[DIWA E-Journal Tomo 5, Nobyembre 2017] E, di Ikaw na ang Matalino! Isang Pagsusuri sa Penomenon ng Smart-Shaming sa mga Pilipinong Gumagamit ng Facebook

Raphael D. Rodriguez
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Abstrak

Ang smart-shaming (SS) ay isang kilos na naobserbahan sa social media partikular na sa Facebook.  Sa kasalukuyan, wala pang pag-aaral na naisasagawa tungkol dito at wala pa rin itong pormal na kahulugan.  Nagsagawa ng dalawang pag-aaral upang maunawaan nang husto ang kilos na ito.  Ang unang pag-aaral ay naglayong alamin ang depinisyon ng SS at magbigay ng desksripsyon ng kilos at ng mga taong sangkot dito sa pamamagitan ng pag-interbyu sa mga taong nakaranas nito.  Gumamit naman ng online survey sa mga Pilipinong Facebook user ang ikalawang pag-aaral para suriin ang mga posibleng relasyon ng SS sa mga katutubong konsepto gaya ng kapwa at hiya pati na rin sa mga Kanluraning konsepto tulad ng big five personality factors at social dominance orientation (SDO).  Nabuo mula sa resulta ng unang pag-aaral ang pormal na depinisyon ng SS at deskripsyon ng mga taong sangkot (smart-shamer at smart-shamed) at mga posibleng target ng kilos na ito.  Napag-alaman ding may negatibong relasyon ang SS sa isang dimensyon ng kapwa (egalitarian views) pati na rin sa dimensyon ng pagkatao na agreeableness at neuroticism, habang positibo naman ang relasyon sa SDO.

Abstract

Smart-shaming (SS) is an observed social media behavior, particularly on Facebook.  There are currently no existing studies that try to understand SS and no formal definition has been offered yet.  Two studies were conducted in order to gain an understanding of this behavior.  The first study aims to develop a definition for SS and provide a description of the behavior and also the people involved in it by interviewing individuals that have experienced SS.  For the second study, an online survey was done on Filipino Facebook users to investigate the possible relationship between SS and indigenous psychological concepts such as kapwa and hiya as well as Western concepts like big five personality factors and social dominance orientation (SDO).  From the results of the study, a formal definition of SS was created as well as descriptions of the smart-shamer and the smart-shamed and also a list of possible targets of SS were presented.  Negative relationships were found between SS and one of the dimensions of kapwa (egalitarian views) and also with the personality dimensions of agreeableness and neuroticism.  On the other hand, a positive relationship was found between SS and SDO.

INTRODUKSIYON

Sikat sa mga Pilipino ang paggamit ng internet at ng mga social networking site (SNS) dahil napapadali nito ang pag-uusap ng mga tao kahit na sila’y nasa iba’t ibang parte ng mundo.  Ayon kina Beth Anderson at mga kasama (2012), isa sa mga pinakasikat na SNS sa mundo ang Facebook at ito, ayon naman sa www.wearesocial.com (2016), ang pinakaaktibong social platform sa Pilipinas.  Sa buwan ng Enero 2016, umabot na sa 48 milyong Pilipino ang aktibong gumagamit ng social media (We Are Social 2016).  Nakikita ng mga mananaliksik ang Facebook bilang isang lugar na mayaman sa datos na maaaring pag-aralan.  Sinabi nina Robert Wilson at mga kasama (2012) na maaari itong makapagbigay ng pagkakataon upang suriin ang kilos ng mga tao sa natural na kapaligiran at iba pang dahilan; halimbawa, may mga kilos na maaaring maobserbahan lamang sa online na konteksto.  Nabanggit din ng mga awtor ang tatlong punto tungkol sa importansya ng pag-aaral ng Facebook: una, makapagbibigay ang interaksyon ng mga user ng maraming impormasyong maaaring gamitin sa pananaliksik; pangalawa, maaaring makagawa ang mga interaksyon ng panibagong uri ng mga ugali at kilos na tanging sa mga SNS lamang makikita; at panghuli, may mga kaakibat na pakinabang at panganib na kailangang pagtuunan ng pansin ang mga SNS at ang mga interaksyong nagaganap dito (Wilson et al. 2012).

Hindi na bago ang mga pananaliksik tungkol sa Facebook.  May sapat na bilang ng mga pag-aaral sa mga nakalipas na taon, ngunit iba’t iba ang paksang kanilang tinalakay (e.g., Anderson et al. 2012; Wilson et al. 2012).  Sa pagsusuri ng mga pag-aaral sa Facebook, mukhang nakatuon ang karamihan sa mga ito sa mga sumusunod na paksa: mapaglarawang pagtatasa sa mga user (Tufekci 2008; Quinn et al. 2011); mga motibasyon sa paggamit ng Facebook (Steinfield et al. 2008; Viswanath et al. 2009); pagpresenta ng pagkakakilanlan (identity presentation) (Gosling et al. 2007); ginagampanang papel ng Facebook sa mga interaksyon (Dholakia at Durham 2010; Bohnert at Ross 2010); at privacy at information disclosure (Gross at Acquisti 2005; Christofides et al. 2009).  Ngunit sa kabila ng mga pag-aaral na ito, nabanggit nina Anderson at mga kasama (2012) na kailangan ding suriin ang mga posibleng negatibong epekto ng Facebook.  Kung higit pang susuriin ang mga nabanggit na pag-aaral, marami sa mga ito ang tumatalakay sa paksang pangdeskripsyon.  Upang lalo pang mapalawak ang ating kaalaman tungkol sa mga taong gumagamit ng SNS at mga penomemong nangyayari rito, ginawang isa sa mga layunin ng pag-aaral na ito ang makadagdag sa kontribusyon ng mga naunang pananaliksik sa pamamagitan ng pagtuon sa mga negatibong konsepto tulad peer pressure at cyberbullying (Anderson et al. 2012).

Sa kasalukuyang pag-aaral, susubukang sagutin ng mananaliksik ang ilang katanungang bumabalot sa isang naobserbahang kilos ng mga tao sa internet—ang smart-shaming (SS).  May ilang artikulong tumalakay rito at inilarawan ito bilang isang uri ng pagpapahiya sa mga taong matatalino.  Hindi pa malinaw sa ngayon kung ito nga ba talaga ang ibig sabihin ng SS dahil wala pang naisasagawang pag-aaral tungkol dito.  Susubukan ng kasalukuyang pag-aaral na tingnan ang perspektibo ng mga taong nakaranas ng penomenong ito upang makabuo ng matibay na pundasyon sa pagbuo ng naangkop na depinisyon para SS.  Susuriin din ang mga kaugnay na konseptong posibleng makapagbigay-linaw sa kung ano nga ba ang mga salik sa pagsagawa ng SS.

KONTRIBUSYON NG CYBERPSYCHOLOGY
SA PAG-AARAL NG SMART-SHAMING

May ilang naunang pag-aaral sa larangan ng cyberpsychology na maiuugnay sa pananaliksik ukol sa SS.  Maiuugnay ang SS sa cyberbullying, slut-shaming, at iba pang anyo ng online shaming.

Cyberbullying at Cyber-aggression

Ang cyberbullying ang isa sa mga pinakaunang konseptong naiuugnay kapag napag-uusapan ang SS.  Isang uri ito ng bullying na nagaganap online.  Binigyang-kahulugan ito ni Bill Belsey sa kanyang websayt na www.cyberbullying.ca bilang “paggamit ng impormasyon at mga teknolohiyang pangkomunikasyon tulad ng e-mail, cell phone, text message, instant message, mga mapanirang websayt, at iba pa upang suportahan ang sadyaan, paulit-ulit, at hostile na kilos ng isang indibidwal o grupo na maaaring makasama o makapanira sa ibang tao” (Li 2007; Li 2008).  Batay naman kina Lucie Corcoran at mga kasama (2015), ipinapahiwatig ng salitang cyberbullying na may mga cyber-based na katumbas ang tradisyunal na pambu-bully.  Kabilang sa pamantayan upang masabing cyberbullying ang isang kilos online ang paulit-ulit na pagsagawa nito at ang intensyong makasakit ng ibang tao (Kraft 2006; Vandebosch at Van Cleemput 2008; Corcoran et al. 2015).

Napakalawak ng saklaw ng mga pag-aaral tungkol sa cyberbullying.  Karaniwang pinag-aaralan ang persepsyon at karanasan ng mga bata (Cybersafe 2015) at mas nakatatanda (Brack at Caltabiano 2014; Balakrishnan 2015; Lee 2017) ngunit ang pinakamadalas ay kabataan o mga estudyante (Bauman 2010; Kraft 2006; Li 2007; Vandebosch at Van Cleemput 2008; Li 2008; Cassidy et al. 2009; Witkus 2012; Barlett et al. 2014; Nilan et al. 2015; Nixon 2014).  Ayon kina Justin Patchin at Sameer Hinduja (2006 sa Barlett et al. 2014), ang kabataan ang may pinakamataas na bilang ng gumagawa, nakasasaksi, at nakararanas ng cyberbullying.  Isa sa mga itinuturong dahilan nito ang paglaganap ng bagong teknolohiya na tinatangkilik ng kabataan, na bagama’t may dalang mga benepisyo, nagiging daan din upang malapit sila sa panganib tulad ng cyberbullying (Cassidy et al. 2009).  Naipakita naman sa isang ulat (Thorp 2004 sa Li 2007) na mas madami ng bahagya ang mga babaeng nagsasagawa ng cyberbullying kaysa sa mga lalaki.

May ilang lokal na pag-aaral tungkol sa cyberbullying na isinagawa sa Pilipinas.  Tumuon ang una sa mga bata (Cybersafe 2015) kung saan nagsagawa ng survey sa iba’t ibang aspekto ng cyberbullying tulad ng sino ang mga gumagawa, biktima, at pamamaraan ng paggawa nito.  Isa pang pag-aaral ang isinagawa ni Shella Witkus (2012) kung saan mga Pilipinong kabataan mula sa Visayas ang kanyang kalahok.  Naipakita sa kanyang pag-aaral na mas maraming estudyante sa mga pribadong paaralan ang nagiging biktima ng cyberbullying kumpara sa mga nasa pampublikong paaralan.  Taliwas ang resulta ng pag-aaral na ito sa resulta ng isang naunang pag-aaral (Thorp 2004 sa Li 2007) dahil nakita ritong halos pantay lamang ang bilang na babae at lalaki na nagsasagawa ng cyberbullying.  Napag-alaman naman sa pananaliksik ni Elsie Lynn Baronia-Locson (2012) na kabataang gumagamit ng SNS, higit sa kalahati ang mga babae, ang may pinakamataas na bilang ng biktima ng cyberbullying.

Ayon sa mga kalahok sa pag-aaral na isinagawa ni Dorothy Wunmi Grigg (2010), malawak ang sakop ng mga negatibong kilos na maaaring maranasan o makita sa internet at mga mobile phone; kaya para sa kanila at kay Grigg, masyadong mahigpit ang terminong cyberbullying pagdating sa inklusyon ng mga kilos at hindi masyadong malinaw pagdating sa deskripsyon ng mga ito.  Kaya kanilang iminungkahing magkaroon ng ibang terminong mas angkop at mas malawak ang sakop para sa mga negatibong kilos na makikita sa internet.  Cyber-aggression ang inilatag ni Grigg (2010) na mas angkop na gamitin para sa mga sinasabing kilos.  Ayon sa kanya, ang cyber-aggression ay isang intensyonal na paninira o pag-atake, sa pamamagitan ng mga elektronikong pamamaraan, sa isang tao o grupo na maski anuman ang edad.  Itinuturing na nakakasakit ng damdamin, nakakasira, at hindi kanais-nais ang paggawa nito.  Inilalarawan ng cyber-aggression ang malawak na saklaw ng mga negatibong pagkilos na maaaring mangyari habang nasa internet ang isa tao.  Napapabilang dito ang mga kilos na paulit-ulit o minsanan na may posibilidad na makasakit sa mga nakakatanggap nito (Grigg 2010).  Ang paggamit ng mobile phone at internet upang makapam-bully, manggulo, mang-stalk, mang-abuso, pati na rin ang mga bayolenteng pagkilos tulad ng happy slapping o paglabas ng mga litrato o video ng biktima nang hindi nito nalalaman upang ipahiya ito; outing o pagsapubliko ng mga pribadong impormasyon ng biktima; at flaming o pagmumura, pambabastos o pamamahiya sa kausap; ang maaaring matawag na cyber-aggression (Grigg 2010; No Bulllying 2015).

Slut-shaming

Bago pa man nabigyan ng atensyon ang SS, mayroon nang ibang penomenong nagaganap hindi lang sa internet kundi pati na rin sa labas nito; isa itong kilos na batay rin sa pamamahiya sa isang taong gumagawa o nakagawa ng isang bagay na labag sa pamantayan ng lipunan—ang slut-shaming.  Tumutukoy ito, ayon kina Leanna Papp at mga kasama (2015), sa pag-atake sa pagkatao ng isang babae batay sa kanyang sexual activity na maaaring hinala lamang (perceived) o may katotohanan (actual).  Naipakita ng mga pag-aaral na mababa ang tingin ng mga tao sa mga indibidwal na tinatawag na slut at higit pa rito, hindi rin nila gustong makihalubilo sa mga taong tulad nila (Kreager at Staff 2009 sa Papp et al. 2015).

Maaaring maganap ang slut-shaming hindi lamang sa social media kundi pati na rin sa mga classroom at workplace (Bamberg 2004 sa Papp et al. 2015).  Ipinapahiya ang mga slut ng ibang tao sa iba’t ibang paraan tulad ng mga face-to-face insult o direktang pang-iinsulto, di-direktang komentaryo o mga parinig o pasaring, at pati mga komentaryo tungkol sa tao na matatagpuan online (Tanenbaum 2000 sa Papp et al. 2015).  Isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng pag-slut-shame ang sa pamamagitan ng Facebook na tinitingnang isang uri ng cyberbullying (Sourander 2010 sa Papp et al. 2015).

Online Shaming

Sinasabing laganap sa buong mundo ang epekto ng mga online shaming website (Saranow 2007 sa Skoric et al. 2010).  Kadalasang mga socially undesirable behavior o mga kilos na hindi angkop sa pamantayan ng lipunan tulad ng di-ligtas na pagmamaneho at di-maayos na pagpapark ng sasakyan ang target ng mga online shaming website.  Bunga nito, muling kumalat ang paggamit ng shame o pamamahiya bilang pangkontrol sa mga di-kanais-nais na mga kilos na ito.  Kadalasang paraan ng paggawa ang pagkuha ng video ng gumagawa ng mga di-naaayong kilos at pag-upload nito sa kanilang websayt upang makita ng iba pang miyembro ng komunidad.  Nag-ugat ang paglaganap ng ganitong klaseng online shaming, ayon kina Marko Skoric at mga kasama (2010), mula sa paniniwalang magagamit ang pagmamatyag o surveillance bilang pangkontrol sa mga kilos na di-kanais-nais.

Ayon sa mga sikolohista, binibigyang-kahulugan ang shame bilang “di-malay, primitibo, at isang pisikal na tugon sa rejection at social isolation” (Martens 2005 sa Skoric et al. 2010).  Binigyang-kahulugan din ang shaming bilang proseso kung saan binibigyang-pansin sa publiko ang mga negatibong kilos at ugali ng isang tao (Kahan at Posner 1999 sa Skoric et al. 2010). Nagsisilbi itong parusa sa paggawa ng mga ito.  Sa kontekstong Asyano, sinasabing isa sa mga dahilang nag-uudyok sa mga taong gawin ito ang sinasabing mga pagpapahalagang Asyano (Asian values) na malakas ang impluwensya sa mga saloobin at kilos ng mga tao lalo na sa mga bansang tulad ng Singapore kung saan isinagawa ang pag-aaral nina Skoric at mga kasama (2010).  Idinidiin ng mga pagpapahalagang Asyano ang pagiging masunurin at pagsang-ayon sa kagustuhan ng nakararami.  Sinasabi ring dapat humango sa mga pagpapahalagang ito ang bawat isang miyembro ng lipunan (Cleary 1991 at Martin at Nakayama 2004 sa Skoric et al. 2010).

Natuklasan sa pag-aaral nina Skoric at mga kasama (2010) na mas binibigyang-pansin ng mga tao ang negatibong kilos na nagawa ng isang indibidwal kaysa sa pamamahiya sa nakagawa nito.  Nalaman ding hindi kailangang ipahiya ang taong may sala ayon sa mga kalahok.  Bukod pa rito, sinasabi ring isa sa mga pangunahing pakay ng mga online shaming website na ito ang mapabuti ang buhay ng nakararami sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga kilos o ugali na hindi dapat ginagawa.

PAGLITAW NG SMART-SHAMING SA INTERNET

Dahil sa mga nabanggit na negatibong epekto ng Facebook gaya ng cyberbullying, slut-shaming at online shaming, napukaw ang interes ng mananaliksik sa SS.  Dahil kailan lamang ito nabigyan ng pansin, wala pa talagang pananaliksik na naisagawa tungkol dito.  Wala pa ring pormal na depinisyon ang SS sa ngayon at ang basehan kung ano ang penomenong ito’y ang mga artikulo, post, tweet, at iba pang bagay na makikita sa internet na bumabanggit at naglalarawan dito.

Nagsagawa ng web search ang may-akda at sa Twitter ang pinakaunang beses na nabanggit ang SS.  Nagpost ang Twitter user na si Ms. Magazine (2010) ng link sa kanyang blog.  Sa blog na ito, may post ang awtor na si Kathleen Richter (2010) na may pamagat na “My Little Homophobic, Racist, Smart-Shaming Pony” at kanyang inilarawan ang isang cartoon kung saan niyaya ng isa sa mga karakter ang kasamahan nitong gumawa ng ibang bagay at iwanan ang pagbabasa ng libro.  Maliban sa nabanggit na paglalarawan na ito, wala nang ibang sinabi tungkol sa ano at paano mailalarawan ang SS.  Sa Twitter uli ang sumunod na pagkakataong nabanggit ang termino.  Sinabi ng Twitter user na si The Green Rat (2011) na hindi naiintindihan ng boyfriend ng kanyang flatmate ang isang matematikal na konsepto at sabay pag-insulto naman nito sa mga mathematician—dito naglagay si The Green Rat ng hashtag na #smartshaming.  Sa Twitter pa rin ang sumunod kung saan nagbanggit ang Twitter user na si Xobolaji (2012) tungkol sa SS sa link ng kanyang blog.  Sa blog na ito, binigyang-kahulugan ang may-akdang si Brittany (2012) ang SS bilang “isang kilos kung saan naipararamdam sa isang taong sila’y napahiya at nakakasakit ng damdamin dahil sa kanilang angking talino o pakikisangkot sa kritikal na pagtatasa (critical analysis) ng isang ideya.”  Nabanggit din ng may-akda na nasasaktan siya sa tuwing may mga taong nagagalit o naiinis sa kanya dahil matalino siya at itinuturing din siyang elitista.

Sa kaso ng Pilipinas, mayroon lamang ilang artikulo at blog na tumutukoy sa SS.  Ang una’y post ni Julia Jasmine Madrazo-Sta. Romana (2015) kung saan inilarawan ang relasyon ng pagtanggap ng mga Pilipino sa kamangmangan at ang negatibong tingin sa matatalinong tao.  Sinasabi rin sa artikulong kadalasang ipinapahiya ng mga Pilipino ang mga taong “sobrang talino.”  Ayon pa rin kay Madrazo-Sta. Romana (2015), tila ba itinuturing ng kulturang Pilipino na napakanegatibong aspekto ng isang tao ang pagiging matalino.  Isang ibinigay na halimbawa sa artikulo ang sa konteksto ng pulitika kung saan ipinapakita ng mga kandidato sa eleksyon na hindi sila ganoong katalino upang makuha ang puso ng masa.  Naihambing din ang matatalinong tao sa mga elitista dahilan sa kasaysayan ng pagiging kolonya ng Pilipinas kung kailan iilan lamang ang nakaroon ng pagkakataong makapag-aral.  Sinasabi pa ni Madrazo-Sta. Romana (2015) na nananatili pa rin ang ganitong pagtingin magpasahanggang ngayon.  Sumunod dito ang paglitaw ng isang blog ng pinamagatang “Smart-Shaming” kung saan binigyang-kahulugan ni Kim Edward Raymundo (2015) ang SS bilang “pamamahiya sa tao dahil mas matalino sila sa iba.”  Kanya ring ipinuntong unti-unti itong lumalaganap sa ating lipunan at katulad ng sinabi ni Madrazo-Sta. Romana (2015), para kay Raymundo (2015), nakikita ring isang negative trait ang pagiging matalino.  Ayon kay Raymundo (2015), kabilang sa mga halimbawang sinasabi ng mga tao ang “E, di wow!,” “Ikaw na!,” at “Ako na ang di-marunong!”  Naihambing din ng awtor ang SS sa konsepto ng crab mentality kung saan pilit na ibinababa ng iba ang matatalinong tao upang hindi sila maging angat sa kanila.  Pagkalipas ng ilang buwan, isa pang post ang lumabas (Sison 2015) na tumalakay sa SS kung saan ipinakita rin ng may-akda ang ilan sa mga sinasabi sa mga taong nagpapahayag ng mga pinag-isipan o pangmatalinong pangungusap (e.g., “Sige na, matalino ka na” at “Bobo na ako, sige na”).  Sinabi ni Shakira Sison (2015) na sumasama ang loob ng mga Pilipino sa matatalinong tao dahil nararamdaman nilang pinagmumukha silang walang alam habang ipinagyayabang naman nila ang kanilang kaalaman.  Nakikita ng marami sa mga Pilipino ang paggamit ng wikang Ingles sa pananalita bilang sagisag ng pagiging angat sa iba at nasasanay sila sa paniniwalang ang paggamit nito, katulad ng kritikal na pag-iisip, ay para lamang sa mayayamang tao (Sison 2015).

