[DIWA E-Journal Tomo 2, Bilang 1, Nobyembre 2014] Relasyon ng Magkapisang Ina at Anak na Babae

Christine Joy C. Lim
Department of Social Sciences
Mariano Marcos State University (MMSU), Ilocos Norte, Philippines

Abstrak

Naisin ng pag-aaral na masiyasat ang ugnayan at pakikipagkapwa ng matandang ina at ng nangangalagang anak na babae habang sila ay magkapisan sa iisang tahanan.  Anim na tambal ng mag-inang may naturang estado ang naging kalahok sa pag-aaral na ito.  Gamit ang malalimang pakikipanayam, tinukoy ang pansariling pananaw, damdamin o saloobin ng bawat pares ng kalahok ukol sa kanilang relasyon sa isa’t isa.  Tinignan din ang kanilang pagtutunguhan at pagpapalitan ng pagtugon sa kanya-kanyang pangangailangan pati na rin ang kanilang mga positibo at negatibong karanasan sa kanilang pagsasama.

Sa kabuuan ay matiwasay ang relasyon ng bawat magkatambal.  Pareho nilang nakikita ang kahalagahan ng kanilang pagkakapisan upang magkaroon ng palitan ng suporta.  Ang lalim ng kanilang samahan ay makikita sa kabuluhan ng nakaraang ugnayan ng mag-ina upang makita ang tamang pagtugon sa pangangailangan ng bawat isa, lalo ng ina sa kasalukuyang sitwasyon.  Ito rin ay nagsisilbing pundasyon sa kung paano nakikita ng anak ang kanyang pananagutan sa ina at sa lipunan at sa sangkatauhan sa pangangalagang kanyang ginagawa sa ina.  Ang ginagawang pagtanaw ng utang na loob na ginagawa din ng anak sa kanyang ina ay nagsisilbing pagkilala at pagrespeto sa katambal bilang ina ng pamilya.  Sa kabuuan, nakikita ng magkatambal ang bawat isa bilang kapwa sa antas kung saan ang katambal ay bahagi na ng kanyang sarili—ang pagkakawalay ng isa sa isa ay pagkakawalay sa bahagi ng kanyang sarili at pagmamalasakit ng isa sa isa ay nagiging kaluguran ng sarili.

Abstract

The paper examines the relationship of elderly dependent mothers and caregiving daughters who live together.  Six mother-daughter pairs having the aforementioned status for at least three years became a part of this study.  Using in-depth interview, their views, feelings, and experiences were examined together with their behavior towards each other, especially in terms of exchange of physical and emotional support.

The participants generally view their relationships as harmonious.  Both from each pair recognize the need to live together for the exchange of physical and emotional support.  The depth of their relationships can be traced back on the relationship they had before as care-giving mother and dependent daughter.  The attachments they once had also served as the foundation on how the daughters see their responsibility towards their mothers, towards society, and towards humanity on the way they take care of their elderly mothers.  Utang na loob as respect and as a recognition of the mother’s role in the family was also salient.  Overall, the participants see their mothers/daughters as kapwa – part of their own beings.  Losing the partner or being away from her would mean losing a part of herself and caring for her mother/daughter would give joy to oneself.

PANIMULA

Sa bawat yugto ng buhay ng isang tao, maaaring kasama ang pamilya sa humuhubog at nag-iimpluwensya sa kanyang pagkatao.  Habang sanggol pa lang, ang mga magulang ang pangunahing itinuturing na tagapangalaga at guro (Medina 2001).  Sila din ang tagatustos ng mga pangangailangan hanggang sa ang mga anak ay may kakayahan nang bumukod at tustusan ang sarili.  Maging pagdating sa yugtong ito ng buhay ng tao, hindi pa din maiaalis na bigyang konsiderasyon ang magulang sa mga pagbabagong nagaganap o nais maganap sa buhay ng anak.

Sa pagtagal ng panahon, ang mga magulang na siyang tagakalinga din naman ay tumatanda at nanghihina.  Dumadating sa buhay ng mga tao ang yugto kung saan hindi na kayang gawin ang mga nakasanayang trabahong siyang tumutustos sa kanilang pansariling pangangailangan.

Noong 2010 ay naisa-batas ang Expanded Senior Citizens Act o R.A. 9994 kung saan ang mga nakatatandang edad 60 pataas ay may mga benepisyo gaya ng 20% diskwento sa mga gamot, hindi pagbabayad ng VAT sa mga bilihin at serbisyo, pribilehiyong makapag-aral, pagkakaroon ng libreng bakuna, at iba pa (Department of Social Welfare and Development 2010).  Magkagayunman, inaasahan ang mga anak na kumalinga sa kanilang mga matatandang magulang lalo sa panahong sila’y mahihina na ang pangangatawan.  Partikular sa Pilipinas, ang tungkulin sa pangangalaga ng nakatatanda ay pangunahing inilalagak sa mga anak.  Ayon sa Artikulo XV, Seksyon 4 ng Saligang Batas ng Pilipinas na siyang sumasalamin sa pangkalahatang paniniwala ng Pilipino:

Ang pamilya ay tungkuling kalingain ang matatandang mga miyembro nito ngunit maaari ring gawin ito ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamamaraan ng kapanatagang panlipunan (Nolledo 1987).

Samakatwid sa pagkakataong ito sa buhay ng magulang at sa kulturang Pilipino, ang anak ang unang-unang inaasahang tutulong.  Ngunit sa ganitong pangyayari kung saan ang papel na ginagampanan ng dating tagapangalagang magulang at umaasang anak ay nabaligtad, ano ang nangyayari sa ugnayan ng magulang at anak?

Layunin ng Pananaliksik

Layunin ng pananaliksik na magkaroon ng isang kwalitatibong pag-aaral ukol sa malalimang pag-unawa sa ugnayang namamagitan sa matandang magulang at nangangalagang anak habang sila’y magkapisan.  Nilalayon nitong isalarawan ang relasyon ng dalawa sa mga sumusunod na aspeto:

  1. Ang pansariling pananaw ng bawat isa ukol sa kanilang relasyon.
  2. Ang paraan ng pagtutunguhan ng isa’t isa at ng pagpapalitan ng pagtugon sa kanya-kanyang pangangailangan.
  3. Ang kanilang mga damdamin o saloobin tungkol sa ugnayang mayroon sila sa konteksto ng pagkakapisan at pangangalaga
  4. Ang mga positibo at negatibong karanasan na kaakibat ng kanilang ugnayan.

Layunin din ng pananaliksik na makapagmungkahi ng mga programa o karagdagang pag-aaral na makapagpapaunlad sa kalalagayan ng mga nakatatanda, kasama ang kanilang tagapag-alaga, at lalong mapabuti ang relasyon ng matandang magulang at nangangalagang anak.

Maliban sa mga nabanggit, isa pang layunin ay ang maiugnay ang pag-aaral sa pagpapapayabong ng konsepto ng kapwa upang makadagdag sa kaalaman tungol sa Sikolohiyang Pilipino.

Sakop at Delimitasyon ng Pananaliksik

Gaya ng ibang mga kwalitatibong pamamaraan, maraming mga salik na isinasaalang-alang sa paggawa ng pananaliksik.  Sa pag-aaral na ito, ang mga anak na kalahok ay limitado lamang sa mga kababaihan dahil kung ihahambing sa mga lalaki, sila ang kadalasang naaatasang mangalaga sa magulang (Abel 1989; Blust at Scheidt 1988; Carpenter 2001; Chesley at Poppie 2009; Gans at Silverstein 2006; Goeree, Hiedermann, at  Stern 2008; Henz 2010; Medina 2001; Xie at Zhu, 2009).  Kasama sa pag-aaral ang mga babaeng anak na may trabaho man o wala, may sariling pamilya man o wala.  Sa hanay naman ng mga magulang na kalahok, pinili lamang ang mga magulang na may kakayahang aktibong makilahok sa pananaliksik.  Dahil sa posibleng pagkakaiba ng pagtutunguhan at relasyon ng anak na babae sa kanyang ama kung ihahambing sa kanyang ina, pinili lamang na ang mga ina ang maging kalahok sa pag-aaral na ito.  Ang pangangalagang binibigyang diin din ng pananaliksik ay may kinalaman sa pagtulong ng anak sa pang-araw-araw na gawain ng magulang gaya ng pagkain, paglakad, pagbihis, at iba pa.  Hindi kinakailangang ang anak na kalahok ang siyang pangunahing tagapagbigay ng pinansyal na suporta para sa kalahok na magulang ngunit siya ang pangunahing nakababatid at may responsibilidad sa kabuuang kalagayang pangkalusugan niya.

