{"id":146,"date":"2013-11-03T07:09:45","date_gmt":"2013-11-03T07:09:45","guid":{"rendered":"http:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/?p=146"},"modified":"2014-09-04T04:38:41","modified_gmt":"2014-09-04T04:38:41","slug":"diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-isang-paglilinaw-sa-mga-paniniwala-at-pagpapakahulugan-sa-ispiritwalidad-at-relihiyon-ng-mga-pilipino","status":"publish","type":"post","link":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-isang-paglilinaw-sa-mga-paniniwala-at-pagpapakahulugan-sa-ispiritwalidad-at-relihiyon-ng-mga-pilipino\/","title":{"rendered":"[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Isang Paglilinaw sa mga Paniniwala at Pagpapakahulugan sa Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Pilipino"},"content":{"rendered":"<p><strong>Homer J. Yabut, Ph.D<\/strong>.<br \/>\nDepartment of Psychology<br \/>\nDe La Salle University (DLSU), Manila, Philippines<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>Abstrak<\/strong><\/p>\n<p>Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging relihiyoso.\u00a0 Madalas na iugnay ang pagiging relihiyoso sa pagiging ispiritwal ngunit sa panahon natin ngayon, tinitingnan na rin ang kaibahan ng dalawa (Zinnbauer <em>et al<\/em>. 1997).\u00a0 Sa kalinangang Pilipino, matagal nang binigyang-diin nina Virgilio Enriquez (1994), Prospero Covar (1998), at Teresita Obusan (1998) na bago pa man masakop ng iba\u2019t ibang relihiyon ang Pilipinas, mayroon na tayong mga ritwal na maaaring iugnay sa relihiyon.\u00a0 Nilayon ng pag-aaral na itong malaman ang mga paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon.\u00a0 Mga <em>key informant<\/em> sa iba\u2019t ibang larangan ang ginawan ng panayam para lubusang maintindihan ang mga paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon.\u00a0 Pinapakita ng mga resultang ang ispiritwalidad ng mga Pilipino ay nakaugnay sa mga paniniwala sa relihiyon.\u00a0 Makikita sa mga resultang isang penomenolohikal o personal na karanasan ang ispiritwalidad at tumutukoy ito sa kaugnayan ng ating sarili sa isang mas mataas sa atin at sa ibang tao.\u00a0 Sa kaugnayan ng ispiritwalidad at relihiyon, hindi maaaring maihiwalay ang ispiritwalidad sa relihiyon.\u00a0 Sa gayon, upang lubusang maunawaan ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, nararapat na pagtuunan ng pansin ang mga paniniwala at karanasan sa relihiyon.\u00a0 Tinalakay ang mga resulta at implikasyon ng pag-aaral sa konteksto ng Sikolohiyang Pilipino.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>Abstract<\/strong><\/p>\n<p><em>We Filipinos are known to be religious.\u00a0 Religiosity is commonly associated with spirituality but nowadays, the difference between the two is also being explored <\/em><em>(Zinnbauer et al. 1997).\u00a0 In Filipino culture, scholars like Virgilio Enriquez (1994), Prospero Covar (1998), and Teresita Obusan (1998) have already emphasized that even before different colonizers brought their religions to the Philippines, rituals have already existed which can be related to religion.\u00a0 This present study aims to describe the different beliefs and meanings the Filipinos give to spirituality and religion.\u00a0 This study involved key informants from different disciplines in order to have a deeper understanding about the beliefs and meanings of Filipinos about spirituality and religion.\u00a0 Results show that the spirituality of Filipinos is related to religion.\u00a0 It was shown in the results that spirituality is a phenomenological or personal experience and this refers to the relationship of the self to a higher being or to other people.\u00a0 On the relationship of spirituality and religion, spirituality cannot be understood if we isolate it from religion.\u00a0 This means that to further understand spirituality of the Filipinos, we should focus on understanding the beliefs and practices in their religion.\u00a0 Results and implications of the study were related to Sikolohiyang Pilipino<\/em>.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>INTRODUKSYON<\/strong><\/p>\n<p>Sa gitna ng mga kaganapan sa ating pang-araw-araw na buhay sa pagdaloy ng panahon, hindi natin maitatanggi ang mahalagang gampanin ng ispiritwalidad at relihiyon sa ating buhay bilang isang bansa.\u00a0 Sa katunayan, ayon sa mga paham na sikolohista tulad nina Carl Jung at Abraham Maslow, kinakailangang ikonsidera ang ispiritwalidad at relihiyon upang lubusang maunawaan ang isang tao (Hill <em>et al<\/em>. 2000).\u00a0 Ilang pananaliksik na rin sa Kanluran ang nagpapakitang tuwing nahaharap sa mga problema, sinasabing may mahalagang papel ang mga ispiritwal na salik sa pagresolba nito (Rippentrop 2005; Gall <em>et al<\/em>. 2005; Corrigan <em>et al<\/em>. 2001), na karaniwang nakikita ring ginagawa ng mga Pilipino.\u00a0 Isang pangkaraniwang gawain na rin ngayon ang ipaloob ang ispiritwalidad sa <em>counseling<\/em> at<em> therapy <\/em>ng mga <em>counselor<\/em> at sikolohista (Cashwell <em>et al<\/em>. 2001; Constantine <em>et al<\/em>. 2000; Hickinson <em>et al<\/em>. 2000; Helminiak 2001; Marquis <em>et al<\/em>. 2001; Young <em>et al<\/em>. 2000).<\/p>\n<p>Sa makakanluraning literatura, madalas iniuugnay ang ispiritwalidad sa relihiyon, ngunit sa ngayon, tinitingnan na ang kaibahan ng dalawa (Zinnbauer <em>et al<\/em>. 1997).\u00a0 Ayon kina Peter Hill (2000), galing ang ispiritwalidad sa salitang Latin na \u201c<em>spiritus<\/em>\u201d na ang ibig sabihin ay hininga o buhay.\u00a0 Madalas iniuugnay ang ispiritwalidad sa konteksto ng relihiyon at mga ritwal sa ilalim nito na nararanasan at ipinapahayag ng marami (Zinnbauer <em>et al<\/em>. 1997; Hill <em>et al<\/em>. 2000).\u00a0 Tumutukoy rin ang ispiritwalidad sa \u201csagrado\u201d bilang isang tao, bagay o isang prinsipyo o konsepto na nilalagpasan ang sarili (Hill <em>et al<\/em>. 2000).<em>\u00a0 <\/em>Pinapakahulugan din ang ispiritwalidad bilang isang personal at pansariling aspekto ng relihiyosong karanasan (Hill at Pargament 2003).<\/p>\n<p>Iba naman ang pagpapakahulugan sa relihiyon kumpara sa ispiritwalidad.<em>\u00a0 <\/em>Ayon kina Hill (2000), \u201cgaling ang relihiyon sa \u2018religio\u2019 na ang ibig sabihin ay pag-iisa ng sangkatauhan sa ibang kapangyarihan na higit pa sa tao.\u201d\u00a0 Karaniwan nang sinasabing ang relihiyon ay may isang pormal na istruktura na may sistema ng paniniwala, gawain, at makitid na kahalintulad ng mga relihiyosong institusyon (Zinnbauer <em>et al<\/em>. 1997; Corrigan <em>et al<\/em>. 2003; Hill at Pargament 2003).\u00a0 Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring napagkakasunduang kahulugan ng ispiritwalidad at pagkarelihiyoso (Zinnbauer <em>et al<\/em>. 1997; Hill <em>et al<\/em>. 2000).\u00a0 Mapapansing halos hindi na mapag-alaman ang kaugnayan ng dalawang konseptong ito sa isa\u2019t isa.\u00a0 Dinagdag pa nina Brian Zinnbauer (1997) na kahit na magkaiba ng dalawang ito, hindi masasabing wala silang kinalaman sa isa\u2019t isa.\u00a0 Bilang buod, ayon kina Hill (2000), \u201cang ispiritwalidad ay isang sentral at mahalagang gamit ng relihiyon.\u201d<\/p>\n<p>Sa pag-aaral ng ispiritwalidad, hindi ito maiihiwalay sa pagkataong Pilipino kung saan magkakaugnay ang <em>katawan<\/em> at <em>kaluluwa<\/em>, at ang <em>loob<\/em> at <em>labas<\/em> (Salazar 1977; Alejo 1990; Jose at Navarro 2004).