[DIWA E-Journal Tomo 5, Nobyembre 2017] Sino ang May Hiya at Sino naman ang Wala? Paunang Pagtitibay sa Panukat ng Hiya Bilang Isang Pagpapahalaga
Jose Antonio R. Clemente, Ph.D.
Department of Psychology
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Adrianne John R. Galang at Alessandra T. Arpon
Department of Psychology
De La Salle University, Manila[1]
Abstrak
Paano nga ba naiiba ang isang taong may mataas na pagpapahalaga sa hiya (may hiya) kumpara sa isang taong mababa ang pagpapahalaga dito (walang hiya)? Upang masagot ito, nagsagawa ng dalawang pag-aaral na may dalawang pangunahing layunin: (1) bumuo ng isang matatag at mabisang Panukat ng Hiya bilang isang Pagpapahalaga (PHP) at (2) tukuyin ang empirikal na kaugnayan ng hiya sa mga ugali (trait), saloobin (attitude), at kilos na lumalabag sa panuntunan ng lipunan (norm violation). Sa parehong pag-aaral, sumagot ng online questionnaire ang mga kalahok. Alinsunod sa mga naunang pagdalumat sa hiya bilang pagpapahalaga (e.g., Enriquez 1992), binigyang-kahulugan ito bilang pagsasaalang-alang sa mga iisipin at mararamdaman ng ibang tao bago ang ano mang pagkilos. Mula rito, lumikha sa unang pag-aaral ng mga aytem na susukat sa hiya. Nirebisa ito sa ikalawang pag-aaral. Matatag ang mungkahing bersyon ng PHP na may 16 na aytem (α = .89). Tinasa ang bisa nito sa pamamagitan ng pagpapakita na may pagkakatangi ang hiya sa mga ugaling tulad ng agreeableness at social desirability (SD). Nakita ring may kontribusyon ang hiya sa pagpapaliwanag ng mga norm violation na iba at higit pa sa kayang ipaliwanag ng mga ugali. Tinalakay ang posibilidad na may (1) inhibitory at accommodative function ang hiya at (2) dalawa ang dimensyong pumapailalim dito (hiya sa hindi ibang tao at hiya sa ibang tao).
Abstract
What is the difference between a person who highly endorses hiya as a value (may hiya) versus someone who is least likely to endorse it (walang hiya)? To answer this question, two studies were conducted with the following goals: (1) develop a reliable and valid scale of hiya as a value [the Panukat ng Hiya bilang isang Pagpapahalaga (PHP)] and (2) establish the empirical relations between hiya and traits, attitudes, and norm violations. In both studies, participants answered an online questionnaire. Based on prior theorizing (e.g., Enriquez 1992), hiya was defined as considering other people’s thoughts and feelings before deciding to act or behave. An initial pool of theory-based items was developed in Study 1. In Study 2, items were modified to improve internal consistency. The construct validity of the scale was also examined. The results suggest that the 16-item version of the PHP was internally consistent (a = .89). Discriminant validity was established by differentiating hiya from traits such as agreeableness (A) and social desirability (SD). Furthermore, results showed that hiya explains a significant amount of variability in self-reports of prior norm violations over and above the traits A and SD. The implications of hiya as a value’s inhibitory and accommodative functions and its bi-dimensional structure (i.e., hiya sa hindi ibang tao and hiya sa ibang tao) are discussed.
[1] Nagpapasalamat ang mga may-akda kay Prop. Jay A. Yacat sa pagtawag ng pansin sa mga may-akda sa posibilidad ng pagkakaroon ng dalawang dimensyon ng hiya. Lubos din ang pasasalamat ng mga may-akda sa mga referi na nagbigay ng kanilang mga komentaryo at mungkahi sa unang bersyon ng papel na ito.
INTRODUKSIYON
Nang naibalita sa dyaryo at iba’t ibang websayt ang tungkol sa paghingi ng paumanhin sa publiko ng may-ari ng isang Korean airline dahil sa aberyang idinulot sa mga pasahero ng kanyang anak, ilang Pilipinong netizen ang nagkomento na mabuti pa ang chief executive officer na ito dahil marunong siyang mahiya at magpakumbaba sa ngalan ng kanyang anak (AFP 2014). Kapag naman may napapabalitang pulitiko sa Pilipinas na diumano ay may ginawang hindi etikal o naaayon sa kanilang responsibilidad bilang public servant—halimbawa, ang pagsama ng mga kongresista sa isang biyahe ng pangulo para mamasyal o di kaya ang hindi pagsagot ng isang mataas na opisyal sa mga alegasyon ng kurapsyon na ipinupukol sa kanya—pinupuna sila ng publiko at sinasabihang wala talaga silang hiya. May isang kasabihan ding kumalat sa social media na pabirong idineklarang, “Hindi uso ang hiya sa mga taong makapal ang mukha.” Hindi marunong mahiya. Walang hiya. Makapal ang mukha.
Sa mga halimbawang nabanggit, tila iniuugnay ang hiya sa pagkilos ng nararapat o naaayon sa inaasahan ng ibang tao. Mukhang kapuri-puri ang isang taong may hiya samantalang kinaiinisan naman ang sino mang wala nito. Tila lumalabas na sa pang-araw-araw na gamit, kung ang isang tao ay marunong mahiya, gagawin niya kung ano ang tama. Kung lalapatan ang pag-unawa sa hiya gamit ang isang sikolohikal na lente, ilang tanong ang posibleng lumitaw: Ano nga kayang mga katangian ang tangan ng isang taong “may hiya?” Kung marunong ang isang taong mahiya, ano mismo ang kaalamang mayroon siya? Anu-anong pagkilos ang nagiging bunga ng pagkakaroon ng hiya? Marahil ang mas payak pang katanungan: Anong uri ng sikolohikal na konsepto nga ba ito—damdamin (emotion), ugali (trait), o pagpapahalaga (value)?
Layunin ng papel na ito na bigyang-linaw ang hiya bilang isang pamantayan ng kilos, isang pagpapahalaga na maaaring magsilbing gabay sa gawi o asal ng isang tao. Matagal nang iminungkahi na isa ang (pagkakaroon ng) hiya sa mga pangunahing pinanghahawakang pagpapahalaga ng mga Pilipino (Enriquez 1992). Ayon sa Teorya ng Kapwa ni Virgilio Enriquez, ang pagkataong Pilipino ay binubuo ng isang sistema ng mga magkakaugnay na pagpapahalaga. Labindalawang pagpapahalaga ang ninomina niya na bumubuo sa sistemang ito, kabilang ang kapwa, pakikiramdam, utang na loob, pakikisama, kagandahang-loob, lakas ng loob, pakikibaka, bahala na, karangalan, katarungan, kalayaan, at hiya.
Gayumpaman, sa isang pag-aaral na sinubok kumpirmahin ang ilan sa mga proposisyon ng teoryang ito, halos dalawampung porsyento ng mga kalahok ang pumili sa hiya bilang isang pamantayang hindi mahalaga sa kanilang buhay. Kung ang mga kalahok ang papipiliin, isa ang hiya sa mga pwede nang tanggalin sa listahan ng mga pagpapahalagang Pilipino. Nang inihanay rin ang labindalawang pagpapahalagang nabanggit ayon sa kanilang importance rating, ang hiya ang nakakuha ng pangalawa sa pinakamababang iskor pagdating sa value endorsement (Clemente et al. 2008). Idagdag pa na para sa ilang dalubhasa, mas angkop na ituring ang hiya bilang isang damdamin kaysa bilang isang pagpapahalaga (e.g., Jocano 1997).
Upang mapagtibay ang proposisyon na isang pagpapahalaga ang hiya, sinikap naming lalo pang pinuhin ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pagbuo ng isang panukat para rito. Bilang bahagi ng proseso ng pagsubok sa katatagan (reliability) at bisa (validity) ng binuong panukat, tuwiran naming iniugnay ang pagpapalahaga sa hiya sa mga ugali at pagkilos na naaayon sa panuntunan ng lipunan (normative behaviors).
PAGDALUMAT SA HIYA BILANG SIKOLOHIKAL NA KONSEPTO
Maraming paraan upang unawain ang konsepto ng hiya, lalo pa’t posibleng mag-iba ang depinisyon nito depende sa panlaping ikakabit dito (Salazar 1985). Sa halimbawang ibinigay ni Zeus Salazar, magkakaiba ang “mahiyain” (isang ugali), “kahiya-hiya” (isang damdaming dulot ng isang bagay na ginawa ng isang tao), at “manghiya” (isang kilos). Kung susuriin ang ilang naisulat na tungkol dito, lumalabas na tatlo ang kadalasang paraan ng pagdalumat sa hiya: bilang damdamin, ugali, at pamantayan (value) o pagpapahalaga. Bawat isang konseptwalisasyon ay may implikasyon sa pagpapakahulugan sa hiya.
Hiya Bilang Damdamin
Ayon sa ilang akda (e.g., Lynch 1962; Bulatao 1964; Jocano 1997), ang hiya (shame) ay isang negatibo at hindi kanais-nais na emosyon. Ang mga damdamin o emosyon—gaya ng tuwa, lungkot, at galit—ay mga dinamikong reaksyong bunga ng pagtatasa (appraisal) sa personal na kabuluhan ng isang pangyayari o sitwasyon (Scherer 2000). Kung gayon, may sanhi o pinagmumulan ang isang damdamin. Sa kaso ng hiya, nararamdaman ito kapag napagtanto ng isang indibidwal na ang ikinilos niya ay hindi naaayon sa dikta ng lipunan (Lynch 1973) o lumabag ito sa isang obligasyon at mga napagkasunduan (Torres 1985). Maaari ring pagmulan ng hiya ang mga sitwasyong nagbubukas sa sarili na maging target ng panghuhusga at pangungutya mula sa ibang tao (Bulatao 1964). Bahagi ng karanasan ng hiya ang pangamba na madiskubre ng iba ang mga taglay na kahinaan at nagawang kamalian ng sarili.
Itinuturing din ang hiya bilang isang damdaming interpersonal at panlipunan (Salazar 1985; Tabbada 2005). Nararanasan ito sa konteksto ng isang interaksyon, sa harap ng ibang tao, o sa mga sitwasyong isinasaalang-alang ng isang indibidwal ang maaaring maging reaksyon o epekto ng kanyang kilos sa lipunan. Subalit, kung walang pakialam ang isang indibidwal sa magiging ebalwasyon sa kanya ng ibang tao, posibleng hindi siya makaramdam ng hiya. Kadalasan, ang ibang taong ito na nakapagdudulot ng hiya ay yaong mga may kakayahang makaimpluwensya sa pagtingin sa sarili, tulad ng mga magulang o ang lipunan sa pangkabuuan (Bulatao 1964).
Panghuli, madalas na may kaukulang kilos (action tendency) na maaaring kasabay, kasunod, o nauuna sa pagdanas ng partikular na damdamin (e.g., ang paghahanda ng katawan na tumakbo o lumaban kapag nakaramdam ng takot) (Lowe at Ziemke 2011). Ang isang taong nakaramdam ng hiya ay maaaring mapayuko upang itago ang kanyang mukha o lumisan sa sitwasyong nagbunga ng damdaming ito. Kapag ang isang tao ay nahihiya, may mga kilos na hindi maisagawa (e.g., hindi makapagsalita sa harap ng awtoridad, hindi makapagtanghal sa harap ng maraming tao, hindi makapagpahayag ng tunay na nararamdaman, at iba pa). Kung gayon, isang epekto ng hiya ang pagpipigil (inhibition) tulad ng pangingimi, pag-aatubili, o pag-aalinlangan sa pagkilos (Torres 1985; Jocano 1997).
Hiya Bilang Katangian
Bilang katangiang naglalarawan sa isang tao, mas palasak ang paggamit sa “mahiyain” (shy o timid) bilang porma ng hiya. Sa pagdadalumat na ito, ang pagkamahiyain ay isang ugali (trait), isang pattern ng pagkilos at pag-iisip na ipinapamalas ng isang inibidwal at madalang magbago-bago sa mga sitwasyon o panahong kinaroroonan ng indibidwal na ito (Nilsson 2014).
Alinsunod sa tradisyon ng trait approach sa pag-unawa ng pagkatao (personality), masusukat ang pagkamahiyain ng isang indibidwal. Ang bawat indibidwal ay maihahanay ayon sa taas o baba ng kanilang iskor sa panukat; halimbawa, mula sa pinaka-hindi mahiyain hanggang sa pinakamahiyain. Bagama’t itinuturing namin ang hiya bilang isang pagpapahalaga, ang pagbuo ng panukat para rito ay nakahanay sa mga nauna nang inisyatiba ng pagbuo ng mga katutubong panukat para sa ugali. Kabilang dito ang Panukat ng Pagkataong Pilipino (PPP) (Carlota 1997), Panukat ng Ugali at Pagkatao (PUP) (Enriquez at Guanzon-Lapeña 1997), at Masaklaw na Panukat ng Loob (MAPA) (Del Pilar et al. nasa imprenta).
