[DIWA E-Journal Tomo 3, Nobyembre 2015] Ang Pagkamatulungin ng Kabataang Pilipino sa Panahon ng Kalamidad

Lorelie Ann Banzon-Librojo
Department of Psychology
Ateneo de Manila University

Samantha Erika N. Mendez
Department of Psychology
Ateneo de Manila University
Miriam College

Eda Lou Ibasco Ochangco
Department of Psychology
Far Eastern University

Abstrak

Sa mga pangyayaring dulot ng bagyong Yolanda noong 2013, kapansin-pansin ang aktibong partisipasyon ng kabataan sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad sa Visayas. Layunin ng pag-aaral na ito na malaman ang kahulugan, karanasan, at dahilan ng pagtulong para sa mga kabataang Pilipino. Ang mga kalahok ay tatlumpung kabataang Pilipino na nagmula sa tatlong pribadong kolehiyo sa Lungsod ng Maynila. Sa pamamagitan ng pagtatanong, lumitaw na ang kahulugan ng pagtulong para sa kanila ay ang bukas at walang hinihintay na kapalit na pagbabahagi ng sarili sa anumang paraan para magdulot ng positibong epekto sa iba o makatulong na maibalik sa dati ang sitwasyon. Lumitaw rin sa kanilang karanasan ang malaking papel ng social media at iba pang website sa pagpapalaganap ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga nasalanta. Lumutang din ang mga isyu ng kalikasan, katahimikan, at kaayusang panlipunan at pampamahalaan. Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng mga madamdaming emosyon para sa mga nasalanta, paggawa ng mga makabuluhang aksyon, at pagkakaroon ng mga positibong pag-unawa tungkol sa epekto ng pagtulong para sa mga nasalanta at sa mga tumulong mismo. Ang kanilang mga dahilan sa pagtulong ay karaniwang nagmumula sa sariling pag-udyok tulad ng malasakit sa kapwa, pag-alala, simpatiya, awa, at pagtanaw ng utang na loob. Nakaimpluwensiya rin ang paaralan, simbahan, kaibigan, at mga kakilala. Naniniwala ang mga kabataang kalahok na ang mahahalagang kontribusyon na magagawa nila ay ang magbigay ng pisikal na tulong, magtaas ng kamalayan ng taong bayan, at maging mabuting halimbawa. Malaki ang potensyal ng kabataang Pilipino upang makapag-ambag ng pagbabago sa lipunan. Kailangan lamang ng mga oportunidad at masidhing panghihikayat mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang maibahagi nila ang kanilang sarili para sa kapwa.

Abstract

In the aftermath of Typhoon Yolanda last 2013, the active involvement of Filipino youth in helping typhoon victims from the Visayas region had been noticeable and exemplary. This study investigated the meanings, experiences, and reasons of young people for helping during this period. Participants were thirty Filipino youth from three private colleges in Metro Manila. Through the use of semi-structured interviews (pagtatanong), their responses revealed that the meaning of helping pertains to the open and unconditional giving of self in any way possible, to bring about positive effect on others or help them recover from their situations. Their experiences of helping showed that social media and other websites played key roles in the dissemination of important information regarding the situation of typhoon victims. Participants learned about issues regarding the environment, peace and order, as well as government responses to the needs of the victims. They experienced strong emotions for the typhoon victims, were encouraged to engage in meaningful action, and developed a more positive understanding of the effects of helping for both the victims and those who provided help. Regarding their reasons for helping, participants said that helping was from their own initiative, inspired by their concern for others, worry, sympathy, pity, and debt of gratitude. They were also influenced by their schools, church, friends, and acquaintances. Participants believed that they make an important contribution particularly in providing physical assistance, increasing other people’s awareness, and being good examples to others. It appears that there is a great potential among Filipino youth to contribute to social change. However, they need opportunities and strong support from different sectors of society so that they could go out and extend themselves for others.

PANIMULA

Bawat taon, iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang nakararanas ng matinding kalamidad. Noong taong 2013, ang bagyong Yolanda, isa sa mga pinakamalakas na bagyo sa buong mundo, ay nagdala ng trahedya sa Visayas (Associated Press 2013). Ayon sa Department of Social Welfare and Development (2013), umabot sa 9.53 milyong katao mula sa 2.1 milyong pamilya ang naapektuhan ng bagyo. Sa mga pangyayaring dulot ng bagyong Yolanda, kapansin-pansin ang aktibong partisipasyon ng kabataan sa pagtulong sa mga naging biktima ng kalamidad (Baybado 2013; Diola 2013; Gallardo 2013).

Ang pagtulong ay isang mahalagang dimensyon ng kulturang Pilipino. Ang bayanihan o sama-samang pagtutulungan at pagbubuhat ng mga pasan ay itinuturing na isang mekanismo ng pagkaya sa mga problema ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng bayanihan, naipapakita ang pagkakaisa sa komunidad; ito ay isang paraan para magarantiya ang suporta, lalong-lalo na sa panahon ng kalamidad (Bankoff 2009; Jocano 1999). Ang pagiging matulungin ay magandang mapalalim sa mga kabataan. Layunin ng pananaliksik na ito na matalakay, masuri, at maunawaan ang mga kahulugan, karanasan, at dahilanan ng kabataang Pilipino sa pagtulong sa panahon ng kalamidad, partikular sa panahon ng pananalanta ng bagyong Yolanda.

Sino ba ang mga itinuturing na kabataan sa ating lipunan? Ayon sa United Nations, ang kabataan ay ang mga taong nasa edad na labinlima hanggang dalawampu’t apat. Gayunman, ang depinisyong ito ay maaaring maiba depende sa uri ng lipunang kinabibilangan nila (United Nations 2013). Sa Pilipinas, itinakda ng Republic Act 8044 o Youth in Nation-Building Act, na ang kabataan ay ang mga taong nasa edad labinlima hanggang tatlumpu. Sila ay itinuturing na nasa kritikal na panahon ng pagdebelop sa kanilang buhay, mula pagbibinata o pagdadalaga patungo sa pagiging responsableng mamamayan na may kakayahang magsarili. Ang batas na ito ay kumikilala sa mahalagang papel ng kabataan sa pag-unlad ng bansa.

Pagsusuri sa Kaugnay na Pag-aaral

Sa pag-aaral nina Lapeña, Tarroja, Tirazona, at Fernando (2009), nakita na ang mga kabataang Pilipino, kapag nahaharap sa mga problema at suliranin, ay may positibong pamamaraan ng pagtugon. Kasama rito ang pagtalakay sa suliranin, paghingi ng tulong, at aktibong paghahanap ng solusyon. Batid nila na ang pagtutulungan, partikular sa pamilya, kaanak, at mga kaibigan, ay mahalaga sa pagkaya sa mga problema. Ito ay nakaangkla sa mga pinahahalagahang mga relasyon, kaya naman malaki ang papel ng barkada sa mga kabataan. Ayon sa pag-aaral nina Lajom, Canoy, Amarnani, Parcon, at Valera (2009), ang barkada para sa mga kabataang Pilipino ay may malaking kontribusyon sa paglinang ng pagpapahalaga sa sarili at ng pagpapahalaga at pagtitiwala sa ibang tao. Ito rin ay nagsisilbing proteksyon at tulong sa panahon ng pangangailangan.