\u00a0 Sa sinaunang panahon, matibay ang pagkabuklod ng <em>kaluluwa<\/em> at <em>katawan<\/em> na siyang nagdudulot ng <em>kaginhawaan <\/em>bagama\u2019t taliwas ito sa turo ng Kristiyanismo kung saan makakamit lamang ang <em>kaginhawaan<\/em> sa kabilang buhay (Salazar 1977; Jose at Navarro 2004).\u00a0 Nakikita sa kalinangan nating maaaring matamo ng tao ang <em>kaginhawaan<\/em> sa buhay na hindi naihihiwalay ang <em>kaluluwa<\/em> at <em>katawan<\/em>.\u00a0 Sa pagpapakatao, napakahalaga ng ispiritwalidad dahil sa ating pagpapakatao nasasalamin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos (De Mesa 2010).\u00a0 Para kay Prospero Covar, ang ispiritwalidad ng mga Pilipino ang paglalakip ng mga pagkatao at paniniwala at paghahanap ng karunungan ng Diyos na siyang itinuturing ng mga Pilipinong pinakamahalaga kumpara sa paghahanap ng karunungan ng tao at pilit na karunungan (Covar 1998; Aquino 1999).\u00a0 Ang mga pagpapahalagang Pilipino gaya ng <em>hiya<\/em>, <em>utang na loob<\/em>, at <em>pakikisama<\/em> ay matagal nang natuklasan at natalakay sa mga popular na debosyon sa iba\u2019t ibang lugar sa Pilipinas (Mercado 1977).\u00a0 Samakatwid, hindi maihihiwalay ang ispiritwalidad sa kalinangan, kamalayan, at sikolohiya ng mga tao, pati na rin sa pagpapakatao.<\/p>\n<p>Sa ating konteksto sa Pilipinas, tila magkaugnay ang konsepto ng ispiritwalidad at relihiyon.\u00a0 Matutunghayan ditong karaniwang makikita ang ispiritwalidad sa konteksto ng relihiyon at sa mga ritwal na nakagisnan na ng mga Pilipino.\u00a0 Binigyang-diin na nina Virgilio Enriquez (1994), Covar (1998), at Teresita Obusan (1998) na bago pa man masakop ng iba\u2019t ibang relihiyon ang Pilipinas, mayroon nang mga paraan ang ating mga ninuno sa pakikipag-ugnayan sa mga hindi nakikita na kasalukuyang tinatawag nating relihiyon, na tinawag naman ng mga mananakop bilang mga pamahiin, pagiging pagano, at iba pang natutuon sa isang Pinakamataas ng Nilalang.\u00a0 Ayon kay Leonardo Mercado (1992), personal ang tradisyunal na imahen ng Diyos sa mga Pilipino tulad ng makikita sa iba\u2019t ibang debosyong mayroon ang mga Pilipino.\u00a0 Nakaugat ang mga kasalukuyang relihiyosong ritwal sa anitismong tradisyon ng kulturang Pilipino (Mercado 1977; Covar 1998).\u00a0 Nabanggit na ni Zeus Salazar (1998, makikita sa Aquino 1999) ang halaga ng anito dahil itinuturing niya itong sinaunang relihiyon na kung saan itinuturing itong purong <em>kaluluwa<\/em>, espiritu, at diyos na may magandang ugnayan ang <em>kaluluwa<\/em> at <em>ginhawa<\/em>.\u00a0 Dagdag niya, isang uri ito ng pananampalataya na nakita sa mga pamayanan kung saan magkaakibat ang wika at kultura.\u00a0 Makikita natin mula sa mga nasusulat tungkol sa ispiritwalidad nating mga Pilipino na tila personal ang ating karanasan ng ispiritwalidad na hindi lamang makikita sa mga relihiyosong gawain kundi sa pang-araw-araw na buhay gaya ng mga debosyong makikita halos sa buong taon dahil nasa kultura at pagkatao na natin ito mula pa ng sinaunang panahon.<\/p>\n<p>Sa pagbabago ng panahon at dahil sa pagpapanibagong dulot ng relihiyon, inaangkop na rin dito ang mga nakagisnang paniniwala at ritwal.\u00a0 Ayon kay Mercado (1977), nagiging matingkad ang pagiging mapamili ng kultura at kung paano binibigyan ng ibayong anyo at mukha ang mga ritwal na ibinigay ng Kristiyanismo.\u00a0 Bagama\u2019t may mga naidulot na pagbabago sa pag-iisip ng mga tao ang Kristiyanismo gaya ng kaugnay sa sekswalidad (Jose at Navarro 2004), naging matingkad pa rin ang pagpapaibayo ng mga tao sa pagpapatuloy ng mga nakagisnang ritwal at nakagawiang anitismo na naayon sa sariling kalinangan. Binigyan nila ng panibagong mukha ang Kristiyanismong nakaugat sa sinaunang kalinangan.\u00a0 Ang pag-unawa sa Diyos ng mga Pilipino ay nagkaugat sa kalinangan.\u00a0 Ika nga ni Jose De Mesa (2010), lagi tayo dapat nagsisimula sa karanasan ng Diyos lalung lalo na sa Pilipino dahil bahagi na ng kulturang Pilipino ang pananalig sa Diyos.\u00a0 Para sa kanya, hindi nakabase ang pagkakaunawa natin sa Diyos sa \u201contos\u201d na siyang basehan ng makakanluraning paniniwala bagkus mas angkop ang salitang \u201cdabar\u201d na kung saan binibigyan ng halaga ang ugnayan sa kausap.\u00a0 Para kay De Mesa (2010), \u201cdahil nakabatay sa ating pag-unawa ng karanasan sa Diyos ang pag-intindi natin sa iba\u2019t ibang larangan ng pananampalataya, anumang pagbabago ang magaganap sa una ay malamang na magbibigay-daan sa pagbabago sa ikalawa.\u00a0 Magkaakibat at kawing-kawing ang mga ito.\u201d\u00a0 Samakatwid, kahit sa larangan ng Teolohiya, inaangkop na nila ang pag-unawa kay Kristo base sa paniniwala ng kalinangang bayan.<\/p>\n<p>Sinabi ng dating Santo Papang si John Paul II noong ipinagdiriwang ang <em>World Youth Day<\/em>, na ang dakilang pangyayaring ito sa mundo at simbahan ay tinatawag na mga Pilipino (De Quiros 1998).\u00a0 Kilala ang mga Pilipino bilang isang bayang may kakaibang kasanayan at tradisyon sa kultura gaya ng karamihan sa mga pagdiriwang sa simbahan tulad ng Pasko at Mahal na Araw kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit marami rin tayong paraan ng pagpapahayag ng pagkarelihiyoso.\u00a0 Tuwing Mahal na Araw, maraming tao ang nagpepenitensya sa pamamagitan ng pagpalo sa sarili upang ipakita ang pagsisisi sa kanilang kasalanan at walang pahintulot ng simbahan ang gawaing ito.\u00a0 Sa kabilang dako, mas pinipili ng ilang debotong Pilipinong magtungo sa mga tinatawag nilang Banal na lugar tulad ng Bundok ng Banahaw.\u00a0 Ayon kay Covar (1998), mga banal na lugar sa paglipas ng maraming henerasyon ang mga puwesto sa Banahaw.\u00a0 Kinikilala ng mga Pilipino bilang banal ang mga puwesto na noong unang panahon ay walang mga imahen ng mga Santo bagkus, pawang mga bahagi lamang ng kalikasan tulad ng mga kuweba at mga ilog.<strong>\u00a0 <\/strong>Sa buong taon, naririyan din ang mga popular na debosyon tulad ng sa Nazareno, Sto. Entierro, at Sto. Nino.<\/p>\n<p>Sa likod ng pagkarelihiyoso ng mga Pilipino, mapapansing tila nakatatak na rito ang ispiritwalidad.\u00a0 Sa Kanluran, hindi gaanong malinaw ang kaugnayan ng ispiritwalidad at pagkarelihiyoso kahit na marami na ring pag-aaral ang nagawa ngunit tila pagdating sa kontekstong Pilipino mukhang malinaw ang pagkakaugnay ng dalawa.\u00a0 Mahalaga ang gampanin ng kultura sa pag-aaral ng ispiritwalidad dahil malaki ang kaugnayan nito sa ispiritwalidad at kalusugang mental ng isang tao (Hill at Pargament 2003).\u00a0 Nilayon ng pag-aaral na itong masuri at mailarawan nang mas malaliman ang mga paniniwala at pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga Pilipino.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>METODO<\/strong><\/p>\n<p>Gumamit ang pag-aaral na ito ng isang deskriptibong kwalitatibong disenyo sa pananaliksik.\u00a0\u00a0 Mga <em>key informant<\/em> sa iba\u2019t ibang larangan ang kinapanayam para malaman ang mga paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino sa ispiritwalidad at relihiyon.\u00a0 Gumagamit ito ng lapit na konstruktibista na inuugnay sa Sikolohiyang Pilipino.\u00a0 Nilalayon ng lapit na konstruktibista na mapag-aralan ang mga dalumat base sa kung paano binibigyan ng mga tao ng kahulugan ang mga ito (Gergen 1985).\u00a0 Masasabing maiiugnay ito sa <em>pagsasakatutubo mula sa loob<\/em> ni Enriquez (1993) na kung saan itinuturing ang kultura bilang pangunahing pinanggagalingan ng kaalaman at hindi ang mga imposisyon ng Kanluran.\u00a0 Ginawan ng kwalitatibong pagsusuri ang mga sagot ng iba\u2019t ibang <em>key informant<\/em> mula sa iba\u2019t ibang larangan.