[DIWA E-Journal Tomo 7, Nobyembre 2019] Pag-aangkin o Pagwawaksi: Isang Panimulang Pag-unawa sa Pananampalatayang Pilipino ng Ika-19 na Dantaon
Jose Rhommel B. Hernandez, Ph.D.
Departamento ng Kasaysayan
De La Salle University, Manila
Abstrak
Pangunahing katangian ng ika-19 na dantaon ang mga pagbabago’t reporma sa pulitika at lipunang Pilipino. Nagsikap ang pamahalaang kolonyal na makapagpatupad ng mga pagbabago sa kanilang kolonya sa Pilipinas. Gayundin, ang mga bagong uring panlipunan sa Pilipinas ay nagsikap ding magkamit ng higit pang mga reporma sa pamamahala at pagpapatakbo sa mga institusyong Pilipino.
Nasa gitna ng lahat ng ito ang mga isyu tungkol sa pananampalataya. Ang kapariang Pilipino ay nakikipaglaban na para sa kanilang mga karapatan noong huling bahagi pa ng ika-18 dantaon. Samantala, ang mga kabataan namang nagkamit ng benepisyo sa Repormang Pang-edukasyon ay unti-unting nagkaroon ng kaisipang anti-relihiyon bunga ng liberalismo. Sa bayan naman ay magaganap din ang isang pag-aalsang relihiyoso na magpapakita ng pagnanais na mamuhay nang malaya sa ilalim ng isang pananampalataya.
Nahahayag ang tensyon ng pag-aangkin sa pananampalataya o pagwawaksi dito sa mga nobelang nalimbag sa siglong ito. Subalit ang malinaw na pagkakatahi ng pananampalataya sa buhay ng mga Pilipino ay matatagpuan sa mga pag-aasal at pagpapahalagang nahayag sa panahon ng Himagsikang 1896.
Mga Susing Salita: 19th century Philippines, Philippine Novels, Urbana at Felisa, Ninay, Pag-aangkin, Pagwawaksi, Noli Me Tangere, El Filibusterismo
Abstract
The 19th century Philippines could be characterized primarily by developments and reforms in the political and social realms. The Spanish government in the Philippines exerted its efforts to institute reforms in the colony. Moreover, a new Philippine social class also struggled for more reforms in the management and administration of Philippine institutions.
Among all these is the issue pertaining to faith and religion. The Philippine clergy started to fight for their rights by the second half of the 18th century. The youth who benefited from the Educational Reforms by the second half the 19th century slowly developed an anti-religious mentality due mainly to liberalism. Among the people the desire to live free under the banner of faith will start a rebellion.
The tension between appropriation (pag-aangkin) and rejection (pagwawaksi) could be seen in the novels published in the latter part of this century. Manifested in the lives of Filipinos however, is the religious faith which could be found in their attitudes and values in the Revolution of 1896.
Keywords: 19th century Philippines, Philippine Novels, Urbana at Felisa, Ninay, Pag-aangkin, Pagwawaksi, Noli Me Tangere, El Filibusterismo
INTRODUKSYON
Malalaking pagbabagong institusyonal ang naganap sa Pilipinas pagsapit ng ika-19 na dantaon. Bunga ng mga pagbabagong pulitikal at pangkaisipan sa España, binago rin nito ang mga institusyon at patakarang ipinatutupad na sa Pilipinas mula pa sa simula ng kolonisasyon noong ika-16 na dantaon.
Marahil kung may matutukoy na “pagsisimula” ang ika-19 na dantaon sa Pilipinas, ito na ang dalawang huling dekada ng ika-18 siglo (Blanco Andres, 2012). Sa mga taong ito, binawi ng pamahalaang kolonyal ang kapangyarihang kinakatawan ng mga encomienda. Sisikapin nitong iwasan ang mga abusong ibinunga nito at makapagsimula ng mga paraang direktang tututok sa yamang maibibigay nito. Sinimulang ipatupad ang mga pagbabagong ito sa pag-upo ni Jose Basco y Vargas sa pagsisimula ng dekada ng 1780 (Blanco Andres, 2012, p.29). Sa larangang pulitikal ay nagsimula ang sentralisasyon ng pamamahala at binawasan din ang kapangyarihan ng mga principales. Isinentro din sa depensa ng Maynila ang militar pati na ang hukbong pandagat dahil sa takot na idinulot ng pananakop ng mga Ingles at patuloy na mga usap-usapan tungkol sa pagbabalik ng mga ito.
Kaugnay nito ang repormang pang-ekonomiya kung saan nilayon ng administrasyong kolonyal na bawasan ang pagkalugi ng sangkapuluan at pagsumikapang masuportahan ng kolonya ang kanyang sarili. Itinatag din sa panahong ito ang Real Compañía de Filipinas para sa pagsasaka at direktang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at España. Nagbunga ng pag-unlad sa ilang mga pamilya ang mga repormang ito. Sabay namang nabuksan ang mga paaralan sa mga Indio na siyang naging daan upang magkaroon ng bagong oryentasyong pangkaisipan ang kabataan.
Kinailangan ding sumunod sa sentralisasyon ang mga Ordeng Relihiyoso. Kinailangang paalisin mula sa sangkapuluan at maging sa iba pang kolonya ang mga Heswita. Gayundin, sinikap ng Arsobispo ng Maynila na si Basilio Sancho de Stas. Justa y Rufina (1767-1787) na mapasailalim sa Visitación ang mga parokyang hawak ng mga Relihiyoso. Higit na lumapit sa pamahalaan ang mga Relihiyoso kaysa sa kanilang mga Heneral sa Roma dahil nilikha ang mga Vicario General. Bunga nito, lumakas ang kapangyarihan ng mga fraile yamang sila ang nakitang pangunahing kaalyado ng pamahalaan para sa pagpapalakas ng pamahalaang kolonyal. Isang kaayusan itong aabot hanggang sa huling bahagi ng ika-19 na dantaon.
