By | 05/07/2018

Ibinahagi ni Prop. Jay A. Yacat, kasalukuyang Pangulo ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilpino (PSSP), ang resulta ng pananaliksik ukol sa treatment adherence (pagsunod sa payo ng doktor) na isinagawa ng organisasyon sa tulong at suporta ng PHAREX Health Corporation sa isang panayam na ginanap noong ika-26 ng Abril 2018 sa Crowne Plaza Hotel Galleria, Lungsod Quezon.

Si Prop. Yacat habang ibinabahagi ang resulta ng pag-aaral.

Batay sa pagsusuri ng interbyu sa 24 pasyenteng na-diagnose ng hypertension (na walang kaukulang ibang sakit), napag-alaman na magkaiba ang mga pasyenteng may mataas na antas ng treatment adherence at mga taong mababa rito sa kanilang pananaw ukol sa diagnosis na ang hypertension ay isang kondisyon na mangangailangan ng panghabambuhay na atensiyon. Tinitingnan ng mga pasyenteng may mataas na treatment adherence na ang regular na pag-inom ng gamot, kasama ang pagbabago sa mga gawi at lifestyle, ay epektibong pamamaraan upang mapanumbalik ang kanilang normal na buhay at makapagtaguyod ng kanilang kalusugan.  Samantala,  para naman sa mga hindi masyadong regular ang pag-inom ng gamot, nakikita nila na ang pag-inom ng gamot ay pabigat sa kanilang buhay at laging nagpapaalala sa kanila ng kanilang sakit o kondisyon.

Iniulat din na ang pagkalimot ang kadalasang dahilan ng hindi pagsunod sa paggagamot.  Malaki rin ang papel ng mga nararanasang sintomas sa pagdedesisyon ng mga taong mababa ang treatment adherence kung sila ba ay iinom ng gamot o hindi: kapag may naranasang sintomas, sila ay iinom; kung wala nang nararamdaman, ihihinto na rin nila ang pag-inom ng gamot.

Matapos ang pag-uulat, nagkaroon ng isang panel discussion kasama sina Dr. May Donato Tan, kasalukuyang Pangulo ng Philippine Society of Critical Care Medicine at ng Heart Failure Society of the Philippine at Cardiology Consultant ng Philippine Hearth Center; Dr. Ariel D. Valones, Tagapangulo ng Department of Pharmacology ng Emilio Aguinaldo College at Cardiology Consultant ng Manila Medical Center; at si Dr. Wilbert Allan Gumatay, Tagapangulo ng Philippine Heart Association Council on Heart Failure at Assistant Training Officer ng Cardiology Section ng Manila Doctor’s Hospital, upang talakayin ang mga posibleng implikasyon ng mga resulta.  Bago matapos ang programa, pormal ding inilunsad ng PHAREX ang kanilang pinakabagong gamot laban sa hypertension: ang Irbesartan.

nakaupo mula sa kaliwa: Prop. Yacat, Dr. Valones, Dr. Tan, at Dr. Gumatay.

Leave a Reply