Ilang pag-aaral ang nagsuri sa pagtulong at pagboluntaryo. Sa pananaliksik nina Menguito at Macapagal (2010), limang tema tungkol sa pagtulong ng mga boluntaryo ang kanilang nakita. Para sa kanilang mga kalahok, ang pagtulong ay kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa o nation-building. Ito rin ay makahulugan, ginagawa ayon lamang sa kakayahan ng tumutulong, may dalang benepisyo para sa sarili, at isang paraan ng pagbabahagi ng mga biyaya sa iba. Sa pag-aaral naman nina Aguiling-Dalisay, Yacat, at Navarro (2004) tungkol sa boluntarismo, ito ay nakita bilang isang bukas o kusang-loob na pagtulong sa kapwa nang walang inaasahang kapalit, at karaniwang ikinakabit sa konsepto ng pakikipagkapwa.

Sa paghahanap ng mga nakaiimpluwensya sa pagtulong, nakita nina Avdeyeva, Burgetova, at Welch (2006) na ang pagtulong ay maaaring nakabatay sa katangian ng taong tumutulong (halimbawa, malakas makiramay at mag-alala sa iba) o sa sitwasyon (halimbawa, malinaw na kailangan ang tulong at ang pangangailangan ay hindi kagagawan ng biktima).  Nakita naman nina Fernandez, Barbera, at van Dorp (2006) na ang edad at karanasan sa kalamidad ay may impluwensya sa pagbibigay ng tulong. Ang mga mas nakatatanda ay hindi kasimbilis magbigay ng tulong kumpara sa mga mas nakababatang kasapi ng komunidad, maaaring dahil sa kanilang mga pisikal na limitasyon. Dagdag dito, gumawa ng path analysis si Lamug (1985) upang malaman ang impluwensya ng ethnic similarity, attribution of responsibility, at interpersonal attraction sa desisyon ng tao na tumulong o hindi tumulong. Natuklasan niya ang mga sumusunod: Una, ang ethnic similarity ang nagdidikta kung tanggap sa kultura ang pagdepende sa iba o mas pinapahalagahan ang pagiging independyente, na siyang magdidikta kung tutulong o hindi. Pangalawa, ang ethnic similarity ay nakaiimpluwensiya rin sa atraksyon na siyang nakaaapekto sa desisyong tumulong. Panghuli, may impluwensya sa desisyong tumulong o hindi ang paglalagay ng sisi sa taong nanghihingi ng tulong kung bakit napunta siya sa ganoong sitwasyon. Ang paglalaan ng responsibilidad na ito ay sinasabing naaapektuhan din ng ethnic similarity.

Makabuluhan din ang kontekstong pangkultura sa usapin ng tulong. Isang pagsusuri ang ginawa ni Lin (2001) tungkol sa pagkakaiba at pagkakatulad ng mga estudyanteng Taiwanese at Amerikano hinggil sa paghingi at pagtanggap ng tulong sikolohikal. Gamit ang malalim na pakikipanayam, natuklasan na kumpara sa mga Amerikanong kumakatawan sa kanluraning kultura, ang mga Taiwanese na kumakatawan ng silanganing kultura ay higit na nag-aatubiling humingi at tumanggap ng tulong sikolohikal sapagkat hindi sila gaanong bukas sa ideya ng sikolohikal at pormal na paglutas ng problema. Pinapahalagahan ng mga estudyanteng Taiwanese ang tulong na pandagdag kaalaman, higit sa emosyonal at sikolohikal na suporta na siya namang pinapahalagahan ng mga estudyanteng Amerikano. Humihingi lamang ng tulong ang mga estudyanteng Taiwanese kapag hindi na nila malutas ang kanilang problema at sa mga panahong matindi at seryoso ang kinakaharap na suliranin. Sa isinagawang factorial quasi-experiment naman ni De Guzman (1979), natuklasan niyang salungat sa konsepto ng diffusion of responsibility ni Darley at Latane, ang tugon sa taong nangangailangan ng tulong ng dalawang magkasamang kalahok ay kasindalas ng tugon ng mag-isang kalahok. Nakita ring ang mga kalahok na taga-probinsiya, kumpara sa mga taga-siyudad, ay higit na mabilis magbigay ng tulong. Subalit walang pinagkaiba ang pagtugon kapag batid nila ang matinding pangangailangan ng tao.

Kung damdamin naman ang tutukuyin, nakita nina Lowe at Fothergill (2003) na karamihan sa mga tumulong noong binomba ng mga terorista ang World Trade Center sa Estados Unidos noong Setyembre 2001 ay nakadama ng matinding tawag o pangangailangang tumulong sa anumang paraan. Tumulong sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa mga nagboluntaryo sa Ground Zero, paghahanda ng pagkain at pagpapakain sa mga nakaligtas, pag-aayos at paglilinis ng mga kwarto, at pagbibigay ng dugo. Ang pagtulong ay nakapagbigay ng positibong epekto hindi lamang sa mga biktima kundi pati na rin sa mga boluntaryo. Naging mahalaga ang tulong na ibinigay ng mga boluntaryo para sa mga biktima at nakapagdulot din ito ng pakiramdam ng pagkakaisa, pagpapagaling, at kapangyarihan o kalakasan sa kanilang sarili sa gitna ng sakuna. Ang media naman ay mayroon ding malaking impluwensiya sa pag-udyok sa mga tao na tumulong. Ibinalita ni Park (2013) na sa isang pag-aaral na ginawa ng Stanford University, mas malaki ang posibilidad na magbigay ng pera ang mga kalahok kung ang makikita nila ay buong mukha ng mga taong naapektuhan ng kalamidad. Nagbibigay rin ang mga tao dahil ito ay nagpapaganda ng kanilang pakiramdam.

Kapansin-pansin na karamihan sa mga nakaraang pag-aaral ay tumatalakay sa pagtulong ngunit hindi nagtuon ng pansin sa mga ginawa ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng kasalukuyang pag-aaral, masusuri ng mga mananaliksik ang kaisipan at kaugalian ng kabataang Pilipino tungkol sa pagtulong sa panahon ng kalamidad, partikular sa mga pangyayaring kaugnay ng bagyong Yolanda. At dahil maaaring iba ang pagtulong ayon sa kontekstong pangkultura, lubos na mahalaga ang mga ganitong uri ng pag-aaral na gawa dito sa Pilipinas at may mga kalahok na kabataang Pilipino.

Konseptwal na Balangkas

Tatlong aspekto ng pagtulong ang tiningnan sa pag-aaral na ito. Ang kahulugan ng pagtulong ay tumutukoy sa kung paano kinokonseptwalisa ng mga kabataan ang salitang “pagtulong.”  Ang karanasan ay tumatalakay sa mga naranasan ng mga kalahok noong nagbigay sila ng tulong noong nangyari ang bagyong Yolanda. Kasali na rito ang kanilang mga reaksyon, uri ng tulong na ibinigay, paningin kung paano nakatulong sa mga taong apektado ang kanilang ginawa, at kung paano naman nakaapekto sa kanilang pagkatao ang pagtulong. Ang kadahilanan ay tumutukoy sa mga rason na nag-udyok sa mga kalahok na magbigay ng tulong. Sa baybayin, ang pantig na “ka” na siyang makikita sa bawat aspektong susuriin sa pag-aaral na ito; ito’y nagpapahiwatig ng relasyon o koneksyon (T. Obusan, personal na pag-uusap, November 30, 2013). Ito ay angkop sa paksang pagtulong dahil sa kaugnayang dala ng konseptong ito sa pagitan ng tumutulong at tinutulungan. Sa pagsusuri sa tatlong aspekto, mas naging kongkreto, malalim, at malawak ang pag-unawa sa ginawang pagtulong ng mga kabataang Pilipino.