Samantala’y tila maiiwan ang malaking bahagi ng populasyon sa kanilang mga sarili upang buuin at panatilihin ang pananampalatayang kanilang tinanggap mula sa mga misyonero. Sa pagsapit ng 1841, magaganap ang pag-aalsa ni Apolinario dela Cruz. Magiging abala ang kaparian sa pagpapalawig ng kapangyarihang ibinigay sa kanila ng España bilang pangunahing tagapagpanatili ng sangkapuluan bilang kolonya. Kung kaya, sisikapin nito, sa buo nitong makakaya, na pigilin ang anumang magiging banta dito, maging ang mismong kapariang matatanggalan ng poder nang bumalik ang mga Heswita pagsapit ng 1859.
Sa ganitong tanghalan lalabas ang dalawang magkatunggali, komplimentaryo, at mahahalagang konsepto ng pag-aangkin at pagwawaksi sa pananampalataya, i.e., pananampalatayang Katoliko Kristiyano. Sa isang banda ay may mga magsasalita tungkol sa pag-aangkin nito o sa pagsasaayos nito bilang bahagi ng kalinangang binuo ng mga Pilipino mula pa sa panahong pre-hispaniko hanggang sa pagtanggap ng pananampalatayang Kristiyano mula sa mga Español. Sa kabilang banda nama’y matatagpuan ang mga nagpapahayag ng pangangailangang iwaksi ito bilang pabigat na elemento ng pang-araw-araw na buhay sampu ng mga fraileng nagpapakalat nito.
PAGBABALANGKAS
Sa isang balangkas ay ganitong kaayusan ang makikita sa kaugnayan ng pananampalataya sa pangkalahatang salaysay ng ika-19 na dantaon:

Makikita sa balangkas na ang pagsasalaysay ng ika-19 na dantaon ay maaaring hatiin sa di-kukulangin sa tatlong linya ng pagsasalaysay. Nasa gitna ng salaysay na sibil at eklesiyastiko o Simbahang Katoliko sa pangkalahatan, ang salaysay ng bayan. Ang salaysay na sibil ay kaugnay sa isyu ng pananampalataya at relihiyon yamang ito ang pangunahing pinanghahawakan ng pamahalaan bilang lehitimasyon ng pananakop. Kaugnay rin dito, at higit lalo pa, ang salaysay na eklesiyastiko yamang ito naman ang nakikitang pamamaraan ng pagliligtas ng kolonya mula sa dilim ng kamangmangan at kawalan ng kabihasnan. Samantala, sa salaysay ng bayan ay nakikita ang pananampalataya bilang pagpapatuloy ng kanilang sariling pananampalatayang sinauna.
Matatagpuan ang dalawang pag-aasal sa pananampalataya/relihiyon sa mga pahina ng ilang nobela sa panahon ding ito. Una ay ang pagwawaksi o ang pagpapahayag na dapat nang talikuran ng bayan ang pananampalatayang ipinakilala ng mga dayuhan. Bunga ito ng nabuong anti-klerikalismo sa mga Ilustrado sa kanilang pag-aaral kapwa mismo sa Pilipinas at sa Europa. Ikalawa ay ang pag-aangkin o ang pagkilala sa pananampalataya bilang bahagi na ng kalinangang Pilipino at samakatuwid, ay nagpapakita ng kagandahan at pagiging mataas nito.
Sa huli, higit na mamamalas sa pagsapit ng Himagsikang 1896 ang ikalawang pag-aasal. Makikitang inangkin na ng bayan ang pananampalatayang Kristiyano na nagmula sa mga dayuhan at kasabay nitong umiiral ang sinaunang pananampalataya, lalo na ang pangunahing kahilingan nitong pakikipagkapwa.
APAT NA MAHAHALAGANG NOBELA
Mahalaga ang mga nobela ng ika-19 na dantaon bilang mga batis ng kaisipang pulitikal, panlipunan, pang-ekonomiya at higit lalo na sa kaisipang relihiyoso ng mga Pilipino. Sinasabing may higit sa dalawandaang nobela ang naisulat pagsapit sa kalagitnaan ng ika-19 na dantaon (Cano Garcia, 2005, pp. 75-89, 202-211). Hindi lamang nito naabot ang malawak na popularidad yamang naisantabi ito ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal at higit lalo na sa pagdating ng mga Amerikano na tila naglihis sa mga mambabasa mula sa oryentasyong liberal ng mga ito. Kung naging kalaban ng mga Español sa Pilipinas ang Anituismo, sa gayo’y kinailangang iugnay ito sa mga demonyo, naging kalaban naman ng mga Amerikano sa pagdating nila sa Pilipinas ang kaayusang dinala rito ng mga Español. Sa kabila ito ng mga kaisipang liberal na umiral sa huling bahagi ng ika-19 na dantaon.
Sa pag-aaral na ito’y ibig na pagtuunan ng pansin ang apat na nobelang nakilala sa ika-19 na dantaon. Ang una’y ang kilalang proto-nobela ng paring Pilipino na si Modesto de Castro na pinamagatang Pagsusulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Felisa na nagtuturo ng Mabuting Kaugalian (1864). Ikalawa, ang nobela ni Pedro Paterno na pinamagatang Ninay (1885). Ikatlo, ang nobelang Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal at pang-apat ay ang kanyang El Filibusterismo (1891).
