[DIWA E-Journal Tomo 5, Nobyembre 2017] Mga Pagpapahalaga at Sikolohiyang Pilipino

Atoy M. Navarro
Faculty of Allied Health Sciences
Thammasat University (TU), Rangsit, Thailand

Alwin C. Aguirre, Ph.D.
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Tampok sa ikalimang tomo ng DIWA E-Journal ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) ang pitong napapanahong artikulo hinggil sa mga pagpapahalagang Pilipino.

Tatlumpong taon matapos ilathala ni Virgilio G. Enriquez ang artikulong “Filipino Values: Towards a New Interpretation (Using Local Language as a Resource)” (1987), inilalathala ngayon sa tomong ito ang mga artikulong nagbibigay ng mga batayang empirikal sa inilatag na malawakang teorya sa pagpapahalagang Pilipino ng kinikilalang Ama ng Sikolohiyang Pilipino.  Bukod sa pagtutuwid sa “baluktot na pagkakaunawa” sa mga pagpapahalagang Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng katutubong wika, nagbalangkas din si Enriquez (1987, 1989, 1990, 1992) ng malawakang teorya sa pagpapahalagang Pilipino.  Tinukoy sa kanyang malawakang teorya ang hiya (dignity/propriety), utang na loob (gratitude/solidarity), at pakikisama (companionship/esteem) bilang “accommodative/colonial surface values” at bahala na (determination), lakas/sama ng loob (guts/resentment), at pakikibaka (resistance) bilang “confrontative surface values.”  Kaugnay nito, tinukoy ang biro (joke), lambing (sweetness), at tampo (affective disappointment) bilang “associated behavior patterns.”  Binigyang-diin sa balangkas ang kapwa (shared identity) bilang “buod na pagpapahalaga” (core value) at mga interpersonal na pagpapahalaga na pakiramdam (shared inner perception) bilang “pivotal interpersonal value” at kagandahang-loob (shared humanity) bilang “linking socio-personal value.”  Iniugnay sa mga nabanggit ang mga panlipunang pagpapahalaga (societal values) na tulad ng karangalan (dignity), katarungan (justice), at kalayaan (freedom).  Tingnan ang pagbabalangkas sa pagpapahalagang Pilipino ni Enriquez:

Navarro 1

Sa tomong ito, pinaksa ni Jay A. Yacat sa papel na “Walang Pakisama o Walang Kapwa-Tao?: Isang Sikolohikal na Pagsusuri sa Tindi ng Paglabag sa Ugnayan sa Relasyong Panlipunan” ang buod na pagpapahalaga na “kapwa,” pagpapahalagang tulay ng sarili at iba na “pakikiramdam,” at paayong paimbabaw na pagpapahalaga na “pakikisama.”  Nagpokus naman sa “pakikiramdam” sina Homer J. Yabut at Katrina Fernando-Resurrecion sa kanilang sanaysay na “Pagpapakahulugan at Manipestasyon ng Pakikiramdam sa Konteksto ng Paggabay-Pagpapayo at Sikoterapiya.  Tinalakay naman nina Maria Guadalupe Salanga at Yabut ang “pakikisama” sa papel na “Ang Pangkaraniwang Pagpapakahulugan at Behavioral na Manipestasyon ng Pakikisama.”  Mga paayong paimbabaw na pagpapahalaga rin na “utang na loob” at “hiya” ang pinaksa ng mga artikulong “Parang Pag-ibig, Ibinibigay ng Walang Kapalit! Utang na Loob – Ugnayan, Unawa, at Ugali” ni Roberto E. Javier Jr. at “Sino ang May Hiya at Sino naman ang Wala? Paunang Pagtitibay sa Panukat ng Hiya Bilang Isang Pagpapahalaga” nina Jose Antonio R. Clemente, Adrianne John R. Galang, at Alessandra T. Arpon.  Samantala, pagpapahalagang tulay ng sarili at lipunan na “kagandahang-loob” naman ang tinalakay ng sanaysay ni Charmaine P. Galano na “Ang Loob at Pakikipagkapwa sa Kagandahang-Loob: Pagsusuri sa Pagpapakahulugan at mga Pagpapahalaga ng Kabataan.”  Kasama rin sa tomong ito ang papel na “E, di Ikaw na ang Matalino! Isang Pagsusuri sa Penomenon ng Smart-Shaming sa mga Pilipinong Gumagamit ng Facebook” ni Raphael D. Rodriguez na bagama’t hindi talaga nagpokus sa pagpapahalagang Pilipino ay nag-ugnay naman sa smart-shaming bilang kilos sa “kapwa” at “hiya.”

Bilang batayang pagdalumat, nangangailangan pa ng patuloy na pagsisiyasat sa mga salalayang empirikal ang mga ugnayan ng mga pagpapahalagang Pilipinong inilatag ni Enriquez sa kanyang malawakang teorya.  Sa kabila nito, hindi matatawaran ang ambag ng mga artikulo sa tomong ito sa paglalatag ng mga batayang empirikal sa ilang partikular na pagpapahalagang Pilipino, na inaasahang magpapausad sa pagteorya at mas masinsing pag-unawa sa mga ito.

PASASALAMAT

Lubos na nagpapasalamat ang patnugutan sa mga kontribyutor at naging referi para sa tomong ito.  Bukod kina Jose Antonio R. Clemente (Unibersidad ng Pilipinas Diliman) at Jay A. Yacat (Unibersidad ng Pilipinas Diliman) na kapwa bahagi ng pamunuan ng PSSP, nagsilbi rin bilang referi sina Josefina Andrea R. Cantiller (Unibersidad ng Pilipinas Diliman), Ma. Angeles Guanzon-Lapena (Pamantasang De La Salle Maynila), Michelle G. Ong (Unibersidad ng Pilipinas Diliman), Rogelia E. Pe-Pua (The University of New South Wales, Australia), Pia Anna P. Ramos (Pamantasang Ateneo de Manila), at Violeta Villaroman-Bautista (Unibersidad ng Pilipinas Diliman).

Mga Sanggunian

Enriquez, V.G. (1987).  Filipino values: Towards a new interpretation (Using local language as a resource).  Tagsibol, 1 (1), 8-13.

Enriquez, V.G. (1989).  Indigenous psychology and national consciousness.  Tokyo: Institute for the Study of Languages and Cultures of Asia and Africa.

Enriquez, V.G. (1990). Indigenous personality theory. Nasa V.G. Enriquez (pat.), Indigenous psychology: A book of readings.  Quezon City: Philippine Psychology Research and Training House, 285-308.

Enriquez, V.G. (1992).  From colonial to liberation psychology: The Philippine experience.  Quezon City: University of the Philippines Press.

Posted in Tomo 5