[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Sanduguan bilang Konsepto ng Pakikipagkapwa sa Konteksto ng Kalakalan at Kapangyarihan: Ang Bohol sa Ika-16 na Dantaon

Amelia S. Ferrer
Department of Social Sciences
University of the Philippines (UP), Los Baños, Laguna

Abstrak

Ang sanduguan nina Katunao at Miguel Lopez de Legazpi ay itinuturing na isa sa pangunahing kaganapang hudyat ng higit na masalimuot na pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino sa mga Español.  Mula sa imahinasyon ng mga Ilustradong sina Juan Luna at Marcelo del Pilar noong ika-19 na dantaon, binigyang-kahulugan ito bilang pagsaklaw ng kaayusang kolonyal sa mga Pilipino.  Samantalang ang kanilang kontemporaryong si Andres Bonifacio, tiningnan ito bilang tanda ng pamamayani ng katutubong kaayusan at kalinangan sa mga mananakop.  Inilarawan ito ni Ma. Bernadette Abrera bilang “(p)inakamatalik na pakikipagkapwa ng dating Pilipino, isang banal at matibay na ugnayan para sa lalong ikabubuti ng magkakasandugo.”  Pakay ng pag-aaral na ito ang isakonteksto ang sandugo sa uri ng pamumuhay ng mga Bol-anon sa ika-16 na dantaon.   Sa panahong ito, umusbong bilang sentro ng kalakalan ang maraming komunidad baybayin at kailugan sa kapuluan tulad ng Bohol.  Naging bahagi ang mga komunidad na ito ng masalimuot na ugnayang pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkultura na namagitan sa mga komunidad baybayin at kailugan sa Timog Silangang Asya.  Nasa ganitong konteksto ang pagsagawa at pagbigay-kabuluhan sa sandugo bilang isang anyo ng pakikipagkapwa ng mga sinaunang pamayanan.  Kasamang sisilipin ng pag-aaral ang konseptong buut ng mga Bisaya at kaugnayan nito sa pag-unawa sa naging halaga at kahulugan ng sandugo para sa mga Bol-anon.  Sa kabilang banda, saksi rin ang panahong ito sa paglawak ng interes ng mga Europeo sa rehiyon tulad ng mga Español.  Isang epekto nito ang pagkalansag sa balanse ng kapangyarihang namayani sa maraming komunidad baybayin.  Kaugnay nito, layon din ng pag-aaral na alamin kung paano binago ng mga Bol-anon ang kahulugan at gamit ng sandugo sa kanilang pagtatangkang pag-ibayuhin ang kanilang posisyon sa isang nagbabagong reyalidad na dala ng pagdating ng mga Español.

Abstract

In the imagination of 19th century Ilustrados, the blood compact or sandugo concluded between Katunao and Miguel Lopez de Legazpi was perceived as signaling the start of Spanish hegemony in the country.  Juan Luna and Marcelo del Pilar were among those that featured this event in their works, which presented the Filipinos as subjects under the Spanish colonial regime.  On the other hand, their contemporary, Andres Bonifacio believed that the sandugo initiated and incorporated the Spaniards into the indigenous cultural environment of the country.  Ma. Bernadette Abrera described sandugo as an expression of an intimate and eternal bond of friendship, wherein both parties were bound to protect and to look after the well-being of one another.  This paper therefore, seeks to locate the sandugo within the exigencies of Bol-anons’ existence in the 16th century.  The time saw the emergence of coastal and riverine communities, including those found in Bohol as trading and population centers.  These communities were closely linked to the complex networks of political, economic, and cultural alliances that pervaded most regions in Southeast Asia.  It was in this context that the sandugo was concluded and was made meaningful as an integral part of the social interaction or pakikipagkapwa among the different trading communities, including those in Bohol.  The related Visayan concept of buut and its relevance in understanding the Bol-anons’ view of the sandugo will also be reviewed.  However, the time also witnessed the increasing presence of European interests in the region thereby upsetting the balance of power enjoyed by many of these communities.  In this juncture, the study also aims to investigate as to how the ancient Bol-anons redefined and re-imagined the meanings of sandugo in their attempts to gain leverage in a changed cultural landscape brought about by the arrival of the Spaniards.