Ang Urbana at Felisa ay naglalayong magturo ng kagandahang asal sa kababaihang kapwa nasa lungsod at kanayunan. Samantala, naglalayon naman ang Ninay na maging isang pagpapakita ng kagandahan ng kalinangan/kultura ng mga Pilipino. Nasa konteksto na ito ng costumbrismo na nagpapahayag ng pagkakaroon ng kapantay ng kultura ng Patria Chica (Pilipinas) sa Patria Grande (España).
Bukod sa pagpapahayag ng mga naturang nobela tungkol sa lipunan ng ika-19 na dantaon, kapansin-pansin din sa mga ito ang partikular na pagtingin sa pananampalatayang Kristiyano Katoliko. Hindi lamang naghahayag ang mga ito ng kaisipan ng mga may-akda kundi pati na rin ng pag-aasal na mayroon ang mga mamamayan sa kanilang pananampalataya.
Nagpapahayag ang unang dalawang nobela ng pag-aasal ng pag-aangkin. Ibig sabihin, makikitang nakatahi ang pananampalatayang Katoliko Kristiyano dito bilang isang salik na umiiral kasabay ang sinaunang pananampalataya, i.e., prehispanikong pananampalataya, hindi lamang sa mga ritwal o simbolismo nito kundi pati na rin ang mga pagpapahalagang nakaugat dito. Sa huling dalawa naman, makikita ang isang negatibong pagtingin sa mga salik ng pananampalataya kapwa ng sinauna at Kristiyano Katoliko. Makikitang ipinapahayag ang mga ito bilang pabigat at siyang pumipigil sa ganap na pag-unlad ng Pilipinas sampu ng mga fraile na siyang tagapagpalaganap nito.
Ang Urbana at Felisa ni Modesto de Castro
Sinasabing ipinanganak si Modesto de Castro sa bayan ng Biñan, Laguna noong ika-15 ng Hunyo 1819 at nag-aral sa Unibersidad ng Santo Tomas hanggang sa makatapos sa kanyang pagpapari noong Marso 1847. Klasipikado bilang isang Indio Tagalo, isang mestisang Tsino ang kanyang ina na taga-Malibay na bahagi noon ng Parañaque ang kalakhan. Una siyang itinalaga sa bayan ng Paombong kung saan sinasabing una niyang napag-isipang isulat ang Urbana at Felisa. Matatagpuan sa aklat ang kanyang malalim na pagkakaugnay sa bayang ito lalo na’t kapwa taga-Paombong ang kanyang mga pangunahing tauhan. Pansamantala siyang bumalik sa Biñan dahil sa kanyang pagkakasakit noong 1854. Naging Rektor siya ng Katedral ng Maynila noong 1855 kung saan natapos niya ang iba pa niyang akda tulad ng mga novena kina San Isidro Labrador at Apostol Santiago. Nalipat siya matapos nito sa Naic, Cavite kung saan siya itinalaga noong 1857. Sa Naic natapos ang Urbana at Felisa at dito rin nagtapos ang buhay ni de Castro bunga ng epidemya ng kolera noong 1864 (Santiago, 1985, pp. 51-67). Ito rin ang taong inilimbag ang Urbana at Felisa. Binubuo ng tatlumpu’t apat na kabanata o paksa ang kabuuan ng aklat. Sagutan ng liham ng magkapatid ang makikita sa bawat kabanata na tumatalakay naman sa iba’t ibang paksa tungkol sa kabutihang asal, pananampalataya sa Diyos, pagmamahal at paggalang sa mga magulang, at pati na sa malawak na paksa ng pakikipagkapwa.
Ang kumpletong pamagat ng obra maestra ni de Castro ay ang Pagsusulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Felisa na nagtuturo ng Mabuting Kaugalian (Mojares, 1976, pp. 46-54). Isang kakaibang aklat ang obrang ito yamang hindi tulad ng mga naunang akda ng mga pari sa panahong iyon, hindi ito direktang tungkol sa mga panalangin at buhay ng mga santo at santa. Sa halip, itinahi ni de Castro ang pangangaral niya ng kabutihang asal sa isang kathang isip na pagsusulatan ng dalawang magkapatid na babae. Kung tutuusin, wala namang inihahayag na kwento sa mga pahina ng aklat liban sa sitwasyon ng magkapatid. Sa bandang huli, ibinalita ni Urbana ang kanyang pagnanais na pumasok sa isang beaterio.
Si Urbana ay nag-aaral sa Maynila at nagpapahayag ang bawat liham niya ng mga pangaral at alintuntunin sa kanyang kapatid kung ano ba ang dapat at hindi dapat gawin ng isang mabuting tao. Samantala, tumitingala naman si Felisa sa kanyang kapatid. Takbuhan niya si Urbana kapag nangailangan ng payo sa mga bagay-bagay.
Dalawang pangunahing pangyayari lamang ang mayroon sa buong aklat. Ang una’y ang pagkamatay ng kanilang ama na pagkakataon din upang mabigyan ng payo ang mga nasa lalawigan kung paano ang mabuting kamatayan, kung ano ang gagawin ng mga naiwan, at kung paano ang pag-aasal sa lamay. Ang isa pang pangyayari sa nobela ay ang pakikipag-isang-dibdib ni Felisa kay Amadeo. Muli, isang okasyon ito ng pangangaral partikular sa dapat na maging pag-aasal ng isang dalaga sa pagtanggap ng manliligaw, ang dapat gawin ng mga magulang, at maging ang mga tungkulin ng mag-asawa sa kanilang mga anak. Ipinapakita ng mga ganitong sitwasyon sa aklat ang pagnanais ni de Castro na magbigay ng pangaral at magturo ng kagandang asal at hindi ang magsalaysay ng isang kwento.
