
PSSP dumalaw sa University of Makati
Kenneth Rives, 04 Oktubre 2012
Prop. Yacat, naglahad ukol sa p
animulang kurso sa Sikolohiyang Pilipino bilang katutubong sikolohiya
BINISITA ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino sa pangunguna ni Prop. Jay Yacat, pangulo ng samahan, ang University of Makati bilang tugon sa paanyaya ni Prop. Gesela Macas ng Department of Psychology, Philosophy and the Humanities na magbigay ng maikling panayam ukol sa panimulang kurso sa Sikolohiyang Pilipino bilang katutubong sikolohiya noong ika-03 ng Oktubre 2012. Ito ay dinaluhan ng humigit-kumulang 100 mag-aaral sa sikolohiya na nasa ikatlo at ikaapat na antas.
Sa kaniyang panayam, tinalakay ni Prop. Yacat ang kahalagahan sa pagsasakatutubo ng sikolohiya sa Pilipinas. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng: (1) pagpili ng mga paksang makabuluhan para sa mga Pilipino para sa lahat ng sikolohikal na pananaliksik; (2) paggamit ng katutubong konsepto at teoretikal na balangkas; (3) paggamit ng katutubong lapit, metodo at teknik; at (4) pagsasakatutubo mismo ng mga institusyong may kinalaman sa disiplina ng sikolohiya.