang tinawag sa akdang <em>academic entrepreneurship<\/em> sa pagkakaugnay nito kay Caroline Hau, kilalang manunulat ng librong <em>Necessary Fictions<\/em> (2000) at isa sa mga napatanyag sa koneksyon nito sa <em>Paaralang Cornell<\/em> sa Estados Unidos ng Amerika sa ilalim ng pamamatnubay ni Benedict Anderson, popular na teoretista ng nasyonalismo.\u00a0 Ang ikalima at huling kabanata ay pumatungkol sa isinusulong na <em>Pinoy English<\/em> ni Laurel, usaping aniya\u2019y tutugon sa usaping pangwika hindi lamang sa bansa kundi sa iminamatuwid din niyang Marxistang bersyon ng internasyonalismo.<\/p>\n<p>Sa naunang rebyu ni Frances Mae Carolina Ramos (2011) sa akda, tumpak nitong binigyan ng karikatura ang salaysay ni Laurel bilang isang mapangahas na paksa, kaiba sa mga naglipanang kontra-diskurso ng mga higit na mas abstraktong usapin kaugnay ng hagupit ng globalisasyon, gaya ng McDonaldisasyon o di kaya ng alingawngaw ng postmodernismo sa mga anyo ng popular na kultura.\u00a0 Hindi rin kalabisan nang sabihin nitong marahil ay maituturing pa ngang <em>persona non grata <\/em>si Laurel sa akademikong komunidad na minsan niyang kinabilangan.<\/p>\n<p>Liban sa tila pagkabitin ni Ramos sa paglalantad ng mekanismo ng anti-komunismong propaganda ng Estados Unidos ng Amerika at pagkakaugnay nito sa <em>Palanca Awards<\/em>, masasabing may maluwag na pagtanggap ang naunang rebyuwer sa kabuuang tesis ni Laurel.\u00a0 Para sa kanya, sa kabila ng sala-salabat na usaping ideolohikal, nararapat lamang na bigyan ng karampatang pagkilala ang bisa ng mismong pamagat ng aklat.\u00a0 Gayundin, ipinalagay niyang namumukod-tangi si Laurel bilang siyang maaaring nauna sa pagdedetalye ng mga kritisismo hinggil sa kinasadlakan ng mga intelektwal na elit.<\/p>\n<p>Para sa kasalukuyang rebyu, magsisilbing lundagan ng pagtalakay ang mismong iskematikong prinsipyo sa likod ng mga sanaysay ni Laurel\u2014kung paano nakaambag ang mga paksa niya sa aklat sa itinuring na <em>cultural disaster<\/em> ng bansa.\u00a0 Isinalin ang pamagat bilang \u201cKulturang Sawi,\u201d tatangkain ng rebyung ito na isakonteksto ang mapanghamong akda ni Laurel sa pananaw na <em>panloob<\/em>, bilang pakikipagpatintero sa intelektwalismo sa panig ng mga elit; at <em>panlabas<\/em>, na siyang larangan ng bayan sa sarili nitong lohika ng kalinangan.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>SA <em>LOOB<\/em> NG KULTURANG SAWI:<\/strong><br \/>\n<strong>PAKIKIPAGPATINTERO SA INTELEKTWALISMO<\/strong><\/p>\n<p style=\"text-align: left;\">Kaiba sa naipalagay sa naunang rebyu, hindi si Laurel sa katunayan ang unang nagsiwalat ng sanga-sangang kontradiksyon sa hanay ng mga intelektwalisado.\u00a0 Maging si Laurel mismo ay nagbigay ng kaukulang pagkilala sa mga naunang tradisyon ng panunuring kritikal, partikular na kay Zeus Salazar (2000), pasimuno ng kaisipan at kilusang <em>Pantayong Pananaw<\/em> at <em>Bagong Kasaysayan<\/em>.\u00a0 Ang mga ganitong tipolohiya ng pag-aaral na kumuwestyon sa kinasapitan ng intelektwalismo sa bansa ay natunghayan na rin sa mga akda ng aktibistang historyador na si Renato Constantino (1970) at sikolohistang si Virgilio Enriquez (1992).\u00a0 Maging ang mahihinuhang kapanalig sa ideolohiya ni Laurel na si Jose Ma. Sison (1966), tagapagtatag ng Maoistang <em>Communist Party of the Philippines<\/em> (CPP) ay may pagbanggit na rin sa konserbatibo at progresibong katayuan ng mga intelektwal bilang peti-burges at potensyal na kaagapay sa pambansa-demokratikong rebolusyon.<\/p>\n<p>Namumukod-tangi ang akda ni Laurel gayunpaman sa tuon ng saliksik (sa literatura partikular na) at sa talim ng kritisismo nito (sa walang kakurap-kurap na pagpapangalan ng mga diumano\u2019y kasangkot o may implisitong pagpanig sa kapitalismo sa kabila ng kanilang progresibong kredensyal).\u00a0 Nagpamalas din ito hindi lamang ng matatag na pagkiling sa Marxismo kundi maging ng malawak na kaalaman sa larangang pampanitikan kapwa sa Pilipinas at sa ibayong dagat.<\/p>\n<p>Interesanteng gamitin bilang kagamitang analitikal ang \u201cpakikipagpatintero\u201d sa pagsusuri ng akda ni Laurel.\u00a0 Sa isang mainit na talakayan sa <em>Facebook<\/em> (Chua 2010), masusumpungan ang pagkakagamit ni Salazar sa pakikipagpatintero upang ilarawan ang para sa kanya\u2019y gawain ng maraming akademiko sa bansa.\u00a0 Alinsunod sa naging palitan nila ni Patricio Abinales, na isa rin sa mga naging puntirya ni Laurel sa kanyang aklat, lumitaw na tila isang normatibong gawain ang pakikipagpatintero sa hanay ng mga intelektwal laluna sa konteksto ng pagpopondo mula sa labas ng mga gawaing akademiko gaya ng pag-aaral at pananaliksik.\u00a0 Maipapalagay rin batay sa pagpapakahulugan ni Salazar na walang mali sa pakikipagpatinterong intelektwal <em>per se<\/em>, ngunit marapat aniyang may sariling pagpapasya ang iskolar\u2014paninindigang hinahango niya sa kanyang sariling pook [para sa isang halimbawa ng kaugnayan ng pook sa paninindigan, maaari ring sangguian ang akda ni Ramon Guillermo (2009)].<\/p>\n<p>Maituturing na tagapagsiwalat ang akda ni Laurel ng masalimuot na lohika at lohistika ng pakikipagpatinterong intelektwal ng mga sinuri niyang nobelista, akademiko, at administrador ng pamantasan.