[DIWA E-Journal Tomo 7, Nobyembre 2019] Ang Dalawang Maria ng Malabon: Panata Bilang Pagsasabuhay sa mga Pagpapahalagang Pilipino sa Konteksto ng Ugnayang Pangkasaysayan at Pangkalinangan ng La Inmaculada Concepcion at La Purisima Concepcion ng Malabon [1]
Kerby C. Alvarez, Ph.D.
Departamento ng Kasaysayan
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Abstrak
Pinayaman ng pag-iral ng dalawa sa pinakamatandang pangrelihiyong institusyon sa Malabon— ang Romano Katolikong Parokya ng La Inmaculada Concepcion (PLIC) at ang Aglipayanong Parokya ng La Purisima Concepcion (PLPC) ang pangkasaysayan, pangkalinangan, at pangrelihiyong pag-unlad nito. Ang nasilayang pagkakatulad, o pagkakaiba, ng mga doktrina at pagsamba sa kanilang mga pintakasi ay nag-ambag sa malalim na pananampalataya sa Birheng Maria sa Malabon, na mababakas sa manipestasyon ng indibidwal na paniniwala, kolektibong pananampalataya, at mga pagdiriwang-pagpupunyagi kay Maria bilang inang pintakasi. Ang ugnayan ng pagitan ng dalawang simbahan ay mailalarawan bilang dramatiko, maigting, at panaka-naka ang “sigalot at “kapayapaan”— lalo na’t ang dalawa ay sumasandig sa kanilang pananampalataya sa Birheng Maria, na itinuturing na simbolo ng pagmamahal at kapayapaan, sa konteksto ng isang maigting na pagpapakita na ang pananampalataya ng isa ay mas tunay o higit sa kabila.
Ang pag-aaral na ito ay isang pagsusuri sa kasaysayan at manipestasyon ng panata sa Birheng Maria bilang pagsasabuhay ng ilang pagpapahalagang Pilipino. Kabilang rito ang maigting na pananampalataya, pakikipag-kapwa, at pagpapakatao. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga talang historikal, gayundin ang pakikipanayam sa ilang piling indibidwal na namamanata o deboto ng Birheng Maria mula sa dalawang simbahan, makikita na ang mga pagpapahalagang ito ay nasasalamin sa pagpapakahulugan sa debosyon sa birhen, pagtatasa sa kanilang kaalaman at pagtitimbang sa hidwaan ng dalawang simbahan, partikular tungkol sa awtentisidad ng imahen ni Maria na kani-kaniyang dinadambana, at ang kanilang pagmumuni-muni sa gampanin ng indibidwal na pamamanata bilang pagpapakita ng gampanin sa mas malawak na lipunang ginagalawan. Nais ng papel na ito na tasahin ang ugyang pulitikal at kultural ng dalawang simbahan, batay sa kaniyang dokumentadong kasaysayan, at pananaw ng mga nakapanayam na miyembro. Tatangkain ng papel na ito na ipaliwanag ang iba’t ibang dimensiyon at manipestasyon ng panata bilang pagsasabuhay pagpapahalagang Pilipino, batay sa karanasang kultural at pulitikal ng dalawang simbahang Kristiyano sa Malabon.
Mga Susing Salita: Panata, Debosyon, La Inmaculada Concepcion, La Purisima Concepcion, Birheng Maria, Malabon
Abstract
The existence of two of the oldest religious institutions in Malabon, Philippines – the Roman Catholic Inmaculada Concepcion Parish and the Iglesia Filipina Independiente’s La Purisima Concepcion Parish has enriched the historical, cultural, and spiritual development of the 400-year old town. Similarities and differences in religious teachings and ritualization of their respective patron saints contributed significantly to the popularization of devotion to the Virgin Mary in Malabon, manifested through individual faith, collective commitment, and formations and festivities in honor of Mary as the holy mother. The relationship of the two churches is described as dramatic and complex, and there is the frequent “clash” and “unity” – given that the two churches’ fundamentally subsists on their deep devotion to the Virgin Mary, who, in the context of rigorous display of one’s faith over the other, is considered the symbol of love and peace.
This study is an analysis of the history and manifestations of devotion to the Virgin Mary as expression of various Filipino values. Unyielding faith, extending the self, and humaneness are the ones discussed in this work. Through an evaluation of historical information and interviews with select devotees of the Virgin Mary from the two churches, it is evident that these values are reflected in the characterization of the devotion to the Virgin Mary, appraisal of their knowledge and balancing of views on the conflict of the two churches, specifically on the issue of authenticity of the image of Mary, and their opinion on the use of individual devotion as demonstration of their role in the larger society they are part of.
This paper aims to assess the political and cultural relations of the the two churches, based on the documented history, and views from some of their members. It attempts to illustrate the numerous dimensions and manifestations of faith as expression of Filipino values, based on the cultural and political experiences of these two Christian churches in Malabon.
Keywords: Faith, Devotion, La Inmaculada Concepcion, La Purisima Concepcion, Virgin Mary, Malabon
PANIMULA
Sa mga mapanghawang pag-aaral tungkol sa kasaysayan, sosyolohiya, at anthropolohiya ng relihiyon, partikular tungkol sa Katolisismo sa Pilipinas, mayroong pagbabanghay o paglalarawan sa mga debosyon bilang “relihiyong popular” (popular religion) o “relihiyong pambalana” (mass religion) (Buckeley, 2014; Cornelio, 2014; Francisco, 2014, Sapitula, 2014; Tremlett, 2014). Sa mga piling pag-aaral na ito, mahihinuha na pumatutungkol ang una sa pananampalataya na nakatuon sa mga pang-araw-araw na manipestasyon ng paniniwala batay sa mga gawi at pananaw ng tao sa loob ng dimensiyon ng simbahan o institusyon ng relihiyon, samantalang ang huli ay sa kung paano pumapasok ang paniniwala at relihiyon sa mas malawak na dimensiyon ng lipunan, sa publiko sa kabuuan, kung saan hindi lamang limitado sa mga katulad na paniniwala ang napabibilang. Gayundin, sa pagitan ng dalawang pagbabanghay na ito, makikita ang mayaman at malalim na pagsasabuhay ng paniniwala, na umiinog sa pangkasaysayang karanasan, kinagisnang tradisyon, at mga pangkasalukuyang kaligiran. Ang mga prusisyon ay nagiging salamin ng pang-indibidwal at kolektibong karanasang tungo sa mas malaong pagbibigay-kahulugan sa kapaligiran at lipunang ginagalawan (De la Paz, 2008), sa pananaw pangkalinangan, at mga naratibo ng kultura sa anyo ng pagtatanghal at simbolikong parada ng pananampalataya at espiritwalidad (Tiatco, 2008; Tiatco, 2012). Sa mga pag-aaral at lapit na ito maaaring ipabilang ang karanasan sa pananampalataya sa Birheng Maria sa Malabon. Sa kanyang pagbubuod ng naging daloy at tunguhin ng mga pag-aaral tungkol sa Katolisismo, tinukoy ni Cornelio (2014) ang ideya ng “pagtanaw sa kataalan” (turn to authenticity) bilang isang pamamaraan ng pagsusuri sa kontemporanyong kalagayan ng pagsasabuhay ng mga Katolisismo. Mula rito, magbibigay-pokus ang pag-aaral na ito tungkol sa lokal na karanasang pangkasaysayan, karanasang personal, at karanasang kolektibo upang mahinuha ang pagpapakahulugan sa panata bilang pagsasabuhay ng mga pagpapahalagang Piilipino, kung ano ang naging daloy ng ugnayan ng mga institusyong mayroong magkahawig na debosyon, sa konteksto ng isang heograpikal, pulitikal, at sosyo-kultural na espasyo.
Ang pag-iral ng dalawa sa pinakamatandang Kristiyanong simbahan sa Malabon, ang Romano Katolikong Parokya ng La Inmaculada Concepcion (PLIC) at ang Parokya ng La Purisima Concepcion (PLPC) ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), kilala rin bilang Simbahang Aglipayano, ay malaki ang ambag sa pangkasaysayan, pangkalinangan, at pangrelihiyong pagyabong sa nagdaang mga siglo. Ang mga pagkakahalintulad ng dalawang simbahan sa larangan ng mga aral at pagsasabuhay ng debosyon sa kanilang mga dinadambanang pintakasi ay nagbigay-daan sa kanilang pagiging dalawa sa pinakamalaking samahang panrelihiyon sa Malabon. Nananatili ang dalawang simbahan bilang pinakamaimpluwensiya sa larangan ng panata, pormasyon, at mga kapistahan. Kapwa sila nagsasagawa ng malalaking pagdiriwang bilang pagsamba sa Birheng Maria. Nagpapatakbo at nagpatakbo ng paaralan ang dalawang simbahan: ang Immaculate Conception Parochial School (ICPS) sa PLIC, at ang La Purisima Concepcion Academy (LPCA) sa PLPC na nagsara noong 2015.
Layon ng pananaliksik na ito na suriin ang pangkalinangang ugnayan ng dalawang pananampalatayang Kristiyano, kung saang bibigyang-diin ang pagkakalapit ng kanilang mga paniniwala at panata na kapwa kailangang timbangin gamit ang historikal at pangrelihiyon pagkritika at pag-unawa. Gamit ang mga batis pangkasaysayan mula sa mga sinupan, panayam sa mga miyembro ng dalawang simbahan, at mga talang etnograpiko sa ilang gawaing panrelihiyon sa dalawang parokya sa Malabon, ilalahad ng papel na ito ang isang kasaysayan ng pag-unlad ng debosyon sa Birheng Maria sa Malabon gamit ang mga talang pangkasaysayan ng ugnayan ng dalawang simbahan. Ipakikita ng pananaliksik kung paanong sa pamamagitan ng pagsilip sa karanasan ng dalawang simbahang Kristiyano sa Malabon ay makikita ang ilang repleksyon at manipestasyon ng panata o debosyon bilang pagsasabuhay ng ilang mga pagpapahalagang Pilipino. Ilan sa mga ito ang maigting na pananampalataya, pakikipagkapwa, at pagpapakatao. Sa naging masalimuot na pag-unlad pangkasaysayan ng Kristiyanismo sa Malabon, partikular ang pagyabong ng debosyon sa Birheng Maria, lumago ang panata bilang sandigan at manipestasyon ng ilang pagpapahalagang emblematikong ipinapakita ang ating mga batayang paniniwala bilang tao at mananampalataya sa kinabibilang kolektibo. Buhat rito, magbibigay ang akda ng isang paglalarawan sa sikolohiyang Pilipino, lalo na sa usapin ng paniniwala at pananampalataya, sa konteksto ng mas malawak na pangkasaysayan at pangkalingangang karanasan ng tao. Ang pagtitimbang sa kung paanong ang panata sa Birhen, at ang pagtatasa sa gampanin ng simbahan sa mas malawak na lipunang kinapapalooban nito, ay sumasalamin sa ating mga pamantayan ng kung ano ang nararapat para sa komunidad, lalo na sa usapin ng pagpapakatao. Bilang pangunang pabatid, hindi layon ng pag-aaral na ito na sukatin o tingnan ang kantitatibong aspeto ng mga pagpapahalaga, bagkus ay ilahad at ilarawan ang mga manipestasyon at kalitatibong mga katangian ng mga pagpapahalagang nakaugnay sa panata sa Birheng Maria.
PANATA/DEBOSYON SA LENTE NG SIKOLOHIYANG PILIPINO
Nakaugat sa kalinangang bayan ang pamamanata. Sa mahabang kasaysayan ng Kristiyanong relihiyon sa Pilipinas, ang pamamanata ay isa sa mga sandigan ng malalim na pag-unawa sa mga aral ng relihiyon, gayundin ang pagsasabuhay nito bilang gawi at halagahin. Sa malawak at malaong pagpapaliwanag ng kahulugan at tunguhin ng sikolohiyang Pilipino, ipinaliwanag ni Enriquez (1982a) na ito’y pumapaloob sa pag-aaral sa kamalayan, ulirat, isip, kaloob, at kaluluwa ng tao (p. 6), gayundin sa pagsisiyasat sa konsepto ng pagkatao, damdamin, at panlabas na katangin, batay sa karanasan, kaisipan, at oryentasyon Pilipino (p. 8). Dagdag pa, ang pag-aaral ay dapat nilalayon ang pagpapalitaw ng sikolohiyang taal o katutubo (indigenous psychology), kung saan binibigyang-tuon ang siyentipikong pagsusuri ng etnisidad, lipunan, at kalinangan ng tao at ang pagsasabuhay ng mga kagawiang sikolohikal na nakaugat sa kaakuhan at kamalayang ng tao. (Enriquez, 1994, pp.1-2). Buhat rito, pinapahalagahan ng pag-aaral ang tao at ang kanyang diwa bilang batayan ng sinasabing sikolohiyang Pilipino (Enriquez, 1982b, p.66); ang kultura ay nagsisilbing batis, gayundin bilang paksa (Enriquez, 1994, p.5).
Sa kanyang pag-aaral tungkol sa pagpapahalaga, pinalawak ni Jocano (1992b) ang ating pagkakaunawa rito batay sa kumbensiyunal na salin mula sa Ingles ng salitang “values”. Aniya, higit pa sa pagpapalahaga, maaari ring isalin ang “values” bilang pamantayan (na kadalasan nama’y isinasalin bilang “standard”). Tumutukoy ito sa antas ng pagtanggap sa katangian ng pag-uugali at gawi, na itinatakda o ginagabayan ng umiiral na mga kaisipan at pagnanais; ito rin ang ginagamit na tungtungan at paglilimit sa pagpili ng mga ninanais, pagtitimbang sa kung ano ang gusto o hindi, at sa pagdedesisyon sa mga bagay na gagawin, kumbaga, ang mga etikal at hakbangin moral na makikita sa pag-iisip, paniniwala, at paggawa (Jocano, 1992b, p. 2). Tinatanggap ang mga ito bilang panukat sa larangan ng pagdedesisyon at pakikitungo sa tao (Jocano, 1993, p. 11). Dagdag niya (Jocano, 1992b), bilang gabay-sa-buhay, ang mga pagpapahalaga o pamantayan ay mayroong tatlong antas ng pagsasabuhay: halaga, asal, at diwa (p. 6). Sa kanyang pag-aaral, ipinaliwanag ni Schwartz (2012) na ang mga halagahin ay nagbabadya ng mga kaasalan at batayan ng ating paghihimay sa mga pangyayari o sitwasyon; ang mga halagahin ay ginagabayan ang tao sa kung ano ang sa tingin niya ay katanggap-tanggap o hindi, batay sa pagtitimbang ng maaaring dulot nito sa antas personal at pangkolektibo (p. 16). Ang mga halagahin ay isang sandigan at sentral na batayan ng pag-unawa sa sarili; ito ay kritikal na tagapagsulong ng kaasalan at pag-uugali ng tao (Schwartz, 2012, p. 17). Bilang karadagan, ipinakita ni Schwartz (2011) na ang mga kalinangan, panlipunang institusyon, at mga pang-indibidwal na karanasan ay binibigyang espasyo ang tao upang ipahayag at isabuhay ang kanyang mga itinuturing na halagahin (pp. 310-311). Gayundin, sa antas kolektibo o pangmadla, ang mga lipunan ay nagtatakda nang kung paano magkakaroon ng napagkasunduang pamantayan hinggil sa mga gawi at kaasalan ng mga miyembro nito; ang pagkakaroon ng konsensus hinggil sa kung ano ang naaangkop at hindi naaayon sa kanilang mga personal at pangkolektibong pagtatasa ay sandigan ng mga halagahin sa bawat lipunan o kultura (Schwartz, 2011, p. 313). Sa hiwalay na pag-aaral, tinukoy din ni Schwartz (2012) ang sa kanya ay mga unibersal na batayang pagpapahalaga ng tao; kabilang na ang pagtatakda ng layon sa sarili (self-direction), pagtatagumpay (achievements), tradisyon, pagsunod sa kolektibo (conformity), at unibersalismo (pp. 5-7). May mga katangian o manipestasyon ang mga halagahin batay sa pinatutungkulan nito: (1) bilang paniniwala, (2) pagtukoy sa ninanais na tunguhin (goals), (3) halagahin bilang tagapagtakda ng mga ispesipikong gawi at pagkakaluklok sa isang sitwasyon, (4) halagahin bilang pamantayan o criteria, at halagahin bilang pagtitimbang sa kung ano ang mahalaga sa isang tao (Schwartz, 2012, pp. 3-4). Dagdag pa ni Jocano (1992b), ang mga pagpapahalaga o pamantayan ay nagsisilbing tuntungan sa paghusga kunga ng isang bagay o gawi ay mabuti o masama, naaangkop o hindi naaangkop, maganda o hindi kaaaya-aya, patas o hindi, etikal o hindi etikal, at moral o imoral (p. 2).
