[DIWA E-Journal Tomo 7, Nobyembre 2019] Ilan sa Naging Tunguhin ng Pananaliksik sa Kapaniwalaang Pilipino: Ambag ng/sa Sikolohiyang Pilipino

Lars Raymund C. Ubaldo, Ph.D.
Departamento ng Kasaysayan
De La Salle University, Manila

Interesanteng penomenon ang relihiyon, espiritwalidad, at ang buong sistema ng kapaniwalaan para sa mga iskolar sa agham panlipunan sapagkat iniuugnay ito sa buhay ng tao: kung paano siya nabubuhay, nagpapakabuhay, at nakikipamuhay.  May kinalaman ang sistema ng paniniwala ng tao sa kanyang pamumuhay dahil isa ito sa mga tagapagtakda ng kanyang pagkakakilanlan. Ang indibidwal at maging ang komunidad na kabilang sa isang pangkat na pangrelihiyon ay makahahalaw ng mga elementong magpapakilala sa kanyang sarili mula sa kanya/kanilang pinaniniwalaan.  Kaugnay rin ng paniniwala ang motibasyon para sa pagpapakabuhay at sa paghahanapbuhay upang magpatuloy ang pag-iral ng tao.  Mula naman sa sistema ng kapaniwalaan ang iba’t ibang pamantayang moral na batayan ng ating pakikitungo at pakikipamuhay sa iba pang nilalang na may buhay. 

Nagkaroon ng malalim na interes ang mga iskolar na pag-aralan ang iba’t ibang bahagi at maging ang kabuuan ng sistema ng kapaniwalaang Pilipino.  Iba’t ibang interes ang nagtulak kaya pinaglaanan ng panahon ang pag-iimbestiga sa mitolohiya, relihiyon, ritwal, espiritwalidad, at mga kaugnay na konsepto.  Maaaring pangkatin sa tatlo ang naging direksiyon ng pananaliksik.  Ang unang pangkat ay ang ginawang imbestigasyon ng mga interesadong personalidad na bahagi ng rehimeng kolonyal.  Ang ikalawang pangkat ay pag-aaral ng mga Pilipino mismo na pinasimulan ng mga ilustrado, ang mga intelektuwal ng ika-19 na dantaon.  At ang huli ay ang punyagi ng mga iskolar sa kasalukuyan mula sa panahon ng pagpapanibagong-patunguhan ng mga agham panlipunan sa Pilipinas, partikular ang sumunod sa linyang gaya ng kilusan para Sikolohiyang Pilipino.

I

Hindi naiwasan sa mga ulat ng mga unang misyonero (at kahit na ng mga nanunungkulang opisyal ng kolonya) na banggitin ang mga bagay na may kinalaman sa relihiyon ng sinaunang Pilipino.  Malaki ang interes ng mga Espanyol sa sinaunang paniniwala ng mga Pilipino sapagkat sa bahaging ito ng kultura magsisimula ang kanilang pagpasok bilang bahagi ng proseso ng “Hispanisasyon” na ang pinakabuod ay ang paghuhulma ng kamalayan sa oryentasyong Kristiyano.

Isinasama bilang kinatawang akda sa F. Landa Jocano (1975), Mauro Garcia (1979), at William Henry Scott (1994) ang mga sinulat nina Antonio Pigafetta (Primo Viaggio intorno al mondo, 1524),Miguel de Loarca (Relacion de las Yslas Filipinas, 1582), Juan de Plasencia (Relacion de las Islas Philipinas, 1592), Pedro Chirino (Relacion de las islas Filipinas i de lo quen ellas an trabajado los padres de la Compañia de Jesus, 1604),Antonio de Morga (Sucesos de las Islas Filipinas, 1609), Diego de Aduarte (Historia de la Provincia del Santo Rosario de la Orden de Predicadores en Filipinas, Japon y China, 1640), Francisco Colin (Labor Evangelica ministerios apostolicos de los obreros de la Compañia de Jesus, fundacion y progresos de las Islas Filipinas, 1663), Francisco Ignacio Alcina (Historia de las islas e indios de Bisayas, 1668), Gaspar de San Agustin (Conquistas de las Islas Filipinas, 1698), Juan Francisco de San Antonio (Cronicas de la Apostolica Provincia de S. Gregorio de Religioso Descalzos de N.S.P.S. Francisco en las Islas Philipinas, China, Japon  etc., 1738), Casimiro Diaz (Conquistas de las Islas Filipinas, 1745), bukod sa iba pa.