Kahalagahan ng Pananaliksik

Sa tulang La Juventud Filipina, winika ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan (Purino, 2008). Ibig sabihin, malaking bahagi ng ating kinabukasan ay nakasalalay sa mga kabataan ngayon. Subalit marami ring puna sa mga kabataan ngayon. Sila ay kilala bilang mga millennial, bahagi ng tinatawag na ‘ME Generation.’ Sila  ay tinaguriang “entitled” o may pakiramdam na may kaukulang karapatan, tamad, at makasarili (Stein, 2013). Sa ginawang meta-analysis nina Konrath, O’Brien, at Hsing (2011), nakita ang malaking pagbaba sa antas ng pakikiramay ng mga Amerikanong estudyante sa kolehiyo ngayon kumpara sa mga nakaraang dekada. Ganito rin kaya ang katangian ng mga kabataang Pilipino?

Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, malalaman at masusuri ang kaisipan at kaugalian ng mga bagong henerasyon ng kabataan tungkol sa pagtulong. Sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kanilang mga dahilan at pagganyak, magkakaroon ng higit na malalim na pag-unawa sa kabataang Pilipino. Ang pag-unawang ito ay maaaring maging gabay sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan upang makamit ang pag-unlad bilang matulunging tao. Ang kaalaman mula sa pananaliksik ay maaaring maging kongkretong batayan ng mga programang makahihikayat sa kabataan na makisangkot sa mga pangangailangan ng lipunan, partikular sa mga problemang dala ng mga kalamidad. Ito ay mahalaga sapagkat ang pag-unlad ng ating bayan ay nakasalalay sa pag-unlad ng ating kabataan.

METODO NG PANANALIKSIK

Ang mga layuning nabanggit ay tinangkang mabigyang-kahulugan sa pamamagitan ng pagtatanong o pakikipanayam. Ang mga kalahok sa pananaliksik na ito ay tatlumpung kabataang Pilipino na nakapagbigay ng tulong, sa iba’t ibang paraan, sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda.Parehong labinlima ang bilang ng mga babae at lalaki. Sila ay nagmula sa tatlong pribadong kolehiyo sa Lungsod ng Maynila at nasa pangalawa hanggang pang-apat na taon sa kanilang pag-aaral. Ang mga kalahok ay kumukuha ng iba’t ibang kurso kagaya ng Chemistry, Communication, Engineering, Medical Technology, Nursing, at Psychology.

Pinili ng mga mananaliksik ang mga kalahok sa pamamagitan ng purposive sampling. Pinili lamang ang mga mag-aaral sa kolehiyo na interesadong lumahok at may oras na makipagpanayam. Hindi kasalukuyang estudyante ng mga mananaliksik ang mga kalahok. Ang pakikipanayam ay naganap sa loob ng kolehiyo kung saan nag-aaral ang mga kalahok at sa panahon na pinakamaluwag sa kanila. Bago sinimulan ang panayam, binigyan ng mga mananaliksik ang bawat kalahok ng impormasyon ukol sa ginagawang pag-aaral, ang mga layunin nito, mga maaaring benepisyo, at ang kanilang karapatang huminto sa pakikilahok anumang oras. Ang mga kalahok ay lumagda sa informed consent form.

Gumamit ang mga mananaliksik ng gabay sa pakikipanayam na may labintatlong open-ended na tanong tungkol sa paraan kung paano nila nalaman ang tungkol sa bagyong Yolanda, ano ang mga nalalaman at naging reaksyon nila, ang mga ginawa nilang tulong, mga dahilan kung bakit sila tumulong, at ang tingin nilang epekto ng kanilang pagtulong sa mga nasalanta at sa mga sarili nila, pati na ang papel nilang mga kabataan sa pagtulong sa panahon ng sakuna. Pagkatapos ng panayam, isa-isang itinala ng mga mananaliksik ang mga sagot ng kalahok at sinuri ang mga lumitaw na tema tungkol sa kanilang konsepto o kahulugan ng pagtulong, karanasan, at mga dahilan. Ang pananaliksik ay isinagawa mula Enero hanggang Marso 2014.

RESULTA

Ang unang bahagi ng resulta ay tumatalakay sa kahulugan ng pagtulong para sa mga kabataang kalahok. Kasunod nito ang pagtalakay sa kanilang iba’t ibang karanasan ng pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Sa ikatlong bahagi, matatagpuan ang kadahilanan ng kanilang pagtulong. Ang panghuli ay ang kanilang pananaw tungkol sa maaaring kontribusyon ng mga kabataang Pilipino sa panahon ng kalamidad. Ang mga nakasulat sa bahaging ito ay nanggaling mismo sa mga kabataang nakapanayam, at maaaring eksaktong sipi o di kaya ay buod ng mga kanilang sinabi.

Kahulugan ng Pagtulong

Upang masuri ang kahulugan ng pagtulong, tinanong ang mga kalahok kung ano ang kanilang konsepto ng “pagtulong”—kung ano ang ibig sabihin nito, at kailan maituturing na pagtulong ang isang aksyon. Sa kabuuan, para sa mga kabataang kalahok, ang pagtulong ay pagbabahagi ng sarili, sa anumang paraan, para magdulot ng positibong epekto sa iba o makatulong na maibalik sa dati ang sitwasyon.Dagdag pa, ginagawa ito nang bukas sa kalooban at walang hinihinging kapalit, pagkilala, o iba pang motibo.

Pagbabahagi ng Sarili

Lumalabas na pagtulong ang isang aksyon kapag ito ay isang pagbabahagi ng sarili, kasama na dito ang oras, serbisyo, at suportang pisikal, pinansyal, materyal, at emosyonal tulad ng kaginhawaan. Ayon kay Ben, kapag ang isang tao ay tumutulong, “binabahagi nila ang kanilang sarili, gaano man kaliit ang itinulong, alam nilang kahit papaano ay may pagkakataong maalala ka at makapag-iwan ng marka sa taong tinulungan nila.” Ang importante daw sa pagtulong ay malaman kung ano ang pangangailangan ng taong tutulungan upang malaman ng taong tutulong kung ano ang maaaring maibahagi. Batid ni Cindy, “’Pag may nadapa, ikaw ‘yung tutulong sa kanya na makabangon ulit.”

May Positibong Epekto

Maituturing na pagtulong ang isang kilos kung ito ay may positibong epekto, hindi lamang sa taong natulungan kundi pati na rin sa taong tumulong. Kasama nito ang pagpapasaya at pagpapagaan o pagpapabuti ng sitwasyon ng mga tumanggap ng tulong. Ayon kay Lisa, kahit ang pagbibigay lang ng importansya sa iba ay uri na rin ng tulong. Aniya, “Ang pagtulong ay pagpapakita ng importansya sa ibang tao. Ipapadama mo sa kanila na may magagawa ka para sa kanila.”