<\/p>\n<p><strong><em>Kalahok<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Alinsunod sa adhikaing interdisiplinaryo ng Sikolohiyang Pilipino (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000; Church at Katigbak 2002), mula sa iba\u2019t ibang larangan ang mga <em>key informant <\/em>na kalahok sa pag-aaral na ito.\u00a0 Gumamit ito ng <em>purposive sampling<\/em> at pangunahing salik na kinakailangan ng mga kalahok ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa ispiritwalidad.\u00a0 Binubuo ang mga <em>respondent<\/em> ng dalawang kalahok mula sa larangan ng Teolohiya, isa mula sa Pilosopiya, isa mula sa Antropolohiya at Kasaysayan, isang Katolikong Obispo, isang Kristiyanong Pastor, isang <em>Guidance Counselor<\/em>, at tatlong Sikolohista.\u00a0 Katoliko ang lahat ng kalahok maliban sa Kristiyanong Pastor.\u00a0 Lalaki ang siyam sa mga kalahok at isa lang ang babae.\u00a0 Nasa 30-75 na taon gulang ang mga kalahok.<\/p>\n<p>Iba\u2019t iba ang pinanggalingan ng mga kalahok.\u00a0 Mayroon tatlong Teologo ang naisali sa pag-aaral.\u00a0 Sa larangan ng Teolohiya, isang Katolikong Obispo sa Gitnang Luzon ang naisali.\u00a0 Isa siya sa mga batang Obispo dahil tinatayang wala pa siyang 60 taong gulang.\u00a0 Ang pangalawang kalahok na mula sa Teolohiya (Teologo A) ay kasalukuyang nagtuturo ng iba\u2019t ibang kurso sa Teolohiya sa isang kolehiyo sa Maynila.\u00a0 Samantala, Tagapangulo naman ng Departamento ng Teolohiya sa isang pamantasan sa Maynila ang pangatlong Teologo (Teologo B).\u00a0 Dati niyang inaral ang mga gawain ng mga taga-Mountain Province na kung saan inililibing ang mga yumao malapit sa kani-kanilang bahay.<\/p>\n<p>Isang retiradong Propesor ng Pilosopiya naman mula sa isang pamantasan sa Maynila ang kalahok na Pilosopo.\u00a0 Marami na siyang naisulat hinggil sa Pilosopiyang Pilipino.\u00a0 Samantala, isang retiradong Propesor naman ng Kasaysayan mula sa isang pamantasan sa Quezon City ang kalahok na paham sa Antropolohiya\/Kasaysayan.\u00a0 Isa siya sa mga aktibong nagsusulong ng maka-Pilipinong pananaliksik at marami na ring naisulat sa larangan ng Kasaysayan at Antropolohiya.<\/p>\n<p>Nag-aral naman ng <em>Counseling<\/em> ang kalahok na batang Kristiyanong Pastor.\u00a0 Rehistradong <em>Guidance Counselor<\/em> naman ang isang kalahok mula sa isang pamantasan sa Gitnang Luzon.\u00a0 Isa siyang aktibong miyembro ng simbahang Katoliko bagama\u2019t hindi niya ginagamit ang ispiritwal na salik sa paggabay-pagpapayo kung hindi naman relihiyoso ang estudyante.<\/p>\n<p>Nanggaling naman sa isang pamantasan sa Maynila ang tatlong Sikolohista.\u00a0 Marami nang nasulat tungkol sa pagsasakatutubo ng Sikolohiya at Sikolohiyang Pilipino ang unang Sikolohista (Sikolohista A).\u00a0 Isang guro at <em>therapist<\/em> ang pangalawang Sikolohista (Sikolohista B) na gumagamit ng Sikolohiyang Transpersonal.\u00a0 Hindi raw siya relihiyoso pero ispiritwal siyang tao.\u00a0 Marami na rin siyang naisulat sa Sikolohiyang Pilipino lalung lalo na tungkol sa pagkalalaki.\u00a0 Ang huling Sikolohista (Sikolohista C) ay isang guro at praktisyuner ng pagtataya at terapiya para sa mga bata.<\/p>\n<p><strong><em>Instrumento<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Gumamit ang pag-aaral ng <em>pagtatanung-tanong <\/em>(Gonzales 1976)<em>.<\/em>\u00a0 Navalideyt ang mga tanong sa <em>pagtatanung-tanong<\/em> ng isang mananaliksik at propesor.\u00a0 Nakatuon ang mga posibleng tanong sa <em>pagtatanung-tanong<\/em> sa pagpapakahulugan ng mga <em>key informant<\/em> tungkol sa ispiritwalidad, at kung papaano nagkakapareho at nagkakaiba ang ispiritwalidad sa relihiyon.\u00a0 Ayon kay Lydia Gonzales (1976), sa isang <em>pagtatanung-tanong<\/em>, walang itinakdang istruktura sa mga tanong at ang pinakamahalagang gabay ng mananaliksik ay ang hangarin ng pananaliksik.\u00a0 Nilalayon ng <em>pagtatanung-tanong<\/em> ang mabigyang-linaw at mapagtibay ang mga impormasyon mula sa iba\u2019t ibang tao.\u00a0 Isinagawa ang <em>pakikipagpalagayang-loob<\/em> bago ang aktwal na <em>pagtatanung-tanong<\/em> dahil isang mahalagang sangkap ito sa isang katutubong metodo.<\/p>\n<p><strong><em>Pagkalap ng Datos<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Sa pananaliksik na ito, ang mga <em>key informant<\/em> ay mula sa iba\u2019t ibang larangan na nananaliksik sa ispiritwalidad sa lipunan at kulturang Pilipino.\u00a0 Nagsagawa ng <em>pagtatanung-tanong<\/em> ang mananaliksik sa mga <em>key informant<\/em> mula sa iba\u2019t ibang larangan tulad ng Teolohiya, Antropolohiya at Kasaysayan, Pilosopiya, at Sikolohiya mula Enero 2007 hanggang Pebrero 2008.\u00a0 Ibinigay ng mananaliksik ang mga <em>follow-up<\/em> o <em>probe<\/em> na katanungan kung kinakailangan upang mabigyang-linaw ang ibang bagay o dili kaya\u2019y kung kinakailangan ng higit pang eksplanasyon ang kasagutan ng kinapanayam.<\/p>\n<p><strong><em>Pag-analisa ng Datos<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Sa pananaliksik na ito, ginamit ang kwalitatibong pagsusuri.\u00a0 Nilalayon ng pagsusuring ito na makuha ang pagpapakahulugan ng mga kalahok tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon na naayon pa rin sa konstruktibismo at Sikolohiyang Pilipino.\u00a0 Base sa mga <em>pagtatanung-tanong<\/em> na naisagawa, kinuha ang mga kategorya at tema upang masagutan ang mga problemang nais tugunan ng pag-aaral na ito.\u00a0 Pagkatapos basahin ang mga transkripsyon ng mga <em>pagtatanung-tanong<\/em>, ginawan ng mananaliksik ng <em>open coding<\/em> bilang unang bahagi ng pag-aanalisa.\u00a0\u00a0 Nagpokus ang mananaliksik sa paulit-ulit na tema na lumabas sa <em>pagtatanung-tanong<\/em> para mas makakuha ang malalim na pagpapakahulugan sa ispiritwalidad sa kontekstong Pilipino.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>RESULTA<\/strong><\/p>\n<p>Ipapakita sa resulta ng pananaliksik ang mga tema buhat sa mga sagot ng mga kalahok mula sa iba\u2019t ibang larangan.\u00a0 Nahahati sa dalawang bahagi ang resulta ng pananaliksik.\u00a0 Ipapakita sa unang bahagi ang pagpapakahulugan ng mga kalahok sa ispiritwalidad samantalang tatalakayin naman ng pangalawang bahagi ang ispiritwalidad at relihiyon.<\/p>\n<p><strong><em>Ispiritwalidad<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Dalawang temang ang lumabas sa tema ng ispiritwalidad\u2014penomenolohikal na karanasan at pagkakaugnay-ugnay sa Diyos at <em>kapwa<\/em>.<\/p>\n<p><em>Penomenolohikal na Karanasan<\/em><\/p>\n<p>Nakatuon sa dalawang tema ang mga konseptwalisasyon tungkol sa ispiritwalidad.\u00a0 Ang unang temang lumilitaw ay ang <em>penomenolohikal na karanasan<\/em>nito<strong><em>.<\/em><\/strong>\u00a0 Tumutukoy ang ispiritwalidad bilang isang penomenolohikal na karanasan sa katotohanang lahat ng tao ay may kakayahang magkaroon ng ispiritwal na karanasan.\u00a0 Itinuturing ang ispiritwalidad dito bilang isang bagay sa <em>loob<\/em> ng isang tao at hindi isang <em>panlabas<\/em> na bagay.\u00a0 Karanasang penomenolohikal ito kung saan kadalasan mahirap maunawaan.\u00a0 Nasa kaibuturan ito ng isang tao.\u00a0 Iba\u2019t ibang pagtatangka sa pagkuha ng mga ito sa isang perpektong paraan ay mahirap dahil tulad ng sinabi ng mga kalahok, maaari lamang tayong makipag-usap tungkol sa ispiritwalidad gamit ang mga analohiya.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">\u2026hindi mo ma-<em>explain<\/em> bakit ganito pero alam mo may pinanggagalingan yang kabutihan\u2014pinanggagalingang kahulugan na kailanman hindi mo ma-<em>grasp<\/em>.