Hindi na problematiko ang sinaunang pananampalataya sa Urbana at Felisa. Sa larawang binuo ni de Castro, isa nang realidad ang pagdaloy ng pananampalatayang Kristiyano sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan. Ibig sabihin, nakikita ng may-akda na ang pananampalatayang Kristiyano/Katoliko, sa kanyang kabuuan, ay naangkin na ng bayan at nagsisilbi lamang ang kanyang aklat bilang paalala tungo sa isang mabuting buhay. Ang mabuting buhay para kay de Castro ay ang pagkakaroon ng tamang pag-aasal sa bawat okasyon/panahon o kaya’t hamon ng kinakaharap ng isang tao. Sapagkat isang bagay nang naangkin ang pananampalataya o relihiyong Katoliko, ito na ang makikitang konteksto ng anumang okasyon, panahon, at hamon sa buhay ng isang tao.
Ganito ang matatagpuang daloy sa mga liham na patungkol sa kabutihang asal at tamang pag-uugali sa mga partikular na okasyon. Nagmumula ito sa paglilinis ng pangangatawan hanggang sa partikular na pag-uugali sa loob ng simbahan at sa mga ritwal ng pananampalataya. Sa pag-aayos ng panlabas na kaanyuan, sinasabing dapat na maghilamos mula bago pumasok sa eskwela at magsuklay nang mabuti. Dapat ding malinis ang pananamit. Kakabit din nito ang paalalang hindi dapat para sa pagmamayabang ang lahat kundi sa mismong kaayusan ng sarili. Ukol sa buhok, hindi umano ito dapat pahabain tulad ng sa mga tulisan. Gayundin ang mga kuko sapagkat bukod sa pagkuha nito ng mga dumi ay nakaririmarim din lalo’t kung kumakain (de Castro, 1902, pp. 24-25).
Napakahalaga kay de Castro ng papel ng mga magulang sa isang mabuting anak. Kapabayaan ng magulang kung hindi maturuan ang kanyang mga anak ng mga pangunahing panalanging itinakda ng Simbahan. Itinuturo niya sa pamamagitan ng tauhang si Feliza na ang pagkilala sa Diyos ay nagpapakita ng kasipagan ng magulang na magturo sa anak at ang kawalan nito ay nagpapakilala naman ng kapabayaan. Kasabay ng mga pangunahing panalangin ang kaalaman ding nararapat tungkol sa Doctrina Cristiana at mga tamang sagot sa panalangin at kung kailan dapat lumuhod at tumayo sa pagdarasal. Lalo na sa sandali ng pagmimisa na nangangahulugang nasa harapan na siya ng Diyos (de Castro, 1902, p. 16).
Sa loob ng simbahan ipinahayag naman ni Urbana ang kanyang tila pagkadismaya sa pag-aasal ng ilang kababaihan. Ayon pa sa kanya, nagsisilakad ito nang walang pagdarahan-dahan at may kagaslawan. Umiikot din ang tingin sa paligid upang makita, diumano, ang mga taong nararahuyo sa kanya. Dagdag pa ni Urbana, “…napasaan kaya ang galang sa santong lugar, napasaan kaya ang kanilang kahinhinan! Diyata’t lilimutin na ng mga babaeng Kristiyano ang yaong utos ng Simbahan, pakundangan sa mga angeles?” (de Castro, 1902, p. 19).
Muli, sa mga siping ito’y makikita ang isang partikular na pagkilala sa pananampalatayang Kristiyano Katoliko bilang isang pananampalatayang nakatahi na sa kultura ng mga Pilipino. Nagsisilbi lamang, samakatuwid, na paalala ang mga sinasabi ng de Castro upang patuloy itong maipamuhay ng mga tao. Hindi na pangangaral ng mga pangunahing doktrina ang binibigyang pansin ng may-akda kundi kung paano na ito magiging buhay sa ginagawa ng mga mamamayan.
Ang Ninay ni Pedro Paterno
Kilala si Pedro Paterno sa kasaysayan dahil sa animo balimbing niyang pag-aasal sa harap ng mga kapwa Pilipino, Kastila, at nang lumaon, mga Amerikano. Gayunman, hindi pa rin matatawaran ang kahalagahan ng kanyang mga akda tungkol sa kalinangang Pilipino at maging ang kahalagahan ng kanyang nobelang Ninay.
Ipinanganak si Pedro Paterno noong 1857 at sumakabilang buhay noong 1911. Bukod sa Ninay, isa pang mahalagang aklat na nagawa ni Paterno ay ang El Cristianismo en la Antigua Civilizacion Filipina na inilimbag noong 1892 (Paterno, 1892; Reyes, 2011; Mojares, 2006, pp. 1-69). Magkaugnay ang dalawang akdang ito yamang pinatutunayan nitong huli ang pagkakaroon ng pananampalatayang Kristiyano sa mga Pilipino bago pa man dumating ang mga misyonerong nangaral at nagpakalat nito sa Pilipinas. Yamang bihasa sa teolohiyang Katoliko si Paterno, sinundan niya ang proposisyon ng mga Katoliko sa tinutukoy na Revelacion Natural o ang paghahayag ng Diyos sa mga tao ng Kanyang sarili sa likas o natural na paraan ng katuwiran. Pagdating sa pagsasalaysay ng Ninay, gagamitin itong mabuti ni Paterno upang ipakita ang kawalang kontradiksyon sa pagitan ng sinaunang paniniwala ng mga Pilipino sa mga paniniwalang Kristiyano Katoliko.