Sabi ng ilan, may positibong epekto rin ang pagtulong sa mga taong tumutulong. Batid ni Tara, “Siguro masasabi ko na pagtulong ang isang gawain kapag nakaapekto ka sa ibang tao, at pati sa sarili mo. ‘Yung parang nagiging inspirasyon ka sa kanila. Nagbibigay ka ng impact, hindi lang sa pinansyal at pisikal, pati na sa emosyonal.” Sabi ng isang lalaking kalahok na si Nestor, dapat ang pagkilos ay “results-oriented” na hindi na importante kung anong uri ng tulong ang ibinigay, basta may mabuting epekto sa tumanggap ng tulong. Dagdag niya, isa sa mga paraan upang malaman kung may mabuting epekto ang pagtulong na ginawa ay kapag pinasalamatan ng tumanggap ng tulong ang nagbigay ng tulong.

Taos-Pusong Pagbibigay na Walang Hinihinging Kapalit o Pagkilala

Ang panghuling kahulugan ng pagtulong na binigyang-diin ng mga kabataan ay ang katapatan ng pagbibigay ng tulong. Anila, ang pagtulong  ay kusa at taos-pusong ibinibigay.Ibig sabihin, wala itong hinihinging kapalit at pagkilala. Wala nang iba pang motibo o intensyon ang nagbibigay ng tulong kundi ang makatulong lamang. Hindi ito isang obligasyon o sapilitang aksyon. Karamihan sa mga kabataang nakapanayam ay naniniwala rito, gaya ng sinabi ni Mel na ang pagtulong ay “paggawa ng bagay para sa ibang tao na walang hinihinging kapalit,” at tulad ng sinabi ni Trish na, “hindi na kailangan i-utos sa iyo at gagawin mo iyon kasi alam mong tama at makakabuti sa kapwa mo.” Ayon sa kanila, hindi pagtulong ang pagsasagawa ng isang bagay kapag may ibang motibo ang nagbigay ng tulong, kahit nakapagpabuti pa iyon ng iba. Dagdag ni Maria, “May ibang kabataan na tumutulong para sa public image lang, para makapag-selfie or makapagkuha ng litrato na mapopost sa Facebook.” Sabi ni Anna, kapag totoo ang pagtulong, “nakakalimutan mo ang iyong sarili para sa kapakanan ng iba.” Diin ni Ina, “Hindi mo na kailangang sabihan ang isang tao na tumulong.”

Karanasan ng Pagtulong

Limang mahahalagang tema ang lumitaw mula sa pagtatanong tungkol sa mga karanasan ng mga kabataan kaugnay ng bagyong Yolanda. Kasama rito ang mahalagang papel ng social media bilang tagahatid ng mahalagang impormasyon, paglutang ng iba’t ibang napapanahong isyu, paglabas ng madamdaming emosyon, paggawa ng makabuluhang aksyon, at positibong epekto sa nasalanta ng bagyo at sa kabataang tumulong.

Social Media at Iba pang Website Bilang Tagahatid ng Impormasyon

Pinakamatingkad sa karanasan ng mga kabataang kalahok ang naging malaking papel ng social media at iba pang website sa pagpapalaganap ng balita tungkol sa bagyong Yolanda. Ang mga social networking site kagaya ng Twitter, Facebook, at Instagram, at mga website tulad ng Yahoo at Rappler ang siyang naging tulay upang mabatid ng mga kabataan ang mga pangyayari sa nakaraang sakuna at ang mga ginagawang relief operation. Nabanggit din ang kahalagahan ng telebisyon, radyo, at cellphone.

Paglutang ng mga Napapanahong Isyu

Lumutang ang usaping kalikasan noong panahon ng pananalanta ng bagyong Yolanda. Ang mga kabataang kalahok ay lalong namulat sa mga sanhi at epekto ng climate change, pati na rin sa storm surge na kaakibat ng bagyong Yolanda. Bukod dito, mas namulat din sila sa kagagawan ng mga tao sa kalikasan, mga bagay na siyang dahilan ng matinding pagbabago ng klima, hindi lamang sa bansa kundi sa buong daigdig.

Tungkol naman sa usaping panlipunan, nabalitaan ng mga kalahok ang tungkol sa bayanihan at pagtutulungan ng mga Pilipino. Ayon kay Sara, “Kahit naghihirap ang Pilipinas ay marami pa ring nagtutulungan.” Ngunit sa kabilang banda, kanila ring napag-alaman ang mga problema sa kakulangan ng pagkain at tubig na maaaring nagresulta sa nakawan, pananakit, at kawalan ng kaayusan at katahimikan ilang araw matapos ang bagyong Yolanda.

Sa usaping politikal, ang mga napabalitang problema ng gobyerno ay lubhang nakatulong upang mabuksan ang kamalayan ng mga kabataan na tumulong noong panahon ng Yolanda. Marami sa kanila ang nabahala sa mabagal na pamamahagi ng mga relief goods at ang matagal na pangongolekta at paglilibing sa mga nabubulok na bangkay.

Madadamdaming Emosyon

Marami sa mga kalahok na kabataan ang nagpahayag ng lungkot para sa kapwa. Nabatid nila ang sobrang hirap na dinaranas ng mga nasalanta ng bagyo. Wika ni Amy, “As a Filipino citizen, nalulungkot ako para sa mga kababayan ko.” Ang iba naman sa kanila ay nalungkot at nabahala sa mga balita tungkol sa mga pagnanakaw, pananakit, at pati na rin sa mabagal na pagtugon ng pamahalaan sa mga nangangailangan. May nag-alala para sa kanilang mga kamag-anak na nakatira sa Leyte at Eastern Samar. Ang mas nakararami ay nagpahayag ng pag-alala para sa lahat ng nasalanta. Ilan sa mga kalahok ang nakaramdam ng pagka-guilty. Pakiramdam nila ay wala silang magawa para sa mga nasalanta. May iba namang na-guilty dahil sila ay pinalad na di nasalanta ng bagyo samantalang marami ang sinamang-palad na nabiktima.

May ilang kalahok na nagsabing sila ay nainis, “sapagkat ‘yung mga ibang tao na nasabihang lumikas ay ‘di sumunod sa payo ng gobyerno,” wika ni Jose. Ayon sa kanila, “nakakainis” isipin na mas pinili pa ng ilang tao na isalba ang kanilang mga materyal na ari-arian sa halip na isalba ang kani-kanilang buhay.  May ilang nagpahayag din ng pagkainis sa mabagal na pagtugon ng pamahalaan samantalang mabilis pa ang pagdating ng tulong mula sa ibang bansa. May mga kabataang nakiramdam muna sa mga susunod na pangyayari at kung ano ang maaari nilang gawin upang makatulong.

Paggawa ng Makabuluhang Aksyon

Lumalabas sa pakikipanayam sa mga kalahok na marami at iba’t iba ang uri ng pagtulong na ginawa ng mga kabataan noong naganap ang bagyong Yolanda. Sila ay kakikitaan ng ibang klaseng sigasig (enthusiasm) at kaparaanan (resourcefulness) kung pagtulong din lang ang pag-uusapan.