Ang kawalan ng anumang nasusulat hinggil sa sistema ng paniniwala ng sinaunang Pilipino ang sinasabing dahilan bakit sumigla ang interes ng mga Espanyol tulad ng mga misyonero.  Banggit ni Padre Francisco Colin (sa Jocano 1975) ukol sa “Of False Heathen Religion, Idolatries, Superstitions, and other things, of the Filipinos:”

It is not found that these nations had anything written about their religion or about their government, or of their old-time history.  All that we have been able to learn has been handed down from father to son in tradition, and is preserved in their customs; and in some songs that they retain in their memory and repeat when they go on the sea, sung to the time of their rowing, and in their merrymakings, feasts, funerals, and even in their work, when many of them work together.  In those songs are recounted the fabulous genealogies and vain deeds of their gods. 

Sa mga kinatawang akda rin na nabanggit, “may pagkakaugnay ang mga paniniwala” lalo na ng mga pangunahing grupong etnolingwistikong mula sa Luzon at Visayas.  Sa mapanlagom na obserbasyon sa dokumentong nakilala bilang “Boxer Codex,” (Jocano 1975) sinasabing:

Although it is true that in these islands of Luzon, Panay, and Cebu there is an infinity of languages, one different from the others and as a consequence different garbs—some very barbaric, others of medium and still others of very high conception—almost all agree as to pagan rites and ceremonies; and if in some parts they differ somewhat, the degree is so slight that it would be inconvenient to dwell on each nation of these [people] and thus we can reach a conclusion on all of them.

…these people have and revere one God, the maker of all things, whom some call Bathala, other Molaiari, other Dioata…

They have always known, and have knowledge of, that they have a soul which on leaving the body goes to a certain place… They build altars… adorned by the best mantles and golden ornaments.  They offer everything to the anito…

Although these Indians have no temples, they have priests and priestess who are the principal persons of their ceremonies, rites, omens, and to whom all important affairs are entrusted, paying them well for their labor…

They have many omens when going on land somewhere.  In some places, there is a bird colored reddish blue and black which they call batala…

They believe in dreams, in whether a dream is good or bad: if good, they consider it as a good sign, and if bad as a bad sign…

They use superstitious names, some in order not to be defeated in wars, others not to be captured, others to make them invincible, others to become fortunate, others that the crocodile may not take them, others to improve their health, others to enjoy long life, others that deadly herb or poisons may not affect them, and for a thousand other things.  These names are used with the eyetooth of the crocodile, others with man-shaped stone, others with an herb they favor, others with the bone or root of a tree.  Finally, they utter a thousand and one words in this tone, and in some cases utter incantations in the Burneyan language which they all highly regard.  

Sinasapul ng paglalarawan sa sinaunang sistema ng paniniwala ng mga Pilipino ang masalimuot na katangian nito mula sa paniniwala sa isang makapangyarihang tagalikha ng lahat (Maykapal) at mga iginagalang na kaluluwa ng mga yumaong ninuno (anito) hanggang sa pagkakaroon ng mga ritwal para sa iba’t ibang yugto sa siklo ng kanilang pag-iral mula pagsilang hanggang kamatayan kasama na ang pagtawid sa kabilang buhay.  Makikita rin ang prominenteng katangian ng mga ritwal na pinangungunahan ng isang espesyalista at dinadaluhan ng buong pamayanan.  Mapapansing litaw sa mga salaysay ukol sa sinaunang relihiyon ng mga Pilipino ang pagnanais na ilarawan gamit ang sariling kategorya ng mga mananakop.  Pansining may pagkakataong hindi kinikilala bilang makatwiran at hindi lehitimo ang mga ritwal at ang mga taong nagsasagawa nito.  Ang mga naniniwala ay kinikilalang walang hustong pagkakagagap sa kanilang mga isinasagawa kaya’t ang mga ito ang nagdudulot sa kanila ng kapahamakan.  Hindi ito nakapagtataka sapagkat nakaugnay ito sa proyektong kolonyal at proyektong misyonero ng pagpapakilala ng Kristiyanismo.

Lalapatan ng panibagong perspektiba, magagamit naman ng mga intelektuwal na Pilipino mula pa ng ika-19 na dantaon hanggang sa kasalukuyan ang mga nilalamang impormasyon ng mga nabanggit na akda sa kanilang pag-uugat sa nakaraang may saysay na pinagyaman ng ating mga ninuno.  Isa ang relihiyon at ang kabuuang sistema ng kapaniwalaan sa mga aspekto ng ating kultura ang pagsusumikapang sagipin mula sa malaong pagkakabaon sa limot.

