[DIWA E-Journal Tomo 7, Nobyembre 2019] Tungo sa Sikolohikal na Pananaliksik ng Espiritwalidad at Relihiyon sa Sikolohiyang Pilipino
Homer J. Yabut, Ph.D.
Departamento ng Sikolohiya
De La Salle University, Manila
Kilala ang mga Pilipino bilang mga relihiyosong tao at may malakas na relihiyosong tradisyon (Abad, 1995). Makikita ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa relihiyon sa kanilang mga marubdob na pagsunod sa mga ritwal panrelihiyon na nagpapakita sa kahalagahan ng pananampalataya sa kanilang buhay (Santos at Marchadesch, 2017). Sa buong taon, samut- saring mga tradisyong panrelihiyon ang nakagawian na katulad ng simbang gabi, fiesta, pagpunta sa mga sementeryo tuwing Undas, at pagkanta ng pasyon tuwing mga Mahal na Araw. Maliban dito, mayroon ding mga tradisyong panrelihiyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang popular gaya ng paggunita sa Mahal na Ina ng Peñafrancia ng mga taga-Bicol, paggunita sa Sinulog ng mga taga-Cebu, at ang Traslación ng Itim na Nazareno ng mga taga-Maynila bukod sa iba pa. Sa agos ng kasaysayan, bago pa man nakilala ang Katolisismong dala ng mga manakaop sa ating bansa, marami nang mga ritwal ang ating mga ninuno upang makipag-ugnayan sa sagrado (Covar, 1998; Enriquez, 1994; at Obusan, 1998). Isang magandang halimbawa nito ay ang pagpunta sa banal na Bundok ng Banahaw na makikitaan ng maraming katutubong ritwal tulad ng pagsindi ng mga kandila sa mga kuweba, pagligo sa ilog na banal ang tubig, at pag-akyat sa kalbaryo na ilan lamang sa mga ginagawa ng mga deboto sa banal na bundok ng Banahaw. Bagama’t napakayaman ng ating kultura sa mga relihiyosong tradisyon, limitado pa rin ang mga pag-aaral na nagagawa sa larangan ng Sikolohiya ng mga paksa tungkol sa relihiyon at espiritwalidad. Ito ay taliwas sa napakayamang ambag ng mga nasa larangan ng kasaysayan, teolohiya, at antropolohiya. Ang special issue na ito ng Diwa ay nakatuon sa samut-saring mga paksa sa larangan ng espiritwalidad at relihiyon sa iba’t ibang mga konteksto ng mga Pilipino. Mamarapatin kong magbigay ng isang paglalagom gamit ang lapit ng Sikolohiyang Pilipino sa mga kontribusyon sa isyung ito ng Diwa para mas lalong mapalalim at mapayaman ang pagdadalumat sa espiritwalidad at relihiyon sa kalinangang Pilipino.
Ang mga pag-aaral sa Sikohiya ng relihiyon at espiritwalidad ay sumasalamin sa mga hamon na kinakaharap ng Sikolohiyang Pilipino. Isa sa mga kritisismo sa mga mananaliksik ng Sikolohiyang Pilipino ay ang pagiging salat o kulang sa mga teorya (Church at Katigbak, 2002; Sta. Maria, 1996). Kaya nga isa sa mga aspektong kritikal sa indihenisasyon o pagsasakatutubo ay may kaugnayan sa teoretikal at konseptuwal (Church at Katigbak, 2002). Ito ay sadyang mahalaga sa larangan ng Sikolohiya para ito ay umusbong. Matagal nang hamon sa Sikolohiyang Pilipino ang pagbubuo ng mga teorya at pagsasakatutubo. Ito ay nakaugnay na rin sa kalikasan ng Sikolohiyang Pilipino bilang interdisciplinary (Pe-Pua at Protacio-Marcelino, 2000). Madalas, ang mga ginagamit na kaalaman at teorya kapag pinag-aaralan ang espirituwalidad ay galing sa larangan ng teolohiya, antropolohiya at kasaysayan. Nauna nang sinabi ni Virgilio Enriquez na upang mapausbong ang Sikolohiyang Pilipino ay kailangan ang ibang mga disiplina (Pe-Pua at Protacio-Marcelino, 2000). Maging sa pag-aaral ng relihiyon at espiritwalidad, napakahalaga ng mga ambag na pananaw, teorya, konsepto, at maging pamamaraan ng iba’t ibang disiplina (Villaroman-Bautista, 1999). Magkakaiba man ang mga lapit at pamamaraan ng mga mananaliksik, sa tingin ko ay hindi naman ito problema sa indihenisasyon sa Sikolohiyang Pilipino. Napakahalaga ng ambag ng mga pag-aaral ng antropologong paring si Alejo at ng mga teologong tulad nina de Mesa, Miranda at Mercado para malaman ang mga turo ng simbahan na may kaugnayan sa Sikolohiya at kalinangang Pilipino. Samantalang ang mga historyador tulad ni Salazar kasama na rin ang mga nag-aral sa kalinangang Pilipino katulad ni Covar at Alejo ay nakapagbibigay ng mahalagang kaalaman tungkol sa kaugatan ng iba’t ibang mga tradisyong panrelihiyon upang mas magkaroon tayo ng malalimang pananaw sa mga usaping pangrelihiyon, ispiritwalidad at pananampalataya.