Ilan sa mga paraan ng pagboboluntaryo nila ay ang kusang paglahok sa pagbalot ng mga relief goods, pagbabahagi ng pagkain, paglahok sa pagbibigay ng Psychological First Aid (PFA), o kaya naman ay pagsisilbing gabay sa mga dumating na mga nasalanta lulan ng eroplano mula Tacloban. Ang iba ay nagbigay ng pera, damit, kandila, tsinelas, tubig, biskwit, at de lata. Ilan sa kanila ay nanghikayat naman ng mga kamag-anak at kaibigan upang lumahok din sa mga relief operation o magbigay ng donasyon. Ang iba ay sumuporta sa mga fund raising project at online petition katulad ng text donation sa Red Cross, pagbili ng Yolanda t-shirts, pagpunta sa mga fastfood chain at nagpanukalang magbibigay ng donasyon sa mga biktima ng Yolanda.

Ilan sa mga kabataang kalahok ay nagkusang magpasimula o mag-organisa ng mga fundraising activities, halimbawa na lamang ang door-to-door na paghingi ng donasyon at pagtugtog sa isang benefit concert. Mayroon ding nagpasyang ipagpaliban ang kanilang Christmas party para may malikom na pondong pandonasyon. Ang iba ay nag-organisa ng maliliit na relief operation, nagsaayos ng support groups, o di kaya ay tumulong sa pagpapalaganap ng balita tungkol sa Yolanda sa pamamagitan ng Facebook at Twitter. Samantala, may iba namang nagsabing sila ay nagdasal para sa mga nasalanta.

Positibong Epekto sa Nasalanta at sa Tumulong

Naniniwala ang mga kalahok na positibo ang naging epekto ng kanilang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda, lalo na sa pagtugon sa mga pangunahing pisikal na pangangailangan. Ang kanilang ginawang mga pagtugon sa pisikal na pangangailangan ng mga nasalanta ay ang pagkalap, paghanda, at pagbalot ng mga pagkain, inumin, gamot, damit, at sapin sa paa. Bagama’t di pangmatagalang lunas, ang mga ito raw ay mahalagang tulong na sa mga pangangailangan ng mga nasalanta.

Naniniwala rin ang mga kalahok na kabataan na ang kanilang pagtulong ay may epekto, hindi lamang sa pisikal na aspekto kundi pati na rin sa emosyonal na aspekto. Paniniwalaan ng ilan na ang kanilang ginawang pagtulong ay nakapagbigay ng pag-asa, nakapukaw ng damdamin, at nakatulong na humikayat sa iba upang tumulong din.

Nakaranas din ng intelektwal, ispiritwal, at sikolohikal na pag-unlad ang mga kabataang tumulong noong panahon ng bagyong Yolanda. Ang mga pangyayaring dala ng Yolanda ay nakapagdulot ng iba’t ibang klase ng pagtaba ng puso, isipan, at kakayahan ng mga kalahok na kabataan. Namulat sila sa mga isyu tungkol sa kapaligiran, kakayahan at katapatan ng gobyerno na tumulong, at iba’t ibang pangangailangan ng mga taong nasalanta ng bagyo. May ilan ding nakatanto na kailangang tulungan ang sarili para makatulong sa iba. Karamihan sa kanila ay naramdamang naging mas mabuting tao sila. Ilan sa mga salitang kanilang ginamit ay “masarap ang feeling,” “may sense of accomplishment,” atfulfillment.” Kahit matinding pagod ang naramdaman nila sa kanilang pagtulong, inilarawan nila ito bilang mas mataas na antas ng kasiyahan sapagkat nakatulong sila sa kapwa.

Kadahilanan ng Pagtulong

Maraming dahilan ang nag-udyok sa mga kabataan upang tumulong. Karamihan sa mga ito ay nagmula sa sariling pag-udyok. Bukod dito, nakaimpluwensya din ang paaralan, simbahan, kaibigan, at mga kakilala.

Kadahilanan Mula sa Sariling Kalooban

Malaking dahilan kung bakit nagpasyang tumulong ang marami sa mga kalahok ay ang kanilang likas na pagmamalasakit sa kapwa nila Pilipino. Ayon kay Melissa, “Dahil kababayan [ko] sila, at parte ng paglago ng isang bansa ang pagtutulungan.” Bilang Pilipino, ipinaliwanag ni Brian na ang mga nabiktima ay “hindi ibang tao.”

Marami rin ang nahikayat na tumulong dahil sa iba’t ibang naranasang damdamin. Kasama rito ang pag-alala sa kalagayan ng mga nasalanta. Ang kanilang pag-aalala ay mula sa balitang walang natatanggap na tulong ang mga nasalanta, o dahil mabagal ang pagdating ng tulong mula sa gobyerno, o kaya kaunti lamang ang tumutulong. Nakaramdam sila ng simpatiya, utang ng loob, awa, at pagka-guilty kung walang gagawin. Ani Alma, ang pagtulong ay solusyon sa kanyang pagka-depress at pagiging “heartbroken.” Dahil hindi siya mapakali, naisipan niyang tumulong.

Isang tungkulin at paggawa nang tama ang iba pang dahilan ng kanilang pagtulong. Sabi rin ni Alma, “Bilang isang citizen ng ating bansa, duty [ko] na tumulong.” Ang pagtulong daw ay isang uri ng responsibilidad na hindi maaaring talikuran, kahit pa nga hindi tahasang humihingi ng tulong ang mga nasalanta. Si Brian naman ay nagsabing “takot [ako] na mapintasan kapag hindi tumulong o hindi magampanan ang responsibilidad sa kapwa.” Samantala, si Sara naman ay nanindigang tumulong siya sapagkat ito ang sa tingin niyang tamang gawin. Maganda rin daw sa pakiramdam ang gumawa ng tama. Wika ni Amy, tumulong siya “dahil ang stiwasyon ay nangangailangan talaga ng pagtulong.” Para sa kanya, ito raw ang tamang gawin sa ganoong sitwasyon.

Sa kanilang pagtulong, nais ng mga kalahok na magbigay ng pag-asa sa mga nasalanta. Nais daw nilang maipakita na kahit sa maliit lang na bagay ay makakatulong sila.  Nais nilang maipadama sa mga biktima na may mga tao pa ring  handang tumulong para sa mga nawalan, na may mga tao pa ring “concerned” para sa mga biktima. Nais ni Noel na makitang “makabangon muli” ang mga nasalanta, at kahit kaunti ay “makabawas sa problema” nila.

Impluwensya ng Paaralan, Simbahan, Kaibigan, at Kakilala

Malaking impluwensya rin ang paaralan, simbahan, kaibigan, at mga kakilala ng mga kalahok sa kani-kaniyang pagtulong. May mga tumulong dahil kailangan o required sa NSTP at PE na mga klase nila, ngunit marami ang nagsabing tumulong sila dahil maluwag ang kanilang oras at paniwala nila ay mas magiging produktibo sila kaysa manood lamang ng balita sa telebisyon o mag-Facebook. Ibang sa mga dahilan ang pagiging Katoliko o kaya ang pag-aya ng kaibigan o kakilala. Sa tingin ng ilan, halos lahat ay tumulong kung kaya’t sila rin ay nagpasyang tumulong. Dagdag dito ay masaya raw ang tumulong lalong-lalo na kung kasama ang mga kaibigan.

Sa Kabuuan: Kabataan bilang may Kapasidad na Magbigay ng Tulong

Lahat ng kalahok ay nagsabing may mahalagang papel na ginagampanan ang mga katulad nilang kabataan sa panahon ng kalamidad.  Ang mga tugon ng mga kabataang kalahok ay maaaring i-grupo sa tatlong mahahalagang kontribusyon – ang magbigay ng pisikal na tulong, magtaas ng kamalayan ng taong bayan, at maging mabuting halimbawa.