PANIMULA

Itinampok sa ilang panulat ang sanduguan nina Katunao* at Miguel Lopez de Legazpi bilang hudyat ng masalimuot na ugnayan sa pagitan ng mga dayuhang Español at mga Pilipino.  Mula sa pananaw ng mga Ilustrado sa ika-19 na dantaon, isa ito sa mga pangunahing kaganapang tampok sa kasaysayang kolonyal ng Pilipinas.  Nakapaloob ito sa layunin ng mga intelektwal na Pilipinong palaganapin ang konsepto ng nacion sa mga panahong iyon (Salazar 2011).  Pangunahin dito ang guhit/pintura ni Juan Luna ng nasabing sanduguan na may pamagat na Pacto de Sangre (tingnan ang Larawan 1) at ang panulat ni Marcelo del Pilar na pinamagatang La Soberania Monacal en Filipinas (Aguilar 2010).  Para sa mga ito, simbolo ang pakikipagsanduguan ni Legazpi sa pagpasok ng Madre España sa maternal na obligasyong akayin ang mga Pilipino tungo sa liwanag ng higit na kagalingan at sibilisasyon (Abrera 1995; Aguilar 2010).  Mula sa kaisipan ng nacion, dumako pa ang pagpapakahulugan sa kaganapang ito sa loob ng Katipunan, partikular sa imahinasyon ni Andres Bonifacio.  Sa kanyang akdang Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, ang sanduguan nina Katunao at Legazpi ay pagsaklaw ng katutubong kaayusan at kalinangan sa mga dayuhang mananakop (Bonifacio 1896).  Ang pang-aaping dinanas ng mga Pilipino sa kamay ng mga Español ay malinaw na paglabag sa kabanalan ng sanduguan.  Kaya para sa kanya, ang Himagsikang 1896 ay makatwirang pagkilos laban sa pagtataksil ng mga Español.  Pinalawig pa ng pag-aaral ni Ma. Bernadette Abrera (1995) ang kabuluhan ng sanduguan sa kalinangang Pilipino.  Itinuring niya itong “(p)inakamatalik na pakikipagkapwa ng dating Pilipino, isang banal at matibay na ugnayan para sa lalong ikabubuti ng magkakasandugo.”  Mahihinuha sa mga halimbawang pagtalakay ang iba’t ibang pagpapakahulugan sa sanduguan nina Katunao at Legazpi magmula sa ika-19 na dantaon hanggang sa kasalukuyang panahon.  At bilang karagdagang pagpapayaman sa kahulugan ng nasabing kaganapan, tatangkain ng pag-aaral na itong isakonteksto at iugat ang kabuluhan nito ayon sa kasaysayan ng pook na pinagganapan, ang Bohol sa ika-16 na dantaon.  Bilang isang nakagawiang paraan ng pakikipag-ugnayan, paano kaya ito binigyang-kahulugan ng mga Bol-anon sa konteksto ng pagdating ng mga Español na mananakop?  Hangad din ng pag-aaral na tingnan ang sanduguan nina Katunao at Legazpi batay sa mga antas ng pakikipagkapwa-tao ayon sa konsepto ni Virgilio Enriquez (1978) na iuugnay rin sa konseptong buut ng mga Bisaya.

Larawan 1
El Pacto de Sangre (1886)

El Pacto de Sangre (1886)

Matatagpuan ang guhit/pintura ni Juan Luna sa Palasyo ng Malacañan.  Larawang kuha mula sa Malacañan Palace Collection na ipinagkaloob ng Presidential Museum and Library, Republic of the Philippines.

Bagama’t may kahirapan ang paghahanap ng mga batis hinggil sa kaganapang ito na sumalamin sa panig ng mga katutubong Pilipino, may silbi pa rin ang batis Español sa pagsilip sa naging pananaw ng mga Bol-anon.  Malimit daanan ng mga sinaunang pangkat ng mga dayuhang Europeo ang pook ng Bohol kaya’t inaasahan ang pakikipag-ugnayan sa mga pinuno at mamamayan nito sa anyo man ng kalakalan at pananalakay.

POOK NG SANDUGUAN NINA KATUNAO AT LEGAZPI

Matatagpuan ang kapuluan ng Bohol sa pagitan ng Leyte sa silangan at Cebu sa hilagang kanluran (Wemstedt at Spencer 1967).  Sa katimugang bahagi nito ang Mindanao at maliliit na pulo sa pagitan tulad ng Camiguin at Siquijor.  Inilarawan sa ulat ni Antonio de Morga (1609) ang Bohol na kabilang sa mga tanyag at naglalakihang pulo sa Pilipinas.  Kahanay nito ang Luzon, Mindoro, Capul, Masbate, Burias, Marinduque, Leyte, Samar, at iba pang pangunahing pulo.  Kabilang din ito sa mga pulong may mataas na bilang ng populasyon sa taong 1600 (Chirino 1604).  Maraming maliliit na pulo ang nakapalibot at sakop ng Bohol (tingnan ang Mapa).  Nariyan ang Pamilacan, Cabilao, Sandingan, Pangangan, Mahanay, at Lapinig (Putong 1965).  Ayon sa oral na kasaysayan, nagmula ang pangalan ng Bohol sa isang kahariang tatlong kilometro ang layo mula sa kasalukuyang kabisera nito, ang Tagbilaran (Putong 1965).  Ito ang kaharian ng Bool na pangalan pa rin sa kasalukuyan ng nasabing lugar.  Sinasabing maaaring hinango rin ito mula sa isang uri ng halamang tumutubo sa baybay-dagat, ang boho.  Salat sa masusukal na kagubatan ang lugar na ito sa kadahilanang mabato, mabundok, at kakaiba ang klase ng lupa.  Liban sa pagiging mabato ng lupa, may kalagkitan din ito na mainam na materyal sa paggawa ng palayok.  Sa kabila ng ganitong katangian ng lupa, may maliliit na lambak sa pagitan ng mga burol o munting kabundukan na tinawag na basacan.  Mataba ang lupa sa mga munting lambak na maaaring sakahin (Putong 1965).  Dahil maliit na bahagi lamang ng mga lupain ang nakalaan sa agrikultura, tanging mga halamang-ugat na akma sa mabatong lupa ang sagana rito tulad ng kamote, ubi, at gabi (Memorias de Bohol 1890).  Inilarawan din ng mga ulat Español na mayaman ang lugar sa mga mineral tulad ng manganese at asbestos (Cavada Mendez y Vigo 1876).  Dahil sa pagkakaroon nito ng mga likas na yaman, napukaw ang interes ng mga sinaunang Español na angkinin ang mga ito.  Sa katunayan, naiulat ni Legazpi ang minahan ng mga ginto na kilala sa tawag na bulawan, sa lugar ng Talibon sa hilaga (Legazpi 1564-1568b).  Kaugnay nito, kanyang hiniling sa Hari ng España na bigyang-karapatan ang kanyang mga tauhan na ariin ang mga minahang ito upang diumano mahikayat ang mga ito na linangin ang lupa ng Bohol.