Sa pagtalakay sa kung paanong ang panata sa Birheng Maria sa Malabon ay sinasalamin or maaaring halimbawa ng pagsasabuhay ng pagpapahalagang Pilipino, gabay ang hinuha ni Jocano (1993) sa halaga bilang sentral na konsepto sa pagtitimbang ng pamantayan (p.1), at ang katangian at kabuluhan ng mga pananaw, gawi, at pagpapakahulugan sa panata mga salik na nakaaapekto sa pagsasabuhay ng mga pagpapahalaga (pp. 6-9), partikular ng mga deboto sa kanilang panata sa Birheng Maria. Ang halaga bilang bahagi ng ating pamantayan ay nagsisilbing batis ng gana’t lakas sa kalinangang Pilipino; pinatitibay nito ang pagtingin sa sarili, inaalisan ang mga alinlangan, at isinasalin tungo sa malikhain at makabuluhang katangian (Jocano, 1993, p. 13). Paano naisasabuhay ang panata bilang tagapagpalitaw ng mga pagpapahalaga? Maaayong gamitin ang konsepto ng diwa bilang bahagi ng istruktura ng halaga. Sa kanyang mas malaong pagdadalumat sa kahulugan at kabuluhan ng pamantayan o pagpapahalagang Pilipino, tinukoy ni Jocano (1992b) na ang diwa (spirit) bilang puso ng kolektibo at panglahing alaala ng isang lipunan, bilang teleolohikal na bahagi ng kultura kung saan nababatay ang buhay, bukal ng positibong pananaw sa buhay, pamamaraan ng paglaya sa pagdurusa, at bukas ng kaalaman upang mabigyang kabuluhan ang mga dinaranas (pp. 18-22). Maaaring itimbang ang panata sa ideya ng “sampalataya,” na binigyang kahulugan bilang manipestasyon ng paniniwala, mekanismo upang maunawaan ang anubang bagay na espiritwal o sikolohikal, at kabuuan ng pinagsasaluhang kalooban – pakiramdam, paggalang, pag-asa, at kagaanan ng loob (Jocano, 1992b, p. 22). Dagdag niya, ang sampalataya ay hindi lamang sa kinikilalang Maylikha, bagkus para sa sarili at sa kabutihan ng kapwa tao (Jocano, 1992b, p. 22) Sa pamamagitan ng panata, naipakikita at natitimbang ang mga tinutukoy ang ninanais na pag-uugali at pagkatao, pagkamakatao, at pakikipagkapwa-tao (Jocano, 1992b, pp. 15-17).
Sa ilang pagpapakahulugan, makikita na ang etimolohiya ng “panata” ay sinasalamin ang magkahalong pagpapahalaga at pananampalataya. Ayon kina Noceda at Sanlucar (1869), nangangahulugan ang “panata” ng “pangaco” (pangako), “tangca” (tangka) o “sahot” sa mga katumbas nitong salitang Tagalog, samantalang “promesa” o “prometer” sa Espanyol (p.587). Ayon naman kay Calderon (1915), nangangahulugan itong “dasal.” Sa pangkaraniwan, tinutumbasan ang panata ng salitang Filipino na “debosyon” o “devocion” sa Espanyol, at “devotion” sa Ingles (p. 215). Kung babalikan ang ilang tala sa pinag-ugatan nito sa Espanyol, tinutukoy ito bilang kakawing ng pagiging “de voto”; na sa isang pakahulugan ay “mauilihin sa dasal, masipag sa cabanalan” (Noceda at Sanlucar, 1869, p. 494). Kahawig nito ang isa pang depinisyong “banal” at “tao na may pananalig” (Calderon, 1915, p. 215). Sa mas matandang pagpapakahulugan, ayon kay de San Buenaventura (1613), ito ay “promesa” o pangako, na may pangangailangang gawin “hacer promesa,” gayundin ay “talab” o bisa o dulot, at o “como herramienta” o ang pagkakaroon ng silbi o gamit (p. 602). Ayon naman kay de los Santos (1794), ang “voto” sa salitang “devoto” ay pinatutungkol bilang “aco” (ako) [may aco ako (May ako ako)/(Tengo voto)], o sa Espanyol ay “promesa” o pangako (p. 83). Makikita sa mga depinisyong ito na tumutukoy ang “panata” o “debosyon” sa pangangako, at pagkakaroon ng malalim na pagnanais na isakatuparan ito bilang isa itong pangako – na maaaring sa sarili, sa kapwa, o sa mas mataas na entidad. Bilang karagdagan, mayroong iniuugnay na dimensiyong pangkasarian at pang-edad sa salitang deboto. Ayon kay Calderon (1915), ang salitang ito ay tumutukoy sa mga “manong” o “manang” o sa Tagalog ay taguri sa mga nakatatandang lalaki at babae, gayundin ang salitang “mojigato” o sa Espanyol ay tumutukoy sa mga taong ayaw sa paniniig o umiiwas sa anumang karanasang sekswal. Kung palalawakin ang pag-uugnay, maaaring tumukoy ang pagiging deboto sa pagiging “birhen”, o walang karanasang sekswal (p. 215). Sa kasalukuyan, napananatili ng “panata” ang kahulugan nito bilang isang uri ng malalim na pangako, samantalang ang “deboto” ay halos kasingkahulugan na ng pagiging “namamanata” o ang pagsasabuhay nang maayos at matiwasay sa isang pangako, at sa madalas ay hindi na iniuugnay na may dimensiyong pang-edad at pangkasarian. Sa anggulo ng sikolohiyang Pilipino, ipinaliwanag ni Enriquez na mahalaga ang pagtatakda ng kahulugan, pagtatakda ng kasaklawan ng mga kahulugan, at ang pagtitiyak alinsunod sa hinihingi ng kategorisasyong naayon sa wika at kulturang Pilipino (Enriquez, 1982a, p. 13). Kung gayon, para sa pananaliksik na ito, gagamitin ang mga salitang “panata” at “debosyon” bilang magkasingkahulugang mga salita, dahil itinuring sa pag-aaral na ito ay pawang lumitaw na magkasintimbang na pakahulugan batay sa pakikipagkwentuhan at pakikipag-usap sa mga kinapanayam sa pananaliksik.
SULYAP SA DEBOSYON SA BIRHENG MARIA SA PILIPINAS
Isa sa mga binabantayog na panata ng maraming Kristiyano sa Pilipinas sa nagdaang mga siglo ang debosyon sa Birheng Maria. Ang kultura ng debosyon ng mga Pilipino sa Birheng Maria ay maternal at matrilinyal. Ang organiko at kapansin-pansing imahen ng isang mapag-aruga at mapagmahalna ina ay maiuugat sa mga taal na kalinangan ng maraming etno-linggwistikong pangkat sa Pilipinas at sa Timog Silangang Asya. (Watson Andaya, 2006). Sa paglaganap ang Katolisismo sa Pilipinas, ipinakilala nito si Maria bilang “surrogate mother”. Mayroong pagpapanatili ng taal na kaisipan ngunit may pagtangap kay Maria bilang hiram na imahen ng isang ina (Barcelona at Estepa, 2004, xi). Ang imahen ng Birheng Maria ay naging isang tanyag na simbolo ng kumbersiyon at doktrinasyon ng mga katutubong Pilipino tungo sa Katolisismo. Tinukoy ni De la Cruz (2015, p. 6) ang “incarnation” ng Birheng Maria sa iba’t ibang antas at manipestasyon, mula sa representasyon ng imahen ng birhen hanggang sa uri at katangian ng mga himala na iniuukol sa kanya. Sa nagdaang mga siglo, ang pagiging deboto ng Birheng Maria ay nangangahulugan ng pagiging kasapi sa mga “sodalities” o mga “cloisters” – na iginugrupo sa terminong “marianos” o “marianistas” (De la Cruz 2015, p. 6). Ang pag-iral ng mga grupong ito ay salamin ng malaganap ng pamamanata sa Birheng Maria mula Espanya hanggang sa Latin Amerika, lalo na sa Mehiko (“Las Advocaciones Marianas,” Centro de Estudios Marianos, w.t.). Ayon kay Hontiveros (1965), si Maria bilang isang teolohikal na karakter ay inuunawa sa dalawang hanay ng mga teologong nagsasaliksik rito: sa isang banda, ang mga “maximist” ay mayroong tendensiyang iangat ang Birheng Maria bilang sa pinakamataas na pedestal ng pamamanata; sa kabilang banda, ang mga “minimist” ay itinituring na ang gampanin ni Maria bilang mas mababa, at ang kanyang pagkakaluklok bilang isang mahalagang pigura ay upang bigyang-daan lamang ang kahilingan ng maraming mananampalataya (p. 652). Kahanay ito ng pag-aaral nina Barcelona at Estepa (2004) kung saan kanilang tinukoy na ang pamamanata sa Birheng Maria ay mayroong (1) mga taimtim, payak, at di-magarbong debosyon – larawan ng simplisidad tulad ni Maria, at (2) mga engrandeng pagdiriwang, malawak at magarbo, “hyperbolic” at pambansa ang saklaw ng debosyon (xi-xiii). Kinabibilangan ng mga himala at aparisyon ang kadalasang ugnayan at pagtatagpo ng Pilipinong pamamanata sa Mahal na Birhen. Ang ilang kaganapan na siyang pumukaw sa atensiyon ng publiko sa pambansang antas ay ang Mediatrix ng Lipa sa Batangas noong 1948-1949 at ang aparisyon sa Agoo, La Union noong 1993 (De la Cruz, 2014). Patuloy na lumalago at sumasailalim sa pagbabago o/at modernisasyon ang pananampalataya sa Birheng Maria, na makikita sa maraming ispesiko, lokalisado, o tematikong debosyon. Halimbawa, sa pag-aaral ni Sapitula (2014), ang debosyon sa Ina ng Laging Saklolo (Mother of Perpetual Help) ay isa sa halimbawa ng “popular na relihiyon” na patuloy na sumasabay sa pagbabago upang umayon sa pagnanais at pangangailangan ng panahon (p. 400). Gayundin, halimbawa ito na walang iisang porma ng pananalig at depinisyon ng pagka-Kristiyano, batay sa debosyon, dahil sa lumawak at nagbabagong manipestasyon ng paniniwala at espiritwalidad (Sapitula, 2014, p. 421). Isa sa pinakanatatanging pananampalataya sa Birheng Maria sa Pilipinas ay ang debosyon sa La Inmaculada Concepcion (The Immaculate Conception) o sa La Purissima Concepcion (The Purest Conception), na pumatutungkol sa kahawig na pagpapakahulugan ng pananampalataya at debosyon sa Birheng Maria. Ang Inmaculada Concepcion, batay sa tradisyon, ay ang patrona ng Pilipinas (De La Cruz, 2014, p. 40). Nagmumula pa ito sa panahon ng pagkakatatag ng Maynila bilang isang lungsod Espanyol, nang ang noo’y unang Arsobispo ng Maynila, si Domingo de Salazar, ay pinangunahan ang pagtatatag ng “Espicopal See” sa Pilipinas, sa ilalim ng patronato ng La Purissima y Inmaculada Concepcion de Maria (De La Cruz, 2014, p. 40). Kinalaunan, ang Dogma ng 1854 ni Papa Pio IX, na siyang nagbigay ng banal at teolohikal na batayan ng banal na konsepsiyon ng Mahal na Birhen, ang siyang nagbigay-diin at nagbigay-linaw sa ilang siglong pagdududa at retorikal na pagturing sa pagiging taal na banal at pagiging walang bahid ng kasalanan ni Maria (“Pope Pius IX,” w.t.). Ang nasabing papal bull ng taong 1854, tinatawag na Ineffabilis Deus ang nagsisilbing batayang doktrina na nagpapatunay ng pagiging walang bahid ni Maria ng orihinal na kasalanan – na siyang ipinahayag ng Diyos sa mga mananampalataya (Barcelona at Estepa, 2004, xvi-xvii). Isang siglo matapos ang deklarasyon, pinamunuan ng noo’y Santo Papa na si Pio XII ang pag-alala at komemorasyon sa pamamagitan ng pagdeklara sa taong 1854 bilang “Taon ni Maria” (Marian Year); ipinagdiwang ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga kapistahan at mga serye ng sabayang pagdarasal (De la Cruz, 2015, p. 6).
ANG SIMBAHANG ROMANO KATOLIKO AT IGLESIA FILIPINA INDEPENDIENTE SA MALABON:
MGA TALA NG UGNAYAN AT TUNGGALIAN
Ang kasaysayan ng Kristiyanismo sa Malabon ay maiuugat sa pagkakatatag ng Tambobong/Malabon[2] noong Mayo 1599 bilang una sa mmga eklesiyastikong teritoryo ng Tondo (de San Agustin, 1998, p. 1054). Ang taong 1614 ay naghudyat naman ng historikal na pag-unlad ng parokya ng San Bartolome El Apostol. Mula sa pagkakatatag nito hanggang taong 1791, ang lahat ng kura paroko ng parokya ay pawang mga Agustino (Marcelo, 2002, p. 41). Ang pag-iral ng mga hanay ng mayayamang mestizo at katutubo noong ika-18 dantaon, maging ang malaking populasyon sa Malabon, ay sumalamin sa pagkakaroon ng hiwalay na mga visita, bukod sa mismong pangunahing simbahan ng parokya. Sa partikular, ang kapilya ng Concepcion, na unang itinatag bilang isang kapilya ng isang visita noong 1700 ng mga naninirahan sa minsang tinawag na Hacienda Tambobong, ay pinaglagakan sa imahen ng La Purissima Concepcion (Barcelona at Estepa, 2004, p. 41). Si Agustin Sigua, isang nabinyagang katutubo noong dantaon 17, ay siyang nagbigay ng donasyong lupa at salapi sa mga misyonero, upang sila’y makapagsagawa ng mga misyon at makapagpatayo ng simbahan sa bayan (Sevilla at Tiangco, 1976). Bilang pasasalamat, ipinangalan sa kanyang anak na babae na si Concepcion, ang isang lugar na pinagsagawaan ng misyon (Sevilla at Tiangco, 1976). Magkagayunman, ang mga naninirahan sa nasabing baryo ay matagal nang iniugnay ang pangalan nito sa Birheng Maria. Buhay na patunay ang pag-uugnay na ito sa mayabong na pag-unlad ng kalinangan at pagkakakilalanlan ng mga parokyano.
Ang panrelihiyong sisma (schism) o tunggalian at pagkakahating panloob sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas noong huling bahagi ng dantaon 19 hanggang sa mga unang dekada ng ika-20 dantaon ay nagsilbing isang mahalagang ikutang pangyayari sa kasaysayan ng mga institusyong pangrelihiyon sa bansa: ang pagkakatatag ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) noong 1902. Pinangunahan ng mga intelektuwal at rebolusyunaryong sina Gregorio Aglipay at Isabelo de los Reyes, ang pagsibol ng IFI ay isang nasyonalistikong pagkalas sa pamunuan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas. Tinutukoy ni Gowing (1967) na ang panahon mula 1899 hanggang 1909 ay piryod kung kailan naranasan ng Kristiyanismo sa Pilipinas ang isang radikal na transpormasyon, partikular sa aspektong institusyunal (p. 112).