II

Udyok ng pagnanais na maitanghal ang “marangal na nakaraan” ng mga Pilipino, nagsulat ang mga Pilipinong intelektuwal ng ika-19 na dantaon hinggil sa iba’t ibang aspekto ng kalinangang Pilipino lalo na ang tungkol sa sinaunang sistema ng kapaniwalaan.  Hinog na ang paniniwala ng kanilang henerasyon na sa ganitong pamamaraan mapabubulaanan ang matagal nang paratang na ang mga katulad nilang indio ay may mababalikang kultura.  Sa kabila ng sistematikong pagpapalit, pagpapalimot, kung hindi man sapilitang pagbubura, pinatutunayan ng mga akdang nabanggit na may mga masasamsam pang ebidensiya na magpapatunay ng nagsasariling kalinangang Pilipino na maihaharap sa mga kolonisador.

Pangunahin sa mga naging interesado sa pananaliksik sa sinaunang relihiyong Pilipino sina Pedro Paterno (Reyes 1996; Mojares 2006) at Isabelo de los Reyes (Ubaldo 2003; Mojares 2006).  Kabilang sa mga akda ni Paterno na pumapaksa (ang kabuuan o ilang bahagi o inuulit-ulit ang pagtalakay) sa relihiyon ng mga Pilipino ang Ninay, Costumbres Filipinas (1885), La Antigua Civilizacion Tagalog, Apuntes (1887), El Cristianismo en la Antigua Civilizacion Tagalog, Contestacion al M.R.P. Fr. R. Martinez Vigil, de la Orden de Predicadores, Obispo de Oviedo (1892), La Familia Tagalog en la Historia Universal con un apendice, Contestacion al M.R.P. Fr. R. Martinez Vigil, de la Orden de Predicadores, Obispo de Oviedo (1892), Historia critica de Filipinas (1908), bukod sa maiikling artikulo na nalimbag sa mga pahayagan.  Kabilang naman sa mga sinulat ni de los Reyes na may kinalaman sa kanyang interes sa relihiyong Pilipino ang Mitologia Ilocana (1888), Historia de Filipinas (1889), El Folk-Lore Filipino (1889), Historia de Ilocos (1890), Apuntes para un Ensayo de Teodicea Filipina; La Religion del “Katipunan” o sea la Antigua de los Filipinos tal como ahora la resucita la asociacion de los hijos del pueblo (“Katipunan”), la promovedora de la revolucion filipina (1899, may rebisadong edisyon ng 1900), La Religion Antigua de los Filipinos (1909), kasama pa ang ibang sulatin na kalaunan ay naging bahagi ng babasahin ng kanya ring itinatag na Iglesia Filipina Independiente.

Kung pagtutuunan ng pansin, mababalikan ang mga pangunahing ideya ng mga ilustrado na kumikilala sa mataas na antas ng kabihasnang Pilipino bago dumating ang mga Espanyol na dumadaloy sa kanilang relihiyon.  Tingnan bilang halimbawa si Pedro Paterno sa kanyang El Cristianismo en la Antigua Civilizacion Tagalog na nangangatwirang may maagang anyo na ng “Kristiyanismo” sa Pilipinas bago pa ang pormal na pagpapakilala rito noong ika-16 na dantaon.  Ang Kristiyanismong ito ay inilangkap sa Bathalismo at niyakap ng mga sinaunang Pilipino nang kanilang “matutunan” mula sa mga mangangalakal na taga-India at naging tagasunod nina San Bartolome at Santo Tomas (mga apostol na sa popular na paniniwala ay napunta at nangaral sa India.)  Sa kanyang panig naman, ipinalalagay ni Isabelo de los Reyes sa kanyang La Religion Antigua de los Filipinos, na ang pinakabatayan ng sinaunang paniniwalang Pilipino ay ang “animismo” na nakaugnay sa pagsamba at pagbibigay-galang sa kaluluwa ng mga yumaong ninuno.  Ito ang batayan ng pagkakaugnay ng mga relihiyon at paniniwala hindi lamang sa buong Pilipinas kundi kasama rin ang ibang relihiyon lalo na sa mundong Malayo.  Kung susuriin, sa paglilinaw sa pinakakatangian ng sinaunang relihiyon, nililinaw lagi ng mga ilustrado na palatandaan ng mataas na antas ng kabihasnan ang koneksyon ng kung ano ang atin sa iba pang kalinangan sa daigdig.