ESPIRITWALIDAD AT RELIHIYON SA SIKOLOHIYA
Maraming mga pag-aaral tungkol sa relihiyon at espiritwalidad ang umusbong sa larangan ng Sikolohiya. Sa mga naunang mga pag-aaral sa espiritwalidad at relihiyon, itinuturing lamang na “add-on variable” sa isang research agenda at madalas ay hindi naman talaga pinapakay ang magkaroon ng mas malalimang pag-intindi sa dalawa (Hill at Pargament, 2003). Sa nakaraang mga dekada, sinimulan na ng mga sikolohista ang pagdalumat sa dalawang mahalagang konsepto. Sa kasaysayan ng pananaliksik sa dalawa, kung hindi dahil sa sekularisasyon na kung saan humina impluwensiya ng relihiyon, hindi itinuturing na magkaiba ang espiritwalidad sa relihiyon (Zinnbauer et al., 1997). Ang pangkaraniwang kahulugan ng espiritwalidad ay tumutukoy sa mga pakiramdam, kaisipan, karanasan, at pagkilos na galing sa isang paghahanap sa banal o sagrado na tumutukoy sa isang banal na nilalang o banal na bagay, pinakamataas na realidad o pinakamataas na katotohanan na nararamdaman ng isang tao (Hill et al., 2000). Sa kabilang banda, ang pagpapakahulugan naman nila sa relihiyon ay patungkol sa mga “pamamaraan at metodo” ng paghahanap sa sagrado na nakabatay sa identidad sa isang grupo ng mga tao. Sa mga pananaliksik sa Sikolohiya, dumami ang mga kategorisasyon ng dalawang dalumat kagaya ng pagiging espiritwal pero hindi relihiyoso na nagiging dominante sa ibang mga lipunan sa kanluran (Selvam, 2013). Ito ay isang pahiwatig na maraming pagkakatulad o pagkakaugnay ang dalawa pero mayroon ding mga pagkakaiba (Hill et al., 2000; Selvam, 2013; Zinnbauer et al., 1997).
Madalas ay nakakabit ang relihiyon sa isang institusyon at ang espiritwalidad ay mas personal. Dahil dito, mahalaga ang gampanin ng relihiyon sa identidad ng isang tao bilang isang bahagi ng lipunang identidad (Brambilla, Manzi, Regalia, Becker, at Vignoles, 2016). Ang identidad panrelihiyon na kung saan nakaugnay ang mga pagpapahalaga, kultura, at norms ay mahalaga sa mga kolektibong pagkilos sa mga bansa sa Pilipinas at mga karatig bansa sa Asya (van Zomeren, 2019). Nakikita na rin ng mga mananaliksik ang malaking pangangailangan sa mga pag-aaral na gumamit ng mga iskala na sensitibo sa konteksto kapag ginagamit sa iba’t ibang mga kultura dahil sa magkakaibang kahulugan ng mga salita at magkakaibang mga tradisyon (Hill at Pargament, 2003).
Marami na ring mga pag-aaral ang tumukoy sa pisiolohikal, sikolohikal, at panlipunang mga pagpapaliwanag kung papaano nakakaapekto ang relihiyon at espiritwalidad sa kalusugan ng mga tao (Gall et al., 2005; Hill at Pargament, 2003; Zinnbauer et al., 1997). Ito ay makikita sa mga pag-aaral sa larangang geriatric at chronic na mga sakit sa mga pasyente (Roger at Hatala, 2018), komunidad ng mga LGBT (Rosenkrantz et al., 2016), care management sa mga pasyente (Hill at Pargament, 2003; Zinnbauer et al., 1997) at iba pang religious diversities (Gall et al., 2005).