\u00a0 <em>But it comes to you at certain moments in your life, just reveals itself to you<\/em> (Sikolohista A).<\/p>\n<p>Dahil isa itong penomenolohikal na karanasan, nararanasan ito sa iba\u2019t ibang paraan depende sa pagpapakahulugan ng tao.\u00a0 Maaaring magkaroon ang mga tao ng parehong karanasan subalit kung paano nila bibigyan ng mga kahulugan ang mga karanasan ang tumutukoy sa ispiritwal na aspekto nito.\u00a0 Ang pagkarelihiyoso ay maaaring maging nasa utak o gawain lamang ngunit higit pa kaysa sa dalawa ang ispiritwalidad\u2014ito ang emosyonal na bahagi.\u00a0 Hindi mo ginagawa ang isang bagay dahil napipilitan ka ngunit dahil mula ito sa kaibuturan ng iyong pagkatao.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">\u2026anong kahalagahan ng mga <em>activities<\/em> mo\u2026 kung nabigyan mo siya ng <em>personal meaning<\/em>, yun yung <em>spirituality<\/em> (Sikolohista C).<\/p>\n<p>Ang malaking tanong ngayon ay kung paano malalaman ng mga taong may kaugnayan sa ispiritwalidad ang mga kahulugang ibinibigay nila sa kanilang mga karanasan.\u00a0 Nagbigay ang mga <em>key informant<\/em> ng iba\u2019t ibang sagot subalit ang papel na ginagampanan ng relihiyon ang isang pangunahing bagay na sinabi nila.\u00a0 Binanggit ng isang Sikolohista na likas na katangian ng isang tao ang ispiritwalidad samantalang natutunan naman ang relihiyon.\u00a0 Sinabi niyang gumaganap ang relihiyon ng isang malaking papel sa ispiritwalidad ng isang tao.\u00a0 Nagsisilbi ito bilang isang daan para maipahayag ang ispiritwalidad.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Kasi dun sa <em>religion<\/em>, dun nabubuhay ang <em>spirituality<\/em>.\u00a0 Kumbaga dun ang kanyang nilalagyan, dun naabot ng tao, binibigyan siya ng <em>tool<\/em> ng <em>religion<\/em> para maabot niya yung kaloob-looban niya (Sikolohista A).<\/p>\n<p>Karaniwang tinutukoy ang ispiritwalidad ng isang tao sa pamamagitan ng relihiyon.\u00a0 Karaniwang basehan ng ispiritwalidad ng isang Kristiyano ang kanyang relihiyon.\u00a0 Tungkol naman sa ispiritwalidad ng mga Pilipino, lubusan itong maiintindihan sa pamamagitan ng pagbibigay-halaga sa mga paniniwala sa relihiyon.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Kadalasan, kapag pinag-uusapan ang <em>Filipino<\/em> ispiritwalidad\u2026 ito ay tinutukoy bilang pagiging relihiyoso, mga paniniwala sa relihiyon, paniniwala at kasanayan, saloobin at pag-uugali na isang salamin ng kanilang mga paniniwala sa relihiyon.\u00a0 Kaya ito ay mga bagay na maaaring isaalang-alang sa Pilipinas bilang ispiritwalidad (Teologo A).<\/p>\n<p>Upang ibuod ang unang tema, isang penomenolohikal na karanasan ang kabanalan.\u00a0 Sa mga Pilipino, isang bagay ito sa <em>kaloob-looban<\/em> ng isang tao.\u00a0 Dahil isa itong penomenolohikal na karanasan, mahirap talakayin ang isang bagay na masyadong abstrak sa mga tao kaya naman maaari lamang itong makuha sa pamamagitan ng mga analohiya.\u00a0 Mahalaga ang pagbigay-pansin sa kahulugan upang ilarawan ang ispiritwalidad dahil habang pinag-uusapan ng mga tao ang kanilang mga karanasan at bigyan ang mga ito ng kahulugan maaari nating malaman ng higit pa ang ispiritwalidad.\u00a0 Bagama\u2019t isang unibersal na konsepto ang ispiritwalidad, gumaganap ng malaking papel ang kultura sa kung paano tukuyin ng mga tao ang kanilang ispiritwalidad\u2014kung paano nila binibigyan ng kahulugan ang kanilang karanasan.\u00a0 Sinasabing hinuhulma ng kultura ang mga saloobin ng isang tao at ang kahulugan ng ispiritwalidad sa pamamagitan ng relihiyon.\u00a0 Nagsisilbi ito bilang isang paraan o daan ng pagpapahayag o paghahanap sa kabanalan.<\/p>\n<p><em>Pagkakaugnay-ugnay sa Diyos at Kapwa<\/em><\/p>\n<p>Ang <em>pagkakaugnay-ugnay sa Diyos at kapwa<\/em> ang ikalawang temang lumabas sa ispiritwalidad.\u00a0 Tumutukoy ito sa kaugnayan ng iyong sarili, sa Diyos, at sa iba.\u00a0 Sumangguni ang unang dalawang koneksyon sa ugnayan sa sarili at sa Diyos.\u00a0 Sa ugnayan natin sa Diyos sa <em>kalooban<\/em> natin, tayo rin ay konektado sa buhay.\u00a0 Maaari itong magkaroon ng iba\u2019t ibang pangalan.\u00a0 Maaari itong tawagin bilang isang bagay na banal o sagrado.\u00a0 Ang ating pagkakaugnay sa Diyos at <em>kapwa<\/em> ang nagbibigay sa atin ng kaganapan sa buhay.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Kapag pinag-uusapan natin ang ispiritwalidad, tinutukoy natin ang buhay ng Diyos, ang buhay ng Diyos sa lahat sa atin.\u00a0 Sa ganon, kapag pinag-uusapan natin ang ispiritwalidad, ito ay higit na nakatutok sa mga karanasan kasama ang Diyos, na napakapangkaraniwan sa lahat, isang bagay na unibersal.\u00a0 Mas tumutuon tayo sa kung ano ang nakapag-iisa sa atin nang higit pa kaysa sa kung ano ang nakapaghihiwalay sa atin (Katolikong Obispo).<\/p>\n<p>Ang ating ugnayan sa ating <em>kapwa<\/em> ang isa pang mahalagang tema sa ilalim ng ugnayan.\u00a0 Ang ispiritwalidad ay likas na relasyunal higit sa anupaman.\u00a0 Paulit-ulit na nagbanggit ng mga kalahok ng terminong <em>pakikipagkapwa<\/em> tuwing kultura ng Pilipino ang pinag-uusapan.\u00a0 Tumutukoy ito sa isang nababahaging <em>panloob na sarili<\/em>.\u00a0 Ang isang taong ispiritwal ay hindi lamang dapat konektado sa isang mas mataas na Nilalang at ihiwalay ang kanyang sarili.\u00a0 Nagsabi ang karamihan sa mga kalahok na ang isang tunay na ispiritwal na tao ay inaabot ang kanyang <em>kapwa<\/em>.\u00a0 Iniuugnay niya ang kanyang sarili sa iba at tumutulong siya sa mga nangangailangan.\u00a0 Isang kaibigan siya sa iba lalo na sa mga oras ng krisis.\u00a0 Maaaring masukat ang ispiritwalidad sa paraan ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao.\u00a0 Gamit ang sikat na kasabihan ng mga Pilipino, ang isang tao ay hindi lamang dapat maging makaDiyos kundi pati na rin makatao.\u00a0 Ngunit higit pa sa <em>pakikipagkapwa<\/em> ang tinalakay ng mga kalahok.\u00a0 Para sa kanila, higit pa sa <em>pakikipagkapwa<\/em> ang ispiritwalidad dahil sa <em>pakikipagkapwa<\/em>, maaaring sumusunod lamang ang isang tao sa mga kaugaliang nakasanayan na sa lipunan.\u00a0 May mga kapalit ito sa mga tao kung hindi mo gagawin ito. Ang tunay na ispiritwal na karanasan ay nakapagpapabago.\u00a0 Babalik lahat ito sa karanasan ng pagiging sagrado o banal.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">\u2026<em>pakikipagkapwaan<\/em>, <em>dalisayan<\/em>, <em>makatao<\/em>.\u00a0 Yun na di ba?\u00a0 Ang kanyang <em>pakikipagkapwa<\/em> ay dalisay, walang balatkayo, kumbaga yung mga taong nakabatay sa kabutihan ng isa\u2019t isa, palagay ko masasabi nating isang uri ng ispiritwalidad yun.\u00a0 Kahit na hindi nakatuon sa isang Diyos (Pilosopo).<\/p>\n<p>Ang koneksyong ito ay higit pa sa pisikal na bahagi ng mga relasyon.\u00a0 Kasama rin dito ang pakikipag-ugnayan ng mga tao maging sa mga espiritu.\u00a0 Maliwanag ito sa palagiang komunikasyon ng mga tao sa mga banal na karaniwang gumaganap bilang mga <em>mediator<\/em> o tagapamagitan.\u00a0 Sa mga tagong lugar tulad ng Mountain Province, ang mga tao ay nagpapanatili ng malakas na ugnayan sa mga patay nilang kamag-anak at nagagawa nila ito sa pamamagitan ng iba\u2019t ibang ritwal.\u00a0 Itinuturing pa ring ispiritwalidad ang mga aktibidades na ito.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Alam mo, sinabi ko kanina na ang ispiritwalidad ay isang relasyon at sinabi ko na kahit ang mga paniniwalang ito, kahit <em>superstitions<\/em>, minsan ay maipapakita nila ang malapit na ugnayan sa mga prosesong pantao, alam mo sa konseho ng mga tao sa probinsya sa kabundukan, kung ikaw ay isang ninuno, ang ispiritwal talaga ay napakalakas (Teologo B).