Mula sa mga nakalap na paunang impormasyon, deskripsyon, at paliwanag tungkol sa SS, binuo ng mananaliksik ang isang tentatibong depinisyon ng penomenong ito: Ang smart-shaming ay pamamahiya at pananakit ng damdamin ng isang taong itinuturing na matalino at mga taong sangkot sa diskursong intelektwal.  Ito ang gagamiting basehan ng kasalukuyang pag-aaral at marapat itong aayusin at gagawan ng pormal na kahulugan pagkatapos ng pag-analisa ng mga datos.

MGA NEGATIBONG KILOS AT UGALI
SA MGA SOCIAL NETWORKING SITE

May iba’t ibang uri ng norm o pamantayan ngunit ang mga norm sa mga SNS ay mga implicit norm (Burnett at Bonnici 2003 sa Hooper at Kalidas 2012) o sa madaling salita, mga pamantayan itong hindi pormal na nasusulat o dokumentado ng komunidad.  Dahil dito, natututunan ng mga indibidwal ang mga angkop na kilos o asal sa mga SNS sa pamamagitan ng pagmamasid at pagbibigay-kahulugan sa kanilang nakikita sa kanilang paligid.  Sinasabing sa mga pagkakataong walang katiyakan o sobrang kumplikado at mahirap suriin ang mga pagpipiliang gawin, umaasa ang indibidwal sa mga senyales tulad ng mga kilos ng iba (Banerjee 1992 sa Hooper at Kalidas 2012).  Tinatawag itong informational cascade at madalas itong nangyayari kapag hindi pinahahalagahan ang personal na impormasyon (Bikhchandi et al. 1992 at Bikhchandi et al. 1998 sa Hooper at Kalidas 2012).  Mayroon ding laganap na paniniwalang consensus implies correctness o kapag sang-ayon ang karamihan sa isang ideya o kilos, nagmimistulang tama ito (Maheswaran at Chaiken 1991 sa Hooper at Kalidas 2012).  Dahil sa mga ito, may mga pagkakataong nagiging tama ang maling gawain at nagiging mali ang tamang gawain dahil ang mayorya o karamihan ng tao sa paligid ang nagdidikta, direkta man o di-direkta, sa indibidwal kung ano ang angkop na kilos sa SNS.

Natuklasan sa pag-aaral nina Val Hooper at Tarika Kalidas (2012) na mas malinaw para sa kanilang mga kalahok kung ano ang mga di-katanggap-tanggap na kilos (unacceptable behavior) online kaysa sa mga kasalungat nito (acceptable behavior).  Inilista nina Hooper at Kalidas (2012) ang mga sinasabing katanggap-tanggap at di-katanggap-tanggap na gawain sa mga SNS.  Binuod ito mula sa mga taong kanilang mga nakapanayam:

Mga katanggap-tanggap na kilos (acceptable behaviors): Paggalang, pagrespeto sa kausap, hindi pagpost ng mga nakababastos sa profile ng iba, kakaunting laman ng personal na impormasyon sa sariling profile.

Mga di-katanggap-tanggap na kilos (unacceptable behaviors): Masyadong personal na impormasyon, bastos na pananalita o pagmumura, nakahihiyang mga post, paglabag sa privacy ng iba, pag-stalk, pag-request ng friendship sa mga di-kakilala, at panggugulo sa ibang tao.

Kung ihahambing ang mga di-katanggap-tanggap na kilos na ito at ang mga deskripsyon ng SS, tila ba may pagkakahawig ito sa ilang nabanggit tulad ng bastos na pananalita at panggugulo sa ibang tao.  Kung gayon, may posibilidad na may relasyon ang SS sa mga kilos na ito.

Mula kina Hooper at Kalidas (2012), kanilang sinabing nagpapakita ang kakayahang makipag-usap sa isang tao nang hindi nakikita ang kanilang istura o facial expression at ang kawalan ng kakayahang malaman ang kahihinatnan o epekto ng kanilang mga sinasabi ng posibilidad na masabi ng mga tao ang anuman ang gusto nila nang walang alinlangan.  Hindi rin direkta ang mga kinahihinatnan o consequence ng mga kilos online at kadalasan, wala talaga kung sakali mang gawin ng mga tao ito (Foulger et al. 2009 sa Hooper at Kalidas 2012).  Ilan ito sa mga maaaring dahilan kaya nakagagawa ng mga di-katanggap-tanggap na pagkilos ang mga miyembro ng SNS dahil sa ideyang mas malaya silang gawin ito at may posibilidad na maliit o wala itong kaakibat na parusa.  Maaari ring maiugnay ang mga gawaing ito sa tinatawag na online disinhibition effect.

Ayon kay John Suler (2004), tinatawag na online disinhibition effect ang paraan ng pananalita o pagkilos sa cyberspace na hindi kadalasang ginagawa sa pangkaraniwan o harap-harapang sitwasyon.  Dahil dito, pakiramdam ng mga tao sa internet, hindi sila mapipigilan ng iba at mas malaya sila sa pagsabi ng kung anuman ang nasa isip nila.  Ayon pa sa may-akda, napakalaganap ng penomenong ito.

Maaaring mas maintindihan pa ito sa pamamagitan ng paglalarawan ng isang taong nagbabago ng kilos at ugali habang nasa internet, ang bagong katauhang ito’y sinasabing hiwalay sa tunay na pagkatao ng indibidwal at binabawasan ang pakiramdam ng guilt at iba pang kadalasang nararamdaman ng in-person self o ang tunay na pagkatao nito.  Sa ilang pagkakataon, nakakakita tayo ng mga taong bastos magsalita, madalas magbigay ng nakasasakit na kritisismo, pagkagalit, at pagbabanta sa ibang tao.  Tinatawag ito ni Suler (2004) na toxic disinhibition.  Upang mas mapalalim ang pag-unawa sa penomenong ito, mahalagang mailarawan ang ilan sa mga aspekto nito:

Dissociative anonymity: Ito ang pagkakataong hindi naiuugay ang anumang ugali o kilos na mayroon ang isang tao online at sa kanilang buhay sa labas ng internet.

Invisibility: Dahil kadalasang di-nakikita o di-nakikilala ang mga taong nagpopost online, nagbibigay ito ng lakas ng loob sa kanilang gawin o sabihin ang mga bagay na hindi nila kadalasang ginagawa o sinasabi.  Kahit na nakikilala ang mga indibidwal online, dahil wala ang kanilang pisikal na presensya, lalong lumalakas ang epekto ng penomenong ito.

Asynchronicity: Di-kadalasang real-time o di-nangyayari ora mismo ang mga pag-uusap online at dahil dito, mas nagkakaroon ng oras na pag-isipan ng mga tao ang kanilang sinasabi.  Dahil din sa delayed na pag-uusap na ito, lalo ring napapalapit sa pagsagawa ng mga toxic disinhibition ang isang indibidwal.

Minimization of status and authority: Sa buhay, may mga taong mas nakakaangat sa iba, lalo na ang mga taong may kapangyarihan o nasa posisyon ng gobyerno o hirarkiya.  Sa cyberspace, nababawasan ang impluwensya ng mga taong ito pati na rin ang lebel ng kanilang estado, dahil kapag nasa online space ang isang tao, pantay lamang ang relasyon nito sa ibang tao.  Sa kadahilanang ito, mas maluwag sa kalooban ng ibang tao na ipahiwatig ang gusto nila at mas may lakas sila ng loob na magpakita ng di-kanais-nais na kilos (Suler 2004).

Kung susuring mabuti, makikitang may ilang pagkakapareho sa katangian ang mga di-katanggap-tanggap na gawain sa SNS at ang mga deskripsyon ng SS (e.g., bastos na pananalita at panggugulo sa ibang tao).  Maaaring dahil sa consensus na nakikita ng mga miyembro ng SNS sa kilos ng iba pang miyembro, tulad ng pagpapahiya kapag nakakausap nila ang taong sinasabing matalino kung kaya’t ginagaya o sinusunod nila ang mga ito dahil ito ang sa tingin nilang angkop na kilos.  Maaari ring maging sanhi ang online disinhibition effect ng kilos ng mga miyembrong ito sapagkat nababawasan ang responsibilidad na kaakibat nito at maaaring tumatangkilik sila sa ideyang hindi repleksyon ng kanilang tunay na pagkatao ang kanilang mga kilos sa internet.

MGA KONSEPTONG MAAARING MAY KINALAMAN
SA SMART-SHAMING

Maraming konsepto ang maaaring may kinalaman sa SS.  Para sa pag-aaral na ito, titingnan ang posibleng relasyon ng SS sa mga katutubong konsepto gaya ng kapwa at hiya at mga Kanluraning konsepto tulad ng big five personality factors at social dominance orientation (SDO).

Kapwa

Iprinesenta ni Virgilio Enriquez (1978 sa Yacat 2013) ang kapwa bilang pangunahing konsepto ng Sikolohiyang Pilipino (SP).  Pagkilala ang kapwa sa pagkakaroon ng mga Pilipino ng shared identity—kung saan nagiging bahagi ng sarili ang mga tao sa kanyang paligid.  Sa perspektibo ni Enriquez (1978 sa Yacat 2013), iisa lamang ang konsepto ng “ako” at “iba sa akin” at ito ang nagsisilbing kapwa: Hindi ako iba sa aking kapwa.  Dagdag naman ni Maharaj Desai (2016), sa konsetpo ng kapwa, hindi ibig sabihing dapat magustuhan ng isang indibidwal ang lahat ng tao sa kanyang paligid, kundi magkaroon ng pananagutan sa isa’t isa para sa kapakanan ng nakararami.  Inihambing din ni Desai (2016) ang kapwa sa isang balangay, kung saan nakatira ang mga tao sa isang bangka at sa loob nito’y isang maliit na komunidad.  Kanilang pinapatili ang maayos na relasyon sa isa’t isa upang maiwasan ang gulo at malayo sila sa kapahamakan (e.g., paglubog ng bangka).  Nailalarawan nito ang konsepto kapwa dahil konektado sa isa’t isa at kumikilos bilang isa ang bawat tao sa maliit na komunidad na ito.

Ayon kina Liane Alampay at Maria Rosanne Jocson (2011) ang kapwa ang gumagabay sa mga ugali at kilos ng mga Pilipino, kung saan pinahahalagahan ang respeto sa ibang tao.  Bunga rin ito ng ideya kung saan katulad at kapantay natin ang ibang tao.  Ang pag-iisip na hiwalay o hindi kabilang sa kapwa ang isang indibidwal ay nangangahulugang isa siyang indibidwalista at walang kapwa-tao.  Itinuturing itong masama ng mga Pilipino.  Dalawa ang kategorya ng kapwa ayon kay Enriquez (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000): ibang tao (IT) at hindi ibang tao (HIT).  Sa mga interaksyon ng mga Pilipino, maaaring mapabilang ang isang tao sa alinmang kategorya at matutukoy ang karampatang kategorya batay sa lebel o antas ng interaksyon nito sa iba.  Magkaiba ang interaksyon ng isa tao sa mga IT at HIT.  Halimbawa, ginagamit ang pakikitungo, pakikisalamuha, at pakikisama sa interaksyon sa mga IT habang pakikipagpalagayang-loob, pakikisangkot, at pakikiisa naman ang ginagamit para sa mga HIT.

May dalawang konseptong kaugay ang kapwa batay sa ginawang Panukat ng Kapwa ni Jay Yacat (nasa imprenta): egalitarianism (EGA) at smooth interpersonal relations (SIR).  Ayon kay Shalom Schwartz (1994), ang EGA ang pagsantabi sa mga pansariling interes para sa pagtataguyod ng kapakanan ng nakararami.  Kabilang sa mga pagpapahalagang nakakabit sa konseptong ito ang pagkakapantay-pantay (equality), katarungang panlipunan (social justice), responsibilidad (responsibility), at katapatan (honesty).  Ang SIR naman ang sinasabing ugat ng pagiging kolektibista ng mga Pilipino.  Ayon kay Frank Lynch (1973 sa Alampay at Jocson 2011), ang SIR ang pagnanais ng pagkakaisa at pakikisama sa iba.  Kasabay nito ang pag-iwas sa mga di-pagkakaintindihan upang hindi masira ang mabuting relasyon ng indibidwal sa ibang tao.

Dahil bahagi ng Asya ang Pilipinas, hindi maitatangging may bahid ng kolektibismo ang kultura ng mga mamamayan nito.  Ito, ayon kay Geert Hofstede (2011) ay isang dimensyon ng kultura kung saan napapabilang sa isang in-group ang mga taong bahagi ng kulturang ito mula kapanganakan hanggang sa pagtanda.  Ayon pa rin kay Hofstede (2011), nagbubunga ng pakiramdam ng kahihiyan ang pagsuway sa mga norm ng kulturang ito.

Hiya

Ang kahulugan ng hiya para kay Lynch (1961 at 1973 sa Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000) ay “ang hindi magandang pakiramdam kapag nalaman ng isang tao na nasa posisyon siyang di-katanggap-tanggap o nakagawa ng ibagay na sumusuway sa mga norm ng lipunan” at nararamdaman ito kapag napagtanto ng isang indibidwal na hindi naaayon sa dikta ng lipunan ang ikinilos niya.  Ayon naman kay Jaime Bulatao (1964 sa Church 1987), ang hiya ang pagkaranas ng kakulangan, pagkabalisa, at kawalan ng pagpapahalaga sa sarili.  Nakabatay ito sa grupo kung saan nabibilang ang isang indibidwal.  Mararamdaman ang hiya kung labag sa pamantayan ng in-group ang nagawang kilos.  Posibleng pagmulan ng hiya ang mga sitwasyong nagbubukas sa sarili na maging target ng panghuhusga at pangungutya mula sa ibang tao (Bulatao 1964 sa Clemente et al. 2017).

Nabanggit sa papel ni A. Timothy Church (1987) ang isa sa mga sinabi ni Lee Sechrest (1969 sa Church 1987) na malakas ang amor proprio (o personal dignity) ng mga Pilipino at masyadong sensitibo pagdating sa kahihiyan.  Palaging isinasaalang-alang ang magiging bunga ng bawat kilos ng isang tao upang hindi ito maging labag sa pamantayan ng karamihan, kaya’t isang epekto ng hiya ang pagpipigil (inhibition) tulad ng pangingimi, pag-aatubili o pag-aalinlangan sa pagkilos (Torres 1985 at Jocano 1997 sa Clemente et al. 2017).

May tatlong anyo ng hiya na tinalakay sa papel nina Jose Antonio Clemente at mga kasama (2017).  Kanilang inilarawan ang hiya bilang isang damdamin, isang ugali, at isang pagpapahalaga.  Isang damdamin ang hiya o shame batay sa depinisyon ni Lynch (1961 at 1973 sa Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000) gaya ng nabanggit nang isa itong negatibong emosyong nararamdaman kapag nalaman ng isang taong lumabag sa dinidiktang kanais-nais ng lipunan ang kanyang kilos o pananalita.  Ang pagkamahiyain naman ay isang ugali (trait), isang pattern ng pagkilos at pag-iisip na ipinapamalas ng isang inibidwal at madalang magbago-bago sa mga sitwasyon o panahong kinaroroonan ng indibidwal na ito (Nilsson 2014 sa Clemente et al. 2017). Panghuli, isang pagpapahalaga ang hiya kung saan isa itong pamantayan, prinsipyo o paniniwala na nagsisilbing gabay sa pagkilos ng tao (Schwartz 2006 sa Clemente et al. 2017).  Binigyang-kahulugan din nina Clemente at mga kasama (2017) ang hiya bilang paniniwalang nararapat o mahalagang isaalang-alang ang iniisip at nararamdaman ng ibang tao tungkol sa sarili bago ang anumang pagkilos, lalo na sa mga kontekstong may normatibo at moral na implikasyon.

Bakit pinahahalagahan ng mga Pilipino ang konsepto ng hiya?  Iginiit nina Clemente at mga kasama (2017) na isa sa mga pangunahing motibasyon nito ang kabutihang-asal—ang pagkilos ng tama o naaayon sa panuntunan ng lipunan.  Kung gayon, pinagsisikapan ng isang taong may hiya ang kumilos nang naaayon sa inaasahan sa kanya ng ibang tao at ng lipunan, mula sa mga kapamilya at kaibigan hanggang sa mga awtoridad at taong makapangyarihan, dahil ito ang tamang gawin.

Sa pagbuo nina Clemente at mga kasama (2017) ng Panukat ng Hiya bilang Pagpapahalaga (PHP), nakita nilang maaaring may dalawang mukha ang hiya: ang una ang hiya na nakatuon sa pagsasaalang-alang sa nararamdaman at iisipin ng mga itinuturing na HIT o mga taong malapit sa sarili tulad ng pamilya at mga kabigan.  Ang ikalawa naman ang hiya sa IT na nakatuon naman sa ano ang normatibo para sa lipunan, mga nakatataas sa isang tao, mga estranghero, at maging mga taong hindi lubusang kilala (Enriquez 1992 sa Clemente et al. 2017).

Big Five Personality Factors

Ang big five personality factors ang limang dimensyon ng pagkatao na nahahati sa: neuroticism (N), extraversion (E), openness to experience (O), agreeableness (A), at conscientiousness (C).  Batay sa komprehensibong artikulo nina Robert McCrae at Oliver John (1992), ipinapakita ang iba’t ibang katangian at pag-uugali ng mga taong may mataas o mababang lebel ng bawat dimensyon ng big five personality factors o mga katangiang kadalasang kaugnay ng mga ito:

Ang mga taong mababa ang E ay sinasabing tahimik (quiet), hindi palaimik (reserved), ­at mahiyain (shy), habang ang matataas ang E ang tipo ng taong dominante (dominant), masalita (talkative), mahilig makisalamuha sa iba (sociable), masigla (energetic), at mapagsapalaran (venturesome).  Sinasabi ring ang E (Ewen 1998 sa Popkins 1998) ang interes sa ibang tao at mga pangyayari sa paligid.

Kapag dimensyong A naman ang pinag-uusapan, sinasabi nina Clemente at mga kasama (2017) na isang inklinasyon ang agreeableness tungo sa pagpapanatili ng positibong relasyon sa ibang tao.  Ang mga indibidwal na mataas sa dimensyong ito’y kadalasang mataas ang tiwala sa ibang tao (trusting); tapat at mapagkakatiwalaan (straightforward); may konsiderasyon sa iba; at matulungin (altruistic); masunurin, mahinahon, at hindi agresibo (compliant); at mapagkumbaba (humble).

Ang C ang trait ng pagiging tapat at masipag.  Nangangahulugan ang pagkakaroon ng mataas na C na ang isang tao’y masusi sa paggawa ng mga bagay (thorough), organisado (well organized), at nakatuon sa pagkamit ng mga mapapanagumpayan (achievement-oriented) (McCrae at John 1992).

Ang paghahanap ng mga bagong karanasan (seeking for new experiences), pagpapalago ng kaalaman (intellectual pursuit), pagkamaharaya (imaginativeness), at pagkamalikhain (creativeness) ang ilan sa katangian ng mga taong may O.  Bukod pa rito, sinasabi rin ni Nathan Popkins (1998) na tumutukoy ang O sa kahandaan ng isang indibidwal na mag-adjust sa mga bagong ideya o sitwasyon.

Inklinasyong makaramdam ng pagkabahala (anxiety/distress) ang dimensyon ng N.  Inilarawan nina McCrae at John (1992) ang mga taong mababa ang N bilang kalmado (calm), pasensyoso (even-tempered), at panatag (unflappable).  Dagdag pa nila, hindi matatag ang emosyon (emotional stability) ng mga taong mataas ang N at madali silang maudyokan (impulsive) at mababa ang kanilang pagpapahalaga sa sarili (low self-esteem).

Mula sa mga pag-aaral ng mga personality factor na ito (Einstein at Lanning 1998 at Abe 2004 sa Skoric et al. 2010), makikitang may positibong relasyon ang N at A sa posibilidad ng pagkaramdam ng shame o hiya, habang negatibo naman ang relasyon nito sa O at E.  Sa pag-aaral na isinagawa nina Samuel Gosling at mga kasama (2011), kanilang sinuri ang relasyon ng big five personality factors sa mga Facebook-related behavior.  Nakita nilang ang E ang may pinakamaraming relasyon sa mga kilos sa Facebook tulad ng pagpaparami ng mga kaibigang miyembro at pagkomentaryo sa mga Facebook page.  Pagdating naman sa A, ang mga taong kadalasang tumingin sa kanilang sariling Facebook page at maging sa mga Facebook page ng ibang miyembro ang may mataas na lebel nito.  Ang mga taong may mababang lebel ng C ay naglalaan ng mas malaking bahagi ng kanilang oras sa paggamit ng Facebook.  Samantalang ang mga taong may mataas na O naman ang sinasabing mas posibleng makilahok sa iba’t ibang uri ng aktibidad sa Facebook.  Panghuli, walang nakitang relasyon sa kahit anong Facebook-related behavior ang N.

Nabanggit nina Constantinos Kokkinos at mga kasama (2016) na sa mga nakaraang pag-aaral ng cyberbullying sa Facebook ng estudyante, napag-alamang ang mga taong madalas na mang-bully ay may mababang lebel ng A, C, at O.  Magkasalungat ang mga nakalap na ebidensya tungkol sa relasyon ng E sa cyberbullying.  May mga mananaliksik na nabanggit sina Kokkinos at mga kasama (2016) na sumusuporta sa pagkakaroon ng mataas na lebel ng E ng mga cyberbully (e.g., Baldasare et al. 2012) habang may iba namang nagsasabing mababa ang E ng mga ito (Mishna et al. 2010).  Sa kabilang banda, sinasabi ng resulta ng pag-aaral nina Kokkinos at mga kasama (2016) na may negatibong relasyon ang A at cyberbullying sa Facebook sa parehong lalaki at babae, habang may negatibong relasyon din ang C dito ngunit nakita lamang ito sa kalalakihan.  Kabilang sa iba pang nabanggit ang relasyon ng O sa mga prosocial online behavior (Butt at Phillips 2008 sa Kokkinos et al. 2016) na ayon sa kanila’y walang kinalaman sa cyberbullying.