ESPIRITWALIDAD AT RELIHIYON SA SIKOLOHIYANG PILIPINO
Isa sa mga naunang artikulo sa Sikolohiyang Pilipino tungkol sa relihiyon ay ang artikulong “Gamit at Etika ng Sikolohiyang Pangrelihiyon” na tumukoy sa mga konseptong pwedeng pagyamanin ng mga mananaliksik (Villaroman-Bautista, 1999). Ang papel na ito ay inilahad sa ikalabing-isang kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino noong 1985. Matapos ang mahigit sa dalawang dekada, kaunti pa rin ang mga nagawang pananaliksik tungkol sa relihiyon at espiritwalidad sa Sikolohiyang Pilipino. Sa mga paksaing nabanggit, may mga pag-aaral nang nagawa tungkol sa popular na katolisismo (tingnan ang Matienzo, 2016; Yabut,2017), at katutubong relihiyon (tingan ang Alejo, 2004). Sa katutubong relihiyon, isa sa mga napag-aralan nang malaliman ay ang Iglesia Watawat ng Lahi ni Prospero Covar sa Laguna (Aquino, 2004). Isang matingkad na halimbawa ito na bago pa man dumating ang mga mananakop ay may mga ritwal nang panrelihiyon ang mga Pilipino para sila ay makipag-ugnay sa mga espiritu (Covar, 1998; Enriquez, 1994; Obusan, 1998; Sevilla, 1982). Sa kabila ng kolonisasyon ng mga Kastila at pagpapakilala sa atin ng katolisismo, itinuturing pa ring animistiko ang mga Pilipino (Mercado, 1977). Anitoismo naman na tumutukoy sa pananampalatayang pampamayanan na tungkol sa anito ang mas mahalagang unawain ayon kay Salazar (1998, makikita sa Aquino 1999). Ayon kay Covar (1998 sa Aquino, 2004), makikita sa pagpapanata sa banal na Bundok Banahaw ang paghahanap ng banal na karunungan ng mga Pilipino na nakaugnay sa kanilang pananampalataya. Ang espiritwalidad ay itinuturing ding isang pagtuklas sa sagrado na pinaniniwalaang nagbibigay ng kahulugan sa buhay ng isang tao (Alejo, 2004; Yabut, 2013b). Ayon kay Alejo (2004), mahalaga ang espiritwalidad ng katawan sa kulturang Pilipino kaya madalas ay makikitang puno ang mga mga ritwal ng mga gawain na may kaugnayan sa katawan gaya ng pagsasayaw. Isang halimbawang nabanggit ni Alejo ay ang pagsasayaw sa Obando. Isang popular na ritwal naman na may kaugnay sa katawan at espiritwalidad ay ang pamagdarame sa Pampanga (tingnan ang Sarmiento et al., 2017). Dagdag pa ni Alejo, maliban sa katawan, makikita rin ang espiritwalidad natin sa mga kolektibo tulad ng mga prusisyon, mga selebrasyon tulad ng mga fiesta, at negosasyon tulad ng paghingi ng patawad.
Malaki ang kaugnayan ng relihiyon at espiritwalidad sa kalinangang Pilipino. Ang espiritwalidad ay makikita sa mga gawaing panrelihiyon ng mga Pilipino (Yabut, 2013b). Ang mga popular na debosyon na ito ay makikita sa mga gawain at dito makikita nang malapitan ang espiritwalidad ng mga Pilipino (Alejo, 2004). Ang espiritwalidad ay makikitang napakalapit sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino at nararanasan nilang nakaugnay ang buhay nila sa sagrado (Yabut, 2013a). Sa Sikolohiyang Pilipino, malalalim ang kinauugatan ng relihiyon at espiritwalidad sa kultura (de Mesa, 2010), loob (Alejo, 1990), pananampalataya (Alejo, 1990; Miranda, 1987; Yabut, 2013b), kapwa at pagpapakatao (Buenconsejo, 2018; de Mesa, 2010; Mansukhani at Resurreccion, 2009; Yabut, 2013b). Ito ay pagpapatibay na ang panlabas na anyo ng ispiritwalidad ay makikita sa mga ritwal panrelihiyon pero ang mas malalim na aspekto ay makikita sa ating pakikipagkapwa at pagpapakatao (de Mesa, 2010; Yabut, 2013b).
MGA PAPEL SA SPECIAL ISSUE
Ang unang papel sa natatanging issue na ito ay tungkol sa panata bilang pagsasabuhay ng pagpapahalagang Pilipino sa konteksto ng ugnayang pangkasaysayan, pangrelihiyon, at pangkalinangan ng La Inmaculada Concepcion at La Purisima Concepcion ng Malabon. Isa itong mahalagang ambag alinsunod sa mga nabanggit ni Villaroman-Bautista (1999) patungkol sa mg debosyon o popular na Katolisismo. Tinalakay ni Kerby Alvarez ang Romano Katolikong Parokya ng La Inmaculada Concepcion at ang Aglipayanong Parokya ng La Purisima Concepcion. Naipakita ng papel ang kasaysayan sa kultura at pulitika ng dalawang simbahan. Itinuturing si Maria na simbolo ng pagmamahalan at kapayapaan na kung saan ang pananampalataya ang bumibigkis sa dalawa. Natalakay sa papel ang halaga ng pamamanata sa kalinangan Pilipino na kung saan makikita ang pagtitipan ng personal at kolektibo na nakabatay sa karanasang kultural at pulitikal ng dalawang simbahang Kristiyano sa Malabon.