Dahil na rin sa ang mga kalahok ay mula sa halos iisang bayan lamang at ang snowball purposive sampling ang paraan ng pagpili ng kalahok, may pagkakapareho ang kanilang karanasan dahil sa parehong kapaligirang kanilang kinagagalawan.  Ilan ito sa maaaring maisa-alang-alang sa pagtingin sa kinasapitan ng pag-aaral.

Talaan ng mga Konseptong Ginamit

  1. Magkapisan: Ito ay tatlo o higit pang taong magkasamang naninirahan sa iisang bahay. Para sa naturang pananaliksik, ang magkapisang binabanggit ay ang kalahok na matandang ina at ang nangangalaga sa kanyang anak na babae.
  2. Magkatambal/Tambal: Ito ay ang partikular na pares ng kalahok na ina at kanyang kapisang anak na babae.
  3. Katambal na ina: Ito ay ang inang kapisan ng isang naturang kalahok na anak na babae.
  4. Katambal na anak: Ito ang anak na babaeng kapisan ng isang naturang kalahok na ina.
  5. Matandang magulang (Kalahok I1 hanggang I6): Ang lahat ng mga kalahok na ina ay tinatawag ding umaasang matandang magulang.  Tanggap nila ang kahalagahan at pangangailangan ng pagkakaroon ng kapisang anak na pangunahing tagatingin sa kanilang kapakanan lalo pangkalusugan.  Hindi na din sapat ang kanilang kakayanang makapagsarili sa aspetong pinansyal at pisikal bagaman maaari pa rin naman silang makagawa ng mga praktikal na pang-araw-araw na gawain gaya ng pagligo, pagbihis, at pagkain.
  6. Nangangalagang anak (Kalahok A1 hanggang A6):  Ang lahat ng mga kalahok na anak na babae ay tinatawag na nangangalagang anak.  Sila ang tumutugon sa kagyat na pangangailangan ng ina sa pang-araw-araw lalo sa mga biglaang sitwasyon.  Sa sakop nitong naturang pananaliksik, ang mga nangangalagang anak ay hindi tuwirang palagian lamang nakaalalay at nakaantabay sa bawat ikikilos ng magulang.  Magkagayunman, sila ang inaasahang nariyan agad upang tumugon, at magbigay-serbisyo sa ina, at pangunahing may responsibilidad na siguraduhin ang mabuting kalusugan at kapakanan ng ina habang sila ay magkapisan.

Batayang Konsepto

Masalimuot ang relasyon ng magkapisang nakatatandang magulang at nangangalagang anak.  Kailangang tignan ito sa konteksto ng pagtanda ng magulang at pag-aalaga ng anak.  Ang pagpalit ng ginagampanang papel mula sa pagiging tagapag-alaga tungo sa tagatanggap ng pangangalaga, bise bersa, kasama ng iba pang mga pangyayaring nagaganap sa bawat isa sa yugto ng kanilang buhay ay nagbibigay ng magkahalong damdamin, pananaw, at pakikitungo.  Puno ang kanilang pagsasama ng positibo pati na rin ng negatibong karanasang nakaaapekto sa kanilang kagalingan at kapakanan (De Asis 2008; Espina 2008; Sprey 1969; Tang 2008; Van Gaalen at Dykstra 2006; Westerhof et al. 2001; White at Rogers 1997; Willson et al. 2003).  Makikita sa ibabang banghay ang daloy ng positibo at negatibong karanasan sa kanilang relasyon sa konteksto ng pagtanda at pag-aalaga.  Batay na din sa perspektiba nina Bengtson at Roberts (1991) ukol sa katatagan ng relasyon sa loob ng isang pamilya, ang pananaw at damdamin ng magulang at anak ukol sa kanilang relasyon ay nakaaapekto sa kanilang pagtutunguhan sa isa’t isa.  Kabilang sa pagtutunguhang ito ang pagpapalitan ng emosyonal na suporta o pagdadamayan, antas ng pagkakasundo, at dalas ng pakikisalamuha sa isa’t isa, at pisikal na pag-aalaga o pagtulong.

Ang magulang sa kanyang pagtanda ay nagbabago ang kalalagayan.  Maaaring humina ang kanyang kalusugan at mabawasan ang kanyang kakayahan sa nakagawian ng gawain (Espina 2008; Natividad 1999).  Gaya ng idinidikta ng lipunan, ang mga nakatatanda ay tumatanggap ng pinansyal, pisikal, at emosyonal na suporta (Adams at Armstrong 1993; Blust at Scheidt 1988; Cicirelli 1988; Cicirelli 1993; Domingo et al. 1994; Espina 2008; Frankenberg et al. 2002; Gans at Silverstein 2006; McCarty et al. 2008; Medina 2001; Seelback at Sauer 1977; Silverstein et al. 1996; Wolf et al. 1997).  Ang mga ito ay maaaring makaapekto sa personal na kagalingan at kapakanan ng nakatatandang magulang na siya din namang nakakaapekto sa kanyang relasyon sa nangangalagang anak (Seelbach at Sauer 1977; Silverstein et al. 1996; Tang 2008; Westerhof et al. 2001).

Sa panig naman ng anak na kumupkop sa magulang o tumirang kasama niya para mag-alaga, ang kanyang katatayuan o kalagayan sa buhay ay nakaapekto sa antas ng kanyang pag-alaga at maging sa kanyang personal na kagalingan at kapakanan (Chesley at Poppie 2009; Cicirelli 1988; De Asis 2008).  Bagama’t siya ang pangunahing tagapagbigay ng suporta sa magulang (Adams at Armstrong 1993), maaari pa ring may tumulong sa kanya sa pag-aalaga o magbigay sa kanya ng suporta at maging ito’y nakaaapekto sa kanyang paggampan ng papel bilang tagapag-alaga at sariling kapakanan (Abel 1989; Espina 2008; Goeree et al. 2008; Henz 2010; Wolf et al. 1997; Xie at Zhu 2009).

Malaki din ang naidudulot ng ugnayan ng magulang at anak sa nakaraan lalo sa panahon pa ng kabataan ng anak (Carpenter 2001; Cicirelli 1993; Karantzaset al. 2010; Sorensenet al. 2002).  Kaugnay ito ng inaasahang asal, damdamin, at suportang ibinibigay at tatanggapin ng bawat isa, maging ang pagtanggap sa mga nangyayari sa kanilang relasyon bilang positibo o negatibong karanasan.

Pigura 1:
Relasyon ng Magkapisang Nakatatandang Magulang at Nangangalagang Anak na Babae

Lim1

PAMAMARAAN

Paglalarawan ng mga Kalahok

Anim na magkapisang ina at anak na babae ang naging kalahok sa pag-aaral na ito. Ang magkatambal ay magkasamang naninirahan sa iisang tahanan at may relasyon bilang umaasang magulang at tagapangalagang anak nang hindi bababa sa tatlong taon.  Ang mga kalahok ay mula sa magkakaibang barangay sa San Mateo, Rizal, at Syudad ng Marikina—maunlad na bayan at karatig ng Lungsod ng Quezon.