Noong Nobyembre 1902, itinatag ng IFI ang isa sa pinakaunang simbahan nito sa Malabon. Malinaw na hiwalay ito sa administratibo at doktrinal na pamamahala ng Vaticano. Ngunit bakit sa Tambobong? Bunga ito ng dalawang daluyong ng kaganapang pulitikal: (1) ang mga gawaing panrelihiyong sa Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Gregrorio Aglipay na nagbunsod sa pormal na pagkakatatag ng IFI, at (2) ang mga pagkilos ng mga manggagawa sa Malabon sa pangunguna ni Isabelo de los Reyes. Noong unang hati ng 1902, pinamunuan ni Aglipay ang pagkuha sa suporta ng mga Pilipinong paring sekular, sa pamamagitan ng pagpapaibayo sa nararamdamang anti-prayleng sentimiyentong kaugnay ng himagsikan, upang maisakatuparan ang pagtatatag ng isang nagsasariling simbahang Pilipino. Mahalaga rin ang ginampanang papel ni Isabelo de los Reyes sa pagkakatatag ng IFI sa Malabon. Malaking bahagi ng buhay ni Don Belong, kilalang taguri sa kanya, ang iniukol niya sa radikal na panlipunang pagkilos, pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa, at kahit ang ideolohiya ng anarkismo, bilang isang “ilustrado” na wala sa Espanya at pagiging progresibong negosyante at peryodista. Kasama si Aglipay, isa siya sa bumuo at nagpatalas sa mga kaisipan ng bago, malaya, at nagsasariling simbahang Pilipino, ang IFI. Sa pamamagitan ng Union Obrera Democratica (UOD), isang unyong pangmanggagawa at partido pulitikal, pinangunahan ni Don Belong ang libong mga manggagawa sa mga pabrika ng tabako at sigarilyo sa Malabon. Nagsagawa sila ng mga kilos-protesta at tigil-paggawa (strike) sa Maynila at Malabon na naglayong iparalisa ang operasyon ng ilang kumpanya.
Isa rin sa naghudyat ng mas malaon pang sigalot ng dalawang simbahang Kristiyano sa Malabon ang usapin ng pagmamay-ari sa ilang gusali at ari-ariang pangsimbahan. Noong 26 Nobyembre 1902, inokupa ng ilang mga indibidwal na kaanib ng IFI ang simbahan ng La Inmaculada Concepcion (The Roman Catholic Apostolic Church and Lorenzo Gregorio v Leonardo Santos, et. al., 1906). Ang pag-angkin ng IFI sa simbahan ng La Inmaculada Concepcion ay kinatagpo ng pagtutol mula sa mga residenteng Romano Katoliko. Isang petisyong nilagdaan ng 134 na mga parokyano ang humiling sa mga awtoridad Amerikano na ibalik sa mga simbahang Katoliko ang pamamahala sa nasabing simbahan ng baryo Concepcion (The Roman Catholic Apostolic Church and Lorenzo Gregorio v Leonardo Santos, et. al., 1906). Binigyang-diin ng mga nagpetisyon na ang naganap na pag-angkin ng IFI sa simbahan ay ilegal, at ang mga pag-aari ng simbahan ay hindi bahagi ng nilagdaang Kasunduan sa Paris noong Disyembre 1898, sa pagitan ng Espanya at Estados Unidos kaugnay ng natapos na Digmaang Espanyol-Amerikano.[3]Halos apat na taon matapos ang “okupasyon,” naglabas ang Korte Suprema ng Pilipinas ng desisyong pumapabor sa Simbahang Katoliko. Sa desisyon na inilabas ng Unang Dibisyon ng korte noong 24 Nobyembre 1906, na kasabay rin ng isa pang kaugnay na petisyon [G.R. No. 2832 (Barlin v. Ramirez)], kanilang pinagtibay ang pagmamay-ari ng Simbahang Katoliko sa mga gusaling inkupa ng IFI (The Roman Catholic Apostolic Church and Lorenzo Gregorio v Leonardo Santos, et. al., 1906). Pambansa ang naging saklaw ng desisyong ito ng Korte Suprema. Ang malalaking simbahan ay agad na ibinalik sa pamamahala ng Simbahang Katoliko, ngunit may ilang visita o kapilya na nanatili sa pamamahala ng IFI hanggang taong 1909. Nagpatuloy ang usaping legal sa pagmamay-ari ng mga ito. Noong 29 Enero 1909, naglabas ng isang en banc na desisyon ang Korte Suprema, na nagdedeklara ng legalidad ng pagmamay-ari ng Simbahang Katoliko sa lahat ng kapilya sa Malabon, maging sa mga sementeryo sa Caloocan at Novaliches (The Roman Catholic Apostolic Church v The Municipalities of Caloocan, Morong, and Malabon, of the Province of Rizal, et. al., 1909). Noong 23 Pebrero 1909, pinagtibay ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang desisyon ng Korte Suprema ng Pilipinas nooong 24 Nobyembre 1906, sa kanilang desisyong isinulat ni Hukom Oliver Wendelle Holmes, Jr. [212 US 463-164] (Santos v Holy Roman Catholic And Apostolic Church, 1909). Katulad ng nangyari sa Malabon, marami pang kaso ng agawan at legal na sigalot sa pagitan ng IFI at ng Simbahang Katoliko sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Mula 1902 hanggang 1909, pinag-agawan ng dalawang simbahan ang mga lupain, simbahan, kumbento, at mga sementeryo (Parker, 1938, pp. 372-374). Ang serye ng mga desisyong ito ay malinaw na nag-atas sa IFI na ibalik sa Simbahang Katoliko ang lahat ng ari-ariang kinuha at ipinangalan kay Aglipay at sa mga tagasunod niyo simula noong taong 1902. Nang sumunod na taon, ang pagbabalik ng simbahan ng Concepcion sa pamamahala ng Simbahang Katoliko ay kinatagpo ang isang kasunod na pagbabago. Kasabay ng pagdiriwang ng kapanganakan ng Birheng Maria noong 08 Setyembre 1909, idineklara ni Arsobispo Jeremias Harty ang visita ng Concepcion bilang isang ganap na parokya, kasabay ang pagtatalaga ng kura paroko (National Historical Commission of the Philippines Official Shrine Marker).
Ang pamunuan ng IFI ay bumatay sa nasyonalistikong lapit na ito upang makahikayat ng mga kasapi. Ayon sa sensus noong 1918, ang IFI ang siyang ikalawa sa mga relihiyon sa Pilipinas na may pinakamaraming miyembro (Census of the Philippine Islands, Volume 2, 1918). Sa 55 mga lalawigan at sub-lalawigan, mayroong 1,417,449 na mga miyembro, na katumbas ng 13.7% ng pambansang katampatan [average] (Census of the Philippine Islands, Volume 2, 1918). Sa lalawigan ng Rizal, kung saan nabibilang ang Malabon, mayroong 51,413 o 23.1% ng kabuuang populasyon, kumpara sa 165,676 o 72.4% na mga Romano Katoliko (Census of the Philippine Islands, Volume 2, 1918). Bagama’t hindi nagtuloy-tuloy ng mabilis na pag-usad ng IFI batay sa mga kaganapang pulitikal simula 1906, malinaw na ang isa sa ambag nito ang pagputol sa pag-iral ng monolitikong institusyunal na Kristiyanismo sa Pilipinas (Salamanca, 1984, pp. 91 at 99). Sa kabila ng agarang pagkakatatag at mabilis na paglawak ng kasapian ng IFI, mayroong sektor ng mga Pilipinong paring sekular at mananampalatayang Katoliko ang nanatiling tapat sa Simbahang Katoliko, bagama’t may malinaw sentimiyentong laban sa mga prayle. Tiningnan nila ang pagkalas ng IFI sa hirarkiya ng Simbahang Katoliko hindi bilang pagtatatag ng isang simbahang Pilipino, bagkus, bilang isang institusyon patungo sa Protestantismo; tiningnan ito ng mga Catolicos cerrados bilang isang anyo ng pagiging erehe, at hindi ng nasyonalismo (Wise, 1954, p. 177).
Batay sa kasaysayan, hindi naging ganoon katiwasay ang ugnayan ng dalawang simbahan, buhat na rin ng kolektibong pagnanais na itampok ang kani-kaniyang panata at pananampalataya batay sa hinihinging pagnanais sa paglaon ng kasaysayan. Magkagayunman, umusbong sa mga pagkakataon ng maigting na tunggalian ang mga oportunidad upang magkasundo, at itakda ang espasyo ng makataong pangkalinangang pagkikipagtalastatasan batay sa iisang layon na itanghal ang Birheng Maria bilang kanilang sandigan sa buhay at halagahin.
PANATA SA BIRHEN BILANG ULIRANG TAO AT INA:
ANG “PINAGTATALUHANG BIRHEN” AT ANG MGA PAGPAPAKAHULUGAN
AT PAGSASABUHAY NG DEBOSYON SA PATRONG INMACULADA
AT SA IMPONG MARIA
Pinaghiwalay man ng mga usapin at isyung pulitikal at doktrinal noong unang bahagi ng dantaon 20, ang mga Romano Katoliko, at mga Aglipayano sa Malabon ay nanatiling tapat sa kanilang panata sa Birheng Maria. Ang pagiging kabilang sa halos iisang etnolingguwistiko at heograpikong dimensiyon, ang dalawang grupo ng mga namamanata sa Birheng Maria ay pinatunayan na maaaring magkasundo sa paniniwala at debosyon sa kabila ng pagkakaibang doktrinal, ideolohikal, at pulitikal ng mga institusyong pangrelihiyong kanilang kinabibilangan. Sa paglalarawan ni Jocano (1993), ang sub-ideya ng pagiging “uliran” (pp. 16-17) ay maaaaring sumaklaw sa kung paanong binigyang halaga ng mga mananampalataya si Maria, gayundin ang kung paanong ang mga anyo at gawi ng tao ay nakabatay sa kung ano ang sa tingin nila ay mga halagahing sinisimbolo ng kanilang binigyang-tampok (pp. 19-20), na sa kaso ng pag-aaral na ito, ay ang Birheng Maria. Kumbaga, ang pagpapahalaga sa Birhen
Sa anong pamamaraang isinasabuhay ng mga deboto ng dalawang simbahan ang kanilang panata sa Birheng Maria? Paano nila tinitingnan ang kasaysayan ng kani-kaniyang simbahan? Paano nila binibigyang-kahulugan ang mga pagkakatulad sa paniniwala at paano nila nireresolba ang mga pagkakaiba ng pinaninindigang katotohanan tungkol sa Birheng Maria at sa simbahan kung saan sila kasapi? Sa bahaging ito, ginamit ng pag-aaral na ito ang mga panayam sa walong indibidwal, mula sa dalawang simbahan, na pawang naglingkod sa iba’t ibang organisasyon sa loob ng dalawang parokya, nang hindi bababa sa sampung (10) taon. Isinagawa ang mga panayam mula Agosto hanggang Oktubre 2017. Ang mga kinapanayam ay binubuo ng sumusunod:
- (a) Batay sa kasapian: apat (4) na aktibong miyembro at parokyano ng Parokya ng Inmaculada Concepcion (PLIC) [Immaculate Concepcion Parish], at apat (4) mula naman sa Parokya ng La Purisima Concepcion (PLPC) [La Purisima Concepcion Parish];[4]
- (b) Batay sa edad: apat (4) ay senior citizen [edad 60 pataas], dalawa (2) ay may edad 40-49, at dalawa (2) ay nasa edad 30-39;
- (c) Batay sa kasarian: tatlo (3) ay itinuturing ang kanilang sarili bilang biolohikal na babae, lima (5) ay itinuturing ang kanilang sarili na biolohikal na lalaki;
- (d) Batay sa pagiging miyembro ng mga organisasyon sa loob ng simbahan: tatlo (3) sa mga kinapanayam na Romano Katoliko ay may posisyon sa iba’t ibang organisasyon sa loob ng PLIC, samantalang ang mga kinapanayam sa PLPC ay dalawa (2) ang aktibong miyembro ng mga organisasyon.
Mula sa mga panayam, nagbigay-tuon ang pananaliksik na ito sa dalawang aspekto: (1) ang manipestasyon ng kanilang panata sa Birheng Maria, at (2) kung paano nila tinitingnan ang isyung historikal na umiinog sa dalawang simbahan, partikular ang sisma at ang kanilang paniniwala sa orihinalidad at awtensidad ng kani-kaniyang imahen ng Birheng Maria.
Paniniwala at Panata: Si Maria at ang mga Deboto
Batay sa kasalukuyang kalakaran ng dalawang simbahan, malinaw na sa kabila ng halos iisang pagturing sa Birheng Maria bilang patron, may malinaw na pagkakaiba sa kanilang debosyon, partikular sa ginagamit na taguri o pangalan sa birhen. Gumagamit ang dalawang simbahan ng magkaibang opisyal na pangalan para sa kanilang pinipintakasing Maria. Ang mga Romano Katoliko ay ginagamit ang “La Inmaculada Concepcion,” “Patrong Inmaculada,” or “Birheng Inmaculada;” samantalang “Impong Maria” sa madalas, at “La Purisima Concepcion” sa ilang pagkakataon, ang taguri sa Mahal na Birhen ng mga Aglipayano sa Malabon. Minsang ginamit ng mga Romano Katoliko ang “La Purisima” (mas matandang baybay sa Espanyol) nilang termino, ngunit matapos ang kanonikal na koronasyon ng Vaticano sa imahen ng Birheng Maria na hawak ng PLIC, ginamit na nilang opisyal ang “La Inmaculada Concepcion” (Barcelona at Estapa, 2004, p. 41). Para sa mga kinapanayam, walang malinaw at matalas na pagkakaiba ang mga termino. Para sa kanila, maliwanag na ang mga ito ay batis ng pagkakakilanlan sa kanila bilang mga deboto ng Mahal na Birhen, batay sa simbahang kinabibilangan.
Mayroong konsensus sa mga kinapanayam na ang kanilang debosyon sa Birheng Maria ay pumatutungkol sa personal na lebel na panata, paniniwala, at pagpapakahulugan ng ginagampanang papel ni Maria bilang imahen sa kanilang paniniwala, at bilang pangunahing simbolo ng simbahang kanilang kinabibilangan. Ang matatag na debosyon sa Birheng Maria ay dahil siya ang “pinakamalapit” kay Hesus, na mababakas sa kanyang angking kapurihan, sa kaugalian na ipinatutungkol sa kanya, at sa mga himala kaugnay ng pagsamba sa kanya; at ang mga ito ay siyang daan tungo sa kanya at kay Hesus. Itinuturing si Maria bilang ina, simbolo ng pagiging ina, bahagi ng pamilya, at tagapagbuklod ng pamilya. Mayroong pagkakaiba sa kanilang personal na manipestasyon ng panata, na bunga na rin ng kinalakhang pamamaraan ng pagsamba at sa kanilang mga propesyong kinabibilangan. May susing papel ang pamilya bilang impluwensiya sa kanilang debosyon, ngunit ang personal na pananalig ang naging matimbang sa kanilang pagdedesisyon sa kung anong kapasidad nila igugugol ang pagsamba at paglilingkod sa simbahan bilang deboto ng Birheng Maria. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, malinaw sa kanila na ang tunguhin ng pamamanata kay Maria ay upang maging kabahagi si Hesus.
Para sa isa, pinatibay ng ginawang koronasyon ng Vaticano sa Patrong Inmaculada noong 1987 ang kanyang panata, maging ang pangkalahatang pagkilala sa Birheng Maria bilang pintakasing ina ng Pilipinas. Para sa kanyang Katoliko, itinuturing niya ang Patrong Inmaculada bilang “Birheng Inmaculada Concepcion de Malabon ng Pilipinas” (Panayam kay RK1, 27 August 2017). Sa mga kinapanayam na Romano Katoliko, tatlo sa kanila ay galing sa pamilyang may malalim na tradisyon ng pagiging “Katoliko sarado” (devout Catholics). Itinuturing nila si Maria bilang kanilang ina, bukod pa sa kanilang biyolohikal na ina:
Kasi sa amin, kahit na, from our Lolas, talaga inculcated na sa amin yung family rosary kaya hanggang ngayon, yung nanay ko noong buhay pa talagang we pray the rosary every night… at mga kapatid ko, we pray the rosary every night. Yung closeness mo kay Mary, lalo na ngayon na wala na kaming mother, so parang siya na talaga ang mother namin na mas powerful…to bring our petitions to Jesus (Panayam kay RK3, 28 Agosto 2017).
