[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical (2013) nina Andrei Nikolai Pamintuan, Charissa Ann Pammit, at Mariane A.R.T. Abuan
ANATOMIYA NG ISANG (HETEROSEKSWAL NA) ROMANTIKONG RELASYON:
SIKOLOHIKAL NA PAGSUSURI SA ISANG DULANG MUSIKAL
Jose Antonio R. Clemente
Department of Psychology
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Sa ganang akin, nagtagumpay ang Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical bilang isang marapat na pagpupugay sa naging kontribusyon sa original Pilipino music (OPM) ng bandang Sugarfree, ngunit hindi bilang isang dulang musikal na mapanghamon o mapagpabago. Bilang isang tagahanga ng Sugarfree, kinilig ako, at marahil ang maraming tagahangang tulad ko, sa ideyang muli kong madidinig ang ilan sa mga kantang pinasikat nila, lalo pa’t mahigit dalawang taon na nang magdesisyon ang bandang magkanya-kanya ng landas matapos ang labing-isang taong pagsasama (Godinez 2011). Maaaring ituring na tribute concert ang dula dahil sa siksik na set list nito—tig-sampung kanta ang ginamit at inawit sa dalawang yugto ng dula. May nostalgia na hatid ang muling pagtatanghal sa mga awiting nagsilbing theme song ng iba’t ibang bahagi ng buhay ko (at marahil muli, ng iba pang manunuod). Idagdag pang may kurot talaga sa puso ang ilan sa mga kanta nila dahil sa tingin ko, sanay na sanay silang ilapat sa himig at titik ang mga karanasang may halong pait at lambing (bittersweet), tulad ng pananabik sa isang pag-iibigang nauwi sa hiwalayan. Kuhang-kuha ito halimbawa ng mga simpleng linya tulad ng “O kay tagal din kitang minahal,” hango sa Burnout, na ipinasok sa unang yugto ng dula matapos ang unang apat na kanta.
Iyon lang, dahil nga isang dula at hindi isang konsyerto ang Sa Wakas, mahalaga siyempre ang usaping naratibo at ang mga perspektibong inilatag patungkol sa mga karanasang sinubukan nitong ikuwento. Kung tutuusin, dalawang kuwento ng (heterosekswal na) pag-iibigan ang sinikap pagtagpiin ng dula: ang pagwawakas ng isang romantikong relasyon [ng mga tauhang sina Topper (ginampanan ni Fred Lo) at Lexi (ginampanan ni Laura Cabochan)] bunga ng mga dahilang tulad ng kawalan ng pagkakatugma sa ugali at hangarin ng magkasintahang magkasama nang naninirahanat ikakasal na dapat, at ang pagpasok ng isang third party [ang karakter na si Gabbi (ginampanan ni Justine Peña)] na namagitan sa magkasintahang ito, na (mukhang) nakasandig sa mga alituntunin ng isang relasyong monogamo kung kaya hindi kataka-taka ang pagguho ng tiwala ni Lexi kay Topper. Simple at walang ligoy ang kuwento ng love triangle nila Topper, Lexi, at Gabbi [maaaring tingnan ang rebyu nina Job de Leon (2013) at Gibbs Cadiz (2013) para sa ilan pang detalye tungkol sa dula]. Sang-ayon ako sa obserbasyon ni de Leon (2013) na walang bago sa naratibo, liban sa paggamit ng reverse chronology bilang paraan ng pagpapadaloy ng kuwento: nagsimula ang dula sa wakas—kung saan ipinakitang tila walang naging masaya at matagumpay sa tatlong karakter dahil naghiwa-hiwalay na sila ng landas—at nagtapos naman ang dula kung saan ipinakita ang matatamis na sandali sa mga unang bahagi ng pagsasamahan nina Lexi at Topper. Binalikan pa nga nila kung paano sila nagkakilala—sa isang Prom, na siyang huling awiting nagsara ng palabas.