Bagama’t hindi Pilipino, maibibilang din si Ferdinand Blumentritt sa pangkat ng mga ilustrado na nakapag-ambag sa mga pag-aaral ukol sa sinaunang paniniwalang Pilipino.  Kapanalig ng mga intelektuwal na Pilipino, si Blumentritt ay mahabang panahon nang nagsasaliksik at nagsusulat ukol sa mga bagay na Pilipino.  Mababanggit na pangunahin sa kanyang imbestigasyon sa relihiyon ang kanyang Diccionario Mitologico de Filipinas (1895).  Dito, masinop na tinipon ang mga katagang may kaugnayan sa paniniwalang Pilipino.  Ang mga ginamit na sanggunian ay ang mga diksiyunaryo, ulat-kolonyal, gunita sa paglalakbay, at pakikipanayam sa mga Pilipinong ilustrado.  Maliban sa pangarap na sinupin ang lahat ng mga konseptong kaugnay ng kaisipang relihiyoso/mitolohiko, iniuugnay rin ni Blumentritt sa daigdig na Malayo-Polynesyano ang ating paniniwala upang idiing ang kabihasnang Pilipino ay malaon nang umiiral sa mas masaklaw na teritoryo.

Mapangahas ang pagpapasyang sumulat hinggil sa sariling sistema ng kapaniwalaang Pilipino ngunit pinanindigan ito ng mga ilustrado bunsod ng kanilang adhikaing ipabatid sa mananakop na may maisasagot sila sa paratang na atrasado ang sinaunang kabihasnan.  

III

Bahagi ng paglawak ng interes ng maraming iskolar na Pilipino sa ating relihiyon at relihiyosidad gayundin ang sa mga kaakibat nitong ritwal at gawi, ang mga imbestigasyon sa mga relihiyosong grupong nakaugat sa kalinangan at kasaysayang Pilipino.  Samantalang isinasantabi ang mga ito, at binabansagan pa ngang mga “mapamahiing pangkat” o “kulto” (na sa konteksto ng pagkakagamit ay irasyunal, ilohikal, walang batayan, at hindi kapani-paniwala), may mga nahikayat upang usisain ang kahalagahan ng mga grupong ito gamit ang lenteng akademiko.  Sa direksiyong ito, isa sa mga pinatuunan ng pananaliksik ang mga grupong “Rizalista” (Foronda 1961).  Bilang pag-usad sa diskurso, isa sa mga naging pagbabago sa pananaw sa pag-aaral sa mga grupong ito ay ang pagtuturing sa kanila bilang hindi simpleng grupong relihiyoso lamang, sa halip, bilang kilusang panlipunan o kaya nama’y bilang nakabatay sa kalinangang Pilipino na “samahan” o “kapatiran” (Ileto 1979).

Panandang bato sa pagyabong ng pag-aaral at talastasan, lalo na sa piling kamalayang relihiyoso ng mga Pilipino ang pagkakalimbag ng aklat na Filipino Religious Psychology (1977) na pinamamatnugutan ni Leonardo Mercado at magkatuwang na inilimbag ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) at Divine Word University.  Interesante ang aklat na pumaksa sa mga piling karanasang relihiyoso ng mga kinatawang pangkat mula Luzon, Visayas, at Mindanao gayundin ang mula sa mga organisado at di-organisadong grupo.  Sa mga isinamang pag-aaral, isang nagpatingkad sa paglalarawan sa karanasang Pilipino ukol sa relihiyon ang nagmumula sa mga “katutubong organisasyon” na kalaunan, dahil kikilalaning nakaugat sa Pilipinong kultura ay mas ituturing na mga “kapatiran.”  Sa paglalarawan ni Prospero Covar (1977), nililinaw niya ang ilang katangian ng mga grupo sa ganito:

I would emphasize indigenous organization in the Philippines to distinguish it from the Roman Catholic Church or from the many Protestant denominations in the Philippines.  The Iglesia ni Kristo, the Philippine Benevolent Missionary Association, Incorporated, and the Lapiang Malaya may well be included in this classification of indigenous religious organizations.  They are autochthonous.  They are not supported by mission boards from abroad and they are organized by Filipinos in the Philippines.

There are quite a number of them.  In Bongabong, Nueva Ecija, we have a group named Adarnista, which was formerly known also as the Kaamaamahan Kainainahan, Incorporated.  In Banyo, Mt. Arayat in Pampanga and Mt. Makiling, we have the Justicia nd Diyos which is led by a certain Nana Panang.  Among many others are: Bathalismo ng (Inang) Mahiwaga… Sagrada ng Lahi… Sagrada Familia… Kapatirang ang Litaw na Katalinuhan… Tres Personas Solo Dios… Asiatica… Ciudad Mystica de Dios… [and] Mananalangin sa Bundok Banahaw… Every Holy Week, thousands upon thousands of religious devotees from Luzon and from all over the Philippines go to Mt. Banahaw because it is considered a Holy Land.