Social Dominance Orientation

Batay sa social dominance theory, may mga aktitud (attitude) o saloobin ang mga indibidwal patungkol sa di-pagkakapantay-pantay ng mga grupo sa lipunan o ang tinatawag na SDO (Pratto et al. 1994; Ho et al. 2015).  Bukod pa rito, ayon din sa mga may-akda, malaki ang pakinabang sa pag-aaral ng SDO bilang isang kabuuang konsepto dahil nagbibigay ito ng daan upang mapalalim pa ang kaalaman tungkol sa saloobin at ugali ng isang grupo at ang interaksyon nito sa iba pang grupo.

Sa papel ni Allan Bernardo (2013), kanyang ipinakitang may mga nagsasabing may kaugnayan ang SDO sa generalized prejudice (Duckitt at Sibley 2007 at McFarland 2010 sa Bernardo 2013).  Bilang karagdagan, sinasabi ring nagbunga ang kasaysayan ng Pilipinas bilang kolonya ng ibang bansa ng hindi pantay na relasyon sa pagitan ng mga tao na nananatili magpahanggang sa ngayon.  Nagsisilbi itong patunay na mayroong SDO ang mga Pilipino (Bernardo 2013).  Ang EGA ay paniniwalang dapat pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng tao at sinasabing may negatibong relasyon ito sa SDO (Pratto et al. 1994; Sidanius et al. 2000).  Nakitang may kaugnayan ang paniniwala sa EGA sa mababang lebel ng prejudice (Perkins 1992 at Monteith at Walters 1998 sa Bernardo 2013), habag may iba namang nagsasabing napapababa ng EGA ang lebel ng prejudice (Crandall at Eshleman 2003 sa Bernardo 2013).  Inilarawan ng resulta ng pag-aaral ni Bernardo (2013) ang mga Pilipino na walang negatibong relasyon ang SDO at EGA, ngunit sinasabi ng ibang pag-aaral sa ibang bansa na magkasalungat ang dalawang ito.

Bumuo sina Arnold Ho at mga kasama (2015) ng isang panukat ng SDO na tinatawag na Social Dominance Orientation Scale 7 – Short Form (SDO7s).  Mayroon itong dalawang dimensyong iprinesenta nina Ho at mga kasama (2012 sa Ho et al. 2015): dominance subdimension (SDO-D) at egalitarianism subdimension (SDO-E).  Ang SDO-D ang paniniwala ng mga tao sa pagdodomina ng kanilang group sa hirarkiya at kanilang inaapi ang mga grupong nasa ibaba.  Samantala, ang SDO-E naman ang pagtutol sa pagkakapantay-pantay ng mga grupo.  Sa malawakang pagsusuri nina Nour Kteily at mga kasama (2016) kung saan nagsagawa sila ng walong pag-aaral na isinaalangalang ang lahi (race), kasarian (gender), at uri (class), kanilang nakitang maraming taong naniniwalang dapat magkaroon hirarkiya sa lipunan.  Sa pagsusuri naman nina Kirsti Jylhä at mga kasama (2016) sa SDO at epekto nito sa pagtanggi ng mga tao sa bansang Brazil at Sweden na mayroon climate change, nakitang ang kalalakihang may konserbatibong pulitikal na pananaw ang mataas ang posibilidad na itanggi ito kumpara sa kababaihang may kaparehong pananaw.  Sa parehong pag-aaral, ginamit ang SDO7s bilang pangunahin o isa sa kanilang instrumento at sinuri ang SDO sa kabuuan nito.

PAG-AARAL SA SMART-SHAMING

Ang mga limitasyong nakita sa mga pananaliksik sa Facebook na nabanggit sa pagsusuri nina Wilson at mga kasama (2012), ang pagkakaroon ng mga negatibong aspekto ng SNS na sinabi nina Anderson at mga kasama (2012), at ang unti-unting paglaganap ng SS sa mga SNS, ang mga nag-udyok sa mananaliksik na isagawa ng kasalukuyang pag-aaral.

Gumamit ang pananaliksik ng disenyong mixed methods na may dalawang pag-aaral upang mas mapalalim pa ang pag-unawa sa konsepto ng SS.  Nakatuon ang unang pag-aaral sa pagsagot sa mga tanong na “Anu-ano ang mga pagkilos online na maaaring matawag na matalino?” at “Ano ang smart-shaming? sa pamamagitan ng panuklas na panayam (exploratory interview) ng mga Facebook user na naranasan nang ma-smart-shame.  Ito’y upang makalikha ng pormal na depinisyon ng SS at upang makabuo rin ng deskripsyon nito, paglalarawan sa mga gumagawa nito, mga kadalasang target ng SS, at mga epekto sa mga nakaranas nito.  Sa ikalawang pag-aaral, nagsagawa ng isang online survey upang malaman ang relasyon ng mga konseptong tinalakay sa SS.  Ang teorya ng kapwa (Enriquez 1978 sa Yacat 2013), konsepto ng hiya (Enriquez 1992; Clemente et al. 2017), big five personality factors, SDO (Ho et al. 2015), pati na rin ang mga negatibong kilos sa SNS [negative social media behaviors (NSMB)] ang titingnan ang relasyon sa SS.  Para sa ikalawang pag-aaral, susuriin ang mga posibleng relasyon ng SS sa mga konseptong ito.

Nabanggit nina Alampay at Jocson (2011) na nagsisilbing gabay ang konsepto ng kapwa sa pag-uugali at pagkilos ng mga Pilipino.  Dahil dito, kung naniniwala sa kapwa ang isang tao, pahahalagahan nito ang respeto sa iba.  Mukhang sa paggawa ng SS, hindi nabibigyang-halaga ang respeto sa iba dahil sa mga negatibong sinasabi ng mga tao sa matatalinong indibidwal.  Sa mas ispesipikong aspekto, nakatuon ang EGA sa pagtataguyod ng kapakanan ng iba kaysa sa sariling interes.  Taliwas naman ito sa nakikitang ideya sa SS kung saan posibleng mas may prayoridad sa mga taong gumagawa nito ang sariling interes (mahugot pababa ang mga itinuturing na elitista).  Sa kabilang dako, mukhang magkasalungat din ang SIR at SS dahil hindi binibigyang-atensyon ng mga taong gumagawa ng SS ang pakikisama sa iba at ang pagsasabi ng mga negatibong bagay sa iba’y hindi nakakatulong sa mabuting relasyon sa pagitan nila at ng mga biktima ng SS.  Kaya naman may posibilidad na may kaugnayan ang EGA at SIR sa SS:

H1: Magkakaroon ng relasyon sa SS ang kapwa at dalawang dimensyon nito (EGA/SIR).

Ang hiya ang nagiging gabay sa mga kilos ng isang tao upang sumang-ayon siya sa dikta ng lipunan ayon kina Clemente at mga kasama (2017) at ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng hiya.  Ipinapakita nitong mas maingat sa pagsasagawa ng mga kilos ang mga taong sinasabing may hiya.  Sa madaling sabi, may mababang probabilidad na gumawa ng hindi kanais-nais o hindi nararapat ang mga may hiya (Clemente et al. 2017).  Maaaring ituring na isang kilos na labag sa pamantayan ng lipunan ang SS dahil ang paggawa nito’y hindi kanais-nais gawin sa iba.  Batay rito, maaari ring may kaugnayan ang hiya at SS:

H2: Magkakaroon ng relasyon sa SS ang hiya at ang dalawang dimensyon nito (HIT/IT).

Iminungkahi nina Skoric at mga kasama (2010) na importanteng malaman ang pagkatao ng mga taong nag-aambag sa mga online shaming website upang malaman kung sinu-sino ang may mataas na posibilidad na gumawa at sumali sa ganitong aktibidad.  Sinasabi pang mas maiintindihan natin ang shame kung susuriin ito gamit ang lente ng big five personality factors (Einstein at Lanning 1998 sa Skoric et al. 2010).

Matapos ang pagpresenta sa mga depinisyon, katangian, at kaugnay na pag-aaral tungkol sa big five personality factors, napili ng mananaliksik na suriin ang kaugnayan ng E, A, at N sa SS at hindi naman isama ang C at O.  Kung ang mga kahulugan ang pagbabatayan, mukhang walang kinalaman ang C sa nasabing konsepto dahil nakapokus ang trait na ito sa pagiging masipag at pagiging organisado.  Hindi rin isasali ang O sa pag-aaral dahil mas tumatalakay ito sa trait ng taong naghahanap ng mga bagong karanasan at pagiging malikhain, na mukhang wala ring relasyon sa SS.  Sa kabilang banda, maaaring alamin kung may relasyon ang E at SS dahil kung titingnan, may posibilidad na ang mga taong may mataas na E ay mas maaaring magsabi ng kanilang naiisip lalo na sa mga SNS.  Maaari ring pag-aralan ang A dahil mukhang ang mga taong gumagawa ng SS, batay sa mga deskripsyon ng mga artikulo, ay may pagkaagresibo at maaaring hindi rin sila umiiwas sa mga di-pagkakasundo dahil mukhang sila mismo’y parte nito.  Kaya naman maaaring magtulak sa isang taong isagawa ang SS ang pagkakaroon ng mababang lebel ng A.  Pagdating naman sa relasyon ng SS at N, mukhang gaya rin ng A at E, maaaring makita rin ito sa mga taong gumagawa nito dahil maaaring hindi stable ang kanilang mga emosyon.  Pwede ring makita ang pagiging impulsive at kaugnayan nito sa SS dahil may posibilidad na hindi nila makontrol ang kanilang impluse kaya sila nakakagawa ng SS:

H3: Mayroong relasyon ang E, A, at N ng big five personality factors sa SS.

Nabanggit nina Ho at mga kasama (2015) na bagama’t may dalawang dimensyon ang SDO, mainam na pag-aralan muna ito bilang isang buong konsepto lalo na kung hahanapan ito ng relasyon sa iba pang konsepto.  Kanila ding binanggit na magbibigay-daan sa mga mananaliksik ang SDO7s na mas lalo pang maintindihan ang mga hirarkiya at mga saloobin ng mga indibidwal tungkol dito.  Kung susuriin, tumutukoy ang SDO sa saloobin ng mga taong naniniwala sa hirarkiya at ang SS nama’y isang kilos upang mapababa ang lebel ng mga taong itinuturing na elitista—mga tao nasa itaas ng hirarkiya.  Kung gustong ipahiya ng mga taong gumagawa ng SS ang matatalinong tao at iparamdam sa kanilang hindi sila angat sa kanila, ibig sabihin, may saloobin ang mga taong itong mayroon ngang di-pagkakapantay-pantay sa lipunan.  Kung gayon, may posibilidad na may kaugnayan sa paggawa ng SS ang SDO ng mga tao:

H4: Magkakaroon ng relasyon sa SS ang SDO.

Susubukin ding tingnan ang posibilidad ng pagkakaroon ng relasyon ng SS at mga di- katanggap-tanggap na kilos sa SNS na binanggit nina Hooper at Kalidas (2012) dahil sa nakitang pagkakatulad ng katangian ng dalawa.  Tatawagin sa pag-aaral na nitong NSMB ang mga ito:

H5: Magkakaroon ng relasyon ang NSMB at SS.

UNANG PAG-AARAL: PENOMENON NG SMART-SHAMING
AYON SA MGA NAKARANAS NITO

Mga Kalahok

May walong (8) taong boluntaryong lumahok sa panayam, may edad mula labingwalo (18) hanggang tatlumpu’t apat (34).  Gumamit ng snowball sampling upang makakalap ng mga posibleng kalahok sa pag-aaral, nang wala nang matukoy ang mga nakapanayam ng mananaliksik na posibleng iba pang maaaring maging kalahok, gumamit naman ng purposive sampling upang makahanap ng iba pa.  Pawang mga Pilipinong gumagamit ng Facebook ang mga kalahok kung saan nagbahagi sila ng kanilang karanasan tungkol sa SS.  Ang ilan sa kanila’y mga taong direktang nakaranas nito habang ang iba nama’y may karanasang di-direkta o pagkakasaksi sa pag-smart-shame ng ibang tao.  Pinalitan ng mga alyas ang pangalan ng mga kalahok at ito ang mga pangalang ginamit sa kinasapitan ng pananaliksik: Aia, Luz, Dean, Lira, Sam, Mia, Brie, at Gels.

Mga Materyal

Online Semi-Structured Interview

Nagbibigay ang semi-structured at unstructured interviews ng kalayaan sa mga kalahok na ibahagi ang kanilang karanasan (Mishler 1986 at Murray at Sixsmith 1998 sa Kazmer at Xie 2008).  Nagpapahintulot ito sa mananaliksik na tuklasin ang mga kahulugan ng mga karanasang ito pati na rin ang mga ideyang nakalakip dito.  Sa kadahilanang ang SS ay naobserbahan online, naisip ng mananaliksik na gawin ding online ang panayam.  Dahil ito sa contextual naturalness kung saan maaaring gamitin ng kalahok ang wikang kanilang ginagamit sa pang-araw-araw (Mann at Stewart 2002 at Shuy 2002 sa Kazmer at Xie 2008).  Iniulat din nina Thorsten Gruberat mga kasama (2008) na mas maginhawa at masaya sa mga online na panayam ang mga kapanayam at mas nagbibigay sila ng detalye sa kanilang mga sagot.

Facebook Chat/Messenger

Ipinakita nina Stefan Stieger at Anja Göritz (2006) na ang paggamit ng mga Instant Messenger (IMs) (kung saan may Facebook Chat/Messenger ang Facebook) sa pakikipanayam ay mas madaling maisagawa dahil mas mababa ang maaaring magawang pagkakamali sa transkrip sapagkat ang chat log na mismo ang gagamitin bilang transkrip.  Sinasabi ring mas naibabahagi ng mga kalahok ang kanilang saloobin sa isang online environment kumpara sa tradisyunal na panayam (Hanna et al. 2005 sa Gruber et al. 2008).  Nababawasan ang mga sagabal na kaakibat ng tradisyunal na panayam tulad ng impluwensya ng tagapanayam, dami ng trabaho (pagkuha ng iskejul at pakikipagkita sa kalahok, pag-aayos ng lugar ng interbyu, pagsasalin ng transkrip, at iba pa), at gastusin sa pagsasagawa ng panayam sa isang online environment (Gruber et al. 2008).

Pagsasagawa ng Pananaliksik

Matapos matukoy ang mga kalahok, ipinakilala ng mananaliksik ang kanyang sarili sa kanila.  Ipinaalam sa kanila ang layunin, metodo, tungkulin ng mananaliksik at kalahok, saklaw ng mga katanungan, at abiso ng pagiging kompidensiyal ng kanilang personal impormasyon.  Sinagot din ang kanilang katanungan bago mag-umpisa ang panayam.  Humingi rin ng pahintulot sa kanilang paglahok ang mananaliksik sa pamamagitan na pagpapadala sa kanila ng kopyang PDF ng pahayag ng malay na pag-sang-ayon sa paglahok (informed consent form) at matapos nila itong basahin, kanilang ibinigay ang berbal na pagpayag.  Inihanda ang unang katanungan upang mapalagay ang loob ng kalahok at upang magkaroon ng maayos na daloy na usapan.  Idinaos ang buong panayam sa Facebook Chat/Messenger at nagkaroon ng kalayaan ang mga kalahok na gamitin ang wikang nais nilang gamitin.  May katanungang ibinigay na tungkol sa ugaling pangmatalino na nakikita online at sa SS.  Matapos nito, kung sa tingin ng mananaliksik hindi malinaw ang sagot, may mga follow-up na pagtatanong sa kalahok upang magkaroon ito ng kalinawan.  Sa lahat ng ito, binigyan ng mananaliksik ang mga kalahok ng sapat na panahon para sagutin ang lahat ng katanungan.  Matapos sagutin ang lahat ng nakahandang tanong, dine-brief ang bawat kalahok at pinasalamatan sila sa kanilang oras.

Nagsilbing transkrip ang chat log at sinuri ito gamit ang thematic analysis.  May basbas mula sa mga kalahok na gamitin ang mga transkrip upang suriin ng mananaliksik.

Ang mga sumusunod ang naging proseso ng pag-analisa ng nakalap na datos:

  • Gumamit ng thematic analysis sa pagsusuri ng mga transkrip. Hango sa metodo nina Virginia Braun at Victoria Clarke (2006) kung saan data driven ang mga code, na ibig sabihin nito, walang basehang teorya ang mga code.  Manggagaling mismo sa datos na nakalap mula sa mga transkrip ang mga code na mabubuo.
  • Isang paunang mapang tematiko ang nabuo mula sa pagsusuri at pinagsama-sama at muling sinuri ang mga sipi ng bawat transkrip na napapaloob sa bawat tema.
  • Pagkatapos, pinag-isa ang mga temang may pagkakapare-pareho at inalis ang ibang temang may hindi sapat o sobrang kaunting datos.
  • Pinakahuli, bumuo ng panghuling mapang tematiko kung saan nakalatag ang mga temang nabuo matapos ang maiging pagsusuri ng mga code (tingnan ang Pigura 1).

Kinasapitan at Diskusyon

Nilalayong tuklasin ng unang pag-aaral kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng SS.  Gamit ang mga panuklas na panayam at base sa pagkaunawa ng mga taong nakaranas ng direkta at di-direktang SS, binuo ang mga tema (tingnan ang Pigura 1).  Nahahati sa tatlong seksyon ang resulta na nakatuon sa iba’t ibang aspekto ng penomenon at sa bawat seksyon, may maikling diskusyon ng mga tema.

Pigura 1. Panghuling Mapang Tematiko

Rodriguez 1

Seksyon 1: Ang Penomenon ng Smart-Shaming

Pangunahing Tema A: Ang Smart-Shaming

Ibinubuod ng pangunahing temang ito ang kabuuan ng SS, ang mga sanhi ng pagkilos, pati na ang iba’t ibang uri at paraan ng paggawa nito.  Maraming nakitang dahilan tulad ng “may masabi lang sa usapan” pati na ang “pakiramdam ng kayabangan.”  Inilalarawan din dito ang mismong kilos pati na ang mga posibleng maging biktima nito.

1.1.      Paraan ng Pamamahiya o Shaming

Sentro ng SS ang pamamahiya sa mga taong nagpost ng pangmatalinong kontent o teksto sa social media.  Nakikita ang nagpost sa iba’t ibang perspektibo, ngunit kadalasan, itinuturing siyang matalinong tao at nagiging biktima ng pamamahiya.  May dalawang paraan ng pagsagawa nito: direktang pamamahiya o di-direktang pamamahiya.

1.1.1.   Direktang Pamamahiya

Ang pag-atake sa pagkatao ng nagpost ang pinakamaraming halimbawang nabanggit ng mga kalahok, kung ihahambing sa ibang mga uri.  Ang pinakamadalas na halimbawa ang pamamahiya sa pagiging matalino ng isang tao.  Pinupuntirya rin ang sekswalidad pati na ang pisikal na mga katangian ng matalinong tao.  Ilan sa mga mababanggit ang mga halimbawa mula kina Aia at Luz:

Naririnig ‘yung mga pahayag like, “Ikaw na matalino!” (Aia, 18, Isabela).

Like “Ikaw ang panget mo lang pero ang dami mo pa sinatsat tungkol sa blah blah blah…” (Luz, 25, Pampanga).

Ang pangalawang uri naman ang pag-atake sa pinanggalingan.  Pinapatamaan naman sa ganitong uri ang pinag-aralan, eskuwelahan, probinsya, at nasyonalidad ng isang tao.  Nagbigay si Luz ng pagkakataon kung kailan siya na nakakita ng ganitong pang-iinsulto:

Basta isasangkot nila kung anong pinag-aralan mo or anong school or hanggang saan ang inabot mong level of education (Luz, 25, Pampanga).

Ang isa pang uri ay gumagamit ng di-magagandang salita upang atakihin ang laman ng post o komentaryo ng isang tao.  Sinusubukan nilang ipakitang mali ang sinasabi nito at kinukwestyon ang pagiging totoo nito sa pamamagitan ng pagpost ng mga salungat na komentaryo at pahayag.  Mula sa mga kalahok, ilan sa kanila ang naranasang atakihin ang laman ng kanilang post.  Ikinuwento ni Sam na:

…this very good classmate of mine… then will comment, if there’s really a god, “then why are we experiencing this…” at “lol why god allowed this,” “god doesn’t exist,” so on and so forth, ang sensitive talaga ng religious topics (Sam, 24, Pampanga).

1.1.2.   Di-Direktang Pagmamahiya

Sa uring ito, di-tuwirang binabanggit ang taong nagpost kundi gumagamit ang mga user ng ibang paraan tulad ng mga patama at mga memes na di-direktang umaatake sa nagpost.  Nakaranas ng ganito si Mia:

May meme pa pala, parang minsan feeling mo ang dami mong alam, nagiging mayabang ka na pala, etc. at …or magppost sha na parang patama or parinig (Mia, 27, Zambales).

1.2.      Mga Dahilan sa Paggawa ng Smart-Shaming

Isang kakaibang dahilang nakalap ang “may masabi lang.”  Mukhang ginagawa ito ng mga smart-shamer dahil wala na silang masabi ukol sa paksa at para may masabi pa rin sa usapan hinggil sa isang pangmatalinong post.  Nakikita rin ang SS bilang panghuling baraha (last resort) ng isang tao kapag wala na silang masagot pabalik sa kanilang kausap.  Isa sa mga pinakamadalas mabanggit na dahilan ang pagkaramdam ng pagmamayabang ng nagpost.  Sa tingin nila, ipinagyayabang lamang nito ang kanyang katalinuhan sa lahat.  Parehong may ideya sina Luz at Brie tungkol dito:

Pero minsan meron talaga yung mga comments na para me masabi lang at magmukha silang updated sa issue.  Yun yung mga napapa-facepalm na lang ako (Luz, 25, Pampanga).