Iba’t iba ang naging pamamaraan sa paglikha ng mga aytem at pagbuo ng mga nasabing panukat. Ang PPP, halimbawa, ay gumamit ng inductive emic approach kung saan ang mga kalahok ay inatasang maglarawan ng (1) kanilang sariling gawi at (2) gawi ng mga taong kanilang gusto at (3) hindi gusto (Guanzon-Lapeña et al. 1998). Sa isang banda, ang PUP naman ay binuo upang masukat ang mga ugali at ilang pagpapahalaga gamit ang lexical approach. Ang mga aytem nito ay hango sa mga kasabihan, salitang makikita sa diksyunaryo, at panayam mula sa mga impormante sa iba’t ibang lalawigan (e.g., Bulacan).
Nakita sa pag-aaral nina Marcia Katigbak et al. (2002) ang posibilidad na maaaring ilapat sa Five-Factor Model (FFM) (McCrae at John 1992) ang 19 na dimensyon ng PPP at 24 na dimensyon ng PUP. Ang FFM ay isang sistematiko at komprehensibong organisasyon ng pagkatao. Kamakailan, sa layong paunlarin ang PPP, sinimulan nina Gregorio E.H. del Pilar et al. (nasa imprenta) ang pagsasagawa ng maka-Pilipinong bersyon ng FFM at pinangalanan ngang MAPA. Ang mga aytem ng MAPA ay naglalayong sukatin ang mga facet o mga ispisipikong ugali na siyang kumakatawan sa limang masasaklaw na ugali ng FFM: openness to experience, conscientiousness, extraversion, agreeableness, at neuroticism.
Sa tatlong panukat na nabanggit, tila ang pagkadimayabang mula sa MAPA (ang tendensya na iwasang ipresenta ang sarili bilang mas mahusay sa iba) (Del Pilar et al. nasa imprenta), pagkamahiyain ng PUP (Enriquez at Guanzon-Lapeña 1997), at pagkamaaalalahanin ng PPP (ang tendensya na iwasang makaabala sa iba) (Carlota 1997) ang mga ugaling pinakamalapit sa hiya na tinutukoy sa kasalukuyang pag-aaral. Gayumpaman, wala sa mga ito ang eksaktong sumusukat sa hiya bilang isang pagpapahalaga. Idagdag pa na tila bihira ang mga nailathalang pananaliksik na nakatuon mismo sa relasyon ng pagkadimayabang, pagkamahiyain, at pagkamaalalahanin sa mga kaukulang damdamin, paraan ng pag-iisip o pagkilos na bunsod nito. Dahil dito, limitado pa ang maaaring mabanggit tungkol sa kung ano ang kayang i-predict ng mga ugaling ito.
Hiya Bilang Isang Pagpapahalaga
Ang pag-aaral na ito ay nakaangkla sa pagdadalumat ni Enriquez (1992) na ang hiya ay isang pagpapahalaga. Matatandaang nauna nang nabanggit na ayon sa Teorya ng Kapwa, isa ang hiya sa labindalawang pagpapahalagang bumubuo sa value structure ng mga Pilipino. Bihira ang ganitong konseptwalisasyon ng hiya kung kaya marapat na linawin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba nito sa dalawang naunang pagdadalumat na natalakay sa itaas.
Kung pagpapahalaga ang hiya, isa itong pamantayan, prinsipyo, o paniniwala na nagsisilbing gabay sa pagkilos ng tao (Schwartz 2006). Naiiba ang mga pagpapahalaga sa ugali o damdamin dahil ang nauna ay laging ninanais o nakabubuti para sa lahat ng tao at sa lahat ng pagkakataon. Walang pagpapahalagang masama at kapag sinunod na prinsipyo sa buhay ang pagkakaroon ng hiya, positibo ang nagiging epekto nito sa kahit saang konteksto (e.g., sa bahay, paaralan, opisina, at iba pa). Hindi tulad ng ugali o damdamin na mas likas sa isang tao (innate) at madalas ay awtomatikong naipapahayag, ang mga pagpapahalaga ay natututunan at maaaring magbago. Ang bawat isang pagpapahalaga rin ay may pinag-uugatang mga pangunahing motibasyon (primary motivation) (Schwartz 2006; Schwartz 2012). Ibig sabihin, bawat isa sa kanila ay nagpapahayag at kumakatawan sa mga pangunahing mithiin sa buhay. Halimbawa, kung mahalaga sa isang tao ang security, pangunahing mithiin niya ang kaligtasan, panlipunang kaayusan, pagkakasundo, at katatagan ng relasyon ng sarili sa ibang mga tao (Schwartz 2006). Sa pagpapakahulugan sa hiya bilang pagpapahalaga, importanteng tukuyin ang pangunahing motibasyon nito.
Batay sa mga nasulat na tungkol sa hiya (e.g., Bulatao 1964; Church 1986; Mataragnon 1987; Enriquez 1992; Tabbada 2005), binigyang-kahulugan namin ito bilang paniniwala na nararapat o mahalagang isaalang-alang ang iniisip at nararamdaman ng ibang tao tungkol sa sarili bago ang ano mang pagkilos, lalo na sa mga kontekstong may normatibo at moral na implikasyon. Pansining sa pagpapakahulugang ito, binibigyang-diin ang katangian ng hiya bilang isang paniniwala o prinsipyo. Ang isang taong may hiya o marunong mahiya (i.e., mataas ang pagpapahalaga sa hiya) ay may pakialam sa magiging ebalwasyon sa kanya ng ibang tao. Mahalagang mabanggit na ang isang taong may hiya ay hindi kinakailangang mahiyain din o mabilis makaramdam ng hiya dahil nga sa magkakaiba ang pagpapahalaga sa ugali at sa damdamin.
Bakit pinahahalagahan ang hiya? Pangunahing motibasyon kasi nito ang kabutihang-asal, ang pagkilos ng tama o naaayon sa panuntunan ng lipunan. Sa termino ng Teorya ng Kapwa (Enriquez 1992), isang accommodative value ang hiya dahil kinakatawan nito ang mithiin ng mga taong panatilihin ang kaayusan ng mga samahan at ng lipunan sa pangkalahatan. Para rin kay Enriquez, may social at moral na aspekto ang hiya, subalit hindi niya gaanong pinalawig ang puntong ito. Sa palagay namin, binibigyang-diin niya rito ang “oughtness” na taglay ng mga pagpapahalaga. Kung gayon, pinagsisikapan ng isang taong may hiya ang kumilos ng naaayon sa inaasahan sa kanya ng ibang tao at ng lipunan, mula sa mga kapamilya at kaibigan hanggang sa mga awtoridad at taong makapangyarihan, dahil ito ang tamang gawin.
Pag-aantas ng Lebel ng Hiya
Isang implikasyon ng pagdadalumat sa hiya bilang isang pagpapahalaga ay maaaring sukatin o antasin ang kahalagahan nito para sa mga tao. Madalas ay batid ng mga tao ang mga prinsipyong pinanghahawakan nila kaya maaari silang direktang tanungin tungkol dito. Kaiba sa mga damdamin na mga panandalian at lumilipas na karanasan, ang mga pagpapahalaga ay mga prinsipyong pinanghahawakan sa mahaba-habang panahon (e.g., Jin at Rounds 2012; Lönnqvist et al. 2013). Katulad ng mga ugali, maaaring ihanay ang mga indibidwal ayon sa antas ng pag-endorso nila sa sa hiya (endorsement of value importance), mula sa mga walang hiya (i.e., mababa ang pagpapahalaga sa hiya o mababa ang pag-endorso sa hiya bilang pamantayan sa kanyang buhay) hanggang sa mga may hiya.
Isang halimbawa ng mahusay na panukat ng mga unibersal na pagpapahalaga na madalas gamitin sa mga kros-kultural na pag-aaral ang Portrait Values Questionnaire (PVQ) (Schwartz et al. 2001). Sa PVQ, hindi direktang tinatanong ang kalahok ng kahalagahan ng isang pamantayan sa kanyang buhay (rate the importance of each value as a guiding principle in your life). Sa halip, tinatanong ang kalahok na ikumpara ang isang portrait (paglalarawan ng mga mithiin sa buhay ng isang tao) sa sarili, kung saan ang paghahambing ay nakapokus sa mithiing nakasaad sa aytem (e.g., kung mahalagang isaalang-alang ang opinyon ng iba) at hindi sa ugali ng isang tao (e.g., kung mahiyain siya o hindi). Tiniyak nila na sa pagbuo ng PVQ, pwede itong magamit sa mga batang kalahok at mga kalahok sa labas ng Estados Unidos ng Amerika at Europa (Schwartz 2012).
RELASYON NG PAGPAPAHALAGA SA MGA UGALI
Ang bisa (validity) ng hiya bilang isang pagpapahalaga ay nakasalalay sa dalawang bagay: (1) may patunay na iba ito sa mga sikolohikal na konsepto na kahawig nito at (2) may kakayahan itong magpaliwanag ng kilos o ng isang sikolohikal na penomena (e.g., Cronbach at Meehl 1955; Comrey 1988; Hinkin 1995; Dawis 2000). Ang pruweba sa unang punto ay batay sa istatistikal na relasyon ng hiya sa iba pang individual difference variable (e.g., ugali): kung mababa ang korelasyon nila sa isa’t isa, may sapat na basehan para sabihing bagama’t may overlap sa mga feature nila bilang mga konsepto, mas mataas pa rin ang antas ng pagkakaiba nila. Kaugnay nito, ang pruweba para sa ikalawang punto ay batay sa variance na kayang ipaliwanag ng hiya kumpara sa kayang ipaliwanag ng ibang mga predictor tulad ng mga ugali. Kung kayang ma-predict ng hiya ang isang kilos (e.g., pagsunod sa mga batas) nang iba at higit pa (over and above) sa nape-predict ng mga ugali, may malinaw na kontribusyon ito bilang paliwanag ng kilos na hindi naipapaliwanag ng mga ugali.
May ilang pag-aaral nang naghambing sa mga pagpapahalaga at mga ugali (e.g., Roccas et al. 2002; Olver at Mooradian 2003; Parks-Leduc et al. 2015). Ang mga teoryang kadalasang sinusubok ay ang theory of basic values ni Shalom Schwartz (2006) at ang FFM ng pagkatao (e.g., McCrae at John 1992). Ang parehong teoryang ito ay nagmumungkahi ng komprehensibong mga sangkap na bumubuo ng pagkatao. Sa mga pag-aaral na nabanggit, konsistent ang mga resulta sa pagsasabing may sistematikong kaugnayan man ang mga pagpapahalaga at ugali (i.e., significant ang korelasyon sa pagitan nila), “conceptually distinct” pa rin ang dalawang ito (i.e., hindi mataas ang korelasyon sa pagitan nila).
Para sa kasalukuyang imbestigasyon, pinili naming pag-ugnayin ang hiya at mga ugali, partikular na ang agreeableness at social desirability (SD). Ang agreeableness (na kabaligtaran ng antagonism) ay isang inklinasyon tungo sa pagmintina ng positibong relasyon sa ibang tao. Malapit sa ideya nang “mabait na tao” ang pagiging agreeable. Ang mga indibidwal na mataas sa dimensyong ito ay kadalasang mataas ang tiwala sa ibang tao (trusting); tapat at mapagkakatiwalaan (straightforward); may konsiderasyon sa iba at matulungin (altruistic); masunurin, mahinahon, at hindi agresibo (compliant); at mapagkumbaba (humble). Ang mga mas antagonistic ay matigas ang ulo (hardheaded), mapagduda (skeptical), mayabang (proud), palaban (hostile), at competitive (McCrae at Costa 2003).
Sa isang meta-analysis, napag-alamang may katamtamang korelasyon ang agreeableness sa mga pagpapahalaga tulad ng conformity at tradition (Parks-Leduc et al. 2015). Pangunahing motibasyon ng conformity ang kahinahunan sa pagkilos upang maiwasan ang makapanakit ng iba at makalabag sa inaasahan ng ibang tao, samantalang motibasyon ng tradition ang pagrespeto at pagpapanatili ng mga nakaugalian at kalakaran ng lipunan. Ang mga motibasyong nabanggit ay tila sinasalamin rin ng hiya. Kung gayon, inaasahang magkakaroon din ng korelasyon ang hiya sa agreeableness.