Samantalang tinataya ni Virgilio Enriquez (1989) ang kalagayan ng katutubong sikolohoya/Sikolohiyang Pilipino at kamalayang pambansa, naobserbahan niya ang isa sa mga paksang may kinalaman sa sinaunang relihiyon at sistema ng kapaniwalaan gaya ng “babaylanismo” na kinakailangang pagkaabalahan ng mga iskolar.  Naigpawan na, ayon sa kanya, noong panahong iyon (dekada 1980) ang mga pagsusuri sa paksang gaya nito na nakatali sa hulma at pananaw na kolonyal.  Sa kaso ng pagsasaliksik ng sinaunang paniniwala na nakasentro sa mga babaylan, hindi na lamang sila itinuturing sa malayo-sa-katotohanan o simplistikong paglalarawan bilang “shaman.”  Maibibigay na halimbawa rito ang artikulong “Ang Babaylan at Katalonan sa Kinagisnang Sikolohiya” ni Jocano (1976) na sumubaybay sa tungkulin ng mga dating pinunong panrelihiyon ng ating mga ninuno lalo na sa pamamahala ng mga karamdamang may kinalaman sa damdamin at pag-iisip.  Kasabay ng unti-unting pagbibigay-prebilehiyo sa interpretasyong nasa konteksto ng karanasang historikal na Pilipino ang panawagan para sa paglilinaw sa mga kategoryang pinaghahanayan ng mga gawi at asal na may kinalaman sa pagsasama, pag-aangkop, at maging pagtatalaban ng ating dating paniniwala at ng paniniwalang pataw sa atin ng mga dayuhan noong iba’t ibang yugto ng kolonyalismo na nauna nang binansagang “Folk Catholicism.”  Sa pagkakataong ito, may pagkilala rin si Enriquez sa marahan bagama’t makabuluhang usad sa pagkilala sa mga elemento ng paniniwalang gaya ng Bathalismo at anting-anting.

Hindi na huminto mula sa pagkakataong nanawagan para imbestigahan ang mga elemento ng sistema ng ating kapaniwalaan: taal man ito, hiram, iniangkop, at binigyan ng bagong-anyo sa daloy ng ating kasaysayan.  Maituturing na klasikong paglilinaw at pagpapalalim sa gampaning panlipunan at pangkalinangan ng mga babaylan nang panahong dati ang ginawang pagsasalaysay ni Zeus Salazar (1989). Itinuturing na haligi at “ispesyalista” ang babaylan na nangangasiwa sa mga “larangan ng kalinangan, relihiyon, at medisina at lahat ng uri ng teoretikal at praktikal na kaalaman hinggil sa penomeno ng kalikasan.”  Para kay Salazar, “proto-scientist” ang babaylan, isang mahalagang gampanin na nakakabit sa kanilang pagiging “dalubhasa” sa tao at sa diyos.  Sa sinaunang relihiyon, ang babaylan ay may malalim na kaalaman sa kabuuang paniniwala at nasasaklaw niya ang mitolohiyang inililipat sa mga masalimuot na ritwal na pampamayanan o pang-indibidwal.  Sa pagtalakay ni Salazar, nasabi niyang nasa pananagutan ng babaylan maging ang panitikan, lalo na ang pag-iingat, pagsasalaysay, at paglilipat sa kasunod na henerasyon ng kuwento ng nakaraan ng isang komunidad.