Dalawa ang layon ng rebyung ito. Sa mga susunod na bahagi, susubukan kong ipaliwanag kung bakit hindi ako lubusang nasiyahan sa napanuod na dula. Sisikapin ko ring himay-himayin kung paano nga ba inilarawan ng dula ang isang heterosekswal na romantikong relasyon. Manggagaling ako sa punto-de-bista ng isang sikolohistang interesado sa mga pag-aaral ng mga ugnayan at tunguhan sa pagitan ng mga tao.
PAGGAMIT SA MGA AWITIN NG SUGARFREE:
KALAKASAN AT KAHINAAN
Wais ang estratehiyang gumamit ng mga pamilyar na awitin upang ilako ang dula sa mga manunuod. Ayon sa ilang pag-aaral (e.g., North at Hargreaves 1995), sa pangkaraniwan, kung pamilyar na ang isang produkto dahil sa paulit-ulit na pagdanas nito (gaya ng isang kanta), tataas ang pagkagusto sa produktong nabanggit. Wais, dahil ipinapalagay ng mga tao sa likod ng produksyong ito na maililipat ang pagkagusto o pagkahilig ng mga manunuod sa mga awitin ng Sugarfree sa mismong dula. Sa simpleng pananalita, dahil simula pa lang gustung-gusto ko na ang mga kantang ginamit, tataas ang probabilidad na magugustuhan ko rin ang dula. Posible ngang nangyari ito para sa ilan pero para sa akin, naging disbentahe rin ang paggamit ng mga kantang masyadong pamilyar sa akin.
Bilang manunuod, may bitbit na akong mga alaala at karanasang kakabit ng mga kantang narinig ko sa entablado. May baon-baon akong sariling interpretasyon sa mga kantang ginamit. May nabuo na sa isipan kong mga tagpo kung saan palagay ko angkop ang isang partikular na kanta. Kung kaya, sa paggamit ng mga awiting popular, isang sugal para sa mga manunulat at direktor ng dula ang interpretasyong inihain nila sa mga tagahangang tulad ko dahil babanggain nito ang anumang alaala at pagpapakahulugang dala-dala ko. Kung swak ang eksena sa kanta (e.g., ang pambungad na Kwarto, kung saan tahimik at madilim ang paligid, at inaawit ni Topper ang mga linyang “Magpapaalam na sa ‘yo ang aking kwarto,” habang akmang binabalikan ang alaala ng nasirang relasyon mula sa kahon na puno ng mga gamit ng dating kasintahan), walang isyu dahil umayon ito sa inaasahan.
Kung isang kaaya-ayang sorpresa ang pagkakalapat ng kanta sa eksena, mas tagumpay ito para sa akin. Isa sa mga pinakapaborito kong eksena—na tingin ko ay ang pinakaromantiko ring tagpo sa buong dula—ay nasa ikalawang yugto, sa bandang dulo ng buong dula. Sa puntong ito, nagkaka-“debelopan” na ang magkatrabahong sina Topper at Gabbi. Nasa rooftop sila ng gusali kung saan sila nagtatrabaho. Dito ipinakitang halos pareho sila ng mga pinagdadaanan at mithiin sa buhay. Damang-dama ang chemistry sa pagitan nila. Sa madaling sabi, bagay sila. Sabay pasok ang mga linya mula sa kantang Kwentuhan (“Kwentuhan lang/Wala namang masama”). Nahusayan ako sa malikhaing eksenang ito dahil sa kabalintunaang ipinadama sa mga manunuod. Ang tila walang malisya nilang kuwentuhan (o landian), na sinabayan ng tila inosenteng kanta, ay hudyat na pala ng isang affair sa pagitan nilang dalawa. Panalo.
Subalit, hindi ko rin naiwasang madismaya kung taliwas sa inasahan ko ang paraan ng paggamit sa ilang kanta, kahit na sinikap ko sa abot ng aking makakaya ang maging bukas sa anumang ihahain sa akin. Halimbawa, nabanggit ko na kanina ang Burnout na ginamit sa isa sa mga (tila paulit-ulit na) komprontasyon ng magkasintahang Lexi at Topper. Malakas ang mga boses nila at mabigat ang bagsak ng mga salita kung kaya’t malinaw na nag-aaway ang dalawa. Pero kung susuriin ang tema ng kantang ito, isa siyang introspeksyon ng mga kaganapan (“Kung iisipin mo/Di naman dati ganito”), na may halong pagtanggap sa naging kinahinatnan (“Kay bilis kasi ng buhay/Pati tayo natangay”), pagsusumamo at panghihinayang (“Di mo man madama/O kay tagal kitang mamahalin”). Bittersweet, hindi galit.