\u00a0 Sa kabuuan, inakusahan niya ang mga ito ng pakikipagsabwatan, malay at tuwiran man o hindi,\u00a0 sa nananaig na kaayusang kapitalista.\u00a0 Malalang kontradiksyon ito para sa may-akda, gayong ang panitikan at pamantasan aniya\u2019y itinuturing na alternatibo sa kultura ng di-maampat na konsumerismo at komodipikasyon.\u00a0 Tumiwalag para sa kanya kapwa ang ilang akademiko at artistikong gawain upang sundan ang <em>ethos<\/em> ng akumulasyon ng capital\u2014sa kaso nila, kultural at intelektwal na kapital sa porma ng gantimpala at prestihiyo sa \u201c<em>literary community<\/em>,\u201d <em>tenure <\/em>sa tinawag niyang \u201c<em>academic metropole<\/em>,\u201d pribelihiyadong posisyon sa kapantasang Pilipino, at iba pa.\u00a0 Inspirado sa kaisipan ng Marxistang palaisip mula sa India na si Aijaz Ahmad (2000), ang ganitong mga kontradiksyon ang nais isiwalat ni Laurel at nang sa proseso ay masipat ang lawak at lalim ng pagkakalubog ng lohika ng kapital sa lahat ng lipunan at mga sangay nito.<\/p>\n<p>Sa unang dalawang kabanata, tinukoy ni Laurel ang mga nakipagpatinterong manunulat sa mga tanyag na gawad pampanitikan, ang taunang <em>Palanca Awards<\/em> at <em>Centennial Literary Awards<\/em>.\u00a0 Partikular niyang binatikos ang mga indibidwal na nagsipagwagi sa kategoryang Ingles.\u00a0 Ang kanilang mga inilahok na akda, para kay Laurel, ay depolitisado at malabnaw, kundi man sadyang wala, ang kamalayang pangkasaysayan.\u00a0 Bilang halimbawa, ang mga nanalo sa patimpalak ng maikling kuwento sa pinakaunang <em>Palanca<\/em> noong unang hati ng dantaon 20 na sina Francisco Arcellana at Edith Tiempo, pawang mga hinirang na <em>Pambansang Alagad ng Sining<\/em> kinalaunan, ay nagtampok ng mga kuwento sa ganitong esensya.\u00a0 Sa kaso ng kay Arcellana (<em>Flowers of May<\/em>), nangingibabaw diumano ang sentimentalismong bulag sa panlipunang tunggalian ng panahong kinabibilangan.\u00a0 Rasismo naman sa akda ni Tiempo (<em>The Black Monkey<\/em>) ang kanyang tinuligsa kaugnay ng di-makatarungang paglalarawan sa mga Hapon. Sang-ayon sa kanya, pag-uulit lang ito ng propagandang Kanluran noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.\u00a0 Bagama\u2019t maaaring bigyang-kritisismo ang mga akdang ito gamit ang iba pang balangkas panunuri, sinukat ni Laurel ang halaga nila sang-ayon sa kanyang tendensyang pulitikal.\u00a0 Hindi nakapagtataka sa gayon na makita niya ang kawalan ng materyalismo sa una, at ang kawalan ng internasyunalismo (bilang Marxistang kategorya) sa pangalawa.\u00a0 Ganito rin ang ginawa niyang panghuhusga sa mga kalahok na nagwagi sa <em>Philippine Free Press <\/em>taong 1951.<\/p>\n<p>Halos kalahating siglo ang nakalipas matapos nito, sa konteksto naman ng patimpalak pampanitikan ng estado upang gunitain ang sentenaryo ng kalayaan noong 1998, matutunghayan din diumano ang pamamayani ng kawalan ng matimtimang pagpapahalaga sa kasaysayan sa mga kalahok ng <em>Centennial Literary Awards<\/em>.\u00a0 Itinumbas niya ang mga ito sa larangang teoretikal bilang alimpuyo ng postmodernismo kung saan binabansot ang kasaysayan bilang isang simpleng naratibong nabibilang sa laksa ng iba pang naratibo.\u00a0 Kabalitunaan ito, ayon kay Laurel, sapagkat nagbigay ng pagkakataon ang sentenaryo upang balikan ang kolonyal na karanasan at makapaglatag ng daan sa hinaharap.\u00a0 Sa halip, makikita sa sinuri niyang mga kaso, ang unang tatlong nagwagi sa nabanggit na patimpalak, ang diumanong pagtalikod sa kasaysayan kahit na ng kanilang kathang-isip na pagsasalaysay.\u00a0 Mapapansin umano ito sa eksotisasyon ni Eric Gamalinda (<em>A Sad Republic<\/em>) sa rebolusyunaryong si Papa Isio, sa reduktibong pagpapalabo ng kolonyal at neokolonyal na karanasan sa kaso ni Charleson Ong (<em>Embarrassment of Riches<\/em>), at sa simplistikong pagtanggap sa imperyalismo at kapitalismong transnasyonal ni Alfred Yuson (<em>Voyeurs and Savages<\/em>).\u00a0 Para kay Laurel, mapanganib ang instrumentalisasyon nila ng kasaysayan, na habang gumamit sila ng mga aktwal na kaganapang historikal ay nililihis naman nila ang nararapat na pagpapakahulugan sa mga ito.\u00a0 Bagama\u2019t nakikiamot sa mga temang binuksan ni Jose Rizal <em>sa Noli Me Tangere <\/em>(1887) na naisaaklat mahigit isang siglo na ang nakakalipas, kinapos pa rin aniya ang mga ito sa malalim na pangkasaysayang pananaw.<\/p>\n<p>Magkahalintulad ang dalawang kabanata sa aspekto ng pakikipagpatintero ng mga manunulat sa kanilang patron, ang <em>Palanca Awards<\/em> at ang mismong estado.\u00a0 Makatwirang inilapat ni Laurel ang kasaysayan kung saan mismo naganap ang mga naturang patimpalak pampanitikan.\u00a0 Iniugnay niya ang kalakaran ng kultural na produksyon sa unang taon ng <em>Palanca<\/em> sa namamayaning kaayusang anti-komunismo sa bansa.\u00a0 Panahon ito ng pamamayagpag ng nasyonalismo, bagay na kinamumuhian ni Laurel sa maraming bahagi ng kanyang aklat.\u00a0 Kapalit nito, pursigido niyang ipinapanukala ang internasyonalismo sa diwang Marxista.