By | 02/08/2014

Katuwang ang University of Nueva Caceres, matagumpay na naidaos ng PSSP ang Ika-38 Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino na may temang Sikolohiya ng Malasakit at Pananagutan.  Ginanap ang pambansang kumperensiya sa Naga Regent Hotel at University of Nueva Caceres sa Lungsod ng Naga, Camarines Sur noong Nobyembre 21-23, 2013.  Sa loob ng tatlong araw, napanagumpayan ng kumperensiya ang mga layunin nitong (1) pagtuunan ng pansin ang paghubog sa malasakit at pananagutan sa iba’t ibang konteksto: pag-uugnayan, pamilya, paaralan, propesyon, pananampalataya, at pamahalaan; (2) magtampok ng mga pananaliksik sa sikolohiya, kultura, at lipunang Pilipino; at (3) magbahagi ng kaalaman at kasanayan na nagtataguyod ng Sikolohiyang Pilipino.

B_002

Nagbigay ng pambungad na pananalita sa kumperensiya si G. Conrado de Quiros (Philippine Daily Inquirer) samantalang tagapagsalitang pamplenaryo naman sina Dr. Grace Aguiling-Dalisay (Unibersidad ng Pilipinas-Diliman), Fr. Albert E. Alejo, S.J. (Ateneo de Zamboanga University), at Dr. Ma. Regina M. Hechanova-Alampay (Psychological Association of the Philippines at Ateneo de Manila University).  Pinaksa ni Dr. Aguiling-Dalisay ang paghubog ng malasakit at pananagutan samantalang tinalakay naman ni Fr. Alejo ang pagdadalumat ng malasakit at pananagutan.  Inilahad naman ni Dr. Hechanova-Alampay ang tugon ng PAP kaugnay ng malasakit at pananagutan sa sikolohiya sa Pilipinas.  Nagkaroon din ng mga sabayang sesyon, Sikolohiyang Pilipino workshop series, lakbay-aral, at kultural na pagtatanghal.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang kumperensiya dahil sa makabuluhang pagbabahagi ng mga tagapagsalita at masiglang pakikilahok ng mga delegado tungo sa pagpapayaman ng pag-unawa sa sikolohiya ng malasakit at pananagutan.

B_003B_004B_005 B_006

Mga Tampok na Tagapagsalita: G. Conrado de Quiros, Dr. Grace Aguiling-Dalisay, Fr. Albert E. Alejo, S.J., at Dr. Ma. Regina M. Hechanova-Alampay.

Para sa mga orihinal na litrato, pumunta sa:

 https://www.facebook.com/PSSP.1975/media_set?set=a.572499876155198.1073741835.100001855723149&type=3

PSSP Kumperensiya 2013 – Souvenir Program (PDF)