Pero may mga instances na kapag may isang tao na nag-comment o nagpost ng something intellectual, mayabang na agad ang dating sa mga Pilipino (Brie, 28, Cavite).

Malinaw na makikita sa resulta ng unang pag-aaral na sinasalamin ng mga ito ang mga paglalarawan na nabanggit sa literatura (Brittany 2012; Madrazo-Sta. Romana 2015; Raymundo 2015; Sison 2015).  Halos katulad din ang mga pahayag na natatanggap ng mga kalahok sa mga inilista ng mga awtor ng mga artikulo tungkol sa SS sa Pilipinas tulad ng pagsasabi ng “Ikaw na matalino!” at ang pamamahiya sa tao dahil sa itinuturing silang matalino (Madrazo-Sta. Romana 2015; Raymundo 2015; Sison 2015).  May mga nakita ring ibang klaseng pamamaraan ng pamamahiya na hindi nabanggit sa mga pangunahing obserbasyon ng literatura.  Nakita na hindi lamang limitado sa mga personal na atake ang SS kundi maaari ring masangkot ang pinanggalingan ng tao (e.g., pinanggalingang eskuwelahan).  Mukhang alinsunod din sa deskripsyon ni Sison (2015) ang isa sa mga nabanggit na dahilan ng mga kalahok—ang persepsyon ng kayabangan ng matatalinong tao.  Interesanteng pagtuunan ng pansin ang isang partikular na aspekto ng SS—ang mga di-direktang pamamahiya.  Kung titingnan ang mga naunang pananaliksik sa cyberbullying at cyber-aggression, direkta ang karamihan sa deskripsyon ng mga ito tulad ng pagmumura, pang-aabuso, at pamamahiya sa publiko at dito may kaunting pagkakaiba ang SS dahil hindi lamang ito limitado sa direktang pamamaraan kundi mayroon ding di-direktang bersyon ito.

Seksyon 2: Ang Biktima ng SS: Ang Smart-Shamed

Pangunahing Tema B: Ang Matalinong Kontent Online

Nilalagom ng temang ito ang mga pananaw at pagkaunawa ng mga kalahok sa kung ano ang pag-uugali at pagkilos ng matatalino online.  Inilalarawan din dito ang mga katangian at uri ng mga post pati na ang mga pinaniniwalaang dahilan sa pagpost.

2.1.      Mga Paksa ng Matalinong Kontent Online

“Politika” ang madalas na mabanggit ng mga kalahok at malimit nilang mabasa ang mga post tungkol sa paksang ito sa social media.  Malawak din ang saklaw ng mga “kasalukuyang pangyayari” (current events) dahil iba’t ibang paksa ang maaaring maisangkot dito basta’t “trending” ito o usap-usapan ng nakararami.  Madami ring nakikitang opinyon tungkol sa mga isyu sa social media at naituturing din itong pangmatalinong paksa.  Nabanggit ni Aia na itinuturing niya ang mga taong nagpopost bilang matalino kung nagpopost sila tungkol sa mga paksang:

…tulad ng mga relevant na issue sa ngayon, political, philosophical, etc. (Aia, 18, Isabela).

Ayon naman kay Sam, higit na matalino ang mga taong nagpopost o nagkokomentaryo kapag:

most of the time, for me ah, yung magpopost sila ng kanilang opinion or thoughts on a present issue on FB minsan in English… (Sam, 24, Pampanga).

2.2.      Mga Katangian ng Matalinong Kontent Online

Importante para sa mga kalahok na pinag-isipang mabuti ang mga pinopost sa social media upang matawag itong pangmatalino.  Binibigyan ng atensyon ng mga kalahok ang lohika sa likod ng mga post na ito.  Ang wikang ginamit ay mahalaga ring paalala sa mga kalahok na pangmatalino ito.  Madalas nasa wikang Ingles ang mga nababasa nilang post at may mga pagkakataong gumagamit ang mga nagpost ng mga kumplikadong salita at tamang gramatika.  Ang huling katangiang nabanggit ang pagkakaroon ng konsiderasyon ng nagpost sa damdamin ng mga mambabasa.  Layunin niyang hindi makasakit ng damdamin ng mga tao at makasira ng paniniwala ng iba.  Para kay Luz, ang isang matalinong komentaryo ay:

Intellectual?  Para sa kin intellectual ang comment pag pinag-isipan siya mabuti, hindi siya nananagasa ng tao o paniniwala ng isang indibidwal (Luz, 25, Pampanga).

Kapag nakababasa ng post o komentaryo si Dean, sinusuri niya ito nang mabuti at tinitingnan ang:

comment/s na may kasamang facts or citations.  Plus, grammar.  Haha (Dean, 32, Quezon City).

2.3.      Mga Uri ng Matalinong Kontent Online

May tatlong pangunahing uri ng matalinong kontent online na nabuo mula sa mga kasagutan, kung saan dalawa sa mga ito ang pinakamadaming beses na nabanggit: mga post ng opinyon at mga post na may patunay o facts.  Karamihan sa mga post ay mga pagpapahayag ng opinyon o panig sa isang isyu.  Apat sa walong kalahok ang nagpahayag na upang maituring na pangmatalino ang isang post, dapat mayroon itong kalakip na patunay sa kanyang sinabi.  Sabi ni Luz, ang mga opinyong ito ay mga post na ipinapakita ang mga positibong aspekto ng isang katwiran:

Ahh, sa mga columns usually about the issue.  Yung mga comments na ipo-point out nila yung strengths ng arguments… (Luz, 25, Pampanga).

Importante ang mga patunay o facts para kay Lira upang matawag na pangmatalino ang isang post:

Hm, Tunog intellectual kung wala kang tinatapakang tao or kahit ano mang bagay, may integrity, may facts, may point at higit sa lahat hindi bias (Lira, 23, Manila).

Ang nakikita ng mga kalahok na pangmatalinong kontent ay mga may paksang tungkol sa pulitika, kasalukuyang pangyayari, at mga opinyon tungkol sa mga isyung matunong sa social media.  Isa sa mga nakikitang dahilan ng mananaliksik kung bakit lumitaw ang paksang ito’y dahil sa kasagsagan ng eleksyon, kung kailan isinagawa rin ang pagkalap ng datos para sa pag-aaral.  Sa eleksyon, laging nakakabit ang pulitika, nagiging kasalukuyang pangyayari rin ito dahil sa pangangampanya ng mga kandidato, at higit sa lahat, nagiging sanhi rin ito ng paglabas ng mga isyu tungkol sa mga kandidato—lahat ng ito, maaaring pagmulan ng diskusyon at pagbibigay ng opinyon ng mga tao.  Maliban sa eleksyon, ang mga social issue na kadalasang nagte-trend sa social media ay possible ring makapagsiklab ng mainit na diskusyon—maaaring may mga taong sang-ayon at di-sang-ayon sa mga isyung ito.  Upang suportahan ang kanilang panig, nagpepresenta sila ng facts.  Sinasalamin ang pagkakataong ito ng resulta na ang matalinong kontent online ay may kasamang suporta sa argumento ito.

Ang isang kontent online na pinag-isipang mabuti at nakasalin sa wikang Ingles ay madalas na itinuturing na pang-intelektwal na alinsunod naman sa paglalarawan ni Sison (2015) kung paano nakikita ng mga Pilipino ang ganitong klase ng kontent.  May positibo at negatibong katangian ang mga nagpopost ayon sa mga kalahok, halimbawa na lang ang pagiging bukas ang isip (open minded) o kaya nama’y pagkakaroon ng kinikilingan (biased).

Pangunahing Tema C: Ang Taong Pinagmulan ng Matalinong Kontent Online

Humingi ng paglalarawan ng mga taong pinanggagalingan ng mga pangmatalinong content online mula sa mga kalahok.  Mula sa kanilang tugon, nakitang may dalawang klase ng paglalarawan sa kanila—maaaring positibo at maaari ring negatibong katangian.

3.1.      Mga Positibong Katangian

Ang mga taong ito ay bukas sa mga kritisimo sa kanilang post.  Hindi sila nagagalit sa mga taong may taliwas na opinyon.  Ayon din sa mga kalahok, kailangan ding matalas ang isip ng mga nagpopost upang matawag na matalino.  Inilarawan nina Luz at Gels ang isang indibidwal na matalino bilang:

Isa syang taong may sense of fairness?  Hahahaha!  Probably hindi sya taong judgmental or someone who jumps to conclusions agad agad (Luz, 25, Pampanga).

Hmmmmmm.  Siguro, I should describe them as smart people talaga? (Gels, 23, Rizal).

3.2.      Mga Negatibong Katangian

Salungat sa positibong katangian, nakikita ng ibang sarado ang isip ng mga ito.  May kinikilingan silang panig at madalas mamintas ng ibang tao.  Ilan sa mga poster at commenter ay itinuturing na sarado ang isip dahil hindi sila tumatanggap ng opinyon ng iba at hindi pinapakinggan ang mga salungat na ideya.  Napapansin din ang pagiging biased ng mga ito dahil kanilang pinipili ang mga gusto nilang marinig mula sa iba at minsan, sarili lamang ang pinaniniwalaan.  Naikuwento ni Aia na:

Well, sa mga recently po na nakita ko, closed-minded po sila at salig lang sa iisang side ng issue… at …’yung hindi naman iko-consider ang sasabihin ng iba, ganyan (Aia, 18, Isabela).

3.3.      Mga Dahilan sa Pagpopost

Iba’t ibang dahilan ang nakuha ng mananaliksik mula sa datos ng panayam—may mga positibo at mayroon ding negatibo.  Ang unang dahilan ay ang pagpapakitang-gilas ng mga user upang makuha ang atensyon ng iba.  Isa ring sanhi ng pagpopost sa wikang Ingles ay para ipakitang marami silang nalalaman.  Tulad ng nabanggit, isa ring nakikitang dahilan ang pagpapakita na matalino sila.  Isa ito sa mga salik na nag-uudyok sa mga user upang magpost at makipagdebate sa mga paksang may kinalaman sa pulitika at mga kasalukuyang pangyayari.  Naniniwala si Brie na nagpapakitang-gilas lamang ang mga nagpopost nito:

Either show-off ng English vocabulary nila o madami lang talaga sila naiisip sabihin.  Most of the time, it’s the former (Brie, 28, Cavite).

May mga tao, ayon sa pahayag ni Aia, na gumagamit ng opinyong iba upang may masabi sa isang usapan:

Kinuha lang para magmukhang matalino, ganun po siguro ang nangyari do’n… Exactly po…  Para ayun magmukhang matalino (Aia, 18, Isabela).

Mahalagang tandaang batay ang mga dahilang ito sa pag-unawa ng mga taong nakabasa ng mga na post sa mga SNS na tingin nila’y pangmatalino.  Sa mata ng mga kalahok, parehong may positibo at negatibong katangian ang mga source o ang mga pinagmumulan ng matalinong kontent online.  Para sa kanila, ang mga taong ito’y maaaring bukas ang isip, ngunit sa kabilang banda, may ibang nakikita sila bilang mga taong walang pakialam sa damdamin ng iba.  Nakikita namang dahilan ng pagpopost ng mga taong ito ang pagmamayabang ng kanilang talino.  Kung titingnan pa ng mas maigi, nangingibabaw ang mga dahilang nabanggit tungkol sa pagpopost ng kontent online dahil batay sa persepsyon ng mga kalahok—nagyayabang ang mga source ng kontent online dahil matalino sila.  Sumasang-ayon ang resultang ito sa deskripsyon ni Sison (2015) kung saan nararamdaman ng mga Pilipinong itinataas ng matatalinong taong ang kanilang sarili, habang ipinaparamdam ang kamangmangan ng iba.

Pangunahing Tema D: Mga Epekto sa mga Taong Na-Smart-Shame

Binubuo ang temang ito ng mga epekto sa mga kalahok matapos nilang maranasan ang direkta o di-direktang SS.  Isiniwalat nilang nakaranas sila ng ilang egatibong epekto sa kanilang damdamin pati na rin mga pagbabago sa kanilang pagkilos sa SNS.

4.1.      Mga Negatibong Damdamin

Matapos nilang maranasang mapahiya o makita ang ibang tao na mapahiya dahil sa pagsasabi ng kanilang opinyon na tinuring na intelektwal, ipinarating ng mga kalahok na nakaramdam sila ng pagkabigo o frustration sa pangyayari pati na rin sa mga taong namahiya.  Kung ang iba’y pagkabigo ang naramdaman, ang iba nama’y nakadama ng kalungkutan—dahil ito sa hindi magagandang salitang ibinabato sa kanila.  Matapos na maranasan nina Mia at Luz ang pamamahiya, ito ang kanilang naradaman:

Nakaka-frustrate… para kasing people have to apologize for being intellectual (Mia, 27, Zambales).

It felt weird to be told that.  And medyo nakaka-badtrip, like you try to make a meaningful conversation tapos sasabihan ka ng ganon.  Medyo sad (Luz, 25, Pampanga).

4.2.      Mga Pagbabago sa Kilos

Matapos ma-smart-shame, halos lahat ng mga kalahok ay naging mas maingat na sa kanilang mga ginagawa at sa kanilang mga pinopost—ito ay upang maiwasang muling maging biktima ng mga namamahiya.  Ang iba nama’y patuloy pa ring nagpopost at nagkokomentaryo ng kanilang opinyon ngunit mayroon nang kaakibat na pag-iingat sa pananalita, habang ang iba nama’y pinili na lang na manahimik at huwag pansinin ang mga taong gustong mamahiya.  Binanggit nina Sam, Aia, at Luz ang ilan sa mga pagbabagong ito:

…real life, nothing, in the net, it made me to be very careful… (Sam, 24, Pampanga).

Parang ngayon there is a need to tone down yung mga opinions or questions so as not to offend others na hindi ka maintindihan (Luz, 25, Pampanga).

…hindi na po ako nakikisali sa usapan kahit gusto ko sana (Aia, 18, Isabela).

Matapos ang pagsusuri sa mga salaysay ng mga kalahok, mukhang hindi lamang limitado sa emosyonal na aspekto ang epekto ng pagkaranas ng SS kundi pati na rin sa pagkilos nila sa SNS.  Ang kabiguan at kalungkutan ang kadalasang nararamdaman ng mga taong na-smart-shame at nababago rin ang kanilang pagkilos dahil sinusubukan na nilang iwasang maranasan ito muli.  Alinsunod naman ang mga epektong ito sa mga nabanggit ng mga may-akda tulad ng paglalarawan ni Brittany (2012) na nakakasakit nga ng damdamin ang SS.  Ayon kay Madrazo-Sta. Romana (2015), dahil mas tanggap na ang kamangmangan ng kulturang Pilipino, nagiging negatibo na ang tingin ng lipunan sa matatalinong tao.  Dahil din dito, mukhang isinasagawa ang pamamahiya bilang pag-udyok sa mga taong ito na maging tulad ng nakararami at baguhin ang kanilang kilos—alinsunod ito sa resulta ng pananaliksik nina Skoric at mga kasama (2010) kung saan nagsisilbing pangkontrol ang SS sa mga kilos na hindi angkop sa pamantayan ng lipunan.

Seksyon 3: Ang Taong Nagsasagawa ng Kilos: Ang Smart-Shamer

Pangunahing Tema E: Ang mga Smart-Shamer

Kailangan ding malaman kung sinu-sino ang mga taong matatawag na smart-shamer.  Anu-ano ang kanilang mga katangian?  Ano sa tingin ng mga biktima ang mga sanhi at mga bagay na nag-uudyok sa pagkilos ng mga taong ito?

5.1.      Mga Katangian ng Isang Smart-Shamer

Isa sa mga pangunahing katangian ng pagiging isang smart-shamer ang pagiging pabigla-bigla o kaagad na humuhusga ng isang tao o bagay nang hindi pinag-iisipan ng mabuti.  Sila rin ay kaagad na nagkakaroon ng konklusyon sa isang pangyayari.  Ang isa pang katangian nila ang di-pagkakaroon ng pakialam sa nararamdaman ng ibang tao.  Maaaring sadya o di-sadya na hindi nila napapansin na nakasasakit sila ng damdamin ng iba at minsan, akala nila, wala epekto ang kanilang mga sinasabi o ginagawa sa iba.  Ganito ang paglalarawan sa mga smart-shamer ng karamihan sa mga kalahok.  Bilang halimbawa:

Yung nakukumento lang basta dahil nabasa nila yung title ganon… (Luz, 25, Pampanga).

Ibang motives na I think hindi po talaga nila alam na nampapahiya na sila.  Di sila aware (Aia, 18, Isabela).

5.2.      Sanhi ng Pagiging Isang Smart-Shamer

Ang mga ito ay ilan pa sa mga nakitang dahilan kung bakit sa tingin ng mga kalahok nagiging smart-shamer ang isang tao.  Ang pagkakaroon ng saradong pag-iisip ay katangian ng mga taong hindi kayang tanggapin o kilalanin ang opinyon o ideya ng iba.  Ang isa pa’y ang kakulangan sa kaukulang impormasyon tungkol sa paksa.  Dahil dito, ipinapahiya na lamang nila ang taong nagpost upang pagtakpan ang kanilang kakulangan sa kaalaman.  Nagpahayag ng mga karagdagang kuwento sina Luz at Aia:

Oo.  Yung mga hindi marunong tumanggap or umintindi ng POV (point of view) ng ibang tao.  Ganun siguro (Luz, 25, Pampanga).

Kulang po sila sa kaalaman sa paksa ng usapan (Aia, 18, Isabela).

5.3.      Mga Motibasyon sa Pagiging Smart-Shamer

Isa sa mga nalaman na nag-uudyok na isagawa ang SS ang panatisismo (fanaticism)—isang konsepto kung saan may kawalan ng pagtitiis o pagtitimpi sa mga salungat na pananaw o paniniwala.  Kapag may nagpost o nagkomentaryo ng opinyon na salungat sa paniniwala ng taong nakabasa (at siya’y panatiko nito), may posibilidad na ipahiya niya ang taong nagpost.  Ang personal na kasiyahan naman’y inilalarawan ang mga taong nasisiyahan kapag namamahiya o napapatunayang mali ang isang tao.  Inilarawan ang mga panatiko sa mga salaysay nina Sam at Mia:

and also another concept comes on—fanaticism, parang i’m devoted to this concept/candidate/religion/sports team that i will make ways na if there’s any post against them i will bash you (Sam, 24, Pampanga).

uhm, ang dami! pano ko ba ika-categorize… may outright na <inalis na pangalan> fanatics… (Mia, 27, Zambales).

Naikuwento rin ni Sam ang kasiyahan ng mga tao sa pamamahiya:

there’s no right or wrong but still people kept on shaming others to gain some personal satisfaction

generally, when you’re able to disprove or somewhat show dominance to others, it gives you this satisfaction that others will also notice (Sam, 24, Pampanga).

Sa kadahilanang ang ilan sa mga kalahok ay direktang nakaranas ng SS, marami silang naibahaging deskripsyon ng mga smart-shamer, habang ang iba pang kalahok na di-direkta o di-nakasaksi ng pag-smart-shame sa ibang tao ay mayroon din sariling persepsyon.  Malinaw na mahihinuha sa bahaging ito na may mga smart-shamer na intensyonal ang pamamahiya dahil apektado sila sa salungat na opinyon o paniniwala ng nagpost ng kontent online at posibleng SS ang kanilang tugon.  Ang nakikitang dahilan ng mga kalahok sa paggawa ng mga tao nito ang masyadong pagtangkilik sa isang paniniwala, na hindi na sila tumatanggap ng mga salungat na ideya o opinyon.  Subalit may iba naming personal na kaligayahan ang nadarama kapag napapahiya nila ang iba.  May ilan ding sinasabi ang mga kalahok na mga taong pabigla-bigla, sa konteksto ng salaysay ni Luz, may mga taong kaagad na nagbibigay ng komentaryo matapos mabasa ang titulo ng post at hindi ang buong laman nito.  Maaaring nahusgahan na kaagad nila ang source batay lamang sa titulo ng kanyang kontent online.  Nakakapukaw rin ng interes ang isang nakitang resulta kung saan may mga tao ring hindi namamalayang namamahiya na pala sila ng ibang tao.  Posibleng may mga taong sadyang mas naipapahayag ang kanilang naiisip at hindi nila namamalayang nakakapagpahiya ng iba ang kanilang mga nagagamit na salita.

Bagama’t hindi nakita sa literatura ang resultang ito, mahalagang bigyan pa rin ang mga ito ng pansin sapagkat maaari nitong mapalalim pa ang kaunawaan tungkol sa sa penomenon ng SS.  Ang pagkakahawig ng penomenon sa crab mentality na sinabi Raymundo (2015) ay isa lamang sa maaaring interpretasyon at iba naman ang para sa mga kalahok.  Dahil sa resultang ito, nakita nating iba’t iba rin ang posibleng maging dahilan ng SS at may ispesipikong mga katangian, sanhi, at motibasyon ang mga smart-shamer.

Pangunahing Tema F: Mga Target ng mga Smart-Shamer

Pinagsama-sama ng temang ito ang lahat ng mga nakitang katangian, uri, at paksa ng kontent online na maaaring maging target ng SS.