\u00a0 Sa kabilang banda, itinali naman niya ang <em>Centennial Literary Awards<\/em> ng Pamahalaang Joseph Estrada sa teknokratikong direksyon ng inaasam na globalisadong Pilipinas na nakaugat sa programang <em>Philippines 2000<\/em> ng naunang Pangulong Fidel Ramos.\u00a0 Dismayado niyang iginiit ang sana\u2019y mapagpalayang katangian ng mga naratibo.\u00a0 Sa kaso ng mga nagwaging lahok ng patimpalak, makikita ang pakikibagay sa mismong direksyong pampulitika at ekonomiko ng estadong elit.<\/p>\n<p>Sa pinal na pagsusuri, hindi lamang mga manunulat at intelektwal ang may ganansya sa patinterong ito.\u00a0 Maging ang pamilya <em>Palanca<\/em> mismo ay may insentibo sa pagpapatatag nila ng kanilang kultural at simbolikal na kapital.\u00a0 Gayundin ang masasabi niya sa estado sa pagpapatibay ng lohika ng pag-iral nito alinsunod sa namamayaning ideolohiya ng panahon.<\/p>\n<p>Wala ring takas sa ganitong laro maging ang kilalang radikal na pamantasan, ang UP, kung saan naging kabahagi rin mismo si Laurel bilang dating guro.\u00a0 Partikular niyang binanatan ang mga komplisitong gawain ng UP sa pandaidigang pamamayani ng ideolohiya ng pamilihan.\u00a0 Higit pa, pinuna niya ang diumano\u2019y pretensyong makaKaliwa ng administrasyong Francisco Nemenzo, sampu ng mga opisyal at tagasuporta nito na kinabibilangan nina Randy David, Ma. Serena Diokno, Jose Dalisay, Priscellina Legasto, maging si Abinales, at iba pa.\u00a0 Binanggit niya bilang suporta sa argumentong ito ang pagtataguyod ng <em>Revitalized General Education Program<\/em> (RGEP) na aniya\u2019y nakatunton sa postmodernong kaisipan, ang internasyonalisasyon ng mga publikasyon nang walang anumang pasubali sa lokal na publikasyon, obsesyon sa teknolohiya at pagsandig sa mga pribadong kompanya para rito (laluna na ang korporasyong Ayala), at ang tuon at mismong direksyon ng intelektwalismo sa pamantasan kung saan ang produksyon ng kaalaman ay nauwi sa elistismong akademiko at pagkakatali sa kung anong mabentang kaisipang global (laluna na ni Richard Rorty na kilala sa kanyang pragmatismo).\u00a0 Hindi ito atipikal sang-ayon kay Laurel gayong matutunghayan din sa ibang panig ng daigdig ang kontradiksyon sa mga namamandila ng progresibong kaisipan, mula sa komodipikasyon ng rebolusyon sa pagbebenta ng imahen ng mga gaya ni Mao Tse Tung, hanggang sa pagtanggap sa kahit na konserbatibong manunulat ng radikal na <em>journal <\/em>na <em>Dissent <\/em>o di kaya ang pagpailanlang ng <em>Rethinking Marxism <\/em>sa kalakaran ng akademikong negosyo ng subskripsyon ng <em>journal<\/em>.<\/p>\n<p>Itong akademikong negosyo naman ang siyang pamagat ng lumilitaw na sentral na sanaysay ni Laurel sa kanyang aklat.\u00a0 Malinaw ang puntirya niya sa ikaapat na kabanata: ipakita ang pulitika ng distansya (ng iskolar sa kanyang pinapaksa) at baklasin ang nakababahala diumanong intelektwalismo ni Caroline Hau at pagkamangha ng maraming iskolar dito.\u00a0 Nakatunton si Laurel sa paniniwalang ang espasyo sa pagitan ng mananaliksik at sinasaliksik ang siyang naghuhugis ng iskolarsyip.\u00a0 Dito niya nakitang nabigo si Hau na nahinto na umano sa pag-usisa ng kalagayan ng bayan mula sa kanyang komportableng posisyon sa <em>academic metropole<\/em>.\u00a0 Dagdag pa para sa kanya, personipikasyon si Hau ng kontradiksyon\u2014isang Marxista na hindi Marxista.<\/p>\n<p>Bilang paglalahad ng sariling pinanggagalingan, inamin ni Laurel ang kanyang pagkakaugnay sa ilan sa mga naging akda ni Hau, primarya na ang libro nitong <em>On the Subject of the Nation <\/em>(2005).\u00a0 Sa isang mahaba at malamang <em>e-mail<\/em> ni Laurel na sinipi sa kabanatang ito, isiningaw niya ang kawalan daw ng sapat na kaalaman sa pulitika ng Kaliwa sa Pilipinas ni Hau, sa kabila ng sinita rin niyang pakikipag-ulayaw sa \u201c<em>ultra-leftism<\/em>\u201d nito.\u00a0 Bilang ehemplo, niromantisa lamang raw ni Hau sa kanyang libro ang CPP sa konteksto ng pagtugon niya sa kritisismo ni Robert Francis Garcia hinggil sa kinasapitan ng rebolusyunaryo-armadong kilusan (kaugnay ng <em>purging<\/em>).\u00a0 Kinaligtaan diumano ni Hau ang kompleksidad ng Kaliwa sa kasalukuyan, bagay na diniin ni Laurel sa maraming bahagi ng naturang <em>e-mail<\/em>.\u00a0 Ang tanging paraan lamang raw ng kontra-diskurso kay Garcia ay palitawin ang kasalimuotan ng paksa at hindi ang ikubli ito sa romantisasyon ng rebolusyon ng pambansa-demokratikong kilusan.\u00a0 Distansya ang idinahilan ni Laurel sa likod ng ganitong pagkukulang ni Hau.\u00a0 Hindi raw naging epektibong tagapagtanggol ng CPP si Hau sa nasabing libro.\u00a0 Mas malala pa, ayon kay Laurel, ginamit lang raw ni Hau ang <em>On the Subject of the Nation<\/em> (2005) upang makamit ang <em>tenure<\/em> sa <em>Kyoto University<\/em> (KU).<\/p>\n<p>Maging ang nauna at kilalang obra ni Hau na <em>Necessary Fictions<\/em> (2000) ay di rin pinalampas ni Laurel sa kabanatang ito.\u00a0 Binansagan niyang hindi gagap ni Hau ang globalisasyon labas sa isteryotipikong pagkakagamit nito bilang islogan.\u00a0 Sa nabanggit na akda, maling atribusyon raw ang ginawa ng manunulat sa ipinalagay na kritisismo sa mga migranteng Pilipinong nag-aaral, nagtatrabaho o nanatili na sa ibang bansa.