Kung kaya’t kung tatasahin ko kung nagustuhan ko ang dula, hindi madaling sabihing oo o hindi. Dahil may ilang eksenang mahusay, may ilang sablay, may ilang puwede na, depende sa kung paano binigyang-buhay ang mga kanta ng isa sa paborito kong banda. Idagdag pa rito na kung minsan, naging hadlang sa naratibo ng dula ang paggamit ng mga kanta ng Sugarfree. Hindi ito kabawasan sa husay ng mga kanta. Hindi rin nito ibinababa ang paghanga ko sa mga tao sa likod ng produksyon dahil hindi naman talaga madali ang bumuo ng isang “jukebox musical” (Cadiz 2013). Hindi lang kasi talaga nilikha ang mga kanta ng Sugarfree upang magpadaloy ng isang kuwento.
Kung tutuusin, madaya ang konsepto ng isang jukebox musical: may mga kantang handa na at kilala pa, pagtagpiin na lang sila para makabuo ng kuwento. Pero dahil ang mga kantang buo na ang siyang nagdikta ng daloy—sa halip na bumuo ng mga bagong kanta batay sa gustong tahakin ng kuwento—limitado na agad ang naging istorya. Sa kaso ng Sa Wakas, may mga aspeto ng isang romantikong relasyong hindi naisama dahil walang kanta ang Sugarfree para rito. Halimbawa, nasaan ang mga kaibigan nina Topper at Lexi para tulungan silang mag-ayos ng kanilang problema? Nasaan ang mga kaibigan ni Gabbi para damayan siya sa pagdedesisyon kung itutuloy niya ang relasyon kay Topper? Ang ilan sa matatagumpay na pelikulang may romantikong tema [e.g., One More Chance (Garcia-Molina et al. 2007), na tinukoy rin sa dula bilang paboritong pelikula ni Lexi] ay hindi lang umikot sa mga magkasintahan. Malaki ang papel ng mga kabarkadang umaalalay rin sa magkarelasyon. Mukhang ganito rin naman ang sinasabi ng mga pananaliksik. Nakitang malaki nga ang papel ng mga kaibigan sa pagmimintina ng isang relasyon (relationship maintenance) at maging sa pagresolba ng mga di-pagkakasunduan (conflict management). Maaaring hingan ng payo ang mga kaibigan o maaari rin silang asahan sa oras ng krisis (Canary et al. 1993). Sa katunayan, may say ang mga kabarkada kung aprub ba sila o hindi sa karelasyon ng kaibigan nila (Etcheverry et al. 2012).
Lumabas tuloy na parang may sariling mundo ang mga bida, na hiwalay sila sa kontekstong kanilang ginagalawan. Maliban lang kay Topper. Sa isang eksena, ipinakitang nagbahagi si Topper sa kanyang kuya (ginampanan ni Hans Dimayuga) na nasa ibang bansa ng kanyang kalituhan, na may halong excitement, sa pagpasok ni Gabbi sa buhay niya. Pero tila bunsod ang eksenang ito ng convenience—nagkataon kasingmay kanta ang Sugarfree na pinamagatang Dear Kuya. Gayumpaman, ikinatuwa ko ang eksenang ito dahil ipinamalas nito ang dalawang katotohanan: 1) bukod sa mga kabarkada, may papel din ang mga kapamilya sa pagbibigay ng suporta sa isang romantikong relasyon at 2) malaki ang tulong ng internet at computer-mediated communication (CMC)upang makausap ang mga kapamilyang overseas Filipino worker (OFW). Tunay ngang para sa maraming kabataan sa Pilipinas, nakakatulong ang CMC (tulad ng Facebook at Skype) sa pagbuo o pagpapanatili ng kanilang sense of connectedness sa mga kapamilyang nagtatrabaho sa ibang bansa (Alampay et al. 2013).
