PSSP bumisita sa San Beda College
Kenneth Rives, 23 Agosto 2012
Prop. Yacat, nagsalita ukol sa panimulang kurso
sa Sikolohiyang Pilipino bilang katutubong sikolohiya
PINAUNLAKAN ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino ang paanyaya ng Psychological Society sa San Beda College na magbigay ng maikling panayam ukol sa panimulang kurso sa Sikolohiyang Pilipio bilang katutubong sikolohiya noong ika-22 ng Agosto 2012. Kaugnay ito ng pagdiriwang nila ng buwan ng wika na may paksang-diwang “Sa Wikang Filipino, DalubhaPSYCH Ako!” Si Prop. Jay A. Yacat, Pangulo ng PSSP, ang naging kinatawan ng samahan sa okasyong ito.
Sa kaniyang panayam, tinalakay ni Prop. Yacat ang papel ng wikang Filipino at iba pang lokal na wika sa pagsasakatutubo ng sikolohiya sa Pilipinas. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpili ng mga paksang makabuluhan para sa mga Pilipino para sa lahat ng sikolohikal na pananaliksik, at pagsusuri ng katutubong konsepto at paggamit ng katutubong metodo ng pananaliksik. Sa huli, pinanindigan niya na ang pagsasakatutubo ng sikolohiya ay may malaking ambag hindi lamang sa pag-unlad ng disiplina ng sikolohiya kundi maging sa paglinang ng ating integridad bilang mga Pilipino.