Hindi tulad ng Urbana at Felisa, higit na may layong magsalaysay ang Ninay sa halip na gumamit lamang ng isang sitwasyon sa pagtuturo ng kagandahang asal. Katulad ng Noli Me Tangere kung saan nakagitna ang pag-iibigan ng mga karakter na sina Crisostomo Ibarra at Maria Clara, itinahi rin ni Paterno ang kanyang pagsasalaysay at pagtuturo sa pag-iibigan ng mga pangunahing tauhan.
Nagsimula ang Ninay sa okasyon ng isang Pasiyam (Paterno, 2002). Naroon si Ninay at ang mapapaibig sa kanyang si Carlos. Minsan nang iniligtas ni Carlos si Ninay sa tiyak na kapahamakan. Guguluhin ng kontrabidang sina Federico, isang Kastila, at Pilar, na ampong kapatid na babae ni Ninay. Pinagnanasahan ni Federico si Ninay at iniibig naman ni Pilar si Carlos. Magsasapakatan ang dalawa upang paghiwalayin sina Ninay at Carlos. Aakusahan ni Federico si Carlos ng pagnanakaw kaya mapipilitan itong lumayo sa tulong ni Berto na isang tulisan. Samantalang mapipilitang humingi ng tulong si Ninay kay Federico upang mailabas ng kulungan ang kanyang ama. Bunga nito, pinilit siya ni Federico na pirmahan ang isang kasulatang nagsasabing kailangang ialay ni Ninay ang kanyang sarili kay Federico. Hindi ito natuloy dahil hinihintay ng kamatayan si Federico sa kamay ng naghihiganting si Berto. Anak ni Juan de Silveyro si Federico na siyang dahilan ng pagkamatay ng kasintahan ni Berto. Magiging malungkot ang kabuuan ng salaysay. Subalit ang lahat ng ito ay isa lamang balutan ng higit na magandang paglalarawan sa iba’t ibang bagay na matatagpuan sa kapaligiran tulad ng musika at maging mga produktong nagmumula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas tulad ng mga bungang kahoy mula sa Mindanao at mga tapayang nagmula pa sa Cebu.
Bukod dito, ipinapakita rin ni Paterno ang patuloy na pagsasabuhay ng matatandang gawi ng sinaunang relihiyon kasabay ng tinanggap na pananampalatayang Katoliko. Halimbawa, matapos ang mga ritwal, inilibing si Loleng, kasintahan ni Berto, sa yungib na Doña Geronima malapit sa dagat. Isang gawain ito ng sinaunang pananampalataya na naniniwalang pansamantala lamang ang kamatayan kung kaya’t may pagtigil lamang sandali sa isang yungib upang makapagpatuloy ng paglalakbay sa dagat.
Samakatuwid, hindi balintuna ang pagganap sa sinaunang ritwal kasabay ang bagong ritwal ng paglilibing. Kung baga, walang kontradiksyon ang sinauna at ang bagong pananampalataya yamang naangkin na ng mga Pilipino ang bago. Maiuugat ang ganitong pagturing sa malalim pang pag-aaral ni Paterno sa pananampalatayang Pilipino. Sa kanyang La Antigua Civilizacion Tagalog (Paterno, 1887), nakaayon ang pag-inog ng sibilisasyong Tagalog sa pag-inog ng sibilisasyong pandaigdig (Mojares, 2006, pp. 43-68). Tulad ng maraming sibilisasyon na humantong sa monoteismo, naganap din ito sa mga Tagalog kung kaya mayroon silang Bathalismo. Hindi nag-iisa si Paterno sa ganitong pagkilala. Sa katunayan, ganito na ang opinyon ng mga misyonero sa nadatnan nilang pananampalataya ng mga Pilipino. May pahayag pa ang Heswitang si Alcina na ang mga sinaunang Bisaya ay nakatanggap na ng “tunay” na pananampalataya sa tunay na Diyos subalit madalas lamang na naliligaw bunga ng mga mapanlinlang na babaylan (Alcina, 2004).
Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal
Sa mga naunang akda ay matatagpuan ang kawalang eskandalo ng magkatabing pag-iral ng sinaunang pananampalataya at pananampalatayang Katoliko Kristiyano. Subalit pagdating sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo, kakaibang kaisipan ang makikitang dumadaloy ukol sa pananampalataya at relihiyon. Lumikha si Rizal ng iba’t ibang tauhan na nagpapakita ng kasamaan ng pag-uugnay ng sinaunang pananampalataya sa pananampalatayang Katoliko Kristiyano at ng kinahihinatnan ng pagwawaksi sa ganitong anyo ng pananampalataya.
Isang makikitang halimbawa ang pagkatao ni Kapitan Tiyago (Rizal, 1909, pp. 51-64). Sa eksenang nagsisimula sa Suyuan sa Azotea (Rizal, 1909, p. 65), ipinakilala niya si Kapitan Tiyago bilang isang negosyanteng maraming santong pinipintakasi sa kanyang tahanan na umaasa sa isang himala upang makarating si Ibarra sa San Diego. Samantala nang dumating si Padre Damaso na tumatanggi sa pagpapakasal ni Maria Clara sa kaibigan ng kanyang kaaway ay kaagad namang pinatay ni Tiago ang kandilang inialay sa Birhen ng Antipolo at umusal pang “May panahon pa…” Ibig sabihin, inaasahan niyang may magaganap na hindi maganda kay Ibarra sa daan yamang binawi niya ang kandilang itinulos para sa Virgen dela Paz y Buenviaje (Rizal, 1909, p. 86).