6.1.      Mga Tao Bilang Target

Isang mahalagang katangian ng isang taong karaniwang target ng SS ang pagpopost o pagkokomentaryo nang may kasamang ebidensya (e.g., statistics, mga balita, etc.).  Sa ganitong paraaan, nagbibigyan ang argumento ng matibay na pundasyon, kaya lamang, nakikita ito ng ibang tao bilang pagyayabang ng kanilang kaalaman.  Ang pangalawang katangian ay kapag nakasalin ang kanilang post o komentaryo sa wikang Ingles.  Pakiramdam ng karamihan sa mga kalahok, pangangalandakan ng pagiging magaling at matalino ang paggamit ng mga komplikadong salita pati na ang paggamit ng Ingles sa mga post at komentaryo.  Mula sa mga sagot ng mga kalahok, naipakitang karaniwang nagiging target ng SS ang paggamit ng wikang Ingles at paglalagay ng mga patunay:

Siguro yung mga comments or posts na may supporting evidence (Luz, 25, Pampanga).

…pag may mga English terms na hindi common, pag critically sharp ang pagkakasabi (Mia, 27, Zambales).

6.2.      Mga Post Bilang Target

6.2.1.   Mga Uri ng Target na Post

Ang unang klase ay inilarawan bilang isang post o komentaryong sinusubukang ipaliwanag ang isang ideya o isyu.  Ang mga ganitong kontent online ay kadalasang makikitang nagbibigay-linaw sa isang isyu upang mas maintindihan ito ng iba.  Habang ang ibang post at komentaryo naman na di-pasok sa batayan ng lipunan o mga against the norm ay mga posibleng biktima rin ng SS.  Kahit na hindi agresibo at walang intensyong magyabang ang nagpost ng kontent online na ito, may mga tao pa ring iyon ang naiisip matapos basahin ang kanilang post:

comments that defend or explain why this post is relevant (Sam, 24, Pampanga).

if the idea is against the norm (Mia, 27, Zambales).

O yung mga hindi pabor sa nakakarami (Brie, 28, Cavite).

6.2.2.   Mga Paksa ng mga Post

Ang mga paksang nakitang posibleng maging target ay mga kontent online na tumatalakay sa relihiyon, pulitika, at mga kasalukuyang pangyayari.  Hindi lamang iisa ang relihiyon ng mga tao online, kaya iba’t iba rin ang mga pananaw ng mga tao (dahil sa mga miyembro ng ibang relihiyon at mga ateista) na nakababasa ng mga post tungkol dito.  Maaaring may mga reaksyon at komentaryo sa mga post na hindi naglalayong makasakit ng iba, ngunit hindi natin maitatangging may mga taong nakikita ito bilang pagkakataon para mamahiya ng iba.  Hinikayat ang mga kalahok na magbigay ng mga posibleng paksa kaugnay ng SS at lumitaw ang mga sumusunod:

Lalo na kapag relihiyon at politika ang usapan (Gels, 23, Rizal).

Basta issues on politics, religion, sexuality.  Yung mga controversial (Luz, 25, Pampanga).

Pansinin ang ilang pagkakapareho ng Pangunahing Tema B at C sa F.  Natuklasan sa bahaging ito ng resulta na posibleng maging target ng mga smart-shamer ang matalinong kontent online.  Pagdating sa mga tao, nakitang ang mga nagpopost ng may kasamang ebidensya at/o statistics o kaya nama’y nakasalin sa wikang Ingles ang kanilang post ay posibleng maging target.  Ang mga taong ito ayon sa Tema B at C ay maituturing ding intelektwal o mga taong source ng matalinong kontent online.  Muling nakita sa seksyong ito na tinatarget ang mga kontent online na may paksang tungkol sa pulitika at kasalukuyang pangyayari ngunit may isang nadagdag—ang paksang pangrelihiyon.  Nabanggit na hindi maiiwasan ang di-pagkakapareho ng opinyon ng mga Pilipino tungkol dito dahil sa iba’t ibang klaseng relihiyon sa bansa.  May posibilidad na magkaroon ng di-pagkakaunawaan na maaari ring mauwi sa pamamahiya dahil magkasalungat ang kanilang mga ideya.  Mapapansing nagiging target din ang mga post na may ideya salungat sa pamantayan ng lipunan o against the norm.  Balikan ang diskusyon sa Tema A, dahil sa paglabang sa norm, ipinapahiya ang taong nakagawa nito.  Ito rin ang posibleng paliwanag kung bakit nagiging target ang ganitong klase ng mga post.

Buod ng Resulta ng Unang Pag-aaral

Inumpisahan ng pag-aaral na ito ang pagtatakda sa kilos sa internet na tinatawag na SS bilang isang sikolohikal na konsepto.  Nang tanungin ang mga kalahok kung pamilyar sila sa salitang SS, karamihan ang nagsabing hindi.  Matapos ang kaunting pagtatanung-tanong, napagalamang naranasan ng karamihan sa kanila ang kilos na ito ngunit hindi sila pamilyar sa terminong ginagamit upang tawagin ito.  Isa ito sa mga palatandaang nagaganap ang SS sa mga interaksyon sa cyberspace ngunit walang nakatakdang pangalan ang penomemon batay sa perspektibo ng mga kalahok.

Sinikap alamin ng mananaliksik, sa tulong ng mga isinalaysay na karanasan ng mga kalahok, kung paano mailalarawan ang penomenong ito at kung sinu-sino ang mga taong nasasangkot dito.  Mula sa perspektibo ng mga kalahok, na mga miyembro ng SNS na Facebook at direkta o di-direktang naranasan ang SS, sinasabing pamamahiya ito sa mga taong itinuturing “matalino” kapag ang mga taong ito’y nagpopost ng kanilang opinyon tungkol sa mga matunong na isyu o hindi kaya nama’y nagbibigay-komentaryong may kasamang facts o ebidensya.  Ang mga kadalasang paksa ng isang post o komentaryong madalas na pinupuntirya ay tungkol sa pulitika, relihiyon, kasalukuyang pangyayari, at iba pang kontrobersyal na isyu.  Posible ring makatanggap ng SS ang mga taong gumagamit ng wikang Ingles at malalim na salita sa kanilang mga post o hindi kaya nama’y ang laman nito’y against the norm o di-sang-ayon sa pamantayan ng nakararami.

Maaaring direkta o di-direkta ang pamamahiyang ginagawa sa mga taong nakaranas ng SS.  Sa direktang paraan, inaatake ang pagkatao o pinanggalingan, maaari ring sabihan ng di-magagandang salita tulad ng mga mura.  May posibilidad ding subukang ipakitang mali ang laman ng post sa pamamagitan ng pagbibigay ng salungat na komentaryo.  Mga pasaring at pagpopost ng memes na may pinatatamaan naman ang mga pamamaraan kaugnay ng di-direktang pamamahiya.  Nalaman din ang mga epektong naidulot ng SS sa mga nakaranas nito: mga negatibong damdamin at mga pagbabago sa kilos.  Nakaramdam ng kalungkutan at pagkabigo ang ilan sa mga kalahok dahil sa pagkapahiya nila at pagtanggap ng di-magagandang salita.  May mga pagbabago rin sa kanilang kilos kung saan naging mas maingat na sila sa kanilang pagpopost o hindi kaya nama’y umiiwas na silang makipag-usap sa iba sa Facebook.

Dalawang uri ng tao ang inilarawang sangkot sa SS: ang biktima o ang smart-shamed at ang gumagawa ng SS o ang smart-shamer.  Inilarawan ang smart-shamed bilang matatalinong taong pinagmumulan ng pangmatalinong kontent online na ipinopost sa mga SNS.  Batay sa paglalarawan ng mga kalahok, sinasabing sila ang mga taong nagpopost ng kanilang mga komentaryo o opinyon tungkol sa mga isyu ng pulitika, kasalukuyang pangyayari, at iba pang kontrobersyal na isyu, at wikang Ingles ang ginagamit nilang wika sa mga post na ito.  Inilarawan naman ang mga smart-shamer bilang mga taong impulsive o padalosdalos, madaling maudyukan at walang pakialam sa damdamin ng iba.  Sinasabing ginagawa ng mga taong ito ang SS dahil may kasiyahan silang nadarama kapag napapahiya ang iba, di-tanggap ang opinyon ng iba o nayayabangan sa taong nagpost.

IKALAWANG PAG-AARAL: PAGSUSURI SA UGNAYAN NG SMART-SHAMING
AT IBANG PANG KONSEPTO

Nagbigay-daan ang resulta ng unang pag-aaral para makabuo ng iskala upang subukang sukatin ang SS ng mga Pilipinong miyembro ng SNS partikular na ang Facebook.  Ginamit ang resulta at panghuling mapang tematiko bilang basehan sa paggawa ng smart-shaming scale (SSS).  Sa pagbuo ng iskalang ito, nilikha ang mga aytem batay sa mga binanggit na perspesyon ng mga kalahok tungkol sa SS bilang isang kilos, deskripsyon ng mga taong na-smart-shame, at mga smart-shamer.  Bumuo rin ng mga karagdagang aytem tungkol sa mga negatibong kilos sa social media (NSMB) batay sa resulta ng pag-aaral nina Hooper at Kalidas (2012) na isinali sa SSS.

Matapos maitakda ang SS bilang isang sikolohikal na konsepto, nais namang alamin ng mananaliksik kung anu-ano ang mga posibleng kaugnay na konsepto nito.  Dahil may binuo nang panukat ng SS, maaari nang pag-aralan ang relasyon nito sa iba pang konsepto.  Naglalayon ang ikalawang pag-aaral na itong suriin ang mga posibleng ugnayan ng SS sa mga konseptong tulad ng kapwa, hiya, SDO, at dimesyon ng pagkataong E, A, at N ng big five personality factors.

Mga Kalahok

Nonprobability sampling ang ginamit sa bahaging ito na isinagawa sa pamamagitan ng pagpapadala ng link ng survey sa mga nasa listahan ng mga kaibigan ng mananaliksik sa Facebook at inanyayahan din ang mga kaibigang ito na ipasa ang link sa kanilang kaibigan.  Ipinost din ang link sa isang sikat na Facebook group (Overheard at UP) at sa Reddit page na r/Philippines upang mapalawak ang sakop ng mga posibleng kalahok.  Ang Overheard at UP ay isang Facebook group na may higit sa 150,000 na miyembro kung saan aktibong nagpopost at nag-uusap ang mga estudyante at alumni ng University of the Philippines (UP) System (iba’t ibang kampus ng UP sa buong bansa), ngunit hindi lamang limitado sa mga estudyante at alumni ang mga miyembro nito, dahil maaaring sumasali rito ang kahit na sinong user kahit na hindi sila estudyante o nanggaling sa UP.  Ang Reddit naman ay isang uri ng discussion website kung saan may sariling forum ang mga Pilipino, ang r/Philippines. Mayroon itong higit sa 100,000 miyembro na mula sa iba’t ibat parte ng bansa at maging mga Pilipinong nakabase sa ibang bansa.  Napiling ipost ang link ng survey sa dalawang lugar na ito upang mas maging malawak ang sakop nito at hindi lamang malimitahan sa mga tao sa kalakhang Maynila.  Ang kabuuang bilang ng mga tugon ay 136 ngunit ito’y naging 127 matapos alisin ang mga duplikadong sagot, mga menor de edad, tugon na maraming kulang sa ibang bahagi, tugon na halatang peke (e.g., iisang sagot mula umpisa hanggang dulo, edad na “999,” at iba pa).  Ang kabuuang bilang ay n = 127 (tingnan ang Hanayan 1).

Hanayan 1. Katangian ng mga Kalahok sa Ikalawang Pag-aaral

Rodriguez 1

Mga Materyal

Ipapakita sa bahaging ito ang maikling deskripsyon ng mga panukat na ginamit.  Binuo ng may-akda ang tatlo sa mga ito (kapwa, hiya, at SSS) sa wikang Filipino habang ang dalawa (SDO-7s at TIPI) naman ang isinalin sa wikang Filipino mula sa wikang Ingles.

Panukat ng Kapwa

Sumusukat ang iskalang ito na may 9 na aytem sa dalawang domeyn ng kapwa (shared identity; Enriquez 1978 sa Yacat, 2013): ang smooth interpersonal relationships (kapwa-SIR) at ang egalitarian views (kapwa-EGA) (tingnan ang Tala 1).  Ang ilan sa mga halimbawang aytem ay “Nais niyang maayos agad ang gusot sa isang relasyon o ugnayan” at “Nais niyang hangga’t maaari ay maging patas sa sinumang kanyang nakakasalamuha.”  Pinapili ang mga kalahok kung hanggang saan nila kapareho ang mga deskripsyong ito gamit ang iskala mula 1 (hinding-hindi ako ‘yan) hanggang 6 (akong-ako ‘yan).

Tala 1. Panukat ng Kapwa

Sa bahaging ito, maglalarawan kami ng ilang tao.  Pakibasa ang mga deskripsyon sa kanila at pag-isipan mo kung katulad o kapareho mo ang taong inilalarawan ng bawat aytem sa pamamagitan ng pagpili ng bilang – 1 (hinding-hindi ako ‘yan), 2 (hindi ako ‘yan), 3 (ako ‘yan nang kaunti), 4 (medyo ako ‘yan), 5 (ako ‘yan), 6 (akong-ako ‘yan).

1    Mahalaga sa kanyang maging kasundo ang mga taong nakakasalamuha niya.

2    Nais niyang maayos agad ang gusot sa isang relasyon o ugnayan.

3    Iniisip niyang hangga’t maaari’y umiwas sa anumang ikagugusot ng isang relasyon.

4    Importante para sa taong ito na mapanatiling maayos ang kanyang pakikitungo sa iba.

5    Importante para sa taong ito na maramdaman niyang bahagi siya ng isang grupo.

6    Naniniwala siyang posibleng magkasundo pa rin ang mga taong magkaiba ang mga paniniwala o interes.

7    Para sa taong ito, hindi hadlang ang pagkakaiba sa mabuting pakikipag-uugnayan.

8    Nais niyang hangga’t maaari ay maging patas sa sinumang kanyang nakakasalamuha.

9    Importante para sa taong ito na pantay o patas ang pagturing sa ibang tao.

Panukat ng Hiya Bilang Pagpapahalaga (PHP)

Naglalayon ang panukat ng hiya na suriin ang konsepto ng hiya bilang pagpapahalaga.  Nahahati rin ito sa dalawang domeyn: Hiya sa Hindi Ibang Tao (Hiya-HIT) at Hiya sa Ibang Tao (Hiya-IT) (tingnan ang Tala 2).  Katulad ng panukat ng kapwa, namili ang mga kalahok mula sa iskalang 1 (hinding-hindi ako ‘yan) hanggang 6 (akong-ako ‘yan) kung gaano sila kapareho ng mga nakalistang paglalarawan tulad ng “Mahalaga para sa kanyang malaman kung paano siya nakikita ng ibang tao” at “Importante para sa kanyang mapanatili ang kanyang magandang reputasyon o mabuting pangalan.”

Tala 2. Panukat ng Hiya Bilang Pagpapahalaga (PHP)

Sa bahaging ito, maglalarawan kami ng ilang tao.  Pakibasa ang mga deskripsyon sa kanila at pag-isipan mo kung katulad o kapareho mo ang taong inilalarawan ng bawat aytem sa pamamagitan ng pagpili ng bilang – 1 (hinding-hindi ako ‘yan), 2 (hindi ako ‘yan), 3 (ako ‘yan nang kaunti), 4 (medyo ako ‘yan), 5 (ako ‘yan), 6 (akong-ako ‘yan).

1    Mahalaga para sa kanyang sundin ang kanyang konsensya at gawin kung ano ang tama kahit walang nakakakita sa kanya.

2    Naniniwala siyang may katanggap-tanggap na kilos sa bawat sitwasyon.

3    Mahalaga para sa kanyang isaalang-alang ang damdamin ng mga kapamilya niya.

4    Mahalaga para sa kanyang isaalang-alang ang damdamin ng mga kaibigan niya.

5    Kahit hindi niya kaya ang pinapagawa sa kanya, pipilitin niyang pagsumikapan ito para siya ay hindi makadismaya.

6    Importante para sa kanyang magbigay ng karangalan sa kanyang pamilya.

7    Naniniwala siyang ang isang tao ay dapat may pakialam sa iniisip ng kanyang kapwa.

8    Naniniwala siyang dapat sundin ang batas sa lahat ng pagkakataon.

9    Mahalaga para sa kanyang sundin o tuparin ang anumang napagkasunduan o napag-usapan kahit hindi siya sabihan o paalalahanan.

10  Mahalaga para sa kanyang malaman kung paano siya nakikita ng ibang tao.

11   Mahalaga para sa kanyang iwasang gumawa ng mga bagay na pagsisihan niya para may mukha siyang ihaharap sa mga tao.

12   Importante para sa kanyang mapanatili ang kanyang magandang reputasyon o mabuting pangalan.

13   Importante para sa kanyang kumilos ng tama sa harap ng mga mas nakatataas sa kanya.

14   Mahalaga sa kanyang hindi isipin ng iba na masamang tao siya.

15   Importante para sa kanyang kumilos ng tama sa harap ng mga hindi kakilala para hindi siya masita o masabihan na mali ang ginagawa niya.

16   Mahalaga sa kanyang alam ng ibang tao na marunong siyang mahiya.

Social Dominance Orientation Scale-7- Short Form (SDO-7s)

Naglalayon ang SDO-7s na sukatin ang SDO o ang paniniwalang may di-pagkakapantay-pantay sa mga grupo sa lipunan (tingnan ang Tala 3).  Mayroon din itong dalawang dimensyon ngunit tulad ng nabanggit sa diskusyon sa konsepto ng SDO, mas mainam na suriin muna ang konsetpo bilang kabuuan at alamin ang ugnayan nito sa pinag-aaralang konsepto.  Kaya ang SDO-7s bilang kabuuan ang isinali sa survey.  Sa SDO-7s, tinanong ang mga kalahok kung gaano sila ka sang-ayon sa mga pangungusap na ipinakita tulad ng “Hindi natin pangunahing layunin ang pagiging magkapantay ng mga grupo sa lipunan” at “Kinakailangang magkaroon ng mga grupong nasa itaas at nasa ilalim para mabuo ang isang maayos lipunan.”  Pinagpilian ng mga kalahok ang iskala na mula 1 (Lubos na hindi sumasang-ayon) hanggang 7 (Lubos na sumasang-ayon).

Tala 3. Social Dominance Orientation Scale 7 – Short Form

Ipakita kung gaano ka kasang-ayon o di-sang-ayon sa bawat pangungusap sa pamamagitan ng pagpili ng bilang – 1 (Lubos na hindi sumasang-ayon), 2 (Medyo hindi sumasang-ayon), 3 (Bahagyang hindi sumasang-ayon), 4 (Neutral), 5 (Bahagyang sumasang-ayon), 6 (Medyo sumasang-ayon), 7 (Lubos na sumasang-ayon).  Ang una mong naramdaman sa pagbasa ng pangungusap ang pinakamainam na isagot.

1    Kinakailangang magkaroon ng mga grupong nasa itaas at nasa ilalim para mabuo ang isang maayos lipunan.

2    Sadyang may mga grupo ng taong mas mababa kaysa sa iba.

3    Sa isang lipunan, walang ibang grupo ang mas mataas sa iba.

4    Nararapat lang sa mga grupong nasa ibaba ng lipunan na nasa ibaba sila, gayundin na nararapat na nasa itaas ang mga grupong nasa itaas.

5    Hindi natin pangunahing layunin ang pagiging magkapantay ng mga grupo sa lipunan.

6    Ang subukang gawing magkakapantay ang mga grupo sa lipunan ay hindi makatarungan.

7    Sa ating buong makakaya, dapat ay gawin nating pantay-pantay ang kondisyon ng magkakaibang grupo sa lipunan.

8    Ating bigyan ng pantay-pantay na pagkakataong maging matagumpay ang lahat ng grupo sa lipunan.

Ten-Item Personality Inventory (TIPI)

May 10 aytem ang maikling iskalang ito na sinusukat ang big five personality factors kung saan tatlo sa mga ito ang tinitingnan ang relasyon sa SS: agreeableness, neuroticism, at extraversion (tingnan ang Tala 4).  Sinukat ang pagsang-ayon ng mga kalahok sa pamamagitan ng iskalang mula 1 (Lubos na hindi sumasang-ayon) hanggang 7 (Lubos na sumasang-ayon).  Inilagay nila ang iskor sa bawat deskripsyon ng pagkatao tulad ng “Kalmado, hindi pabagu-bago ng damdamin” at “Hindi pala imik, tahimik.”

Tala 4. Ten-Item Personality Inventory

Narito ang ilang personality trait na maaari o hindi maaaring maglarawan sa iyo.

Piliin ang bilang sa bawat item upang ipahiwatig kung ikaw ay sumasang-ayon o hindi sumasang-ayon sa bawat pares ng mga trait sa pamamagitan ng pagpili ng bilang – 1 (Lubos na hindi sumasang-ayon), 2 (Medyo hindi sumasang-ayon), 3 (Bahagyang hindii sumasang-ayon), 4 (Neutral), 5 (Bahagyan sumasang-ayon), 6 (Medyo sumasang-ayon), 7 (Lubos na sumasang-ayon).

Kailangang i-rate mo ang bawat pares na naglalarawan sa iyo kahit na may isang trait sa pares na ito na pakiramdam mo’y mas naglalarawan sa iyo kaysa sa kapares nito.