Ang mga matatandang inang kalahok (kalahok I1 hanggang I6) ay mula 61 hanggang 98 taong gulang. Sila ay kadalasang namamalagi sa bahay at wala nang sapat na pinagkakakitaan para pantustos ng pang-araw-araw na pangangailangan.  Ang kanilang tagapag-alagang anak ang kanilang pinakamadalas na nakasasalamuha at pinakahigit na nakaaalam ng kanilang kalalagayan.  Tanggap nila ang kahalagahan at pangangailangan ng pagiging magkapisan nila ng nangangalagang anak para sa ikabubuti ng kanilang kapakanan, lalo na ng kanilang kalusugan.  Kadalasang sila ay may sapat pang lakas upang makagawa ng mga pang-araw-araw na gawain gaya ng pagligo, paglakad sa loob ng bahay at pagkain kahit may mga pagkakataong mahihina na at nagkakasakit at kinakailangan ng tulong ng tagapag-alagang anak sa mga ganitong gawain.

Ang kalahok na nangangalagang anak na babae (kalahok A1 hanggang A6) naman ay pangunahing nakasasalamuha ng ina.  Siya rin ang may pangunahing responsibilidad at nakakaalam sa kanyang kalagayang pangkalusugan.  Siya ang tumutulong sa magulang upang maisagawa ang mga pang-araw-araw na gawain kung kinakailangan.  Hindi ibig sabihin nito—ngunit may pagkakataon din naman—na siya rin ang nagbibigay ng pangunahing tulong pinansyal.  Lima ay may asawa at isa ay dalaga.  Dalawa sa kanila ay nagtratrabaho maghapon samantalang ang tatlo ay hindi regular ang trabaho at isa ay walang trabaho.

Pagpili ng Kalahok

Ang snowball sampling na pamamaraan ang ginamit sa pagpili ng mga kalahok.  Ang mananaliksik ay mayroong panimulang magkatambal na kalahok para sa pag-aaral.  Nanghingi mula sa kanila ng rekomendasyon para sa iba pa nilang mga kakilala na maaaring makilahok din sa pananaliksik ayon na din sa naturang batayan ng pagpili.  Sa ganitong paraan, ang naunang mga kalahok na kakilala ng mananaliksik ay nagsilbing tulay at nakatulong sa paglapit ng pagtutunguhan ng mananaliksik at kalahok.  Sa tulong din ng nagrekomendang kalahok, nagtakda ng panahong maaari nilang ilaan para sa pakikipanayam.

Pagkalap ng Datos

Ginamit ang malalimang pakikipanayam na may gabay na katanungan sa wikang Filipino sa bawat kalahok.  Tumagal ng isa’t kalahati hanggang tatlong oras ang kabuuan ng isang panayam sa isang kalahok.  Para sa mga matatandang inang kalahok, isinaalang-alang ang kanilang kalusugan kung kaya’t may pagkakataong hinati ang buong panayam sa dalawang sesyon sa loob ng isang linggo.

Para sa katatagan ng datos, sinikap magkaroon ng malalim na pagtutunguhan ng mananaliksik at kalahok at maging panatag ang kalahok na magbahagi ng impormasyon at personal na detalye sa mananaliksik.  Ang mga naunang kakilalang kalahok ay nagsilbi ding tagapamagitan na nagpakilala sa mananaliksik sa iba pang kalahok upang makadagdag sa kapanatagan ng loob ng bawat isa.  Personal ding hiningi ng mananaliksik sa kalahok ang takdang araw at oras na handa silang makipagpanayam upang magkakilanlan at magkakuwentuhan.  Sa nakatakdang panahon ng panayam, sinimulan muna sa malayang pakikipagkwentuhan sa anumang paksang nakapukaw ng interes ng parehong mananaliksik at kalahok kagaya ng pagkakilanlan sa nagsilbing tagapamagitan at iba pang magkaparehong karanasan ng dalawa ang sesyon upang makapagpalagayang loob ang dalawang panig bilang dagdag katatagan ng datos.  Anumang obserbasyon at mahahalaga pang datos na may kaugnayan sa pananaliksik na nakuha mula dito ay isinama sa pagsusuri.

Pagsusuri ng Datos

Sa bawat panayam, ang mga naitala sa audio recorder, kasama ang mga naisulat na konsepto o obserbasyon, ay isinalin sa papel.  Paunang pinakiramdaman ang bawat sipi para sa mga temang lumalabas mula sa panayam at itinala ang mga ito.  Siniyasat ang pagkakatugma ng salaysay sa sipi ng bawat magkatambal.  Para sa mga sipi ng mga umaasang magulang na kalahok, ang bawat sipi ay binasa at sinuri para sa mga tema o kategoryang maaaring lumabas.  Binigyang-pansin din ang ilang mga salik gaya ng edad, estadong sibil, at sosyo-ekonomikong katatayuan ng kalahok.  Hinimay ang bawat sipi ayon sa kategoryang nabuo saka pinagsama ang bawat himay mula sa magkakaibang sipi sa parehong kategorya.  Muling sinuri ang bawat kategorya kasama ang nakapaloob na bahagi ng mga sipi upang matiyak kung sila’y kasapi nga ng nasabing kategorya.  Tinignan din kung aling mga kategorya ang madalas na makita sa mga sipi at alin ang natatangi lamang sa iilang sipi.  Ganito rin ang prosesong ginawa sa mga sipi mula sa mga tagapangalagang anak.

Ang mga tema o kategorya mula sa mga umaasang magulang ay ihinambing sa mga tema o kategorya mula sa mga tagapangalagang anak.  Sinuri ang pagkakahalintulad o pagkakaiba ng mga kategorya mula sa dalawang uri ng sipi at muling sininop ang mga kategoryang nabuo.  Sa bahaging ito nagbuo ng panibagong kategorya, nagtanggal ng ilang kategoryang hindi nakikitang mahalaga at pinagsama ang magkahiwalay na kategorya upang makabuo ng panibago.  Sinuri din ang ugnayan ng bawat kategorya sa isa’t isa at sininop kung aling mga kategorya ang mas malawak at maaaring sumakop pa sa ilang partikular na kategorya.  Muling sinala ang mga kategorya sa kung alin ang pagpapasyahang mahalagang bahagi ng pag-aaral at alin ang kailangang iwanan para sa ikaaayos ng pag-aaral sa kabuuan.

Bilang pangwakas at upang matiyak ang kahusayan ng pagsusuri, ang mga kategorya, kasama ang nakapaloob na sipi, ay ipinasiyasat sa isang hukom na kilalang bihasa sa sikolohiya at ugnayan ng magulang at anak.  Tinalakay ng mananaliksik at ng hukom ang mga kategorya hanggang sa magkaroon ng kasunduan sa dalawang panig sa kakanyahan ng bawat kategorya at ugnayan ng mga ito.  Halimbawa ay ang pagsanib ng kategorya ng ugaling paglilihim ng ina sa ilan sa kanyang mga pangangailangan sa kategorya ng paggampan ng papel bilang ina sa kasalukuyang sitwasyon.

KINASAPITAN

Pangkalahatang Pananaw ng Kalahok na Ina sa Relasyon nilang Magkatambal

Para sa mga kalahok na ina, nakikita nila ang kanilang relasyon sa katambal bilang uri ng pagpapalitan.  Dalawa sa mga kalahok ang inilarawan ang kanilang relasyon bilang give and take lalo sa aspetong materyal (I2 at I4).  Dahil ang kanilang mga anak kung minsan ay nasasalat din sa mga materyal na pangangailangan, handa silang magbigay sa mga ito ng hindi na kailangan pang sabihan.  Ganoon din naman ang mga anak sa oras ng pangangailangan ng kanilang ina.  Lahat ng kalahok na ina ang nagsabing sila ay nag-uunawaan at nag-iintindihan.  May mga pagkakataong hinahayaan na lamang nila ang anak sa mga desisyon at mga naisin ng mga ito at kinikilala nilang ganoon din ang mga katambal sa kanila maski hindi ito ang kanilang tuwirang naisin.  Kahit na sabihing sila ang ina, kinikilala nilang kailangan din nilang umayon sa mga anak lalo kung nasa tama ang mga ito.  Ang pag-aasikaso ding ibinibigay ng mga anak sa kanila ay kinikilala ng mga kalahok bilang pagtanaw sa nakaraang pag-aasikasong ibinigay nila para sa mga anak.

