[DIWA E-Journal Tomo 5, Nobyembre 2017] Parang Pag-ibig, Ibinibigay Nang Walang Kapalit! Utang na Loob – Ugnayan, Unawa, at Ugali

Roberto E. Javier Jr., Ph.D.
Departamento ng Sikolohiya
De La Salle University, Manila

Abstrak

Sa 2015 sarbey na isinagawa sa may 218 estudyanteng nasa unibersidad at mga nasa antas panggradwado, sininop ang ugnayan, unawa, at ugali na meron sa utang na loob.  Malaon nang nasa unawa ng Pilipino ang utang na loob, katibayan dito ang tala ng misyonerong Pransiskano na si Padre Pedro de San Buena Ventura sa Vocabulario de Lengua Tagala noong 1613.  Sa paglipas ng 400 taon, natuklasang nasa unawa pa ito ng mga estudyanteng nasa sampol na kung saan ang 8 sa bawat 10 sa kanila ay nasa pagitan pa ng edad na 16 hanggang 29.  Sulat-kamay ang sagot nila sa tanong tungkol sa sariling karanasan sa pinagkakautangan nila ng loob.  Malinaw na may ugnayang namamagitan sa may utang na loob at nagkusang magpautang nito.  Ang unawa sa utang na loob ay iyong bunga ng kabutihan at kusang-loob na nadaranas sa aruga, kalinga, at malasakit.  Sa ugali pa rin namamalas ang utang na loob sa pagbibigay-respeto, pagpapasalamat, at pagtulong.  Di tulad ng original sin na minamanang kahinaan kaya maaaring magkasala, ang utang na loob ay kalakasang ipinapasa sa paggawa ng mabuti sa darating pang panahon.  Sakaling mawaglit sa malay, ang budhi ang uukilkil upang masumpungan ito para sa pagbabalik-loob sa mga ina’t amang nagbigay-buhay o sa sinumang tumayong magulang lalo na sa panahon ng pangangailangan.  Ang utang na loob ay pakiramdam ng pagmamahal.  Parang pag-ibig, ang halagahing ito ay ibinibigay ng kusa ng walang hinihintay na kapalit.

Abstract

In a 2015 survey administered to 218 university graduate students, the relationships, understandings, and traits within utang na loob were analyzed.  Utang na loob has long been understood by Filipinos as evidenced by the notes of Franciscan missionary Father Pedro de San Buena Ventura in his Vocabulario de Lengua Tagala in 1613.  After 400 years, it was discovered that utang na loob is still part of the worldview of 8 out of 10 students aged 16 to 29 years who were part of the study.  They gave handwritten answers to questions about their own experiences with those they have utang na loob.  It is clear that there is a relationship between those with utang na loob and those who extended utang na loobUtang na loob is understood as resulting from goodness and kusang-loob experienced in showing care, providence, and concern.  Utang na loob is shown through traits associated with giving respect, gratitude, and help.  Unlike the original sin which is an inherited weakness, utang na loob is considered a strength passed through generations by doing good.  In cases when utang na loob leaves one’s consciousness, the person’s budhi will remind oneself to have pagbabalik-loob to one’s parents in times of need.  Utang na loob is pakiramdam or feeling of love.  Like love, this value is given wholeheartedly and voluntarily without expecting anything in return.

INTRODUKSIYON

Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan!  Isang kasabihang nagpapaalala na tayo ay tumanaw ng utang na loob.  Lumilingon na lamang tayo sa ating pinagmulan sapagkat mukhang lubhang mahirap nang muling magbalik pa roon.  Ang hinihingi ay sulyapan ang dinaanan upang ang paroroonan ay hantungan.  Sa madali’t sabi, dapat ay batid na buong-buo ang kinagisnan, ang kinamulatan.  Sa paglayo buhat dito, patungo sa kung saan kailangan naman ang tanawin nga ito.  Ang pagtanaw ng utang na loob ay sintanda na yata ng original sin ng sangkakristiyanuhan.  Masasabing gaya ng minamanang kasalanan ang utang na loob sapagkat hindi mawawaan kung papaanong makagaganti rito.  Sa karaniwan ang “utang” ay dapat bayaran lalo pa’t ito’y salaping hiniram lamang o anuman na wala naman talagang kabagay-bagay.  Malaon na rin namang naipag-iba ang pakahulugan natin ng “utang” na pera at utang na loob.  Ang utang na “walang” loob ay inaasahang babayaran.  Kung pera ang inutang, pera ang kabayaran.  Samantala, ang utang na loob ay buhat yata sa mabuting gawa.  Ang anumang ibinigay na bunga ng buti (o buot), bait o ganda ng intensyon ay isa nga ba kayang utang na loob?  Sa idinaos na Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP 2014) sa isang plenaryong sesyon nito kung saan inilahad ang tungkol sa pagmamagulang at pagdidisiplina ng anak ay may isang estudyante sa kolehiyo na nagtanong kung ano ang maipaliliwanag na kinalaman ng utang na loob sa pagpapalaki ng bata.  Ito ang nagbunsod sa aking sinupin ang kaisipang kaugnay ng utang na loob.  Ayon kay Virgilio Enriquez (1992) ito ay halagahin natin na maiuugat sa pakiramdam kung saan ang pakikipagkapwa ay siya rin nating pagkatao.

Mahalagang masuri ang linggwistikong ekspresyong ito mismo sa ating pagkakaunawa sa mga salitang bumubuo ng kahulugan nito.  Lumalabas na hindi maihihiwa-hiwalay ang bawat kataga na bumuo sa utang na loob sapagkat isang kaisipan ito.  Bagama’t may tila dalawang mahahalagang katagang “utang” at “loob” dito, ang isa-isahin ito ay walang saysay.  Manapa, kailangan munang muling halughugin sa linggwistikang Tagalog o Filipino ang pagkakabuo nito.  Ayon sa mga eksperto sa ating wika, ang kayarian ng salita sa atin, partikular sa Tagalog ay ibinubunga ng paglalapi sa kataga o di kaya naman ay pagsasama-sama ng mga salita upang mabuo nga ang isang kataga (Santiago at Tiangco 2003).  Sa gayon nag-iiba-iba nga ang mga kahulugan ng mga kataga kung nilalapian gaya ng kalooban (loob na nilapian sa unahan at hulihan nito) o di kaya naman ay sinasangkapan ng isa pang salita (mabuting loob).

Mula sa mayamang kaisipan ng “loob” ang utang na loob na maluwat nang nasa ating kamalayan subalit kapos pa tayo sa pag-unawa rito.  Ang isa sa pinakamatandang mapagkukunan ng katibayan na ito’y nasa kaisipan na ng Pilipino noon pa man sa ating sinaunang panahon ay ang tala nitong kataga sa diksyunaryong nailathala noong 1613 pa.  Sa Vocabulario de Lengua Tagala na binuo ng misyonerong paring Pransiskano na si Pedro de San Buena Ventura (1613), ang “otang loob” ay isinalin niya sa Español bilang “obligacion.”  Ang Ingles ng “obligacion” ay “obligation” na galing sa Latin na “obligatio(n)” na mula naman sa “obligare.”  Ang Latin na “obligare” ay binubuo ng “ob” na sa Ingles ay “towards‘” at “ligare” sa Ingles din ay “to bind” (Merriam-Webster, Inc. 2015).  Kaya kung ang “otang loob” ay “obligacion” nangangahulugan na dahil may tali o may tangan ang pinagkautangan sa pinautangan.  Ito ang naglagi sa ating isipan sa ating utang na loob sa sinuman o kaninuman.  Samantala, maitatanong kung ito nga ba ang unawa sa utang na loob ayon sa ating danas dito.  Maaari rin namang ipalagay na isa sa mga unawa natin ang utang na loob ay obligasyon.  Ang salin sa Ingles ng utang na loob sa mga nakasulat ay “gratitude” at “solidarity” (Aguiling-Dalisay et al. 2004).  Sa hanayan ni Enriquez (1992) ng mga halagahing Pilipino, ang utang na loob na kahanay ng hiya at pakikisama ay mga umiibabaw o siyang lilitaw sa ating pag-aayon ng sarili sa kapwa.  Ang mga kawing na kagawia’t kilos ng mga ito’y biro, lambing, at tampo.  Ang mga halagahing bahala na, sama/lakas ng loob, at pakikibaka naman ang umiibabaw o lilitaw sa ating mga pagharap sa ating kapwa.  Ang ating pakiramdam ang mamamagitang halagahin sa ating pag-aayon, pagharap, at pagkilos.  Ito ang tinutukoy niya na pakikipagkapwa at ating pagkatao.  Sa sikolohiyang ito ng kapwa matutunton natin ang utang na loob na bahagi ng nagpapakahulugan sa ating katauhan.  Samakatwid, ang halagahing utang na loob ay magpapakilala pa sa ating pagkatao.