Balintuna naman dito ang pag-aasal ng tauhang si Pilosopo Tasyo (Rizal, 1909, pp. 107-118). Sa isang kabanata, sinisigawan niya ang nasa prusisyong si San Diego dahil sa malaginto nitong palamuti sa kanyang damit. Isinisigaw niyang hindi gayon ang buti ng santo yamang nabuhay ito ng payak at buong kabanalan at hindi nakadamit ng ginto. Bukod pa dito ang kanyang diskusyon tungkol sa purgatoryo habang bumabagyo at nakisilong siya sa bahay ni Kapitan Basilio. Kapansin-pansin ding lahat ng mga kaugnay sa pananampalatayang Katoliko Kristiyano ay hindi maganda ang kinahinatnan. Isang alegorya na hindi maganda ang kahihinatnan ng bansa kung patuloy itong mag-uugnay ng sarili sa pananampalatayang ito.
Katulad ng pananampalataya ni Pilosopo Tasyo ang nais na pananampalataya ni Rizal: ang isang natural na relihiyon o sa Europa noon ay ang tinatawag na Deismo. Kaugnay ito ng Modernismo na kaugnay naman ng Liberalismo. Ibig sabihin, isang pananampalataya itong walang paniwala sa direktang paggabay ng Lumikha sa kanyang mga nilikha. Ang mga nilikha ay binigyan na ng sapat na lakas at kakayahan upang magawa ang dapat niyang gawin kung kaya hindi na niya kailangan pang humingi ng tulong sa kanyang Diyos.
Higit na pulitikal ang nobelang El Filibusterismo (Rizal, 1891). Hayag dito ang galit ni Rizal sa mga fraile bunga ng karanasan ng kanyang pamilya sa Calamba. Di-tulad sa Noli Me Tangere na tila nahuhugasan pa nang kaunti ang kasamaan ng mga fraile, higit na hayag sa El Filibusterismo ang pang-aabuso ng mga ito, sa mga kalupaan man o sa kababaihan. Subalit kakaiba rin ang makikitang pag-aasal ni Rizal sa isang kwento ng tauhang kutsero na nagsasabing makakawala na si Bernardo Carpio mula sa pagkakakulong nito sa yungib at darating na ito upang tubusin ang bayan mula sa kasamaan. Tila naging tampulan ito ng awa ni Rizal gaya ng awa na mayroon siya sa mga hindi nakapag-aral.
Bukod sa mga kritisismong ito ay hindi rin nakaligtas kay Rizal ang pagbatikos sa mga doktrina ng Simbahang Katoliko. Sa gitna ng lahat ng mga ito’y nakapasok ang mga kritisismo laban sa mga doktrinang pinanghahawakan ng Simbahang Katoliko, tulad ng pagbibigay-galang sa mga imahen, debosyon sa Birheng Maria, sa Santo Rosario, at iba pang mga panalangin. Kasama na rin ang mga itinakdang panalangin para sa bawat isang Kristiyano tulad ng Ama Namin, Credo, Aba Ginoong Maria at maging ang banal na obligasyon sa araw ng Linggo.
Sa pangkalahatan, ang pag-aasal sa relihiyon/pananampalataya ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay ang pagwawaksi. Ibig sabihin, isang bagay itong pumipigil sa pag-unlad ng bayan kung kaya nararapat lamang na iwanan na ito at talikuran. Pabigat ito, kumbaga, sa patuloy na pagsulong ng bayan pagdating sa agham, sa kalinangan, sa pulitika at maging sa ekonomiya. Bunga ng kapangyarihang nakamit nito sa daloy ng kasaysayan, nakadikit ang lahat ng suliranin ng lipunang Pilipino sa mga fraile. Kinatawan ng fraile ang mga pabigat na ito sa pangkalahatang buhay ng bayan. Sila ang pumipigil sa anumang pag-unlad na maaaring makamit pa ng mga Pilipino. Patuloy nilang binabansot ang lipunan bunga ng kanilang mga itinuturong supersticiones na hindi naman talaga nagtutulak tungo sa progreso. Nakaugnay rin sa kanila ang tila hindi tamang pag-iral ng pananampalatayang Kristiyano kasabay ang mga sinaunang paniniwala sa mga Anito. Bahagi ito para kay Rizal ng mga pabigat sa mga Pilipino na pumipigil sa kanyang ganap na pagtalunton sa kaunlaran kung kaya dapat itong iwaksi ng bayan.
PAG-AANGKIN O PAGWAWAKSI
Sa ganitong pagtanaw sa apat na nobelang ito ng ika-19 na dantaon, makikita ang dalawang magkatunggaling konsepto sa larangan ng pananampalataya. Ang apat na nobelang ito ay maituturing din bilang mga nobelang rebolusyonaryo sa kanilang panahon. Ang Urbana at Felisa ay humiwalay sa ordinaryong panitikan ng panahong iyon na nagtuturo lamang ng mga kakabisaduhing dasal at babasahing kwento tungkol sa mga buhay na banal. Sa halip, inihandog nito sa mga mambabasa, sa bayan ang isang praktikal at pragmatikong pamumuhay ng pananampalataya. Hindi rin ito masasabing humiwalay sa sinaunang pananampalataya yamang ang sinaunang pananampalataya sa mga Anito at kay Bathala ay isang pananampalatayang umiikot sa pakikipagkapwa. Ito ang pagkilala sa kapwa bilang katulad ng sarili na may kaluluwa na siyang potensyal na espiritung gagabay sa kalikasan tulad ng Anito.