ANG PAGTINGIN NG DULA SA MGA ROMANTIKONG RELASYON
Kung hihimayin pa ang dula, paano ba nito inilarawan ang isang heterosekswal na romantikong relasyon at ang isang love triangle? Dahil limitado ang espasyo, magbabahagi lamang ako ng tatlong naging matingkad para sa akin:
Dumadaan sa “turning points” ang mga relasyon. Sa simula pa lang, nais nang ipamalas ng dula na dumadaan ang mga relasyon sa mga yugto—na proseso ang isang relasyon at hindi ito istatik. Dahil agad nang inilatag na hindi nga nagkatuluyan ang tambalang Topper-Lexi at Topper-Gabbi, napatanong ako: Anong nangyari sa kanilang tatlo? Habang unti-unting binabalikan ng dula ang mga pangyayari na nagbunsod ng hiwalayan, sinubukan nilang ipakita ang mga turning point sa dalawang relasyong nabanggit (e.g., ang madalas na pag-aaway nina Topper at Lexi dahil tila hindi sila magkatugma sa direksyong gusto nilang tahakin patungkol sa kanilang karera). Ang mga turning point ay mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng isang (romantikong) relasyon na nagdudulot ng pagbabago sa takbo nito (Baxter at Wolf 2009). Ang mga pagbabago ay maaaring positibo (pagbuo ng isang pag-iibigan) o negatibo (paghihiwalay). Maihahalintulad ang buong dula sa kuwento ng isang kaibigang nagbabalik-tanaw sa mga kaganapang nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kanyang mga relasyon. Interesante ito dahil sa totoong buhay man o maging sa ipinakita sa dula, hindi naman natin ikinukuwento ang bawat detalye ng ating mga relasyon. Bilang tagapakinig ng kuwento o manunuod ng dula, mas nais nating malaman kung kailan ba nila natiyak na gusto na nila ang isa’t isa, ano ang pinakamatinding pinag-awayan nila, paano sila umabot sa desisyong tapusin na ang pagsasama, at iba pa. At ang tila mensahe ng dula: nakakatulong ang (kung minsa’y paulit-ulit na) pagsasalaysay ng mga turning point na ito sa proseso ng pag-move on.
Katapusan ang kahahantungan nang di matapos-tapos na bangayan. Anu-ano nga ba ang mga posibleng tugon ng magkasintahan kapag pareho na silang hindi masaya sa kanilang pagsasama? Sa kaso nina Topper at Lexi, pinili nilang maghuntahan at magsumbatan. Sa katunayan, lima sa dalawampung kanta sa buong dula ay inilaan sa pag-aaway ng dalawa! Ito ang tinatawag nina Caryl Rusbult (1986) na mapagpabaya o mapagsawalang-bahalang pagkilos (neglectful response). Tila hindi naging aktibo sina Topper at Lexi na ayusin ang kanilang relasyon at pawang kumilos pa sila tungo sa tuluyang pagkasira ng kanilang pagsasama (e.g., kawalan ng oras sa isa’t isa, pamumunang nakakasakit). Kaya bilang piping saksi sa mga pangyayari, nayamot akong panuorin sila. Maaga pa lang sa dula ay bumitiw na ako sa love story nila dahil tila wala rin namang elemento sa pag-iibigan nilang maaaring mag-adya sa pagtingin ko sa kanila. Bilang isang sikolohista, nanghinayang ako dahil magandang pagkakataon sana ang dula para suriin ang iba’t ibang estratehiya sa pagpapanatili ng isang relasyon at pagtugon sa di-pagkakaunawaan (maliban sa sumbatan). Talamak na kasi ang mga kuwento tungkol sa kung paano ba nabubuo ang pag-iibigan. Madalas din, nagtatapos na ang mga kuwentong ito kapag nagkatuluyan na ang mga bida. Pero ano nga bang nangyayari matapos maging sila? Paano nila sinisikap na manatiling maging magkasama? Kapag tapos na ang kiligan at landian, ano na? Ang mensahe tuloy ng dula para sa akin: Kung mahilig ka sa drama at gusto mong magpakasasa sa sakit at dusa, huwag nang magsikap na ayusin ang relasyon. Hindi kasi romantiko at exciting ang relasyon kapag maayos, kapag hindi kumplikado. Hindi na rin romantiko kapag tapos na ang landian at nasa gitna na kayo ng relasyon. Pero para sa akin, ang mga pang-araw-araw at mumunting pagsisikap—iyong tinatawag na mga “routine maintenance behavior” (Dainton at Stafford 1993)—ay maaari pa ring ipresenta bilang romantiko. Kasama na diyan ang date night, paggawa ng mga gawaing-bahay nang sabay, mahinahong pag-uusap, kulitan, at iba pa. Cliché mang pakinggan, hard work talaga ang mga relasyon. Hard work na puwede pa ring pagmulan at kahantungan ng kilig at kasiyahan [tingnan ang artikulo nina Marianne Dainton at Laura Stafford (1993) para sa ilang mungkahi ng maintenance behavior].