Magkakaiba ang binanggit ng mga kalahok na ina na mahalaga para sa relasyon ng mag-inang magkapisan sa kasalukuyang sitwasyon na ang anak na ang nangangalaga sa ina.  Nariyan ang pananampalataya sa Diyos upang maging matibay at may mas nakatataas na saligan ng pagsasamahan (I2, I3, I6).  Kinakailangan din ang pang-unawa ng bawat isa at ang pagiging bukas at tapat sa isa’t isa upang maiwasan ang hindi pagkakasundo at pagtatanim ng sama ng loob (I3, I4).  Sa panig ng mga magulang, kinakailangan ang mga pagkakataong hayaan ng ina ang anak na magdesisyon kahit na sabihing sila ang ina lalo kung alam namang nasa tama ang anak (I1 – I6).  Kinakailangan ding kilalaning mabuti ang ugali at pagkatao ng anak upang malaman kung ano ang mga kagustuhan at ayaw ng mga ito upang hindi na magkaroon pa ng hindi inaasahang pagtatalo (I1).  Dapat ding patuloy na nariyan ang ina upang suportahan at alalayan ang anak (I1, I6).  Sa panig naman ng mga anak, kailangan ang kooperasyon sa pagitan ng mga magkakapatid o sa iba pang mga kaanak upang hindi maging mabigat ang pag-aasikaso sa kapakanan ng ina (I1, I2, I3).  Kilalanin din dapat ng mga anak ang pagpapasakit na ginawa ng mga magulang noong kabataan pa ng mga ito, pagmalasakitan o tulungan ang mga magulang sa oras ng kanilang katandaan at huwag nang maging pabigat pa sa kanila.

Pangkalahatang Pananaw ng mga Kalahok na Anak sa Relasyon nilang Magkatambal

Kuntento ang mga kalahok na anak na babae sa relasyong mayroon sila ng kanilang ina.  Panatag sila at wala silang nakikitang pagbabago na kinakailangan upang mas maging matiwasay ang kanilang relasyong mag-ina.  Sa kasalukuyang sitwasyon, lima sa anim na kalahok (A1-A5) ang tuwirang nagsasabing palagay ang loob nila sa kanilang ina.  Masaya sila sa mga panahong nagkakawentuhan at nagkakausap sila.  Kahit na nasabing hindi naging maayos ang pagtrato sa kanya noong kabataan niya (A3), batid ng isang kalahok na kagaangan niya ng loob ang ina sa ngayong panahon dahil sa sinsero sila sa kanilang ipinapakita sa isa’t isa.  Lahat sila ay nagpahayag na nakikita pa din nila ang pagmamahal at pagmamalasakit ng ina sa kanila sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila.  Kung may alitan man, hindi ito nagtatagal. Isa naman sa anim na kalahok (A6) ang nagsabing may mga reserbasyon na siya sa pakikitungo sa ina dahil sa tumatanda na ito at nagiging sensitibo na ang damdamin at lalo pa dahil hindi ito bukas sa pagpapahayag ng kanyang mga pangangailangan kung kaya’t naninimbang ang kalahok na anak sa kanyang sasabihin at ikikilos sa harapan ng ina.

Ang pagpaparaya sa panig ng anak ang kinikilala ng mga kalahok na mahalagang isaalang-alang upang maging matiwasay ang relasyon ng magkapisang umaasang ina at tagapangalagang anak na babae.  Para sa tatlong kalahok (A1, A2, A6) ito ay isang paraan ng pagrespeto.  Kailangang kilalanin pa din ang kanilang pagiging ina anuman ang mangyari (A2, A3, A4).  Dapat din silang intindihin bilang mga matatanda na at huwag nang kontrahin o sabayan pa ang pagiging sensitibo ng damdamin (A1, A4, A6).  Mahalaga din ang pagmamahal upang mas maging matibay ang samahan lalo sa panig ng tagapag-alaga.  Sa ganoong paraan ay magiging bukal sa loob ang pag-aalaga at maayos na pakikitungo sa ina (A3) anuman ang maging alitan o hindi pagkakasundo.  Dalawa din sa mga kalahok (A3, A6) ang nagbanggit ng pananampalataya sa Diyos na nagiging gabay sa tamang pakikitungo sa magulang.  Hindi din naman iniaalis ng mga kalahok na anak ang kagandahan ng pagkakaroon ng maayos na palitan ng suporta at pag-uunawaan mula sa magkabilang panig ng relasyon (A2, A4).  Kinikilala din ng tatlong kalahok (A2, A4, A5) ang kabutihang nagawa ng kanilang ina na mahalagang salik kung kaya’t maluwag sa loob nila ang maayos at matiwasay na pakikipag-ugnayan at pag-aalaga sa ina.  Ang pagiging bukas at madalas na pakikipag-usap din sa isa’t isa ay nagiging daan para mas maintindihan nila ang saloobin at panig ng bawat isa (A1, A3, A4, A5) at maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.

PAGTALAKAY

Ang Pagiging Ina sa Panahong Siya na ay nasa Pangangalaga ng Anak na Babae

Panibagong Yugto ng Buhay bilang Ina.  Malaking kapanatagan para sa ina sa kanyang pagtanda ang makita ang anak na maayos ang buhay at may sariling pamilya.  Isang senyales ito na tapos na ang isang bahagi ng kanyang paggampan bilang ina at nagawa niya ang kanyang tungkulin nang maayos.  Panatag na siyang kung sakali mang siya ay bawian ng buhay, mananatiling maayos ang buhay ng kanyang anak.  Kaya rin naman para sa kalahok na inang dalaga pa ang kanyang anak, nais na niya itong magkaroon ng asawa at may makasama habang buhay sa panahon ng pagpanaw nito.

Sa pangkalahatan para sa isang inang nagpagal at nagsumikap na itaguyod ang pangangailangan ng anak noong kabataan pa nito, ang pag-aalaga ng anak sa kanila ay tila isang tropeo pagkalipas ng maraming taon ng pagpapasakit para sa anak.  Isang kagalakan para sa inang masaksihan ang anak na handang mag-alaga at makasama siya sa kanyang katandaan at oras ng kahinaan.  Masaya siyang kapiling ang anak at pinagsisilbihan siya kahit na walang inaasahang kapalit.  Lalo para sa mga balo na, nababawasan ang kalungkutan sa pag-iisa sa mga nalalabing panahon ng kanilang buhay.  Nararamdaman din naman nilang hindi ito isang kabigatan sa panig ng anak lalo batid nila ang mga pagpapagal nila sa pagpapalaki at pag-aalaga sa anak noong kabataan nito at ramdam nila ang taos sa pusong pagmamalasakit ng mga anak.

Patuloy na Paggampan ng Papel bilang Ina.  Bagaman matanda na ang ina, nananatili pa din sa kanya ang pagmamalasakit at pag-aalala sa anak.  Ang pagiging magkapisan nila ay nakikitang paraan upang magabayan pa din ang anak at matulungan maski sa maliit niyang kakayahan.  Patuloy niya itong binibigyan ng payo at pinagsasabihan upang maituwid, para na rin sa kapakanan ng anak.  Dahil na din sa ang tagapag-alagang anak ang kanyang palagian—at kadalasan ay tanging—nakasasalamuha, siya ang napagtutuunan nito ng buong pansin.  Palagay na din ang loob niya sa nangangalagang anak kung kaya’t nasasabi niya rito ang kanyang mga opinyon at naisin para dito.

Hindi rin naman madali para sa inang makita ang anak na ang siyang nag-aalaga sa kanya.  Naaawa siya sa anak sa tuwing kailangan nitong magsumikap para sa kanya samantalang ito ang kanyang dating ginagawa.  Naroon pa rin ang udyok ng damdaming patuloy na maging ina sa anak ngunit wala na siyang kakayanang gawin ito sa kanyang katandaan.  Hangga’t maaari, ayaw na nitong gambalain pa ang anak at dagdagan ang alalahanin tungkol sa kanya—gaya ng dagdag pangangailangang pambili ng gamot –upang hindi na ito mas mahirapan pa.