Ganito rin ang matatagpuan sa Ninay. Sa kabila ng mga pagbabagong dala ng bagong pananampalataya, makikita pa ring nakaugnay na malalim dito sa sinaunang pananampalataya. Hindi ito sinkretismo yamang hindi lamang ito umiiral na magkasabay at magkatunggali. Sa halip, tila nabinyagan ng Kristiyano ang sinaunang pananampalataya kung kaya’t walang kontradiksyong umiiral. Magkasabay ito at malinaw na bumubuhay sa isa’t isa. Masasabi, samakatuwid, na bunga ng malalimang pagninilay sa nakaraan kapwa ang Urbana at Felisa at ang Ninay. Napag-ugnay nito ang iba’t ibang salik na sa payak na pananaw ng mga pinuno ng pananampalataya ay mga kontradiksyon. Yumayakap ito sa bago subalit hindi tumatalikod sa sinauna.
Kaiba sa dalawang ito ang Noli Me Tangere at Filibusterismo. Rebolusyonaryo rin kung ituring ang dalawang ito. Rebolusyonaryo bilang kritika ng lipunang binuo ng España sa Pilipinas. Tila sumusuko ito sa pagsisikap na pag-ugnayin ang sinauna at ang bago. Wala rin itong nakikitang kabuluhan sa pag-uugnay kung kaya kailangang iwaksi. Isang bagay na hindi naman sinunod ng bayang tumatahi ng kanyang sarili sa kasalukuyan at nakaraan. Tinalikuran ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang sinauna, ang bago at nangarap na magkakaroon ng progreso sa ilalim ng liberalismo. Tagumpay marahil si Rizal sa pag-uugnay ng kaisipang Pilipino sa daloy ng kaisipang kanluranin. Subalit walang tagumpay si Rizal sa pagbubuo at pag-uugat ng bayan sa kanyang malayong nakaraan.
ANG PANANAMPALATAYANG KRISTIYANO/KATOLIKO SA HIMAGSIKANG 1896
Hindi laban sa pananampalatayang Katoliko ang Himagsikan kundi laban sa masasamang Español. Ganito ang magkatulad na pahayag ng ilang nagmasid sa Himagsikan tulad nina Telesforo Canseco (1999) at Ulpiano Herrero (Hernandez, 2006). Sa kanilang pagmamasid, hindi na liban sa kanilang paningin na ang mga Pilipino, maging mga rebolusyonaryo, ay patuloy sa kanilang pagiging matapat sa pananampalataya.
Sa mga tala ni Canseco (1999, pp. 267-269), matatagpuang ginagamit ng mga Pilipino ang Nobena, Misa, Rosario mga panalangin bilang bahagi ng kanilang mga paghahanda para sa pakikipaglaban. Nasa Cavite si Canseco (1999, pp. 173-175) at hindi miminsan niyang nasaksihan ang pagsisimba ng mga rebolusyonaryo, ang pagpapahayag na isang banal na pakikidigma ang Himagsikan, at ang mga nobenang ginanap para sa ikapagtatagumpay nito. Maging si Bonifacio ay sinasabing nagsimba sa isang banal na misa sa kapistahan ng Inmaculada Concepcion sa bayan ng Naic noong Disyembre 8, 1896. Nakita rin ni Herrero (Hernandez, 2006, p. 371-372) ang pagpapatuloy na pagsasagawa ng mga ritwal ng Mahal na Araw ng mga Pilipino sa kabila ng mga labanan. Hindi rin miminsang nasabi ang paniniwala sa mga anting-anting at mga sakramental bilang bahagi ng pakikipaglaban mga Pilipino.
Bukod sa maliliit na detalyeng ito, makikita ring pundasyong ideolohikal ng Himagsikang 1896 ang pakikipagkapwa. Makikita sa “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” na tinanggap ng mga Pilipino ang mga Español bunga ng mga pangako nitong kaginhawahan (Richardson, 2013, pp. 189-191). Bunga ng “Sandugo,” nagkaroon ng magkapantay na responsibilidad ang mga Pilipino at Español na panatilihin ito sa bawat panig. Sa kabila naman ng pagiging matapat ng mga Pilipino sa kasunduang ito na ipinahayag niya sa kanyang pagsunod sa mga ipinapataw ng Español, hindi naman naging matapat ang huli sa kasunduan yamang lubhang mga pagpapahirap lamang ang ibinigay nito sa bayan. Bunga nito ay dapat na silang singilin sa kanilang pagmamalupit at ito nga ang gagawing paghihimagsik.
Sentro sa sinaunang pananampalataya ang pakikipagkapwa. At, kung tutuusin, ang pangunahing binabawi ni Andres Bonifacio ay ang pakikipagkapwa. Litaw ito sa kanyang pagtatangi sa Sandugo bilang pangunahing kasangkapan ng pagkakaisa. Sandugo ang sinaunang pamamaraan ng pagpapatibay ng pakikipagkapwa. Pag-aangkin din ng sinaunang kaugalian at pananampalataya ang matatagpuan sa mga pahayag sa Kartilya ng Katipunan ni Emilio Jacinto (Richardson, 2013, pp. 131-133).
Sa mga detalye ng relihiyosong pag-aasal ng Himagsikang 1896, matatagpuan din ang malalim na pag-uugnayan ng sinauna at bagong pananampalataya. Hindi lingid sa marami ang paggamit ng anting-anting na kung tutuusin ay isang uri din ng sakramental. Bukod pa ito sa maraming utos na nagmumula sa pamunuan tungkol sa pagdiriwang ng misa at mga novena para sa ikapagtatagumpay ng Himagsikan. Sa mga ulat na nagmumula sa panig ng mga fraile, malinaw nilang nakikita na hindi laban sa pananampalataya ang Himagsikan kundi sa mismong kasamaan ng España. Marami pang matutukoy na halimbawa at puno nito ang mga batis tungkol sa Himagsikang 1896 (Alvarez, 1992, pp. 73-74; Achutegui at Bernad, 1972, pp. 116-117; Arcilla, 2006, pp. 145-177). Subalit sapat nang sabihin na sa pananampalataya ng ating mga ninuno ay maaaring umiral ang bagong pananampalataya ng dayuhan. Dinala natin ito at patuloy na dinadala hanggang sa kasalukuyan.