Nakikita ko ang aking sarili bilang:

1    Mapag-kaibigan, masigasig.

2    Mapintasin, pala-away.

3    Maaasahan, may disiplina sa sarili.

4    Balisa, madaling magalit.

5    Bukas sa mga bagong karanasan, hindi madaling unawain.

6    Hindi palaimik, tahimik.

7    Maawain, mabuting-loob.

8    Burara, mapagpabaya.

9    Kalmado, hindi pabagu-bago ng damdamin.

10  Sumusunod sa pangkaraniwan, hindi malikhain.

Smart-Shaming Scale (SSS)

Isa itong iskalang binuo ng mananaliksik upang masukat ang SS bilang kabuuan (tingnan ang Tala 5).  Halimbawa ng mga aytem na ginamit ay “Nararamdaman niyang arrogante ang mga taong nagpopost at nagkokomentaryo ng tungkol sa pulitika” at “Nasisiyahan siya kapag napapahiya niya ang isang tao sa isang online discussion.”  Sinukat gamit ang iskalang 1 (malayong-malayo sa akin) hanggang 6 (hawig na hawig sa akin) ang pagkakapareho ng kalahok sa mga aytem na ito.  Bilang karagdagan, isinali rin sa mga aytem ng SSS ang ibang NSMB mula sa pag-aaral nina Hooper at Kalidas (2012) dahil may pagkakahawig ang mga ito sa SS at upang malaman ang relasyon nila sa konseptong ito.

Tala 5. Smart-Shaming Scale (SSS)

Sa bahaging ito, maglalarawan kami ng ilang ginagawa ng tao online.  Pakibasa ang mga deskripsyon sa kanila at pag-isipan mo kung katulad o kapareho mo ang taong inilalarawan ng bawat aytem sa pamamagitan ng pagpili ng bilang – 1 (malayong-malayo sa akin), 2 (malayo ang pagkakahawig sa akin), 3 (may kaunting pagkaka-hawig sa akin), 4 (medyo pagkakahawig sa akin), 5 (may pagkakahawig sa akin), 6 (hawig na hawig sa akin).

1    Nararamdaman niyang arrogante ang mga taong nagpopost at nagkokomentaryo ng mga tungkol sa pulitika.

2    Hindi siya nayayabangan sa mga taong nagpopost at nagkokomentaryo ng Ingles.*

3    Nakikita niyang hambog ang mga taong nagbibigay ng opinyon sa tungkol sa sarili niyang relihiyon o relihiyon sa iba.

4    Nakikinig siya sa mga opinyon ng ibang tao sa isang diskusyon sa Facebook.*

5    Ang mga taong salungat sa kanyang paniniwala ay hindi niya tinatanggap ang paliwanag.

6    Ang mga taong kumukontra o nagbibigay ng taliwas na ideya sa kanyang post o komentaryo ay ayaw niya.

7    Hindi niya pinipintasan ang kausap kapag wala na siyang maisagot sa isang mainit na diskusyon online.*

8    Nagkokomentaryo pa rin siya kahit na hindi na siya masyadong pamilyar sa isyu.

9    Nagkokomentaryo siya sa isang post para maipakita sa ibang may alam siya sa mga nangyayari kahit wala naman talaga.

10  Nasisiyahan siya kapag napapahiya niya ang isang tao sa isang online discussion.

11  Gumaganda ang pakiramdam niya kapag napapatunayan niyang mali ang isang tao.

12  Hindi siya masaya sa pakiramdan na lamang siya sa ibang taong kausap niya.*

13  Nararamdaman niyang matalino siya kapag napatunayan niyang mali ang sinasabi ng kausap online.

14  Naghahanap siya ng mga pagkakamali sa grammar ng taong nagkomentaryo sa kanyang post.

15  Wala siyang nararamdamang pagtaas ng tingin ng iba sa kanya kapag pinapahiya niya ang taong nagkomentaryo sa kanyang post.*

16  Nagkokomentaryo siya ng “ikaw na matalino!” sa post ng taong nagbigay ng kanyang paniniwala tungkol sa pulitika.

17  Sa pagkakataong hindi niya matibag ang katwiran ng kausap niya online, nasasabi niyang “ang dami mong alam!”

18  Hindi siya nagsasabi ng mga di-magandang salita sa mga taong hindi sang-ayon sa kanyang post.*

19  Pinupuntirya niya ang pisikal na katangian ng mga taong madaming alam at madaming sinasabi online.

20  Nagsasabi siya ng “ayaw kita kausap, matalino ka e” sa mga post ng taong tingin niya ay madaming alam.

21  Hindi niya naiisip na nagmamagaling ang isang tao dahil nag-aral sa mamahaling eskwelahan.*

22  Nasasabi niya ang katagang “nag-aral ka kasi sa <pangalan ng sikat ng unibersidad>, kaya ayaw kitang kausap.”

23  Kapag nararamdaman niyang masyadong madaming alam ang isang tao, nasasabi niyang “sige na, bobo na ako, taga <pangalan ng sikat ng unibersidad> ka kasi e.”

24  Nagpopost siya ng komentaryong “Madami ka kasing pera, kaya alam mo lahat” sa post ng mga kausap sa Facebook.

25  Nagsasabi siya sa mga taong madaming sinasabi sa isyu na “E, di ikaw na, the best ka!”

26  Naglalagay siya ng dagdag na mga impormasyon para patunayang mali ang sinasabi ng taong nagpost.

27  Nagpapakita siya ng mga datos na nakalap niya upang ipakita sa ibang hindi totoo ang sinasabi ng taong nagkomentaryo sa kanyang post.

28  Nagsasabi siyang mali o nagsisinungaling ang nagpost dahil hindi ito kapareho ng kanyang paniniwala.

29  Hindi siya gumagamit ng mga memes at mga patama sa kanyang mga komentaryo sa mga post tungkol sa mga isyu ng bansa.*

30  Kinukwestyon niya ang laman ng post dahil hindi niya matanggap na totoo ang mga ito.

31  Nagpopost siya sa Facebook upang patamaan ang isang tao, grupo, pangyayari, at iba pa.

32  Umiiwas siya na mag-upload ng mga nakakahiyang bagay tungkol sa kanya o sa ibang tao.*

33  Nagpopost o nakakapagkomentaryo siya ng mga bulgar or hindi nararapat sa salita.

34  Nagpopost siya sa Facebook ng mga personal na bagay tulad ng address kung saan siya nakatira, problema sa pamilya, maraming litrato ng girlfriend/boyfriend, o araw-araw na pangyayari sa buhay.

35  Nang-iinis siya ng kaibigan ng kanyang mga kaibigan sa Facebook.

36  Hindi siya nag-i-stalk ng profile ng mga tao sa Facebook.*

* Negatibong aytem.
Patungkol ang aytem 1-30 sa SS samantalang tungkol naman sa NSMB ang aytem 31-36.

Pagsasagawa ng Pananaliksik

Kasama ng panukat ng kapwa, panukat ng hiya, SDO-7s, at TIPI, ipinakalat ang SSS gamit ang isang online survey na binuo gamit ang Google Forms.  Ipinaalam sa mga interesadong sumagot sa survey sa panimulang bahagi nito na may premyong PhP 300 na cellphone load na ira-raffle bilang insentibo sa kanilang pagsagot.  Binuksan ang survey upang sagutan at isinara ito matapos ang 3 araw.

Matapos ang pangunahing pagsusuri ng mga sagot, nakabuo ng deskripsyon ng demograpikong datos ng mga kalahok.  Kinuha ang mga mean ng panukat ng kapwa, panukat ng hiya, SDO-7s, TIPI, at NSMB habang Pearson product-moment correlation naman ng ginamit upang subukin ang relasyon ng mga ito sa SS bilang kabuuan.

Kinasapitan at Diskusyon

Gamit ang SPSS Statistics 22, isinagawa ang Pearson product-moment correlation at nakita ang mga mahahalagang relasyon sa pagitan ng mga sumusunod na konsepto at SS (tingnan ang Hanayan 2).

Hanayan 2. Correlation Matrix ng Smart-Shaming at ng Kapwa, Hiya, at Big Five (E, A, N)

Rodriguez 2

Smart-Shaming (SS) at Kapwa

Sinuri ng mananaliksik ang ugnayan ng SS sa konsepto ng kapwa.  Pinag-ugnay ang dalawang konseptong ito dahil itinuturing na gabay sa pagkilos ng mga tao ang ideya ng kapwa, na mayroong pagbibigay-halaga sa respeto sa ibang tao, habang tila ba isang kilos ng kawalan ng respeto sa iba ang kilos na SS.  Ipinalagay ng mananaliksik na magkakaroon ng relasyon ang kapwa at ang dalawang dimensyon nito sa SS.  Sa pagsusuring ginawa, hindi nakitaan ng makabuluhang relasyon ang kapwa bilang kabuuan sa SS, r (125) = -.16 (p > .01); r2 =.03, pati na rin ang kapwa-SIR at SS, r (125) = -.16 (p > .01); r2 =.03.  Sa kabilang banda, may makabuluhan at negatibong relasyon naman ang kapwa-EGA at SS ngunit mahina ito, r (125) = -.27 (p < .01); r2 = .07.  Matatandaang binigyang-kahulugan ni Schwartz (1994) ang EGA (egalitarianism) bilang pagbibigay-halaga sa kapakanan ng nakararami bago ang sarili.  Batay rito, masasabi nating ang taong may inklinasyon sa paggawa ng SS ay ang taong mababa ang lebel ng kapwa-EGA.  Sila ang mga taong maaaring unahin ang pansariling interes bago ang sa iba at mas naniniwala sa di-pagkakapantay-pantay.  Pagdating sa kawalan ng relasyon ng SS at kapwa-SIR, ang maaaring dahilan nito’y ang kawalan ng totoong relasyon ng taong gumagawa ng SS sa taong nagpost ng kontent online.  Matatandaang sinabi ni Lynch (1973 sa Alampay at Jocson 2011) na kaakibat ng SIR ang pag-iwas sa pagkakaroon ng alitan o di-pagkakaintindihan ng tao at iba upang di-maapektuhan ang mabuting relasyon nila.  Sa kaso ng mga online environment tulad ng Facebook, hindi kinakailangang magkaroon ng mabuting relasyon ang dalawang miyembro nito upang makapag-usap o maging konektado kaya mukhang walang kailangang pangalagaang relasyon ang gumagawa ng SS.

Smart-Shaming (SS) at Hiya

Sa konseptwalisasyon nina Clemente at mga kasama (2017), isang pagpapahalaga ang hiya na tulad ng kapwa ay nagsisilbi ring gabay sa mga kilos ng tao at kung ito ba’y sang-ayon sa dikta ng lipunan.  Ang SS nama’y isang kilos na maaaring ituring na di-sang-ayon sa dikta ng lipunan.  Kung gayon, ang palagay ng mananaliksik, posibleng may ugnayan din ang hiya at SS dahil isang gabay sa kilos ang una habang ang pangalawa’y isang kilos na maaaring husgahan ng tao gamit ang gabay na ito.  Sa ginawang pagsusuri ng datos, walang makabuluhang ugnayan ang hiya bilang kabuuan sa SS, r (125) = -.06 (p > .01); r2 =.00.  Ang dalawang dimensyon naman nito’y pareho ring walang kinalaman sa SS – Hiya-HIT, r (125) = -.17 (p > .01); r2 =.03; Hiya-IT, r (125) = .05 (p < .01); r2 =.00.  Napakababa ng mga nakitang relasyon ng SS at hiya na hindi ito nakitaan ng kabuluhan.  Kung babalikan ang ginamit na kahulugan nina Clemente at mga kasama (2017), sinasabing ang konseptong ito’y pagbibigay-halaga sa iisipin at mararamdaman ng ibang tao na posibleng resulta ng kilos ng isang tao.  Sa kabilang banda, nabanggit din ng mga may-akda na walang pormal na pagtatakda sa kilos ang mga norm o pamantayan sa mga online na konteksto.  Kaya naman nakita nila sa kanilang pag-aaral na kahit na posibleng ituring na paglabag sa norm ang mga di-katanggap-tanggap na mga kilos online, gagawin pa rin ng mga kalahok ito kung sa tingin nila’y ginagawa rin ito ng karamihan (Clemente et al. 2017).  Ganito rin ang nakikita ng mananaliksik na dahilan kung bakit walang nakitang makabuluhang relasyon sa pagitan ng hiya at SS, dahil maaari ngang di-katanggap-tanggap na kilos ang SS pero kung mukhang normatibo naman ito sa tingin ng tao, posible pa rin nila itong gawin.  Maaaring ring hindi nagagamit ang hiya bilang gabay sa kanilang mga kilos sa online na konteksto dahil din sa nabanggit na walang pormal na nakatakdang tamang kilos doon.

Smart-Shaming (SS) at Agreeableness, Neuroticism, Extraversion

Alalahaning may pagkakatulad ang cyberbullying at SS ngunit nakapailalim ang SS sa mas malawak na konsepto na cyber-aggression na kaugnay rin ng cyberbullying.  May kabuluhan pa ring ikumpara ang resulta ng pag-aaral na ito sa mga nakitang resulta sa pagsusuri ng pagkatao ng mga cyberbully.  Pagdating sa ugnayan ng SS at ilan sa mga dimensyon ng big five personality factors, inalam ng mananaliksik kung mayroong makikitang ugnayan sa pagitan ng SS at A (agreeableness), N (neuroticism), at E (extraversion).

Ang A ang inklinasyon ng isang taong mapanatili ang magandang relasyon nito sa iba.  Makabuluhan at negatibo ang relasyon nito sa SS, r (125) = -.44 (p < .01); r2 =.19 at sang-ayon ito sa palagay ng mananaliksik na magkakaroon ang dalawa ng ugnayan.  Binanggit sa pag-aaral nina Clemente at mga kasama (2017) na ang mga taong may mataas na A ay may konsiderasyon sa iba, mahinahon, at hindi agresibo—kung gayon, ang pagkakaroon ng mataas ng inklinasyon sa SS ay posibleng makita sa mga taong mabababa ang lebel ng A.  Mailalarawan sila bilang mga taong walang pagpapahalaga sa pakiramdam ng iba at agresibo.  Maaaring hindi rin nila binigyan ng halaga ang pagkakaroon ng magandang relasyon sa iba.

Ang posibilidad ng pagiging kalmado (calmness), pasensyoso (even-tempered), panatag (unflappable) sa isang banda, habang maaari rin ang makaramdam ng pagkabahala (anxiety/distress) ang pagkakaroon ng N.  Nakitang negatibo at makabuluhan ang relasyon ng SS at N, r (125) = -.24 (p < .01); r2 =.06.  Mailalarawan ang mga kalahok batay sa relasyon ng dalawa.  Masasabing ang taong may mababang N (sa konteskto ng pag-aaral na ito) ay may posibilidad na may mataas na inklinasyon sa paggwa ng SS.  Maaaring mahina ang kontrol nila sa kanilang emosyon o kaya nama’y madali silang naudyukan ng iba na gumawa ng SS.

Panghuli, inilalarawan ang taong mababa ang E bilang tahimik, hindi mahilig makisalamuha sa iba, at hindi masalita.  Napag-alamang wala itong makabuluhang relasyon sa SS, r (125) = -.07 (p > .01); r2 =.00.  Matatandaang iniulat nina Kokkinos at mga kasama (2016) na may mga mananaliksik na iniugnay ang dimensyon ng E sa pagkatao ng mga cyberbully kung saan magkasalungat ang resulta tungkol sa lebel ng E ng mga ito (mataas ayon kina Baldasare et al. 2012; mababa sabi nina Mishna et al. 2010).  Sa resulta ng pag-aaral na ito, hindi nakakita ng makabuluhang relasyon sa E at SS.  Isa sa mga posibleng dahilan nito ang kaibahan ng mga kalahok kung saan madalas nakatuon sa mga estudyante ang mga pananaliksik sa cyberbullying (e.g., Bauman 2001; Barlett et al. 2014) habang ang kasalukuyang pag-aaral ay malawak ang sakop na edad at katayuan sa buhay.  Posible ring may papel na ginampanan ang pagkakaiba ng kultura dahil sa konteksto ng Pilipinas ang pag-aaral sa SS habang halos mga Kanluranin ang sa cyberbullying (e.g., Lee at Caltabiano 2014; Lee 2017).

Smart-Shaming (SS) at SDO

Ang palagay ng mananaliksik, may relasyon din ang SDO at SS.  Ang paniniwala sa hirarkiya o ang pagkakaroon ng mga taong nasa ibabaw at nasa ibaba na antas sa lipunan ang sinasalamin ng SDO.  Posibleng magkaroon ito ng relasyon sa SS sa kadahilanang sinasabing isang kilos ang SS na isinasagawa upang mapababa ang lebel o antas ng isang taong nasa mataas na antas at dahil gusto nila itong mangyari, isang senyales ito ng kanilang paniniwala sa hirarkiya.  Nakita naman sa analisis ng datos na nakalap na mayroon ngang makabuluhan at positibong relasyon ang dalawa, r (125) = .34 (p < .01); r2 =.12.  Kung gayon, para sa mga taong mataas ang lebel ng SDO, may posibilidad na mataas din ang inklinasyon nila sa paggawa ng SS.

Smart-Shaming (SS) at mga Negatibong Pagkilos sa Social Media (NSMB)

Tinuklas din ang posibleng relasyon ng NSMB at SS dahil isang koleksyon ng mga di-katanggap-tanggap kilos sa SNS ang unang konsepto na binuo nina Hooper at Kalidas (2012) habang ang pangalawang konsepto nama’y may katangiang hawig sa mga binanggit na uri na NSMB.  Sa pagsusuri ng mga sagot sa online survey, nakitang mayroon ngang makabuluhan at positibong ugnayan ang SS at NSMB, r (125) = .53 (p < .01); r2 =.28.  Ang maaaring kahulugan nito ay kung may mataas na inklinasyon ay posible ring mataas ang probabilidad ng pasagawa ng iba pang NSMB.  Isang posibleng paliwanag sa positibong relasyon ng dalawa ang pagkakahawig ng katangian ng SS sa ilan sa mga nabanggit na uri ng NSMB tulad ng pagmumura at panggugulo sa ibang tao.  Maaari ring dahil itinuturing na isang uri ng NSMB ang SS kaya naman may makabuluhang ugnayan ang dalawa.

Buod ng Resulta ng Ikalawang Pag-aaral

Sinuri ng ikawalang pag-aaral ang relasyon ng SS sa ibang tinalakay na konsepto na maaaring kaugnay nito.  Sa paggamit ng online survey, ginamit ang self-report data ng mga Pilipinong gumagamit ng Facebook upang tingnan kung mayroon ngang makikitang kaugnayan ang SS sa kapwa, hiya, SDO, agreeableness, neuroticism, at extraversion ng big five personality factors, at NSMB.

Nakitaan ng makabuluhang relasyon ang SS sa kapwa-EGA (negatibo), agreeableness (negatibo), neuroticism (negatibo), SDO (positibo), at NSMB (positibo).  Batay sa mga nakitang relasyon ng SS sa mga konseptong ito, maaaring makabuo ng ilang paglalarawan tungkol sa mga taong posibleng makagawa nito.  Sa negatibong relasyon ng SS at kapwa-EGA, masasabi nating mga tao silang mas naniniwala sa di-pagkakapantay-pantay ng mga taong sinusuportahan din ng positibong relasyon ng SS at SDO, kung saan tumutukoy ang SDO sa paniniwala sa hirarkiya at sa ideyang may mga taong mas mataas o mas mababa sa iba.

Pagdating naman sa pagkatao ng mga posibleng gumagawa ng SS, masasabing sila’y mga taong agresibo at hindi nagbibigay-halaga sa damdamin ng iba (negatibong relasyon ng SS at A).  Maituturing din ang mga taong ito na padalosdalos sa kanilang ginagawa dahil madali silang maapektuhan ng kanilang mga emosyon at mayron silang maikling pasensya (negatibong relasyon ng SS at N).

Panghuli, mataas din ang posibilidad na ang mga taong may inklinasyon sa paggawa ng SS ay makakagawa rin ng iba pang di-katanggap-tanggap na kilos sa SNS dahil sa positibong relasyon ng dalawa.

PANGKALAHATANG DISKUSYON

Sa papel na ito, sinubukang tuklasin ang isang kilos na naobserbahan sa internet na tinatawag na SS.  Inalam sa unang pag-aaral ano ang SS at kung sinu-sino ang mga taong sangkot dito batay sa persepsyon ng mga Facebook user na direkta o di-direktang nakaranas nito.  Ang layunin naman ang ikalawang pag-aaral ay malaman kung mayroon bang makikitang relasyon sa pagitan ng SS at iba pang konsepto.  Matapos ang proseso ng pagkalap at pagsusuri ng mga datos sa dalawang pag-aaral, pinagtuunan ng pansin kung anu-ano ang mga bagong natuklasan tungkol sa paksa at ano ang kaugnayan ng bawat konsepto sa SS.  Nakabuo ng pormal na depinisyon para rito at nagkaroon ng tiyak na mga paglalarawan sa kilos at sa mga taong gumagawa nito pati na ang mga posibleng maging target ng SS.  Nalaman din kung ano ang mga intelektwal na kilos na siyang kadalasang biktima nito.  Natuklasan din ang katangian ng mga taong namamahiya at ang kanilang mga dahilan sa pagsagawa nito pati na rin ang mga epekto sa mga biktima.  Napagalaman ding kaugnay ng SS ang paniniwala sa hirarkiya (SDO) at paggawa ng mga negatibong kilos sa SNS (NSMB).  Nakita ring may relasyon ang SS sa pagkakaroon ng pagpapahalaga sa sariling interes ng indibidwal kaysa sa nakararami (kapwa-EGA) at ilang aspekto ng pagkatao na ayon sa big five personality factors (agreeableness at neuroticism).

Nabuong pormal na kahulugan ang SS bilang: “isang negatibong reaksyon sa matatalinong tao at intelektwal na kontent sa pamamagitan ng pamamahiya.”  Itinuring itong negatibong reaksyon batay sa mga salaysay ng mga kalahok kung ano ang ginawa sa kanila (Pangunahing Tema A).  Ang deskripsyon ng mga taong posibleng target ng SS ay mula sa mga paglalarawan ng mga target ng SS (Pangunahing Tema F).  Hindi na muna isinali ang mga natukoy na dahilan sa depinisyon dahil nagmula ito sa perspektibo ng mga taong nakaranas ng SS at may posilidad na hindi ito ang mga natatanging dahilan sa paggawa nito.

