By | 04/19/2021

Isang mainit na pagbati mula sa pamunuan ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP)!

Taon-taon, nagtataguyod ang PSSP ng mga gawaing naglalayong palaganapin ang Sikolohiyang Pilipino (SP) sa iba’t ibang sektor ng lipunan bilang isang inter-disiplinaryo at maka-Pilipinong pananaw at pamamaraan.  Katuwang ang UP Diliman Psychosocial Services (UPD PsycServ), isasagawa po ng PSSP ngayong taon ang kauna-unahang Pambansang Kumperensiya sa Ginhawa na may temang Ginhawa sa Panahon ng Pandemya: Pag-unawa at Pagtugon sa mga Hamong Dulot ng Pandemya” na gaganapin sa 1-3 Hulyo 2021.

Sa loob ng isang taon, binago ng COVID-19 ang buhay at pamumuhay ng mga indibidwal, pamilya, komunidad, at lipunan sa buong mundo. Para sa ating mga Pilipino, patuloy ang hamon ng pakikibaka sa sakit na ito, pag-angkop sa mga hirap at suliraning dala nito, at paghahanap ng mga pagkakataong makaranas ng paglago sa gitna, at sa kabila, ng pandemya. Kailangan ang pagsasama-sama ng iba’t ibang kadalubhasaan at pananaw sa pagbubuo ng “better normal” o bagong pamumuhay sa paraang aktibo at nakikilahok.

Layunin ng kumperensiyang ito ang magbigay ng pagkakataon para sa pagbabahagi ng mga pananaliksik at karanasang pang-praktika na may kinalaman sa: (i) pag-unawa sa karanasan ng pandemya para sa mga Pilipino, (ii) mga modelo at pamamaraan ng pagpapaigting ng nakagiginhawang pag-angkop at paglago sa iba’t ibang aspeto ng buhay tulad ng sa sarili, pamilya, komunidad, at pinagtratrabahuhan, at (iii) mga batayang panuntunan sa pangangalaga at pagsulong ng ginhawa sa panahon ng pandemya.

Inaanyayahan po ang lahat ng mga mananaliksik at mga practitioner na magsumite ng kanilang abstrak tungkol sa paksang ito. Ang mga papel ay maaaring kwantitatibo, kwalitatibo, teoretikal, kritikal na repleksyon, o rebyu. Para magsumite ng abstrak, tumungo lamang sa: .  Maaaring magsumite ng kontribusyon hanggang 16 Mayo 2021 31 Mayo 2021.

Ang mga matatanggap na papel ay magkakaroon ng pagkakataong mailathala sa isang special issue ng Diwa E-journal tungkol sa napapanahong paksang ito.

Ang buong kumperensiya ay gaganapin online.

Aasahan namin ang inyong mga abstrak. Salamat sa patuloy na suporta sa mga gawain ng PSSP.

Dr. Danielle P. Ochoa
Prop. Argel Masanda
Dr. Violeta V. Bautista
Dr. Divine Love A. Salvador

Mga Convenor