Ang pangalawang papel naman ni Jose Rhommel Hernandez ay tungkol sa pag-aangkin o pagwawaksi tungkol sa pag-unawa sa pananampalatayang Pilipino ng ika-19 na dantaon. Tinalakay ng papel ang dalawang agos sa kasaysayan ng simbahan sa pulitika at lipunang Pilipino mula pa sa panahon ng kolonisasyon hanggang sa kasalukuyan. Ang unang agos ng pag-aangkin sa pananampalataya na makikita sa mga nobelang kuwento Urbana at Felisa at Ninay ay nakatuon sa mga magagandang asal at kagandahan ng kalinangan na naaayon sa pananampalatayang Kristiyano na niyakap na ng bayan. Samantalang ang pangalawang agos naman ng pagwawaksi ay naipakita sa mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ito ay nakatuon naman sa mga bagay-bagay na pumipigil sa pag-unlad ng bayan. Sa iba’t ibang aspekto ng panlipunang realidad ng Pilipinas, nagiging hadlang ang mga fraile sa pag-unlad. Ang mga realidad na ito ay nagpatuloy pa rin sa ating kasaysayan kung kaya iginiit ni Hernandez ang kahalagahan ng pananampalataya at kailangan magkaroon ng reporma sa pamamahala at papapatakbo sa mga institusyong Pilipino.
Sa larangan ng Sikolohiya, maraming papel na ang nakatuon tungkol sa kahulugan at mga karanasan kaugnay sa relihiyon at espirituwalidad (Hill at Pargament, 2003; Hill et al., 2000; Selvam, 2013; Zinnbauer et al., 1997). Sa Sikolohiyang Pilipino, tinangka kong linawin ang mga paniniwala at pagpapakahulugan sa dalawang mahalagang dalumat ng relihiyon at espiritwalidad (Yabut, 2013). Ang papel ni Carmelo Martinez na nilayong aralin ang mga karanasang espiritwal at relihiyoso ng mga kabataan ay maituturing na mahalagang pagpapaliwanag o pagpapalalim pa ng mga nauna pang mga pag-aaral na tungkol sa espiritwalidad at relihiyon. Sa pamamagitan ng mga focus group discussions (FGD) at malalimang panayam, lumabas sa resulta ng pag-aaral ang matingkad na ugnayan ng pakahulugan ng mga kabataan sa espiritwalidad at pagiging relihiyoso sa konteksto ng loob at pagtitiis. Itinuturing nilang espiritwal or relihiyosong karanasan kapag may nararamdaman silang pagiging malapit sa Diyos sa pagdarasal at kung nakaramdam sila ng kabutihang loob ng kapwa.
Ang ikaapat na papel ni Darren Dumaop ay tumatalakay sa madilim na bahagi ng relihiyon. Ito ay tungkol sa kaugnayan ng religious fundamentalism at prejudice sa mga kabataan. Ginamit ang mga balangkas ng two component model (TCM) at dual process motivation (DPM) na hango sa Sikolohiyang panlipunan. Isa sa mga interesanteng resulta ng pag-aaral ay mahalagang mediator ang Christian Orthodoxy sa kaugnayan ng religious fundamentalism at prejudice laban sa mga LGBT. Sinusuportahan ng mga resultang ito ang pananaw na may kinalaman sa relihiyon ang panghuhusga laban sa mga LGBT.
Ang huling papel ni Chester Howard Lee ay tungkol sa pagtingin sa hinaharap bilang mediator ng pagkarelihiyoso at kumpiyansa sa sarili. Madalas sabihing relihiyoso ang mga Pilipino. Ang mas mahalagang tanong ay kung ano ang naidudulot ng pagiging relihiyoso nating mga Pilipino. Ang papel na ito ay isang kontribusyon kung saan ipinapakita kung ano ang naidudulot ng relihiyon sa mga Pilipino. Ito ay alinsunod sa positibong pag-unlad ng mga kabataan na karaniwang inaaral ng mga mananaliksik. Bagama’t gumamit ng mga banyagang iskala, naipakita ng pag-aaral ang gampanin ng pagtingin sa hinaharap sa relasyon ng pagkarelihiyoso at kumpiyansa sa sarili. Ang kumpiyansa sa sarili ay ang tinatawag na self-efficacy sa Ingles. Ipinapakita ng pag-aaral na ang pagiging relihiyoso ay nagbibigay ng kumpiyansa sa sarili sa isang tao sa pamamagitan pagpapalakas sa pagtingin sa hinaharap.
PAGLALAGOM
Bagama’t may mga pagkakaiba ang mga pag-aaral sa unibersal na Sikolohiya at Sikolohiyang Pilipino, marami rin itong pagkakahawig. Pagdating sa nilalaman, samut-sari ang mga pinag-aaralan ngayon sa Sikolohiyang Pilipino. Isang rason dito ay ang pagkakaiba-iba ng disiplina at pinanggagalingan pagdating sa lapit ng pananaliksik. Makikita rin ang hindi lamang pagkiling ng mga mananaliksik sa isang unibersal o partikular na lente sa pag-aaral ng iba’t ibang mga paksain kaugnay ng relihiyon at espiritwalidad. Bilang paglalagom, narito ang tatlong mahahalagang mga punto.