Ipinagpatuloy ang mga imbestigasyon sa sistema ng ating paniniwala sa balangkas at direksiyon ng Sikolohiyang Pilipino gaya ng idinaos na Unang Kumperensiya sa Pilipinong Sikolohiyang Pangrelihiyon noong 1976 at makikita ang interes sa mga organisasyong relihiyoso, sa pamunuan at kasapi, mga ritwal at seremonya bukod sa iba pa (Villaroman-Bautista 1999).  Naging bahagi ng dulog na isinulong ng Sikolohiyang Pilipino upang maunawaan ang kamalayan at kaisipang pangrelihiyon ng mga Pilipino ang pagdadalumat gamit ang sariling mga kataga (Villaroman-Bautista 1999).  Maaaring isiping sa simula’y walang o hindi tuwirang isinasakonteksto sa relihiyon at espiritwalidad ng mga Pilipino ang isang dalumat o konsepto. Gayunman, sa pamamagitan ng imbestigasyong pangwika (gaya halimbawa ng analisis na leksikal o pagsusuri ng larangang semantiko) sa isang susing kataga, naipauunawa sa mga pananaliksik ang mga diwa at kamalayang nasasakop/nasasaklaw ng konsepto at nakabubuo ng kaugnayan sa kaisipang relihiyoso.  Halimbawa sa mga inimbestigahan ang dalumat ng kaluluwa gaya ng hinawang kaalaman sa artikulong “Ang Kamalayan at ang Kaluluwa: Isang Paglilinaw ng Ilang Konsepto sa Kinagisnang Sikolohiya” (Salazar 1977).  Sa artikulong ito, binalikan ang mga magkakaugnay/magkakatulad na konsepto ng kaluluwa sa iba’t ibang grupong etnolinggwistiko sa Pilipinas samantalang ipinakikitang ang kaluluwa at ang kaugnay nitong ginhawa ay nakapaloob sa “katauhan” ng tao.  Sa kinagisnang sikolohiya, batay sa pag-aaral ni Salazar, ang kaluluwa ng mga yumao ang nagiging anito habang ang ginhawa (ang hininga) ang kabuuran ng buhay, ang espiritu, at ang pinakasimulain ng buhay.  Kaugnay na halimbawa rin ang pananaliksik na itinuon sa dalumat ng “loob” ng Tagalog at ang katulad nitong “nakem” ng Ilokano at “buut” sa Sugbuanon, Hiligaynon, Waray, at kaugnay na wika (Mercado 1972; Lacaba 1974; Alejo 1990).  ). Kaugnay nito ang tangka para sa pagpopook ng teolohiya gamit ang diwang Pilipino gaya ng loob at pagpapakatao (Miranda 1987; Miranda 1989). Nariyan din ang konsepto ng “patotoo” na palasak na ginagamit ng mga samahang panrelihiyon at kapatiran sa kanilang pagbabahagi ng karanasang kaakibat ng kanilang pinaniniwalaan at sa pagtukoy sa kaukulang katumpakan ng mga ito (Talisayon 1994).

Patunay sa pag-igting ng interes sa relihiyon at sistema ng kapaniwalaan ng mga Pilipino ang pag-oorganisa ng mga kumperensiya ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), Noong 1987 idinaos ang Ikalabintatlong Pambansang Kumperensiya sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Lungsod Quezon at Bundok Banahaw, Dolores, Quezon na may temang “Ang Kamalayang Ispiritwal ng mga Pilipino.” Ang kumperensiya ay pinamahalaan nina Violeta Bautista at Prospero Covar. Sa kasunod na taon, 1988, naganap naman ang Ikalabing-apat na Pambansang Kumperensiya na nakatuon sa “Ang Katutubong Medisina sa Sikolohiyang Pilipino.” Isinagawa ito sa Pamantasang De La Salle, Lungsod Maynila at pinamahalaan ni Lilia Antonio. Maidaragdag sa listahan ang idinaos na Ikadalawampu’t isang Pambansang Kumperensiya na umiikot sa mga paksa ukol sa “Buklurang Muslim-Kristiyano.” Idinaos ang kumperensiya sa Mindanao State University, Lungsod Marawi, Lanao del Sur noong 1995 at pinamahalaan ng Lupong Tagapamahala ng PSSP.

Katangi-tangi rin sa pag-unawa sa sistema ng kapaniwalaang Pilipino ang ginawang dalawang tomong Encyclopedia of Philippine Folk Beliefs and Customs (Demetrio 1991) na may diin sa “indigenous religiosity.”  Ang pagtitipon ng iba’t ibang kapaniwalaang nakapaloob sa katutubong relihiyosidad ay hakbang upang unawain ang paniniwala, ritwal, at kamalayan mula sa dating relihiyon (itinuturing ni Francisco Demetrio na batong tungtungan) kasabay ng inaangkin na mga elemento ng paniniwalang galing sa labas.  Maituturing din na kontribusyon sa pag-usad ng pananaliksik hinggil sa sikolohiya ng kapaniwalaang Pilipino ang pag-iiba sa buod na diwa ng relihiyon at espiritwalidad.  Salig sa pagnanais na maintindihan ang lalim ng epekto ng espiritwalidad sa kultura at pag-iisip na Pilipino, dapat ding banggitin ang kalipunan ng mga artikulong nalathala sa aklat na Roots of Filipino Spirituality (Obusan 1998).  Patuloy pang binuksan ang dimensiyong ito sa pamamagitan pag-unawa sa tao/sa kanyang pagkatao habang isinasaalang-alang ang kanyang relihiyon at espiritwalidad (Yabut 2013).

Isa pang mahigpit na kaugnay ng Sikolohiyang Pipino ang Bagong Kasaysayan (BAKAS). Sa nakalipas na mga taon, ambag ang mga ginawang mga pag-aaral sa “faith healing” sa Pilipinas (Salazar 1980; Salazar 1983) gayundin ang mga aklat na naipalimbag ng BAKAS gaya ng mga pumapaksa sa kapatiran sa Pilipinas na nagsususlong pangunahin ng mga makabayang simulain sa kanilang pananampalataya at espiritwalidad (Alaras 1988; Pesigan 1992; Paluga 2000; Ocampo 2014).