May mga babaeng pang-altar at may mga babaeng pang-kama. Hindi man sinadya ng dula, pero sa kabuuan, may pagkaseksista ang representasyon nito ng mga babae at lalake. Ang mensahe ng dula: may dalawang klase ng babae—may “Madonna” at may “prostitute” (Holmes at Baer 2012). Sa dula, laging balot si Lexi samantalang maigsi ang mga damit ni Gabbi. May eksenang mukhang kakatapos lang magtalik nina Gabbi at Topper pero walang ganitong pahiwatig ang dula kina Lexi at Topper kahit na magkasama na sila sa iisang bubong. Kahit parehong edukada at makapangyarihan sa kanilang mga larangan, pinagmukhang boring si Lexi kaya mukhang mas exciting si Gabbi. Ganoon nga ba iyon? Kapag pang-“long term” at “inuuwian” ang isang babaeng tulad ni Lexi, dapat kagalang-kagalang siya kaya hindi na siya puwedeng maging sexy at exciting? Sa kabilang banda, kahit na mas sexy, mas masarap kasama, mas masayang kakulitan, mas kapana-panabik na kalandian—sa madaling sabi, mas kaaya-ayang alternatibo—ang mga kabit tulad ni Gabbi ay mababa na ang pagtingin sa kanila simula’t sapul pa lang kaya hindi iiwan ng mga lalake ang kanilang mga karelasyon para sa mga kabit? Idagdag pang sa pagpili sa karakter ni Topper bilang salawahan—sa halip na sina Gabbi at/o Lexi ang siyang nangaliwa—mukhang ipinahiwatig nito ang pagtingin ng dula sa mga lalake bilang taksil, malibog, mapaglaro. Kaya sa tingin ko, hindi mapagpabago o mapanghamon ang dula—dahil lalake na naman ang manloloko at babae na naman ang biktima, naloko, at naagrabyado.