Unang-una, sa pagbubuo ng teorya sa espiritwalidad at relihiyon, hindi maiiwasang sumangguni sa ibang mga disiplina gaya ng sosyolohiya, antropolohiya, at teolohiya upang magkaroon ng malinaw na pagpapalalim tungkol sa dalawa (Wood, et al., 2018). Ito ay naayon sa nauna nang sinabi ni Enriquez na, “Napakahalaga ng Sikolohiya para maiwan ang pag-aaral nito sa mga sikolohista lamang” (Pe-Pua at Protacio-Marcelino, 2000, pah. 54). Sa mga papel sa special issue na ito, ginamit ang mga teoryang hango sa labas para mas intindihin ang kaugnayan ng relihiyon sa ibang sikolohikal na baryabol. Ginamit ni Chester Lee ang mga balangkas galing sa labas upang talakayin ang magandang impluwensiya ng relihiyon sa tao. Tinuon naman ng papel ni Darren Dumaop ang madilim na bahagi ng relihiyon. Ito ay alinsunod sa sinasabi ng mga paham sa Sikolohiya ng relihiyon na meron siyang maliwanag at madilim na bahagi (Wood, et al., 2018). Ang papel naman ni Carmelo Martinez ay tungkol sa pagpapatuloy na pagdalumat sa relihiyon at espiritwalidad gamit ang lapit na konstruktibismo. Sinasalamin ng tatlong papel ang mga nauna nang nabanggit ni Enriquez na indigenization from within at indigenization from without (Enriquez, 1992). Bagama’t ang mga papel ni Dumaop at Lee ay gumamit ng banyagang balangkas, naroon pa rin ang mga pagtatangka ng pagsasakatutubo na makikita sa kanilang pagtalakay sa mga resulta gamit ang kontekstong Pilipino. Ito ay alinsunod sa integrationist na lapit sa Sikolohiya ng pagsasakatutubo (Kim, 2000; Pe-Pua at Protacio-Marcelino, 2000). Sa kabila ng mga nagawa ng mga pananaliksik tungkol sa Sikolohiya ng relihiyon at espiritwalidad, nananatili pa rin ang matingkad na hamon na mas maging sistematiko ang kaalaman at gumawa ng teorya hinggil dito ang mga mananaliksik.
Pangalawa, ang mga pag-aaral sa espiritwalidad at relihiyon sa Sikolohiyang Pilipino ay maaaring kwantitatibo. Naipakita ng mga pag-aaral sa special issue na ito ang mga mahahalagang issue na nauna nang nabanggit ng ibang mga pananaliksik gaya ng kaalaman na dapat ay kwalitatibo ang mga pananaliksik sa Sikolohiyang Pilipino (Clemente, 2011). Ito ay naaayon sa positibismong tradisyon na kung saan ay may tinitingnang mga modelo at sinukat ang mga baryabol ng pag-aaral. Ito ay napakahalaga dahil maipapakita ang kaugnayan ng iba’t ibang mga baryabol kaugnay ng dalawang konsepto upang makagawa ng mga modelo na napakahalaga sa pagbubuo ng mga teorya. Sa pag-eksamen sa mga modelo ng espiritwalidad at relihiyon, kritikal ang pagsukat sa mga nabanggit na baryabol ng mga pag-aaral. Ang nagawa nina Lee at Dumaop ay magandang mga halimbawa ng paggamit ng mga banyagang iskala. Nakikita dito ang malaking pangangailangan sa pagdebelop ng mga lokal na iskala. Sa pagbubuo ng mga iskala tungkol sa espirituwalidad, sadyang mahalaga ang malinaw na konseptwalisasyon at kahulugan nito (Kapuscinski at Masters, 2010). Dagdag nila, sa validation ng naturang isakala, mahalagang maikumpara ito sa mga umiiral na iskalang pangkaraniwang ginagamit. Salat pa rin sa mga panukat na katutubo ang mayroon ngayon sa relihiyon at espiritwalidad. Sa kasalatan ng mga katutubong panukat, ang maaaring gawin ay ang adaptation ng mga iskala. Ang iilan sa mga iskalang angkop sa kulturang Pilipinong nagawa ay ang Filipino Spirituality Scale (Yabut, 2017) at panukat ng pagkarelihiyoso (Cantiller, 2013).
Sa kalaunan, ang tambalang positibismo at konstruktibismo sa larangan ng Sikolohiyang Pilipino sa pag-aaral ng espiritwalidad at relihiyon ay nakaugat sa mga malawakang usapin sa Sikolohiyang Pilipino at Sikolohiya sa pangkalahatan. Para sa konstruktibismo, napakahalagang mapag-aralan ang mga pagpapakahulugan ng mga tao sa mga dalumat (Gergen, 1985). Samantalang, sa positibismo, mahalaga ang haypotetiko-deduktibong pamamaraan na kung saan mahalaga ang mga teorya o modelo sa pag-analisa ng mga kwantitatibong datos (Ponterotto, 2015). Sa pagdalumat ng espiritwalidad at relihiyon, napakahalagang gamitin ang lapit na konstruktibismo o indaktibo upang mas maunawaan ang mga ito. Ito ay isang mahalagang bahagi ng paggawa ng mga katutubong iskala. Dito ay mahalaga ang mga papel nina Alvarez, Hernandez, at Martinez. Naipakita ng mga pag-aaral sa special issue na ito ang magkakaibang paraan tungo sa pag-aaral sa espiritwalidad at relihiyon ng mga Pilipino. Alinsunod sa apat na aspekto ng indihenisasyon ng Sikolohiya sa Pilipinas ni Church at Katigbak (2002), naipakita ang pag-usbong sa konseptuwal at teoretikal. Bagama’t gumagamit pa rin ng mga banyagang lapit ang mga pag-aaral, malinaw na naipakita na may mga pag-aangkop pa rin na matingkad sa kultura at Sikolohiyang Pilipino. Ito ay kahalintulad din ng mga pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino na may mga pagtatangka na gamitin ang mga lente at pamamaraan na may pagkiling sa kultura (Clemente, 2011).