Ang SD naman ay ang tendensyang ipresenta at ilarawan ang sarili sa isang positibong paraan (Lönnqvist et al. 2007). Pansining itinuturing namin ang SD bilang isang ugali (i.e., bahagi ng pagkatao), at hindi bilang isang paraan ng pagsagot ng mga panukat (i.e., response style) na kailangan kontrolin (Schwartz et al. 1997; Lönnqvist et al. 2007; De Vries et al. 2014). Maaaring sadya o conscious ang isang indibidwal sa tendensya niyang ito (i.e., impression management) at maaari rin namang hindi niya namamalayang ginagawa pala niya ito (i.e., self-deceptive enhancement). Ang aspekto ng SD na impression management (IM) ay nakitang may positibong korelasyon sa agreeableness at honesty-humility (De Vries et al. 2014). Kung gayon, ang mga nagsasabing mataas sila sa IM ay karaniwang inilalarawan ang sarili nilang umiiwas sa pagsisinungaling, panloloko, at iba pang status-oriented misdemeanor.
Tulad ng agreeableness, positibo rin ang korelasyon ng SD sa mga conformity at tradition value (Schwartz et al. 1997). Para kina Schwartz at sa kanyang mga kasama, may kinalaman sa pagsisikap makakuha ng approval ang SD. Layunin ng pagkilos sa isang socially desirable na paraan ang pagpapanatili sa status quo. Dahil dito, mainam na kandidato ang agreeableness at SD bilang mga ugaling ihahambing sa hiya dahil pinag-uugnay sila ng magkakatulad na motibasyon.
RELASYON NG PAGPAPAHALAGA SA MGA SALOOBIN AT KILOS
Nabanggit kaninang importante sa pagtakda ng bisa ng hiya ang pagpapatunay na may kakayahan itong mag-predict ng kilos. Kung hindi man direktang masusukat ang mga aktwal na pagkilos, nagsisilbing proxy sa mga ito ang pagsukat ng mga saloobin (attitude) at pagtingin ng isang indibidwal sa isang partikular na kilos, tao, bagay, pangyayari, at iba pa (Ajzen 1991). Kung pabor ang isang estudyante sa isang kilos (i.e., positibo ang saloobin niya sa isang kilos) tulad ng pangongopya sa eksam, mataas ang probabilidad na magtatangka siyang gawin ito.
May mga saloobin at kilos na itinuturing na value-expressive (e.g., Maio at Olson 1995; Bardi at Schwartz 2003) o mga tahasang manipestasyon ng mga prinsipyong pinanghahawakan. Halimbawa nito ang pagiging magalang at masunurin sa mga nakatatanda bilang mga kilos na direktang nagpapahayag ng pagtataguyod sa conformity (i.e., mataas ang importance rating dito). Dahil dito, madalas nagiging konsistent ang mga pinanghahawakang prinsipyo, saloobin, at pagtingin sa isang kilos, at ang mismong kilos na isinasagawa ng isang tao.
Madami-dami na rin ang nag-aral tungkol sa ugnayan ng mga pagpapahalaga at iba’t ibang saloobin, mula sa mga saloobin at pagtingin sa mga pagkaing genetically-modified (e.g., Dreezens et al. 2005) hanggang sa mga saloobin tungkol sa immigration (e.g., Davidov et al. 2008). Sa kabilang banda, nakikitang ginagamit ang mga pagpapahalaga upang makatulong sa paggawa ng mga desisyon: ang mga prinsipyo sa buhay ang nagiging basahen sa pagtatasa kung alin sa mga pagpipiliang kilos ang mas importante o dapat unahin at makapagdudulot ng pinakakaakit-akit na resulta (Schwartz 2006). Ilan sa mga desisyong nakitaan ng impluwensya ng mga pagpapahalaga ang pagboto sa eleksyon (e.g., Schwartz et al. 2010), pangangalaga sa kalikasan (e.g., Schwartz et al. 2005), at pagtulong sa kapwa (e.g., Schwartz 2010).
Para sa kasalukuyang imbestigasyon, sinubok namin ang proposisyong may inhibitory function ang hiya (e.g., Enriquez 1992; Tabbada 2005). Dahil pangunahing layunin ng hiya na gabayan ang isang taong kumilos nang naaayon sa dikta ng lipunan, ang mga indibidwal na may hiya ay magiging mas maingat sa kanilang pagkilos. Iiwasan nila dapat ang paglabag sa mga inaaasahan sa kanila ng mga tao. Sa madaling sabi, ang mga may hiya ay may mababang probabilidad na gumawa ng hindi kanais-nais o hindi nararapat. Aasahang mapapanatili ang maayos na samahan at natitiyak na natutupad ang mga napagkasunduan. Samakatwid, ang mga indibidwal na may hiya ay aasahang mas kakaunti ang maitatalang paglabag sa mga panuntunan ng lipunan (norm violation).
ANG KASALUKUYANG PAG-AARAL
Alinsunod sa nauna nang pagdalumat sa konsepto (e.g., Enriquez 1992), ang (pagkakaroon ng) hiya ay isang pagpapahalaga—isang paniniwala o prinsipyong gumagabay sa kilos. Kung isang pagpapahalaga nga ang hiya, paano ngayon ito maaaring sukatin? Sa pagkakaalam namin, wala pang nailathalang pag-aaral na sumubok bumuo ng panukat ng hiya bilang isang pagpapahalaga. Kaugnay nito, madalas ding ang mga pag-aaral sa Pilipinas tungkol sa mga pagpapahalaga ay nakatuon sa pag-unawa ng istruktura ng ugnayan ng mga ito (e.g., Talisayon 1994; Clemente et al. 2008; Billedo et al. 2011; Bernardo et al. 2014) at bihira ang mga sumusuri sa mga sikolohikal na penomenang kaya nitong i-predict (e.g., Santos 2012). Ano nga kaya ang relasyon ng hiya sa mga ugali, saloobin, at kilos?
Dahil inihahanay namin ang kasalukuyang pag-aaral sa mga mas nomotetiko at kros-kultural na tradisyon sa pagsusuri ng mga pagpapahalaga (e.g., Schwartz et al. 2001; Roccas et al. 2002; Schwartz 2012), mahalagang hakbang ang pagbuo ng panukat ng hiya para sa paglinang at pagpapalawig ng nomological network nito (Cronbach at Meehl 1955). Kung kakayanin nang antasin o sukatin ang lebel ng hiya ng isang tao, magbibigay-daan ito sa mga kwantitatibong paghahambing ng hiya sa iba pang sikolohikal na konseptong kamag-anak nito. Magbibigay-daan din ito sa mga pag-aaral na magpapakita ng ebidensya ng kakayahan ng hiya na mag-predict ng iba pang mga sikolohikal na konsepto; halimbawa, mga imbestigasyong sumusuporta sa proposisyong ginagabayan ng hiya ang mga kilos, damdamin, at desisyon.
Dalawa ang pangunahing layunin ng papel na ito: (1) bumuo ng isang matatag at mabisang Panukat ng Hiya bilang isang Pagpapahalaga (PHP) at (2) tukuyin ang empirikal na kaugnayan ng hiya sa mga ugali, saloobin, at kilos na normative-moral. Isinakatuparan namin ang dalawang layuning ito sa pamamagitan ng magkahiwalay na pag-aaral. Sa parehong pag-aaral, sumagot ng online questionnaire ang mga kalahok. Sinunod namin ang mga mungkahing hakbang sa pagbuo ng isang panukat (e.g., Comrey 1988; Hinkin 1995; Dawis 2000): (a) paglikha ng mga aytem; (b) pagpili ng mga aytem na bubuo sa iskala; at (c) pagtatasa sa katatagan at bisa ng panukat.
Batay sa mga naunang pag-aaral, inasahan naming magkaugnay (correlated) subalit may pagkakatangi pa rin (distinct) ang hiya sa mga ugaling tulad ng agreeableness at SD. Inasahan din naming negatibo ang relasyon ng hiya sa mga norm violation at saloobin patungkol sa mga pagkilos na morally debatable. Ibig sabihin, ang mga kalahok na may hiya ay may mas mababang probabilidad na lumabag sa batas at mga panuntunang napagkasunduan ng lipunan.
UNANG PAG-AARAL: PAGBUO NG PHP
Sa bahaging ito ng kasalukuyang pag-aaral, nilikha ang mga panimulang aytem na siyang bumuo sa unang bersyon ng PHP. Nagkaroon muna ng pilot test sa preliminaryong porma ng mga aytem. Sinundan ito ng isa pang mas pormal na pagtatasa ng katatagan ng panukat. Ang nirebisang bersyon ng PHP na bunsod ng pag-aaral na ito ang siya namang ginamit sa ikalawang pag-aaral.
Kalahok
Lahat ng mga kalahok sa pag-aaral na ito ay boluntaryong pumayag na sumagot ng isang online questionnaire. Napili sila sa pamamagitan ng nonprobability sampling. Limampu’t tatlong (53) kalahok (37 ang babae, 14 ang lalake, 2 ang hindi nag-ulat ng kasarian) ang sumali sa pilot test. Halos lahat sila ay nakatapos na ng kolehiyo habang may dalawang kalahok na mga di-gradwadong mag-aaral. Nasa pagitan ng 17-61 taon ang kanilang mga edad (2 ang hindi nag-ulat ng edad). Nakatira silang lahat sa Kalakhang Maynila.
Para sa sumunod na pormal na pagtatasa ng mga nirebisang aytem, 105 di-gradwado at gradwadong mag-aaral mula sa isang pribadong pamantasan sa Maynila ang lumahok. Nasa pagitan ng 19-27 taong gulang ang mga kalahok. Nakatanggap sila ng insentibo mula sa kanilang mga guro para sa kanilang partisipasyon.
Pagsasagawa ng Pananaliksik
Paglikha ng mga Aytem
Ayon sa mungkahi ng ilang mananaliksik (e.g., Comrey 1988; Hinkin 1995; Dawis 2000), mahalaga sa paglikha ng mga aytem ang malinaw na depinisyon ng konseptong susukatin. Sa pamamagitan ng masaklaw na rebyu ng literatura, nabuo ang mga aytem mula sa ilang katutubong panukat ng ugali ng mga Pilipino (e.g., Guanzon-Lapeña et al. 1998). Dahil dito, nagmula ang depinisyon ng hiya at maging ang mga aytem na susukat dito mula sa mga nakalap naming naunang pag-aaral tungkol sa hiya. Nilimitahan lang namin ang rebyu sa mga nailathalang pananaliksik. Saklaw ng mga ito ang iba’t ibang paraan ng padadalumat sa hiya (Lynch 1962; Bulatao 1964; Lynch 1973; Salazar 1985; Torres 1985; Church 1986; Mataragnon 1987; Enriquez 1992; Jocano 1997; Tabbada 2005). Mula sa mga ito, binigyang-kahulugan namin ang hiya bilang isang paniniwalang mahalagang isaalang-alang ang iniisip at nararamdaman ng ibang tao tungkol sa sarili bago ang ano mang pagkilos, lalo sa mga kontekstong may normative-moral na implikasyon.
Pagkatapos mapagkasunduan ang kahulugan ng hiya bilang pagpapahalaga, nagkanya-kanya kami sa pagsulat ng mga aytem. Ginamit naming batayan ang PVQ (Schwartz et al. 2001) para sa porma ng mga ito. Ang bawat aytem sa PVQ ay isang verbal portrait, mga kongkretong paglalarawan ng mga mithiin o pangarap ng isang tao nang hindi tuwirang binabanggit ang pagpapahalagang sinusukat. Halimbawa, ang aytem na “Importante para sa kanya ang yumaman. Gusto niyang magkaroon ng maraming pera at mamahaling gamit (It is important to him to be rich. He wants to have a lot of money and expensive things)” ay naglalarawan ng isang taong nagpapahalaga sa kapangyarihan (power). Kung gayon, ang mga aytem sa PHP ay mga verbal portrait din. Naglalarawan sila ng mga mithiin o layon ng isang taong may (mataas na pagpapahalaga sa) hiya.