BILANG PAGWAWAKAS
Nang sa wakas ay natapos ang dula, hindi naging tiyak sa akin kung nagustuhan ko ang unang handog na ito ng Culture Shock Productions. Marahil dahil una pa nga lang, na sinabayan pa ng marami ring baguhan sa produksyong ito—mula sa mga artista hanggang sa production staff—kayamay pagka-amateur ang dating ng buong dula—mula sa pag-arte hanggang sa detalye ng entablado. Pagdating sa pagganap, nandoon ang sigasig ng mga bidang sina Lo, Cabochan, at Peña na maitawid ang bawat linya at kanta. Mula sa kilos, pananamit, at enerhiyang ipinamalas sa entablado, bagay sa kanila ang papel ng mga young professional. Charming si Lo bilang leading man, kuha ni Cabochan ang pagiging isang eager-beaver-know-it-all, at may di-katiyakan sa mga kilos ni Peña na hindi ko masabi kung dulot ng kaba (parang madami siyang nainom na kape) o dahil ang karakter niyang si Gabbi ay dapat mukhang walang kumpyansa sa sarili. May sapat naman silang kakayahan para ikover ang mga kanta ng Sugarfree. Iyon nga lang, may pagka-karaoke kung minsan ang atake. Hamon ding hindi magtunog pop ang mga awitin dahil kailangan nilang lagyan ng nuance ang kanilang pagkanta—kumbaga, kailangan nilang umarte habang kumakanta—upang padaluyin ang naratibo. Sa tingin ko, pinakanahirapan sa kanilang tatlo si Lo, dahil kung minsan masyadong mataas para sa kanya ang mga kanta. Nakadagdag sa dynamics ng tunog ng tatlong bida ang ensemble/koro (ginampanan nina Dimayuga, Abi Sulit, Lucia Kristina Francesca David, at Cassie Manalastas). Sila rin ang naghatid ng ilan sa nakakatawang eksena sa dula. Idagdag pang natuwa akong makita ang banda sa entablado pero napaisip din ako kung ano kaya ang naging tunog ng buong dula kung bukod sa gitara, drum, at piano—mga kadalasang instrumento rin ng isang rock band—ay sinamahan pa sila ng orchestra. Hindi ako aral sa teatro o produksyong musikal kaya hindi pino ang pandinig ko at dahil dito, hindi ko masabi kung gaano kalaki o kadami ang binago sa areglo (ng musical director na si Ejay Yatco) para bumagay ang mga kanta sa konteksto ng isang dulang musikal. Ang dating sa isang simpleng manunuod na katulad ko, halos katunog ang orihinal na areglo ng Sugarfree, maliban sa vocal harmony na dulot ng mga duet at back-up ng koro. Sa puntong ito, naging tapat nga ang dula sa pagbibigay-pugay sa Sugarfree dahil pamilyar pa rin ang tunog ng bawat kanta.
Simple lang ang kabuuang produksyong tila nakisabay sa simpleng kuwento nito. Mas mainam lang para sa akin kung naipakita sana ang pagbabago ng panahon sa pamamagitan ng pagbabago ng hitsura ng mga bida. Ito marahil ang isang limitasyon ng paggamit ng reverse chronology sa isang dula. Walang oras para pagmukhaing bumabata ang mga bida o ibahin ang set para maihayag na ibang taon na dahil mabilis ang daloy ng kuwento. Sa katunayan, dahil bahagi si Topper sa halos lahat ng eksena, hindi na siya nakapagpalit ng damit (hindi ko tuloy alam kung simbolismo ba na hindi nagbago ang hitsura niya o baka limitasyon nga lang ito ng produksyon). Ipagpapalagay na lang talaga ng manunuod na umaatras nga ang kuwento dahil limitado ang biswal na aspeto ng dula. Sa kabuuan, bumaba ang telon at natapos ang palakpakan na walang partikular na emosyon, eksena o linyang kumapit sa akin hanggang sa dulo. Para siyang softdrink na lata na, walang masyadong sipa. Kumbaga, steady lang.
Kung ako ang tatanungin, sana hindi naging trahedya ang kinahinatnan ng tatsulok nina Topper, Lexi, at Gabbi. Wala nga lang itong bittersweet o dramatikong epekto sa manunuod tulad ng epekto ng mga awitin ng Sugarfree sa mga tagapakinig. Pero maganda rin sanang mensaheng kayang igpawan ng magkarelasyon ang isang isyu tulad ng pagtataksil basta desidido silang magkapatawaran at pagtrabahuhan ito.
Napagtanto ko rin nang matapos ang dula na makapangyarihan pala talaga ang hindsight. Dahil alam ko na ang wakas, naging madali para sa aking manghusga ng mga karakter at sabihing, halimbawa, na kaya naman pala naghiwalay sina Topper at Lexi ay dahil hindi naman talaga sila bagay, may Gabbi man sa eksena o wala. Hindi laging malinaw ang mga motibasyon ng mga karakter at hindi laging naipaliliwanag ng mga piniling turning point ang naging kinahinatnan, pero dahil alam ko na ang ending, parang awtomatiko na sa aking bigyang-linaw ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagdudugtong-dugtong ng wakas, gitna, at simula.