Mahihiwatigan natin ang utang na loob sa mga pagtatalakay na ginawa sa masaklaw na loob.  Ang mga ito’y nasa mga pag-aaral sa larangang leksikal at paraang rasyunal.  Mababalikan sa mga matalas na pagsusuring nilapatan ng sikolinggwistika nina Zeus Salazar (1981) at Prospero Covar (2011) sa loob ang halagahing utang na loob.  Maidadagdag din ang mahusay na paggamit sa wika ng mga paring sina Albert Alejo at Dionisio Miranda (Aguiling-Dalisay et al. 2004) sa kung ano ang loob na mapagtatantuan ng utang na loob bilang halagahin.  Mahihinuha sa mga isinagawa nilang analisis na ang utang na loob ay isa sa mga nakapagpapaunawa sa atin ng pagkatao dahil maiuugnay natin ito sa kaluluwa (Salazar 1981), sa budhi (Covar 1995), pagiging tao (Alejo 1990), at sa katauhan (Miranda 1989; Aguiling-Dalisay et al. 2004).  Sa bahaging huli ng aklat ni Alejo (1990) kung saan tinipon niya ang maraming salitang kaugnay ng loob, kanyang binigyan ng katuturan ang utang na loob.  Narito ang siniping dalawang depinisyon pati ang paliwanag sa utang na loob mula sa akda ni Alejo:

(1) pagkilala sa kagandahang-loob na ipinakita ng kapwa; malalim na pananagutan bunga ng isang pabuya o biyaya na ipinagkaloob sa isang nangangailangan, lalo na sa panahon ng kagipitan na sa mata ng tumatanggap ay hindi mababayaran; pagtanaw sa pakitang-loob o pagdamay ng isang kapwa at tahimik na paghahandang magpakitang-loob din sa ibang paraan sa tamang panahon; pagkakatali sa taong nagbigay ng pabuya.  (Ang utang na loob ay hindi binabayaran kundi tinatanaw o kinikilala; lagi itong nasa abot-tanaw ng nangungutangan ng loob, kaya nga sa maraming pagkakataon, nagagamit itong panghawak ng mga makapangyarihan sa mga hamak na nangangailangan.  Subalit kung tutuusin, ang pakitang-loob at tapat na damay ay hindi dapat isinusumbat.  Inaalala ito ng tumanggap ngunit kinalilimutan ng nagbigay.  Mas magandang sabihing sinusuklian ito, at hindi binabayaran.

(2) pagmamakaawa; paghingi ng pakundangan o pagsasaalang-alang bilang kapwa-tao; pagkatok sa puso ng kapwa sa ngalan ng makataong pagkakapatiran; paghingi ng malasakit, kalinga o paglingap o pakikiramay; pagtataya ng sariling pagkatao bilang garantiya ng katapatan sa paghingi ng pabuya.

Ayon sa depinisyon 1, ang utang na loob ay buhat sa pagmamagandang-loob o ang paggawa ng mabuti sa iba lalo na kung nasa gipit ito.  May kusa o kagustuhang gawin ang pagmamagandang-loob kahit hindi hiningi.  Samantala sa depinisyon 2 ay ipinagmamakaawa naman na gawan nang mabuti o ipagmagandang-looban. Sa parehong depinisyon maiuugnay ang utang na loob sa kagandahang-loob na maaaring ikusa o ipagmakaawa.  Mapapansin ding ang kagandahang-loob na ipinamalas sa iba ay tinatanaw nang pinagparanasan nito bilang pagkilala sa pag-aabot ng tulong.  Ang pagtanaw na ito ay mailalarawan na isang pagsasaalang-alang na parati sa pagmamagandang-loob.  Masasabi pang kaya kinikilala ay dahil kita sa kongkretong kilos ang kagandahang-loob.  Sa madali’t sabi’y maaaring pagpapakita ng loob ang pagmamagandang-loob.  Ito nga’y may buti buhat sa loob na siyang sinasabi nating kanyang kagandahang-loob.  Ang ganda ay gamit sa pagpuri at pag-uri ng ipinamamalas sa atin o namamalas natin.  Sa gayon maaaring sadyain ang pagmamagandang-loob (kaya naririnig nating may nagsasabing “magmamagandang-loob ako”) para tumulong o gumawa ng mabuti.  Ang pagkakawing ng utang na loob sa kagandahang-loob ay isa sa mga nasasa ating umiiral na unawa.  Iniugnay rin ni Ron Resurreccion (2007) sa kalinisan ng loob ang utang na loob.  Ang paghahanay sa utang na loob sa kagandahang-loob at kalinisan ng loob ay badya na ito ay positibong halagahin natin na buhat sa loob’ na tigib ng kahulugan ng buhay.  Subalit salat pa sa pagpapatibay-empirikal sa halagahing utang na loob upang makapagpaliwanag tayo ng ating katauhan at pagkatao.

Samantalang nakakatulong ang pagsisinop sa larangang leksikal ng katagang utang na loob, higit na mapapalawak ang pag-unawa natin dito sa paghahagilap ng katibayan mula sa karanasan mismo.  Tulad ng nabanggit na, bunsod ng palaisipan bunga ng naitanong ng isang estudyante na may himig na yamot sa magulang ang pagsisinop na ito.  Hindi ko minsan naririnig ang hinanakit ng anak kung paratangan siya ng magulang niyang siya nga’y walang utang na loob.  May mga anak ding nagsasabing kung ituring sila ng kanilang magulang ay “parang ibang-tao!”  Mabuting halughugin ang utang na loob sa isipan ng mga taong nagkaroon nito (kung meron man), at kung ano ang kanilang naging karanasan, sa ipinautang na loob.  Ang sumusunod na pagpapaliwanag ay bunga ng mga payak na tanong sa mga inaakalang may batid na utang na loob sa kaninuman ayon nga sa kanilang karanasan, ang kanilang mga panahilan sa nasabing karanasan, pati ang kanilang depinisyon para rito.  Malimit din kasing ang dating nito’y negatibo dahil sa ang unang kataga sa pariralang ito’y “utang” na naiuugnay natin di lamang sa isang materyal na bagay kundi lalo na sa taong gipit o di kaya’y walang kapera-pera.  Higit na mahalaga sa atin ang tao kaysa pera kaya nga naririnig nating sinasabing “pera lang yan at kinikita” kaysa ikasawi ito ng pinagnakawan nito o ipagpalit ang pera sa tao.  Gayumpaman, may kabigatan nga ang katagang “utang” kahit pa hindi pera o materyal ito sapagkat may “kapangyarihan” na namagitan sa nagbigay at binigyan nito.  Kung tutuusin, ang nagbigay ang may “kapangyarihan” sa binigyan dahil sa ang nauna ang meron at wala ang huli.  Itong may kinalaman sa “kapangyarihan” ang karaniwang nasa isipan ng mga tao kaya ang singilin ka sa iyong pagkakautang ay sadyang nakayayamot kundi man nakaiinis lalo pa’t di ka tinatantanan sa iyong “utang.”  Sa ganitong punto rin dapat malaman mula marahil sa mga magiging depinisyon ng mga merong karanasan sa utang na loob kung iniuukilkil sa kanilang isipan ang isang uri ng “utang” na ito.