Apat ang naging konsiderasyon namin sa pagsulat ng aytem. Una, kung mapapansin, binubuo ng dalawang pahayag o pangungusap ang isang verbal portrait. Ang ganitong porma ng mga aytem ay gumagana sa at nauunawaan ng mga kabataan (e.g., mga estudyanteng nasa hayskul at kolehiyo). Nagamit na ang PVQ sa ilang pag-aaral sa Pilipinas (e.g., Bernardo et al. 2014). Dahil panimulang bahagi pa lamang ito ng pagbuo ng panukat ng hiya at tinantya pa namin kung aling porma ang pinakamainam para sa aming mga layunin, napagpasyahan naming isulat ang mga verbal portrait para sa hiya gamit ang isa hanggang dalawang pangungusap. Ikalawa, tiniyak naming kongkreto ang mga sitwasyon at paglalarawang pinabasa namin sa mga kalahok para madali itong sagutin. Ikatlo, sinikap naming magsulat ng mga aytem na reverse-coded para maiwasan ang pag-uulit-ulit ng mga portrait. Ikaapat, bagama’t ang pagpapakuhulugan namin sa hiya ay nakabatay sa iniisip at nararamdaman ng ibang tao (generalized other), nagsama rin kami ng mga aytem patungkol sa mga taong mas malapit sa mga kalahok, tulad ng pamilya at mga kaibigan.
Pagkatapos naming pagsama-samahin ang mga sinulat naming aytem, sinuri namin kung alin ang mga magkakatulad o masyadong magkakalapit sa isa’t isa. Napagkasunduan naming sapat na ang dalawampu’t limang (25) aytem upang ganap na mailarawan ang isang taong may hiya (o walang hiya).
Pilot Test
Nagsagawa kami ng pilot test upang matiyak naming (a) malinaw at madaling maintindihan ang mga aytem at (b) nasaklaw ng mga aytem ang iba’t ibang sitwasyon kung kailan itinuturing na mahalaga ang pagkakaroon ng hiya. Para sa bahaging ito, nagtanong kami ng mga kakilala na malugod na pumayag na sumagot ng isang online survey. Ipinaliwanag namin kung para saan ang pag-aaral, in-e-mail sa kanila ang link ng palatanungan, at tinanong sila pagkatapos kung may mga pahayag o salitang malabo at mahirap sagutin.
Narito ang panutong binasa ng mga kalahok: “Sa bahaging ito, maglalarawan kami ng ilang tao. Pakibasa ang mga deskripsyon sa kanila at pag-isipan mo kung katulad o kapareho mo ang taong inilalarawan ng bawat aytem.” Inantas nila ang mga pahayag gamit ang sumusunod na iskala: 1 = hinding-hindi ako ‘yan; 2 = hindi ako ‘yan; 3 = ako ‘yan nang kaunti; 4 = medyo ako ‘yan; 5 = ako ‘yan; at 6 = akong-ako ‘yan. Bago isagawa ang analysis, ni-reverse muna ang iskor ng mga aytem na negatibo ang pagkakasulat (negatively-worded). Pagkatapos ay kinuha ang mean ng iskor para sa sagot sa lahat ng aytem ng bawat isang kalahok. Kapag mataas ang iskor, nangangahulugang may hiya o mataas ang pagpapahalaga ng kalahok sa hiya.
Dagdag pa rito, binigyan ang mga kalahok ng opsyon kung gusto rin nilang magbigay ng maiigsing sagot para sa mga sumusunod: (1) Magbigay ng mga sitwasyon kung kailan masasabi mong mahalaga ang may hiya. (2) Kailan ka nakakaramdam ng hiya? (3) Magbigay ng mga katangian ng taong walang hiya. Upang tasahin ang content validity ng panukat (Cronbach at Meehl 1955), sinuri namin ang mga sagot sa unang tanong, na siyang direktang may kinalaman sa dalumat na pagpapahalaga ang hiya.
Pormal na Pagtatasa ng Katatagan ng Panukat
Ipinadala namin ang online link ng panukat sa ilan sa mga kakilala naming guro na nagtuturo ng mga di-gradwado at gradwadong klase sa sikolohiya upang hikayatin ang kanilang mga estudyanteng lumahok sa pag-aaral. Sa unang pahina ng online questionnaire, binasa muna ng mga estudyanteng boluntaryong lumahok ang ilang panuto hinggil sa panukat. Nagbigay rin sila ng kanilang consent. Pagkatapos ay inantas nila ang 25 aytem gamit ang iskala na nabanggit na sa pilot test. Nakasaad sa huling bahagi ng palatanungan ang mga layunin ng pag-aaral, pati na rin ang e-mail namin kung sakaling may tanong o paglilinaw ang mga kalahok. Pagkatapos naming kunin ang mean ng iskor para sa sagot sa lahat ng aytem ng bawat isang kalahok, nagpatuloy na kami sa pagtatasa ng reliability at istruktura ng mga aytem gamit ang exploratory factor analysis (EFA).
Ang EFA ay isang matematikong pamamaraan ng pagtukoy kung may istruktura ang ugnayan (correlation) na namamagitan sa mga aytem sa isang panukat. Madalas itong gamitin upang malaman kung iisang salik o konsepto (factor) lamang ang ipinapahiwatig ng mga iskor sa mga aytem o higit pa sa isa (Reynolds at Livingston 2013). Sa madaling sabi, hinahanap ng EFA ang mga aytem na may mataas na ugnayan sa isa’t isa (e.g., kayang i-predict ng aytem 1 ang mga iskor sa aytem 2 pero hindi ng mga iskor sa aytem 3; kung ganoon, mataas ang ugnayan ng aytem 1 at 2). Pagsasama-samahin ng EFA ang mga aytem na mataas ang ugnayan sa isa’t isa at ihahanay sila sa partikular na factor kung saan sila nabibilang. Sa kasalukuyang pag-aaral, dahil makitid ang pagdalumat namin sa konsepto ng hiya at nakaangkla ang lahat ng mga binuong aytem ng PHP sa partikular na depinisyong inilahad sa itaas, inasahan naming unidimensional o iisang salik lang ang pumapailalim sa lahat ng mga aytem (Clark at Watson 1995). Ibig sabihin, inasahan naming mataas ang ugnayan ng lahat ng mga aytem ng PHP sa isa’t isa at pagsasamahin sila ng EFA upang bumuo ng iisang factor lamang (i.e., hiya).
Malaki ang papel ng EFA sa mga pag-aaral ng mga kakayahan at pagkatao, lalo na sa proseso ng pagbuo ng mga panukat para sa kanila (e.g., Meyers et al. 2013). Maaari kasing ipakita ng resulta ng EFA kung anong mga aytem ang pwede nang hindi isama sa pinal na bersyon ng isang panukat dahil mababa ang ugnayan nito sa mga factor na lumabas. Sa kabilang banda, makikita rin kung minsan sa EFA na higit na sa kailangan ang mga aytem na sumusubok sukatin ang isang factor, dahil masyado naman silang magkakaugnay na tila paulit-ulit na lang ang mga tanong at na mas magiging mabisa pa ang panukat kung mas kaunti ang aytem para sa partikular na salik na iyon. Maaari ring matukoy sa resulta ng EFA kung may mga subscale ang isang iskala (i.e., higit sa isang factor ang pumapailalim sa isang konsepto). Halimbawa, gamit ang EFA, nakita sa ilang pag-aaral ng social desirability na dalawang salik ang bumubuo nito: ang impression management at self-deception (e.g., Schwartz et al. 1997). Mahalagang tandaang ang resulta ng EFA ay isang gabay lamang sa pagbuo at pagtatasa ng isang panukat. Sa huli, nakasalalay pa rin ang pinal na bersyon ng panukat sa kung ano ang akma ayon sa layunin ng mga mananaliksik, ano ang siyang idinidikta ng teorya, at sa marami pang pag-aaral na siyang kukumpirma sa tatag at bisa ng mga aytem (Clark at Watson 1995; Comrey 1988; Myers et al. 2013).
Resulta at Diskusyon
Layunin ng unang pag-aaral na ito na makalikha ng mahuhusay na aytem para sa PHP. Ang unang batayan ng kahusayan ay ang katatagan (reliability) ng panukat. Mula sa pilot test, masasabi nang matatag ang iprinisentang 25 aytem sa mga kalahok (α = 0.88). Ayon sa mga naunang sumagot ng panukat, malinaw ang mga pahayag at madali nilang naunawaan ang mga ito. Batay naman sa pahapyaw na pagsusuri ng ilang sagot hinggil sa mga sitwasyon kung kailan masasabing mahalaga ang hiya (hindi lahat ng kalahok ay sinagot ito), masasabi ring malawak na ang saklaw ng mga aytem upang ilarawan ang isang taong may hiya. Ilan sa mga sitwasyong nabanggit ng mga kalahok ang mga sumusunod: mga pagkakataong kaharap mo ay estranghero, may awtoridad, matatanda, at mga taong mas mataas sa iyo; sa pampublikong konteksto; kung kukuha ng bagay na hindi iyo kahit walang nakakakita; sa pakikisalamuha sa tao o sa pagtitipon; sa harap ng mga magulang, at iba pa. Ang lahat ng mga sitwasyong ito ay naisali na sa mga aytem na nabuo (tingnan ang Hanayan 1). Dahil may paunang ebidensya na sa tatag at kasapatan ng bilang ng mga aytem, wala nang binago sa mga ito.
Sa mas pormal na pagtatasa ng panukat, kung saan mas marami at mas magkakatulad ang mga kalahok (i.e., mga estudyante ng pamantasan), lumabas pa ring matatag ang panukat (α = 0.92). Una muna naming sinuri ang lawak (range) ng mga iskor ng mga kalahok, at lawak ng mga sagot sa mga aytem (variability). Makikita sa Hanayan 2 na hindi nagkakalayo ang mga lawak ng mga sagot sa bawat aytem sa isa’t isa base sa standard deviation (s.d.). Mapapansin ding sa bawat aytem ay may sumagot ng pinakamababa (minimum) at pinakamataas (maximum) sa iskala. Sa kabuuan, nasa bandang gitna ng iskala (3 = ako ‘yan nang kaunti) ang mean (M) ng kabuuang iskor ng mga kalahok (M = 2.84, s.d. = 0.90).
Pagdating sa usapin ng lawak ng sagot ng mga kalahok, napansin ng ilang mga mananaliksik na dahil ang mga pagpapahalaga ay laging ninanais o nakabubuti para sa lahat ng tao at sa lahat ng pagkakataon (e.g., Schwartz 2003, 2006), sa kabuuan ay mataas ang pag-endorso ng mga kalahok sa mga aytem (pansinin na nakasaad sa mga aytem ang mga salitang “mahalaga para sa kanya…” at “importante para sa kanya…”). Na may mga aytem sa PHP na nakakuha ng mababang mean pagdating sa pag-endorso sa kanila (e.g., 2 = hindi ako ‘yan) ay konsistent sa isang pag-aaral kung saan nakitang mababa ang importance rating na ibinigay ng mga kalahok sa hiya kumpara sa iba pang mga pagpapahalaga (Clemente et al. 2008). Kung gayon, bagama’t pagpapahalaga ang hiya, para sa partikular na mga kalahok na ito sa kasalukuyang pag-aaral, maaaring hindi lubusang importante para sa kanila ang hiya.
Hanayan 1. Rotated Structure Matrix ng Unang Bersyon ng PHP
Pagkatapos ng Factor Analysis
Hanayan 2. Lawak ng mga Iskor ng mga Kalahok at
Lawak ng mga Sagot sa mga Aytem
Dahil iisang konsepto lang naman ang binalak sukatin, inasahan naming homogenous ang mga aytem at na iisang factor lamang ang pumapailalim sa kanila. Sa madaling sabi, inasahan naming unidimensional ang panukat. Upang matiyak ito, sunod naming isinagawa ang EFA.
Batay sa rekomendasyon ng ilang mananaliksik (e.g., Meyers et al. 2013), nakaulat dito ang resulta ng principal axis factoring. Lumabas na may limang factor ang may eigenvalue na higit sa 1.00. Kayang maipaliwanag ng limang ito ang 71.12% ng total variance. Sinubukan namin ang 5-, 4-, 3-, at 2-factor solutions. Ngunit mula na rin sa inspeksyon ng scree plot, mukhang pinakamakahulugan ang 3-factor solution, na kayang magpaliwanag ng 57.49% ng total variance. Gamit ang promax rotation with Kaiser normalization, nakitang mataas ang ugnayan (correlation) ng Factor 1 at 2 (r = 0.61), samantalang mababa ang ugnayan ng nauna (r = -0.20) at nahuli (r = 0.16) sa Factor 3.
Kung susuriin ang Hanayan 1, ang isang posibleng paliwanag sa pagkakagrupo ng mga aytem ay mula sa mismong porma nila. Maliban sa aytem 11, lahat ng napasailalim sa Factor 1 ay mga verbal portrait na katulad ng porma ng PVQ; dalawang pangungusap ang bawat portrait. Sa kabilang banda, lahat ng nasa Factor 2 ay mga paglalarawan na gumamit ng isang pahayag lamang. Lahat naman ng kabilang sa Factor 3 ay mga aytem na reverse-coded. Idagdag pa na kung ang 2–factor solution ang pagbabatayan, nagsama-sama sa isang factor ang mga reverse-coded na aytem samantalang sa isa namang factor ang mga hindi. Sa puntong ito, kung gayon, mas kumikiling kami sa proposisyong unidimensional ang PHP (i.e., lahat ng mga aytem ay sumusukat sa hiya kung paano ito binigyang-kahulugan). Ang ano mang pagsasama-sama ng mga aytem ay marahil bunga ng paraan ng pagsulat sa kanila at hindi ng magkakaibang dimensyong pumapailalim sa konsepto.