Ang impluwensiya ng magulang, at ang ipinabaon nitong aral sa kaniyang paglaki, ang nagtulak sa isa na bukas-loob na maglingkod sa simbahan, nang walang pagpupumilit mula sa kanyang mga magulang. Ang malakas na ugnayan sa pamilya ay naghatid ng relihiyosong pananaw sa pagdaan ng panahon, ngunit malinaw sa kanila na hindi pinuwersa ang pagiging lingkod sa Birheng Maria, at ito ay personal na desisyon, na ginabayan mismo ng kanilang paniniwala kay Maria. Ang ama ng isa sa kinapanayam, ay isa sa “caretaker” ng imahen ng Patrong Inmaculada; lagi siyang dinadala sa mga aktibidad ng simbahan noong siya ay bata pa:
So ayon ang nakamulatan ko sa kaniya…Kaya tuwing bababa ang Birhen parang naging automatic na sa rin akin na “ay sasama ako” e di sasama ako sa kaniya mga ganun. Kung iaano niya ang Birhen lagi ako nakasunod sa kaniya. So nakamulatan ko iyon so kaya doon din na-practice ako na yung pagtingin sa Mahal Birhen at ang pagiging taong simbahan. Mas nakadagdag iyong pagaasikaso doon sa Patron o doon sa imahe na itinatampok o parang kinikilala na rito (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Kasama ang kanyang ama, naglilinis at nagkukumpuni sila ng altar, pinapalitan at tinatahi ang damit ng Birhen, at inaasikaso ang paglilipat ng estatwa patungo sa iba’t ibang lugar kung may mga aktibidad, lalong higit kapag may mga prusisyon (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017). Ngunit ayon sa kanya, hindi niya tinitingnan ang sarili niya bilang deboto, bagkus isang tao na “kilala” si Maria; dahil sa ang pagiging deboto ay may mabigat na kahulugan at alam niyang malaki ang responsibilidad ng pagsasaktuparan nito:
Ako hindi ko sinasabing kahit family-oriented ako o nakamulatan ko sa tatay ko. Hindi ko sasabihin(g) tahasan (na) “deboto ako kay Maria.” Hindi. Kahit ako ang nagbabantay sa kaniya, humawak, nag-aalaga, o nagbubuhat, hindi ko sasabihin na deboto ako ni Maria. Sasabihin ko lang “kilala ko si Maria,” iyon lang. “Kilala ko si Maria, kung sino si Maria” pero kapag sinabi ko na deboto ako kay Maria, hindi ko magagawa yun. Magsisilbi pero iyong deboto, debosyon, literal na salita hindi ko magagawa. Pero may pagmamahal ako kay Maria, may pagmamahal ako kay Kristo, may pagmamahal ako sa simbahan, kaya ako nagsisilbi (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Isa sa kinapanayam na mula sa IFI ay maituturing nang “Octogenarian.” Halos buong buhay niya ay iniukol na niya sa pagiging deboto kay Impong Maria. Ibinahagi niya na ang kanyang pagiging Aglipayano simula sa pagkabata ay naghatid sa kanya sa paniniwala na si Impong Maria ay batis ng mga himala, o ang pinakamahimala ayon sa kanya (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017). Kanyang ibinahagi na noong bata siya, gawain niyang umalis nang palihim sa kanilang bahay upang tumungo sa simbahan at mag-alay ng bulaklak at panalangin sa Mahal na Birhen (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017). Ayon sa kanya, maraming himalang ipinamalas si Impong Maria sa kanya; at ang mga kuwentong ito ay naranasan at nasaksihan din ng iba pang naniniwala sa mga milagro ng Birheng Maria. Kabilang sa mga himalang ito ay naganap sa mga prusisyon, pagpapalit ng ekspresyon ng mukha ng birhen, pagliligtas sa kanyang buhay mula sa isang trahedya, ang pagdalaw ng Birhen sa kanyang panaginip at pag-iiwan ng mensahe sa kanya, at ang pagliligtas sa Malabon sa mga sakuna tulad ng pagbaha at pagsalpok ng bulalakaw (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017). Dagdag pa niya, tinatawid ang mga himala ni Impong Maria ang iba’t ibang relihiyon at lugar, patunay ang realidad na mayroong mga naniniwala sa Mahal na Birhen mula sa ibang institusyon:
Kasi alam mo, marami talagang mga… nagpapatotoo sa kanyang mga nagawa… mga napapagaling, mga kailangan na granted, maraming ganun, maraming mga wish granted sa kanya. Yun ang nagpapalakas sa kanya. Walang nagsabing kahilingan nilang hindi pinagbigyan… Maski, pati taga-ibang lugar, meron silang mga claims talaga na kung minsan talaga bang para silang tinatawagan para pumunta diyan. Kaya… ang mga deboto niya hindi lang dito sa atin, maski sa ibang lugar… Oo, maski Katoliko… Kung minsan may mga magkakagrupo sabihin merong nagpapapunta sa kanila diyan nagtuturo isang matanda, tinuturo sila diyan. Iyun yung claim ha, hindi natin makukuha sa ilang kuwentong kinukwan nila. Meron silang claim talagang tinuturo sila para pumunta diyan. Kasi meron minsan dyan, merong isang grupo ng mga matatanda kung sang nanggaling na ano, ang dami. Tapos sabi meron silang sabi e, meron silang pumunta sila diyan sa bahay… diyan sa tabing-ilog. Meron silang makikitang matandang ganun, e nakita nga nila kaya, kaya sabi nila talagang namamasyal siya (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017).
Ang mga mas batang miyembro ng IFI ay tinitingnan ang kanilang debosyon kay Impong Maria bilang dulot ng kalakaran sa kanilang pamilya, at ng kanilang personal at natatanging ugnayan sa Birheng Maria. Para sa kanila, nangangahulugan ang pagsamba kay Maria ng pagsunod sa kanya, at ang pagsunod sa kanya ay ang pagsasabuhay ng kanyang natatanging buhay:
Si Mary kasi para sa akin, ano siya e, yung personal kong pagkakilala sa kanya is not far siguro mula sa pagkakilala rin ng iba. Pero for me, personal attachment ko sa kanya is siya yung ginagamit ng Panginoon para dalhin ako kay Jesus. So instead of Mary…yung parang kay Mary, kay Mary, hindi. Si Mary, ginagamit siya ni Christ, ng Diyos, para dalhin pabalik sa Kanya. So the bottomline of loving Mary is serving Christ… Because we chose Mary, we have chosen Mary to be our patron, so we are obliged to copy Mary, kasi hindi naman si Mary ang pumili sa kanya para ilagay siya rito. Yung mga ninuno namin ang pumili kay Maria para gayahin namin siya. So we are obliged o obligado kaming gayahin si Mary. Yun ang nagpapa-strengthen pa rin ng love ko sa kanya kasi nandito siya kasama namin (Panayam kay AG3, 28 Oktubre 2017).
Yung lolo’t lola ko, saradong Aglipay din kasi talaga sila, saka panatikong deboto talaga yun ng Mahal na Birhen, hanggang sa Mama ko. Nung nag-aaral ako, hindi pa ako naglilingkod sa simbahang ito, ipinamulat din kasi sa akin ng aking mga magulang at aking mga lolo’t lola kung paano mahalin ang Mahal na Birhen. Nagsimula ang debosyon sa bahay, hindi lang dito sa simbahan. Ipinakikilala sa akin ng Mama ko yung, sino ba si Impong Maria, ano ba sya, gaano ba sya kahalaga? Lumaki ako sa lola ko (Panayam kay AG4, 28 Oktubre 2017).
Dagdag pa, ang pagiging deboto ni Maria ay tila isang awtomatikong sentimiyento para sa mga Pilipino, lalo na’y nakaugat ito sa ating kalinangan.
Bilang Pilipino din kasi, tayong mga Pilipino, maka-ina, maka-nanay. So bilang isang anak, ang takbuhan natin, laging nanay. Bilang isang anak, sa tuwing may problema, andyan si Impong Maria. Impong Maria, may problema ako, ganito. Impong Maria, malungkot. Impong Maria, masaya (Panayam kay AG4, 28 Oktubre 2017).
Ang pagiging bahagi ni Maria ng kani-kaniyang pamilya ay malaki ang impluwensiya sa mga pamilyang matuwid na isinasabuhay ito. Ayon sa isang kinapanayam, marami sa mga tunay na deboto ng Mahal na Birhen, mula man sa PLPC o sa PLIC, ay nagmamay-ari ng mga pinakamatatagumpay na mga negosyo sa Malabon, na ilang dekada nang umiiral sa bayan. Ang panata ng mga pamilyang ito ay nagtutulak sa kanilang gumawa ng mabuti sa kanilang negosyo, at ibahagi ang natatamong biyaya sa kapwa:
At ngayon naman, kung titingnan naman natin sa kasalukuyang panahon, marami sa kasalukuyang mga business sa Malabon ay miyembro ng IFI Malabon. Siguro, ang kanilang pagmamahal sa Birhen ay nagiging inspirasyon upang sila’y magtrabaho, upang sila’y pagandahin nila ang kanilang mga negosyo. Yung kanilang pagmamahal sa Birhen ng simbahan ay nakakatulong upang mapalago rin ang kanilang mga negosyo, na napapalago rin at nagpapakilala rin sa kabuuan ng Malabon… So kung uugatin mo siya, brother, itong mga negosyanteng itong myembro ng IFI Malabon ay kumukuha ng lakas sa Panginoong Diyos at sa Mahal na Birhen na nakikita nila sa simbahan na ito, na ginagamit nila sa kanilang trabaho, na nakakatulong sa lungsod pangkalahatan. Yun ay sa pangkasalukuyang panahon naman, sa current setting naman ng Malabon (Panayam kay AG3, 28 Oktubre 2017).
Buhat sa mga talang ito, makikita na ang isinasabuhay ng mga kinapanayam ay nangangailangan ng maigting na manipestasyon upang mas maging makahulugan sa mas malawak na grupo ng mananampalataya. Ang pagpapadama ng mga kaisipan, pakiramdam, at paniniwala patungkol sa Birheng Maria sa kanilang mga kapwa parokyano ay isang malaking hamon, at isang malaking responsibilidad. Mababatid ang dalawang bagay: (1) ang magiging miyembro ng simbahang naniniwala kay Maria ay hindi lamang nangangahulugan ng personal na debosyon, bagkus bilang isang kolektibo na naglilingkod sa simbahan, at (2) ang pagiging deboto ay nangangahulugan ng pagiging taal na mabuti at may kusang gumawa ng mabuti sa kapwa, tulad ng nais ipahiwatig ng buhay ni Maria.
Ang Sisma o Tunggalian at ang Awtentisidad ng mga Estatwa ng Birhen
Ang karanasan ng Malabon noong unang dekada ng ika-20 dantaon patungkol sa sigalot sa pagitan ng Simbahang Katoliko at ng IFI ay nagdulot ng pagkakahati at hidwaan sa pagitan ng mga Kristiyanong miyembro ng dalawang simbahan. Maituturing na “microcosm” ang naganap sa Malabon sa mas malawak na karanasan ng maraming simbahang nagkaroon ng sigalot sa pagitan ng dalawang relihiyosong institusyon. Pulitikal, legal, at pangrelihiyong mga panukala ang isinagawa upang ibalik ang maayos na ugnayan sa pagitan ng mga tao, ngunit ang naging mas kapansin-pansing dulot ng sisma ay ang pag-iral ng dalawang simbahan na halos magkahawig batay sa doktrina ng paniniwala. Nagkaroon ng magkasabay na pag-iral, tunggalian, at pagtutulungan sa mga sumunod na dekada, hanggang sa kasalukuyang institusyunal na ugnayan ang dalawang simbahan. Paano inaalala at binabalikan ng mga miyembro ng dalawang simbahan ang bahaging ito ng kanilang kasaysayan? Paano nila tinitimbang ang mga usaping kaakibat ng nasabing panahon? Paano nila nireresolba ang mga isyu na umuusbong kaugnay ng mga kaganapan halos 120 taon na ang nakararaan?
Batay sa panayam na isinagawa, kabatid-batid na ang mga Romano Katoliko at Aglipayano ay bumabatay ng impormasyon sa mga nasusulat na opisyal na kasaysayan patungkol sa kung ano ang mahahalagang kaganapan sa kanilang simbahan. Sa kanilang pagbabalik-tanaw at pag-aalala ng kanilang nalalaman patungkol sa sigalot sa pagitan ng dalawang simbahan, ay mayroong pagkilala na ang mga kaganapang ito ay bahagi ng nakaraan, at mayroong naganap na away sa pagitan ng mga pinuno at parokyano na tunay na nagdulot ng pagkakahati at masamang pagtingin ng dalawang simbahan sa bawat isa. Ang pagsasabuhay ng kasaysayang ito ay sumasalamin sa kanilang pagtitimbang sa kanilang panata, at ang pagsasakatuparan ng mga pagpapahalaga batay sa inaakupang kolektibong pananaw.
Halimbawa, mayroong mga ibinahagi ang mga kinapanayam na nagkaroon ng madalas na sigawan at kantiyawan kapag may prusisyon, lalo na sa pagdiriwang ng kaarawan ng Birheng Maria kapag Setyembre, at kapistahan ni Maria tuwing Disyembre. Sa isang partikular na beses, ang mga sakristan ng nagkasalubong na prusisyon ay nagkaroon ng harangan at away, kung saan ang mga hawak nilang seryales ay tila ginamit na sandata laban sa isa’t isa (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017). Ilan pa sa nabanggit ay ang hindi pagbibigay-respeto sa prusisyon ng bawat isa, gaya ng pagpapatunog ng kampana, lalo na kapag dumaraan sa tapat ng simbahan ng katunggali; mayroon pang kuwento na diumano’y pinatay ang ilaw sa isang sambahan nang dumaan ang isang prusisyon (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017). Nangyari ang mga bagay ito nang paulit-ulit, sa maraming pagkakataon, hanggang sa tila maging normal na ang maging mapagduda sa bawat isa ng dalawang simbahan. Batay sa ibinahaging kuwento ng mga kinapanayam, ayon sa kanilang mga ninuno, ang panahon sa pagitan ng 1940 hanggang 1990 ang rurok ng tunggalian sa pagitan ng PLIC at PLPC.
Para sa isang kinapanayam, na ilang taong personal na nasaksihan at inunawa ang usaping ito sa pagitan ng dalawang simbahan, lalo na kapag nababanggit ang “iringan” sa mga pormal na pulong o sa mga pang-araw-araw na kuwentuhan, mayroong magkahalong bersyon ng kani-kaniyang katotohanan ang magkabilang panig, at pawang “pride” at “ego” ang madalas na ginagamit upang lumikha ng hindi naaangkop na imahen laban sa kabilang simbahan:
…wrong information, miscontent, misinterpretation, misunderstanding. Lahat. Dahil doon naman magsisimula ang isang issue, ang isang usapin, isang gulo sa maling balita. Ahh kung ano meron ang Romano, gagayahin ng Aglipay. Kung ano meron ang Aglipay, gagayahin ng Romano. So ang nakakapantig sa tenga baka kaya sila ganoon noong araw. At tapos siyempre ang order ng matatanda noong araw medyo may mga pride yan e. Alam naman natin na matataas talaga ang ego noong mga araw e (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Ilang realidad na mababakas buhat sa mga panayam ay ang katotohanang malaki ang probabilidad na ang matatandang pamilya sa Malabon ay mayroong mga miyembro na mula sa o miyembro ng dalawang simbahan, na parehong Romano Katoliko at Aglipayano ang dugo na dumadaloy sa kanilang pamilya. Apat sa mga kinapanayam ay mayroong ninuno, lolo’t lola, at mga magulang na nabibilang sa hanay na ito. Kung paano itinuturing ng mga pamilyang ito ang isyu ng pagkakaibang panrelihiyon sa loob ng pamilya ay higit na iba sa kung paano nagtuturingan ang dalawang simbahan sa pampublikong kalagayan. Ang malinaw na pagbabawal ng interaskyon ng ibang relihiyon, pagbubuo ng konsensus, o di kaya’y “agree-to-disagree” na ugnayan, ay umiral sa kani-kaniyang mga tahanan. Ayon sa isang Romano Katolikong kinapanayam:
…dahil ang aking mga lola rin sa kabilang side ay mga Aglipayan, so nabuhay ako sa pagitan ng mga Romano at Aglipay…Tatay ng tatay ko kapatid niya Aglipayan na tatlong babae. It so happened na ang aking lola sa nanay ay isang modista. Kilala siya noong araw na kapag sinabi “doon sa mananahi ng trahe de boda.” Dito iyon sa may Burgos [Street]. It so happened na siya ang nagtatahi ng damit ng Birhen ng Concepcion at gayundin siya rin nagtatahi sa Aglipay. So kaya sabihin natin na [ang] aking pamilya ay nabuhay sa pagitan ng Romano at Aglipay (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Ang dalawa sa kinapanayam na mayroong mga ninuno noon pang ika-19 na dantaon, na kung saan nasaksihan nila ang sisma at ang paghihiwalay ng dalawang simbahan, ay naghabagi ng sumusunod:
Noon kasi, kasi ako, I grew up in an Aglipayan environment kasi ang lolo ko, one of the pillars of the Aglipayan church so talaga ang ano niya, is no-no sa akin yung magsimba ako dito sa harap [Roman Catholic Church] (Panayam kay RK3, 28 August 2017).