Ang utang na loob ay laging lumilitaw sa mga panimulang aklat sa sosyolohiya’t antropolohiya na isinulat ng mga Pilipinong awtor, kung saan tinutukoy ito bilang bahagi ng halagahin sa kultura [tingnan ang teksbuk nina Mariano Ariola (2012) at Lee Mark Banaag (2011)].  Sa ilang libro na para sa edukasyong pagpapahalaga, may pagtitiyak pang ang utang na loob ay nasa ating value system (Palispis 2006).  Ayon kay Vitaliano Gorospe (1994), paring Heswita, ang utang na loob ay kakumpol ng mga halagahing tulad ng bahala na, hiya, pakikisama, at pakiusap.  Ayon pa kay Emerita Quito (1994), ang utang na loob ay may parehong positibo at negatibong aspekto ng halagahin.  Samantala, sinasabi ni F. Landa Jocano (2007) na ang utang na loob, pati ang hiya ay mga dominant norm na siyang batayan ng mga Pilipino para bantayan-gabayan ang kanilang asal kung nakikitungo sa kapwa.  Ang utang na loob aniya pa na pervasive norm ay nagbabadya ng pagganti o pagbabalik nito sa pinangutangan.  Sa kanya pa ring pagpapakahulugan sa kaayusan ng halagahin tinukoy niya ang kabuluhan dito ng pamantayan.  May tatlong sangkap ito: halaga, asal, at diwa (Aguiling-Dalisay et al. 2004; Banaag 2012).  May tatlong dimensyon ang halaga: pagkatao, pakikipagkapwa-tao, at pagkamakatao.  Ang asal ay may tatlo ring sangkap: kapwa, damdamin, at dangal.  Ang diwa naman ay tumutukoy sa kalooban.  Ano ang kahulugan at kabuluhan ng utang na loob sa panahong mabilis na nagsasamoderno?  Ayon kay Manuel Dy (1994), ang halagahin ay object of our intentional feeling kaya batid ito dahil nadarama.  Bahagi ng kanyang paghahagilap sa kung ano ang halagahin, nahagip niya ang katagang “kahulugan” sa ating wika para tumukoy rito.  Aniya, ang salitang ito ay buhat sa “hulog” at nasumpungan niya sa ekspresyon sa Ingles na kapara ng “fall into place.”  Mas magandang gamiting panapat dito ang gamit ng mga karpintero na “hulog” din dahil tiyak na sukat ito para malaman kung tama ang ilalagay nila sa itinatayong bahay.  Maitatanong ngayon kung “nasa hulog” ba ang utang na loob sa sistema ng halagahin natin?  Ang utang na loob tulad ng mga kawing nitong halagahin na pakikisama at hiya ay mainam na hagilapin sa hinuha.  Sabi nga ni Jocano:

Even an unguarded/intentional comment, stare, reprimand can cause serious, often fatal conflicts.  Emotionalism is given higher premium than rationalism in handling situations or in coping with conditions.  Our rationality often involves deep emotionalism particularly in interactions having to do with personal honor, dignity, and moral principles (Jocano sa Banaag 2012, 51).

PARAAN NG PAGSASALIKSIK SA UTANG NA DI PERA

Mala-sarbey ang isinagawang pagkalap ng datos dahil marami ang hiningian ng sagot sa inihandang mga tanong tungkol sa utang na loob.  Naganap noong Enero 8, 10, at 12, 2015 ang pagtatanong.  Pawang mga salita ang datos na natipon mula sa 218 na mga estudyanteng hinilingan ng partisipasyon sa pagtatanong.  Ang 156 sa kanila ay mga estudyanteng nasa mga huling taon na ng paglalabintaunin.  Sila ay nagsisipag-aral sa De La Salle University (DLSU) sa Maynila.  Halos pantay ang bilang ng mga babae at mga lalaking ito na nasa antas unibersidad at nabibilang sa mga programa sa kolehiyo ng inhenyeriya, kompyuter, siyensya, at malalayang sining.  Ang 62 nama’y mga guro ng elementarya’t hayskul na kumukuha naman ng programang panggradwado sa edukasyon sa Meycauayan College sa Bulacan.  Sila ay mga propesyunal na’t lisensyado sa pagtuturo na ang pinakamarami ay nagtuturo sa mga pampublikong eskwelahan.  Mas marami ang mga babae sa grupong ito ng mga gurong lumahok sa pagtatanong.  Ang distribusyon ng edad ng mga estudyante (nasa antas pangkolehiyo at panggradwado):

Edad 50 = 1           20–29 = 50
40–49 = 13            16–19 = 134
30–39 = 21

Hiningian ang lahat ng mga kalahok ng pahintulot para sa kanilang partisipasyon sa pagtatanong.  Bahagi ng paghingi ng pahintulot ang paglalahad ng pakay ng pagtatanong at pagsasabing maaari silang hindi lumahok dito.  Sakaling sa kalagitnaan ng pagtatanong ay mapagpasyahan pa nilang hindi ipagpatuloy ang partisipasyon ay maaari nilang hindi isumite ang papel na sinulatan nila ng mga sagot.  Ang mga nais maging bahagi ang kanilang sagot ng datos para sa pag-aaral ay hinilingan naman na kanilang lagdaan ang papel bago tuluyang isumite bilang pagsang-ayon.  Napakaliit na bahagi sa bawat pangkat ng mga naroon sa kani-kanilang klase ang hindi nagpatuloy.

Sa kabuuan, may siyam na grupo ng mga estudyante ang nagkaroon ng partisipasyon sa pagtatanong. May pitong seksyon (klase) ng mga lalabintauning estudyante na isinali sa pagtatanong.  May apatnapu hanggang apatnapu’t limang estudyante ang bawat klase.  Anim sa mga klase ay iyong mga kumukuha ng kursong Science, Technology, and Society (kursong General Education ito para sa mga nasa programang pang-agham at teknolohiya).  Ang ikapito naman ay mga estudyante sa sikolohiya na kumukuha ng kurso sa Human Development.  Ang mga gurong nasa programang panggradwado sa edukasyon ay may dalawang seksyon, ang isa ay nasa kursong Methods of Research at ang isa pa’y nasa Foundation of Education naman.  Nasa tatlumpu hanggang tatlumpu’t lima ang bilang ng estudyante sa bawat seksyon.  Maliban sa dalawang grupong ito ng mga estudyanteng panggradwado ang unang pito ay pawang mga estudyante ng mananaliksik.  At gaya nang nasabi na hinihingi ang kanilang pahintulot para sa pito hanggang siyam na minutong partisipasyon sa pagtatanong.  Hiningi muna ang permiso ng mga propesor ng mga estudyanteng nasa antas gradwado bago isinagawa ang pagtatanong sa kanila.  Tulad sa mga kalahok na nasa kolehiyo, pareho ang patakaran para sa paghingi ng pahintulot para sa kanilang partisipasyon.