Bunsod nito, napagkasunduan naming gumamit na lamang ng iisang porma para sa mga portrait. Lahat ng dalawampu’t limang aytem na ginamit sa ikalawang pag-aaral ay tig-isang pahayag na lamang. Tingin namin mas nakatulong sa mga kalahok ang pinaikli at simpleng PHP, lalo pa na sa sumunod na pag-aaral ay nadagdagan ang mga iskalang sinagutan nila. Isa pang bentahe ng rebisyong ito ay na kung sakaling may makahulugang dahilan nga sa likod ng pagsasama-sama ng mga aytem, hindi lang ang anyo nila ang magiging posibleng dahilan.
Nakita sa unang pag-aaral na ito na mataas ang internal consistency ng unang bersyon ng PHP. Ganito pa rin kaya ang magiging kalalabasan para sa nirebisang bersyon nito? Dagdag dito, pagkatapos mapakita ang katatagan ng panukat, ano ang ebidensya para sa bisa nito? Sinubukan naming sagutin ang mga ito sa ikalawang pag-aaral.
IKALAWANG PAG-AARAL: PAGTATASA NG KATIBAYAN AT BISA NG PHP
Pagkatapos mabuo ang unang bersyon ng PHP, sinikap ng pag-aaral na ito na lalo pang paghusayin ang katatagan ng panukat. Dagdag dito, sinubok din ang husay ng PHP sa pamamagitan ng pagpapatunay na ang sinusukat nitong konsepto ay iba sa mga sikolohikal na konseptong kahawig nito at na may kakayahan itong magpaliwanag ng iba’t ibang sikolohikal na penomena tulad ng mga saloobin at kilos.
Kalahok
403 di-gradwadong mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo at pamantasan ang boluntaryong lumahok sa pag-aaral. Napili sila sa pamamagitan ng nonprobability sampling. May limang estudyanteng nagsumite ng hindi kumpletong datos kaya 398 ang kabuuang bilang ng mga kalahok na sinama sa analisis (228 ang mga babae, 170 ang mga lalake). Nasa pagitan ng 16-31 taong gulang ang edad ng mga kalahok (M = 18.86, SD = 1.80). Lahat sila ay nakatanggap ng insentibo mula sa kanilang mga guro para sa kanilang partisipasyon.
Panukat
Ipinadala namin ang link ng online questionnaire sa mga kakilala naming guro. Hinikayat nila ang kanilang mga estudyante na lumahok. Bukod sa mga panukat, laman din ng palatanungan ang informed consent, mga tanong tungkol sa demographic profile ng mga sumagot, at sa huli, paliwanag ng mga layunin ng pag-aaral. Ang pagsagot sa online questionnaire ay tumagal mula 12 hanggang 30 minuto. Sinagutan ng mga kalahok ang mga sumusunod na panukat:
Panukat ng Hiya bilang isang Pagpapahalaga (PHP)
Pinasagot sa mga kalahok ang 25 aytem ng PHP. Kinumpara nila ang bawat portrait o paglalarawan ng isang taong may hiya sa kanilang mga sarili. Kaiba sa naunang pag-aaral, tig-isang pangungusap ang bawat pahayag para magkakatulad ang porma nilang lahat. Inantas ng mga kalahok ang mga aytem gamit ang isang iskala (1 = hinding-hindi ako ‘yan, 6 = akong-ako ‘yan; α = 0.82). Ang mataas na iskor sa panukat ay nangangahulugang mataas ang pagpapahalaga sa hiya ng kalahok.
Agreeableness. Hango mula sa short form ng MAPA ang sampung aytem na sumukat sa agreeableness (Del Pilar et al. nasa imprenta). Ang MAPA ay isang katutubong panukat na nilikha upang sukatin ang limang masasaklaw na ugaling kabilang sa FFM ng pagkatao (personality) (McCrae at John 1992). Ang ilan sa mga aytem na kabilang sa dimensyon ng agreeableness (inklinasyon tungo sa pagmintina ng positibong relasyon sa ibang tao) ay ang pagkadimayabang (“Hindi importante sa akin na malaman ng iba na mas magaling ako sa kanila”), pagkamapagtiwala (“Naniniwala ako na ang karamihan ng mga tao ay nagsasabi ng totoo”), pagkamaunawain (“Madali kong tinatanggap ang mga dahilan ng ibang tao sa kanilang mga pagkakamali”), at pagkamapagparaya (“Naiinis ako kapag inuunang pagsilbihan ang ibang tao kaysa sa akin,” reverse-coded).
Pagkatapos i-reverse-code ang ibang aytem, kinuha ang mean ng iskor para sa sagot sa lahat ng aytem ng bawat isang kalahok. Kapag mataas ang pag-aantas sa aytem, nangangahulugang agreeable ang isang tao (1 = lubos na di sumasang-ayon, 5 = lubos na sumasang-ayon; α = 0.72).
Social Desirability (SD). Hango rin mula sa MAPA ang labindalawang aytem na sumukat sa tendensya na ipresenta at ilarawan ang sarili sa isang positibong paraan (Cagasan 2015). Muli, itinuring naming ugali ang SD at hindi isang response–tendency. Kabilang dito ang pag-ayon ng mga kilos batay sa kung ano ang katanggap-tanggap sa lipunan (“Ni minsan ay hindi ko sinuway ang aking mga magulang;” “Ako ay huwarang mamamayan”) at maging ang tendensya ng isang taong magsinungaling (“May mga pagkakataon na nagpapanggap ako na gusto ko ang isang tao,” reverse-coded). Tulad ng unang dalawang panukat, ni-reverse code muna ang ibang aytem at saka kinuha ang mean ng iskor para sa bawat kalahok. Inantas ang mga aytem gamit ang iskalang tulad ng sa agreeableness (α = 0.74).
Saloobin Tungkol sa Iba’t Ibang Isyu
Isang paraan para malaman kung ano ang pananaw ng isang tao tungkol sa kung ano ang nararapat, patas, at makatuwiran ay sa pamamagitan ng pag-alam ng kanyang “moral tolerance” (Katz et al. 1994). Kaugnay nito, sinukat namin ang mga saloobin ng mga kalahok sa iba’t ibang kontrobersyal at pinagtatalunang isyu. Inangkop namin ang Morally Debatable Scale (Katz et al. 1994; Vauclair at Fischer 2011) para alamin ang mga pananaw ng kalahok sa dalawang domeyn: (1) mga isyung personal at sekswal (i.e., euthanasia, prostitution, homosexuality, divorce, abortion, at suicide) at (2) mga isyung may kinalaman sa pandaraya at paggawa ng mga ilegal at maling kilos (i.e., pagtanggap ng lagay o suhol, pag-angkin ng benepisyo mula sa gobyerno na hindi sa iyo, pag-iwas sa pagbayad ng pamasahe, at pandaraya sa pagbayad ng buwis). Nakatuon ang mga naunang isyu sa mga saloobin tungkol sa mga kalayaang dapat tinatamasa ng mga tao, samantalang ang nahuli ay nakapokus sa ideya nila ng katarungan at pagsunod sa obligasyon sa lipunan.
Tinanong ang mga kalahok kung gaano pwedeng pangatwiranan (justify) ang sampung isyung nakapaloob sa bawat domeyn. Inulat nila ang kanilang mga saloobin gamit ang 10–point na iskala (1 = never justified, 10 = always justified; para sa unang domeyn, α = 0.85; para sa ikalawang domeyn α = 0.81). Kapag mataas ang iskor, ibig sabihin mas lenient o tolerant ang kalahok sa mga nabanggit na isyu.
Tala ng mga Paglabag sa Panuntunan
Inulat ng mga kalahok ang mga naging norm violation nila gamit ang dalawang panukat. Ang mga paglabag na ito ay mga kilos na hindi katanggap-tanggap para sa nakararami o isang grupo ng mga tao dahil sinusuway nito ang mga napagkasunduang batas o panuntunan (McLaughlin at Vitak 2011; Sauerland et al. 2013). Ang mga paglabag ay kadalasang may karampatang parusa, na maaaring legal, moral, o kultural. Dalawang klase ng paglabag ang iniugnay sa hiya: offline at online.
Una, ang mga offline violation ay mga paglabag na maaaring gawin ng harapan at sa mga konteksto, lugar o sitwasyong nasa labas ng cyberspace. Ang mga ito ang kadalasang halimbawa ng maliliit na krimen o kasalanan (petty crime). Para sukatin ito, inangkop namin ang Questionnaire about History of Norm-Violating Behaviors (Sauerland et al. 2013). Iniulat ng mga kalahok kung nagawa na nila at kung gaano nila kadalas gawin ang labimpitong violation (1 = hindi ko pa nagawa kahit kailan, 4 = madalas kong gawin; α = 0.86). Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod: pandaraya sa pagsusulit noong hayskul, pag-iwan ng kalat o basura sa mga pampublikong lugar, at pananakit ng iba dahil sa kaaway.
Ikalawa, tiningnan din namin kung may impluwensya ang hiya sa mga online violation o mga hindi katanggap-tanggap na kilos sa cyberspace, partikular na sa mga social networking site tulad ng Facebook. Ang mga norm sa kontekstong ito ay kadalasang implicit at wala masyadong mga pormal na dokumentong nagtatakda kung paano kumilos sa mga kontekstong ito, maliban sa mga user-agreement na maaaring nag-iiba-iba sa bawat websayt (Hooper at Kalidas 2012). Ayon din kina Val Hooper at Tarika Kalidas, hindi madaling mapag-iba ang tama sa maling pagkilos kapag online ang konteksto kung ikukumpara sa mga paglabag na offline. Mas mabilis din magbago-bago ang mga panuntunan sa kontekstong online kumpara sa offline. Dahil malawak ang mga posibleng online na paglabag, napagkasunduan naming magpokus muna sa mga normatibong pagkilos sa paggamit ng Facebook.
Ang mga aytem para sa panukat ng mga online violation ay ibinatay namin sa resulta ng dalawang kwalitatibo at eksploratoryong pag-aaral tungkol sa mga katanggap-tanggap na kilos sa Facebook. Ang parehong pag-aaral ay Kanluranin (McLaughlin at Vitak 2011; Hooper at Kalidas 2012). Mula sa inilista nilang mga pagkilos, sumulat kami ng walong hindi katanggap-tanggap na pagkilos, tulad ng stalking, pag-text o pagtingin sa Facebook habang may kausap, at pag-post ng mga nakakahiyang status, larawan, at iba pa. Iniulat din ng mga kalahok kung nagawa na nila at kung gaano nila kadalas gawin ang mga nabanggit (1 = hindi ko pa nagawa kahit kailan, 4 = madalas kong gawin; α = 0.78).
Resulta at Diskusyon
Nirebisang Bersyon ng PHP
Isa sa mga layunin ng imbestigasyong ito ay ang makalikha ng isang matatag na panukat ng hiya bilang isang pagpapahalaga. Tulad ng naunang pag-aaral, mataas pa rin ang internal consistency ng dalawampu’t limang aytem sa bersyong ito ng PHP na may tig-isang pahayag bawat portrait. Sinuri muli namin ang istruktura ng panukat gamit EFA upang malaman kung (a) may mga aytem na mababa ang loading at kung gayon pwede nang hindi isama sa panukat; (b) paano magsasama-sama ang mga aytem; at (c) ano ang posibleng paliwanag sa kilos nila. Ginabayan kami ng resulta ng unang pag-aaral sa analisis.
Sa pamamagitan ng principal axis factoring, lumabas na may limang factor ang nagtamo ng higit sa 1.00 na eigenvalue. Kaya ng limang ito na ipaliwanag ang 53% ng total variance ng mga iskor. Gamit ang promax rotation with Kaiser normalization, sinubukan namin ang 5-, 4-, 3-, at 2-factor solutions. Muli naming ginamit ang promax rotation dahil napag-alaman sa unang pag-aaral na correlated ang mga posibleng dimensyon ng iskala. Pinakamainam ang 3-factor solution. Mula dito, nakitang may limang aytem na mababa ang loading sa tatlong domeyn. Tinanggal sila at muli kaming nagsagawa ng EFA sa dalawampung aytem.