Ang mga pangmatalinong kilos online sa pamamagitan ng pagpopost at pagkokomentaryo sa SNS ang nagiging target ng SS.  Karaniwang tumatalakay ang mga ito sa partikular na mga paksa tulad ng pulitika, relihiyon, mga kasalukuyang pangyayari, at iba pang kontrobersyal na isyu.  Ang mga taong pinanggalingan ng mga ito na itinuturing na matalino ay sinasabing target din ng SS.  Maliwanag na makikitang ang unang uri ng paksa ay ang pinakamadalas na mabanggit dahil sa panahon ng eleksyon isinagawa ang pag-aaral kaya naman halos lahat ng kontent online ay tumutukoy sa pulitika.  Gaya ng nabanggit sa diskusyon sa unang pag-aaral, ang usapin ng relihiyon ay isa ring paksa kung saan maaaring mangyari ang SS.  Nabanggit na dahil sa pagkakaiba-iba ng relihiyon ng mga tao, magkakaiba rin ang pananaw ng mga ito sa paksa.  Posibleng mauwi sa SS ang talastasan tungkol sa relihiyon dahil may mga taong mas maalam tungkol sa paksang ito kaysa sa iba.  Kaakibat nito ang posibilidad na itama ng isang indibidwal ang ibang tao kung mali ang intepretasyon nila sa isang pangrelihiyong konsepto, na siya namang maaaring maging sanhi SS.  Ang posibleng maging intepretasyon ng iba tao na sa pagtatama ng indibidwal sa kanila’y ipinagyayabang nito ang kanyang talino na siya naman ikinasasama na kanilang loob (Sison 2015).  Sa parehong paraan din posibleng mangyari ang SS kung ang paksa’y isang kasalukuyang pangyayari o isang kotrobersyal na isyu.  Maaaring may sinabi ang isang Facebook user sa isang diskusyon at may isang sumagot dito na nagbigay ng ebidensya na mali ang kanyang sinabi, maaaring bigyang-kahulugan ang pagtatamang ito sa kanya bilang pangangalandakan ng talino ng sumagot.

Ang isang kontent na pinag-isipang mabuti at nakasalin sa wikang Ingles, madalas na itinuturing na pang-intelektwal na naaalinsunod naman sa paglalarawan ni Sison (2015) sa kung paanong nakikita ng mga Pilipino ang ganitong klase ng kontent.  Simbolo ang paggamit ng wikang Ingles ng pagiging elitista at kaugnay nito ang paniniwala ng mga Pilipinong tanging ang mga nakakaangat lamang sa buhay ang gumagamit ng wikang ito (Sison 2015).  Nagkaroon din ng saysay ang paghahambing ni Raymundo (2015) sa SS at crab mentality kung pagbabatayan ang persepsyon ng mga kalahok na naniniwala ang mga smart-shamer na nakakaangat nga ang mga taong matalino at gagawa ng paraan ang mga ito upang mapababa sila.  Ayon din kay Madrazo-Sta. Romana (2015), mukhang bahagi na ng kultura ng Pilipinas ang pagturing sa katalinuhan bilang negatibong aspekto ng pagkatao at dahil sa pagiging collectivistic ng kultura, nagiging normatibo na ang pagiging hindi matalino kung ito ang iniisip at pinaniniwalaan ng nakararami.  Dahil dito, itinuturing ang pagiging matalino na pagsaway sa mga norm at nagbubunga ng kahihiyan ang pagsaway na ito ayon kay Hofstede (2011).  Ngayon itinuturing na hindi naaayon sa mga norm ang pagiging matalino, posibleng isang dahilan sa pagsagawa ng SS ay upang parusahan at kontrolin ang mga taong lumalabag dito katulad ng sa sinabi nina Skoric at mga kasama (2010) na ginagawa ng kanilang kalahok.

Batay sa resulta at temang nabuo sa unang pag-aaral, mukhang maaaring mapabilang ang SS sa isa sa mga uri ng cyber-aggression.  Nabanggit na ni Grigg (2010) ang ilang katangian ng cyber-aggression na tumutukoy sa pag-atake sa isang tao sa pamamagitan ng eletronic means tulad ng internet at batay sa resulta ng unang pag-aaral, maaari ngang sabihing katulad din ito ng SS.  Matatandaang iminungkahi ni Grigg (2010) na mas angkop na gamitin ang salitang cyber-aggression para sa mga ganitong kilos kaysa cyberbullying dahil mas malawak ang sakop nitong mga negatibong kilos.  Isa sa mga partikular na katangian ng cyberbullying ang paulit-ulit na pag-atake sa biktima, hindi ito kadalasang nakikita sa cyber-aggression sapagkat hindi kailangang maging paulit-ulit ang paggawa ng mga ito (Grigg 2010).  Masasabi ring isang uri ng negatibong kilos sa SNS ang SS dahil ang ilan sa mga katangian nito’y katulad ng ilan sa mga binanggit nina Hooper at Kalidas (2012) na mga di-katanggap-tanggap na kilos (e.g., bastos na pananalita o pagmumura, panggugulo sa ibang tao).

Sa kabilang dako, makikita naman ang pagkakatulad ng SS sa slut-shaming.  Tulad ng SS, ang slut-shaming ay isa ring kilos na naglalayong ipahiya ang ispesipikong tao sa internet at pareho rin silang maaaring maituring na cyber-aggression (Papp et al. 2015).  Isa pa sa mga kapansin-pasing pagkakatulad ng dalawa ang pagturing ng mga tao sa mga biktima na hindi nila sila kapantay—ang taong tinatawag na slut sa slut-shaming ay itinuturing na mababa habang ang mga taong matalino o smart sa SS ay itinuruing na mataas ang lebel—pareho silang ipinapahiya o pinapakitaan ng mga hostile behavior sapagkat sila’y mga taong nakagawa ng mga bagay na tingin ng mga taong gumagawa ng kilos na ito’y labag sa pamantayan ng lipunan.  Ang perceived/actual sexual activity ng mga slut (Papp et al. 2015) at ang pagiging matalino naman ng ibang tao (Madrazo-Sta. Romana 2015) ang nakikitang dahilan ng pamamahiya sa kanila dahil ang dikta ng lipuna’y dapat hindi mataas ang sexual activity ng isang tao, at sa konteksto naman ng Pilipinas, nakikitang negatibo aspekto ng pagkatao ang pagiging matalino (Madrazo-Sta. Romana 2015).  Nakikita rin ang impluwensya ng mga pagpapahalagang Asyano (Cleary 1991 at Martin at Nakayama 2004 sa Skoric et al. 2010) dahil sa ideyang mas maraming Pilipino ang tanggap ang kamangmangan kaysa katalinuhan (Madrazo-Sta. Romana 2015) at maaaring nagagawa ang pamamahiya sa matatalinong tao upang sila’y maging masunurin, sumang-ayon sa kagustuhan ng nakararami, at maging katulad nila.

Nauna nang nabanggit nina Clemente at mga kasama (2017) na hindi pormal na itinakda ang mga norm online at nakadepende ang mga katanggap-tanggap kilos sa kung ano ang ginagawa ng karamihan.  Kung itiuturing na di-katanggap-tanggap ang pagpopost at pagko- komentaryo ng intelekwal na kontent sa SNS, posibleng makatanggap ng SS ang pinagmulan ng kontent na ito.  May mga epekto ang SS sa damdamin at kilos ng mga taong nakakaranas nito.  May mga taong nakaramdam ng pagkabigo at pagkalungkot dahil pakiramdam nilang dapat humingi ng paumanhin ang matatalinong tao dahil sa lawak ng kanilang kaalaman, nakukulong sa mga paksang sang-ayon sa nakararami at pinipilit na mag-isip sa tradisyunal na paraan (o ang pagsunod sa nakasanayan).  Matapos mapahiya, marami sa mga kalahok ay nawalan na ng gana na makipag-talastasan sa ibang tao online at umiiwas na rin sa mga diskusyon upang maiwasan ang mapahiya pang muli.  Sumasang-ayon ang nalamang resulta sa mga nabanggit ng mga may-akda tungkol sa online shaming (Skoric et al. 2010).  Maaaring mauwi sa mga personal na atake at pamamahiya sa publiko sa taong nakagawa ng paglabag sa norm kapag hindi na kontrol ayon kina Skoric at mga kasama (2010).  Maituturing ang mga atakeng ito na mga digital stressor ayon kina Emily Weinstein at Robert Selman (2016) at maaaring magbunga ng pagsakit ng damdamin.  Bilang karagdagan, napag-alamang ang mga biktma ng cyberbullying at slut-shaming, pati na rin ang mga nang-bully sa SNS ay nakakaranas ng iba’t ibang problema tulad ng sa pisikal at sikolohikal na suliranin pati na rin ang pagkakaroon ng mababang academic achievement kumpara sa mga di-kasangkot dito (Kowalski at Limber 2013 sa Papp et al. 2015).  Nabanggit din ni Qing Li (2007) na mataas ang bilang ng kabataang nakakaranas ng cyberbullying kaya itinuturing nang isang lumalaking problema ito ng mga paaralan at ng lipunan.

Nagbibigay-suporta ang kinasapitan ng unang pag-aaral sa mga obserbasyon ng mga may-akda ng mga artikulo tungkol sa SS (Brittany 2012; Madrazo-Sta. Romana 2015; Raymundo 2015; Sison 2015).  Nagsilbing ebidensya ang mga ibinigay na paglalarawan ng karanasan ng mga kalahok na mayroon ngang kilos na nakakapagpahiya sa mga taong itinuturing na matalino.  Sa mga deskripsiyon ding ito naipakitang mayroon ngang mga taong nagsasabi ng katagang “Ikaw na matalino!” at iba pa tulad ng mga binanggit ni Raymundo (2015).  Batay sa resulta, mas nagkaroon pa ng kalinawan kung anong klaseng mga kilos ang maaaring matawag na SS.  Natuklasan ding may dalawang paraan sa pagpapahiya: ang direkta, na kadalasang inilalarawan ng literatura (Madrazo-Sta. Romana 2015; Raymundo 2015; Sison 2015) at ang di-direkta, na hindi inaasahang lumitaw mula sa datos.  Marahil hindi lahat ng mga smart-shamer ay gustong sabihin ng diretso ang kanilang naiisip kaya naman ipinahahayag nila ito sa ibang paraan.  Bukod pa sa mga ito, nakabuo rin ng listahan ng mga katangian ng parehong smart-shamer at smart-shamed na batay sa persepsyon ng mga nakaranas nito.  Isa rin itong mahalagang karagdagan sa literatura ng SS dahil napapalawak pa nito ang pag-unawa sa penomenon dahil hindi na lamang limitado sa obserbasyon ng kilos kundi mayroon na ring deskripsyon ng mga taong sangkot dito.  Isa sa mga posibleng makapagpaliwanag kung bakit may mga gumagawa ng SS ang online disinhibition effect (Suler 2004).  Ayon dito, mas nagkakaroon ng kalayaan ang isang taong gawin o sabihin ang anumang gustuhin niya dahil may paniniwala ang mga taong gumagamit ng internet na hindi kakabit ng kanilang tunay na pagkatao ang kanilang mga ginagawa at sinasabi sa internet.  Kung titingnan ang resulta, mukhang tugma ang mga salaysay ng kalahok sa mga deskripsyon sa isang uri ng online disinhibition: ang toxic dishinhibition, kung saan nakakagawa ng mga bagay ang mga tao na hindi nila ginagawa sa kanilang buhay sa labas ng internet tulad ng bastos na pananalita, pagbibigay ng nakakasakit na kritisismo, pagkagalit, at pagbabanta sa ibang tao (Suler 2004).

Dahil sa unang pag-aaral, naitakda ang SS bilang isang sikolohikal na konsepto at nakabuo na rin ng panukat nito mula sa resulta.  Ngayong mayroon nang paraan upang masukat ang SS, nagbigay-daan ito para naisakatuparan ang layunin ng ikawalang pag-aaral: ang pag-ungkat sa posibleng ugnayan nito sa mga konseptong natalakay tulad ng kapwa, hiya, SDO, big five personality factors, at NSMB.

Ang unang personality factor na nagkaroon ng relasyon (negatibo) sa SS ay ang agreeableness (A).  Ayon kina Sebastiaan Rothmann at Elize Coetzer (2003), ang isang agreeable o hiyang na tao ay hindi makasarili, madaling makasundo, at gustong tumulong sa iba.  Dahil negatibo ang relasyon, ibig sabihin, kapag mababa ang lebel nito sa isang tao, mataas ang posibilidad ng pagsagawa ng SS.  Posibleng ang taong ito’y mas gustong itaas ang sarili at mas tatanggapin ang sariling opinyon kaysa sa iba.  Maaari ring paraan ang pagpapahiya nito sa ang mga salungat sa kanyang mga ideya upang maiangat ang sarili.  Sinasalamin din ang kababaan ng lebel ng A ng pagiging agresibo ayon kina Clemente at mga kasama (2017), kung gayon, mataas din ang posibilidad na gumawa ng SS ang taong may ganitong lebel ng A dahil kung ikukumpara sa taong kalmado (mataas na A), mas may posibilidad na hindi makasundo ng isang agresibong indibidwal ang kanyang kausap.  Sang-ayon din ang ugnayang nakita sa resulta ng pag-aaral nina Kokkinos at mga kasama (2016) na may negatibong relasyon ang A sa mga negatibong gawain sa Facebook tulad ng cyberbullying.  Maihahambing din ang resulta tungkol sa relasyon ng SS at ang kaugnayan nito sa A sa nakitang resulta nina Kokkinos at mga kasama (2016) kung saan mababa ang lebel ng A ng mga taong madalas gumawa ng cyberbullying.

Negatibo rin ang relasyon ng SS at personality factor na neuroticism (N).  Sa unang tingin, nakapagtatakang negatibo ang relasyon ng dalawa dahil sinasabing inilalarawan ng mataas na lebel ng N ang mga taong di-matatag ang emosyon at madaling maudyukan.  Dapat kung mataas ang inklinasyong ng gumawa ng SS, dapat positibo dapat ang magiging ugnayan ng dalawa.  Ang posibleng dahilan nito’y ang ginamit ng polarity ng instrumentong TIPI sa neuroticism.  Ang emotional stability (ES) o ang mababang lebel ng N ang ginamit na batayan ng mga aytem ng TIPI, kaya kung mataaas ang iskor ng isang tao sa dimensyon ng ES sa TIPI, ibig sabihinm mababa ang N nito—kaya naman negatibo ang relasyon nito sa SS.  Sa literatura, walang nakitang relasyon ang N at mga Facebook related behavior (Gosling et al. 2012) dahil mga neutral behavior ang mga kilos na pinag-aralan tulad ng daming ng oras na naka-log in at pagtingin sa mga page.  Itinuring ang SS na di-katanggap-tanggap na kilos sa SNS (negative behavior) at ang nakitang relasyon nito sa N ay mayroong pa ring halaga dahil isa ito sa mga nakitang makabuluhang relasyon sa pagitan ng isang personalilty factor at isang di-katanggap-tanggap na kilos sa SNS.

May positibong relasyon sa SS ang SDO.  Sinasabi ng ebidensyang ito na kung may inklinasyon ang taong maniwala sa sistemang may di-pagkakapantay-pantay na katayuan sa lipunan, mataas din ang posibilidad gumawa ito ng SS.  May saysay naman ang nakitang relasyon ng dalawa.  Kung babalikan ang sinasabi ng social dominance theory, ang paniniwala ng mga tao na may di-pagkakapantay-pantay sa lipunan (Pratto et al. 1994; Ho et al. 2015) ay maaaring makita sa persepsyon ng mga gumagawa ng SS na mas nakakaangat sa kanila ang mga taong matatalino.  Kung gagawing batayan ito, posible ngang magkaugnay ang SS at SDO dahil ang pagsagawa ng SS ay maaaring repleksyon ng paggawa ng mga tao ng paraan upang mawala ang di-pagkakapantay-pantay sa lipunan, kung saan ang paniniwalang ito’y siya namang sinasalamin ng kanilang lebel ng SDO.

Marapat ding bigyan ng pansing ang paniniwalang egalitarian ng kapwa ay may mahinang at negatibong relasyon sa SS.  Ating makikita sa resultang ito na ang mga taong may mataas na inklinasyon sa paggawa ng SS ay may mababang lebel ng egalitarian na paniniwala.  Sumang-ayon naman ang resultang ito sa palagay ng mananaliksik.  Mukhang mas pinahahalagahan ng mga taong may mababang lebel ng kapwa-EGA ang interes na pansarili bago ang kapakanan ng iba at sinasalamin ng paggawa ng SS ang pagnanais na mapababa ang matatalinong tao dahil naniniwala silang sa ideya ng di-pagkakapantay-pantay o inequality.  Isang gabay sa pagkilos ang konsepto ng kapwa ayon kina Alampay at Joscson (2011), batay rito, nagkakaroon ng saysay ang negatibong relasyon ng kapwa-EGA at SS dahil kung hindi nga naman naniniwala ang isang indibidwal na kapantay nito ang isang tao, may katwiran ito upang gawin ang SS bilang isang paraan na mapagpantay ang kanilang lebel.

Naniniwala ang mananaliksik na makapagbibigay ang resulta ng dalawang pag-aaral ng kontribusyon sa pag-unawa sa mga kilos na itinuturing na negatibo online sa konteksto ng Pilipinas.  Ang kasalukuyang pananaliksik ay isang paraan ng pagsusuri ng lokal na kilos na nakapagbigay ng resultang angkop sa konteksto ng mga Pilipino.  Sinasabi ni Clemente (2011) nasasailalim sa SP ang ganitong klase ng pananaliksik.  Isa sa mga pangunahing layunin ng pananaliksik sa SP ay makabuo ng sikolohiyang nakabatay sa mga karanasan, ideya, at oryentasyon ng mga Pilipino, anuman ang katayuan nila sa buhay, at gumagamit ng mga metodong angkop sa ating kultura (Clemente 2011).  Bukod pa rito, maituturing ding isang topical indigenization ang pananaliksik dahil may kaugnayan ito sa mga isyu ng lipunan at mga miyembro nito (Church at Katigbak 2002 sa Clemente 2011).

Matatandaang binanggit nina Wilson at mga kasama (2012) ang kahalagahan ng pagsasagawa ng pag-aaral tungkol sa mga SNS tulad ng Facebook dahil nagbibigay ito ng oportunidad upang masuri nang maigi ang mga kilos na naoobserbahan online.  Dagdag pa nina Anderson at mga kasama (2012) na lalong napapalawak ang pag-unawa sa mga epekto internet sa buhay ng tao ng mga pananaliksik tungkol sa mga penomemon sa SNS at mga taong gumagamit nito.  Binigyan din ng importansya nina Anderson at mga kasama (2012) ang pagkakaroon pa ng mas malalim na kaalaman tungkol sa mga sikolohikal na prosesong nakakaapekto sa mga kilos ng tao sa konteksto ng SNS.  Nagkaroon ng kontribusyon ang kasalukuyang pananaliksik sa pamamagitan ng pagsusuri sa isang kilos na naoobserbahan online (ang SS).  Naging daan din ang pananaliksik upang mapalawak ng pag-unawa ng SS, ito’y dahil sa: 1) ang mga nabuong tema mula sa karanasan ng mga kalahok ay nakadagdag sa kaalaman tungkol sa depinisyon at deskripsyon ng SS; 2) ang mga kaugnayang naungkat sa pagitan ng SS at iba pang konsepto ay nagbigay-linaw sa kung anong mga sikolohikal na proseso at teorya ang maaaring makapagpaliwanag ng kilos na ito; 3) ang pagtuon sa negatibong kilos online ay nakatulong sa pagpapalago ng literatura tungkol dito (bagay na binigyang-diin nina Anderson at mga kasama 2012); at 4) ang kombinasyon ng paggamit ng katutubong konsepto (kapwa at hiya) at Kanluranin (SDO at big five personality factors) sa digital na konteksto ay nakapag-ambag sa pangangailangan ng revalidation ng mga konseptong ito na nabuo bago ang pagdating ng makabagong teknolohiya (Anderson et al. 2012).

Panghuli, magbubukas ng pinto ang pagkakaroon ng pormal na depinisyon ng SS para sa iba pang interesadong mananaliksik at makapagbibigay ng daan upang lalo pang maintindihan ang mga ganitong klase ng kilos online.  Dahil likas na negatibo ang SS, makatutulong sa mga propesyunal ang pagkakaroon ng mas maigting na pag-unawa rito upang makabuo sila ng mga paraan para mabawasan o mapigilan ito.  Ang pagbibigay-atensyon sa paglitaw ng SS bilang isang negatibong kilos online ay makakapag-bigay rin ng kaalaman at kamalayan sa mga karaniwang mga user ng Facebook.