Sa instruksyon sa paglahok sa pananaliksik, sinabing isusulat nila bawat isa ang kani-kanilang sagot sa bawat tanong na ibibigay na pasalita.  Ito ay sa dahilang bunga ng pansariling karanasan ang mga itatanong sa kanila.  Ipinaalam sa kanila ang mga tanong ay pawang nasa Filipino kaya hinihingi na nakakaunawa sila ng wikang ito (nakasusulat at nakababasa).  Sa mga klase na Science, Technology, and Society, may mangilan-ngilang estudyanteng dayuhan dito na mga Tsino, Koreano, at taga-India.  Nabatid ng mananaliksik na ang mga Tsinong nagpasaPilipino na ay nakakaunawa ng Filipino gayundin ang mga mula sa India na isinilang at lumaki na sa bansa subalit hindi pa nakapagpasya kung nais nilang maging Pilipino na rin.  Kakaunti naman ang mga estudyanteng ito na nais lumahok at naging kasama sa nagbigay ng sagot sa mga tanong tungkol nga sa utang na loob.  Ang mga Japino’t Tsinoy sa klase ay sumali rin sa pagtatanong at pagsagot.  Samantalang ang mga tanong ay binigkas sa Filipino, malaking bilang ng mga estudyanteng lalabintaunin ang sumagot sa wikang Ingles lalo na sa mga tanong na may kinalaman sa rason at relasyon.  Marami rin naman ang sumagot gamit ang wikang Filipino sa paglalahad ng kanilang naiisip sa kung ano ang utang na loob.  Sa kabilang banda naman sa mga guro, halos lahat sila ay sumagot sa Filipino.  May sadyang pag-uulit sa pagtatanong upang may pagkakataon ang mga kalahok na mag-isip ng kanilang sagot at isulat ang mga ito.  Hiniling na maging malinaw kahit pa maikli ang kanilang isusulat na sagot.

Binubuo ng siyam na tanong lamang ang pagtatanong sa utang na loob.  Bago ang mga ispesipikong tanong ay sinabing mag-isip sila kung may tao o entidad (entity) silang naiuugnay sa utang na loob.  Hiningi pagkatapos na isulat nila kahit lamang tatlo, ang mga pangalan ng mga taong ito o entidad.  Itinanong kung sinu-sino ang mga ito sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtitiyak ng kanilang relasyon sa bawat isa sa nginalanan na nila.  Sa ikatlo, itinanong kung sino ang una sa mga ito kung ilalagay sa pinaka (pinagkakautangan ng loob) sa pamamagitan ng paglalagay sa bawat isa sa puwesto mula sa 1 na siyang pinakamataas at 3 ang mababa.  Sa ika-apat na tanong, hiningi sa kanilang magbigay ng isang matingkad na dahilan kung bakit iniluklok sa una ang taong nginalanan nila.  Sa ikalima naman ay hininging ibigay rin ang dahilan sa dalawang iba pa na nginalanan nila na iniuugnay sa utang na loob.  Sa ika-anim, ibibigay naman nila ang dahilan kung bakit sila pinautangan ng loob.  Sa ikapito, payak na tugon lamang ang sagot sa tanong kung sila’y magpapautang ng loob.  Sa ikawalo’y kailangan nilang magdahilan sa pagpapautang nila ng loob.  Ang pang-siyam ay pagbibigay nila ng kahulugan o pagkaunawa nila sa utang na loob.  Samantalang 7-9 na minuto ang tinayang panahon sa pagsagot, inabot ng hindi naman lalampas sa 15 minuto natatapos ang bawat sesyon ng pagtatanong at pagsagot.

RESULTA NG RISIRTS:
RELASYON AT RASON UKOL SA UTANG NA LOOB

Pawang mga salita ang datos na natipon sa bawat papel na sinulatan ng mga estudyante ng kanilang sagot sa siyam na tanong sa utang na loob.  Sa pangkalahatan, maipapangkat ang resulta sa relasyon at rason ng mga estudyante sa pagpapautang ng loob.  Inisa-isa muna ang 218 piraso ng papel na isinumite pagkatapos ng pagtatanong upang matiyak na may sagot na makukunan ng datos sa bawat isa nito.  Pinangkat ayon sa edad, kasarian, at antas ng edukasyon ang mga nagsipagsagot sa pagtatanong.  Ginawa ang simpleng paggugrupo sa kanila upang mailarawan ang kanilang katangian bilang mga kalahok sa pag-aaral—i.e., kung babae o lalaki, nakababata o nakatatanda, pangkolehiyo o panggradwado ang kurso.  Ang dalawang huli ay inaakalang may kinalaman sa kanilang unawa sa utang na loob.  Naiuna na ang pagbanggit sa karekteristiko ng mga estudyante’t guro ayon sa natukoy nang mga demograpiko sa seksyon ng metodo.  Inisa-isa ang papel para sa pagsasama-sama ng halos pare-pareho ang pakahulugan sa mga isinulat na sagot.  Mula sa natipong sagot, bumubuo ng bungkos ng mga sagot upang matanto kung ano ang umiiral na unawa rito.  Ang mga sumusunod na “ulo” ng tinatalakay ay galing sa klaster ng mga sagot na iisa ang inaakalang ideya nito.

Ugnayan Mula sa Utang ng Loob: Una ang Ina

Una ang ina dahil “utang” anila ang buhay sa kanya:

“siya ang nagsilang sa akin”
“siya ang nagbigay-buhay”
“itinalaga na ng tadhana na magsilang sa akin”
“kung wala siya, wala ako!”
“nag-alaga sa akin”

Nangunguna ang ina sa mga tinukoy na may utang na loob ang may malaking bilang ng nagsabing siya ang nasa pinakapinagkakautangan nila ng loob.  Ito’y kapansin-pansin lalo na sa mga estudyanteng nasa kolehiyo kaysa sa antas panggradwado.  Ang mga may ipinanghalili sa ina ay iyong ang tinukoy nila namang pinakapinagkakautangan ng loob dahil sila ay tumatayo bilang parehong ina at ama kung ama ito o tumatayong magulang para sa kanila tulad ng tiyo o tiya.  Gayundin, kung ang manindigan para sa kanila na magulang ay ang ina o ama ng kanilang ina’t ama.  Mas madalas na lola ang tinutukoy na pinakapinagkakautangan ng loob kaysa lolo kung inihalili sila sa mga magulang.  Ang mga tinukoy naman ay ang Diyos na siya anilang pinakapinagkakautangan ng loob ay iilan sa mga estudyanteng nasa gradwadong antas at lalong kakaunti sa mga nasa kolehiyo pa.  Ayon sa mga nakatatandang estudyante, ang Diyos ang una kaysa ina dahil:

“Siya ang nagbigay-buhay sa lahat”
“Siya ang pinakamakapangyarihan!”
“ibinigay Niya ako sa mabuting pamilya…”

Datapwa’t ang mga panahilan sa pinakapinagkakautangan ng loob na tinukoy ay ang ama, lola o lolo, tiya o tiyo naman, ang mga sumusunod na halimbawang sagot ay sinasabi rin para sa ina:

“nagpalaki sa akin”
“nagsasakripisyo”
“nagbibigay ng pangangailangan”
“nag-aalaga sa akin araw-araw”
“nangangalaga”
“nagpapaaral sa akin”
“nagtuturo ng kung ano ang mahalaga sa buhay, na maging mabuti”
“itinalaga ang buhay para ako’y tamang palakihin”
“nagmamahal sa akin”
“minamahal ako, unconditional
“nagtatrabaho para buhayin ako”
“tumatayong magulang”
“tumutulong sa pangangailangan ko sa pera, sa problema”
“tutulong para matupad ko ang pangarap”
“inihahanda ako para sa pinakamagandang kinabukasan”
“namamahala ng pamilya”
“nagdidisiplina… naghuhubog”
“gumagabay”

Sa mga puwestong pumapangalawa at pumapangatlo sa pinakapinagkakautangan ng loob ay nagpapalitan lamang ang kabiyak ng puso (o asawa, ayon sa mga estudyanteng nasa antas gradwado), kasintahan o kaibigang matalik, kamag-anak katulad ng kapatid at kambal.  Ilan sa mga halimbawa ay ang mga sumusunod na kanilang idinadahilan:

“pinakamalapit”
“madalas malapitan”
“nalalapitan kung may problema”
“naririyan parati”
“naniniwala sa kakayahan ko, sa galing ko!”