Sa pangalawang EFA, 41% ng total variance ang kayang ipaliwanag ng solusyong may tatlong domeyn. Sa pagsusuri ng mga aytem sa ilalim ng bawat factor, napansin naming nagsama-sama ang lahat ng mga aytem na reverse-coded. Napagdesisyunan naming para mas maging konsistent ang PHP sa PVQ na siyang pinagbatayan namin ng porma ng mga aytem (Schwartz et al. 2001), tinanggal na rin ang lahat ng mga reverse-coded. Tulad ng iba pang panukat ng pagpapahalaga na palasak na sa literatura (e.g., Schwartz 2003; Schwartz 2012), wala rin silang reverse-coded na mga aytem at lahat ay nagpapahiwatig ng mga positibong mithiin, layunin, o aspirasyon ng mga tao. Mukhang mainam na desisyon naman ito dahil may kababaan ang internal consistency ng sub-scale na ito (α = 0.67 para sa 4 na aytem).
Nagsagawa muli kami ng EFA sa natirang labing-anim na aytem. Pinakamainam ang solusyong may dalawang domeyn na kayang magpaliwanag ng 41% ng total variance (at kung gayon, walang gaanong nabawas sa kahusayan ng paliwanag mula sa 3-factor solution). Nasa Hanayan 3 ang mungkahi naming nirebisang bersyon ng PHP.
Nang suriin ang katatagan ng bersyong ito, tumaas ang internal consistency mula sa naunang bersyon (α = 0.89). Mula sa dalawampu’t limang aytem, ang nirebisang PHP ay mayroon nang labing-anim (16). Bagama’t mukhang may magkahiwalay na domeyn o dimensyong pumapailalim sa panukat, may kataasan ang correlation ng dalawang ito (r = 0.59). Dahil dito, napagpasyahan naming pagsamahin muna ang lahat ng aytem ng PHP para sa mga susunod na analisis. Babalikan namin uli ang implikasyon na may dalawang domeyn ang hiya sa pagtalakay.
Ugnayan ng Hiya sa mga Ugali, Saloobin, at Kilos
Ang isa pa sa pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ay tiyaking mabisa ang PHP. Upang mapakita ito, sinuri namin ang empirikal na ugnayan ng hiya sa mga ugali, saloobin, at kilos na lumalabag sa panuntunan ng lipunan. Makikita sa Hanayan 4 ang mga correlation ng mga variable na sinuri rito (i.e., hiya, agreeableness, SD, attitudes toward personal-sexual issues at illegal-dishonest issues, online at offline norm violation). Mahalaga sa puntong ito na makita ang ugnayan ng hiya sa mga ugali. Lumabas sa analisis na correlated ang hiya sa agreeableness pero hindi sa SD. Mahalaga ito dahil naipakitang iba ang sinusukat ng PHP kumpara sa mga sub-scale ng MAPA ng loob. May overlap man ang hiya sa isa sa mga ugali, kaiba (distinct) pa rin ito sa agreeableness dahil mababa lang ang korelasyon nilang dalawa. Konsistent ang resultang ito sa naunang mga pag-aaral na naghahambing sa mga pagpapahalaga at ugali (e.g., Roccas et al. 2002; Olver at Mooradian 2003; Parks-Leduc et al. 2015).
Hanayan 3. Nirebisang Bersyon ng Panukat ng Hiya
bilang isang Pagpapahalaga
Hanayan 4. Mean at Correlation ng mga Variable sa Ikalawang Pag-aaral
Batay sa resulta, kung ilalarawan ang isang taong may (pagpapahalaga sa) hiya—iyong naniniwalang marapat na isaalang-alang ang iniisip at nararamdaman ng ibang tao tungkol sa sarili bago ang ano mang pagkilos—maaaring sabihing mataas ang probabilidad na siya rin ay mapagkumbaba, mapagtiwala, at mauunawain. Sa kabilang banda, maaari ring sabihing kahit na may hiya ang isang tao, hindi ibig sabihing may tendensya siyang ipresenta ang sarili niya sa positibong paraan kahit pa ang motibasyon nito ay para makakuha ng social approval.
Relasyon ng Hiya at mga Ugali sa mga Saloobin
Sunod naming inalam kung may kakayahan ang hiya na magpaliwanag ng mga sikolohikal na penomena tulad ng saloobin at kilos. Una munang sinuri ang ugnayan ng hiya sa bawat isyung personal, sekswal, at ilegal nang hindi kasama ang iba pang predictor. Nakitang may ugnayan (bagama’t mababa) ang hiya at apat sa sampung isyu. Positibo ang relasyon ng hiya sa mga saloobin tungkol sa tatlong isyung personal at sekswal: euthanasia o mercy killing (r = 0.12, p = .02), homosexuality (r = 0.17, p = .001), at divorce (r = 0.17, p = .001). Ibig sabihin, mas lenient ang pananaw ng isang taong may hiya pagdating sa mga isyung ito. Sa kabilang banda, mas mababa naman ang tolerance ng mga may hiya pagdating sa saloobin tungkol sa pandaraya sa pagbabayad ng buwis (r = -0.10, p = .048). Interesante ang mga ugnayang ito dahil maaari silang magsilbing patunay sa pagiging inhibitory ng hiya, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon. May mga usapin kung saan ang pagsasaalang-alang sa iisipin ng iba ay magdudulot ng negatibong pagtingin dito samantalang may mga usapin na mas nagiging justifiable sila.
Pagkatapos, nagsagawa kami ng hierarchical regression kung saan unang ipinasok ang mga demographic variable tulad ng kasarian (0 = babae, 1 = lalake) at edad. Sunod na ipinasok ang mga ugali. Para makita kung may dagdag na paliwanag pa ang hiya bukod sa kasarian, edad, at mga ugali, huling ipinasok ang hiya sa modelo.
Bagama’t significant ang modelo na kasama lahat ng predictor para ipaliwanag ang variance ng kabuuang grupo o domeyn ng mga saloobin, wala nang naidagdag pang paliwanag ang hiya pagkatapos itong ipasok sa regression (tingnan ang Hanayan 5). Halimbawa, 24% ng variance ng pangkabuuang saloobin sa mga isyung personal at sekswal ay naipaliwanag na ng kasarian, edad, agreeableness, at SD. Hindi na nagbago ang numerong ito pagkatapos ipasok ang hiya sa modelo. Ganito rin ang naging resulta nang subukan naming isa-isahin ang pag-predict ng saloobin sa bawat isang isyu. Tila nawawalan ng explanatory power ang hiya kung kasabay nito ang mga demographic variable at ugali. Sa madaling sabi, sa pag-predict ng mga saloobin sa mga isyung inaral dito, mas informative malaman ang ugali ng isang tao (partikular na ang SD) kaysa pagpapahalaga niya sa hiya.
Hanayan 5. Relasyon ng Hiya at mga Ugali sa mga Saloobin at Kilos
Relasyon ng Hiya at mga Ugali sa mga Kilos
Pagdating naman sa pag-predict ng kasaysayan ng mga kalahok sa paglabag sa mga panuntunan ng lipunan, nagkaroon na ng epekto ang hiya. Nagsagawa uli ng dalawang magkahiwalay na hierarchical regression kung saan unang ipinasok ang mga demographic variable, na sinundan ng mga ugali, at panghuli ang hiya (tingnan ang Hanayan 5).
Para sa mga offline violation, may 8% nang kayang ipaliwanag ang kasarian (mas mataas ang norm violation ng mga lalake kumpara sa mga babae). May nadagdag na 9% sa paliwanag pagkatapos idagdag ang mga ugali (mas madaming violation ang mga mababa sa agreeableness at SD). May panibagong 3% pa ang nadagdag sa paliwanag pagkatapos isama ang hiya sa modelo (mas madaming violation ang mga walang hiya). Muling lumabas dito ang isang posibleng ebidensya ng inhibitory function ng hiya. Sa mga kalahok na mataas ang pagpapahalaga sa iisipin at mararamdaman ng iba, mas mababa ang probabilidad na nagawa na nilang mandaya sa exam, mag-iwan ng kalat sa park, at makapanakit ng kaaway. Posibleng maging gabay ang hiya upang kumilos ng naayon o nararapat sa isang partikular na sitwasyon.
Halos ganito rin ang nakita sa kaso ng mga online violation. May 2% kayang ipaliwanag ang kasarian nang ipasok ito sa modelo. Pero nawala rin ang epekto nito nang idagdag ang mga ugali. Labing-anim na porsyento (16%) ang nadagdag sa paliwanag ng agreeableness at SD (mas madaming violation ang mga mababa sa agreeableness at SD). Bagama’t maliit ang naging epekto, nakadagdag pa rin ng 1% sa paliwanag ang hiya pagkatapos itong isama sa modelo.
Ang kaibahan sa naging prediksyon ng online sa offline violation ay positibo ang relasyon ng hiya sa nauna kumpara sa huli. Ibig sabihin, ang mga may hiya ay mas nakapag-stalk online, nag-text o nag-Facebook habang may kausap, at nag-tag ng larawan ng kaibigan sa Facebook sa mga kuhang hindi maayos ang itsura nila. Pinapasubalian ba nito ang pagiging inhibitory ng hiya? Maaaring hindi, kung pagbabasehan ang feature ng mga pagpapahalaga na maaaring magbago depende sa konteksto.
Pansining negatibo ang relasyon ng mga ugali sa parehong grupo ng paglabag. Naaayon ito sa katangian ng mga ugali na hindi gaanong nagbabago-bago ano man ang konteksto at panahon. Kahit online o offline ang konteksto, konsistent na mababa ang paglabag ng mga mataas ang agreeableness at SD. Sa kabilang banda, ang mga pagpapahalaga ay mas sensitibo sa konteksto. Halimbawa, para kay Enriquez (1992), isang accommodative value ang hiya. Isang pangunahing motibasyon para pahalagahan ang hiya ay ang pagpapanatili ng maayos na samahan. Kung gayon, posibleng sensitibo ang hiya sa status quo at sa norm ng isang partikular na konteksto. Para sa offline violation, may malinaw na regulasyon at batas na pinagbabatayan kung ano ang tama sa mali. Malinaw na ang pagnanakaw o pagsira ng gamit ay mali at maaaring sabihing normatibo ang pananaw na ito. Kung gayon, kung may hiya ang isang tao at iisipin niya ang pananaw ng karamihan, iiwas siya sa paggawa ng offline violation.
Samantala, hindi pa ganoon kalinaw ang mga regulasyon o patakaran pagdating sa mga kilos online. Siguro nga maaaring ituring na “violation” ang online stalking o sunud-sunod na pag-post ng mga emosyonal na status sa Facebook. Subalit kung sa tingin ng mga kalahok ay normatibo naman ito sa kanilang edad o grupo, kahit “mali” ang pananaw sa mga ito, gagawin pa rin nila ang “paglabag.” Muli, kung accommodative nga ang hiya, sensitibo ito sa kung ano ang normatibo. Kung kaya, ang mga may hiya na nagpapahalaga sa iniisip ng iba ay mas gagawa ng online violation kung sa tingin nila ito ang ginagawa ng karamihan. Ito rin ang posibleng paliwanag kung bakit may mga saloobing nagiging mas justifiable kung may hiya ang kalahok. Balikan ang nakaraang pagtalakay na para sa mga kalahok na may hiya, mas lenient ang pagtingin nila sa euthanasia, homosexuality, at divorce. Maaaring normatibo kasi ang ganitong pananaw para sa mga isyung nabanggit. Kailangan pa nang mas masinsing pag-aaral tungkol sa mga puntong ito. Kung sakali, maaaring bigyang-linaw ng mga pag-aaral na ito kung talaga bang dual-process ang hiya: inhibitory at accommodative.
Sa kabuuan, maliit man ang kontribusyon (1-3%), may dagdag pa ring paliwanag ang hiya nang iba at higit pa sa kayang ipaliwanag ng mga ugali pagdating sa paglabag sa mga panuntunan. Paunang ebidensya ito na posibleng magkaiba nga ang mga ugali (agreeableness, SD) sa hiya. Subalit, dahil sa maliit lamang ang kontribusyon ng hiya sa pagpapaliwanag ng mga pagkakaiba sa saloobin at kilos, kailangan pa ng higit na pagpipino ng instrumento bago masabing mabisa ang PHP sa pag-predict ng mga sikolohikal na penomena.
Dalawang Dimensyon ng Hiya?