<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Masasabi ko na mahilig kami sa mga nobena.\u00a0 Ang debosyon sa mga banal.\u00a0 Mukhang mas bukas kami sa kalusugan.\u00a0 Mukhang nakahiligan na ng mga Pilipino ang mga santo na talagang maaari namang maging <em>mediator<\/em>.\u00a0 Kaya na maaaring kumilos bilang <em>mediators<\/em>, na tunay namang maaaring maiugnay tayo sa pagkabanal (Katolikong Obispo).<\/p>\n<p><strong><em>Ispiritwalidad at Relihiyon<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Tatalakayin sa seksyong ito ang ugnayan ng ispiritwalidad at relihiyon.\u00a0 Ang relihiyon ay isang daan.\u00a0 Isang paraan o gamit ito sa pagpapahayag ng ispiritwalidad.\u00a0 Binubuo ito ng mga ritwal depende sa relihiyon ng isang tao.\u00a0 Ayon sa Antropologo\/Historyador, nasa <em>labas<\/em> ng isang tao ang relihiyon.\u00a0 Ginamit niya ang mga terminong pag-uugnay, pakikipag-ugnay, at pagtatali.\u00a0 Isa itong bagay na nangangailangan ng pagiging kasali ka sa relihiyon.\u00a0 Binubuo ito ng isang hanay ng mga pilosopiya.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">\u2026relihiyon, labas ng tao, dahil muling pag-uugnay, pakikipag-ugnay o \u201cpagtatali\u201d [re=muli; \u201cligare\u201d=iugnay, itali] (Antropologo\/Historyador).<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Marahil ay mabibigyang-tuon ng relihiyon ang maraming pagkakaiba sa pagitan ng iba\u2019t ibang relihiyon.\u00a0 Sa tuwing nagsasalita tayo tungkol sa isang partikular na relihiyon, tinitingnan natin ang partikular na relihiyon na ito kahambing sa iba pang mga relihiyon (Katolikong Obispo).<\/p>\n<p><em>Matatagpuan ang Ispiritwalidad sa Relihiyon<\/em><\/p>\n<p>Matatagpuan ang ispiritwalidad ng mga Pilipino sa paniniwala at kasanayang relihiyoso.\u00a0 Hindi ito nakakagulat dahil palaging nababanggit na nagsisilbing isang paraan o gamit ang relihiyon sa pagpapahayag ng ispiritwalidad.\u00a0 Mga Kanluraning konsepto ang mga salitang ispiritwalidad at relihiyon.\u00a0 Ginagawa lamang ng mga itong kumplikado ang bagay-bagay para sa mga Pilipino.\u00a0 Sa halip, mas akmang gamitin ang lokal na salitang \u201cpananampalataya\u201d upang tukuyin ang dalawang konsepto.\u00a0 Karamihan sa mga Pilipino ay hindi na iniisip ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang konsepto dahil hindi ito maunawaan.\u00a0 Sa katunayan, nasa buhay na nating Pilipino ang ispiritwalidad.\u00a0 Bilang Pilipino, mas pinahahalagahan natin ang kaligtasan ng <em>kaluluwa<\/em> kaysa sa mga materyal na bagay.\u00a0 Napakalapit ang mga relihiyosong gawain sa ating buhay at sa buhay ng iba pang Pilipino.\u00a0 Kahit walang mga relihiyosong tradisyon at gawain, nagpapakita ang mga Pilipino ng tunay na ispiritwalidad.\u00a0 Isang Sikolohista ang nagpahayag na isang bagay na ispiritwal ang kasanayang <em>bahala na<\/em> ng mga Pilipino kung saan ginamit niya ang pariralang malakas ang pananalig\u2014lubos itong nauugnay sa pananampalataya.\u00a0 Sa <em>loob<\/em> ng kaibuturan ng bawat Pilipino, maaari nating makita ang malalakas na mga tao dahil mayroong malakas na pananampalataya sa Diyos at sa <em>loob<\/em> ng sarili.\u00a0 Maaari ring magpakita ng ispiritwalidad ang iba pang pagpapahalagang Pilipino tulad ng <em>pakikipagkapwa<\/em> at <em>utang na loob<\/em>.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Kapwa ang \u201cispiritwalidad\u201d at \u201crelihiyon\u201d ay hiram na salita mulang Kanluran.\u00a0 Kapwa ay pinakakumplika\/naging kumplikado na bilang pang-unawa ng mga Kanluranin.\u00a0 Kapwa ang panloob (ispiritwalidad) at panlabas (relihiyon) ay tinatawag sa atin na sampalataya o pananampalataya (Antropologo\/Historyador).<\/p>\n<p><em>Kultural na Manipestasyon ng Ispiritwalidad<\/em><\/p>\n<p>Tuwing pag-uusapan ang kultura, tumutuon tayo sa ating pare-parehong paniniwala at kasanayan bilang isang pangkat.\u00a0 Sa kaso ng Pilipinong ispiritwalidad, tuwing pag-uusapan ang ispiritwalidad, palaging babanggitin ng mga <em>key informant<\/em> ang mga tradisyong Pilipino lalo na ang mga tradisyon sa relihiyon.\u00a0 Matatagpuan ito sa mga kasanayan tulad ng mga seremonyang panrelihiyon sa iba\u2019t ibang santo.\u00a0 Sa katunayan, kumpara sa Pasko, higit na tumututok ang mga Pilipino sa mga pista para sa mga santo.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Pero yun nga eh para sa akin, <em>it will be a wrong assumption<\/em> na <em>what are the spiritual practices<\/em>, <em>but it\u2019s more of what are the religious practices<\/em>, <em>what do they practice right now<\/em>, <em>and then out of this empirical study of these practices<\/em>, <em>you develop <\/em>o <em>you conclude a particular spirituality<\/em>\u2026 (Teologo A).<\/p>\n<p>Sinasabi ng mga kalahok na kung susuriing mabuti ang mga kasanayan o nakagawian ng mga Pilipino, marami tayong matutuklasan pa tungkol sa ispiritwalidad ng mga Pilipino.\u00a0 Pinahayag ng isang Sikolohista na nagpapakita ang ating debosyon sa Sto. Ni\u00f1o kung gaano kalapit ang Kristiyanismo sa ating buhay.\u00a0 Isang pang-araw-araw na karanasan ito.\u00a0 Isang pangkaraniwang obserbasyon sa mga kabahayan ng maraming Pilipino ang pagkakaroon ng imahen ng Sto. Ni\u00f1o.\u00a0 Makakalarawan ang debosyon ng mga Pilipino sa Itim na Nazareno na matatagpuan sa iba\u2019t ibang dako ng Pilipinas sa \u201c<em>psyche<\/em>\u201d ng mga Pilipino.\u00a0 Pinahahalagahan ng mga Pilipino ang paghihirap bago nakaranas ng tagumpay tulad ng Itim na Nazareno na dumanas ng matinding paghihirap ng damdamin bago muling mabuhay.<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Ang daming <em>elements <\/em>ng<em> Christianity and it is very close to their everyday lives<\/em>, <em>the need to be close to that entity that is there<\/em>, <em>we see that in the practices<\/em> di ba, yung Sto. Nino palagi nandun sa bahay, <em>almost everyday encounter<\/em> (Sikolohista A).<\/p>\n<p>Bilang buod, tila ang pag-unawa sa kabanalan ng mga Pilipino ay tulad ng pag-unawa sa kulturang Pilipino sa pangkalahatan.\u00a0 Naglalagay ang mga Pilipino ng karagdagang diin sa kaligtasan ng <em>kaluluwa<\/em> kaysa sa <em>katawan<\/em>.\u00a0 Maaari itong tumuon higit pa sa mga kultural na pagpapahayag o nababahaging kultural na pagpapahayag ng ispiritwalidad ng mga Pilipino.\u00a0 Makikita ito sa sinabi ng isang kalahok na \u201cSa aking palagay ang mga Pilipino halimbawa ay nahalintulad ang, ang pagpapakahulugan nila ng Kristyanismo ay ispiritwalidad. Halimbawa binibigyan nila ang kahalagahan ng kaligtasan ng kaluluwa\u201d (Pilosopo).<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>DISKUSYON<\/strong><\/p>\n<p>Tutukuyin sa bahaging ito ang pagkakaugnay ng mga paniniwala at pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at relihiyon lalo na kaugnay ng kulturang Pilipino.<\/p>\n<p><strong><em>Ispiritwalidad<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Ang depinisyon ng mga kalahok sa ispiritwalidad ay nakatuon sa dalawang tema\u2014ang personal o penomenolohikal na karanasan at pagkakaugnay-ugnay o pagkakabuklod.\u00a0 Sinusuportahan ang unang temang personal na karanasan ng ilang nagdaang pag-aaral pagdating sa konseptwalisasyon.\u00a0 Isang internal at labis na penomenolohikal na karanasan ito.