Ugaling Natututunan sa Utang na Loob:  Pakiramdam ng Pagmamahal

Ina nga ang una sa pinakapinagkakautangan ng loob ng mga estudyante dahil sa kanya anila nagsimula ang kanilang buhay.  Anila pa, kung wala ang kanilang ina ay wala sila sa mundo.  Isinilang sila ng ina kung kaya’t utang nila ang kanilang buhay sa kanya.  Idinadagdag pa sa idinadahilan nila ang pag-aalaga’t pag-aaruga ng ina mula sa kanilang pagsilang hanggang sa kanilang paglaki bilang tao.  Sa mga inihalili sa ina ang ama o lola’t lolo di kaya’y tiyo’t tiya, idinadahilan nila ang alaga’t arugang ipinagkaloob sa kanila ng mga ito sa panahon ng kanilang paglaki.  Ang iba’y sinasabing pati ang pagpapaaral sa kanila sa kasalukuyan ay patuloy na pagpapautang ng loob.  Ang pagsisikap upang lumaki’t mabuhay sila ng sinuman sa magulang at tumatayong kahalili nila ay pinagkakautangan ng loob.  Masasabi kasi na ang pag-aalaga’t pag-aaruga ay pagbibigay sa pang-araw araw na pangangailangan para mabuhay.  Sa gabi’t araw ay nakasubaybay ang magulang, tunay o tumatayo na ina’t ama man.  Sa mga nakatatandang estudyante sinasabi pa nilang kahit pa ngayong nasa sapat na gulang na sila ay nariyan pa rin bilang gabay ang mga magulang.  Subalit hindi naman dahil sa siya ang ina ay sapat na para akuin ng anak na may utang na loob siya sa kanya.  Ang mga naging ibang nangunang ngalan na pinakapinagkakautangan ng loob ng mga estudyante—e.g., lolo o lola, tiyuhin o tiyahin, at maging ang yaya ay patunay na, ang anak o apo o alagang bata ang may tangan ng totoong pakiramdam ng utang na loob.  Samakatwid, ang mga may utang na loob ang may unawa sa pakiramdam na ito.

Halos iisa naman ang idinadahilan ng mga estudyante sa pagpapautang ng loob sa kanila ng mga magulang o sinumang umako para sa tungkuling ito.  Ayon sa kanila, mahal at patuloy na minamahal sila ng tinukoy nilang pinakapinagkakautangan ng loob na ina, ama o kung sinuman iyong humahalili sa mga magulang na ito.  May mga gumamit ng Ingles na salita para ilarawan ang pagmamahal na ito, halimbawa ay unconditional ito ayon sa mga estudyante na ipinadarama sa kanila ng mga magulang nila.  Walang hinihintay na kapalit ang pagmamahal na ipinagkakaloob sa kanila ng mga kinikilalang magulang lalo na ang pagpapakasakit upang maitaguyod ang kanilang kinabukasan.  Nagkakaroon ng paghahangad sa magandang hinaharap sa buhay dahil dama nila sa ginagawa ng mga magulang (tunay man o tumayo para rito) na inilalaan ang lahat para sa maayos nilang pamumuhay balang-araw.  May mga estudyanteng nagsabi na sapagkat sila’y mahina pa noon kaya napakalaking bagay na sila’y sinaklolohan nila.  Mayroon ding mga idinahilan namang sila ay mahalaga sa mga umaruga’t kumalinga sa kanila.  Sa gayon ang pagkilala sa utang na loob nilang ito sa mga inako nilang kanilang magulang ay nagpapameron sa kanila ng unawa na pati ang pag-asa ay nariyan.  Ang utang na loob ay totoong isang pakiramdam na bunga ng pagkalinga, pagmamalasakit, at pag-aaruga.  Hindi lingid sa kaalaman ng pinautangan ng loob ang mga kabutihan ng nagpautang ng loob.  Ilan sa mga sumusunod na halimbawang sagot sa panahilan ng mga estudyante kung bakit sila pinautangan ng loob:

“mahal ako”
“mahalaga ako”
“mahina ako”
“unconditional love”
“may malasakit sa akin”
“Siya ang aking ina”
“tatay ko siya”
“tinutugunan niya ang kanyang pananagutan sa akin”
“mag-anak kami”
“ako’y anak”
“trinato akong isang tunay na anak”
“obligasyon nila ito”
“para matupad ang pangarap ko”
“upang magkaroon ako ng magandang kinabukasan”
“humingi ako ng tulong, kailangan ko ito”

Ang utang na loob ay isa ngang pakiramdam ng kabutihan na dinaranas o naranasan na, sa mga halimbawa katulad ng kalinga, aruga, at malasakit na mula sa mga gawa ng isang tao.  Isang pakiramdam itong nasusumpungan sa ipinadaranas na pagmamahal sa pamamagitan mismo ng mga kongkretong ginagawa upang bumuti at biyayaan ang pinagkakalooban nito.  Samantala hindi naman magmamalay pa ang tinutukoy na pinagkakautangan ng loob na ang kanyang kabutihang gagawin ay utang na loob nga.  Ang pinagpautangan ng loob ang magmamalay nito kung sakaling mapukaw sa pagtatanong sa kanya kung meron siya nitong pakiramdam.  Ito ang inilalarawan ng mga naging kasagutan ng mga tinanong-tanong tungkol sa kanilang naiisip na mangangalanan nilang totoong taong may utang na loob sila.  Bunga ng kanilang tuwirang karanasan sa loob na ito’y isang makabuluhang ugnayan.  Ang ugnayang ito sa isinagawang pananaliksik, ay sa pagitan ng mga miyembro ng mag-anak—i.e., mga magulang at anak, matatandang magulang at apo, magkakamag-anak gaya ng tiyo o tiya at pamangkin, maging sa hindi kadugo subalit kapisan tulad ng yaya at alaga.  Ang pagkamalapit ng mga kasapi sa kamag-anakan ang pinamumuhatan kung gayon ng utang na loob.  May katibayan pa na ang ugnayang ito ay nalalampasan ang hangganan ng kamag-anakan halimbawa sa pagitan ng magkabiyak, magkasintahan, mag-amo, manlilikha, at ng kanyang nilikha (Diyos at tao o di kaya ng modelo at ng tumitingala sa kanya).

Ugat ang Utang na Loob ng Kabutihan

Maitutulad pa nga yata ang utang na loob sa konseptong Kristiyano ng original sin na naipapasa ng mga magulang ng walang patid at paulit-ulit na tila hanggang sa wakas ng panahon.  Subalit di tulad ng original sin na tila pasaning mabigat dahil ibinabadya nito ang parati’y maaaring magkasala o propensidad sa kasalanan, ang utang na loob ay karanasan sa kabutihan, isang kalakasan.  Ang utang na loob ay maihahambing sa original sin na naipamamana ng tuluy-tuloy nang walang pagmamalay rito sa pamamagitan ng pag-aaruga, pagkalinga, at pagmamalasakit sa isang tao.  Ang paggawang ito ng kabutihan sa tao ay maiuugat sa loob na pinagbubukalan ng pagkatao at pagiging tao natin.  Samakatwid, ang kinahinatnang buti ng pakiramdam ng utang na loob sa tuwina ay pakinabang sa totoong pagkakawanggawa na patuloy na nagaganap sa pagitan ng mga kaanak at manapa sa kapwa.  Dahil dito, ang pakiramdam ng utang na loob ay nauuwi sa halos sistematikong pagpapasa-pasa nito dahil hindi masama ang kinahihinatnan.  Sa mga tinanungan ng utang na loob, walang taong tinukoy na hindi kaanak man lamang o kapisang malaon na sa buhay at bahay, ang binanggit ng mga estudyante.  Masasabi na ngayon, na ang utang na loob ay masinop na naipaparamdam sa ating lipunan tulad nga ng original sin.