\u00a0 Sa katunayan, ayon kay Laurel, narsisistiko at depensibong pagpapaliwanag lang ang kanyang ginawa upang bigyang-katwiran ang posisyon niya sa \u201c<em>academic metropole<\/em>\u201d na milya-milya ang layo sa Pilipinas.\u00a0 Ni hindi nga raw mabanaag ang internasyunalismo sa inaastang Marxismo ni Hau.\u00a0 Sa gayon, inakusahan siyang sangkot sa globalisasyon sa anyo ng tinawag mismo ni Laurel na \u201c<em>neoliberal leftism<\/em>.\u201d\u00a0 Makikita rin umano ito sa pagmamatigas ni Hau sa ideya ng nasyon at nasyonalismo.<\/p>\n<p>Kanonikal kung tutuusin ang posisyon sa akademiya ni Hau kaya\u2019t para kay Laurel, nakakaambag umano siya sa patuloy na depolitisasyon ng mga salaysay nang walang matimtimang pagsasaalang-alang sa kasaysayan.\u00a0 Nagpatuloy ang paglilista ni Laurel ng mga gawain at sulatin ni Hau, partikular na ang umano\u2019y kaliwa\u2019t kanan niyang pagsusulat ng mga <em>blurb <\/em>sa kahit anong akda nang walang pasubali sa bagaheng pulitikal ng mga ito [isa sa mga pinuna ang <em>Jolography <\/em>ni Paolo Manalo (2003)].\u00a0 Bilang isang kritiko ng pulitika, nakakabahala diumano ang walang patumanggang pagbukas at sara ng \u201c<em>political antenna<\/em>\u201d ni Hau upang paboran ang kanyang mga kaibigan.\u00a0 Ang ganitong kompromiso ay hindi lang personal sang-ayon kay Laurel dahil ang paglalabas ng <em>blurb <\/em>ay isa ring anyo ng pagpapatatag ng kapangyarihan sa akademikong komunidad bilang pagwawagayway ng intelektwal at kultural na kapital.<\/p>\n<p>Sa kabanatang ito, iminapa ni Laurel ang sala-salabat na tema sa pakikipagpatintero ni Hau bilang Pilipinong intelektwal na nasa diaspora.\u00a0 Sinikap niyang ilahad ang antagonismong nagmumula sa distansya ng iskolar at ang pinapaksa nito.\u00a0 Lumilitaw sa gayon na ang pakikipagpatinterong ito ni Hau ay literal at metaporikal na akto ng pag-alis sa pook, at samakatwid, nagbubunsod ng kwestyunableng paninindigan.\u00a0 Importanteng sipiin mismo ang kabuuang hatol ni Laurel sa kabanatang ito na tila sentro ng kanyang aklat:<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\"><em>A close study of Hau is very important for Philippine literary criticism to move forward.\u00a0 It must stop being enamored with First World academic credentials, and see Hau for what she has become: a cautionary tale of the problem of politics without praxis, of geographic distance from one\u2019s subject, and the pitfalls of academic entrepreneurship where big grants and positions and fellowships are involved, thus the search for truth and demarcation lines become muted in the desire to be everything to everyone.<\/em><\/p>\n<p>Bagama\u2019t lumilitaw na tila isang personal na <em>vendetta<\/em> sa kung anumang dahilan ang pagsasalaysay na ito ni Laurel, masasabing nagbubukas siya ng isang importanteng paksa ng debate at repleksyon sa hanay ng mga intelektwal at manggagawa ng kultura.\u00a0 Masalimuot ang pulitika ng distansya kung tutuusin at hindi awtomatiko ang pagkakawalay sa sariling pook (pangkalinangan) sa harap ng pisikal na paglipat sa ibang pook.<\/p>\n<p>Makabuluhang banggitin halimbawa ang pagpupunyagi ni S. Lily Mendoza (2006) na habang nasa Estados Unidos ng Amerika ay hindi napatid ang pagkakaugnay sa kanyang pook.\u00a0 Higit pa, pinakita niya sa kanyang aklat hinggil sa pagsasaPilipino ng Agham Panlipunan ang masalimuot na pananaig ng kalinangang Pilipino maging sa mga ipinalagay na nawalay na sa bayan mismo (<em>i.e., <\/em>mga Pilipino-Amerikano sa Estados Unidos ng Amerika).\u00a0 Ang problema sa gayon sa balangkas pangkaisipan ni Laurel ay ang posibleng tendensya ng di-makatwirang panlalahat.\u00a0 Hindi pinasusubalian ang katotohanan ng pulitika ng distansya, ngunit kailangang palalimin ang ideyang ito na tumatawid sa personal (biyograpikal) at tekstwal (produksyong intelektwal).\u00a0 Sa kaso ni Hau, liban sa sinita ni Laurel na kawalan ng kaalaman bunsod ng kakulangan sa pananaliksik sa mismong larangan (<em>field work<\/em> man o pakikipanayam) at maya\u2019t mayang depensibong pagtatanggol sa sarili, maitatanong halimbawa sa papaanong paraan bumibitaw ang kanyang katapatan sa bayan?\u00a0 Ano ang mekanismo ng pakikipagpatintero na taliwas sa interes ng pinagmumulang pook?\u00a0 Anu-ano sa personal at tekstwal ang nagsasambulat ng reyalidad na nilamon na ng globalisasyon ang isang intelektwal?<\/p>\n<p>Tila sa huli kasi, mas tunggalian ng aling bersyon ng Marxistang ideolohiya ang buod ng pagtatalo nina Laurel at Hau.\u00a0 Iginigiit ng una ang kanyang pinaninindigang internasyunalismo, samantalang nakaipit naman sa nasyon ang ikalawa.\u00a0 Kritikal din ang pareho sa kilusan ng pagsasaPilipino, bagama\u2019t may kani-kanyang pasubali o <em>disclaimer<\/em> sa kani-kanilang sulatin.\u00a0 At dahil implisito ang pook sa usapin ng distansya, at ang pook ay higit pa sa simpleng pisikal na lokasyon, kahit ang mga nasa Pilipinas pa mismo ay maaari ring nakalutang ang pagpopook at posibleng may pangkamalayang distansya sa kanilang sinusuri.\u00a0 Sa gayon, mahalagang basahin at bigyang-kritika ang kritika (ni Laurel) ng mga kritika (ni Hau).<\/p>\n<p>Si Laurel, sa pagsisiwalat ng iba\u2019t ibang anyo ng pakikipagpatintero sa larangang kultural ay masasabing nakikipagpatintero rin.