Dahil marami at malakas ang kabataan, sila ang maaaring magbigay ng pisikal na tulong. Kasama rito ang paggawa ng mga trabaho gamit ang mga kamay tulad ng pagkalap, pagbili, pagbalot, at pagbuhat ng mga bagay na kailangang ihanda. Sa kanila rin maaaring manggaling ang mga gamit, damit, pagkain, at tubig na kailangan. Ang kabataan daw ang mga kamay at katawang nagsasakatuparan ng mga plano. Sabi ni Pedro, “We are the ones who should be able to mobilize… others are the heads.”

Bukod sa pisikal na tulong, naniniwala ang mga kalahok na malakas ang boses ng kabataan. Dahil sila ang magaling sa teknolohiya at aktibo sa pagbisita sa mga social networking site at iba pang website, kung saan napakabilis kumalat ang impormasyon, madaling humingi ng tulong ang kabataan. Sa pamamagitan nito, sila ang maaaring magtaas ng kamalayan ng taong bayan tungkol sa kailangang gawin. Ang papel daw ng kabataan ayon kay Ruth ay “mag-voice out, mag-spread ng balita, mag-disseminate na may nangangailangan ng tulong, para magkaroon ng kamalayaan ang kabataan at malaman ng lahat.”

Panghuli, sa pamamagitan ng pagtulong ng mga kabataan, sila rin ay lumalabas na mabuting halimbawa para sa iba, bata man o matanda. Ang kanilang simpleng pagtulong ay inaasahang makakapag-udyok ng kaparehong pagkilos mula sa iba. Kanila ring natanto na may responsibilidad ang kabataan lalong-lalo na sa pag-aalaga sa kapaligiran at kalikasan. Sa halip na magtanong lamang kung bakit nangyayari ang mga kalamidad na ito, mahalaga raw na humanap na lamang ng paraan na magawa ang kailangan nilang gawin. Ang mga kabataan ay maaari ring magbigay ng pag-asa sa kanilang kapwa kabataan sa pamamagitan ng pagpapakita ng magandang halimbawa ng pagtulong sa iba.

Bilang paglalagom, naniniwala ang mga kalahok na ang papel ng kabataan ay tumulong sa nangangailangan sa anumang paraan at hanggang sa abot ng kanilang makakaya, sapagkat sila ay may lakas, talino, at kakayahan.

DISKUSYON AT INTERPRETASYON

Sa pag-aaral na ito, natuklasang sa perspektibo ng mga kabataang kalahok, ang pagtulong ay pagbabahagi ng sarili, sa anumang paraan, para magdulot ng positibong epekto sa iba o makatulong na maibalik sa dati ang sitwasyon, na ginagawa nang bukas sa kalooban at walang hinihintay na kapalit o pagkilala. Ang mga ideyang ito ay sang-ayon sa konsepto ng kagandahang-loob na naipahihiwatig sa paggawa ng kabutihang bukal na lumalabas mula sa puso o kabaitan ng isang tao. Ito ay walang ibang motibo kundi ang likas na mapagkaloob (Enriquez 2008).

Ang mga binigay na kahulugan ng mga kalahok ay may pagwawangis sa mga natuklasan nina Aguiling-Dalisay, Yacat, at Navarro (2004) sa pag-unawa sa konseptong boluntarismo bilang isang uri ng pakikipagkapwa, kung saan inaalay ang serbisyo na kusang ginagawa at walang hinihintay na kapalit. Ngunit sa kasalukuyang pananaliksik, may dagdag na temang lumabas na hindi nabanggit sa naunang pag-aaral: ang paggawa ng isang bagay na may nakikitang positibong epektong binanggit ng karamihan sa mga kalahok. Posibleng dala ito ng kanilang edad at kasalukuyang antas ng pag-iisip at karanasan  kung saan mahalagang nakikita at nadarama ang aktwal na epekto ng isang gawain. Kaya naman, sa pagbuo ng mga programa para sa pag-unlad ng kabataan, mahalagang isaalang-alang na importante sa kanilang makita ang kongkreto at positibong epekto ng kanilang mga ginagawang pagtulong. Maaaring ang kongkreto at positibong epektong ito ang magpapatibay na may halaga ang kanilang mga ginagawa. Ayon kay Jocano (1997), ang halaga ay isang malakas na puwersang pagganyak sa ating mga pagkilos. Ito ang nagbibigkis sa tao at sa kanyang trabaho, o sa kanyang relasyon sa iba. Marahil ang kongkretong epektong ito ang magpapatunay at magpapalakas sa kanilang mga pagpupunyagi.

Malawak ang naging karanasan ng pagtulong ng mga kabataang kalahok noong panahon ng bagyong Yolanda at ang mga ito ay masasabing alinsunod sa konsepto ng kapwa at pakikipagkapwa. Marami sa kanila ay nakaranas ng iba’t ibang antas ng pakikisangkot at pakikiisa sa karanasan at damdamin ng mga nasalanta—masasabing isang uri ng pakikipagkapwa. Halimbawa ay marami ang nalungkot para sa kanilang kababayan at sa mga masasamang dulot ng bagyo, nag-alala para sa mga kamag-anak, na-guilty, at nainis. May mga nakaranas din ng pakikiramdam, sa kung paanong paraan sila maaaring makatulong para sa mga nasalanta—masasabing nagpapahiwatig ito ng pagturing sa mga nasalanta ng bagyo bilang “hindi ibang tao” (Enriquez 2008). Marami rin sa mga kabataang kalahok ang nagpasiyang makisangkot at makiisa bilang kapwa sa pamamagitan ng pagtulong upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasalanta. Karamihan sa kanila ay kusang lumahok sa iba’t ibang klase ng pagtulong na noon ay nagaganap sa Kamaynilaan. Ang mga pagkilos na ito na sinalihan ng mga kabataan ay nagdala ng diwa ng pagiging isang komunidad na kung saan tila konektado ang mga Pilipino sa isa’t isa, mga nasalanta man o hindi. Ayon kay Abas at Lapeña (2011), ang “communitarian spirit” ang laganap sa pagkaya ng problema sa panahon ng krisis. Ang damayan ay mahalaga para makayanan ng Pilipino ang mga problema. Ang mga pagtulong na ginawa ay nagpapahiwatig na ang konsepto ng kapwa sa Sikolohiyang Pilipino ay hindi lamang nasa isipan kundi nasa mga kongkretong gawaing bunsod ng lakas ng loob.

Makikita na iba’t ibang antas ang kadahilanan ng mga kabataang kalahok, mula pagtulong dahil ito ay requirement sa klase hanggang sa pagturing sa nasalanta bilang kapwa. Kung mayroong mga tumulong dahil kailangan lang gawin para sa kanilang mga klase o kaya’y naimpluwensyahan dahil maraming tao ang tumulong, mayroon din namang mga nakonsensya sa mga pangyayari at nagkaroon ng pag-agam-agam kung bakit iba ang naranasan nila kumpara sa mga hindi pinalad na taga-Visayas. Mayroon ding nagpahiwatig ng pagtulong na nagmula sa pagturing sa mga nasalanta bilang kapwa. Nakita nila bilang tungkulin ang pagtulong para sa mga kababayang Pilipino, na itinuring at tinawag na “di ibang-tao.” Bahagi nito ang pakikipagsimpatiya at pakikiisa sa kanila. Sinasabing ang kapwa ay siyang buod na konsepto sa Sikolohiyang Pilipino. Tumutukoy ito sa pagsasanib ng “ako” at “iba” at nagsisimula sa pagkilala ng kaugnayang ito. Kasama rito ang pagkakaroon ng kamalayan ng isang tao na siya at ang iba sa kaniya ay iisa (Enriquez 1978; Yacat 2013). Ito ay nakita sa ilan sa mga kabataang nakapanayam. Ang lalim ng mga dahilan nila ng pagtulong ay nagkakaiba; marahil ay depende na rin ito sa mga personal na katangian at karanasan ng mga kabataang tumulong tulad ng nasabi nina Avdeyeva, Burgetova, at Welch (2006).