Pagbabago sa Papel na Ginagampanan bilang Ina.  Batid ng ina na kinakailangan din niyang magpaubaya na sa anak sa kasalukuyang sitwasyon sa kanilang pagiging magkapisan.  Kinikilala niyang matanda na din ang anak at kaya nang magdesisyon para sa kanyang sarili at sa kanyang sariling pamilya.  May mga kagustuhan na rin siyang hindi niya masambit dahil sa sitwasyong hindi na siya ang bumubuhay sa anak at may kakayanan o salaping magawa ang mga bagay-bagay.  Batay kina Domingo, Medina, at Domingo (1994), ang mga ito ay maituturing na hindi nakalulugod na karanasan ng mga nakatatanda dahil sa kawalan ng kasiguraduhang pinansyal at limitasyon sa kakayahang makapagsarili.  Nalilimitahan na rin ang kanyang kilos dahil sa kahinaan at ayaw na niyang makadagdag pa sa alalahanin ng anak kung mayroon man siyang mga pangangailangan gaya ng karagdagang salapi para sa gamot.

Ang Pag-aalaga ng Anak na Babae sa Matandang Ina

Bilang Yugto ng Buhay. Itinuturing ng nangangalagang anak na babaeng isang natural na bahagi ng buhay ang pag-aalaga ng anak sa ina sa panahon ng katandaan nito.  Para sa mga anak, hindi nila ito nakikitang pabigat. Maging para sa may mga asawa na, kaagapay nila ang kanilang mga asawa sa pag-aalaga sa ina.  Ayon sa Blenkner (1965) na nasa artikulo ni Gans at Silverstein (2006), kung titignan ito bilang karaniwang yugto sa buhay, ang mga kalahok na anak ay nasa mga edad na at nakarating na sa tinatawag na filial maturity o yugto sa buhay ng anak mula sa pagkakaroon ng kakayahang bumukod sa magulang tungo sa pagiging saligan na ng mga magulang para mapagkunan ng suporta.  Hindi marahil kagaya ng mga mas nakababata pa, ang mga kalahok na anak sa ganitong panahon ay karaniwang kaya ng tustusan ang sarili at nakaranas na at nakakamit na rin ng maraming bagay na may kinalaman sa kanilang karera o pagkakaroon ng pamilya kung kaya hindi nila nakikitang malaking hadlang ang pangangalaga sa matandang magulang sa kanilang pansariling kaunlaran.  Hindi rin hadlang ang pagkakaroon ng mga nangangalaga ng trabaho upang maalagaan ang ina dahil isang paraan ito upang maibigay ang mga pangangailangan ng katambal.  Magkagayunman higit pa ding nakakapaglaan ng oras sa pangangalaga ang hindi maghapong nagtratrabaho kung kaya sila kadalasan ang naatasang maging tagapangalaga at kapisan ng ina.

Bilang Pagtanaw ng Utang na Loob.  Sa pamilyang Pilipino, ang mga anak ay may obligasyong ingatan, mahalin at alagaan ang kanilang mga magulang sa pagtanda ng mga ito sa parehong paraan nang pag-aarugang natanggap nila noong mga bata pa sila (Medina 2001).  Kung pagbabatayan si Cicirelli (1993), ang pagsukli sa pag-aalagang ginawa, ang pagsunod sa idinidikta ng lipunang obligasyon ng anak, at ugnayang namagitan noong kabataan ng anak ang mga motibasyon ng tagapangalaga para alagaan ang kanilang mga magulang.  Ngunit higit pa dito ay ang pagtanaw ng utang na loob ng anak sa kanyang magulang. Sang-ayon sa nabanggit nina Pe-Pua at Protacio-Marcelino (2000) tungkol sa pagtanaw ng utang na loob, ang mga anak na babae ay hindi nakikitang bigatin o obligasyon ang ginagawa nilang pangangalaga na tila lamang sapilitang nagbabayad ng utang.Isa itong pagpapakita ng kanilang pasasalamat.  Bilang isa sa kabutihang asal na ipinapakita ng mga Pilipino (Enriquez, 1990), ang pagtanaw ng utang na loob na ginagawa ng mga nangangalagang anak ay isang pagbibigay-respeto at pagkilala sa katauhan ng katambal bilang ina sa pamilya—nakita man nilang nagampanan ang ganitong papel ng mahusay o hindi.

Bilang Pananagutan.  Kung pagbabatayan si Cicirelli (1993), ang pagsukli sa pag-aalagang ginawa, ang pagsunod sa idinidikta ng lipunang obligasyon ng anak, at ugnayang namagitan noong kabataan ng anak ang mga motibasyon ng tagapangalaga para alagaan ang kanilang mga magulang.  Sang-ayon din naman kay Medina (2001), ang anak sa pamilyang Pilipino ay kinamulatan obligasyong ingatan, mahalin at alagaan ang kanilang mga magulang sa pagtanda ng mga ito sa parehong paraan nang pag-aarugang natanggap nila noong mga bata pa sila.  Ngunit higit sa pagtingin sa pangangalaga bilang pagtupad sa nakamulatang obligasyon, nakikita ng mga anak ang pangangalaga bilang pagkilala sa kaayusan ng lipunan kung saan ang mga kabataan ay hinuhubog ang kabutihang asal habang sila ay iniingatan at kinakalinga ng mga nakatatanda.  Sa kabilang dako, silang mga kinalinga ay kakalinga din naman sa kanilang mga magulang sa oras na silang mga anak naman ang nangangailangan.  Isa itong pananagutan hindi lamang sa magulang, kung hindi sa pamilya rin, sa lipunang humubog sa pagkatao nila, at sa buong sangkatauhan.  Ang pagkilala sa pananagutang ito ay isang pagpapakatao at pagkilala sa kahalagahan ng kagandahang-loob, ang linking socio-personal value ng mga Pilipino (Enriquez, 1990).

Bilang Pagmamahal.  Ayon kay Blust at Scheidt (1988), mayroong limang kategorya ng paniniwala at asal ng mga Pilipino ukol sa pangangalaga ng magulang: pinansyal at materyal na pagtulong, personal na pangangalaga, pagbibigay serbisyo, respeto, at pagmamahal o pagmamalasakit.  Taliwas sa kanyang teorya, ang panghuling kategorya—ang pagmamahal at pagmamalasakit—ay makikitang tumatagos bilang sumasaklaw sa apat na naunang kategorya.  Ang pagtugon sa pisikal at praktikal na pangangailangan ay nakaka-ambag sa pagbibigay ng emosyonal na suporta o pagtugon sa emosyonal na pangangailangan at samakatwid ay pagpapakita na ng malasakit.  Ang pagsisilbi at pagtutustos na natatanggap din naman ay nagiging kaluguran sa tagatanggap nito dahil nakikita itong pagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal.  Maging ang mismong presensya lamang ng katambal ay itinuturing na nilang nakatutugon sa kanilang emosyonal na pangangailangan.

Para naman sa nangangalagang anak, ang pagmamahal ang pangunahing dahilan sa pag-aasikasong ibinibigay niya sa ina.  Maaaring para sa ibang anak na walang pinansyal na kakayanang sumuporta ay ninanais pa din nilang mas makatulong sa ganoong paraan, ngunit kinikilala din nilang ang pagiging kapiling ng ina at nariyan sa oras nito ng pangangailangan ay mahalaga at may ibang bigat kung ikukumpara sa pagsusustento lang at pagbibigay ng pinansyal na pangangailangan.