Sa totoong buhay, pumapasok tayo sa mga relasyong hindi naman talaga natin alam kung paano magwawakas. Aktibo tayong kalahok nito at habang nangyayari ito, kronolohikal ang daloy. May simula (na nagiging bahagi ng nakaraan), may gitna (na maaaring nararanasan sa kasalukuyan), at may hindi pa malinaw na hinaharap. Kaya naging paalala sa akin ng dula ang tatlong bagay patungkol sa mga romantikong relasyon: 1) sana may mga kaibigan at kapamilya tayong kasama at kaagapay lalo na sa mga sandaling kailangan natin ng suporta; 2) kung dumating man ang wakas, nawa’y may kakayahan tayo o may kakilala tayong may sapat na balangkas, bukas na isipan, at kabatiran para gabayan tayo sa pagbuo ng rasonable at makabuluhang paliwanag o panghuhusga sa mga kaganapan nang hindi tayo nabubulugan ng hindsight lamang; at 3) maaaring makatulong ang mga saktong theme song o set list—mapa-Sugarfree man o hindi—sa pagpapaigting ng mga emosyong kinakaharap natin, pagpapahayag ng mga nararamdamang hindi natin maipaliwanag o masabi, at pagpoproseso ng ating mga karanasan, nasa aling yugto man tayo ng romantikong relasyon naroroon.
Sanggunian
Alampay, E.A., L.P. Alampay, at K.S. Raza (2013). The impact of cybercafés on the connectedness of children left behind by overseas Filipino workers. Global Impact Study Research Report Series. Seattle, WA: University of Washington School of Information.
Baxter, L.A. at B. Wolf (2009). Turning points in relationships. Nasa H.T. Reis at S. Sprecher (mga pat.), Encyclopedia of Human Relationships; Volume 3. CA: Sage Publications, Inc., 1652-1653.
Cadiz, G. (2013, Abril 27). ‘Sa Wakas’ – nothing less than a prototype for the Filipino jukebox musical. Nakuha noong Setyembre 20, 2013, mula sa Philippine Daily Inquirer Website: http://goo.gl/hh622B.
Canary, D.J., L. Stafford, K.S. Hause, at L.A. Wallace (1993). An inductive analysis of relational maintenance strategies: Comparisons among lovers, relatives, friends, and others. Communication Research Reports, 10 (1),5-14.
Dainton, M. at L. Stafford (1993). Routine maintenance behaviors: A comparison of relationship type, partner similarity, and sex differences. Journal of Social and Personal Relationships, 10 (2),255-271.
De Leon, J. (2013). Uncovering beginnings in Sa Wakas. Nakuha noong Setyembre 20, 2013, mula sa The Manila Review Website: http://goo.gl/NZTdOB.
Etcheverry, P.E., B. Le, at N.G. Hoffman (2012). Predictors of friend approval for romantic relationships. Personal Relationships, 20 (1), 69-83.
Garcia-Molina, C. (direktor), E.S. Medua (prodyuser), C. Santos-Concio (prodyuser), M. Santos (prodyuser), C. Raymundo (prodyuser at manunulat), at V. Valdez (manunulat) (2007). One more chance [Pelikula]. Quezon City: Star Cinema.
Godinez, B. (2011). Ebe Dancel puts Sugarfree behind; Focuses on solo career. Nakuha noong Setyembre 20, 2013, mula sa Philippine Entertainment Portal Website: http://goo.gl/rf5ydw.
Holmes, M.G.S. at A.A.F. Baer (2012). Love triangles: Understanding the macho-mistress mentality. Mandaluyong City: Anvil Publishing, Inc.
North, A.C. at D.J. Hargreaves (1995). Subjective complexity, familiarity, and liking for popular music. Psychomusicology, 14 (1), 77-93.
Rusbult, C.E., D.J. Johnson, at G.D. Morrow (1986). Determinants and consequences of exit, voice, loyalty, and neglect: Responses to dissatisfaction in adult romantic involvements. Human Relations, 39 (1),45-63.