\u00a0 Pinakahulugan nina Hill at Kenneth Pargament (2003) ang ispiritwalidad bilang personal at subhektibong bahagi ng relihiyosong karanasan. Tumutukoy ang ikalawang tema na pagkakaugnay-ugnay sa koneksyon sa sarili, sa Diyos, at sa <em>kapwa<\/em>.\u00a0 Bagama\u2019t iba\u2019t ibang termino ang ginamit ng mga kalahok upang tukuyin ang uring ito ng koneksyon, pare-pareho naman nilang sinabing mayroong koneksyon sa isang mas nakatataas o sa isang bagay na nasa <em>loob<\/em> natin.\u00a0 Ang mga terminong sagrado at <em>divine spark<\/em> ay ginamit ng ilang pag-aaral sa nakaraan at sinusuportahan nila ito habang binibigyang-kahulugan ang pagka<em>sagrado<\/em> o banal bilang bagay na tumutukoy sa mga konsepto ng Diyos (Zinnbauer <em>et al.<\/em> 1997; Hill <em>et al<\/em>. 2000).<\/p>\n<p>Sa pagsasakatutubo ng ispiritwalidad, ayon kay De Mesa (2010), sa ating pagpapakatao nasasalamin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.\u00a0 Matingkad na lumabas ito sa mga resulta ng kasalukuyang pag-aaral.\u00a0 Kaugnay ng ispiritwalidad ang mga pagpapahalagang Pilipino tulad ng <em>bahala na<\/em>, <em>pakikipagkapwa<\/em>, at <em>utang na loob<\/em>.\u00a0 Ang mga kaibang pagpapahalagang ito ng mga Pilipino ay palaging binibigyang-pansin sa iba\u2019t ibang konteksto sa paglipas ng panahon.\u00a0 Nagsabi ang pangunahing tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino na si Enriquez (1993) na ang <em>kapwa<\/em> ang sentro ng Sikolohiyang Pilipino.\u00a0 Dahil sentro ang <em>kapwa<\/em> sa pagkataong Pilipino, hindi rin ito maihihiwalay sa ispiritwalidad.\u00a0 Para kay Covar (1998), sa paglalakip ng paniniwala at pagkatao ng Pilipino matatagpuan ang ispiritwalidad.\u00a0 Sa pagpapakatao ng Pilipino ay naroon ang <em>pakikipagkapwa-tao<\/em>.<\/p>\n<p>Bukod sa <em>kapwa<\/em>, ang <em>loob<\/em> ay isang dalumat sa Sikolohiyang Pilipino na mahalaga para mapag-aralan ang pagkataong Pilipino at ispiritwalidad.\u00a0 Para kay Albert Alejo (1990), ang <em>loob<\/em> ay may <em>labas<\/em>, <em>lalim<\/em>, at <em>lawak<\/em>. Upang maunawaan ang pagkatao at <em>kaluluwa <\/em>ng isang Pilipino kaugnay ng ispiritwalidad, mahalagang balikan ang konsepto ng <em>loob<\/em>.\u00a0 Binigyang-kahulugan ni Ileto (1979, binanggit ni Alejo 1990), ang <em>loob<\/em> bilang ang pinakaloob na bahagi ng sarili, ito ang tunay na kahulugan ng sarili at ang lugar na pinakamahalagang sentrong bahagi ng tao.\u00a0 Isang konsepto ang <em>loob<\/em> na may kinalaman sa relasyon at inilalarawan nito ang relasyon ng isang tao sa kanyang <em>kapwa<\/em> kaya naman karamihan sa mga salitang may kinalaman sa <em>kapwa<\/em> o <em>pakikipagkapwa<\/em> ay may salitang <em>loob <\/em>tulad ng <em>utang na loob<\/em>, <em>sama ng loob<\/em>, <em>kusang loob<\/em>, at <em>kagandahang loob<\/em> (De Mesa 1984, binanggit kay Alejo 1990).\u00a0 Sa tuwing ginagamit ang salitang <em>loob <\/em>upang ipahayag ang isang bagay na nasa <em>loob<\/em>, lumalalim ang relasyon ng dalawang tao. Sa ispiritwalidad, ang pagiging sagrado nito, kung iuugnay sa Sikolohiyang Pilipino, ay maaaring tukuyin bilang ang <em>kaloob-looban<\/em> ng isang tao.\u00a0 Ang isang ispiritwal na Pilipino kung gayon ay yaong taong sadyang konektado sa kanyang sentro o <em>kaloob-looban<\/em>.\u00a0 Sinabi ni De Mesa (1984, binanggit ni Alejo, 1990) na dalawa ang bukasan ng <em>relational <\/em>na <em>loob<\/em>.\u00a0 Ang una ay ang patungo sa ibang tao o <em>kapwa <\/em>at ang isa naman ay yaong patungo sa Diyos.\u00a0 Pinunto niyang likas na may kaugnayan ang <em>loob<\/em> sa Diyos at dahil dito, likas din itong may kaugnayan sa ibang tao o <em>kapwa<\/em>.\u00a0 Hindi natin maaaring paghiwalayin ang ating mga paniniwala at ang pagtanggap sa Diyos at <em>kapwa<\/em> kung nanaisin nating maipaliwanag ang ispiritwalidad ng mga Pilipino.\u00a0 Kilala sa pagiging relihiyoso ang mga Pilipino subalit walang halaga ang pagiging relihiyoso kung hindi naman natin alam ang <em>pakikipagkapwa<\/em>.\u00a0 Maging sa mga panalangin at papuri, sama-sama pa rin bilang isang bayan ang mga Pilipino.\u00a0 Sabi nga ng isang kanta, \u201cBayan, umawit ng papuri sapagkat ngayon ika\u2019y pinili, iisang Bayan, iisang lipi, iisang Diyos\u201d (Borres <em>et al<\/em>. 2011).\u00a0 Kaya\u2019t hindi nakapagtatakang hindi popular sa Pilipinas ang mga Kanluraning paraan ng ispiritwalidad gaya ng meditasyon maliban sa mga tao sa itaas na bahagi ng lipunan.<\/p>\n<p><strong><em>Ispiritwalidad at Relihiyon kaugnay ng Kulturang Pilipino<\/em><\/strong><\/p>\n<p>Mahalaga ang gampanin ng kultura sa pag-unawa sa Diyos (De Mesa 2010).\u00a0 Kaiba ang mga resulta ng pag-aaral na ito sa mga makakanluraning pag-aaral na kung saan sinasabing magkahiwalay ang ispiritwalidad at relihiyon.\u00a0 Sa kontekstong Pilipino, kung pag-uusapan ang ispiritwalidad, mahirap itong hiwalay sa relihiyon.\u00a0 Sa katunayan, binibigyang-pansin ang buong kulturang humuhubog sa ispiritwalidad ng tao at relihiyon sapagkat itinuturing ito bilang isang pangunahing panlipunang tagahubog na mahalaga sa sosyalisasyon ng isang tao.\u00a0 Binanggit ng mga kalahok ang papel ng relihiyon bilang isang paraan.\u00a0 Normal lang para sa mga Pilipino ang pagiging katekisado mula pa sa pagkabata.\u00a0 Laganap ang Katolisismo.\u00a0 Sinasabing kadalasang nakabase sa Katolisismo ang mga tradisyong Pilipino.\u00a0 Sadyang likas na Katoliko ang mga kasabihan at ritwal.\u00a0 Gayumpaman, kung susuriing mabuti, mayroong mga kasanayang hindi naman lubusang Katoliko.\u00a0 Kung ating ikukumpara ang mga kasanayang ito sa mga kasanayang Katoliko sa ibang bansa, iba rin ang mga ito.\u00a0 Maaaring totoong dayuhan ang konsepto ng ispiritwalidad at relihiyon para sa mga Pilipino.\u00a0 Subalit ang mas mahalaga ay ang pananampalataya.\u00a0 Ang pananampalataya ay ang pananalig at pagtitiwala ng tao bunga ng kanyang pakikipagharap at pagkilala sa Diyos (Miranda 1987).\u00a0 Napakahalaga sa pananampalataya ang pagkilala at nasasalamin ito sa isang personal na relasyon ng mga tao sa Diyos.\u00a0 Sa pag-analisa ni Dionisio Miranda (1987) sa pananampalataya, ang \u201cpananam\u201d sa pananampalataya ay maaaring tumukoy sa \u201clasa.\u201d\u00a0 Tumutukoy ang \u201ctaya\u201d sa isang sugal na kapag dinagdagan mo ng \u201cpala\u201d ang ibig sabihin ay laging ginagawa. Kaugnay ng pananampalataya ang <em>utang na loob<\/em> na tinukoy ni Alejo (1990) bilang pagmamakaawa, paghingi ng pakundangan o pagsasaalang-alang bilang <em>kapwa-tao<\/em>; pagkatok sa puso ng <em>kapwa<\/em> sa ngalan ng makataong pagkakapatiran; paghingi ng malasakit, kalinga o paglingap o pakikiramay; pagtataya ng sariling pagkatao bilang garantiya ng katapatan sa paghingi ng pabuya.\u00a0 Tayo rin ba ay may <em>utang na loob<\/em> sa Diyos?\u00a0 Nakikita rin ang <em>utang na loob<\/em> sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya (Miranda 1987).\u00a0 Dagdag pa niya, ang <em>utang na loob<\/em> na ito ang ating tugon sa <em>kagandahang loob<\/em> ng Diyos sa ating lahat na siyang unang nagmahal sa atin (Miranda 1987).\u00a0 Hindi nagkakaiba ang persepsyon ng mga Pilipino sa ispiritwalidad at buhay.\u00a0 Sadyang mahalaga ang pahayag na ito sapagkat kung susuriing mabuti, sadyang likas na ispiritwal ang mga Pilipino at ang ating ugnayan sa <em>kapwa<\/em> ay nakikita rin sa ating ugnayan sa Diyos.