Bagaman at ang pagiging obligasyon, pagkakaroon ng utang na loob at nakaraang ugnayan nga din ay kinikilalang dahilan sa pag-alaga, hindi nila pinaghihiwalay ang obligasyon, utang na loob, at nakaraang ugnayan bilang magkakaibang dahilan ngunit bilang bahagi ng pagmamahal.  Bilang kinikilala siyang inang dapat alagaan sa pagtanda, minamahal siya ng tagapag-alagang anak.  Bilang kapiling niya, nagpakita sa kanya ng pagmamalasakit at nagbuhos ng atensyon sa kanya habang bata pa siya, hindi imposibleng pagmalasakitan at mahalin din ng anak ang ina.  Bilang taong minamahal, karapat-dapat lamang tanawin at suklian ang mga mabubuting bagay na dating ginagawa ng ina sa anak noong kabataan niya.  Oo nga at makikita itong bilang utang na loob, ngunit higit na napapaigting ang kapasyahan ng anak na alagaan ang ina dahil ito ay isang utang na loob sa inang minamahal.  Gaano man kahirap para sa anak ang pagsasakatuparan ng pag-aalaga at ang makitungo marahil sa ina o gaano man karami ang mga bagay at pansariling naisin ang kailangang isaisantabi, nakakayanan ito ng anak at nakapagpapatuloy siya dahil sa kanyang pagmamahal sa ina.

Palitan ng Suporta at Malasakit

Para sa kagustuhang mapasaya at mapabuti ang katambal, nariyan ang malasakit nila sa bawat isa.  Sa panig ng ina sa kasalukuyang sitwasyon, ang pagbibigay payo at paalala sa anak ang pangunahin niyang paraan ng pagpapakita ng kanyang pagmamalasakit sa limitado niyang kakayanan.  Sinusubukan pa din niyang mapasaya ang anak gaya ng pagbibigay at ng pag-aya sa kanyang lumabas at kumain sa tuwing may matatanggap na pera.  Iniiwasan din niyang mas dumami pa ang alalahanin ng anak kung kaya’t hindi na niya ipinararating pa ang ilang mga pangangailangan.  Mas ninanais pa rin niya ang mga nakabubuti para sa anak kaysa kanyang sarili gaya ng pagkakatanggap ng anak sa ibang bansa kahit na siya ay maiwan pang mag-isa at ang paghaya sa anak na lumabas upang makapaglibang kahit na maiiwanan siyang mag-isa sa tahanan.  Maging ang pagmamahal na ibinibigay din nila sa apo ay nagpapakita ng kanilang pagmamahal din sa ina ng mga ito.

Pangunahin para sa bawat panig ng makapisang ina at anak ang pagtugon sa pisikal at praktikal na pangangailangan bilang pagpapakita ng pagmamalasakit.  Sa pagbabalik-tanaw ng ina, inaalala niyang mahalagang bahagi ng pagpapalaki, at samakatwid ay ng kanyang relasyon sa anak, ang pagtugon sa mga pisikal at praktikal na pangangailangan ng anak.  Gayundin naman ang pagtingin ng anak sa ginawa ng ina kaya isa rin ito sa paraan ng pangangalaga at pakikitungong ipinapakita sa kasalukuyang panahon.  Samakatwid, ang palitan ng suporta ng magkatambal ay bumabagtas sa buong panahon ng kanilang relasyon bilang mag-ina: ang ina bilang pangunahing tagabigay ng suporta at anak bilang tagatanggap sa simula na mapapalitan naman ng anak bilang pangunahing tagabigay ng suporta at ng ina—sa kanyang pagtanda—bilang tagatanggap.  Ang paraan ng pagtutunguhan, pag-uusap at palitan ng suporta—na sa kasalukuyang sitwasyon ay pinangungunahan ng anak—ay nakabase sa naranasan niyang pag-aalaga at pagtugon ng ina sa kanyang pangangailangan noong siya ay bata pa lamang, bagama’t hindi naman inaalis ang iba pang salik gaya ng mga pagbabagong nararanasan ng anak dulot ng impluwensya ng kanyang paligid maliban sa tahanan.  Kung pinansyal na pagsustento ang pangunahing ipinakita ng ina, gayon din ang naising ibigay ng anak; kung ito ay ang pag-aasikaso sa loob ng tahanan, gayundin ang pag-aasikaso ng anak; at kung naging maigting ang pagsuportang emosyonal gaya ng pagbibigay-presensya lalo sa oras ng problema, sa ganoong paraan din naman gusto ng anak na maging sandigan siya ng ina sa nalalabing panahon ng kanyang buhay.

Mayroon din namang palitan ng suportang makikita lamang sa kasalukuyang sitwasyon nila.  Ang mga magulang na nagbanggit na ang kanilang relasyon ay isang “give and take” ay pangunahing tumutukoy sa bigayan ng pinansyal at praktikal na pangangailangan ng isa’t isa.  Maging ang mga inang tuwirang nakadepende sa anak para sa mga pinansyal nilang pangangailangan ay kinikilalang naipapakita pa rin nila ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtugon sa ilang praktikal na pangangailangan ng anak gaya ng pag-aayos ng bahay at pagtingin sa apo.

Ang Nakaraang Ugnayang Namagitan sa Mag-Ina

Maliban sa relasyon ng nakaraang ugnayang namagitan sa mag-ina at ng pagmamahal (Rubin 1970), malaki rin ang makikitang kinalaman ng nakaraang ugnayan sa uri ng pag-aalagang ibinibigay o nais pang ibigay ng anak sa kanyang matandang ina.  Malaking bagay ang ugnayan ng mag-ina noong maliit pa lamang ang anak dahil ang kasalukuyang ugnayan ay katuloy lamang ng nakaraang karanasan.

Ang nakaraang ugnayan ng mag-ina ay may kinalaman sa pagkakaroon ng positibo o negatibong damdamin sa pag-aalaga.  Sang-ayon sa nabanggit ni Cicirelli (1993) ukol sa Attachment Theory, nagiging mabigat o magaan ang pasanin ng pangangalaga ayon sa nakaraang ugnayang namagitan.  Sa panig ng nangangalagang anak, lalong dinidibdib ng anak ang mga alitan nila ng ina o ang ilang paraan ng pakikitungo nito sa kanya kung hindi naging matiwasay ang ugnayang mayroon sila noong kabataan nito.  Nagiging paalala ito ng nakaraang sakit o sama ng loob sa magulang.  Magkaugnay man ang nakaraang ugnayan sa damdamin ukol sa pag-aalaga, hindi naman ang kaledad at antas ng pakikitungo o pag-aalaga sa ina.  Ito ay sakop na ng pansariling kakayahan ng anak at kanyang pananaw na responsibilidad bilang anak.

Gaya ng nabanggit nina Goeree, Hiedermann, at Stern (2008), hindi apektado ng nakaraang ugnayan ang antas ng pagbibigay ng pangunahing pangangailangan ng matandang magulang ngunit maaaring maapektuhan nito ang pagbibigay ng emosyonal na suporta.  Sa kaso ng mga kalahok, ang kawalan din ng pagbabasehan ng dalawang panig ng kaalaman sa damdamin ng bawat isa dahil sa kakulangan ng ugnayan sa nakaraan ay nagdudulot ng pag-aalangan at paninimbang sa halip na pagkakaroon ng isang bukas na komunikasyon.  Ayon nga sa isang anak na hindi niya nasaksihan ang inang tuwirang alagaan sila noong kabataan nila,

Naninimbang ako palagi, tinatantsa ko kung ano kaya, may sakit ba, may ano o ano… Alam kosensitive na siya, ‘di ko alam kung ano iisipin niya, anong feeling niya. E ayoko nang mag-isip, ayoko na siyang ma-bother.

Sigalot sa Relasyon ng Mag-Ina at Pang-unawa bilang Bahagi ng Matiwasay na Relasyon

Para sa ina, may mga pagkakataong nalilimitahan na ang kanyang pagkilos, pagdesisyon at pagtamo ng ilang nais na bagay dahil sa kahinaan, kawalan ng pera at pagiging nasa pangangalaga na ng anak.  May mga panahong naaawa din siya sa anak at nais niyang tumulong dito o huwag na itong mahirapan pa ngunit wala naman siyang kakayanang gawin iyon.  Sa ganitong mga panahon nagkakaroon ng awa ang matandang ina sa kanyang sarili at kapanglawan dahil sa kawalan nila ng laya at kakayanang baguhin ang sitwasyon upang umayon sa kanilang kagustuhan.  Ang mga ito ay nakaaapekto sa mabuting kapakanan ng matatanda (Tang 2008).