Unawa sa Utang na Loob: Hinuha sa Halagahin

Halos lahat ng mga estudyanteng nagsisagot sa pagtatanong, ay tinukoy na muli ang mga nginalanan nilang may utang na loob sila, na pawang iyon na rin ang mga taong kanilang pagpapautangan ng loob sakali man.  Samantala may mga nagsasabing “hindi na matatawag na utang na loob” ang gagawing mabuti para sa pinagkakautangan ng loob sapagkat “ito ay pagbabalik lamang” ng kabutihang una nang ipinuhunan.  Naging isang pananagutan ang gumawa ng kabutihan sa kapwa bunga ng utang na loob na tinamo niya sa iba.  Ang mga halimbawa nilang dahilan sa paggawa ng kabutihan sa mga pinakapinagkakautangan ng loob:

“mag-anak”
“mahal ko”
“minamahal sila”
“sila ang buhay ko”
“malapit sa puso”
“ganti sa gumawa ng mabuti”
“may mga tumulong sa buhay”
“gusto kong ibalik ito sa mga tumulong”
“ipakita na nagpapasalamat”
“kung may malasakit, tulungan”
“may malasakit”
“hindi nabubuhay nang nag-iisa o mag-isa”
“kailangang tumulong sa iba”
“mahalaga sa akin ang kapatid ko”
“mahal ko sila”
“may pananagutan ako”
“alam ko na mangangailangan ng tulong”
“kailangan nila ako”
“anihin naman ang itinanim”
“willing to help”
“my love ones, so they can live longer”
“kailangan ng tulong”
“sa oras ng pangangailangan ay may malapitan”
“dahil anak ko” (ayon sa mga guro)
“makaganti sa naging tulong”
“para maging mabuting tao”
“para mapalaki ng tama”
“ginawan ng mabuti, dapat gawin sa iba”
“obligasyon”
“kahit hindi ka inoobliga, dapat itong gawin”

Masasalamin sa mga sagot na ito ang halaga ng utang na loob na “minana” sapagkat nagiging isa ring katwiran sa pagpapatuloy ng kabutihan.  Ibinubungang paulit-ulit ng utang na loob ang karanasan sa kabutihan, ito man ay maging sa ugnayan ng ina/ama at anak, mag-anak, magkakadugo, malaon nang magkakasama sa buhay, at maging sa kinikilalang Lalong Higit na Makapangyarihan at ng kumikilala sa Kanya.  Manapa, nabubuo mula sa karanasan sa kabutihang dulot nito ang pagmamahal, pati ang alaala nito.  Isinasagot din ng mga estudyante na gagawin nila ang pag-aaruga, pagkalinga, at pagmamalasakit sa kanilang magiging mga anak balang-araw sapagkat sila’y nabiyayaan nito.  Sa gayon hindi lamang sa mga tinutukoy nilang may utang na loob sila magbabalik ng kabutihang-loob kundi maging sa kanilang mahahalin o mamahalagahin sa buhay.  Malinaw ring nagbubuklod ang utang na loob dahil may pagpapahalaga, pagtutulungan, paggagalangan, at pagpapahalaga sa isa’t isa.  Ito rin ang lalong nagpapatibay pa ng mga ugnayan sa dahilang ang biyayang-bunga ng gawang mabuti ay nauuwing pakiramdam.  Kaya nga sa may utang na loob, sapat na ang siya ay may hiya sa taong nagpala sa kanya.  Matutunghayan sa mga pansariling depinisyon sa utang na loob ng mga estudyanteng nasa gradwadong antas, ang ilang katibayan dito:

“pagkilala sa magandang naiambag sa buhay”
“pagbibigay ng respeto”
“bahagi ng pagkatao na naipapakita ang pagkakaroon ng pagtanaw ng pasasalamat”
“pagpapahalaga sa pabor” (appreciate the favor)
“ang nagbigay ay bahagi na ng buhay”
“pagbabalik ng mga kabutihang ibinigay sa iyo”
“pansariling pagtanaw ng pasasalamat”
“pagbibigay pagpapahalaga sa magagandang nagawa ng kapwa”
“magandang nagawa ng kapwa”
“walang katumbas na halaga, hindi kayang bayaran ng salapi”
“ipinamalas na sakripisyo para makatulong”
“isang sakripisyo para mapagtuunan ng importansiya”
“nagawang di malilimutan sa panahong kailangang-kailangan”

Sa mga naging depinisyon ng mga lalabintauning estudyante, ang mga katibayan sa utang na loob, na maliban sa isa itong pakiramdam, ito rin ay isang magandang alaala ng mabuting ginawa at ginagawa:

pakiramdam na may natamasang pagmamahal, malasakit, kalinga, at tulong”
“ginawang kabutihan”
pakiramdam na may taong dapat pasalamatan, igalang”
“tulong na bigay sa pahanon ng pangangailangan na dapat ibalik din”
“pay it forward”
“pagbibigay sa iba sa kanilang kailangang tulong o pangangailangan”
“nakagawa ng bagay na mabuti, mahalaga sa buhay”
“pagkilala sa ginawang mabuti”
“appreaciation”
“ginawa dahil sa pag-ibig”
“ginawang mabuti, unconditional”
“magbigay o magkaloob ng tiwala”
“way of connecting to people”
“mula sa goodness
“nakabuti”
“bumuti, umayos ang buhay”

Mahihinuha sa mga depinisyong ito ng mga lalabintauning estudyante na nagiging halagahin sa kanila ang utang na loob dahil sa direksyon na dulot nito sa kanilang buhay tungo sa pag-unlad ng kanilang katauhan at pagkatao.  Namumuo sa diwa nila ang mga kawing pang halagahin nito gaya ng pagtitiwala, pagkalinga, pagtulong, pagmamalasakit, pag-ibig, pagmamahal, pagkilala, at pasasalamat.  Kaya nga nasasaktan ang damdamin kung sabihang wala siyang utang na loob dahil sa minamaliit nito ang kanyang katauhan lalo pa sa isang lalabintauning nagpapatibay pa nito sa panahon ng pagpapakatao.  Nauuwi nga sa hinanakit ang paratangan ng walang utang na loob dahil sa nadaramang tila wala siyang pinagmulan, pinag-ugatan. Iniinda ng anak na sabihan siyang walang utang na loob ng kanyang mga nag-arugang magulang o ninumang nag-ukol nito sapagkat higit sa naging obligasyon nila sa kanya, ang usapin nito’y ukol sa kanyang pagkatao.  Matatanto ito sa ilan pa sa mga sumusunod na sinulat nilang depinisyon sa utang na loob:

“pagkilala sa sarili”
pakiramdam na pagmamahal, na pinapahalagahan”
“respect”
“life is invested”
“kindness
“isang pag-iisip na may magandang nagawa sa iyo”
“nagpakita sila sa iyo ng mercy at compassion”
“pagtulong… an act of helping”
“selfless generosity”
“sacrifice”
“unconditional love”
“magagandang asal”
“you owe your life”

Kaya nga pambihira ang isang ina, ama o magulang na nariringgan ng paratang na ito sa kanyang anak lalo pa’t kung tunay niyang inaruga’t lubos na minamahal ang anak.  Ito ay dahil dama rin niya ang sakit ng mga salitang walang utang na loob na tumitimo sa puso ng may pakiramdam ng isang totoong utang na loob.  Sa mga lalabintauning ito, bahagi ng depinisyon nila ng utang na loob ang pagiging “laging nariyan” ng ina, ama o magulang sa kanilang paglaki.  Nangangahulugang ang tulong nila’y tuluy-tuloy lalo’t sa mga panahong mahigpit ang pangangailangan ng anak tulad ng pagkakasakit, pagdaan sa problema, at pagdanas ng kabiguan.  Isang bahagi ng depinisyon ay “kung dahil sa pagmamahal, wala itong hinihintay na kapalit” at “nagkaloob o nagbigay ng lahat nang walang inaasahang kapalit.”  Kaya nga kung ang himig ng pagsasabi ng walang utang na loob ay isang sumbat ng ina, ama o magulang sa kanyang anak ay dahil tumaliwas ito sa inaasahan nila.