<\/p>\n<p>Bagama\u2019t katulad sa ibang nagdaang pananaliksik, ang kasalukuyang pag-aaral na ito ay nagsisiwalat ng maraming bagay tungkol sa ispiritwalidad ng mga Pilipino samantalang maaari rin itong maging ugat ng pag-usbong ng ilang katanungang maaaring pag-aralan tulad ng ano nga ba ang nagdudulot ng pagiging ispiritwal sa ating buhay?\u00a0 Kung tayo nga ay isang bansang binubuo ng mga ispiritwal na mamamayan, bakit laganap pa rin ang korapsyon?\u00a0 Ipinakita kahit na ng <em>Catholic Bishops Conference of the Philippines<\/em> (CPCP) sa kanilang pastoral na landas ng pagpapakabanal, na hindi nalalayo sa buhay ni Kristo ang buhay nating mga Pilipino.\u00a0 Sa katunayan, sinabi ng mga Obispo sa kanilang <em>Pastoral Exhortation<\/em> noong 1999 na (makikita sa Miranda 2003):<\/p>\n<p style=\"padding-left: 30px;\">Sa pamamagitan ng pag-angkop natin ng kalooban ng Diyos, maaari nating mabago ng lubusan ang ating mga sarili.\u00a0 Sa tulong ng kanyang Espiritu sa atin, maaari nating mapalawak ang pagmamahal sa ating mga pamilya nang atin din mayakap ang pagmamahal ng mas malawak pang lipunan.\u00a0 Ang ating mga salu-salo ay naging mga okasyon na ng ating pag-iimbita ng mga taong gutom at uhaw sa ating mga hapag-kainan.\u00a0 Ang sentimentalidad ng ating mga kundiman ay nakatulong upang mapagbuti ang ating awa at simpatya sa mga taong walang masuot at matirahan.\u00a0 Ang ating pagdadakila sa ating mga bayani ay patungo kay Kristo na matapang na hinarap ang mapait na paghihirap at kamatayan para sa ating kaligtasan.\u00a0 At ang ating oryentasyong sa espiritu ay tumutulong upang mahalin natin ang isang mapagdasal at mapagbulay-bulay na buhay nang sa gayon ay makahanap ng gabay ng Banal na Espiritu sa lahat ng ating mga kinakaharap sa buhay.<\/p>\n<p>Kung uunawain ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, higit pa ito sa relihiyon.\u00a0 Maraming ritwal na ginagawa dati pa na hindi naman talaga alinsunod sa Katolisismo (Sevilla 1982).\u00a0 Mula sa pahayag na ito, makikita ang inkulturasyon ng Teolohiya.\u00a0 Pinag-isa ng mga Obispo si Kristo at ang Mabuting Balita sa pang-araw-araw na karanasan ng mga Pilipino.\u00a0 Isang mahalagang daan ang kultura upang lubusang manintindihan ng mga Pilipino ang Diyos at para kay De Mesa (2004), makaPilipino ang teolohiya ni Kristo kung ituturo natin siya base sa kultura natin.\u00a0 Kanila ring binigyang-pansin ang konsepto ng <em>kalooban<\/em>.\u00a0 Mas mahalaga nga bang maunawaan si Kristo o ang <em>kalooban<\/em> ng mga tao?\u00a0 Ang relihiyon ba ang pinakasusi para maintindihan ang ispiritwalidad?\u00a0 Tunay na hindi makapagbibigay ng kasagutan ang mga dayuhang pananaliksik para sa mga katanungang ito.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>KONKLUSYON<\/strong><\/p>\n<p>Ang ispiritwalidad ay isang kumplikadong konsepto ayon sa ilang nagdaang pananaliksik.\u00a0 Binigyang-halaga ang pagiging unibersal nito, gayumpaman, nagbabago-bago at paiba-iba sa bawat kultura ang manipestasyon nito.\u00a0 Ipinakita sa kasalukuyang pananaliksik na lubhang nakaugat at nakadepende sa relihiyon at pati na rin sa kultura ang ispiritwalidad sa kontekstong Pilipino.\u00a0 Sa pagtalakay sa ispiritwalidad, nakaugnay rito ang <em>loob <\/em>at <em>kapwa<\/em>.\u00a0 Nakaugnay ang ispiritwalidad sa <em>pagpapakatao <\/em>at <em>pagkikipagkapwa<\/em> ng mga Pilipino.\u00a0 Kung uunawain ang ispiritwalidad nating mga Pilipino, bahagi ang relihiyon dito ngunit higit pa ito sa relihiyon.\u00a0 Ang relihiyon ay maaaring <em>panlabas <\/em>lamang pero ang ispiritwalidad ay <em>panloob<\/em>.\u00a0 Ang <em>loob <\/em>na ito ay hindi lamang tungo sa Diyos bagkus ay patungo na rin sa <em>kapwa<\/em>.\u00a0 Para lubusang maintindihan ang ispiritwalidad nating mga Pilipino, mahalagang laging tingnan ang ating kulturang pinanggalingan dahil ito ang huhubog sa ating pag-unawa sa Diyos na itinuturo ng ating relihiyon at sa ating <em>kapwa<\/em>.<\/p>\n<p>Upang mapag-aralan nang mabuti ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, mahalagang mapag-aralan din kung paano binibigyang-kahulugan ang mga relihiyosong karanasang kinakaharap. Subalit para mapag-aralan nang husto ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, mas mahalagang suriin kung saan patutungo ang ispiritwalidad ng mga Pilipino. Sapagkat masisiwalat lamang ang tunay na ispiritwalidad at mas mapapalalim ito batay sa kung ano ang idinudulot nito sa buhay lalung lalo na sa iba\u2019t ibang aspekto ng buhay ng tao.<\/p>\n<p>Unang bahagi pa lamang ang pananaliksik na ito ng isang malawakang pag-aaral tungkol sa ispiritwalidad.\u00a0 Dahil nagpopokus lamang ito sa isang paksang sadyang malawak at kumplikado, minumungkahi ng mananaliksik ang ilang rekomendasyon para sa mga gagawing pag-aaral sa hinaharap na may kinalaman sa ispiritwalidad ng mga Pilipino.\u00a0 Una, kinakailangan pa ng malakihang pag-aaral ukol sa mga ispiritwal na paniniwala ng mga Pilipino lalung lalo na sa paraan kung paano binibigyang-kahulugan ng mga Pilipino ang mga relihiyosong kasanayang ginagawa ayon sa iba\u2019t ibang antas ng buhay.\u00a0 Maaaring malaki ang gampanin ng dambuhalang pagkahating pangkalinangan dahil naauso na ngayon ang modernong ispiritwalidad tulad ng <em>new age spirituality.<\/em>\u00a0 Sinabi ng mga <em>key informant<\/em> na malaki ang pangangailangan sa pag-aaral kung paano pinapakahulugan ng mga Pilipino ang mga kasanayang ito, maging relihiyoso man ito o hindi at mahalagang makita ito mula sa ispiritwalidad.\u00a0\u00a0 Pangalawa, mahalaga ring makabuo ng iskala ng ispritwalidad na naayon sa kalinangang Pilipino upang magabayan ang mga Sikolohista sa kanilang pananaliksik at tungkulin.<\/p>\n<p style=\"text-align: center;\"><strong>Sanggunian<\/strong><\/p>\n<p>Alejo, A.E. (1990).\u00a0 <em>Tao po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao<\/em>.\u00a0 Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University.\u00a0 Binagong edisyon, 1992.<\/p>\n<p>Aquino, C.C. (1999).\u00a0 Mula sa kinaroroonan: Kapwa, kapatiran, at bayan sa agham panlipunan. Nasa A.M. Navarro at F. Lagbao-Bolante (mga pat.), <em>Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinohiya, at pantayong pananaw<\/em>.\u00a0 Quezon City:\u00a0 C&amp;E Publishing, Inc., 2007, 201-240.<\/p>\n<p>Borres, J, V. Baltazar, at M. Francisco (2011, Mayo 5).\u00a0 Bayan, umaawit.\u00a0 Nakuha noong Agosto 30, 2013, mula sa Christian Lyrics 4 U Website: <a href=\"http:\/\/goo.gl\/rJ8YpH\">http:\/\/goo.gl\/rJ8YpH<\/a>.<\/p>\n<p>Cashwell, C.S., J.S. Young, T.H. Cashwell, at C. Belaire (2001).\u00a0 The inclusion of spiritual process in counseling and perceived counselor effectiveness.\u00a0 <em>Counseling and Values, <\/em>45 (2),145-153.<\/p>\n<p>Catholic Bishops Conference of the Philippines (CPCP) (1999).\u00a0 Buod ng sulat-pastoral ukol sa landas ng pagpapakabanal.\u00a0 Nakuha noong Enero 28, 2013, mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines Website: <a href=\"http:\/\/goo.gl\/NyGDha\">http:\/\/goo.gl\/NyGDha<\/a>.<\/p>\n<p>Church, A.T. at M.S. Katigbak (2002).\u00a0 Indigenization of psychology in the Philippines.\u00a0 <em>International Journal of Psychology, <\/em>37, (3), 129-148.<\/p>\n<p>Constantine, M.G., E.L. Lewis, C.C. Latoya, at D.S. Sanchez (2000).\u00a0 Addressing spiritual and religious issues in counseling African Americans: Implications for counselor training and practice.\u00a0 <em>Counseling and Values, <\/em>45 (1), 28-38.<\/p>\n<p>Corrigan, P., B. McCorkie, B. Schell, at K. Kider (2003).\u00a0 Religion and spirituality in the lives of people with serious mental illness.