IV

Natukoy sa artikulong “Gamit at Etika ng Sikolohiyang Pangrelihiyon” ang mga konseptong sinimulang pagyamanin ng mga iskolar sa konteksto ng Sikolohiyang Pilipino (Villaroman-Bautista 1999).  Kinabibilangan ito ng: (1) Konsepto ng diyos ng mga “tribong” Pilipino; (2) Konsepto ng diyos ng mga taga-kapatagan; (3) Probidensiya; (4) Nagbabagong antas ng malay-tao; (5) Kababalaghan; (6) Katutubong Panggagamot; (7) Popular na Katolisismo; at (8) Katutubong relihiyon.  Kung papansinin, ang mga konseptong pinaksa ay nakukulayan pa rin ng tradisyunal na pananaw gaya ng dikotomiya ng “tribo-tagapatag,” o kaya “opisyal/pormal-popular/karaniwan.”  Nariyan din ang pagkiling sa kung ano ang eksotiko at ang hindi pangkaraniwang karanasan gaya ng kababalaghan.  Sa paglipas ng panahon, malayo na ang pinapaksa sa talastasan sa sikolohiyang pangrelihiyon na sinisipat sa lente ng Sikolohiyang Pilipino dahil unti-unti nang iwinaksi ang mga tradisyunal na pag-iiba at pagtutulad ng mga konsepto.  Inaabandona na rin ang mga kategoryang mapangmaliit at may kinikilingan gaya ng “kulto” at mga katulad na kataga.  Sa kabila nito, nag-aanyaya pa rin upang pagtuunan ng pansin ang iba pang aspekto gaya ng may kinalaman sa Islam/Islamisadong pamayanan, mga makabagong ekspresyon ng relihiyosidad katulad ng mga nabubuong komunidad na online bukod sa iba pa.  Sa mga naging pag-aaral ng sistema ng kapaniwalaang Pilipino, dumadaloy ang importanteng katangian: ang pagiging mahigpit na magkaugnay sa ating buhay, pamumuhay, at pakikipamuhay ng “materyal” at “espiritwal.”  At dahil sa katangiang ito, hindi huhupa ang pagnanais sa agham panlipunan na tuklasin ang iba pang dimensiyon ng ating paniniwala.

Ambag sa nagpapatuloy na talastasan ukol sa sistema ng paniniwala at espiritwalidad ng mga Pilipino ang kasalukuyang isyu ng DIWA E-Journal. Mula sa landas na naunang hinawan ng Sikolohiyang Pilipino, bukas pa rin ang talastasan sa iba’t ibang disiplina mula sa mga agham panlipunan upang sipatin ang panlipunan at pangkalinangang penomenong ito.  May mga pag-aaral na binabalikan ang historikal na tungtungan ng ating mga gawi at paniniwala gaya ng reaksiyon, pagtanggap o pagtalikod, sa pananampalatayang ipinakilala ng mga dayuhan.  Inuugat naman sa isang imbestigasyon ang mga manipestasyon ng pamamanata at ang mahabang tunggalian ng pagpapakahulugan sa mga simbolo.  Sa isang dako, nariyan naman ang pananampalataya at espiritwalidad na may kinalaman sa antas na personal gaya ng pagkakakilanlan kaugnay ng edad at kasarian, kumpiyansa sa sarili at positibong disposisyon.  Pinatutunayan ng ganitong oryentasyon ng pananaliksik na may tinutungtungan, personal man o pampamayanan, ang mga kasalukuyang manipestasyon ng ating relihiyosidad at espiritwalidad, sa ating kasaysayan at kalinangan.

Mga Sanggunian

Alaras, C. (1988).  Pamathalaan: Ang pagbubukas sa tipan ng mahal na ina.  Quezon City: Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan.

Alejo, A. (1990).  Tao po! Tuloy! Isang landas sa pag-unawa sa loob ng tao.  Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University.

Blumentritt, F. (1895).  Diccionario mitologico de Filipinas, Segunda edicion; Corregida y aumentada. Nasa W. Retana (pat.), Archivo del bibliofilo Filipino; Tomo II. Madrid: Impr. De la viuda de M. Minuesa de los Rios, 337-454.

Covar, P. (1977).  Religious leadership in the Iglesia Watawat ng Lahi.  Nasa L. Mercado (pat.), Filipino religious psychology.  Tacloban City: Divine Word University Publications at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 109-126.