Noon, bawal ka pumasok sa simbahan ng Aglipay, [sa]sabihin nila mortal sin. Bawal ka mag-attend, kahit nasa patay pero ngayon very open na. Puwede ka mag-attend [sa lamay] ng patay, puwede ka mag-attend ng services sa binyag. Hindi na ganoon kahigpit… In fact, yung magsimba lang dito sa Catholic, madaling araw, ginigising ka na. Lumalabas talaga siya (ang kanyang kapatid) para magsimba rito. Kasi yung lolo namin, talagang super, super, super nagagalit iyon. (Panayam kay RK2, 28 August 2017).
Bukod sa usapin ng kung anong simbahan ang kumakatawan sa pinakaangkop na Kristiyanong relihiyon, isang isyung dulot ng sisma ang nagpaigting sa hidwaan ng dalawang simbahan sa Malabon. Ang usapin tungkol sa orihinalidad ng estatwa ng Birheng Maria na iniingatan ng bawat isang simbahan ay naging isa sa sentral na paksa ng tunggalian ng dalawang institusyon. Ang bawat isa ay idinadambana na ang kanilang “Maria,” tulad ng Mahal na Birhen, ay taal at tunay. Hindi magbibigay ng konklusibong sagot ang pananaliksik na ito hinggil sa kung alin ang mas orihinal, bagkus ay ipakikita kung paanong ang bawat panig ay ipinaglaban at ipinagtanggol ang kanilang hinahawakang katotohanang tungkol sa awtentisidad ng kanilang estatwa ng birhen. Nabanggit na mayroong pagkakasundo na walang pagkakaiba para sa mga kinapayam ang mga terminong ginagamit patungkol kay Maria. Ngunit hindi man lantad na makikita, ang debate hinggil sa kung sino ang nagmamay-ari ng orihinal na estatwa ang nagpapakita ng pagkakaiba sa pagpapakahulugan ng bawat termino. Isang pagbubuod sa mundong Kristiyano, ang mga estatwa ng poon o patron ay dambana ng panata at espiritwalidad; sa madalas, kumakatawan ito sa pagkakaisa ng mga mananampalataya, ngunit nagdudulot din ito ng hidwaan at tunggalian. At sa kaso ng mga Romano Katoliko at Aglipayano sa Malabon, mas lantad na karakterisasyon ang nagdulot ito ng sigwa sa mahabang panahon ng pag-iral ng dalawang simbahan.
Umiikot sa dalawang usapin ang pinanghahawakang katotohanan ng bawat simbahan patungkol sa orihinalidad ng estatwa: (1) ang imahen ng birhen ng bawat isa ay siyang tunay at totoo, yari sa kahoy at hindi replika, at (2) ang estatwa ng isa ay “mas matanda” kaysa sa isa. Upang maunawaan ang isyung ito, mahalagang balikan ang mga kaganapan noong 1902, sa panahon na isinailalim ng IFI ang simbahan ng Concepcion sa kanilang pamamahala. Sa aking tingin, isang ugat ng partikular na isyung ito ay ang pag-angkin ng IFI sa mga ari-arian ng Simbahang Katoliko sa Malabon, at ang mababakas na hindi lubos na pagsunod ng una sa utos ng mga korte na ibalik sa huli ang mga ari-arian nito. Kaugnay nito, ang “bintang” na ito ay hindi rin naman napatunayan, sa legal na konteksto. Bagkus, ang paniniwala ng bawat isa ang nanaig; at sa usapin ng relihiyon, isa ito sa mga malinaw na hindi mareresolba.
Tila pagkakataon ang bawat prusisyon at gawain pangrelihiyon ng bawat simbahan upang ipamalas ang awtentisidad ng kanilang estatwa. Bagay na mistulang maliit at hindi dapat pinalalaki, ngunit ito ay manipestasyon ng kultural na hidwaan na nahubog, at nanatili sa kaisipan ng ilang henerasyon ng mga parokyano sa dalawang simbahan. Nagdulot ito ng ugnayan na sa labas ay hindi litaw, ngunit sa loob ay mayroong nabuong masasalimuot na mga pagtuturingan. Naging bahagi ng kanilang kasaysayan ang tingnan ang bawat isa bilang katunggali.
Ayon sa isang kinapanayam, malinaw na ang estatwa ng PLPC ay replika ng sa PLIC, at maaaring bahagi ito ng mga pag-aari na hindi naibalik sa PLIC noon:
Kung sinasabi na ang birhen ng Aglipay ang orihinal, bakit ganito katanda ang itsura nito? Kung bibihisan mo si Immaculada Concepcion, lalabas na si Purissima ang itsura niya. May mga damit yan na talagang hindi na pinasuot noong time na yun, noong isyu between sino ang orihinal. Actually, during one time, tinanggalan siya ng damit, so pati yung buhok yan yung labas niya. Pag binihisan mo siya, actually siya yung La Purisima. ‘Pag minsang nagsasalubong ang La Immaculada saka si La Purisima, yan yung magiging itsura niya. Tingnan mo bata siya. Tingnan mo yung itsura niya. Pero kapag pinuntahan mo siya sa likod, makikita mo yung mga bukbok sa gilid ng kahoy, lumang-luma na. Kaya kung pagtapatin mo yan kung sino talaga ang birhen, dun lang ang mga tao magsasalita. Ilang beses yan nagsalubong sa Rufina [Patis Building], nagtapatan ‘yan. Hindi naman sinasadya nag-abot sila, sa ano e dadalhin na siya sa pagoda. E nagtapat sila nakita ng mga tao yung kaibahan talaga. (Panayam kay RK1, 27 Agosto 2017).
Mapapansin na ang ilang kinapayam, sa kanilang na pagpapaliwanag at paggigiit sa orihinalidad ng kanilang estatwa ng Birhen, ay tinutukoy sa iisang kuwento tungkol sa orihinalidad ng estatwa, maaaring dulot ito ng kung ano ang kanilang nalalaman tungkol sa kasaysayan ng kani-kaniyang simbahan. Mababakas sa kuwento na tinutukoy ng bawat isa na ang estatwa ng kanilang birhen ay galing sa parehong kahoy na pinagmula ng ginamit sa paggawa ng imahen ni San Jose sa Navotas, at ni San Bartolome sa Malabon (Panayam kay RK1, 27 Agosto 2017; Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017).
Usapin ito nang kung sino ba ng tunay at hindi, di ba? Pero sabi ko, until now sa mga oras na ‘to, kung pagbabasehan kasi talaga ang mga orihinal na birhen, ayaw naming sabihin na orihinal ang Immaculada dahil nasa altar. Pero pagtabihin natin ang birhen nila at ang birhen ng Immaculada, makikita mo kung sino ang mas luma talaga. Lumang-luma na talaga, hindi dahil nagse-serve ako sa parokya ng Immaculada ‘no. Makikita mo yung kalumaan ng kahoy rito na pinagmulan talaga at halos nagbubukbok na yung gilid kaya hindi siya dapat nilalabas masyado. Lumalabas kasi na Aglipay may time daw na habang nagpuprusisyon, lumalaglag yung ulo…Kaya may isyung may tatlong ulo ang birhen. Minsan mapusyaw, minsan maitim, minsan maputi. Ganoon itsura ng birhen nila. So may time na natanggal yung ulo. Ang nakakaalam niyan yung mga ninuno ni (RK4) kasi sila ang nagbibihis dito at nagbibihis doon. Yung isyu ng orihinal, para maalis ang isyu na si Immaculada ay mula hanggang paa ay ukit, para mapatunayan sa lahat hinubaran si Immaculada. Yan ang kulay niya. Nasa libro yun e. (Panayam kay RK1, 27 Agosto 2017).
Kaya nung araw yan ay para alam mo yung para hindi makilala ng ano, dinis-figure yan e, ang ginawa’y mga pinturang mga kwan, yung mga pinagtapal-tapal na plaster, yung mga lalagyan ng plaster, para maiba ang mukha niyan, inanuhan ng plaster. Para bang iniba ang features niya, para hindi siya makilala ng orihinal. Kaya nung araw yan makita mo matambok yung mga pisngi, ganyan, tsaka yung noo. Yan iba ang mga kwan, kaya nung gawin sa amin yan noong naiuwi na para i-repair, alam mo yung bawat hipuin noong naggagawa, lumalagpak na lahat yung plaster. Naaalis yung plastering, talagang lumalabas yung original na kahoy talaga…Yan, yang mga ginagawa kaya walang mga, walang buhok yan. ‘Yan ang orihinal na figure nga na walang buhok natural na buhok niya – ukit (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017).
Sa ibang pagtingin, itinuturing nila ito bilang sigalot sa pagitan ng mga parokyano, higit sa away ng dalawang institusyon. Sa kanilang pananaw, ang dalawang estatwa ay “tunay” na representasyon ng Birheng Maria; at ang mas mahalagang kailangang bigyang-diin ay ang mas malalim na pagpapakahulugan at pagsasabuhay sa paniniwala at panata sa Mahal na Birhen (Panayam kay RK2, 28 Agosto 2017; Panayam kay RK3, 28 Agosto 2017). Ang pagwaksi sa usaping ito, at ang mas bukas na pagtanggap sa dalawang estatwa bilang “tunay” at susi sa mas mapayapang ugnayan:
It’s the same, kasi parehong birhen iyon e. Iba lang ang pagtingin nila pero pareho lang sila. We worship and adore the same God, God the Father. We venerate the Blessed Virgin Mary. Pareho lang (Panayam kay RK2, 28 Agosto 2017).
Para sa isa, na sa matagal na panahon ay nakasalamuha ang mga miyembro ng kanilang pamilya na Romano Katoliko at Aglipayano, ay ginagamit ang aral na natutunan niya sa kanyang lola, kung paano ito mapayapang nakipagpalagayang-loob sa mga miyembro mula sa magkabilang simbahan:
Sa lahat ng nagpapagawa alam nila na ang lola ko ay tagagawa ng Romano at Aglipay, it doesn’t matter, walang kulay. Kaya sa akin hindi ganoon malaking issue yoon ang Romano at Aglipay. Ang aking pananaw lamang dahil sabi nga nabuhay ako diyan tapos ito yung istorya na aking nabasa tapos meron ditong istoryang nabasa sa Aglipay, ang sa aking pansariling pananaw na ang Romano ay Romano, Aglipay Aglipay, paninindigan, paninindigan, paniniwala’t paniniwala. Pagdating sa imahen, sa rebulto, diyan sa kahoy na ‘yan, wala rin basehan kasi iisa lang ang sinasabing Birhen, ‘yung nasa itaas… Pero ako. personally, pinapatay ko. Hindi ninyo dapat ipinagkukumpara ang dalawang imahen, “ito maputi,” “ito maitim,” “ito payat,” “ito mataba,” “ito maganda ang mga gamit,” “ito napakasimple,” “ito maganda korona” “ito maganda rin korona,” “ito maganda [ang] bulaklak,”… Hindi ganon, kung isa kang nananampalataya at deboto, hindi mo ikukumpara ang isang bagay sa isa pang bagay, di ba? Hindi tama. Hindi rin maganda. So doon sa bagay na iyon doon nagsisimula ang maling pagtanggap, pag-intindi (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Muli, dahil sa multiplisidad ng naratibo, at yamang kinikilala ng pag-aaral na ito na hindi nito layong bigyang-tukoy kung sino ang mas may matimbang na punto at salaysay, ang mga pahayag na binanggit ay inilahad upang ipakita ang naging lawak at tipo ng impormasyon na pinanghahawakan ng ilang deboto patungkol sa isyu ng awtentisidad ng estatwa ng bawat simbahan. Hindi layon na magbigay hatol sa kung ano ang mas makatotohanan sa pagitan ng dalawa. Mapagtatanto na dahil sa tagal at lalim ng kasaysaysayan ng sigalot na nabuo dahil sa ibang-ibang puwersang historikal, mahihinuha na ang usapin ng pagtukoy sa orihinalidad ng estatwa ng Birheng Maria ay isa sa sangang-bunga ng tunggaliang panrelihiyon. Masasabing manipestasyon ito ng kanilang panata – at mayroong naidulot na mabuti at di kaaya-aya sa usapin ng pakikipagkapwa. Ayon kay Schwartz (2012), ang tradisyon ay mayroong inklinasyon na bigyang-diin ang pagpapatanyag kanyang pinanindigang kaakuhan, lalo na kung ihahambing sa di-katulad o katunggalingang kultura (p. 7). Ngunit sa aking pagtingin, sa pananaw pangkasaysayan, ang pagpapalitaw ng mga detalye ng sigalot ay isang hakbang sa pagbubuo ng espasyo para sa perpetuwal na pagkakasundo at paghahanap ng pamamaraan sa pagkakaayos.
Pagtatasa, Pagtitimbang, at Pagkakasundo
Sa nakaraang mga dekada, mayroong inisyatibo para sa pagkakasundo mula sa dalawang simbahan. Mayroong “kasunduan” na kung maaari, huwag pag-usapan o di kaya ay gawing isyu, o buhayin ang usapin ng awtentisidad ng kani-kaniyang estatwa ng Mahal na Birhen. Walang mababakas na pagsasara ng pinto para sa ganap at taos na pangmatagalang pagkakasundo; malinaw na dapat ay bukas ang dalawang grupong iwasan ang imposisyon ng kani-kaniyang ideya, lalo na sa mga usapin na magdudulot ng muling pag-iral ng animosidad at galit ng mga parokyano ng mga simbahan. Susi sa pagkakasundong ito ang malinaw na pagkilala sa katotohanang pinanghahawakan ng bawat institusyon patungkol sa sinusunod na doktrina, kinikilalang kasaysayan, at dinadambanang birhen. Tinukoy ni Schawartz (2011) na pawing mga unibersal na halagahin ang pagkilala sa pagkakaiba, at pagbibigay halaga sa kapakanan ng mga nasa labas ng kinaaanibang kolektibo (p. 310). Kung gayon, mayroong bahagi ng hibla ng kanilang pamamanata ang kilalanin ang kalahagahan ng kaakuhan ng bawat isa. Mayroong sinusunod na kadalasang gawi na ang dalawang simbahan ay pareho lamang, kagya’t mayroong malamlam na harang na naghihiwalay sa dalawa. Ngunit para sa isang kinapanayam, mainam na kilalanin ang pagkakaiba, nang sa gayo’y mahinuha ang sariling kaakuhan ng bawat isa:
Pero when it comes to doctrine faith ay magkaiba talaga. Magkaiba ang Simbahang Katoliko, at Aglipayan Church. Hindi pupuwedeng sabihin na pareho lang yan kaya dito na lang sisimba, dito magpapabinyag, dito magpapakasal. Hindi. Magkaiba. Magkaibang-magkaiba (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Sumang-ayon rito ang isa ring Romano Katoliko:
Personally ‘to. Sa dalawang birhen, sabi nga nung iba pinagsasabong pa yan e, pinaglalaban nila ‘no? Mayroong pagkakapareho at mayroon ding pagkakaiba. So yung pagkakapareho, lahat ay naka-focus kay Mama Mary. Kung ikaw ay Aglipayano, naka-focus ka kay [Impong] Maria. Kung ikaw ay Romano Katoliko, kay Immaculada ka naman (Panayam kay RK1, 19 Oktubre 2017).