Kapansin-pansin ang iba’t ibang matinding emosyong naramdaman ng mga kabataang kalahok. Isa rito ay ang pagka-guilty at agam-agam na nangyari ang kapahamakan sa iba at hindi sa kanila. Masasabing may kaugnayan ito sa konsepto ng katarungan. Ang kanilang pagtulong ay maaaring isang paraan ng paglaganap ng katarungan sa pamamagitan ng pagpantay sa mga benepisyo at pasan ng lahat, pagbabalik sa mga nasalanta sa kanilang dating kondisyon, at paggawa ng nararapat (Enriquez 2008), kaya naman may mga nakaramdam ng pagka-guilty kung walang gagawin. Ang ibang mga madamdaming emosyong naramdaman ay pag-alala, simpatiya, at awa, na siyang nagbunsod sa ilang mga kalahok na gumawa ng makabuluhang aksyon para makatulong. Ayon kay Jocano (1997), mahalagang bahagi ng asal ang damdamin. Ito ang gabay para sa karamihan upang maintindihan ang mga pangyayari, gawain, at mga relasyon. Ang mga emosyon at ang kaakibat na pagtulong ng ilang mga kalahok ay nagpapakita ng kanilang pakikiramay. Ang pakikiramay ay isang mahalagang pamantayan ng kapwa, lalo na sa panahon ng krisis. Sa mga ganitong sitwasyon, boluntaryong ginagawa ang hindi karaniwan upang makibahagi sa dalamhati ng iba (Jocano 1997).

Sa pag-aaral na ito, malinaw na may kapasidad ang kabataan na tumulong sa panahon ng kalamidad at batid nila ito. Ayon kay Puyat (2005), isang kalakasan ng kabataang Pilipino ang mataas na pagpapahalaga sa sarili, positibong saloobin, at paniniwalang kaya nilang gumawa ng magagandang bagay. Sang-ayon din ito sa mga panloob na kakayahan ng kabataan tulad ng tiwala sa sarili, lakas ng loob, diskarte, talino at talento, at paniniwala sa Diyos na nakita nina Lapeña, Tarroja, Tirazon, at Fernando (2009). At dahil malaki ang kayang iambag ng kabataan, ang isang mahalagang tanong ay kung paano mahuhubog ang kanilang aktibong partisipasyon sa mga organisasyon na may layuning tumulong o di kaya ay magpayabong ng isang komunidad. Ayon sa pag-aaral ni Yacat (2006), karamihan sa mga pangkabataang organisasyon ay nakadepende sa pamamalakad ng kanilang adult organization. Mahalaga para sa kanilang nakakatulong ito sa paglinang ng identidad at layunin ng mga kabataan. Nakita naman sa pag-aaral nina Sta. Maria at Diestro (2009) na hadlang sa partisipasyon ng kabataan ang kakulangan ng panghihikayat mula sa iba, ngunit ang pagmamahal sa ginagawa ang makakapagtaguyod sa kanilang partisipasyon. Mabuting banggiting sa pinakabago at malawak na pag-aaral na kabilang ang 4,325 na mga Pilipinong millennial na mga estudyanteng nag-aaral sa kolehiyo sa Maynila, nakitang marami sa kanila (46%) ang nagpapahalaga sa pag-aalaga ng kapaligiran (Far Eastern University Policy Center 2015). Maaaring gamitin ang interes na ito at kanilang talento sa mga programang makakatulong sa pagsugpo sa mga sanhi ng kalamidad.

Mahalagang isaalang-alang na ang mga resulta ng saliksik na ito ay nagmula sa mga kabataang estudyanteng tumulong noong nangyari ang bagyong Yolanda. Lamang ay ang pag-aaral na ito ay gumamit ng purposive sampling para makita ang pananaw at karanasan ng tig-labinlimang lalaki at babae mula sa tatlong pribadong kolehiyo sa Maynila. Kaya naman hindi masasabing  ang mga resulta ng pag-aaral na ito ay mailalahat sa kabataang Pilipino sa panahong ito. Dagdag dito, ang bagyong Yolanda ay nagdulot ng isang napakalaking kalamidad na naging malawak ang publisidad. Lubhang katangi-tangi ang mga pangyayari. Kaya naman kinakailangan ng karagdagang pananaliksik tungkol sa karanasan ng kabataan sa pagtulong sa pang-araw-araw na sitwasyon. Dapat ding isali ang iba pang kabataang kalahok, katulad ng mga nasa hayskul at ang mga nakapagtapos na ng kolehiyo, upang makakuha ng higit na buong pang-unawa hinggil sa pagkamatulungin ng kabataang Pilipino.

Ang mga napag-alaman mula sa pag-aaral na ito ay may mahahalagang implikasyon. Una rito ang paggamit ng mga social networking site at iba pang website bilang mabisang paraan para maabot ang kabataan. Ito rin ay isang plataporma para sa kanilang aktibong partisipasyon sa pagpapalawak ng kamalayan, paghihikayat ng mga kaibigan at kakilala, o pagiging mabuting halimbawa. Kahit hindi lahat ng kalahok ay nakitaan ng malalim na pagpapakahulugan sa pagtulong, ito ay maaaring maging daan para sa mga karagdagang pag-aaral tungkol sa mga pagkakaiba at kung paano mapaunlad sa kabataan ang magagandang kaugalian ng kulturang Pilipino tulad ng pagtulong. Dapat alalahaning ang mga kalahok ay nasa simula pa lamang ng kanilang paglalakbay tungo sa pagiging ganap na responsableng mamamayan. Ang napag-alamang karanasan at kadahilanan ay isang gabay sa mga programang ididesenyo para sa kabataan. Isang halimbawa ang nakitang malaking impluwensya ng kanilang damdamin at ang impluwensya ng mga organisasyon.

KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON

Sa kanilang mga ginawang pagtulong sa panahon ng kalamidad at sa kanilang mga ideya tungkol sa pagtulong, makikitang ang kabataang Pilipino ay tunay na maraming maaaring maiambag sa panahon ng sakuna. Mahalagang punahing ang tinatawag na “ME generation” ay nanggaling sa Kanluraning pag-iisip. Samantala, malaki ang potensyal ng kabataang Pilipino upang makagawa ng pagbabago sa buhay ng ibang tao at sa lipunan. Bukas sila sa pagtulong sa iba’t ibang paraan. Kailangan lamang ng mga oportunidad upang maibahagi nila ang kanilang oras, lakas, talento, at kakayahan.