Nang suriin namin ang istruktura ng nirebisang bersyon ng PHP, lumabas na may dalawang dimensyon o domeyn na pumapailalim dito (balikan ang Hanayan 3). Interesante ito dahil ganito ang pagdalumat nina Enriquez (1992) at Salazar (1985) ng hiya: mayroon itong panloob/internal/being at panlabas/ external/interpersonal na aspekto. Mukhang tinutukoy ng panloob na aspekto ng hiya ang pagsasaalang-alang sa personal na conviction at moral compass ng isang tao. Kabilang dito ang pagpapahalaga sa kanyang konsensya at pagtupad sa mga napagkasunduan kahit hindi siya paalalahanan. Sa kabilang banda, ang panlabas na aspekto ay nakatuon sa iniisip at nararamdaman ng mga generalized other (e.g., lipunan, mga taong kilala o hindi kilala).
Bagama’t lumabas na may dalawang domeyn ang PHP, hindi pa ito tuwiran o matibay na ebidensya na sinusukat ng mga aytem ang panloob at panlabas na dimensyon. Una sa lahat, may kataasan ang korelasyon ng factor 1 at factor 2 (balikan ang Hanayan 4). Ibig sabihin, posibleng iisang salik pa rin ang pumapailalim sa mga aytem (hiya bilang pagpapahalaga).
Ikalawa, siniyasat namin kung magkaiba ang kayang i-predict ng dalawang factor ng PHP. Nagsagawa kami ng hiwalay na mga hierarchical regression para sa bawat domeyn (e.g., ni-regress ang offline violation sa modelong unang pinasok ang mga demographic variable, sinundan ng ugali, at panghuli ang factor 2 lamang). Mas konsistent ang resulta ng factor 1 ng PHP kumpara sa factor 2. Halimbawa, ang mga mataas sa factor 1 ay mababa ang probabilidad na nakagawa ng mga offline violation at mataas ang probabilidad na nakagawa ng mga online violation. Ang mga aytem sa factor 2 ay significant predictor lang para sa mga offline pero hindi sa mga online na paglabag. Muli, mahalaga ang mga pag-aaral na mas malinaw na maipapakita ang bisa ng pag-iiba ng dalawang domeyn (panloob at panlabas). Bahagi ng pagtatasa ng 2-factor model ng hiya ang pagpapakitang may kayang i-predict ang panloob na aspekto na iba at higit pa sa kayang ipaliwanag ng panlabas na domeyn.
Ikatlo, balikan ang pagpapakahulugan namin ng hiya bilang pagsasaalang-alang sa iniisip at nararamdaman ng ibang tao bago ang anumang pagkilos. Dahil sa konseptwalisasyong ito nakabatay ang pagbuo ng mga aytem, maaaring sabihing mas nabigyang-diin ng PHP ang panlabas na aspekto ng hiya. Paano kaya pag-iibahin ang dalawang domeyn ng hiya sa Hanayan 3?
Tila ang mga aytem sa factor 1 ay nakatuon sa pagsasaalang-alang sa nararamdaman at iisipin ng mga itinuturing na hindi ibang tao (HIT) (Enriquez 1992), o mga taong malapit sa sarili. Halimbawa ng mga HIT ang mga kapamilya at kaibigan. Samantala, ang mga aytem sa factor 2 ay may kaugnayan naman sa pagpapahalaga sa mga ibang tao (IT). Ang pinapahalagahan dito ay kung ano ang normatibo para sa lipunan, mga nakatataas sa isang tao, mga estranghero, at maging ang mga taong hindi lubusang kilala. Nakaangkla pa rin ang hiya sa kung ano ang normatibo, subalit ang bigat ng pagpapahalaga sa paggawa ng desisyon ay nasa pagitan ng pagsasaalang-alang sa mga HIT o mga IT. Kung gayon, ang pagkakaiba sa pagitan ng factor 1 at factor 2 ay posibleng hindi dahil sa sinusukat ng nauna ang panloob na aspekto samantalang panlabas naman ang sa huli. Marahil mas angkop na tawaging hiya sa HIT ang factor 1 samantalang hiya sa IT naman ang factor 2.
Mahalaga para sa mga susunod na pag-aaral na tuwirang bumuo ng mga aytem na nakabatay sa depinisyon ng panlabas at panloob na domeyn ng hiya upang mapalitaw ang ugnayan, pagkakatulad, pagkakaiba, at posibleng kontradiksyon nila (e.g., pinairal ang konsensya o panloob na pamantayan ng tama sa mali, pero gumawa pa rin ng mga kilos na lumalabag sa kung ano ang normatibo ayon sa pamantayan ng lipunan). Sa puntong ito, naipakita ng pag-aaral ang posibilidad na may dalawang mukha ang hiya (sa HIT at IT) at na kailangan pa ng ibang ebidensya para mas patotohanan ang proposisyong ito.
KONKLUSYON
Sa pamamagitan ng dalawang pag-aaral, pinakita naming ang nirebisang PHP, na may labing-anim na aytem, ay isang matatag na self-report measure para sa isa sa mga itinuturing na pagpapahalagang Pilipino. Kung gagamitin ang PHP, masasabing ang isang taong walang hiya ay hindi sang-ayon sa pahayag na ito: “Mahalaga para sa kanya na malaman kung paano siya nakikita ng ibang tao.” Nakita rin ang empirikal na ugnayan ng hiya sa mga ugali, saloobin, at kilos na lumalabag sa mga panuntunan. Kahit may overlap, may pagkakaiba ang hiya bilang pagpapahalaga kumpara sa agreeableness (walang nakitang ugnayan sa pagitan ng hiya at SD). Bukod dito, may dagdag na paliwanag ang hiya (mga 1-3%) na iba at higit pa sa kayang ipaliwanag ng mga demographic variable at mga ugali pagdating sa mga offline at online violation. Sa puntong ito, maaaring sabihing may kinalaman ang hiya sa ilang mga sikolohikal na penomena. Mahalagang kontribusyon ang mga resultang ito dahil konsistent ito sa mga natalakay na ng ibang mga Kanluraning pag-aaral pagdating sa konsepto ng pagpapahalaga. Kabilang dito ang kakayahan ng isang pagpapahalaga na gabayan ang kilos ng isang tao.
Sinikap naming ilatag ang ilang preliminaryong pundasyon para sa mas malawak pang imbestigasyon ng hiya bilang isang pagpapahalaga. Sa pagkakaalam namin, ito ang unang pag-aaral na may tahasang ebidensya na tila sumusuporta sa ilang proposisyon ni Enriquez (1992) tungkol sa hiya. Naipamalas ang posibilidad na parehong accommodative at inhibitory ang hiya: kung isasaalang-alang ang iniisip at nararamdaman ng ibang tao bago ang ano mang pagkilos, maaari nitong pigilan ang isang kilos, samantalang sa ibang konteksto naman ay iaaayon ng isang tao ang kilos niya sa kung ano ang normatibo. Lumabas din ang posibilidad na may dalawang dimensyon ang hiya: ang hiya sa HIT at hiya sa IT. Kailangan pang kumpirmahin ng ibang pag-aaral ang mga resultang ito.
Kabilang sa mga susunod na hakbang ang pagbuo ng mga aytem para sa panlabas na aspekto ng hiya upang malinaw na mapag-iba ito sa panloob na aspekto, na hindi pa na-accommodate ng kasalukuyang porma ng PHP. Maaaring gawing mas partisipatoryo ang proseso kung saan magsasagawa muna ng pagtatanong-tanong o ginabayang talakayan sa iba’t ibang grupo ng mga kalahok upang makalikha ng mga aytem bago ang kwantitatibong pagtatasa ng mga ito (e.g., Rowan at Wulff 2007; Castro et al. 2010; Ungar at Liebenberg 2011). Bagama’t iniayon naman namin sa mga nailathalang akda ang pagbuo ng aytem at tiniyak ang masusing pagtatasa ng mga ito sa abot ng aming makakaya, maaaring nalimitahan pa rin kami ng aming mga pansariling karanasan at pag-unawa sa konsepto.
Dagdag pa na isang limitasyon din ng kasalukuyang pag-aaral ay puro taga-Maynila at mga mag-aaral sa unibersidad ang mga kalahok. Balikan ang posibilidad na kaya mababa ang pag-endorso sa hiya o na makitid ang lawak ng mga iskor ng mga kalahok ay dahil sa pagiging homogenous ng grupong sumagot ng PHP. Maganda kung maisasagawa ang pagtatasa ng tatag at bisa ng panukat gamit ang mga kalahok mula sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas para matiyak na may pagkakapareho sa pag-unawa ng hiya kahit magkakaiba ang pangunahing wikang gamit ng mga kalahok. Mainam din kung masusuri ang debelopmental na pagkakaiba sa pag-endorso ng hiya sa pamamagitan ng pagpapasagot ng PHP sa mas nakatatanda at maging sa mas nakababata pa sa mga mag-aaral sa kolehiyo (e.g., mga estudyante sa primarya o sekundaryang lebel).
Kaugnay nito, iminungkahi ni Schwartz (2003) ang pagbabago sa porma ng mga portrait upang mapalawak pa ang mga sagot sa bawat aytem. Karamihan sa mga aytem ng PHP ay nagsisimula sa “mahalaga para sa kanya” at “importante para sa kanya” bago ang deskripsyon ng hiya. Maaaring subukan ang paggamit ng “napakahalaga” o “napakaimportante” sa halip na “importante” o “mahalaga” lamang para sa ibang mga aytem. Sa gayon, mas magiging extreme na ang ibang mga portrait na kailangang ikumpara sa sarili na maaaring magresulta sa mas malawak na pagsagot sa mga aytem.
Sa pagtatasa ng tatag at bisa ng PHP, isang estratehiya pa ang pagsasagawa ng re-test. Kung pagpapahalaga ang hiya, inaasahang matatag ang iskor ng mga parehong kalahok sa ikalawang ulit ng pagkuha ng panukat, kahit pa sa paglipas ng mahaba-habang panahon. Sa susunod na pagkakataon, halimbawa, maaaring pakuhanin ng PHP ang mga estudyanteng kalahok sa simula ng semestre at sa katapusan nito.
Upang lalong mapalawig ang nomological network ng hiya, mainam kung masusubok din ng mga susunod na pag-aaral ang ilan pang proposisyon ni Enriquez (1992). Halimbawa, para sa kanya, magkaugnay ang hiya at pakikiramdam: ang isang taong walang pakikiramdam ay hindi inaaasahang may hiya. Itinuring din niyang mga accommodative value ang utang na loob at pakikisama. Ibig sabihin kaya ay ginagabayan din ng mga pagpapahalagang ito ang kilos sa pamamagitan ng pag-udyok sa mga taong umayon sa ginagawa ng nakararami? Mayaman sa proposisyon ang Teorya ng Kapwa kung kaya marami ang pwedeng pag-aaral na gawin na nag-uugnay sa hiya at iba pang pagpapahalagang Pilipino.
Bahagi ng pagpipino ng pagpapakahulugan sa hiya at ng mismong panukat ang pag-imbestiga sa cultural specificity o uniqueness ng mga ito. Isinagawa ito para sa mga katutubong panukat ng ugali sa pamamagitan ng paghahambing ng mga ito sa mga itinuturing nang universal na panukat (Katigbak et al. 2002). Ang mapangahas na tanong dito ay: kung mayroon nang mga panukat na kahawig ng PHP, ano pa ang dagdag na kontribusyon nito sa pagpapaliwanag ng mga saloobin, damdamin, at kilos? Halimbawa, itinuturing nang unibersal, matatag, at mabisa ang mga panukat ni Schwartz (2012). Masaklaw na rin ang mga pagpapahalagang iminungkahi niya sa kanyang modelo at nasakop na nito ang mga pagpapahalaga ng maraming bansa at grupo. Makakatulong sa pagtatasa ng cultural specificity ng PHP ang maipakita kung ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng hiya sa mga pagpapahalagang tulad ng conformity (e.g., pag-iwas na makabagabag o makapanakit ng iba) at tradition (e.g., pagrespeto sa mga gawi ng lipunan), mga pagpapahalagang sinasabing unibersal at pamantayan ng nakararami sa loob at labas ng bansa.
Panghuli, sinubukan naming ipakitang may ugnayan ang hiya sa mga saloobin at paglabag sa mga panuntunan ng lipunan. Ipinagpalagay naming mga norm violation nga sa Pilipinas ang mga aytem na inangkop namin mula sa mga naunang pag-aaral. Sa mga susunod na imbestigasyon, magandang paghusayin pa ang mga panukat ng saloobin at paglabag na aaralin sa pamamagitan ng paggamit ng mas angkop na isyu at paglabag na maaaring mas ispesipiko o malapit sa karanasan ng mga Pilipino (e.g., opinyon at kasaysayan sa paggawa ng mga maituturing na mga corrupt practice). Mapag-iibayo rin nito ang mga pag-aaral tungkol sa mga normatibong kilos sa bansa, offline o online man ang konteksto. Ngayong may panukat nang maaaring tasahin at gamitin sa iba’t ibang konteksto, inaasahan naming mas lalawak pa ang pag-unawa natin tungkol sa mga taong may hiya at iyong mga wala. Kontribusyon namin ito sa higit pang pag-unawa sa pagkataong Pilipino at sa paghahanap ng mga posibleng salik na magpapatibay sa mga relasyon at pagkilos na nakabubuti para sa lahat.