\u00a0 <em>Community Mental Health Journal, <\/em>39 (6),487-499.<\/p>\n<p>Covar, P.R. (1998).\u00a0 <em>Larangan: Seminal essays on Philippine culture<\/em>.\u00a0 Manila:\u00a0 National Commission for Culture and the Arts.<\/p>\n<p>De Mesa, J.M. (2004).\u00a0 <em>Mga aral sa daan: Dulog at paraang kultural sa Kristolohiya<\/em>.\u00a0 Manila:\u00a0 De La Salle University Press.<\/p>\n<p>De Mesa, J.M.\u00a0 (2010).\u00a0 <em>Mabathalang pag-aaral<\/em>.\u00a0 Manila: Academica Filipina Digital, Vee Press.<\/p>\n<p>De Quiros, C. (1998).\u00a0 Phenomenon.\u00a0 Nasa T.B. Obusan (pat.), <em>Roots of Filipino Spirituality<\/em>.\u00a0 Quezon City: Mamamathala, 77-79.<\/p>\n<p>Enriquez, V.G. (1993).\u00a0 Developing a Filipino psychology.\u00a0 Nasa U. Kim at J.W. Berry (mga pat.), <em>Indigenous psychologies: Research and experience in cultural context<\/em>.\u00a0 CA: Sage Publications, Inc., 152-169.<\/p>\n<p>Enriquez, V.G. (1994).\u00a0 <em>Pagbabagong-dangal: Indigenous psychology and cultural movement<\/em>.\u00a0 Quezon City: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.<\/p>\n<p>Gall, T.L., C. Charbonneau, N.H. Clarke, K. Grant, J. Anjali, at L. Shouldice (2005).\u00a0 Understanding the nature and role of spirituality in relation to coping and health: A conceptual framework.\u00a0 <em>Canadian Psychology, <\/em>46 (2),88-104.<\/p>\n<p>Gergen, K.J. (1985).\u00a0 The social constructionist movement in modern psychology.\u00a0 <em>American Psychologist<\/em>, 40 (3), 266\u2013275.<\/p>\n<p>Gonzales, L. (1976).\u00a0 Ang pagtatanung-tanong: Dahilan at katangian.\u00a0 Nasa R. Pe-Pua (pat.), <em>Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit.<\/em>\u00a0 Quezon City: University of the Philippines Press, 1982, 306-314.<\/p>\n<p>Helminiak, D. (2001).\u00a0 Treating spiritual issues in secular psychotherapy.<em>\u00a0 Counseling and Values, <\/em>45 (3),163-180.<\/p>\n<p>Hickinson, J., W. Housley, at D. Wages (2000).\u00a0 Counselor\u2019s perception of spirituality in the therapeutic process.\u00a0 <em>Counseling and Values, <\/em>45 (1),58-65.<\/p>\n<p>Hill, P.C. at K.I. Pargament (2003).\u00a0 Advances in the conceptualization and measurement of religion and spirituality: Implications for physical and mental health research.\u00a0 <em>American Psychologist, <\/em>58 (1),64-74.<\/p>\n<p>Hill, P.C., K.I. Pargament, R.W. Hood, M.E. Mccullough, J.P. Swyers, D.B. Larson, at B.J. Zinnbauer (2000).\u00a0 Conceptualizing religion and spirituality: Points of commonality, points of departure.\u00a0 <em>Journal for the Theory of Social Behaviour<\/em>, 30 (1),51-77.<\/p>\n<p>Jose, M.D.dL. at A.M. Navarro (2004).\u00a0 Katawan at kaluluwa sa kronikang Espa\u00f1ol: Pagtatalaban ng sexualidad at ispiritwalidad noong dantaon 16-18.\u00a0 Nasa M.D.dL. Jose at A.M. Navarro (mga pat.), <em>Kababaihan sa Kalinangan at Kasaysayang Pilipino<\/em>.\u00a0 Quezon City: C&amp;E Publishing, Inc., 2010, 39-65.<\/p>\n<p>Marquis, A., J.M. Holder, at E.S. Warren (2001).\u00a0 An integral psychology response to Helminiak\u2019s (2001) \u201cTreating issues in secular psychotherapy.\u201d\u00a0 <em>Counseling and Values, <\/em>45 (3),218-236.<\/p>\n<p>Mercado, L.N. (1977).\u00a0 Retrospect: Some comments on Filipino religious psychology.\u00a0 Nasa L.N. Mercado (pat.), <em>Filipino religious psychology.\u00a0 <\/em>Tacloban City: Divine Word Publications at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 180-188.<\/p>\n<p>Mercado, L.N. (1992).\u00a0 <em>Inculturation and Filipino theology<\/em>.\u00a0 Manila: Divine Word Publications.<\/p>\n<p>Miranda, D.M. (1987).\u00a0 <em>Pagkamakatao: Reflections on the theological virtues in the Philippine context<\/em>.\u00a0 Manila: Divine Word Publications.<\/p>\n<p>Miranda, D.M. (2003).\u00a0 <em>Kaloob ni Kristo: A Filipino Christian account of conscience<\/em>.\u00a0 Manila: Logos Publications.<\/p>\n<p>Obusan, T.B. (pat.) (1998).\u00a0 <em>Roots of Filipino Spirituality.<\/em>\u00a0 Quezon City: Mamamathala.<\/p>\n<p>Pe-Pua, R. at E. Protacio-Marcelino (2000).\u00a0 Sikolohiyang Pilipino (Filipino psychology): A legacy of Virgilio Enriquez.\u00a0 <em>Asian Journal of Social Psychology<\/em>, 3, 49-71.<\/p>\n<p>Rippentrop, A.E. (2005).\u00a0 A review of the role of religion and spirituality in chronic pain populations.\u00a0 <em>Rehabilitation Psychology, <\/em>50 (3),278-284.<\/p>\n<p>Salazar, Z.A. (1977).\u00a0 Ang kamalayan at kaluluwa: Isang paglilinaw ng ilang konsepto sa kinagisnan sikolohiya.\u00a0 Nasa R. Pe-Pua (pat.), <em>Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit.<\/em>\u00a0 Quezon City: University of the Philippines Press, 1982, 83-92.<\/p>\n<p>Sevilla, J.C. (1982).\u00a0 Filipino religious psychology: A commentary.\u00a0 Nasa R. Pe-Pua (pat.), <em>Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit.<\/em>\u00a0 Quezon City: University of the Philippines Press, 306-314.<\/p>\n<p>Young, J.S., C.S. Cashwell, at J. Shcherbakova (2000).\u00a0 The moderating relationship of spirituality on negative life events and psychological adjustment.\u00a0 <em>Counseling and Values, <\/em>45 (1),49-57.<\/p>\n<p>Zinnbauer, B.J., K.I. Pargament, B. Cole, M.S. Rye, E.M. Butter, T.G. Belavich, K.M. Hipp, A.B. Scott, at J.L. Kadar (1997).\u00a0 Religion and spirituality: Unfuzzying the fuzzy.\u00a0 <em>Journal for the Scientific Study of Religion, <\/em>36 (4),549-564.<\/p>\n<p>&nbsp;<\/p>\n<p>&nbsp;<\/p>\n","protected":false},"excerpt":{"rendered":"<p>Homer J. Yabut, Ph.D. Department of Psychology De La Salle University (DLSU), Manila, Philippines Abstrak Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging relihiyoso.\u00a0 Madalas na iugnay ang pagiging relihiyoso sa pagiging ispiritwal ngunit sa panahon natin ngayon, tinitingnan na rin ang &hellip;<\/p>\n<p class=\"read-more\"> <a class=\"more-link\" href=\"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/diwa-e-journal-tomo-1-bilang-1-nobyembre-2013-isang-paglilinaw-sa-mga-paniniwala-at-pagpapakahulugan-sa-ispiritwalidad-at-relihiyon-ng-mga-pilipino\/\"> <span class=\"screen-reader-text\">[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Isang Paglilinaw sa mga Paniniwala at Pagpapakahulugan sa Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Pilipino<\/span> Read More &raquo;<\/a><\/p>\n","protected":false},"author":1,"featured_media":0,"comment_status":"closed","ping_status":"open","sticky":false,"template":"","format":"standard","meta":[],"categories":[6],"tags":[],"_links":{"self":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/146"}],"collection":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts"}],"about":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/types\/post"}],"author":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/users\/1"}],"replies":[{"embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/comments?post=146"}],"version-history":[{"count":4,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/146\/revisions"}],"predecessor-version":[{"id":288,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/posts\/146\/revisions\/288"}],"wp:attachment":[{"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/media?parent=146"}],"wp:term":[{"taxonomy":"category","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/categories?post=146"},{"taxonomy":"post_tag","embeddable":true,"href":"https:\/\/www.pssp.org.ph\/diwa\/wp-json\/wp\/v2\/tags?post=146"}],"curies":[{"name":"wp","href":"https:\/\/api.w.org\/{rel}","templated":true}]}}