Panghuli, mahalaga ang kultura at konteksto sa Sikolohiya ng espiritwalidad at relihiyon. “Ang batayang layon ng Sikolohiya ng relihiyon ay upang unawain ang tao sa konteksto ng kanilang sinasampalatayanan” (Wood et al., 2018, p.4). Sa pangkalahatan, ang konteksto ay kailangan isaalang-alang sa mga pag-aaral sapagkat ito ay napakahalaga sa pagbubuo pa lamang ng paksa hanggang sa pagsukat ng mga baryabol kung ito ay kwantitatibo. Ang pagiging sensitibo sa kultura ay isang napakahalagang bagay na kailangang isaalang-alang sa pagsukat din ng espiritwalidad at relihiyon (Hill at Pargament, 2003), lalung-lalo na kapag humihiram ng mga banyagang iskala. Pangalawa, mahalagang isaalang-alang ang kultura at konteksto sa pag-aanalisa at pagtalakay ng mga prosesong sikolohikal hindi lamang sa lapit na konstruktibismo bagkus ay pati na rin sa positibismo. Sa Sikolohiya ng espiritwalidad at relihiyon, marami nang mga papel ang tumalakay tungkol sa pagkakapareho at pagkakaiba ng dalawa (Hill et al., 2000; Zinnbauer et al., 1997). Sa mga makakanluraning pananaliksik, maraming dimensyon ang pagkarelihiyoso at espiritwalidad (Selvam, 2013). Gayundin kaya ang kalalabasan sa kulturang Pilipino? Marami na ring mga pag-aaral tungkol sa pagkarelihiyoso at espiritwalidad kaugnay ng mental health (Gall et al., 2005; Koenig, 2009; Rosmarin, Pargament, at Koenig, 2020), pulitika (Aghazadeh at Mahmoudoghli, 2017; Ayers at Hofstetter, 2008) at edukasyon (Bowman, Rockenbach, at Mayhew, 2015; Kuh at Gonyea, 2006). Interesanteng malaman kung saan nga ba papunta ang pagiging relihiyoso at espiritwal nating mga Pilipino. Ang ilan sa mga nagawa na sa Pilipinas ay tungkol sa espiritwalidad ng kabataan at positive youth development (Buenconsejo, 2018; Mansukhani at Resurreccion, 2009).
Itinatampok sa mga pag-aaral sa kasalukuyang special issue ang tungkol sa espiritwalidad at relihiyon kasama ang iba’t ibang mga lapit kaugnay ng Sikolohiyang Pilipino. Kung ating babalikan, dinalumat ni Enriquez ang Sikolohiyang Pilipino bilang maka-Pilipinong pag-aaral ng Sikolohiya na nakabatay sa kaisipan at karanasan ng mga Pilipino (Enriquez, 1975). Dahil dito, isinasaalang-alang din ng Sikolohiyang Pilipino ang kasaysayan, ang mga panlipunan at pangkultural na realidad, at ang halaga ng wika upang magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa mga Pilipino (Enriquez, 1992). Sa paglipas ng panahon, may silbi pa rin ang mungkahi ni Enriquez na kailangang paigtingin ang pag-aaral sa SP upang lalo pang umunlad ang Sikolohiya sa Pilipinas at sa Sikolohiyang Pangkalahatan. Giit ni Yacat (2013), malaki ang kontribusyon ng mga papel sa Sikolohiyang Pilipino sa Sikolohiya sa Pilipinas kung isasaalang-alang lamang ng mga mananaliksik sa Sikolohiya ang Sikolohiyang Pilipino pagdating sa kaalaman, metodo, at kabuluhan. Tutal, hindi naman daw kailangang sabihing Sikolohiyang Pilipino ang ginagamit mong lapit upang gumawa ng isang pananaliksik na maka-Pilipino (Clemente, 2011). Panghuli, babalikan ko ang sinabi ni Sinha (1997, p. 59, makikita sa Church at Katigbak 2000), sa layunin ng katutubong Sikolohiya: “Hindi kakitiran ng unawa ang layon ng pagsasakatutubo, sa halip, nagtatangka itong humanap ng angkop na Sikolohiya.” Sa Sikolohiya ng espiritwalidad at relihiyon, ang special issue na ito ay karagdagan sa mga pag-atupag upang mas mapalalim natin ang ating kaalaman tungkol sa dalawa at paano sila naangkop sa ating buhay bilang mga Pilipino. Ito ay isang munting alay sa katatagan ng pananampalataya ng mga Pilipino kahit ano pang hamon ang dumating sa kanilang buhay.