Mga Sanggunian
Agence France-Presse (AFP) (2014, Disyembre 12). Korean Air CEO apologizes for daughter’s “foolish act.” Nakuha noong Hulyo 31, 2016, mula sa Rappler Website: http://goo.gl/wZWBeY.
Ajzen, I. (1991). The theory of planned behavior. Organizational Behavior and Human Decision Processes, 50 (2), 179-211.
Bardi, A. at S.H. Schwartz (2003). Values and behavior: Strength and structure of relations. Personality and Social Psychology Bulletin, 29 (10), 1207-1220.
Bernardo, A.B.I., J.A.R. Clemente, at G.A.D. Liem (2014). Describing the values of Filipino adolescents: A comparison with pan-cultural norms. Journal of Tropical Psychology, 4, (e2), 1-8.
Billedo, C.J., J.A. Clemente, E.J. Manalastas, D.M. Quiñones, J.A. Yacat, R. Fischer, at H. Cariño-Mattison (2011, Agosto 17-19). Are Filipino values local or global? Testing the cultural particularity and universality of Filipino values. Di-nalathalang papel, 48th Annual Convention of the Psychological Association of the Philippines (PAP), Iloilo City, Philippines.
Bulatao, J.C. (1964). Hiya. Philippine Studies, 12 (3), 424-438.
Cagasan, L.P. (2015). The development of a Filipino social desirability scale. Di-nalathalang tesis masteral, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Carlota, A.J. (1997). Panukat ng Pagkataong Pilipino (Manual). Quezon City: University of the Philippines Press.
Castro, F.G., J.G. Kellison, S.J. Boyd, at A. Kopak (2010). A methodology for conducting integrative mixed methods research and data analyses. Journal of Mixed Methods Research, 4 (4), 342-360.
Church, A.T. (1986). Filipino personality: A review of research and writings. Manila: De La Salle University Press.
Clark, L.A. at D. Watson (1995). Constructing validity: Basic issues in objective scale development. Psychological Assessment, 7 (3), 309-319.
Clemente, J.A., D. Belleza, A. Yu, E.V.D. Catibog, G. Solis, at J. Laguerta (2008). Revisiting the kapwa theory: Applying alternative methodologies and gaining new insights. Philippine Journal of Psychology, 41 (2), 1-32.
Comrey, A.L. (1988). Factor-analytic methods of scale development in personality and clinical psychology. Journal of Consulting and Clinical Psychology, 56 (5), 754-761.
Cronbach, L.J. at P.E. Meehl (1955). Construct validity in psychological tests. Psychological Bulletin, 52 (4), 281-302.
Davidov, E., B. Meuleman, J. Billiet, at P. Schmidt (2008). Values and support for immigration: A cross-country comparison. European Sociological Review, 24 (5), 583-599.
Dawis, R.V. (2000). Scale construction and psychometric considerations. Nasa H.E.A. Tinsley at S.D. Brown (mga pat.), Handbook of applied multivariate statistics and mathematical modeling. San Diego, California: Academic Press, 65-94.
Del Pilar, G.E.H., C.P. Sio, L.P. Cagasan, A.C. Siy, at A.J.R. Galang (nasa imprenta). Mapa ng Loob: Masaklaw na Panukat ng Loob (Broadband measure of personality); Professional manual. Quezon City: University of the Philippines Press.
De Vries, R.E., I. Zettler, at B.E. Hilbig (2014). Rethinking trait conceptions of social desirability scales impression management as an expression of honesty-humility. Assessment, 21 (3), 286-299.
Dreezens, E., C. Martijn, P. Tenbült, G. Kok, at N.K. De Vries (2005). Food and values: an examination of values underlying attitudes toward genetically modified-and organically grown food products. Appetite, 44 (1), 115-122.
Enriquez, V.G. (1992). From colonial to liberation psychology: The Philippine experience. Quezon City: University of the Philippines Press.
Enriquez, V.G., at M.A. Guanzon-Lapeña (1997). The Panukat ng Ugali at Pagkatao test manual. Quezon City, Philippines: Philippine Psychology Research and Training House.
Guanzon-Lapeña, M.A., A.T. Church, A.J. Carlota, at M.S. Katigbak (1998). Indigenous personality measures: Philippine examples. Journal of Cross-Cultural Psychology, 29 (1), 249-270.
Hinkin, T.R. (1995). A review of scale development practices in the study of organizations. Journal of Management, 21 (5), 967-988.
Hooper, V. at T. Kalidas (2012). Acceptable and unacceptable behaviour on social networking sites: A study of the behavioural norms of youth on Facebook. Electronic Journal of Information Systems Evaluation, 15 (3), 259-268.
Jin, J. at J. Rounds (2012). Stability and change in work values: A meta-analysis of longitudinal studies. Journal of Vocational Behavior, 80 (2), 326-339.
Jocano, F.L. (1997). Filipino value system: A cultural definition. Quezon City: PUNLAD Research House.
Katigbak, M.S., A.T. Church, M.A. Guanzon-Lapeña, A.J. Carlota, at G.E.H. Del Pilar (2002). Are indigenous personality dimensions culture specific? Philippine inventories and the five-factor model. Journal of Personality and Social Psychology, 82 (1), 89-101.
Katz, R.C., J. Santman, at P. Lonero (1994). Findings on the revised morally debatable behaviors scale. The Journal of Psychology, 128 (1), 15-21.
Lönnqvist, J.E., I. Jasinskaja-Lahti, at M. Verkasalo (2013). Rebound effect in personal values: Ingrian Finnish migrants’ values two years after migration. Journal of Cross-Cultural Psychology, 44 (7), 1122-1126.
Lönnqvist, J.E., S. Paunonen, A. Tuulio‐Henriksson, J. Lönnqvist, at M. Verkasalo (2007). Substance and style in socially desirable responding. Journal of Personality, 75 (2), 291-322.
Lowe, R. at T. Ziemke (2011). The feeling of action tendencies: On the emotional regulation of goal-directed behavior. Frontiers in Psychology, 2 (346), 1-24.
Lynch, F. (1962). Philippine Values II: Social Acceptance. Philippine Studies, 10 (1), 82–99.
Lynch, F. (1973). Social acceptance reconsidered. Nasa F. Lynch at A. de Guzman II (mga pat.), Four readings on Philippine values; Fourth edition. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1-68.
Maio, G.R. at J.M. Olson (1995). Relations between values, attitudes, and behavioral intentions: The moderating role of attitude function. Journal of Experimental Social Psychology, 31 (3), 266-285.
Mataragnon, R.H. (1987). Pakikiramdam in Filipino social interaction. Nasa E.R. Ventura (tagapag-ugnay), Foundations of behavioral sciences: A book of readings. Quezon City: University of the Philippines Social Science Committee, 470-482.
McCrae, R.R. at P.T. Costa (2003). Personality in adulthood: A five-factor theory perspective. New York: Guilford Press.
McCrae, R.R. at O.P. John (1992). An introduction to the five‐factor model and its applications. Journal of personality, 60 (2), 175-215.
McLaughlin, C. at J. Vitak (2011). Norm evolution and violation on Facebook. New Media at Society, 14 (2), 299-315.
Meyers, L.S., G.C. Gamst, at A.J. Guarino (2013). Performing data analysis using IBM SPSS. Hoboken, New Jersey: John Wiley at Sons, Inc.
Nilsson, A. (2014). Personality psychology as the integrative study of traits and worldviews. New Ideas in Psychology, 32, 18-32.
Olver, J.M. at T.A. Mooradian (2003). Personality traits and personal values: a conceptual and empirical integration. Personality and Individual Differences, 35 (1), 109-125.
Parks-Leduc, L., G. Feldman, at A. Bardi (2015). Personality traits and personal values: A meta-analysis. Personality and Social Psychology Review, 19 (1), 3-29.
Reynolds, C.R. at R.B. Livingston (2013). Mastering modern psychological testing: Theory & methods. Boston: Pearson Education Limited.
Roccas, S., L. Sagiv, S.H. Schwartz, at A. Knafo (2002). The Big Five personality factors and personal values. Personality and Social Psychology Bulletin, 28 (6), 789-801.
Rowan, N. at D. Wulff (2007). Using qualitative methods to inform scale development. The Qualitative Report, 12 (3), 450-466.
Salazar, Z.A. (1985). Hiya: Panlapi at salita. Nasa A. Aganon at M.A. David (mga pat.), Sikolohiyang Pilipino: Isyu, pananaw, at kaalaman. Manila: National Book Store, 288-297.
Santos, H.C.Y. (2012). Interpersonal motives and cultural values behind forgiveness: A study in the Philippines and in the United States (Doctoral dissertation). Nakuha noong Abril 11, 2016, mula sa Georgetown University Institutional Repository Website: https://goo.gl/utOB3h.
Sauerland, M., J.M. Schell, J. Collaris, N.K. Reimer, M. Schneider, at H. Merckelbach (2013). “Yes, I have sometimes stolen bikes”: Blindness for norm‐violating behaviors and implications for suspect interrogations. Behavioral Sciences at the Law, 31 (2), 239-255.
Scherer, K.R. (2000). Emotions as episodes of subsystem synchronization driven by nonlinear appraisal processes. Nasa M.D. Lewis at I. Granic (mga pat.), Emotion, development, and self-organization: Dynamic systems approaches to emotional development. Cambridge, New York: Cambridge University Press, 70-99.
Schultz, P.W., V.V. Gouveia, L.D. Cameron, G. Tankha, P. Schmuck, at M. Franěk (2005). Values and their relationship to environmental concern and conservation behavior. Journal of Cross-Cultural Psychology, 36 (4), 457-475.
Schwartz, S.H. (2003). A proposal for measuring value orientations across nations. Nasa Questionnaire development report of the European Social Survey (Chapter 7). Nakuha noong Abril 6, 2016, mula sa European Social Survey Website: https://goo.gl/lTAqJi.
Schwartz, S.H. (2006). Basic human values: Theory, measurement, and applications. Revue Française de Sociologie, 47 (4), 929-968.
Schwartz, S.H. (2010). Basic values: How they motivate and inhibit prosocial behavior. Nasa M. Mikulincer at P.R. Shaver (mga pat.), Prosocial motives, emotions, and behavior: The better angels of our nature. Washington, DC: American Psychological Association, 221-241.
Schwartz, S.H. (2012). An overview of the Schwartz theory of basic values. Online Readings in Psychology and Culture, 11, 1-20.
Schwartz, S.H., G.V. Caprara, at M. Vecchione (2010). Basic personal values, core political values, and voting: A longitudinal analysis. Political Psychology, 31 (3), 421-452.
Schwartz, S.H., G. Melech, A. Lehmann, S. Burgess, M. Harris, at V. Owens (2001). Extending the cross-cultural validity of the theory of basic human values with a different method of measurement. Journal of Cross-Cultural Psychology, 32 (5), 519-542.
Schwartz, S.H., M. Verkasalo, A. Antonovsky, at L. Sagiv (1997). Value priorities and social desirability: Much substance, some style. British Journal of Social Psychology, 36 (1), 3-18.
Tabbada, E.V. (2005). A phenomenology of the Tagalog notions of hiya and dangal. Nasa R.M. Gripaldo (pat.), Filipino cultural traits: Claro R. Ceniza lectures. Washington, D.C.: The Council for Research in Values and Philosophy, 21-55.
Talisayon, S.D. (1994). Distinct elements of Filipino values: Cross-national comparisons. Nasa T.B. Obusan at A.R. Enriquez (mga pat.), The Filipino spiritual culture. Quezon City: Mamamathala, Inc., 39-48.
Torres, A.T. (1985). Kinship and social relations in Filipino culture. Nasa A. Aganon at M.A. David (mga pat.), Sikolohiyang Pilipino: Isyu, pananaw, at kaalaman. Manila: National Book Store, 487-509.
Ungar, M. at L. Liebenberg (2011). Assessing resilience across cultures using mixed methods: Construction of the child and youth resilience measure. Journal of Mixed Methods Research, 5 (2), 126-149.
Vauclair, C.M. at R. Fischer (2011). Do cultural values predict individuals’ moral attitudes? A cross‐cultural multilevel approach. European Journal of Social Psychology, 41 (5), 645-657.