Marahil mahalaga rin na mapalalim pa ang pang-unawa ng mga kabataan sa konsepto ng pagtulong bilang pakikipagkapwa. Bagama’t mayroong mga kalahok na nagpakita ng malalim na pakahulugan sa pagtulong, masasabing hindi pa gaanong maimpluwensiya ang ideyang ito ay ang pagbabahagi ng sarili. Karamihan sa kanilang mga halimbawa ay ang pagbibigay ng donasyon o dole-out sa halip na pagbibigay ng sarili sa pamamagitan ng serbisyo. Marahil ay kailangan din ng mga kabataan ng higit na masidhing panghihikayat mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, katulad na lamang ng sektor ng edukasyon. Bukod pa sa panghihikayat at pagpapaliwanag, magandang maging layunin din ng mga youth-oriented social media o mass media platform na magpalaganap ng kamalayan sa pagtulong o di naman kaya ay magpakita ng mga modelo ng pagtulong na maaaring mag-udyok sa mga kabataang makilahok at magsipagtulong.

Para sa bansang Pilipinas na madalas nakakaranas ng mga bagyo at iba pang natural na kalamidad, ang pagtutulungan ng sambayanan ay mahalaga. Ang bantang dala ng kalamidad sa bansa ay malaki kaya kailangan ng organisado at sama-samang pagtulong sa lebel ng komunidad (Bankoff 2009). Sa mga pangyayaring dulot ng bagyong Yolanda at sa pag-aaral na ito, naipakita na may malaking puwang na maaaring punuin ang mga kabataang Pilipino para sa ganitong adhikain. Subalit, sa pagpapatupad nito, kailangan din ang sama-samang pagtutulungan ng lahat ng taong sangkot sa pagpapalaki at papapaunlad ng kabataang Pilipino.

Sanggunian

 Abas, F., at Lapeña, M. A. G. (2011, Agosto). Filipinos coping in times of crisis. Di-nalathalang papel, 46th Annual Convention of the Psychological Association of the Philippines, Puerto Princesa, Palawan.

Aguiling-Dalisay, G. H., Yacat, J., at Navarro, A. (2004). Extending the self: Volunteering as pakikipagkapwa. Quezon City: National College of Public Administration and Governance.

Associated Press. (2013, November 9). One of world’s strongest storms blasts Philippines. Manila Bulletin. Nakuha mula sa https://goo.gl/PXnKaS

Avdeyeva, T. V., Burgetova, K., at Welch, D. (2006). To help or not to help? Factors that determined helping responses to Katrina victims. Analyses of Social Issues and Public Policy, 6(1), 159-173.

Bankoff, G. (2009). Culture of disaster, cultures of coping: Hazard as a frequent life experience in the Philippines. Sa C. Mauch, & C. Pfister (Mga pat.), Natural disasters, cultural responses: Case studies toward a global environmental history (pp. 265-284). Plymouth, UK: Lexington Books.

Baybado, D. (2013, December 6). The Thomasian spirit is alive in volunteer efforts. Philippine Daily Inquirer. Nakuha mula sa https://goo.gl/nUsFci

De Guzman, J. (1979). Helping a lost passenger: An analysis of the number of bystanders and dependency of the victim in an urban and rural community. Philippine Journal of Psychology, 12(2), 10-16.

Department of Social Welfare and Development. (2013). 2.1 million families affected by Yolanda. Nakuha mula sa https://goo.gl/sxXM1b

Diola, C. (2013, November 15). Mammoth relief, acts of kindness lighten ‘Yolanda’ tragedy. The Philippine Star. Nakuha mula sa https://goo.gl/xiik2d

Enriquez, V. G. (1978). Kapwa: A core concept in Filipino Social Psychology. Philippine Social Science and Humanities Review, 42(1-4), 100-108.

Enriquez, V. G. (2008). From Colonial to Liberation Psychology The Philippine Experience. Quezon City: The University of the Philippines Press

Far Eastern University (2015). FEU and partner universities conduct pioneering study to understand Filipino millennials. Nakuha mula sa https://goo.gl/2fRWBY

Fernandez, L. S., Barbera, J. A., at van Dorp, J. R. (2006). Spontaneous volunteer response to disasters: the benefits and consequences of good intentions. Journal of Emergency Management, 4(5), 57-68.

Gallardo, F. (2013, November 15). Yolanda draws student volunteers in CDO. Minda News. Nakuha mula sa https://goo.gl/NKBboZ

Jocano, F. L. (1997). Filipino value system: A cultural definition. Manila: Punlad Research House, Inc.

Jocano, F. L. (1999). Working with Filipinos: A cross-cultural encounter. Manila: Punlad Research House, Inc.

Konrath, S. H., O’Brien, E. H., at Hsing, C. (2011). Changes in dispositional empathy in American college students over time: A meta-analysis. Personality and Social Psychology Review, 15(2), 180-198.

Lajom, J. A., Canoy, N., Armanani, R., Parcon, A. & Valera, P. (2009). Barkadahan: A Study of Peer Group Norms and Values among Filipino Adolescents. Philippine Journal of Psychology, 42(2), 195-211.

Lamug, C. (1985). A path analysis to test a model of helping behavior. Philippine Journal of Psychology, 17-18, 3-14.

Lapeña, M. A. G., Tarroja, M. C., Tirazona, M. A., at Fernando, K. (2009). Filipino youth’s concerns and worries and their ways of coping. Philippine Journal of Psychology, 42(2), 251-269.

Lin, Y. (2001). Conceptions of helping: a cross-cultural comparison from the helpee perspective. Philippine Journal of Psychology, 34(2), 125-143.

Lowe, S., & Fothergill, A.  (2003). A need to help:  Emergent volunteer behavior after September 11th. In J. L. Monday (Pat.), Beyond September 11th:  An Account of Post-Disaster Research, Special Publication No. 39 (pp. 293-314).  Boulder: University of Colorado, Institute of Behavioral Science, Natural Hazards Research and Applications Information Center. Nakuha mula sa https://goo.gl/x7dcXd

Menguito, M. L., & Macapagal M. E. (2010). Helping by volunteers: A social representations approach. Philippine Journal of Psychology, 43, 59-80.

Park, A. (2013, November). The emerging science of why we give. Time.com. Nakuha mula sa https://goo.gl/ZAsZyC

Purino, A. P. (2008). Rizal, the greatest Filipino hero. Quezon City: Rex Bookstore.

Puyat, J. (2005). The Filipino youth today: Their strengths and the challenges they face. In F. Gale, & Fahey, S. (Mga pat.), Youth in Transition: The challenges of generational change in Asia (pp. 191-205). Bangkok, Thailand: UNESCO.

Sta. Maria, M., at Diestro, J. M. (2009). The youth speak: Forms, facilitators, and obstacles to their political participation. Philippine Journal of Psychology, 42(2), 291-313.

Stein, J. (2013, May). Millennials: The me me me generation. Time, 181(19), 26-34.

United Nations (2013). Definition of Youth [Fact Sheet]. Retrieved from http://www.un.org/esa/socdev/documents/youth/fact-sheets/youth-definition.pdf

Yacat, J. A. (2006). Exploring the psychology of children and young people’s participation in       organizations. Philippine Journal of Psychology, 39(2), 124-152.

Yacat, J. A. (2013). Tungo sa isang mas mapagbuong Sikolohiya: Hamon sa makabagong Sikolohiyang Pilipino. Journal ng Wikang Pilipino, 19(2).

Posted in Tomo 3