Mga Sanggunian
Abad, R.G. (1995). Filipino religiosity: Some international comparisons. Philippine Studies, 43(2), 195-212.
Aghazadeh, J., at Mahmoudoghli, R. (2017). Religion and political engagement. Cogent Social Sciences, 3(1), 1–8. https://doi.org/10.1080/23311886.2017.1368109
Alejo, A.E. (1990). Tao po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao. Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University. Binagong edisyon, 1992.
Alejo, A.E. (2004). Popular Spirituality As Cultural Energy. In Lecture Series 3 on Spirituality.
Aquino, C.C. (1999). Mula sa kinaroroonan: Kapwa, kapatiran, at bayan sa agham panlipunan. Nasa A.M. Navarro at F. Lagbao-Bolante (mga pat.), Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinohiya, at pantayong pananaw. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2007, 201-240.
Aquino, C.C. (2004). Kapwa, Kapatiran and Bayan in Philippine Social Science. Asian Journal of Social Science, 32(1), 105–139.
Ayers, J.W., at Hofstetter, C. R. (2008). American Muslim Political Participation Following 9/11: Religious Belief, Political Resources, Social Structures, and Political Awareness. Politics and Religion, 1(1), 3–26. https://doi.org/10.1017/S1755048308000023
Bowman, N. A., Rockenbach, A. N., at Mayhew, M. J. (2015). Campus religious/worldview climate, institutional religious affiliation, and student engagement. Journal of Student Affairs Research and Practice, 52(1), 24–37. https://doi.org/10.1080/ 19496591.2015.996045
Brambilla, M., Manzi, C., Regalia, C., Becker, M., at Vignoles, V. L. (2016). Is religious identity a social identity? Self-categorization of religious self in six countries. Psicologia Sociale, 11(2), 189–198. https://doi.org/10.1482/84098
Buenconsejo, J. (2018). Sanctification of Adolescence: A Qualitative Analysis of Thriving Among Filipino Youth With Religious Sparks. Philippine Journal of Psychology, 51(1), 121–154. https://doi.org/10.31710/pjp/0051.01.07
Cantiller, J. (2013). The development of the panukat ng pagkarelihiyoso: A scale to measure the religiosity of the filipino christian. Nasa S. McCarthy, J. Jaafar, A. Kamal at A. Zubair (Ed), Psychology at work in Asia: Proceeds of the 3rd and 4th asian psychological association conferences and the 4th international conference on organizational psychology. UK: Cambridge, 170-181.
Covar, P.R. (1998). Larangan: Seminal essays on Philippine culture. Manila: National Commission for Culture and the Arts.
Church, A.T., at Katigbak, M.S. (2002). Indigenization of psychology in the Philippines. International Journal of Psychology, 37 (3), 129–148. https://doi.org/10.1080/ 00207590143000315
Clemente, J.A.R. (2011). An Empirical Analysis of Research Trends in the Philippine Journal of Psychology: Implications for Sikolohiyang Pilipino. Philippine Social Sciences Review, 63(1), 1-33.
Enriquez, V.G. (1975). Mga batayan ng Sikolohiyang Pilipino sa kultura at kasaysayan (The bases of Filipino psychology in culture and history). General Education Journal, 29, 61–88.
Enriquez, V.G. (1992). Kapwa and the struggle for justice, freedom and dignity. From Colonial Liberation to Liberation Psychology: The Philippine Experience. University of the Philippines Press.
Enriquez, V.G. (1994). Pagbabagong-dangal: Indigenous psychology and cultural movement. Quezon City: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.
Gall, T.L., Charbonneau, C., Clarke, N.H., Grant, K., Joseph, A., at Shouldice, L. (2005). Understanding the nature and role of spirituality in relation to coping and health: A conceptual framework. Canadian Psychology, 46(2), 88–104. https://doi.org/ 10.1037/h0087008.
Gergen, K.J. (1985). Social constructionist inquiry: Context and implications. Nasa The social construction of the person. New York: Springer, 3-18.
Hill, P.C., at Pargament, K.I. (2003). Advances in the Conceptualization and Measurement of Religion and Spirituality: Implications for Physical and Mental Health Research. American Psychologist, 58 (1), 64–74. https://doi.org/10.1037/0003-066X.58.1.64
Hill, P.C., Pargament, K.I., Hood, R.W., McCullough, J.M.E., Swyers, J.P., Larson, D.B., at Zinnbauer, B.J. (2000). Conceptualizing Religion and Spirituality: Points of Commonality, Points of Departure. Journal for the Theory of Social Behaviour, 30(1), 51–77. https://doi.org/10.1111/1468-5914.00119
Kapuscinski, A.N., at Masters, K.S. (2010). The current status of measures of spirituality: A critical review of scale development. Psychology of Religion and Spirituality, 2(4), 191–205. https://doi.org/10.1037/a0020498
Kim, U. (2000). Indigenous, cultural, and cross-cultural psychology: A theoretical, conceptual, and epistemological analysis. Asian Journal of Social Psychology, 3(3), 265–287. https://doi.org/10.1111/1467-839X.00068
Koenig, H.G. (2009). Research on religion, spirituality, and mental health: A review. Canadian Journal of Psychiatry, 54 (5), 283–291. https://doi.org/10.1177/070674370905400502
Kuh, G., at Gonyea, R. (2006). Spirituality, Liberal Learning, and College Student Engagement | Association of American Colleges atamp; Universities. Liberal Education, 40–47. Isinangguni mula sa https://www.aacu.org/publications-research/periodicals/ spirituality-liberal-learning-and-college-student-engagement
Mansukhani, R., at Resurreccion, R. (2009). Spirituality and the development ofpositive character among Filipino adolescents. Philippine Journal of Psychology, 42(2), 271–290.