Sa panig naman ng nangangalagang anak, pangunahing nakakapagpabigat sa kalooban nila ang tila negatibong pakikitungo ng ina lalo kung ikukumpara sa ibang mga kapatid.  Ang mga matatandang ina ay kadalasang nasa bahay at ang mga nangangalagang anak ang kadalasang tanging nakakasalamuha.  Hindi tuloy malayong makitaan sila ng pagkakamali at mapagsabihan ng ina.  Dahil na din sa sila ang laging magkasama, mas nagiging palagay ang loob ng ina sa anak.  Kung kaya naman, mas bukas itong ipakita sa nangangalagang anak ang kanyang mga pagkadismaya, hinaing at disgusto.  Ito ay kung ikukumpara sa pakikitungo sa mga ibang anak na mas madalang niyang makita at hindi niya sigurado kung paano tatanggapin ang mga pangaral na sasambitin sa kakaunting panahong magkakasalamuha sila.  Para sa mga nangangalagang anak na hindi nakapagbibigay ng pinansyal na suporta, minsan ay nakikita ito bilang pagtatangi sa ibang mga kapatid na kayang ibigay ang materyal na pangangailangan ng ina.  Ang kakulangan nila sa pinansyal na pagbibigay ay nakikitang kawalan din ng laya o kapangyarihan.

Ang pang-unawa ay kinikilala ng parehong panig bilang mahalaga para sa isang matiwasay na pagsasama.  Para sa ina, inuunawa niya ang anak sa mga pagkakataong kinakailangan siya nitong paalalahanan.  Hinahayaan niya itong gumawa ng sariling desisyon dahil nauunawaan niyang ang anak ay matanda na, kaya ng magdesisyon at tumayo sa sariling paa, at siya ay nasa pangangalaga na ng anak.  Nakikita rin ng ina ang ibinibigay na pang-unawa ng anak sa kanya.  Bilang ina niya kahit na ang anak pa ang tagapagtaguyod, binibigyan pa din siya ng anak ng kaukulang paggalang at awtoridad.

Sa panig naman ng anak, ang pagpaparaya nang may pang-unawa sa kanyang panig ang mahalaga upang maging matiwasay ang kanilang pagsasamang mag-ina.  Isinasaalang-alang ng anak ang kalalagayan ng ina sa kanyang katandaan at kahinaan pati ang estado nito bilang ina pa rin niya.  Batid niyang hindi madali ang mga pagbabagong nangyari sa ina sa ganitong panahon.

PAGLALAGOM

Sa pangkalahatan, matiwasay ang turing ng magkapisang ina at anak sa kanilang relasyon sa kasalukuyang sitwasyon na ang anak na ang nangangalaga sa nakatatandang magulang.  Ang pagiging magkapisan ay tanggap ng magkabilang panig at nakikita nilang pinakamainam para sa kanilang sarili, maging para sa kanilang katambal.  Batid nilang may mga pagkakataong hindi sila nagkakasundo at may mga alitan ngunit hindi nila ito itinuturing na mabigat o nakaaapekto sa kanilang turingan, pakikitungo, at damdamin sa katambal sa kabuuan.  Ang mga ito ay karaniwang nangyayari ngunit hindi rin nagtatagal.  Dito makikita ang lalim ng relasyon ng mag-ina bilang kapwa na tinitignan ang bawat isa bilang bahagi ng sariling pagkatao kung kaya’t ang pagiging magkapiling at pagkakaroon ng palitan ng suporta ay nagiging kalugod-lugod sa bawat panig.

Maliban sa kagyat na palitan ng suporta sa pagitan ng magkapisang mag-ina sa kasalukuyang panahon, malaking konsiderasyon para sa magkatambal ang palitan ng suportang bumabagtas sa buong panahon ng kanilang relasyon at buhay bilang mag-ina.  Ang pagbibigay na ginawa ng ina noong kabataan ng anak ay tinatanawan ng utang na loob ngayon ng anak bilang siya naming pangunahing tagabigay ng suporta.

Maliban sa pagtanaw ng utang na loob, ang ugnayang namagitan sa pagitan ng mag-ina noong kabataan ng anak ang nagsisilbing pundasyon sa kung paano nakikita ng anak ang kanyang pananagutan sa pag-alaga sa ina sa panahon ng kanyang katandaan.

Ang pang-unawa ay mahalaga sa relasyon ng mag-ina sa partikular na sitwasyong kinakailangang alagaan na ng anak ang ina sa pagtanda nito.  Para sa nakatatandang ina, kinakailangan ang unawaan sa magkabilang panig.  Para naman sa nangangalagang anak, ang pang-unawa ay kailangang pangunahing manggaling sa kanya.

Ang Mag-Ina bilang Kapwa

Malalim ang samahan o relasyong mayroon ang matandang ina at nangangalagang anak na babae.  Ito ay bunga ng matagal na ugnayang nagsimula pa lang nang isilang ang anak na palagiang nakaasa lamang sa magulang hanggang sa kasalukuyang ang ina naman ang umaasa sa tulong ng anak.  Sa kanilang pagsang-ayong mas nakabubuti sa kanilang magkatambal na maging magkapisan sa kasalukuyang sitwasyon, kinikilala din nilang hindi lamang simpleng materyal na bagay ang suporta o tulong na kailangang ibigay upang mapanatiling matiwasay ang kanilang relasyon.  Nariyan din ang regular na pakikipag-ugnayan bilang pagpapakita ng tunay na malasakit. Isa itong malinaw na malalim na pakikipagkapwa, sang-ayon sa nabanggit ni Enriquez (1990), kung saan hindi lamang ito bilang pakikisama na tila nagpaparaya ang isang tao upang maging matiwasay ang kanilang samahan.  Sa halip, nariyan ang malalim na pagtingin ng katambal sa isa’t isa bilang kapwa na kapareho ng kanilang antas ng pagkatao.  Higit pa rito ay ang pagtingin sa katambal bilang bahagi ng sariling pagkatao—ang kawalan ng isa ay tila kawalan ng bahagi ng sarili at pagmamalasakit ng isa sa isa ay nagiging kaluguran ng sarili.  Hindi nila maatim na nakahiwalay sa isa’t isa kahit na maaaring magkaroon ng di-pagkakaunawaan o problema.  Ang mismong pagiging magkapisan nila ay nagsisilbing sapat na dahilan upang magpatuloy ang anak na mangalaga sa ina.  Ang makitang nariyan ang anak na pinaglaanan ng atensyon at buhay noon ay nagdudulot din ng kaluguran sa ina sa kasalukuyang panahon.  Lalo kung naging malalim ang ugnayan nila noong kabataan pa lang ng anak, nagiging madali para sa dalawa ang pakiramdaman at unawain ang kasalukuyang sitwasyon ng katambal.