Demetrio, F. (1991).  Encyclopedia of Philippine folk beliefs and customs.  Cagayan de Oro City: Xavier University.

Enriquez, V. (1989).  Indigenous psychology and national consciousness.  Tokyo: Institute for the Study of Languages and Cultures of Asia and Africa.

Foronda, M. (1961).  Cults honoring Rizal.  Manila: De La Salle College.

Garcia, M. (pat.) 1979.  Readings in Philippine prehistory.  Manila: Filipiniana Book Guild.

Ileto, R. (1979). Pasyon and revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Jocano, F.L. (pat.) (1975).  The Philippines at the Spanish contact.  Manila: MCS Enterprises, Inc.

Jocano, F.L. (1976).  Ang babaylan at katalonan sa kinagisnang sikolohiya.  Nasa L.F. Antonio, E.S. Reyes, R. Pe, at N. Almonte (mga pat.), Ulat sa unang pambansang kumperensiya sa sikolohiyang Pilipino.  Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 147-159.

Lacaba, E. (1974).  Ang loob: Ilang tala sa pagliliming Pilipino.  The Literary Apprentice.

Mercado, L. (1972).  Reflections on buut-loob-nakem.  Philippine Studies, 20 (4), 577-602.

Mercado, L. (pat.) (1977). Filipino religious psychology.  Tacloban City: Divine Word University Publications at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.

Miranda, D. (1987). Pagpapakatao; Reflections on the theological virtues in the Philippine Context.  Manila: Divine Word Publications.

Miranda, D. (1989).  Loob: The Filipino within; A preliminary investigation into a pre-theological moral anthropology.  Manila: Divine Word Publications.

Mojares, R. (2006).  Brains of the nation: Pedro Paterno, T.H. Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes, and the production of modern knowledge.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Obusan, T. (pat.) (1998). Roots of Filipino spirituality.  Manila: Mamamathala.

Ocampo, N. (2014).  Kristong Pilipino: Pananampalataya kay Jose Rizal.  Quezon City: Bagong Kasaysayan, Inc.

Paluga, M.J. (2000).  “Araw” at “gahum” ng New Israel sa Mindanaw: Isang pag-aaral sa sekta ng Moncado Alpha and Omega sa perspektibang historiko-kultural.  Quezon City: Palimbagan ng Lahi.

Pesigan, G. (1992).  Dulang-buhay ng Bundok Banahaw: Karanasan ng Ciudad Mistica.  Quezon City: University of the Philippines College of Social Sciences and Philosophy at Bahay-Saliksikan ng Pilipinolohiyang Simulain.

Reyes, P. (1996).  Isang kabanata sa kasaysayang intelektuwal ng Pilipinas: Panahon at kaisipan ni Pedro Paterno, 1858-1911.  Tesis Masteral sa Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Salazar, Z. (1977).  Ang kamalayan at ang kaluluwa: Isang paglilinaw ng ilang konsepto sa kinagisnang sikolohiya.  Nasa L.F. Antonio, L.L. Samson, E.S. Reyes, at M.A. Paguio (mga pat.), Ulat ng ikalawang pambansang kumperensiya sa sikolohiyang Pilipino.  Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 131-144.

Salazar, Z. (1989).  Ang babaylan sa kasaysayan ng Pilipinas.  Quezon City: Palimbagan ng Lahi, 1999.

Scott, W.H. (1994).  Barangay: Sixteenth-century Philippine culture and society.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Talisayon, S. (1994).  Patotoo—Concepts of validity among some Filipino spiritual groups.  Nasa T.B. Obusan at A.R. Enriquez (mga pat.).  Pamamaraan: Indigenous knowledge and evolving research paradigms.  Quezon City: University of the Philippines Asian Center, 124-143.

Ubaldo, L.R. (2003).  Ang talaangkanan ng mga Diyos at ang kanilang pag-iral sa kapaligiran: Pagbabalik sa mga pag-aaral ni Isabelo de los Reyes, 1889-1909.  Papel na binasa sa Ika-14 na Pambansang kumperensiya ng ADHIKA ng Pilipinas, Inc., Palawan State University, Puerto Princesa, Palawan.

Villaroman-Bautista, V. (1999).  Gamit at etika ng sikolohiyang pangrelihiyon.  Nasa E. Protacio-Marcelino at R. Pe-Pua (mga pat.), Unang dekada ng sikolohiyang Pilipino: Kaalaman, gamit at etika.  Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 80-96.

Yabut, H. (2013).  Isang paglilinaw sa mga paniniwala at pagpapakahulugan sa espiritwalidad at relihiyon ng mga Pilipino.  DIWA E-Journal, 1 (1), 162-179.