\u00a0 Nagsilbi siyang \u201cpatotot\u201d (pangunahing tagataya sa larong patintero) sa <em>loob<\/em> ng kuwadro kung saan nagaganap ang mismong laro.\u00a0 Masalimuot at matiyaga niyang inusisa ang daluyong ng lohika ng kapital at ang lohistika ng pagpapatianod dito ng ilan sa mga intelektwal na kanyang binanggit (kapansin-pansin ang madetalyeng talahuli ng kanyang aklat).<\/p>\n<p>Sa akdang ito, hinamon ni Laurel ang mga intelektwal na bagama\u2019t kaiba niya ng ideolohiya ay kapareha niya ring nakapaloob sa <em>status quo<\/em> ng produksyong kultural, ang pagsusulat sa wikang Ingles.\u00a0 Hindi rin mahirap ipook ang kanyang ikalimang kabanata hinggil sa <em>Pinoy English<\/em> kaugnay nito.\u00a0 Sa kontekstong ito, ang unang kailangang pansinin sa kanyang aklat ay ang mismong pamagat, bahagyang kaiba sa adulasyon na binigay ng naunang rebyuwer (Ramos 2011).\u00a0 Hindi mali <em>per se<\/em> ang <em>Philippine Cultural Disasters<\/em>, gaya ng hindi rin mali <em>per se <\/em>ang panunuri sa mga sulating Ingles o pagsusulat gamit ang wikang ito, ngunit may panganib itong hatid kung hindi mabibigyan ng pagsasakonteksto, bagay na mauunawaang hindi kabilang sa layon ng aklat.\u00a0 Mapanganib kasi kung maikakahon ang tinatayang pagkakasawi ng kultura sa Pilipinas sa kasawian ng mga intelektwal sa wikang Ingles.<\/p>\n<p>Kung gayon man, mainam na sadyang lumikha ng distinksyon sa pagitan ng kultura at ang pinakamalapit na Pilipinong konsepto rito, ang kalinangan (Salazar <em>et al<\/em>. 1981).\u00a0 Kaiba sa kultura na may implisitong paghihirarkiya ng kung alin ang mataas at mababang anyong-buhay, mas isinasaalang-alang sa kalinangan ang nalinang na pamumuhay ng bayan, mula sa wika ng pagtatalastasan o paglikha ng panitikang bayan, hanggang sa sariling pagkakagagap sa halaga ng pagkamakabayan.\u00a0 Kung ang pinakita ni Laurel ay ang <em>loob<\/em> ng kulturang sawi, mainam ding lumabas mula rito at tingnan ang kanyang mga kaso alinsunod sa ritmo ng umiiral na kalinangan.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>SA <em>LABAS<\/em> NG KULTURANG SAWI:<\/strong><br \/>\n<strong>ANG BISA NG KALINANGANG BAYAN<\/strong><\/p>\n<p>Matapos ang laksang kritisismong ipinarada ni Laurel sa naunang apat na kabanata, pumihit siya sa ikalima upang ipapanawagan ang pagkilala at paggamit ng <em>Pinoy English<\/em>.\u00a0 Nakikita niya ito bilang konsistent sa pinipuntuho niyang internasyunalismo, sang-ayon sa diwang Marxista na isinusulong din niya. \u00a0Para sa kanya, historikal ang pag-angat ng Ingles bilang isang global na wika.\u00a0 Hindi kagaya ng ibang panatiko ng wikang ito, malinaw kay Laurel ang pagiging wika nito ng mga elit, o ang imperyal na karakter nito.\u00a0 Dagdag pa, hindi rin siya nanawagang isantabi ang wikang Filipino at iba pang wikang rehiyunal sa Pilipinas at bagkus, idiniin pa ngang paunlarin din ang produksyon ng kaalaman, partikular na ng panitikan, sa mga ito.<\/p>\n<p>Kaugnay ng <em>Pinoy English<\/em>, ito ang nakikita ni Laurel na kasagutan sa debate hinggil sa wika sa Pilipinas.\u00a0 Ang paiba-ibang patakaran sa wikang panturo halimbawa ay nakapokus daw hindi sa nilalaman mismo ng mga aralin kundi sa kung wikang Ingles ba o Filipino ang gagamitin.\u00a0 Ikinatwiran din niyang hindi naman Ingles ang gumagapos sa sangkaPilipinuhan, dahil mananatili at mananatili umano ang mga kawatan at kurakot kahit na wala ang wikang Ingles.\u00a0 Isinisi niya ang pangmamata sa wikang Ingles sa mga diskurso ng nasyonalismo simula pa noong dekada \u201870.\u00a0 Magkakaroon lamang daw ng kaganapan ang mapagpalayang potensya ng wikang banyagang ito kung aangkinin natin ito (<em>i.e., <\/em>bilang <em>Pinoy English<\/em>).<\/p>\n<p>Habang makatotohanan ang pandaigdigang presensya ng Ingles at may linggwistikong batayan naman ang baryasyong <em>Pinoy English<\/em>, hindi nito lubusang napalitan ang wikang Filipino bilang pinakalaganap na wika sa Pilipinas (Navarro 2000).\u00a0 At dahil ang pakikilahok sa talastasang pambansa ay usapin ng kapangyarihan, ang wikang Filipino bilang sinasalitang wika ng mas malaking bahagdan ng populasyon ay di maitatangging may kapasidad sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan.\u00a0 Liban pa, malalim ang bisa ng wikang ito sa kamalayan, bagay na siyang paksa ng ilan sa mga pag-aaral ngayon sa Agham Panlipunan at partikular na sa Kasaysayan.\u00a0 Sa mga kadahilanang ito, maaapuhap ang solidong direksyon ng wikang Filipino bilang wika ng diskursong pangkabihasnan.\u00a0 Tunay na sa <em>labas<\/em> ng kulturang nag-iIngles ay ang kalinangang bayang nagfiFilipino.<\/p>\n<p>Sa kabilang banda, kahit sa hanay ng mga nagsusulong ng wikang Filipino, laluna sa mga nagsusulong ng pagsasaPilipino ng Agham Panlipunan, mayroon ding pagkilala hindi lang sa Ingles kundi sa iba pang banyagang wika bilang behikulo sa pag-unawa o pakikipagbukluran pa nga sa ibang lipunan at kalinangan.\u00a0 Matutukoy bilang mga halimbawa nito ang <em>Kros-Katutubong Sikolohiya <\/em>na patungo sa isang <em>Sikolohiyang Global o Unibersal<\/em> (Enriquez 1993; Pe-Pua 2005) at <em>Kasaysayang Kabanwahan<\/em> na nasa direksyon ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan sa iba\u2019t ibang etnisidad sosyo-pulitikal (Salazar 2006; Navarro 2012).