Samakatuwid, sa pagsapit ng Himagsikang 1896, hindi na isyu ang pananampalataya. Muli, isa itong realidad ng pag-aangkin. Wala nang pag-iiba sa pagitan ng Anituismo at Kristiyanismo. Lahat ay kinikilala na bilang iisang pananampalataya.
KONGKLUSYON
Tanghalan ng tunggalian sa pagitan ng pag-aangkin at pagwawaksi ng pananampalataya ang ika-19 na dantaon. Sa panig ng pag-aangkin, makikita ang isang pananampalatayang binubuo ng sinaunang pananampalataya at ng pananampalatayang Kristiyano. Sa panig na ito, hindi magkatunggali ang pag-iral ng dalawang pananampalataya; sa halip, magkasabay at magkaugnay itong nagaganap sa mga ritwal man o maging bilang kinatawan ng anumang kabutihang mayroon sa kulturang Pilipino.
Sa panig naman ng pagwawaksi, matatagpuan ang isang larawan ng mga Pilipinong mangmang at inaapi lamang ng mga maling katuruan ng isang mapang-abusong Simbahan at mga kinatawan nitong fraile. Kailangan ang pagwawaksi yamang ito ang ugat ng lahat ng paghihirap at kawalan ng pag-unlad ng bayan, sa edukasyon man o sa larangang pang-ekonomiya.
Subalit higit na nanaig sa bayan ang pag-aangkin. Sa pagsapit ng kanyang malawakang pakikipaglaban sa mga kolonisador, ang pananampalataya niyang inangkin at iniugnay sa taal niyang pananampalataya ang siyang naging kasangkapan upang mabigyan ng isang malalim na pundasyon ang kanyang pakikipagtunggali. Hindi na naging isang pabigat ang pananampalataya balintuna sa itinuturo ng mga nasa panig ng pagwawaksi. Ito na mismo ang ginagamit mula sa larangang ideolohikal hanggang sa praktikal na gawain ng paghihimagsik. Hindi na isang isyu ang pag-aangkin o pagwawaksi ng pananampalataya sa Himagsikang 1896. Nananalaytay na ang pananampalataya sa mga kasapi nito at sa bayan.
Mga Sanggunian
Achutegui, P.S. at M.A. Bernad (1972). Aguinaldo and the Revolution of 1896: A Documentary History. Quezon City: Ateneo de Manila University.
Alcina, I.F. (2004). History of the Bisayan People in the Philippine Islands (1668), Vol. III. Manila: University of Sto. Thomas Publishing House.
Alvarez, S.V. (1992). The Katipunan and the Revolution: Memoirs of a General (P.C.S. Malay, tsln.). Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Arcilla, J. (2006). Unknown Aspects of the Philippine Revolution. Makati: St. Pauls Philippines.
Blanco Andres, R. (2012). Entre Frailes y Clerigos: Las Claves de la Cuestion Clerical en Filipinas (1776-1872). Madrid: Consejo Superior de Investigaciones Cientificas.
Cano Garcia, M.G. (2005). The “Spanish Colonial Past” in the Construction of Modern Philippine History: A Critical Inquiry into the (Mis)Use of Spanish Sources. Di-limbag na Disertasyong Doktoral, National University of Singapore.
Canseco, T. (1999). Kasaysayan ng Paghihimagsik ng mga Pilipino sa Cavite, 1897 (J.R.B. Hernandez, tsln.). Quezon City: Philippine Dominican Center of Institutional Studies.
De Castro, M. (1902). Pagsusulatan Nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza na Nagtuturo ng Mabuting Kaugalian. Manila: Imprenta y Librería de J. Martinez.
Hernandez, J.R.B. (2006). Ang Nuestra Prision ni Ulpiano Herrero y Sampedro, O.P.: Salin at Saysay. Di-limbag na Disertasyong Doktoral sa Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.
Mojares, R.B. (1976). Barlaan, Urbana at Basio: Three Philippine Proto-Novels. Philippine Quarterly of Culture and Society, 4 (1), 46-54.
Mojares, R.B. (2006). Brains of the Nation: Pedro Paterno, T.H. Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes and the Productiion of Modern Knowledge. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Paterno, P. (1887). La Antigua Civilizacion Tagalog (Apuntes). Madrid: Tipografia de Manuel G. Hernandez.
Paterno, P. (1892). El Cristianismo en la Antigua Civilizacion Tagalog: Contestacion al M.R.P.Fr. R. Martinez Vigil, Obispo de Oviedo. Madrid: Imprenta Moderna.
Paterno, P. (2002). Ninay (Ugali ng Catagalugan). Maynila: De La Salle University Press.
Reyes, P.L. (2011). Panahon at Pagsasalaysay ni Pedro Paterno, 1858-1911: Isang Pag-aaral sa Intelektuwalismo. Lungsod Quezon: Bahay Saliksikan sa Kasaysayan-Bagong Kasaysayan Inc.
Richardson, J. (2013). The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan, 1892-1897. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Rizal, J.P. (1891). El Filibusterismo. Ghent: F. Meyer Van Loo.
Rizal, J.P. (1909). Noli Me Tangere (P. Poblete, tsln.). Maynila: Limbagan ni M. Fernandez.
Santiago, L.P.R. (1985). Of Prose and Souls: Padre Modesto de Castro (1819-1864). Philippine Quarterly of Culture and Society, 13 (1), 51-67.