Natukoy rin na pamamaraan ng pagkakasundo at pag-iwas sa iringan at pagkamuhi sa bawat isa lalo na sa hanay ng mga ordinaryong mananampalataya, ay ang pagiging bukas ang pag-iisip. Batayan sa istruktura ng mga halagahing Pilipino ang paggalang sa indibidwal na saloobin (Jocano, 1992a, p. 19). Sa mga kinapanayam, lumitaw ang salitang “bigayan” upang ilarawan ang pagiging bukas ang isip. Pumapaloob sa salitang ito ang mga pag-uugali ng pagpapaubaya, pagtanggap, at paggalang, sa pagtukoy ng pinakamainam na espasyo at pagkakataon kung paano malayang maipapakita ang debosyon nang hindi nakukutya o nagpapasaring sa iba. Ayon sa isang kinapanayam:
Siguro ano e, unity kasi may mga aspects naman sa life and politics, I’m sure lahat naman sila against drugs, kami din. Open din sila sa environment, to clean the environment, e ang Catholics diyan din dahil doon sa Encyclical ni Pope Francis and Laudato Si and pag nagpuprusisyon naman, nagbibigayan na. Unlike before na medyo may away-away pa dahil nata-traffic. Ngayon may bigayan. Mas open ngayon ang mga tao, open-minded. Isinusulong ang ecumenism. Ngayon may bigayan. Mas open ngayon ang mga tao, open-minded na sila kasi actually (Panayam kay RK3, 28 Agosto 2017).
Para sa isang batang miyembro ng IFI, ang payak at makatotohanang gawi sa pagitan ng mga miyembro ng dalawang simbahan ay nagpapaluwag sa madalas na itinuturing na mahigpit na tunggalian:
Actually, marami nga, from members ng ICP [PLIC], na kapag si Impong Maria na ang pinag-uusapan, ano, nagpe-pay rin sila ng respect, in terms na may members sila na nagpapagamot dito, naglalabas kay Impong Maria sa karosa ng sasakyan niya. May mga members sila na nagpapagawa ng belo… May members na nagpapabigay rito ng damit ng Mahal na Birhen. May mga members na even na nagpagawa ng malaking karosa for Impong Maria. So yun yung ginagamit na paraan… para matigil na yung ganun… So how can we invite the faithful to reconcile, no? – sa mga taong nasaktan nila o nakasakit sa kanila if the church doesn’t recognize reconciliation o yung pag-aayos? So dapat, unti-unti, ay maglingkod na lang, sapagkat may sarili rin namang pagsamba ang IFI, may sarili din namang pagsamba ang RC, hindi din naman big deal yan sa ngayong mga panahong ito. Nagpapasalamat kami, unti-unti na siya, di kagaya nung araw na mga naririnig naming kuwento, na may pagtatalo pa, mayron pang sakitan (Panayam kay AG3, 28 Oktubre 2017).
Ang mga pagkakataon ng sama-samang pagkilos at pagtutulungan, mula sa simbolikong pagpapatunog ng kampana, or mga aktibidad na kapwa inorganisa, ay binigyang-halaga at ipinababatid na magandang halimbawa ng maayos na ugnayan. Para sa mga naglilingkod sa PLPC, malinaw sa kanila na ang pagpapatunog ng kampana ng kanilang simbahan kapag dumaraan sa karap nito ang prusisyon o karo ng PLIC ay isang pamamaraan ng paggalang:
Yung parang meron na silang pagkakaisa. Kaya pagka-noon, pagkadumadaan na yung prusisyon ng Aglipay, kinakampana nila, e nung araw, hindi. Hangga’t maaari nga, huwag dadaan sa harap ng simbahan… minsan pagka-dumadaan ang Katoliko sa harap ng Aglipay, kinakampanaan ‘yan. Pag tapat na ng birhen, kakampanaan na. [Ang away] ah sa mga kuwan yun, sa mga personal na, personal ano na devotees yun e. Basta ito sa amin [sa Aglipay], ito ang tunay, kanya-kanyang ano ‘yan [paniniwala] (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017).
Tama ‘yon na may kanya-kanya tayong simbahan. Pare-parehas tayong sumasamba sa Panginoon at nagmamahal sa Mahal na Birheng Maria. Naaalala ko nung nag-aaral ako, ano ‘yun e, hindi mo puwedeng ide-declare na Aglipayan kayo, kasi madi-discriminate ka. Naku! Sa Aglipay, hindi puwedeng ganito, ganyan. Kailangan naming magtago kapag magsisimba dito sa simbahan, kasi iba ang turing [sa] Aglipayano noong araw… Tuwing sumasapit yung mga okasyon, ng fiesta, nagbibigay-galang naman ang parehas na simbahan. Tuwing dadaan ang prusisyon ng mga kapatid natin mula sa Roman Catholic Church, pagdaan nila dito sa simbahan, ay nagbabato ng mga batingaw ng mga kampana ang simbahang ito bilang tanda ng lalong pagbibigay-galang sa kanilang pagdaan… Ang Mahal na Birheng Maria ay tunay na nasa langit. Iisa lang ang Mahal na Ina. Tayong lahat ay kanyang mga anak (Panayam kay AG4, 28 Oktubre 2017).
Para sa isang Romano Katoliko, kahit may pagkakaiba sa manipestasyon, ang esensiya ng maliliit na akto ng paggalang ay mahalaga:
Siguro itong ano na rin, year 2000 pataas. 2008 ganun. Okay na yung relationship ng Aglipay kasi pumapasyal dito yung kura paroko nila sa exhibit [ng PLIC]. May exhibit kasi na ginanap sa ossuary. So dumalaw yung kaparian dito. Paring Aglipay dumalaw rito. So simula noon okay na yung relationship. And during pagoda, isa ako sa nagsasalita sa pagoda e, binabati ko yung [Aglipay] at walang problema. Nagkakalembang na sila. Dati hindi. Ngayon kapag dumadaan si Immaculada, nagkakalembang na sila talaga. Even pag motorcade pag dumaan si Immaculada doon, nagkakalembang na sila. (Panayam kay RK1, 27 Agosto 2017).
Ang isang inorganisang aktibidad ekumenikal ng PLIC at PLPC sa plaza ng Concepcion ay tinitingnan ng isang kinapanayam bilang isang napakagandang halimbawa na malinaw na nagkasundo na ang dalawang institusyon:
…common ground is Plaza Concepcion para neutral. E sabi ko baka isipin ng taga sa inyo, “Bakit sa Plaza Concepcion e tapat ng simbahan namin.” Sa akin pa nanggaling. Pero neutral ang plaza okay. E bakit dalawang imahen pa ang gagamitin natin kung puwedeng pareho tayo. E sabi pa noong pari namin, “oo nga naman” kasi hindi maiiwasan pagkumparahin sila. E may istorya na yan. Then sabi “O sige wag natin gamitin.” “Para safe tayo” sabi ng pari. Sabi ko tutal naman ho para iyan para sa buwan ng Santo Rosario gamitin natin ang Santo Rosario Birhen dahil iyan ang inyong debosyon, debosyon so gamitin natin ang imahen ni Maria sa katauhan ng Santo Rosario. So iyung Santo Rosario na imahen ang ginamit namin. Ang iisang imahen niya lamang. Hindi naghanap kami ng isang private image ng Santo Rosario at yoon ang naging tampok. Walang dalawang patron na nakatayo, wala. So iyong programa, hinati namin equally kung sino sa ganito. Okay naman at maganda ‘yung kinalabasan… (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Ang nagbabagong kalakarang pampulitika, panlipunan, at pang-ekonomiko ay maaaring ituring na nagdulot ng paglihis o paglawak ng pagtingin ng mga parokyano ng dalawang simbahan hinggil sa mahahalagang usapin patungkol sa paniniwala, panata, at kasaysayan ng dalawang institusyong pangrelihiyon sa Malabon. Samakatuwid, natatagpuan na ang espasyo kung saan maaaring magsimula ang mas maayos at pangmatagalang pagkakasundo, at sa espasyong ito mababatid ang mas naaangkop na pamamaraan ng paglawak ng ugnayan hanggang sa hinaharap. Inilarawan ni Jocano (1992a) na ang mga ekumenikal na gawaing panrelihiyon sa konteksong pampubliko ay mainam na simbolo ng lumalawak na pagkakaisang espiritwal, lalo na’t sa nagdaang mga dekada ay hindi pa ito nakikita. (p. 18).
Nagpapakita ang isang kuwentong ibinahagi ng isang kinapanayam na Romano Katoliko ng tagal ng tunggalian ng dalawang simbahan at ng siwang kung saan maaaring maisara ang sugat ng alitan sa nakaraang mga dekada. Aniya:
…nung buhay pa yung ano ko (ang kanyang lolo) yung karo ng Virgin ng Aglipay, dito nakagarahe sa bahay namin… Sabi ng lolo ko, pagka-May and December nilalabas iyan. E dun ako nakatira. E noon, active na ako sa church (PLIC). So sabi ko, talagang ganun e kasi bilin iyon ng lolo ko and I respected it. So, noong namatay ang tiya ko (kapatid ng kanyang lolo), binigay ko na sa Aglipayan. (Panayam kay RK3, 28 Agosto 2017).
Ayon kay Jocano (1992a), ang pagkiling sa pagkakaisa at maayos na tunguhan ay malapit sa pagnanais ng mga Pilino sa ideya ng consensus sa pagdedesisyon (p. 19). Ang metaporang ito ng karo ay nagpapakita ng kung paanong ang isa sa mga materyales ay naging saksi sa mahabang kasaysayan ng tunggalian sa pagitan ng dalawang simbahan. Maaaring ang tao ay piliin, itago, alalahanin, o kalimutan ang mga naratibong kuwento sa kanyang nakaraan, ngunit ang mga bagay ay nagpapaalala ng isang bahagi ng kasaysayan na patuloy na mananatili hanggang mayroong simbolikong materyal na kumakatawan dito. Gaya ng mga estatwang pinagtatalunan ang awtentitisdad, ang karo ay isang materyal na nagpapaalala ng hidwaan; ngunit ginamit na instrumento rin upang magkaroon ng pagkakasundo. Ang tunggaliang sa pagitan ng dalawang institusyon ay salamin ng doktrinal at praktikang pangrelihiyong ideolohiya na naging parokya – lokalisado at iginigiit na taal at bukod-tangi. Masasabing kumbensiyunal na mayroong tunggalian sa pagitan ng mga relihiyong mayroong pagkakahambing o pagkakatugma sa doktrina at mga manipestasyon ng paniniwala. Ngunit ang pulitikal at kultural na negosasyon sa pagitan ng PLIC at PLPC sa Malabon ay nagpapakita ng isang siglong nagpapatuloy at nagbabagong penomenolohikal na dinamikong ugnayan sa pagitan ng dalawang institusyong nakatungtong sa debosyon sa Birheng Maria. Sa pagtalakay sa kasaysayan ng ugnayan at hidwaan ng dalawang simbahan, at sa pagkilatis sa kani-kaniyang manipestasyon ng debosyon sa Birheng Maria, mahihinuha natin na ang pakikipagkapwa ay isang nagpapatuloy na umuunlad na batayang prinsipyo ng kani-kaniyang paniniwala. Sa paglaon ng ugnayan, at sa pagkilala sa pinaninindigang kasaysayan, mayroong pagtatasa sa kung ano ang kabuluhan ng pananampalataya bilang pamamaraan ng pag-uugnay sa iba, sa kabila ng marubdob at masalimuot na karanasang historikal.
HINGGIL SA PANATA AT ILANG MGA ISYUNG PANLIPUNAN
Ang dalawang simbahan ay mayroon nang nailatag na kasaysayan ng pagiging lubog sa mga panlipunang isyu. Ang dantaon 20 ay saksi sa transpormasyon at pag-iral ng dalawang relihiyosong institusyong ito hindi lamang para sa usapin ng pananampalataya, bagkus, para sa pagsusulong ng panlipunang katwiran, hustisya, at kaunlaran. Nang ipanganak ang konsepto ng pagkabansang Pilipino, malinaw na isinatitik sa mga kodigong legal ang paghihiwalay ng pamahalaan at simbahan. Ngunit ang paghihiwalay na ito ay hindi nangahulugan na ang simbahan, bilang isang panlipunang institusyon, ay walang espasyo o puwang upang makilahok at makialam sa mga isyung mahalaga sa tao at sa lipunan sa kabuuan. Ang dalawang simbahan ay humarap sa maraming hamon ng panlipunang pagbabago; kinaharap ng Simbahang Katoliko ang usapin na mas maging “Pilipino,” at bahagyang iwan ang dominanteng gampanin bilang institusyong kolonyal tungo sa pagiging simbahang mas nakaugat sa bayan. Samantala, malinaw sa pagkakatag ng IFI ang gampanin nito bilang isang “Simbahang Pilipino,” bilang nakaugat ito sa himagsikan, at sa pagnanais na iwaksi ang kolonyal na dimensiyon ng pananampalatayang Kristiyano. Ang kani-kaniyang tindig sa isyung panlipunan ay salamin ng kanilang panata, lalim ng pagkakaunawa sa ugnayan ng paniniwala at mga panlipunang suliranin, at kapasidad bilang mga miyembro ng kanilang kinabibilangang institusyon. Sa paglalarawan ni Jocano (1992b), pagpapakatao kung maituturing ang pagiging lubog sa mga isyung kinakaharap ng lipunan, na siyang bumubuod sa mga moral, etikal, at estetikal na mga aspeto ng buhay ng komunidad sa Pilipinas (p. 4).
Sa kasalukuyan, ang pagiging malay, lubog, at kasangkot ng dalawang simbahan sa mga isyung panlipunan ay maaaring iugnay sa mga pulitikal at panlipunang kaganapan sa nakaraang apat na dekada. Ang pangangailangan ng mga institusyong maninindigan para sa kapakanan ng mga mamamayan, mula sa panahon ng pag-iral ng Batas Militar, hanggang sa pananaig ng lakas ng sambayanan sa “People Power Revolution” noong 1986, hanggang sa pagtupad sa mga pangako ng demokrasya, ay ipinamalas ng dalawang simbahang ito. Maaaring punto ng pagtatalo ang argumento ito, dahil maituturing itong isang simpleng paglalahat o heneralisasyon. Ngunit, naipamalas ng dalawang simbahan ang pagiging mga institusyong panlipunan, sa pamamagitan ng panlipunang paglilingkod (social work) at “grassroots organizing” sa hanap ng mga organisasyong kaakibat ng dalawang simbahan at iba pang non-government organization (NGO). Ang hamon ng panahong “post-EDSA” ay nagtulak sa dalawang simbahan na isabuhay hindi lamang ang mga doktrina ng paglikha ng mabubuting miyembro ng kani-kaniyang simbahan, bagkus ay upang maging kasangkapan upang ipamalas ang pagiging mga institusyong panrelihiyong nakaangkla sa mga kasalukuyang pangangailangan, sa pamamagitan ng pagbaba sa kani-kaniyang toreng gareng, at proaktibong makilahok sa panllipunang pagbabago.
Ang mga hamon at pagbabagong dulot ng taong 1986 sa Pilipinas ay malaki ang dulot sa pagbabago sa kinalulugarang espasyo ng Simbahang Katoliko sa lipunang Pilipino, lalo na at may malaki itong ginapanang papel sa “People Power Revolution” nang taong iyon (Buckley, 2014, pp. 314 at 316). Sa isang bahagi, isang kongkretong manipestasyon ng pagtatasa ng Simbahang Katoliko sa gampanin nito matapos ang demokratikong restorasyon noong 1986 ay ang pagtatangka na isakonteksto sa kalagayan ng bansa ang diwa ng Second Vatican Council (1962-1965), sa pamamagitan ng Second Plenary Council of the Philippines (PCP II) noong 1991 (Roche, 1991, p. 145-185), na naghudyat ng paglikha ng isang “Simbahan para sa mga Dukha” (Church of the Poor). Ang paglikha ng mga Basic Ecclesiastical Communities (BEC) ang proyektong kaugnay nitong proyekto, kung saan pinalakas ang pakikilahok ng mga parokyano sa mga gawain ng simbahan at sa pakikipag-ugnayan sa iba pang sektor ng lipunan. Matapos ang 26 na taon nang isakatuparn ang PCP II, patuloy na umuunlad at binabago sang-ayon sa mga pangkasalukuyang pangangailangan ang pakikilahok at pakikipag-ugnayan ng Simbahang Katoliko sa mga sektor ng lipunang nangangailangan, sa larangang elektoral (Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV), usaping pangkapayapaan, at pangkalusugan at pangkawanggawa (kahit tila problematiko ang prosisyon nito sa progresibong layon ng ilang inisyatiba tungkol sa panlipunang kalusugan). Ang gampanin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) bilang institusyong tugon hindi lamang sa pangangailangang administratibo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas, kundi pati ang paglahok ng simbahan sa pagsusulong ng gampanin nito sa pangkalahatang kapakanan ng lipunan. Ang CBCP, at ang mga inilalabas nitong pahayag pulitikal at panlipunan, ay salamin ng hinihirayang “Catholic nation” na may layong makibahagi sa proyekto ng pambansang kaunlaran (Francisco, 2014, pp. 356, at 360-369).
