Ipinagdiwang ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) at ng TATSULOK-Alyansa ng mga Mag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino ang apatnapung taon at sampung taon ng pagtataguyod at pagpapalaganap ng Sikolohiyang Pilipino sa The Buffet, Commonwealth, Lungsod Quezon noong Marso 5, 2016.
Sinimulan ang Gabi ng PSSP sa isang mabiyayang piging, kuwentuhan at kumustahan ng mga nagsipagdalong miyembro ng PSSP, mga mag-aaral, at mga dating kasapi ng TATSULOK. Sinundan ito ng isang programang pinangunahan nina Prop. Miriam Grace Aquino-Malabanan at Prop. Jayson D. Petras bilang mga guro ng palantuntunan. Malugod na binati ni Prop. Jay Yacat, pangulo ng PSSP, ang lahat ng mga dumalo. Ipinaabot niya ang pasasalamat sa patuloy na suporta sa mga programa ng PSSP at walang humpay na pagtataguyod sa diwa ng Sikolohiyang Pilipino. Ibinahagi rin niya ang isang magandang balita na isinama na ng Commission on Higher Education (CHED) sa kurikulum ng Sikolohiya ang SP bilang isang required elective.
Nagsilbi namang panauhing pandangal si Dr. Grace Aguiling-Dalisay, dekana ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Si Dr. Aguiling-Dalisay ay kasaping panghabambuhay ng PSSP at makailang ulit ding nagsilbing pangulo ng samahan. Kaniyang isinalaysay ang kasaysayan ng pagkakatatag ng PSSP at ang patuloy na pagsulong ng Sikolohiyang Pilipino bilang isang malaya at mapagpalayang disiplina at kilusan.
Pinangunahan din ni Dr. Aguiling-Dalisay ang panunumpa ng mga kasapi ng Lupon ng Kadiwa para sa mga taong 2016-2017. Sunod na ipinakita ang isang audio-visual presentation na nagtampok sa mga naging gawain ng PSSP at TATSULOK.
Naging pagkakataon din ang pagdiriwang para sa paglulunsad ng Tatak SP, isang gawad na ipagkakaloob ng samahan para sa mga institusyong nagsasabuhay ng SP. Pinangunahan ni Prop. Aquino-Malabanan, pangalawang pangulo ng PSSP, ang pagpapaliwanag sa mekaniks ng nasabing gawad.
Inilaan ang ikalawang bahagi ng programa para sa pagdiriwang ng ikasampung taon ng TATSULOK, ang kalipunan ng mga organisasyong pang-mag-aaral na naglalayong palaganapin ang Sikolohiyang Pilipino. Pinasimulan ito ng kasalukuyang pangulo ng alyansa na si G. Mel Vinci Cruz ng Holy Angel University. Nagkaroon ng pagbabalik-tanaw sa pamamagitan ng audio-visual presentation, palaro, at mga testimonya mula sa dating pamunuan at kinatawan ng organisasyon.
Nagtapos ang programa sa pagkuha ng mga larawan para sa isang makabuluhang gabi ng pagpupunyagi at pagtatagumpay.
Mabuhay ang PSSP at TATSULOK! Tungo sa malaya at mapagpalayang sikolohiya! —Lander Joseph Ilagan at Kenneth Carlo L. Rives
Para sa ibang mga larawan, bisitahin lamang ang PSSP Facebook page.