By | 06/07/2016

Inilunsad ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o DepEd) katuwang ang E-Net Philippines at Save the Children ang “Positive Discipline in Everyday Teaching: A Primer for Filipino Teachers” nitong ika-6 ng Hunyo 2016 sa DepEd NCR Conference Hall, Daang Misamis, Bagong Bantay, Lungsod Quezon.

Naglalayon ang librong ito na tulungan ang mga guro na gamitin ang Positive Discipline sa kanilang pagtuturo upang magkaroon ng mas ligtas na kapaligiran ang mga mag-aaral na siyang magiging daan sa mas epektibong pagkatuto ng mga ito.

Nagpahayag ng kanilang suporta sina Atty. Alberto T. Muyot (Undersecretary, Kagawaran ng Edukasyon), Bb. Rowena Cordero (Deputy Country Director for Program Development and Quality, Save the Children Philippines) at G. Edicio dela Torre (Pangulo, E-Net Philippines).

Primer

Mula sa kaliwa: Atty. Alberto T. Muyot, Bb. Wilma Bañaga, Br. Armin A. Luistro FSC, G. Edicio dela Torre, at Bb. Rowena Cordero (ang larawan ay mula sa DepEd Twitter page: https://twitter.com/DepEd_PH/status/739698523717783553)

Matapos na pormal na ilunsad ang libro, nagbigay naman ng maikling pagpapaliwanag ukol sa Primer si Bb. Wilma Bañaga (Child Protection Adviser, Save the Children Philippines).  Sinundan ito ng pagbibigay- testimonya ng dalawang guro na nakadalo na sa Positive Discipline training-workshop na sina G. Peter Mallonga at Bb. Zaida PadulloIbinahagi ni G. Mallonga kung paano binago ng pagkakaroon niya ng kaalaman ukol sa Positive Discipline ang relasyon niya sa kanyang mga anak.  Simula nang gamitin niya ito sa kanilang tahanan, mas naging bukas ang kaniyang mga anak sa pagbabahagi ng kanilang mga karanasan at problema.  Samantala, ibinahagi ni Bb. Padullo kung gaano siya katutol sa Positive Discipline noong simula.  Ngunit ito ay nagbago nang namatay ang isang mag-aaral sa paaralan na kaniyang pinamumunuan nang dahil sa maling pagdisiplina ng magulang.  Ipinangako niya sa kaniyang sarili pagkatapos ng insidenteng ito na magiging tagapagpatuyod na siya ng Positive Disipline.  Sa kaniyang paningin, naging positibo ang pagtanggap ng mga mag-aaral dito.  Ito umano ang naging daan tungo sa mas maayos na pakikitungo ng mga ito sa kaniya at sa mga guro ng paaralan. Dagdag pa niya, hindi na umano natatakot ang mga mag-aaral sa tuwing siya ay nakakasalubong.  Nang siya ay inilipat sa ibang paaralan, ginamit rin niya ang Positive Discipline at paniwala niya ito ang naging daan para mapataas ang marka ng mga mag-aaral sa National Achievement Test. (NAT).

Nagbigay din ng kaniyang mensahe si Br. Armin A. Luistro FSC (Kahilim, Kagawaran ng Edukasyon).  Nagtapos ang programa sa paglagda ng “pledge of commitment”.  Nakatanggap ng libreng kopya ng libro ang lahat ng dumalo sa programa.–Kenneth Carlo L. Rives

 

I-download ang  ng Primer.

Leave a Reply