REKOMENDASYON

Mula sa kinasapitan ng pananaliksik, iminumungkahi na magkaroon ng sumusunod na pananaliksik—lalo kung may mas partikular na grupo ng kalahok—upang makapaghambing at mas mapalawak pa ang kaalaman sa mga nakatatanda at kapamilyang nangangalaga sa kanila.  Ang mga sumusunod ay maaaring isaalang-alang sa paggawa ng mga programang may kinalaman sa relasyon ng magkapisang matandang ina at nangangalagang anak :

  1. Kinakailangan ng mga nakatatanda ng mapaglilibangan at pagkasangkot sa mga gawaing sosyal. Kung ang isang pamayanan, baranggay o bayan ay mas mapaigting ang trabaho ng mga health worker at social worker upang mabisita, makamusta at makasalamuha ang mga nakatatanda sa kanilang lugar, makabubuti ito sa matatanda at mas magkakaroon ang pamayanan ng kamalayan ukol sa mga pangangailangan ng matatanda sa kanilang lugar.  Ang pagsangkot din sa mga nakatatanda kahit na sa mga maliliit na programa sa baranggay ay makadadagdag kasiyahan sa kanilang buhay.
  2. Maigi ang magkaroon ng mga programang makatutulong sa mga anak na maalagaan ang kanilang matandang magulang. Kailangan din lamang siguraduhin na ang mga ganitong tulong ay talagang nailalaan para sa mga matatanda at hindi maabuso para sa pansariling kapakanan lamang ng anak na nangangalaga.
  3. Makabubuti ring paigtingin ang paghikayat sa kasalukuyang henerasyon ng mga may kakayanang magtrabaho na mag-ipon para sa kanilang pensyon sa kanilang katandaan. Ang pagkakaroon ng sariling pagkukunan ng pera sa kanyang pagtanda ay makatutulong sa kanyang pansariling kapakanan maging sa kanilang pagtutunguhan ng kanyang anak sa pagdating ng panahong siya naman ang kailangang alagaan nito.
  4. Ang pag-igting samga parenting seminar sa maayos na ugnayan ng magulang at anak habang kabataan pa nito ay maaaring magkaroon ng pang-matagalang benepisyo sa relasyon ng magulang at anak hanggang pagtanda. Gayundin ang pagkakaroon ng elderly parent care seminars na nagpapaunlad sa pagbibigay-halaga sa pamilyang Pilipino at pagrespeto sa nakatatanda.
  5. Pagkakaroon ng mga matatanda ng munting kabuhayan gaya ng sari-sari store na kanilang pagkakaabalahan at pagkukunan ng sariling pera ay makabubuti sa kanilang kapakanan at makatutulong sa kanilang pagpapahalaga sa sarili.

Sanggunian

Abel, E.K. (1989). The ambiguities of social support: Adult daughters caring for frail elderly parents. Journal of Aging Studies, 3, 211-230.

Abejo, S.D. (2004). Living arrangements of the elderly in the Philippines. 9th national convention in statistics.Nakuha noong Oktubre 25, 2010, mula sa National Statistics Coordination Board: http://goo.gl/Vh7R5M.

Adams, T. at K. Armstrong (1993). When parents age: What children can do. New York: Berkeley Books.

Bengtson, V.L. at R.E. Roberts (1991). Intergenerational solidarity in aging families: An example of formal theory construction. Journal of Marriage and the Family, 53, 856-870.

Blust, E.P. at R.J. Scheidt (1988). Perceptions of filial responsibility by elderly Filipino widows and their primary caregivers. International Journal of Human Development, 91-106.

Carpenter, B.D. (2001). Attachment bonds between adult daughters and their older mothers: associations with contemporary caregiving.Journals of Gerontology, 257-266.

Chesley, N. at K. Poppie (2009). Assisting parents and in-laws: Gender, type of assistance, and couples’ employment. Journal of Marriage and Family, 247-262.

Cicirelli, V.G. (1988). A measure of filial anxiety regarding anticipated care of elderly parents. The Gerontologist, 478-482.

Cicirelli, V.G. (1993). Attachment and obligations as daughters’ motives for caregiving behavior and subsequent effect on subjective burden. Psychology of Aging, 144-155.

Cole, T. K. (1992). The Journey of Life. Cambridge: Cambridge University Press.

De Asis, M.T. (2008). Ang buhay at mundo ng tagasalong Pilipino: Sa perspektiba ng anak na nangangalaga ng matandang Magulang.  Di-nalathalang tesis masterado, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

De Vera, E.B. (2010, September 11). RP has 3 DSWD centers for elderly, 7 million senior citizens. Nakuha noong Mayo 6, 2012, mula sa Manila Bulletin: http://goo.gl/AVTSsu.

Dela Llana, M.R.P. (1997). Caregivers of the physically-disabled elderly: A descriptive study of the experiences of selected Filipino family caregivers. Di-nalathalang tesis masterado, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Department of Social Welfare and Development. (2010, June 18). Implementing rules and regulations of Republic Act No. 9994. Nakuha noong Marso 22, 2012, mula sa Republic of the Philippines Department of Social Welfare and Development: http://goo.gl/9yBFQh.

Enriquez, V.G. (1990). Indigenous personality theory. Nasa V.G. Enriquez (pat.), Indigenous Psychology: A book of readings. Quezon City: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino, 285-310.

Espina, E.A. (2008). The older person in the aging process: Narrative experiences of a select sample. Di-nalathalang tesis masterado, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Gans, D. at M. Silverstein (2006). Norms of filial responsibility for aging parents across time and generations. Journal of Marriage and Family, 68, 961-976.

Goeree, M., B. Hiedermann, at S. Stern (2008). Who cares for which elderly parents? Intersections of race and gender in care provision for the elderly. Office of Population Research 2009 Annual Meeting.Princeton University.

Henz, U. (2010). Parent care as unpaid family labor: How do spouses share? Journal of Marriage and Family, 148-164.

Jocano, F.L. (1998). Anthropology of the Filipino people III: Filipino social organization (Traditional kinship and family organization). Quezon City: PUNLAD Research House, Inc.

Karantzas, G.C., L. Evans, at M. Foddy (2010). The role of attachment in current and future parent caregiving. Journal of Gerontology, 573-580.

Lacson, P. (2011, May 21). Lacson: Taking care of the elderly is a shared responsibility of the government and children of the elderly. Nakuha noong Mayo 6, 2012, mula sa Lacson Files: http://goo.gl/6lRqZW.

McCarty, E.F., C.S. Hendricks, D.L. Hendricks, at K.M. McCarty (2008). Ethical dimensions and filial caregiving. Nakuha noong Setyembre 14, 2010, mula sa Online Journal of Health Ethics: http://goo.gl/edPnTO.

McGarry, K. (1998). Caring for the elderly: role of adult children. Nasa M. Goeree, B. Hiedermann, at S. Stern (mga pat.), Who cares for which elderly parents? Intersections of race and gender in care provision for the elderly. Office of Population Research 2009 Annual Meeting.Princeton University.

Medina, B.T. (2001). The Filipino family. Quezon CIty: University of the Philippines Press.

Myers, D. (1999). Close relationships and quality of life. Nakuha noong Mayo 31, 2014, mula sa David G. Myers Website: http://goo.gl/w4kpuj.

Nolledo, J. (1987). The Constitution of the Republic of the Philippines Explained. Philippines: National Book Store.

Pe-Pua, R. at E. Protacio-Marcelino (2000). Sikolohiyang Pilipino: A legacy of Virgilio G. Enriquez. Asian Journal of Social Psychology, 3 (1), 49–71.

Perez, A. (2010). Exploring the psychological dimension of life satisfaction of the elderly. Di-nalathalang tesis doktorado, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Pezzin, L.E., R. Pollak, at B.S. Schone (2009). Long-term care of the disabled elderly: Do children increase caregiving by spouses? Review of Economics of the Household, 323-339.

Rubin,  Z. (1970).  Measurement of romantic love. Journal of Personality and Social Psychology, 16 (2), 265-273.

Sorensen, S., J. Webster, at L. Roggman (2002). Adult attachment and preparing to provide care for older relatives. Attachment and Human Development, 84-106.

Tang, Y. (2008). Psychological wellbeing of elderly caregivers. Journal of Sustainable Development, 120-122.

Van Gaalen, R.I., at P.A. Dykstra (2006). Solidarity and conflict between adult children and parents: A latent class analysis. Journal of Marriage and Family, 947-960.

White, L.K., at S.J. Rogers (1997). Strong support but uneasy relationships: Coresidence and adult children’s relationships with their parents.Journal of Marriage and the Family, 62-76.

Willson, A.E., K.M. Shuey, at G.J. Elder (2003). Ambivalence in the relationship of adult children to aging parents and in-laws. Journal of Marriage and Family, 1055-1072.

Wolf, D.A., V. Freedman, at B.J. Soldo (1997). The division of family labor: Care for elderly parents. Journal of Gerontology, 102-109.

Xie, Y. at H. Zhu (2009). Do sons or daughters give more money to parents in Urban China? Journal of Marriage and Family, 174-186.