nina Marianne Elizabeth D. Silva at Mel Vinci D. Cruz
Ginanap noong 1 Agosto 2015 sa San Beda College-Alabang ang ikaapat na serye ng Sandaluyan, ang kauna-unahang aktibidad ng TATSULOK sa pagdiriwang ng ika-sampung taon nito. Ang naging paksa ay “Usapang #Hugot” kung saan naging tagapagsalita si Prop. Jose Mari “Jomar” A. Carpena. Mahigit 300 na mag-aaral ang dumalo sa naturang talakayan, isang patunay na lumalawak ang impluwensya ng Tatsulok sa mga mag-aaral ng Sikolohiya.
Tinalakay ni Prop. Carpena ang konsepto ng hugot at kung paano ito nagiging pagbabalik-tanaw at paglabas ng mga damdaming naranasan ng isang tao upang mapagaan ang saloobin sa pamamagitan ng paglalahad nito sa kanyang kapwa. Napag-usapan din kung ano-ano ang mga konteksto ng Hugot: kung ito ba ay tungkol sa romance o mayroon ding ibang konteksto na maaring makita. Isinama rin sa talakayan kung maaari ba itong mailabas sa hindi nakakatawang paraan at ang relasyon nito sa mga konsepto ng SP katulad ng loob at biro.
“Masasabi mo lang na tama na, kapag nakakasakit na ang dating masaya,” isa lamang ito sa mga hugot na tumatak at nakaimpluwensya sa mga taong dumalo ng naturang seminar. Sa bawat halimbawa ng hugot, kapansin-pansing marami sa mga tagapakinig ang talagang may pinaghuhugutan, patunay na talaga ngang konektado ang napiling tema sa kasalukuyang henerasyon. Masasabing ang naganap na diskusyon ay nakapagdulot ng isang positibong resulta. Malalim na koneksyon ang naging daan upang mapagtugma ang bawat ideya na naglalaro sa isipan ng mga mag-aaral ng Sikolohiya. Ito ay nakatulong upang unti-unting maisiwalat ang reyalidad sa hugot.
Para sa ibang mga larawan, bisitahin lamang ang Tatsulok Facebook page.