Lalong higit, nasubok ang paninindigan ng Simbahang Katoliko sa usapin ng pagiging panig sa mga sektor na nasa laylayan sa kanilang posisyon sa Reproductive Health (RH) Law. Ang isyung ito ay lubos na humati sa panlipunang opinyon ng mga Pilipino. Sa loob ng halos dalawang dekada, makailang beses itong ihinain bilang panukalang batas sa Kongreso at sa Senado ng Pilipinas, ngunit noong 2013 lamang pormal na naipasa at naisabatas ito. Sa isang sarbey noong 2014, 72% ng mga Pilipino ang pabor sa nasabing batas (Dinglasan, 2014). Ngunit, malinaw ang tindig ng pamunuan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas. Isa ito, sa pamamagitan ng CBCP, sa tumindig laban sa pagpasa ng batas, dahil labag ito sa mga tinutungtungang paniniwala at doktrina ng Simbahang Katoliko patungkol sa buhay at paglikha ng buhay, at pagtugon sa mga suliraning dulot ng mabilis na lumalaking populasyon (Palma, 30 Hulyo 2012; Palma, 12 Disyembre 2012).
Burukratiko ang Simbahang Katoliko. Bilang isang institusyon, sinusunod nito ang hirarkiyang kinagisnan, mula sa mga “sagradong” indibidwal, hanggang sa hanay ng mga layko, lalo na sa usapin ng pagdedesisyon sa mga posisyon sa mga isyung panlipunan. Sa ideyal na kalakaran, hindi gumagawa ng sariling posisyon at pagkilos ang mga lokal na parokya, kung walang pag-apruba ng CBCP o ng kinabibilangan nitong diyosesis. Sinasalamin ng mga tala mula sa mga panayam, sumusunod ang mga parokyanong Katoliko sa mga posisyong inilalabas ng pamunuan ng Simbahang Katoliko – mga sabayang pagdarasal o prayer vigil, pagpapatunog ng kampana ng simbahan, proaktibong pangangaral o Katekismo, at lobbying. Sa madalas, ang mga personal na opinyon ay nanatili na lamang sa iilang personal na espasyo, kung hindi man pinakakailangan ay kailangang manatiling nakalinya sa pinaniniwalaan ng simbahan, kahit hindi absoluto ang patakarang ito. Ayon sa isang kinapanayam:
Ang bawat simbahan kasi puwedeng manindigan o magsalita o maging independent sa tinatampok pa rin ng kabuuang simbahang Katolika. I mean kung ano ang nais, depende yan sa kura paroko. Kami bilang naandito sa opisina, o sabihin natin ako bilang katuwang sa pangangasiwa, mas pipiliin ko sigurong manatiling non-partisan para walang masabi sa simbahan, sa parokya namin a. Pero kung sinasabi ng CBCP at may sulat at ito ang gawin, kailangan sumunod ka. Kailangan sumunod ka, di ba? (Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017).
Dagdag ng isa:
Alam naman natin na kapag nanindigan ang simbahan, lumalabas ang simbahan sa mga patawag pero yung patawag nang pangkalahatan yun. Ibig sabihin yung pangkalahatang Katoliko… ang Concepcion sa mga patawag ng Archdiocese ng Manila. Yung patawag sa lahat ng Katoliko at panalangin. Yun po ang prayer rally, not ang rally na “Ibagsak, ibagsak!” Sabi nga natin kasi, walang problema ang pulitika at simbahan pero pag nakita tayong dapat aksyunan, dun tayo lumalabas pero hindi talaga dapat kino-condemn ang gobyerno (Panayam kay RK1, 27 Agosto 2017).
Sa kabilang banda, ang IFI ay makikitang patuloy na isinabuhay ang progresibo nitong pag-iral bilang simbahang alternatibo sa Kristiyanismo na ang doktrina ay nakaugat sa basbas ng Vaticano, at bilang isang simbahang proaktibong tutugon sa mga pinaninindigan nitong isyung panlipunan. Ang panahong post-EDSA sa IFI ay panahon ng pagpapalakas sa mga lokal nitong adbokasiya, lalo na sa mga sektor na mas nasasagilid – mga lumad, magsasaka, mangingisda, kababaihan, at komunidad LGBTQI+. Makikita ang paggigiit na ito, o ang transpormasyon ng pinatutungkulang panlipunang pagkilos, sa pagkakaiba ng pagturing ng dalawang magkaagwat henerasyon ng mga naglilingkod sa loob ng PLPC. Mababakas sa ilang nakatatandang kinapanayam ang hindi pagiging palagay sa direktang pagkikisangkot sa mga isyung panlipunan:
Hindi sila sasama sa ganyan e, ibig sabihin hindi inaano, basta parang, ika nga life must go on siya sa mga ano parokyano parang wala yan, kasi nga life must go on with the ano… Alam mo kami hindi namin pinapansin yung mga ganyan… Hindi, kasi kami hindi namin inaano yan e. Basta’t kami ay, basta’t kami ay deboto namin, basta’t kami ay nandito… Ang mga political issues, hindi namin inaano yan (Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017).
Ngunit para sa mga nakababatang miyembro, lalong higit sa mga kasalukuyang naglilingkod sa mga organisasyon sa loob ng PLPC, ang simbahan ay nararapat na may mapagpabagong papel sa lipunan. Para sa isa, naniniwala siyang ang IFI ay isang “simbahang peregrino” (pilgrim church), dahil ito’y naglalakbay, natututo, at nagbabago, tulad ng isang namamanatang nasa isang pilgrimahe (Panayam kay AG3, 28 Oktubre 2017). Ayon sa isa pang kinapanayam, ang motto ng IFI ay nakatuon sa paglilingkod sa bayan:
Pro Deo et Patria, para Diyos at sa Bayan. Yan ang niyayakap ng lahat ng mga miyembro ng simbahang ito, ng buong Iglesia Filipina Independiente. At sabi nga, hindi ka makakapaglingkod sa Diyos kung hindi mo minamahal ang iyong kapwa. Gayon, naglilingkod tayo sa kapwa natin para sa bayan. Kailangan ay hindi tayo—kung alam nating tama—bakit tayo mananahimik? Kung kailangan nating manindigan, bakit hindi natin kailangan manindigan? Ang karapatang pantao—iyan ay dapat nating ipinaglalaban. Tama ang ipinaglalaban ng ating simbahan. Hindi tayo dapat magsawalang-kibo lamang. Yung pagpatay ng mga inosente, ang pagpapakulong sa mga hindi dapat pinapakulong, yung karapatan ng mga LGBT—pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat ng tao. Anumang uri ng nilikha—maputi, maitim, sabi nga sa panalangin, may kulay, mahirap man o mayaman. Yan, yan ay dapat pantay-pantay sa paningin ng Panginoon… Ang simbahan, simbahang Pilipino, ay sinasabi ngang buhay na bantayog ng mapagpalayang katarungan ng Diyos. Ibig sabihin, dapat ay umiiral ang katarungan. Hindi dapat tawaging may nasa ilalim. Dapat ay palaging pantay-pantay, sapagkat ang adhikain ng malayang simbahan ay paunlarin, palaguin, hindi lamang simbahan kundi lahat ng mga kasapi (Panayam kay AG4, 28 Oktubre 2017).
Dagdag niya, ang pagkakaroon ng aktibong “Social Concern Committee” ng IFI, sa mga lokal nitong parokya, ay nagpapakita ng paninindigan nito para sa panlipunang hustisya at kaunlaran. Aniya:
Ang simbahan ay mayroon siyang sariling komite na tinatawag na “Kagalingang Panlipunan” o “Social Concern Committee.” Hindi lamang ito para sa usaping pangrelihiyoso, bagkus ito ay pang-usapin ng pulitikal at moral. Tuwing nagkakaroon ng mga eleksyon, nakikibahagi ang simbahan para sa mga panalangin, panawagan, para sa isang malinis mapayapa at matiwasay na halalan. Kung may problema sa gobyerno, hindi siya nagsasawalang-kibo. Ang lahat ng kaparian, ang buong kleriko ng Iglesia Filipina Independiente ay nagpupunta sa labas ng kalsada upang ipaglaban kung ano ang tama (Panayam kay AG4, 28 Oktubre 2017).
Kung ang Simbahang Katoliko ay tahasang tumutol sa RH Law, ang IFI naman ay tumindig sa kabilang bahagi ng bakod ng debate. Ang IFI, bilang kasapi ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP), isang alyansa ng mga Pilipinong Simbahan, ay nanindigan ng pagsuporta sa nasabing batas dahil isa ito sa makatutulong sa pagsugpo sa malaking problema ng kahirapan, sa pamamagitan ng progresibong pamamahala sa populasyon, pagbibigay ng karapatan sa mga mag-asawa at pamilya na itakda ang laki ng kanilang mag-anak, at karagdagang suporta mula sa pamahalaan hinggil sa mga programang pangkalusugang reproduktibo (NCCP, 19 Nobyembre 2009; Leguiab, 07 December 2010). Ang suporta ng NCCP sa RH Law ay mababakas sa nauna na nilang mga posisyon hinggil dito, noong 1987 at 1993 (National Council of Churches in the Philippines, 19 Nobyembre 2009). Ngunit sa organisasyong administratibo ng NCCP kung saan napabibilang ang IFI, malinaw na ang mga parokya ay mayroong sariling diskresyon kung susunod o lilinya sa tindig ng pambansang pamunuan ng IFI o ng NCCP, kahit sa madalas ay iisa ang nagiging posisyon ng mga lokal na parokya sa posisyon ng mga pambansang samahan (Panayam kay AG4, 28 Oktubre 2017).
PAMAMANATA SA MGA BIRHENG MARIA SA MALABON
BILANG PAGSASABUHAY NG MGA PAGPAPAHALAGANG PILIPINO
Bilang buod at lagom sa pag-aaral na ito, makikita sa pagtitimbang sa nasusulat na kasaysayan, at sa salaysay ng mga kinapanayam na mga deboto ng Birheng Maria mula sa dalawang simbahan na ang panata ay mayroong iba’t ibang mukha, manipestasyon, at pagpapakahulugan bilang pagsasabuhay ng ilang piling pagpapahalagang Pilipino. Sa partikular na kasaysayan ng dalawang simbahan sa Malabon na umiinog sa pananampalataya sa Birheng Maria, at sa kasalukuyang ugnayan ng mga mananampalataya nito, makikita na ang pagdadambana sa panata, at ang pagsasabuhay nito bilang gawi sa buhay, pamamaraan ng pakikitungo sa kapwa, at pagtatasa sa kinabibilangang komunidad o lipunan ay siyang maituturing na pagsasabuhay ng mga pagpapahalagang masasabi nating sa/ng Pilipino. Ilan rito ang maigting na pananampalataya, pakikipagkapwa, at pagpapakatao. Ang kwento ng mga deboto ng dalawang simbahan ay halimbawa ng kung paano maaaring salaminin ng relihiyosong pamumuhay ang pang-araw-araw na gawi ng kaasalan at gawi sa buhay. Kung ipagtutuos sa ilang nagawa nang pag-aaral, halimbawa kay Jocano (1992b), ang mga pagpapahalaga, gaya ng nabanggit, ay nagbibigay-tuntungan upang maunawaan ang sarili o pagkatao, ang kapwa-tao, ang pagiging pagka-makatao (p. 5). Gayundin, sa karugtong na pagtatasa, ang panata ay maaari ring umangkop sa tinutukoy na pamantayang pang-ugnayan kung saan nananaig at isinasabuhay ang pakikisama, pakikitungo, at pakikiramay (Ibid., p. 13). Sa mga larangang ito, makikita natin ang isang tunguhing unibersal – ang paunawa aa kabuuan ng tao, sa kanyang mga gawi, isang bagay na layunin ng Sikolohiyang Pilipino bilang isang dalumat ng pananalik at pag-unawa ng mga taal na konsepto (Enriquez, 1982a, p. 5).
Umiikot ang manipestasyon ng panata sa kung paano isinasabuhay ng isang mananampalataya ang kahulugan ng espiritwalidad – maging kapanatagan, kapayapaan, o di kaya ang pangkalahatang kaayusan. Para sa isang indibidwal na gumagalaw at umuunlad sa kanyang espasyong kinalulugaran, at sa kalinangang kanyang tinutungtungan, kaugnay at kaakibat ng kanyang panata ang iba pang salik na sentral sa kulturang kanyang kinabibilangan. Sa konteksto ng kalinangang Pilipino, sa ideyal na kaligiran, ang panata o debosyon ay parehong personal na adhikain, at may pangkolektibong hangarin. Ang kanilang pagpili kay Maria bilang sentral sa kanilang Kristiyanong debosyon ay higit pa sa pagpili sa isang karamay na pintakasi, ngunit paglikha ng imahen ng isang mas makapangyarihan at mapag-arugang ina hindi lamang para sa sarili, kundi para sa mas malaking sambahayan ng mananampalataya. Ang panata sa kinikilalang pintakasa ay manipestasyon ng halagahing Pilipino, dahil nagiging kasangkapan ito upang baguhin ang isang bagay, kaisipan, pakiramdam at gawi tungo sa kabuluhan, kalahagahan at katuturan, nang sa gayo’y malikha ang isang naaangkop na larawan, representasyon o simbolismo ng realidad (Jocano, 1992, p.12). Mayroong pagkakahambing ang mga manipestasyon ng panata sa naratibong pangkasaysayan. Katulad ng kasaysayan, ang alaala ng debosyon at mga manipestasyon nito ay nakabatay sa kuwentong nagmumula sa mga indibidwal na nakaranas o isinabuhay ito. Ang mga kuwentong kaugnay ng panata ay pawang mga kuwentong batis pangkasaysayan, gayundin, bilang tradisyong pasalita na isinalin na sa iba’t ibang henerasyon ng mga naniniwala at namamanata sa isang pananampalataya. Sa pagdaan ng panahon, ang mga kuwentong ito ay naging sandigan ng pagbabalik-tanaw sa halagahin ng pananampalataya sa kaasalan ng tao, kaugalian sa loob ng pamilya, at mga halagahing ibinabaon sa mga pagdedesisyong may kaugnayan sa paniniwala at pananampalataya. Ang mga kuwento at kasaysayan tungkol sa debosyon ay salamin hindi lamang ng karanasan, kundi maging ng pagpapatatag at pagpapaunlad ng mga natatanging halagahin na nagmumula sa mga doktrinang panrelihiyong ipinamamalas ng isang institusyon sa pananampalataya. Ang kasaysayan ng mga simbahan, at ang kasaysayan ng ugnayan ng dalawang simbahang tinalakay ay salamin ng ebolusyon at pagpapatatag ng paniniwala, partikular sa Birheng Maria. Salamin ito ng mga pagpapahalagang Pilipino sa iba’t ibang larangan gaya ng pakikipagkapwa, paggalang sa kapwa, at pananampalataya sa kinikilalang mas mataas na nilalang. Sa pag-aaral na ito, ipinakita na sa masalimuot na kasaysayan, tunggalian sa pinanghahawakang kaalaman at alaala, at tunggalian sa mga gawi at pagsasabuhay ng panata, makikita na may pagnanais na panaigin at pangibabawin ang mga pagpapahalagang Pilipinong ito, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pinagkakaisang kaligiran (o common ground), negosasyon sa ispesipikong paniniwala at gawi, paggalang sa eksistensiya ng mga kapwa simbahan bilang institusyon ng pagsamba, at pagkilala sa mas matimbang na kaasalang tinutungtungan ng debosyon – pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao.