\u00a0 Heto ang bersyon ng kanilang internasyunalismo, kaiba ngunit kaugnay ng isinusulong naman ni Laurel.\u00a0 Sariling kalinangan ang lunsaran ng dalawang inihalimbawa, samantalang mas sa <em>Pinoy English <\/em>at istruktural na kaisahan ng mga bansang papaunlad (<em>Third World<\/em>) ang kay Laurel.\u00a0 Tinukoy niya kaugnay nito ang kalakaran ng mga intelektwal ng India na sa kabila raw ng maraming debate kaugnay ng <em>subaltern<\/em> (<em>i.e., <\/em>sa kung papaano \u201cpasasalitain\u201d ang bayan sa mga produksyong tekstwal) ay may pagkilala naman umano sila sa kahalagahan ng Ingles bilang bahagi ng kanilang kasaysayan at kabuuang lipunan.\u00a0 Gaya ng pinakiwari na, walang kuwestyon mismo sa Ingles, ngunit sa kung gaano ito kabisa bilang wikang nag-uugnay sa mga intelektwal at sa bayang dapat na kinakausap at pinaglilingkuran nila.\u00a0 Kung ito nga naman ang pinakaangkop na wikang gamitin sa nabanggit na pagtutulay, bakit hindi?\u00a0 Sa kontekstong Pilipino gayunman, malinaw na umiiral ang kamalayang bayan sa wikang Filipino at iba pang wika ng Pilipinas bilang daluyan ng talastasan.\u00a0 Ang ganitong pagbabaitang ay maaaring masumpungan: wikang rehiyunal sa sariling pamayanan, wikang Filipino bilang pambansang talastasan, at wikang Ingles (kasama na ang iba pang wikang banyaga) bilang wika ng pakikipag-ugnayan sa <em>labas<\/em>.\u00a0 May bisa rin itong huling wikang ito na dapat kilalanin sa isang seksyon ng lipunan, halimbawa na, ngunit hindi limitado sa, mga nag-aaral at nagsusulat sa Araling Ingles at\/o nakikipagtalastasan sa o naghahanapbuhay gamit ang wikang ito.\u00a0 Dito maaaring ipasok ang pag-aangkin sa wikang Ingles bilang <em>Pinoy English<\/em> ni Laurel.<\/p>\n<p>Wika ni Laurel: \u201c<em>That the language Filipino needs to undergo a process of \u2018intellectualization,\u2019 a process of building a body of scholarly and scientific works using that language, is true and must be supported and encouraged: not by attacking the development of Philippine English, but by making sure Filipino writers in Filipino are given the opportunity to write their best and to publish these works<\/em>.\u201d\u00a0 Nasapul niya rito ang pangangailangan ng paglilinang sa sariling wika, ngunit ito ay nakatunton pa rin sa pamamalagay na nasa parehas na plataporma ang Filipino at Ingles.\u00a0 Hindi ito ang reyalidad.\u00a0 Bilang kongkretong halimbawa, nananatiling mahina ang institusyunal na suporta sa publikasyon sa wikang Filipino kumpara sa mas suportadong Ingles.\u00a0 Sa gayon, mahalagang isaprayoridad pa nga ang wikang Filipino bunsod ng kontradiksyon na sa kabila ng pagiging pinakalaganap na wika nito ay napakalimitado pa rin ang institusyunal na suporta rito.<\/p>\n<p>Kahit sa hanay ng mga progresibong mas malapit sa ideolohiya ni Laurel, may ganito ring pagkilala sa halaga ng wikang Filipino (Kimuell-Gabriel 2007; Guillermo 2013).\u00a0 Pagtugon pa nga kung tutuusin sa obhektibong kondisyon ng lipunan ang paggamit nito.\u00a0 Kahit ang mga kilalang bersyon ng Marxismo, gaya ng sa Rusya, Vietnam o kahit Tsina ay nakalubog din sa wika\u2019t kalinangan ng kanilang masa.\u00a0 Ngunit tila tumataliwas pa rin si Laurel sa ganitong reyalidad pangkasaysayan.\u00a0 Aniya, sa wikang Ingles posibleng maganap ang isang pandaigdigang pagbubukluran ng mga bansang papaunlad para sa katarungang panlahat.\u00a0 Ngunit paano magaganap ang pagbabahaginang ito kung walang matatag na <em>loob<\/em>?<\/p>\n<p>Hindi na rin nakapagtataka ang posisyong ito ni Laurel kaugnay sa wika.\u00a0 Mauuwi ito sa konsistent na kritisismo niya sa usapin ng pangkabuuang sosyo-pulitikal at ang damdaming kaakibat nito: nasyon\/bayan at nasyonalismo\/pagkamakabayan.\u00a0 Sa ganitong sentido, hindi rin siya naiiba sa ilan pang intelektwal na tutol sa proyekto ng pagbubuo ng bansa gaya ni Abinales (Chua 2010) o ni Lisandro Claudio (2013).\u00a0 Nagkakaisa sila sa pananaw na instrumento lamang ito ng dominasyon at pinupusyaw nito ang para sa kanila\u2019y mga higit na nakapangyayaring usapin.\u00a0 Kay Laurel: \u201c<em>The internationalism of Marxism and communism are impossible to appreciate and implement because of this inability to transcend the nation.<\/em>\u201d<\/p>\n<p>Ang ganitong pagkamuhi sa kabansaan at pagkamakabayan, at ang tila urong-sulong na paninindigan sa wikang Filipino ni Laurel ang siyang kontekstong maaaring makapagpaliwanag ng nauna niya pang mga kabanata.\u00a0 Bagama\u2019t eksplisito naman ang kanyang layuning suriin ang mga akdang pampanitikan sa wikang Ingles, mapapaisip pa rin ang mambabasa sa proseso ng pagsasakonteksto, kung ang kritisismo ba niya sa produksyong kultural ay naaakma rin sa mga nasusulat sa wikang Filipino.\u00a0 Nagdadala rin ba ito ng tema ng depolitisasyon ng teksto o sumasang-ayon sa lohika ng kapitalismong transnasyonal at imperyalismo?\u00a0 O baka nagsilbi itong daluyan ng kontra-diskurso sa karahasang sikolohikal ng kolonyalismo at neo-kolonyalismo (Mendoza 2006)?\u00a0 Awtomatiko ba talagang komplisito sa <em>status quo<\/em> ang anumang akdang pampanitikang kalahok sa mga tinukoy na patimpalak kahit na naggigiit ang akda ng kapakanan ng mga nasa laylayan ng kasaysayan at bayan?