Sa mga estudyanteng nakatatanda sa mga lalabintauning ito, naging bahagi ng depinisyon nila sa utang na loob ang tungkol sa katauhan at pagkatao:

“ito ang siyang bumubuo sa pagkatao”
“hinding-hindi malilimutan ang mga tulong na walang kapalit”
“tulong sa kapwa dahil may labis, kakayanan o nakakaluwag”
“tulong sa nangangailangan”
“di inaasahang pabor… bilang tao, dapat ibalik”
“value that show sincerity”
“kabaitang nagagawa”
“kabutihan”

Ilan pa sa mga napakainteresanteng naiintindihan nila sa utang na loob ay kaugnay ng paglalarawan sa loob mismo na higit sa maganda ito ay mabuti.  Isang kagandahang-loob kasi dahil namamalas sa ginagawa para sa pagsasaayos ng kalagayan sa pamamagitan ng tulong na ipinagkaloob.  Higit dito, ito’y isang nadaramang kabutihang-loob sapagkat walang inaasahang kapalit ang pagbibigay ng tulong o saklolo sa panahon ng pangangailangan.  Inilalarawan ito ng ilang bahagi ng kanilang mga depinisyon:

“utang na kabaitan”
“utang na magandang nagawa”
“ginagawa na mabuti ng walang inaasahang kapalit”
“paggawa ng mabuti na pwedeng ibalik na mabuting loob pagdating ng panahon”
“gusto mong ibalik ang magandang ginawa”

Napansing may pag-uuri pa sa utang na loob ang mga estudyante.  Ilan sa mga halimbawa:

“mas mataas ang utang na loob kaysa pabor”
“may utang na loob din ako”
“malaki ang utang na loob ko”

Ang pag-uuri ay kaugnay ng mga buti o benepisyong natatamo sa utang na loob tulad ng mga sumusunod:

“may ginawa para makinabang ka”
“nakapagsalba ng buhay”
“you owe your life”
“may natutunan sa buhay

Ang pag-uuri sa utang na loob ay napansin sa mga depinisyon ng mga estudyante na bukod sa ina, ama, tumayo o humaliling magulang, kamag-anak, kabiyak, at malapit na kaibigan ay isinama sa tala ng mga nginalanan nila ang Diyos (Jesus Christ), institusyon (DLSU), bayani (e.g., Jose Rizal), idolo (e.g., Isaac Newton), o modelo (e.g., guro).

LAGOM AT LIMI:
BAIT, BUTI, AT BALANG-ARAW

Sa ating paglalagom, ang utang na loob ay kabutihan kaya kabutihan din ang itinutuloy o ibinabalik.  Kundi man maibabalik ito sa tulad ng inang nagluwal sa kanya’t nagbigay ng buhay, ibinabalik ito sa pagkalinga sa kanya sa kanyang pangangailangan nito halimbawa sa panahon ng kanyang pagtanda.  Ito ay hango sa ilan sa mga depinisyon na ganito ang sinasabi ukol sa pinakapinagkautangan ng loob na ina, “…nababayaran ito sa takdang panahon” o magulang, “ibabalik balang-araw.”  Manapa ang panahong itinakda ay sa paglipas ng buhay ng kanyang ina, ama, magulang o sinumang kumupkop, nagpalaki’t nag-aruga sa kanya.  Ang susog para rito sa mga sinasabi nila sa depinisyon ay “ang buhay ay utang” sa mga magulang, sa Diyos.  Ito’y isang “utang sa buhay.”  Ang utang na loob anila pa ay “pagpapahiram ng kabutihang-loob” at sa nagkaloob nito (ang ina, ama, magulang o Makapangyarihang Diyos) manapa’y “para sa kanya hindi iyan isang utang na loob” kundi isang “regalo.”

Sa lunan ng malawak na loob natatagpuan ang utang na loob na siyang nag-uugnay sa bawat isa sa atin.  Ito rin ang siyang nagpapatibay ng ugnayang nabuo nito.  Ang utang na loob ay lalong nagbubuklod sa atin sapagkat ito’y laging nasa ating pananaw at parating pakiramdam.  Sa gayon, bahagi ito ng unawa sa kapwa, ang utang na loob ay kahanay ng umiibabaw na halagahin halimbawa, kabutihang-loob (bahagi ng hiya bilang dangal), palagay na loob (higit sa pakikisama), pakikiisang-loob, at lakas ng loob.  Ito ang natuklasan natin sa pagpapangalan sa mga mismong tao at pangangatwiran dito ng mga estudyante na kanila ngang tunay na pinakapinangungutangan ng loob.  Nahagilap din sa depinisyon bilang kanilang patotoo rito ang pakiramdam na parehong meron ang dumanas at nagparanas ng utang na loob.  Sa kanila pa nga na ang utang na loob ay iniuukol sa Higit na Makapangyarihan ganito pa ang pagpapatotoo “pakiramdam na mahal ka ng Diyos!”  Nakuha natin mula sa datos na ang mga umiiral na iniuugaling kaugnay ng pakiramdam na utang na loob ay iyong lalong nagpapalapit (gaya ng lambing) at nagpapatingkad (tulad ng tampo) sa relasyong ibinunga nito sa pagitan ng anak at ng kanyang ina, ama, humaliling magulang, at kinikilalang Diyos.

Tunghayan pa natin ang mga depinisyon mula sa mga estudyante sa utang na loob na sumasalamin sa pakiramdam, pakikipagkapwa, at pagkatao.

“isang konseptong Pilipino na nagpapakita ng kagandahang-loob sa kapwa, ng pagbibigay ng malasakit…”
“pasasalamat”
“isang bagay na hindi hinihingi, kundi ibinibigay nang walang kapalit parang pag-ibig”
“pagpapahiram ng kabutihang-loob”
“ginagawan ka ng mabuti ng may pagkukusa”
“may utang ako sa lahat ng magagandang asal na naibigay sa akin kahit walang kapalit”
“debt of the soul, one that can only be repaid by good deeds and actions
“tutulong dahil tinulungan ka”
“gagawa ka ng tulong sa iba nang hindi hihingi ng kapalit”
“parang blood debt, will always be there
“may ginawa o bigay na ikinasiya mo na hindi mo makakalimutan”
“nakatulong sa iyo ng malaki nang walang kapalit”
“nagaganap ito habang ika’y ginagawan ng kabutihan ng iyong kapwa”
“pagbibigay ng gabay at tulong”
“pagpapahalaga sa nagawang tulong ng taong hindi naghahangad ng anumang kapalit”
“biyayang ipinagkaloob ng walang inaasahang kabayaran o kapalit.”