Gayundin, sa isang aspekto, ang pagpapakalubog sa mas malaking ginagalawang lipunan ay aktuwalisasyon ng debosyon, at kongkretong manipestasyon ng tekstwal at doktrinal na pananampalataya. Ang pakikiugnay sa iba’t ibang sektor, lalo na sa mga nasa laylayan at nasa gilid, at nasa sadsadaran ng lipunan. Masalimuot man ang naging kasaysayan ng pakikisangkot ng mga relihiyosong institusyon sa mga kalakarang sosyo-pulitikal sa bansa dahil sa limitasyong teolohikal at kompleksidad ng mga isyu, hindi maitatatwa na ang mga simbahan, bilang alternatibong espasyo ng pagtindig pulitikal, ay mayroong gampanin bilang sandigan ng ilang sektor ng lipunan sa mga usaping kailangan ng paggabay, tulong, at pangangalaga. Pagsasabuhay rin ito ng pakikipagkapwa – ang paglikha ng isang lipunang mapag-aruga at kumakalinga sa mga kapwa na nangangailangan. Sa ideyal na kaligiran, ito ang tunguhin at hangarin ng pagkakaroon ng malalim na pananampalataya, nang sa gayo’y mas maisakatuparan ang isang buhay na matiwasay at may paggalang sa kapwa, gaya ng kung ano ang nais ipakita ng dalisay at hindi makasariling katauhan ng Birheng Maria.
Maaaring isalang sa mas malaong pagtatasa at pagtutuos sa iba pang datos o karanasan mula sa ibang lokalidad ang pag-aaral na ito. Gayundin, maaaring tingnan ang panata bilang konsepto hindi lamang sa larangan pangrelihiyon o espiritwal, bagkus sa iba pang dimensyon ng lipunan – sa larangan ng pulitika o kahit sa industriya ng showbiz sa Pilipinas, kung saan ang panata ay lilitaw sa anyo ng labis na paghanga o pag-idolo, na sa kadalasan ay hahantong sa kalabisan o lubos na bulag na pagsamba. At huli, ang mga pagpapalaon ng mga isinagawang suri at binitawang paglalahat (generalizations) sa pag-aaral na ito, maaaring tingnan kung naaangkop ba ang mga ito sa kasalukuyang hinaharap na hamon ng Pilipinas sa ilang kritikal na usaping panlipunan katulad ng karapatang pantao, pagbabaluktot sa kasaysayan, dignidad sa pulitika, at muling pagtatasa sa konsepto ng pagmamahal sa bayan o nasyunalismo.
Bilang pagtatapos, masasabi natin na ang panata ay personal at kolektibo. Personal at kolektibo dahil nakatungtong ito sa ninanais na pagsasabuhay ng mga pagpapahalagang Pilipino. Personal at kolektibo rin ito dahil metapora ito ng kasaysayayan bilang naratibo tungkol sa nakaraan. Ang kompleks at multi-dimensiyunal na gampanin ng simbahan bilang sektor sa lipunan ay mukha ng dinamikong kaligiran sa loob ng kanyang bakuran, sa loob ng espasyong kanyang ginagalawan, at sa pakikipag-ugnayan niya sa kanyang kapwa kahambing na institusyon. Ang ugnayang kultural at panlipunan ng dalawang simbahan sa Malabon, ang PLIC at PLPC, ay halimbawa ng kung paano maaaring tingnan ang panata sa isang pinpintakasing Kristiyanong imahen bilang simbolo ng pagsasabuhay ng debosyon, aktuwalisasyon ng pananampalataya, at pagsasakongkreto ng mga halagahing itinatakda ng mga sagradong teksto, at instrumento ng pagtatasa sa mas dakilang layunin ng mga relihiyosong institusyon, ang lumikha ng sambayanan ng mga mananampalatayang nakatungtong sa mga batayang pagpapalahaga bilang sandigan ng kalinangang Pilipino.
Mga Sanggunian
Mga Panayam
Romano Katoliko/Parokya ng La Inmaculada Concepcion (PLIC)
Panayam kay RK1, 27 Agosto 2017.
Panayam kay RK2, 28 Agosto 2017.
Panayam kay RK3, 28 Agosto 2017.
Panayam kay RK4, 19 Oktubre 2017.
Aglipayano/Parokya ng La Purisima Concepcion (PLPC)
Panayam kay AG1, 27 Agosto 2017.
Panayam kay AG2, 27 Agosto 2017.
Panayam kay AG3, 28 Oktubre 2017.
Panayam kay AG4, 28 Oktubre 2017.
Mga Aklat at Artikulo
Barcelona, M.A. at Estepa, C. (2014). Ynang Maria: A Celebration of the Blessed Virgin Mary in the Philippines. Manila: Anvil.
Buckley, D. T. (2014). Catholicism’s Democratic Dillema: Varieties of Public Religion in the Philippines. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, 62 (3-4), 313-339.
Calderon, S. (1915). Diccionario Ingles-Español-Tagalog, con partes de la oracion y pronunciacion figurada. Manila: Libreria y Papeleria de J. Martinez.
Centro de Estudios Marianos. (W.t.) “Las Advocaciones Marianas.” Biblioteca Virtual FAHUSAC. Isinangguni mula sa https://bit.ly/37ibM2S.
Census of the Philippine Islands, under the director of the Philippine Legislature in the Year 1918 Volume 2. (1920). Manila: Bureau of Printing.
Cornelio, J.S. (2014). Popular Religion and the Turn to Everyday Authenticity: Reflections on the Contemporary Study of Philippine Catholicism. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, 62 (3-4), 471-500.
De la Cruz, D. (2014). The Mass Miracle: Public Religion in the Postwar Philippines. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, 62 (3-4), 425-444.
De la Cruz, D. (2015). Mother Figured: Marian Apparition and the Making of Filipino Universal. Chicago: University of Chicago Press.
De la Paz, C. (2008). Poon at Panata: Sining at Paniniwala sa Mahal na Senyor ng Lucban, Quezon. Philippine Humanities Review, 10, 105-120.
De los Santos, D. (1794). Vocabulario de la Lengua tagala Primera y segunda parte. En la primera, se pone primero el castellano, y despues el tagalo. Y en la segunda al contrario. Reimpreso en la Impr. de N.S. de Loreto del pueblo de Sampaloc por el Hermano Balthasar Mariano y el H. Pedro Arguelles.
De San Agustin, G. [1698] (1998). Conquistas de las Islas Filipinas, 1565- 1615. Intramuros: San Agustin Museum.
De San Buenaventura, P. (1613). Vocabulario de la Lengua Tagala, el romance Castellano puesto primero, Primera y segunda parte, Pila, Laguna. Tomas Pinpin y Domingo Loag.
Enriquez, V.G. (1982a). Sikolohiyang Pilipino: Perspektibo at Direksyon. Nasa R. Pe-Pua, (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit. Lungsod Quezon: Surian ng Sikolohiyang Pilipino, 6-21.
Enriquez, V.G. (1982b). Mga Batayan ng Sikolohiyang Pilipino sa Kultura at Kasaysayan. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit. Lungsod Quezon: Surian ng Sikolohiyang Pilipino, 64-82.
Enriquez, V.G. (1994). Pagbabangong-dangal: Indigenous psychology and cultural empowerment. Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.
Francisco, J.M.C. (2014). People of God, People of the Nation: Official Catholic Discourse on Catholicism. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, 62 (3-4), 341-375.
Gowing, P. (1967). Islands Under Cross: The Story of the Church in the Philippines, Manila: National Council of Churches in the Philippines.
Hontiveros, E.P. (1965). The Blessed Virgin Mary I the Second Vatican Council. Philippine Studies, 13 (3), 652-669.
Jocano, F.L. (1992a). Issues and challenges in Filipino value formation. Quezon City: Punlad Research House.
Jocano, F.L. (1992b). Notion of value in Filipino culture: the concept of pamantayan. Quezon City: Punlad Research House.
Jocano, F.L. (1993). Halaga: The evaluative core of Filipino value system. Quezon City: Punlad Research House.
Magno, F. (1991). Elections, Machine Politics, and Regime Patronage: A Case Study of Malabon. Tesis Masteral, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Marcelo, S. (2002). From Tambobong to City of Malabon. Malabon City: Malabon Cultural and Tourism Council.
Mojares, R. (2007). Brains of the Nation: Pedro Paterno, Trinidad Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes, and the Production of Modern Knowledge in the Philippines. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Shrine Historical Marker, Immaculate Conception Parish, Concepcion, Malabon City.
Noceda, J.J. de at P. de Sanlucar. (1869). Vocabulario de la lengua tagala: compuesto por varios religiosos doctos y gravados. Manila: Imprenta Ramirez y Giraudier.
Parker, D.D. (1938). Religion and States in the Philippines, 1896-1906, Quezon City: University of the Philippines.
Roxas-Lim, A. (1998). The Ideas of Gregorio Sanciangco: A Blueprint for the Economic Development in the 19th century Philippines. Asian Studies Journal, 34, 78-99.
Salamanca, B. (1984). Filipino Reaction to American Rule, 1901-1913.Quezon City New Day Publishing.
Sapitula, M.V.J. (2014). Marian Piety and Modernity: The Perpetual Help and Devotion as Popular Religion in the Philippines. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, 62 (3-4), 399-424.
Schumacher, J.N. (1979). Readings in Philippine Church History. Quezon City: Loyola School of Theology, Ateneo de Manila University.
Schwartz, S.H. (2011). Studying Values: Personal Adventure, Future Directions. Journal of Cross-Cultural Psychology, 42 (307), 307-319.
Schwartz, S.H. (2012). An Overview of Schwartz Theory of Basic Values. Online Readings in Psychology and Culture, 2 (1), 1-20.
Scott, W.H. (1992). Union Obrera Democratica: First Filipino Labor Union, Quezon City. New Day Publishing.
Sevilla, S. at S. Tiangco. (1976). History of Malabon-Navotas. Malabon.
Smit, P. (2011). Old Catholic and Philippine Independent Ecclesiologies in History: The Catholic Church in Every Place. Leiden: Brill, 2011.
Smit, P. (2017). Contextualizing the Contextual: A Note on the Revolutionary Exegesis of Gregorio L. Aglipay. Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, 65 (1), 71-83.
Tiatco, S.A.P. (2008). Celebrating in the Waters and Frolicking with St. Peter: Performance of Folk Narrative and Catholic Church Narrative in a Kapampangan Community. Philippine Humanities Review, 10, 91-104.
Tiatco, S.A.P. (2012). Imag(in)ing Saint Lucy: The Performative and Narrative Construction of the Kuraldal in Sasmuan, Pampanga. Philippine Humanities Review, 14 (1), 129-155.
Watson Andaya, B. (2006). Flaming Womb: Repositioning Women in Early Modern Southeast Asia. Honolulu: University of Hawai’i Press.
Wise, F. (1954). The History of the Philippine Independent Church (Iglesia Filipina Independiente). Tesis Masteral, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
The Roman Catholic Apostolic Church and Lorenzo Gregorio v Leonardo Santos, et. al., G.R. No. L.-2842. (24 November 1906). Supreme Court First Division.
The Roman Catholic Apostolic Church v The Municipalities of Caloocan, Morong, and Malabon, of the Province of Rizal, et. al., G.R. No. L-3016. (29 January 1909). Supreme Court en banc.
Santos v Holy Roman Catholic and Apostolic Church, 212 US 463-164. (23 February 1909). United States Supreme Court.
Mga Sangguniang Online
Delos Santos, E. (2017, Oktubre 16). “Gregorio Aglipay founder of Iglesia Filipina Independiente in Malabon” [Larawan]. Koleksyon ni Atty. Jorge Delos Santos, mula sa Facebook post ni G. Edward Delos Santos. Isinangguni mula sa https://bit.ly/2QfdFFG
Leguiab, Jayson P. “Protestant, Christian churches support RH Bill”, Philippine Information Agency, 07 December 2010. Isinangguni mula sa https://bit.ly/2Px8v5Z
Dinglasan, R.R. (2014, Abril 07). “7 out of 10 Pinoys favor RH Law.” GMA News Online. Isinangguni mula sa https://bit.ly/2KtADUh
National Council of Churches in the Philippines [NCCP] (2009, Nobyembre 19). “Statement in Support of the RH Bill.” National Council of Churches in the Philippines. Isinangguni mula sa www.nccphilippines.org
Palma, J.S. (2012, Hulyo 30). “Statement on the RH Bill.” CBCP News. Isinangguni mula sa https://bit.ly/2P1PqWD
Palma, J.S. (2012, Disyembre 12). “A Message to the Honorable Members of Congress.” CBCP News. Isinangguni mula sa https://bit.ly/2QfUlbd
“Pope Pius IX Proclaims the Dogma of the Immaculate Conception.” (w.t.). His Holiness, Venerable Pope Pius IX. Isinangguni mula sa http://www.piustheninth.com/chapter4.htm
“Treaty of Peace Between the United States and Spain; December 10, 1898.”(2008). Lillian Golman Law Library. Isinangguni mula sa https://bit.ly/1BWhsXk
Villar, E.A. (2003, Oktubre 26). “Locator map of Malabon City in Metro Manila” [Larawan]. Wikimedia Commons. Isinangguni mula sa https://bit.ly/2KuDpbL
Mega Larawan

(Villar, 2003)

(Kuha ni Kerby Alvarez, 08 Setyembre 2017)

(Kuha ni Kerby Alvarez, 08 Setyembre 2017)

(Kuha ni Kerby Alvarez, 28 Oktubre 2017)

(Kuha ni Kerby Alvarez, 28 Oktubre 2017)

Parokya ng La Inmaculada Concepcion
(Kuha ni Kerby Alvarez, 08 Setyembre 2017)

Parokya ng La Purisima Concepcion. Nagsara ang paaralan noong 2016.
(Kuha ni Kerby Alvarez, 28 Oktubre 2017)

Prusisyon noong 08 Disyembre 2017
(Kuha ni Narwin Gonzales, 08 Disyembre 2017)

Prusisyon noong 08 Disyembre 2017
(Kuha ni Narwin Gonzales, 08 Disyembre 2017)

Prusisyon noong 08 Disyembre 2017
(Kuha ni Narwin Gonzales, 08 Disyembre 2017)

Mula sa koleksyon ni Atty. Jorge Delos Santos, mula sa FB post ni G. Edward Delos Santos
(Delos Santos, 2017)
[1] Pasasalamat kina Emmanuel Jayson V. Bolata at Narwin C. Gonzales, ang aking mga nakatuwang sa pananaliksik na ito.
[2] Hindi malinaw ang eksaktong taon na ginamit nang pormal ang “Malabon” mula sa orihinal nitong “Tambobong.” Sa ilang mga dokumentong nakalap ng may-akda sa mga arkibo sa Pilipinas at Espanya, makikita na sa ikalawang hati ng dantaon 19 ay ginagamit ang “Malabon” katulad ng “Tambobong” sa ilang dokumento. Sa pagpasok ng dantaon 20, mas gagamitin ang “Malabon” bilang opisyal na pangalan, lalo na nang maging kabilang ito sa mga bayan ng lalawigan ng Rizal, na itinatag noong 1901.
[3] Maaaring tingnan ang “Treaty of Peace Between the United States and Spain; December 10, 1898.”(2008). Lillian Golman Law Library. Isinangguni mula sa https://bit.ly/1BWhsXk
[4] Para sa pananaliksik na ito, gumamit ang may-akda ng initial para sa bawat kinapanayam; “RK” para sa mga Romano Katoliko, at “AG” para sa mga Aglipayano. Gayundin, binanggit ng may-akda sa mga kinapanayam na gagamitin ang mga panayam bilang bahagi ng isang pananaliksik at publikasyon. Ipinangako ng may-akda na gagamitn ng code at hindi babanggitin ang tunay na pangalan bunga ng potensiyal na sensitibong impormasyon o personal na opinyon. Sa huli, bilang bilang paggalang at pasasalamat sa mga kinapanayam, ibabahagi ng may-akda ang nabuong naratibo sa mga kinapanayam.