Matienzo, R.A. (2016). The Quiapo leap: A Kierkegaardian reading of the religious experience of the Black Nazarene popular devotion. Kritike, 10 (2), 29-43. doi: 10.1111/j.1467-839X.2009.01291.x
Obusan, T.B. (pat.) (1998). Roots of Filipino Spirituality. Quezon City: Mamamathala.
Pe-Pua, R., at Protacio-Marcelino, E. (2000). Sikolohiyang Pilipino (Filipino psychology): A legacy of Virgilio G. Enriquez. Asian Journal of Social Psychology, 3(1), 49–71. https://doi.org/10.1111/1467-839X.00054
Ponterotto, J.G. (2005). Qualitative research in counseling psychology: A primer on research paradigms and philosophy of science. Journal of Counseling Psychology, 52(2), 126.
Roger, K.S. at Hatala, A. (2018). Religion, spirituality at chronic illness: A scoping review and implications for health care practitioners. Journal of Religion at Spirituality in Social Work: Social Thought, 37(1), 24-44. doi: 10.1080/15426432.2017.1386151
Rosenkrantz, D., Rostosky, S., Riggle, E. at Cook, C. (2016). The Positive Aspects of Intersecting Religious/Spiritual and LGBTQ Identities. Spirituality in Clinical Practice 3. doi: 10.1037/scp0000095.
Rosmarin, D. H., Pargament, K. I., at Koenig, H. G. (2020). Spirituality and mental health: challenges and opportunities. The Lancet Psychiatry, 0366(20), 1–2. https://doi.org/10.1016/S2215-0366(20)30048-1.
Santa Maria, M. S. (1996). Is the indigenization crisis in Philippine social sciences resolved in sikolohiyang Pilipino? Layag, 1(1), 101-120.
Santos, K., Marchadesch, E. M., at Stations, S. W. (2017). First Quarter 2017 Social Weather Survey: 48% of Filipino adults attend religious services weekly; 85% said religion is important. Social Weather Stations.
Sarmiento, P.J.D., Sibug, N.L., Lumanlan, P.T., Bonus, B.M., at Samia, C.C. (2017). Pamagdarame in the Philippines: Forms, Reasons, and Preparations of Kapampangan Flagellants. International Journal of Religion & Spirituality in Society, 7(3), 15-24.
Selvam, S.G. (2013). Towards religious-spirituality: A multidimensional matrix of religion and spirituality. Journal for the Study of Religions and Ideologies, 12(36), 129–152.
Sevilla, J.C. (1982). Filipino religious psychology: A commentary. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit. Quezon City: University of the Philippines Press, 306-314.
Van Zomeren, Martijn. (2019). Toward a cultural psychology of collective action: Just how “core” are the core motivations for collective action? Journal of Pacific Rim Psychology, 13. doi: 10.1017/prp.2019.7.
Villaroman-Bautista, V. (1999). Unang dekada ng Sikolohiyang Pilipino: Kaalaman, Gamit at Etika. Nasa R. Pe-pua at E. Protacio-Marcelino (Eds.) (pp. 80–96). Lungsod ng Quezon: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Wood, R., Hill, P., at Spilka, B. (2018). The psychology of religion: An empirical approach e book (5th ed.). USA: The Guilford Press.
Yabut, H.J. (2013a). Apung mamacalulu: Ang Sto. Entierro ng Pampanga, Dalumat E-Journal, 4, 1-13.
Yabut, H.J. (2013b) Isang paglilinaw sa mga paniniwala at pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga Pilipino, Diwa E-Journal 1, 43-60.
Yabut, H. (2017). Development of Filipino spirituality scale. De La Salle University Arts Congress Conference Proceedings, 1, (9), 1-13.
Yacat, J. A. (2013). Tungo sa isang mas mapagbuong Sikolohiya: Hamon sa makabagong Sikolohiyang Pilipino. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19(2), 5-32.
Zinnbauer, B., Pargament, K., Cole, B., Rye, M., Butter, E., Belavich, T., . . . Kadar, J. (1997). Religion and Spirituality: Unfuzzying the Fuzzy. Journal for the Scientific Study of Religion, 36 (4), 549-564. doi:10.2307/1387689