\u00a0 Isang posibleng halimbawa nito ang nagwaging sanaysay ni Nancy Kimuel-Gabriel (2011) sa <em>Palanca Awards <\/em>na nagpatampok sa \u201ckubeta\u201d gamit ang pinagbuklod na pangkasaysayan at pangkalinangang pananaw, makauring paninindigan, at sariling pagdadalumat ng karanasan.\u00a0 Sa paglalantad ni Laurel ng ideolohiya ng pamilihan ng UP, pinansin ba niya ang ilan sa mga radikal na tinig sa kasagsagan ng debate sa pamantasan na nagsusulong ng pag-aaral ng kasaysayan para sa pagtataguyod ng pagkamakabayan (Navarro 2001)?\u00a0 Hindi rin ba makita ni Laurel ang bisa ng pagpook ng Marxismo sa kalinangan ng bayan (Salazar 2000; Guillermo 2009) o kahit na nga sa kanyang tila pinapanigang pambansa-demokratikong ideolohiya (Sison 1966)?<\/p>\n<p>Subalit sadyang hindi bayan ang larangan para kay Laurel.\u00a0 Sa kabila ng lubos na pagtanggi niya rito, hindi maikakailang ang pagkamakabayan ay anyo rin ng pagpapatatag ng <em>loob<\/em> sa harap ng daluyong ng<em> labas<\/em> bilang globalisasyon.\u00a0 Masasabing may potensya pa rin ang bayan bilang salalayan ng pagkakakilanlan at pagkilos tungo sa kaginhawaan, bagay na siya rin namang inaadhika niya.\u00a0 Hindi bulag na sentimentalismo ang pagpapahalaga sa bayan dahil maging sa hanay ng mga nagsusulong nito, partikular na sa <em>Pantayong Pananaw<\/em>, malinaw ang pagkakilala na hindi ito monolitiko, hindi ito isang <em>kabuuang-walang-lamat<\/em> at hindi ito sarado sa pakikipag-ugnayan.\u00a0 Ibig sabihin, proseso ng pagbubuo ang <em>bayan <\/em>(Rodriguez-Tatel 2005) na kakikitaan kapwa ng ugnayan at talaban hindi lang ng mga nakapook sa <em>loob<\/em> nito kundi maging sa konteksto na rin ng pakikipag-ugnayan sa ibang kabihasnan.\u00a0 Bagama\u2019t simpatetiko si Laurel sa ganitong tendensya sa Agham Panlipunan sa ilang bahagi ng kanyang akda, nalunlungan naman ito ng mas matatag niyang pananalig sa ideolohikal na balangkas ng kanyang bersyon ng Marxismo.\u00a0 Itong huli sa katunayan ang siyang tagapagbigkis ng sanga-sangang kaso na inatupag niya sa aklat.<\/p>\n<p>Liban pa sa komitment na ito, malinaw ring personal na naratibo ni Laurel hinggil sa kanyang pagkaakademiko ang aklat.\u00a0 Maituturing itong katarsis niya na tila simbolikong redempsyon sa kanyang pagiging bahagi ng komunidad pampanitikan sa bansa, dating guro sa UP, at dating editor ng akda ni Hau.<\/p>\n<p>Bilang pagtatapos, kaiba sa minsang ipinanukala sa kasalukuyang rebyuwer ng isa sa mga kinikritika ni Laurel na nagwikang walang anumang mapapala sa pagbabasa ng <em>Philippine Cultural Disasters<\/em>, masasabing kailangang pagtiyagaang namnamin at isakonteksto ang pagbubulalas ni Laurel sa akdang ito.\u00a0 Mahalaga ang pagsasakonteksto upang matunghayan kapwa ang saklaw at hangganan nitong sinasabing kulturang sawi.\u00a0 Sa paglalapat sa mas malawak na kanvas ng sangkaPilipinuhan, mapahahalagahan pati sa proseso ang mas matimbang pa ngang pagbubuong pangkalinangan na lampas pa sa produksyong kultural ng mga elit.<\/p>\n<p>Kontrobersyal man at kuwestyunable ang ilan o marami sa mga proposisyon, makikinabang sa kanyang pagsusuri, at sa pagsusuri ng kanyang pagsusuri, hindi lang ang komunidad ng mga nasa Sining at Panitikan kundi maging ang mga nasa Agham Panlipunan at iba pang interesado, seryoso, at nagmamalasakit na mga mag-aaral para sa bayan.<\/p>\n<p><strong>Sanggunian<\/strong><\/p>\n<p>Ahmad, A. (2000).\u00a0 <em>In theory: Classes, nations, literatures<\/em>.\u00a0 London at New York: Verso.<\/p>\n<p>Chua, M.C.B. (ttpn.) (2010).\u00a0 Akademikong debate\/talastasan ng dekada, nasa Facebook!!!\u00a0 Nakuha noong Setyembre 4, 2013, mula sa History 166 Website: <a href=\"http:\/\/goo.gl\/7zECIr\">http:\/\/goo.gl\/7zECIr<\/a>.<\/p>\n<p>Claudio, L.E.E. (2013).\u00a0 Postcolonial fissures and the contingent nation: An antinationalist critique of Philippine historiography.\u00a0 <em>Philippine Studies<\/em>, 61 (1), 45-75.<\/p>\n<p>Constantino, R. (1970).\u00a0 <em>Dissent and counter-consciousness<\/em>.\u00a0 Quezon City: Malaya Books.<\/p>\n<p>Enriquez, V.G. (1992).\u00a0 <em>From colonial to liberation psychology.<\/em>\u00a0 Quezon City: University of the Philippines Press.<\/p>\n<p>Enriquez, V.G. (1993).\u00a0 Developing a Filipino psychology.\u00a0 Nasa A.M. Navarro at F. Lagbao-Bolante (mga pat.), <em>Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at pantayong pananaw<\/em>.\u00a0 Quezon City: C&amp;E Publishing, Inc., 2007, 34-53.<\/p>\n<p>Kimuell-Gabriel, N. (2007, Nobyembre 19-20).\u00a0 Ang pantayong pananaw at ang usapin ng agenda sa harap ng iba\u2019t ibang kilusang pang-akademiko at sosyo-pulitikal.\u00a0 Di-nalathalang papel, Ikalawang BAKAS-LIKAS Sampaksaan sa Historiograpiyang Pilipino, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.<\/p>\n<p>Kimuell-Gabriel, N. (2011).\u00a0 Kubeta.\u00a0 Nakuha noong Setyembre 18, 2013, mula sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature Website: <a href=\"http:\/\/goo.gl\/Cb6XRS\">http:\/\/goo.gl\/Cb6XRS<\/a>.<\/p>\n<p>Guillermo, R.G. (2009).