Dagdag ang mga huling depinisyong ito sa mga nauna nang inihaing paliwanag sa pag-uugnayan ng ugali at unawa sa utang na loob.   Sa sumusunod na hanayan matutunghayan ang anim sa maaaring buod ng bait, buti, at baling-araw na may kinalaman sa utang na loob.  Ang anim na batid natin buhat nga sa mga depinisyon ay ang pagkatao, pakiramdam, pakikipagkapwa, kahihinatnan, paglihis, at pagtutuwid.  Halimbawa, ang taong may utang na loob ay may kusang-loob na tumulong.  Ito ay napapakiramdaman bilang kabutihang-loob.  Bunsod nito ang pagkikipagkapwa na bunga naman ay magandang pamumuhay.  Subalit, paglihis ang makawaglit ng kanyang utang na loob.  Samantala, may pagtutuwid pa naman sakaling saglit na mawaglit ang utang na loob sa pamamagitan ng pagsisisi.  Narito ang pagbubuo ng mga ugnayan:

Javier 1

 

Ang utang na loob ay utang na walang katumbas na halaga, utang na hindi pera, utang na walang hinihinging kabayaran.  Ito’y pakiramdam, pasasalamat, at pagkilala sa tulong na tuluy-tuloy lalo na sa mga panahon na may mahigpit na pangangailangan.  Ito’y nadaranas sa ginagawang kabutihan at kabaitan.  Ang salitang “utang” sa wika ng Indonesia ay “hutang” na sa Ingles ay “obligation” (Echols at Shadily 2008).  Samantala, kung ikinakabit ito sa isa pang kataga tulad ng utang na loob ay naiiba ang kahulugan: hutang budi ay debt of honor sa Ingles, buhat sa hutangdebt, budimind, reason, right thinking (katwiran).  Ayon kay Prisciliano Bauzon (2009), sa Malaysia mayroon pang terhutang budi na maipapakahulugan namang utang na kabutihan.  Mahihinuhang ang budi (innner intuitive feeling) sa Malay ay kapara ng loob ng Pilipino.  Hindi nalalayo ang “budi” sa “budhi” na naiuugat din sa hiya at dangal.  Tunghayan natin ang “budhi” sa sinuring sikolohiya ng pagkataong Pilipino ni Covar.  Ang budhi aniya ay “laganap sa buong katauhan ng buong pagkatao, sa ilalim o kaibuturan” (Covar 1995).  Ayon pa rin sa kanya, ito ay isang “built-in corrective mechanism” na siya aniyang “umuukilkil sa kaluluwa kung ito ay nagkakamali” (Covar 2003).  Kung tutuusin, ang utang na loob ay nasasa budhi bunga ng buti (kapag ginawan ng kabutihan—i.e., pagtulong) o badya ng bait (sakaling hingian ng habag—i.e., pagmamakaawa).  Sa inilatag na sistema ng halagahin ni Covar sa matuwid na pagkilos (matuwid na daan), paayon at hindi palihis ang iuugali o pag-uugali ng may utang na loob dahil ito sa tuwina ay tinatanaw, isang pakiramdam.  Sakali mang taliwas sa tamang daan ang tahakin ng tao, tinutugis mismo ng budhi ang di marunong tumanaw ng utang na loob sa nagpala.  Kaya nga ang masabihan ng walang utang na loob ay masakit sa kalooban sapagkat animo’y walang hiya o dili kaya’y walang dangal.  Upang matauhan ay inuulit ulit ipaalala (ng kapwa, ng budhi) na siya’y walang utang na loob (katumbas ng walang kuwentang tao).  Samantala, di salat ang sistema sa tuwid na daan dahil may pagsisi, paghingi ng tawad, pagdurusa, pagsasakripisyo para maibalik ang hiya’t dangal.  Sa pagbabalik-loob (pagtanaw ng utang na loob, pagpapasalamat, pagkilala sa pagkatao), napapanatili ang ginhawa ng loob.  Sa dakong huli, ang utang na loob ay larawan ng ating mga ugnayan, ugali, at unawa sa Pilipino.

Mga Sanggunian

Aguiling-Dalisay, G.H., J.A. Yacat, at A.M. Navarro (2004).  Extending the self: Volunteering as pakikipagkapwa.  Quezon City: Center for Leadership, Citizenship, and Democracy, University of the Philippines National College of Public Administration and Governance.

Alejo, A.E. (1990).  Tao po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao.  Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University.  Binagong edisyon, 1992.

Ariola, M.M. (2012).  Sociology and anthropology with family planning.  Manila: Purely Books Trading & Publishing Corporation.

Banaag, L.M.T. (2012).  Socio-anthro: An integrated and interdisciplinary approach to the study of society and culture.  Mandaluyong City: Books Atbp. Publishing Corporation.

Bauzon, P.T. (2009).  Essentials of values education; Third edition.  Manila: National Book Store.

Covar, P.R. (2003).  Kaalamang bayan, pagkataong Pilipino, at matuwid na pagkilos.  Nasa L.F. Antonio at L. Tiamson-Rubin (mga pat.), Sikolohiya ng wikang Filipino.  Quezon City: C & E Publishing, Inc., 131-141.

Covar, P.R. (1995).  Kaalamang bayang dalumat ng pagkataong Pilipino.  Nasa N.M.R. Santillan at M.B.P. Conde (mga pat.) (1998), Kasaysayan at kamalayan: Mga piling akda ukol sa diskursong pangkasaysayan.  Quezon City: Limbagang Pangkasaysayan, 1998, 75-85.

Covar, P.R. (2011).  Kultura at wika.  Nasa L.F. Antonio, A.G. Ramos, at A. Albano-Abiera (mga pat.), Mga babasahin sa sikolinggwistikang Filipino.  Quezon City: C & E Publishing, Inc., 46-58.

Dy, M.B. (1994).  The philosophy of value; The value of philosophy.  Nasa M.B. Dy (pat.), Values in Philippine culture and education.  Washington, D.C.: The Council for Research in Values and Philosophy, 9-17.

Echols, J.M. at H. Shadily (2008).  Kamus Indonesia-Inggris; Third edition.  New York: Cornell University.

Enriquez, V.G. (1992).  From colonial to liberation psychology: The Philippine Experience.  Quezon City: University of the Philippines Press.  Bagong edisyon, Manila: De La Salle University Press, 1994.

Gorospe, V.R. (1994).  Understanding the Filipino value system.  Nasa M.B. Dy (pat.), Values in Philippine culture and education.  Washington, D.C.: The Council for Research in Values and Philosophy, 55-61.

Jocano, F.L. (2007).  Social organization in three Philippine villages.  Nasa A.G. Soliven, A.S. Villanueva, at T.R. Perez (mga pat.), The search for the Filipino soul: Anthology of selected researches in anthropology.  Manila: Centro Escolar University, 176-188.

Merriam-Webster, Inc. (2015). Merriam-Webster dictonary.  Nakuha noong Enero 9, 2015, mula sa Merriam-Webster, Inc. Website: http://goo.gl/tcn4.

Miranda, D.M. (1989).  Loob; The Filipino within: A preliminary investigation into a pre-theological moral anthropology.  Manila: Divine Word Publications.

Palispis, E.S. (1995).  Introduction to values education.  Manila: Rex Book Store.

Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) (2014).  Pinoy values: Mula pagpapakatao tungo sa pakikipagkapwa-tao; Ika-39 na pambansang kumperensiya sa sikolohiyang Pilipino.  Programa, De La Salle University, Nobyembre 20-22.

Quito, E.S. (1994).  The ambivalence of Filipino traits and values.  Nasa M.B. Dy (pat.), Values in Philippine culture and education.  Washington, D.C.: The Council for Research in Values and Philosophy, 51-54.

Resurreccion, R.R. (2007).  Malasakit, pakikipagkapwa, at kalinisang loob: Mga pundasyon ng kagandahang-loob.  Malay, 19 (3), 67-78.

San Buena Ventura, P.d. (1613).  Vocabulario de lengua Tagala.  Manila: Impreso en la noble Villa de Pila.

Salazar, Z.A. (1981).  Wika at diwa: Isang pansikolingguwistikang analisis sa halimbawa ng konsepto ng hiya.  Nasa Susan Cipres-Ortega (pat.), Ulat ng ikalabindalawang seminar sa sikolohiya ng wika: Kasalukuyang kalakaran ng mga pagsusuri sa sikolohiya ng wika.  Quezon City: University of the Philippines Department of Psychology, 38-43.

Santiago, A.O. at N.G. Tiangco (2003).  Makabagong balarilang Filipino; Binagong edisyon.  Manila: Rex Book Store, Inc.

 

 

 

Posted in Tomo 5