Mahalagang tukuyin ang ilan sa mga limitasyon ng mga pag-aaral at kaugnay nito, magbibigay ng mga rekomendasyon upang magkaroon ng ideya ang iba pang mananaliksik na interesadong pag-aralan ang konsepto ng SS.  Pagdating sa mga kalahok, higit sa kalahati (50.3%) ang mga may edad na 18 hanggang 24 taong gulang kaya malakas ang impluwensya ng mga ito kaysa sa ibang grupo ng edad sa nakitang resulta ng pag-aanalisa ng mga datos.  Ipinapakita nitong mas nagkakaroon ng repleksyon ang mga 18-24 gulang sa resulta kung ikukumpara sa mga mas nakakabata o mas nakakatanda.  Iminumungkahing kumuha ng sapat na bilang ang interesadong mananaliksik sa iba pang grupo ng edad upang maayos na maihambing ang inklinasyon sa SS ng iba’t ibang henerasyon.  Posible ring tingnan ang kaibahan ng mga lalake at babae pagdating sa SS.  Maaaring alamin kung aling kasarian ang mas may inklinasyon sa paggawa ng SS.  Ang panghuling limitasyon pagdating sa mga kalahok ay ang kanilang tahanang rehiyon dahil karamihan ng mga pinadalahan ng survey link ay mga kaibigan at kakilala ng mananaliksik, mataas ang posibilidad na ang malaking bahagi ng mga kalahok ay nakatira sa National Capital Region (NCR) o hindi kaya nama’y sa Gitnang Luzon.  Mukhang magiging mas makabuluhan ang resulta ng pag-aaral kung mayroon ding mga kalahok mula sa iba pang rehiyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang metodong ginamit sa unang pag-aaral ay exploratory interview at ginawa ito sa pamamagitan ng chat/instant messaging.  Natalakay na ang mga dahilan kung bakit mainam itong gamitin sa mga penomenong nangyayari sa internet ngunit tulad ng dali sa pag-code ng transkrip at accessibility ng mga kalahok.  Ngunit sa kabila nito, may limitasyon pa ring hatid ang metodong ito dahil posibleng hindi buo ang atensyon ng mga kalahok sa chat interview sa pagsagot sa mga tanong ng mananaliksik dahil hindi sila harapang nag-uusap.  Mas matagal din ang ginugol na oras sa pag-uusap sa chat (tatlong oras at higit pa) kumpara sa kadalasang oras ng harapang panayam (humigit-kumulang isang oras) kaya posibleng nainip sa pagsagot ang mga kalahok.  Para sa mga gusto pang palalimin ang pagkaunawa sa SS, posibleng gumamit pa ng ibang kwaalitatibong metodo tulad ng ginabayang talakayan (GT).  Sa pamamagitan nito, maaaring makakuha pa ng ibang salaysay, karanasan, at obserbasyon ang mga kalahok ng GT na makapagpapakapal pa sa laman ng mga temang nabuo sa unang pag-aaral.  Ang mga datos na makakalap ay maaari ring gamitin sa data triangulation kasama ng resulta sa chat interview upang makumpirma kung talagang tama at makatotohanan ang mag resulta ng pananaliksik.

Pagdating sa mga materyal na ginamit, isang malaking limitasyon ang pagkakagawa ng SSS dahil kailangan pang sumailalim sa iba pagsusuri ng bisa (validity) at katatagan (reliability) nito.  Noong binuo ang iskalang ito, dumaan pa lamang ito sa face validation at internal consistency test.  Kung magiging mas matatag at mabisa ang SSS, mas magiging tiyak ang pagsukat nito sa SS at maaari ring mas magkaroon ng kalinawan ang relasyon nito sa iba pang konsepto.  Sa kaso ng online survey, mga self-report ang mga datos na nakakalap nito na posibleng maapektuhan ng social desirability o ang inklinasyon ng mga kalahok ng magbigay ng mga kaaya-ayang sagot.  Bilang karagdagan, may kahabaan din ang survey, umabot ng higit sa 79 na aytem ang sinagot ng mga kalahok kaya maaari ring napagod sila sa pagsagot at hindi na seryosong sinagot ang ilan sa mga tanong o aytem.  Kung sakali mang may mga isasagawang pag-aaral sa SS at ang ugnayan nito sa ibang konsepto, iminumungkahing gumamit ng mas maikling survey at pagtibayin pa ang SSS upang maiwasan ang mga limitasyong ito.

Panghuli, hindi lahat ng mga konseptong tinalakay ay nagkaroon ng makabuluhang ugnayan sa SS (e.g., hiya, kapwa-SIR, at extraversion).  Maaaring isa rin itong epekto ng paggamit ng SSS, ngunit sa kabilang banda, may posibilidad ding hindi talaga magkaugnay ang mga konseptong ito.  Isa sa mga mungkahing pag-aralang variable at suriin ang kaugnayan nito sa SS ng anti-intellectualism na binanggit ni Madrazo-Sta. Romana (2015) sa kanyang artikulo kung saan sinasabing parte na ito ng ating kultura.  Ang dalas ng paggamit ng SNS tulad ng Facebook ay maaari ring hanapan ng relasyon sa SS—kung ang mga madalas ba o ang mga madalang gumamit nito ang mas may inklinasyon sa paggawa ng SS.

Ang pananaliksik na ito ang unang hakbang sa pagkakaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga kilos na unti-unting kumakalat sa mga SNS, ngunit kailangan pang magkaroon ng mas malawak na pagkalap ng datos kung bubuo ng deskripsyon na angkop para sa lahat ng Pilipino.  Alalahanin ang ang mga nabuong tema ay batay sa mga persepsyon ng mga taong direkta o di-direktang nakaranas ng SS.  Maaaring iba ang malalamang obserbasyon at karanasan kung manggagaling naman ang datos mula sa mga gumagawa ng SS.  Nangangailangan pa rin ng mga karagdagang pag-aaral upang mapagtibay ang pundasyong nabuo at may iba pang salik ang maaaring suriing may posibleng kaugnayan sa SS.  Umaasa ang may-akda na maka-engganyo ang pananaliksik na ito ng iba pang mananaliksik upang pag-aralan ang konsepto ng SS.

Mga Sanggunian

Alampay, L.P. at M.R.M. Jocson (2011, Hulyo).  Attributions and attitudes of mothers and fathers in the Philippines.  Parenting, 11 (2-3), 163-176.

Anderson, B., P. Fagan, T. Woodnutt, at T. Chamorro-Premuzic (2012, Enero).  Facebook psychology: Popular questions answered by research.  Psychology of Popular Media Culture, 1 (1), 23-37.

Balakrishnan, V. (2015, Mayo).  Cyberbullying among young adults in Malaysia: The roles of gender, age and Internet frequency.  Computers in Human Behavior, 46, 149-157.

Baldasare, A., S. Bauman, L. Goldman, at A. Robie (2012).  Cyberbullying? Voices of college students.  Cutting-edge Technologies in Higher Education, 5, 127–155.

Barlett, C.P., D.A. Gentile, C.A. Anderson, K. Suzuki, A. Sakamoto, A. Yamaoka, at R. Katsura (2014, Pebrero).  Cross-cultural differences in cyberbullying behavior: A short-term longitudinal study.  Journal of Cross-Cultural Psychology, 45 (2), 300-313.

Baronia-Locson, E.L.C. (2012, Oktubre 20-23).  Impact of cyberbullying among selected high school students in Philippines, 2011.  Di-nalathalang papel, 2012 American Academy of Pediatrics (AAP) National Conference and Exhibition, New Orleans, Louisian, USA.

Bauman, S. (2010, Disyembre).  Cyberbullying in a rural intermediate school: An exploratory study.  Journal of Early Adolescence, 30 (6), 803-833.

Bernardo, A.B. (2013).  Social dominance orientation and attitudes towards the poor: Contrasting lower and higher socioeconomic groups in the Philippines.  Philippine Journal of Psychology, 46 (1), 39-69.

Bohnert, D. at W.H. Ross (2010, Hunyo).  The influence of social networking web sites on the evaluation of job candidates.  Cyberpsychology, Behavior, and Social Networking, 13 (3), 341-347.

Brack, K. at N. Caltabiano (2014). Cyberbullying and self-esteem in Australian adults.  Cyberpsychology: Journal of Psychosocial Research on Cyberspace, 8 (2).

Braun, V. at V. Clarke (2006, Hulyo).  Using thematic analysis in psychology.  Qualitative Research in Psychology, 3 (2), 77-101.

Brittany (2012, Enero 16).  On smart shaming.  Nakuha noong Hulyo 5, 2017, mula sa Brittany Blog: https://goo.gl/7tTfn4.

Bulatao, J.C. (1964, Hulyo).  Hiya.  Philippine Studies, 12 (3), 424-438.

Cassidy, W., W. Jackson, at K.N. Brown (2009, Agosto).  Sticks and stones can break my bones, but how can pixels hurt me?  Students’ experiences with cyberbullying.  School Psychology International, 30 (4), 383-402.

Christofides, E., A. Muise, at S. Desmarais (2009, Hunyo).  Information disclosure and control on Facebook: Are they two sides of the same coin or two different processes?  CyberPsychology & Behavior, 12 (3), 341-345.

Church, A.T. (1987, Setyembre).  Personality research in a non-Western culture: The Philippines.  Psychological Bulletin, 102 (2), 272-292.

Clemente, J.A. (2011, Enero-Hunyo).  An empirical analysis of research trends in the Philippine Journal of Psychology: Implications for sikolohiyang Pilipino.  Philippine Social Sciences Review, 63 (1), 1-34.

Clemente, J.R., A.R. Galang, A.T. at Arpon (2017, Nobyembre). Sino ang may hiya at sino naman ang wala? Paunang pagtitibay sa panukat ng hiya bilang isang pagpapahalaga.  DIWA E-Journal, 5, 39-73.

Corcoran, L., C.M. Guckin, at G. Prentice (2015, Hunyo).  Cyberbullying or cyber aggression?: A review of existing definitions of cyber-based peer-to-peer aggression. Societies, 5 (2), 245-255.

Cybersafe (2015).  Cybersafe survey 2015.  Oriental Mindoro: Stairway Foundation, Inc.

Desai, M. (2016, Mayo).  Critical “Kapwa”: Possibilities of collective healing from colonial trauma.  Educational Perspectives, 48 (1-2), 34-40.

Dholakia, U.M. at E. Durham (2010, Marso).  One café chain’s Facebook experiment.  Harvard Business Review, 88 (3), 26.

Eigenberger, M.E. at K.A. Sealander (2001, Oktubre).  A scale for measuring students’ anti-intellectualism.  Psychological Reports, 89 (2), 387-402.

Gosling, S.D., A.A. Augustine, S. Vazire, N. Holtzman, at S. Gaddis (2011, Setyembre).  Manifestations of personality in online social networks: Self-reported Facebook-related behaviors and observable profile information.  Cyberpsychology, Behavior and Social Networking, 14 (9), 483-488.

Gosling, S.D., P.J. Rentfrow, at W.B. Swann (2003, Disyembre).  A very brief measure of the Big-Five personality domains.  Journal of Research in Personality, 37 (6), 504-528.

Gosling, S.D., S. Gaddis, at S. Vazire (2007).  Personality impressions based on Facebook profiles.  ICWSM, 7, 1-4.

Grigg, D.W. (2010).  Cyber-aggression: Definition and concept of cyberbullying.  Australian Journal of Guidance and Counselling, 20 (2), 143-156.

Gross, R. at A. Acquisti (2005).  Information revelation and privacy in online social networks. Nasa Association for Computing Machinery (pat.), Proceedings of the 2005 ACM workshop on privacy in the electronic society.  New York: Association for Computing Machinery, 71-80.

Gruber, T., I. Szmigin, A.E. Reppel, at R. Voss (2008).  Designing and conducting online interviews to investigate interesting consumer phenomena.  Qualitative Market Research: An International Journal, 11 (3), 256-274.

Ho, A.K., J. Sidanius, N. Kteily, J. Sheehy-Skeffington, F. Pratto, K.E. Henkel, R. Foels, at A.L. Stewart (2015, Disyembre).  The nature of social dominance orientation: Theorizing and measuring preferences for intergroup inequality using the new SDO7 scale.  Journal of Personality and Social Psychology, 109 (6), 1003-1028.

Hofstede, G. (2011).  Dimensionalizing cultures: The Hofstede model in context.  Online Readings in Psychology and Culture, 2 (1), 1-26.

Hooper, V. at T. Kalidas (2012, Nobyembre).  Acceptable and unacceptable behaviour on social networking sites: A study of the behavioural norms of youth on Facebook.  Electronic Journal of Information Systems Evaluation, 15 (3), 259-268.

Jylhä, K.M., C. Cantal, N. Akrami, at T.L. Milfont (2016, Agosto).  Denial of anthropogenic climate change: Social dominance orientation helps explain the conservative male effect in Brazil and Sweden.  Personality and Individual Differences, 98, 184-187.

Kazmer, M.M. at B. Xie (2008, Marso).  Qualitative interviewing in Internet studies: Playing with the media, playing with the method.  Information, Community and Society, 11 (2), 257-278.

Kokkinos, C.M., E. Baltzidis, at D. Xynogala (2016, Pebrero).  Prevalence and personality correlates of Facebook bullying among university undergraduates.  Computers in Human Behavior, 55, 840-850.

Kraft, E. (2006).  Cyberbullying: A worldwide trend of misusing technology to harass others.  WIT Transactions on Information and Communication Technologies, 36, 155-166.

Kteily, N.S., J. Sheehy-Skeffington, at A.K. Ho (2016, Mayo).  Hierarchy in the eye of the beholder: (Anti-)egalitarianism shapes perceived levels of social inequality. Journal of Personality and Social Psychology, 112 (1), 136-159.

Lee, E.B. (2017, Enero).  Cyberbullying: Prevalence and predictors among African-American young adults.  Journal of Black Studies, 48 (1), 57-73.

Li, Q. (2007, Hulyo).  New bottle but old wine: A research of cyberbullying in schools.  Computers in Human Behavior, 23 (4), 1777-1791.

Li, Q. (2008, Setyembre).  A cross-cultural comparison of adolescents’ experience related to cyberbullying.  Educational Research, 50 (3), 223-234.

Madrazo-Sta. Romana, J. (2015, Hulyo 6).  Smart-shaming and our Pinoy culture of anti-intellectualism.  Nakuha noong Marso 29, 2016, mula sa GMA News Online: http://goo.gl/DA2pJO.

Marcelino, E.P. (1990, Oktubre).  Towards understanding the psychology of the Filipino.  Women & Therapy, 9 (1-2), 105-128.

McCrae, R.R. at O.P. John (1992, Hunyo).  An introduction to the five‐factor model and its applications.  Journal of Personality, 60 (2), 175-215.

Mishna, F., C. Cook, T. Gadalla, J. Daciuk, at S. Solomon (2010).  Cyberbullying behaviors among middle and high school students.  American Journal of Orthopsychiatry, 80, 362–374.

Ms. Magazine (2010, Disyembre 10).  My little homophobic, racist, smart-shaming pony.  Nakuha noong Hulyo 5, 2017, mula sa Ms. Magazine Twitter: https://goo.gl/5ohcBt.

Nadkarni, A. at S.G. Hofmann (2012, Agosto).  Why do people use Facebook?  Personality & Individual Differences, 52 (3), 243-249.

Nilan, P., H. Burgess, M. Hobbs, S. Threadgold, at W. Alexander (2015, Hulyo-Disyembre).  Youth, social media, and cyberbullying among Australian youth: “Sick Friends.” Social Media + Society, 1 (2), 1-12.

Nixon, C.L. (2014).  Current perspectives: The impact of cyberbullying on adolescent health.  Adolescent Health, Medicine and Therapeutics, 5, 143-158.

No Bullying (2015, Disyembre 22).  Cyber bully.  Nakuha noong Enero 20, 2016, mula sa No Bullying Website: https://goo.gl/GbdLM5.

Opdenakker, R. (2006).  Advantages and disadvantages of four interview techniques in qualitative research.  Forum: Qualitative Sozialforschung/Forum: Qualitative Social Research, 7 (4), 1-13.

Papp, L.J., C. Hagerman, M.A. Gnoleba, M.J. Erchull, M. Liss, H. Miles-McLean, at C.M. Robertson (2015, Marso).  Exploring perceptions of slut-shaming on Facebook: Evidence for a reverse sexual double standard.  Gender Issues, 32 (1), 57-76.

Pe‐Pua, R. at E.A. Protacio‐Marcelino (2000, Abril).  Sikolohiyang Pilipino (Filipino psychology): A legacy of Virgilio G. Enriquez.  Asian Journal of Social Psychology, 3 (1), 49-71.

Popkins, N.C. (1998).  The five-factor model: Emergence of a taxonomic model for personality psychology.  Nakuha noong Hunyo 17, 2017, mula sa Great Ideas in Personality Website: https://goo.gl/y11A5m.

Pratto, F., J. Sidanius, L.M. Stallworth, at B.F. Malle (1994, Oktubre).  Social dominance orientation: A personality variable predicting social and political attitudes.  Journal of Personality and Social Psychology, 67 (4), 741-763.

Quinn, D., L. Chen, at M. Mulvenna (2011, Oktubre).  Does age make a difference in the behaviour of online social network users?  Nasa Institute of Electircal and Electronics Engineers, Inc. (IEEE) (pat.), Proceedings: 2011 IEEE International Conference on Internet of Things (iThings/CPSCom) and Cyber, Physical and Social Computing.  New Jersey: Institute of Electircal and Electronics Engineers, Inc., 266-272.

Raymundo, K.E. (2015, Abril 24).  Smart-shaming.  Nakuha noong Marso 11, 2017, mula sa Smart-shaming Blog: https://goo.gl/YubJkm.

Richter, K. (2010, Disyembre 9).  My little homophobic, racist, smart-shaming pony.  Nakuha noong Hulyo 5, 2017, mula sa Ms. Magazine Blog: https://goo.gl/MfS0mE.

Rothmann, S. at E. Coetzer (2003, Oktubre).  The big five personality dimensions and job performance. SA Journal of Industrial Psychology, 29 (1), 68-74.

Salmons, J. (2012).  Designing and conducting research with online interviews.  Nasa J. Salmons (pat.), Cases in online interview research. Thousand Oaks, California: Sage Publications, Inc., 1-30.

San Juan, E. Jr. (2006).  Toward a decolonizing indigenous psychology in the Philippines: Introducing sikolohiyang Pilipino.  Journal for Cultural Research, 10 (1), 47-67.

Schwartz, S. (1994).  Beyond individualism/collectivism: New cultural dimensions of values.  Nasa U. Kim, H.C. Triandis, C. Kagitcibasi, S.C. Choi, at G. Yoon (mga pat.), Individualism and collectivism: Theory, method and applications. Thousand Oaks, California: Sage Publications, Inc., 85-119).

Sidanius, J., S. Levin, J. Liu, J., at F. Pratto (2000, Enero-Pebrero).  Social dominance orientation, anti‐egalitarianism and the political psychology of gender: An extension and cross‐cultural replication.  European Journal of Social Psychology, 30 (1), 41-67.

Singapore Management University (SMU) (2011, Mayo 11).  Digital media in Philippines.  Nakuha noong Hulyo 27, 2016, mula sa Singapore Management University Website: https://goo.gl/Fy1ged.

Sison, S. (2015, Oktubre 15).  What’s up with the smart-shaming?  Nakuha noong Marso 29, 2016, mula sa Rappler Website: https://goo.gl/tujmYi.

Skoric, M.M., J.P.E. Chua, M.A. Liew, K.H. Wong, at P.J. Yeo (2010).  Online shaming in the Asian context: Community empowerment or civic vigilantism?  Surveillance & Society, 8 (2), 181-199.

Steinfield, C., N.B. Ellison, at C. Lampe (2008, Nobyembre-Disyembre).  Social capital, self-esteem, and use of online social network sites: A longitudinal analysis.  Journal of Applied Developmental Psychology, 29 (6), 434-445.

Stieger, S. at A.S. Göritz (2006, Oktubre).  Using instant messaging for Internet-based interviews. CyberPsychology & Behavior, 9 (5), 552-559.

Suler, J. (2004, Hunyo).  The online disinhibition effect.  CyberPsychology & Behavior, 7 (3), 321-326.

The Green Rat (2011, Mayo 22).  Flatmate’s boyfriend does not understand fractals; Is subsequently insulting the mathematicians; #smartshaming.  Nakuha noong Hulyo 5, 2017, mula sa The Green Rat Tweet: https://goo.gl/S6gJEs.

Tufekci, Z. (2008, Hunyo).  Grooming, gossip, Facebook and MySpace: What can we learn about these sites from those who won’t assimilate?  Information, Communication & Society, 11 (4), 544-564.

Vandebosch, H. at K. Van Cleemput (2008, Agosto).  Defining cyberbullying: A qualitative research into the perceptions of youngsters.  CyberPsychology & Behavior, 11 (4), 499-503.

Viswanath, B., A. Mislove, M. Cha, at K.P. Gummadi (2009, Agosto).  On the evolution of user interaction in facebook.  Nasa Association for Computing Machinery (pat.), Proceedings of the 2nd ACM workshop on online social networks.  New York: Association for Computing Machinery, 37-42.

We Are Social (2016, Enero 27). Digital in 2016. Nakuha noong Abril 22, 2016, mula sa We Are Social Website: http://goo.gl/ZoLQtZ.

Weinstein, E.C. at R.L. Selman (2016, Marso).  Digital stress: Adolescents’ personal accounts.  New Media & Society, 18 (3), 391-409.

Wilson, R.E., S.D. Gosling, at L.T. Graham (2012, Mayo).  A review of Facebook research in the social sciences.  Perspectives on Psychological Science, 7 (3), 203-220.

Witkus, S.G. (2012, Disyembre).  Cyber bullying among Filipino adolescents (Masteral thesis).  Nakuha noong Hunyo 17, 2017, mula University of Hawaii at Manoa Website: https://goo.gl/Ra8Ex8.

Xobolaji [I Think U Should] (2012, Enero 17).  @MKStallsmith i actually didn’t know that smart-shaming was a thing. but i referenced u in a comment i made on xoJane, i hope that was ok? Nakuha noong Hulyo 5, 2017, mula sa Xobolaji Tweet: https://goo.gl/8yiTWf.

Yacat, J.A. (2013).  Filipino Psychology (Sikolohiyang Pilipino).  Nasa K.D. Keith (pat.), The encyclopedia of cross-­cultural psychology.  Hoboken, New Jersey: Wiley­‐Blackwell, 551­‐556).

Yacat, J.A. (nasa imprenta).  Panukat ng Kapwa. Di-nalathalang papel, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Posted in Tomo 5