\u00a0 <em>Pook at paninindigan: Kritika ng pantayong pananaw<\/em>.\u00a0 Quezon City: University of the Philippines Press.<\/p>\n<p>Guillermo, R.G. (2013, Mayo 28-29).\u00a0 Ang awtonomong komunidad pangkomunikasyon sa disiplinang araling Pilipino.\u00a0 Di-nalathalang papel, Sampaksaan: Ang Araling Pilipino sa Larangang Pambansa at Pandaigdigang Pagbabago, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.<\/p>\n<p>Hau, C.S. (2000).\u00a0 <em>Necessary fictions: Philippine literature and the nation, 1946-1980<\/em>.\u00a0 Quezon City: Ateneo de Manila University Press.<\/p>\n<p>Hau, C.S. (2005).\u00a0 <em>On the subject of the nation: Filipino writing from 1981-2004<\/em>.\u00a0 Quezon City: Ateneo de Manila University Press.<\/p>\n<p>Manalo, P.M. (2003).\u00a0 <em>Jolography<\/em>. \u00a0Quezon City: University of the Philippines Press.<\/p>\n<p>Mendoza, S.L.L. (2006).\u00a0 <em>Beyond the homeland and diaspora: The politics of theorizing Filipino and Filipino-American identities<\/em>.\u00a0 Manila: University of Santo Tomas Publishing House.<\/p>\n<p>Navarro, A.M. (2000).\u00a0 Ang bagong kasaysayan sa wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan.\u00a0 <em>Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas<\/em>,11.<\/p>\n<p>Navarro, A.M. (tlgm.) (2001, Hulyo 15).\u00a0 Pagpapahalaga sa Kasaysayan 1: Kasaysayan ng Pilipinas (Laban sa panukalang gawing opsyonal na asignatura ng General Education Program).\u00a0 Di-nalathalang papel, Talakayan ng Kaguruan ng Departamento ng Kasaysayan, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.<\/p>\n<p>Navarro, A.M. (2012, Setyembre).\u00a0 Araling kabanwahan, kasaysayang kabanwahan, at Araling Timog Silingang Asya.\u00a0 <em>Saliksik E-Journal<\/em>, 1 (2), 1-32.<\/p>\n<p>Pe-Pua, R. (2005).\u00a0 Kros-katutubong perspektibo sa metodolohiya: Ang karanasan ng Pilipinas.\u00a0 <em>Binhi<\/em>, 2 (1).<\/p>\n<p>Ramos, F.M.C. (2011). Review of Philippine cultural disasters: Essays on an age of hyper-consumption.\u00a0 <em>Journal of Contemporary Asia<\/em>, 41 (4), 674-678.<\/p>\n<p>Rizal, J.P. (1887).\u00a0 <em>Noli me tangere<\/em>.\u00a0 Berlin: Setzerinnenschule des Lette-Vereins.<\/p>\n<p>Rodriguez-Tatel, M.J. (2005).\u00a0 Ang dalumat ng bayan sa kamalayan at kasaysayang Pilipino.\u00a0 <em>Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas<\/em>, 15.<\/p>\n<p>Salazar, Z.A. (pat. at tsln.) (2000).\u00a0 Karl Marx at Friendrich Engels; Manifesto ng Partido Komunista. <em>\u00a0Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas<\/em>, 10.<\/p>\n<p>Salazar, Z.A. (2006).\u00a0 <em>Ang Pilipinong banua-banwa sa mundong Malayo-Polinesyano<\/em>.\u00a0 Quezon City: Palimbagan ng Lahi.<\/p>\n<p>Salazar, Z.A., J.B. Veneracion, W. Tamayo, at E. Pastores (1981).\u00a0 <em>Kabihasnang Asyano: Isang pangkasaysayang introduksyon<\/em>.\u00a0 Manila: Miranda and Sons.<\/p>\n<p>Sison, J.M. (1966, Disyembre 26).\u00a0 The national democracy and the political activist.\u00a0 Di-nalathalang papel, Third Annual Conference of the National Students\u2019 League, Iloilo City Colleges, Iloilo City, Philippines.<em>\u00a0 <\/em>Nakuha noong Setyembre 4, 2013, mula sa Websayt ng Arkibong Bayan: <a href=\"http:\/\/goo.gl\/wE4oR9\">http:\/\/goo.gl\/wE4oR9<\/a><\/p>\n<p>&nbsp;<\/p>\n<p>&nbsp;<\/p>\n","protected":false},"excerpt":{"rendered":"<p>SA LOOB AT LABAS NG KULTURANG SAWI Adonis L. Elumbre Asia-Europe Institute University of Malaya (UM), Kuala Lumpur, Malaysia Sa isang tingin, mahirap bigyan ng masinop na pagbasa ang aklat ni R. Kwan Laurel na pinamagatang Philippine Cultural Disasters: Essays &hellip;<\/p>\n<p class=\"read-more\"> <a class=\"more-link\" href=\"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-philippine-cultural-disasters-essays-on-an-age-of-hyper-consumption-2010-ni-r-kwan-laurel\/\"> <span class=\"screen-reader-text\">[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Philippine Cultural Disasters: Essays on an Age of Hyper Consumption (2010) ni R. Kwan Laurel<\/span> Read More &raquo;<\/a><\/p>\n","protected":false},"author":1,"featured_media":0,"comment_status":"closed","ping_status":"open","sticky":false,"template":"","format":"standard","meta":[],"categories":[6],"tags":[],"_links":{"self":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/159"}],"collection":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts"}],"about":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/types\/post"}],"author":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/users\/1"}],"replies":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/comments?post=159"}],"version-history":[{"count":2,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/159\/revisions"}],"predecessor-version":[{"id":291,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/159\/revisions\/291"}],"wp:attachment":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/media?parent=159"}],"wp:term":[{"taxonomy":"category","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/categories?post=159"},{"taxonomy":"post_tag","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/tags?post=159"}],"curies":[{"name":"wp","href":"https:\/\/api.w.org\/{rel}","templated":true}]}}