Mapa
Mapa ng Bohol (1900)

Mapa ng Bohol (1900)

Pretchett (1900)

Pagdating ng ika-19 na dantaon, lumawig ang presensya ng puwersang Español sa Kabisayaan.  Kasabay nito ang pag-unlad ng kakayahang ilarawan sa mga opisyal na ulat ang pisikal na katangian ng mga lugar tulad ng Bohol.  Sa taong 1882, binanggit ng isang ulat Español ang mga kabundukan ng Ambian, Albila, Basage, San Salvador, at Copton (Moya 1882).  Makikita ang nagtataasang kabundukan mula sa bayan ng Guidulman sa silangan hanggang sa bayan ng Maribijoc at Paminuitan sa kanluran (Guia de Filipinas 1885).  Mula rito, paakyat na ang hanay ng mga kabundukan pahilaga tungong bayan ng Talibon.  Mula sa Talibon, bahagyang naging patag ang kalupaan.  Sa pagitan ng mga hanay ng kabundukan matatagpuan ang mga kakaibang burol ng Carmen na kilala bilang kahibulungang moto (misteryosong burol) o Chocolate Hills (tingnan ang Larawan 2).  Sagana ang mga kabundukang ito sa tubig na dumadaloy pahilaga patungo sa mga baybayin ng Getafe, Ubay, at Talibon.  Kaya’t ilang mahahalagang ilog din ang matatagpuan sa Bohol na lalong nagpaibayo sa kakanyahang agrikultural ng lugar.  Sa hilaga matatagpuan ang pinakaimportanteng ilog ng Inabanga (tingnan ang Larawan 3) dahil sa haba at laki nito kasama ang Ilog Fragata (Guia de Filipinas 1885).  Sa timog nariyan ang Ilog Abatan, habang matatagpuan naman ang Ilog Loboc (tingnan ang Larawan 4) sa gitnang bahagi ng Bohol.  Sa silangan naman ang Ilog Manaba kasama ang Ilog Guisularan at Ilog Napo.  Liban sa mga ito, ilang maliliit na katubigan pa ang matatagpuan sa lugar na lubhang nakaapekto sa daloy ng ugnayan at kasaysayan ng Bohol.  Ang mga nabanggit na ilog ang karaniwang naging tagapag-ugnay sa mga pamayanang nasa interyor, baybayin, at ibayong dagat.  Di lamang patubig ang silbi ng mga ilog na ito, daanan din ito ng transportasyon at kalakalang nagpaunlad sa maraming komunidad. Kinumpleto naman ng mayamang karagatan ang talaan ng mga anyong tubig na katulong sa pag-ukit sa lokal na kasaysayan ng Bohol.  Ang mayamang karagatang nakapalibot ay pinagkunan din ng kabuhayan ng mga Bol-anon.  Ang mga pinatuyong isda ay kanilang ipinagpapalit sa palay na inangkat mula sa ibayong lugar (Jagor 1875).  Ayon pa rin kay Morga (1609), mula sa malalawak na dalampasigan ng Bohol, iniluwas ang mga susong dagat na sigay patungong Siam, Cambodia, India, at Portugal.  Kilala ito sa katutubong tawag na buskay.  Nagsilbing salapi ang sigay sa maraming lugar sa Timog Silangang Asya kasama na ang India (Buzeta at Bravo 1851).  Samakatwid, nakadagdag estimulasyon sa pag-usbong ng mga baybaying pamayanan ang mga aplaya, dalampasigan, at kailugan.

Larawan 2
Kahibulungang Moto (1997)

Kahibulungang Moto (1997)

Tinatawag na “Kahibulungang Moto” o mahiwagang burol ang tanyag na
Chocolate Hills. Larawang kuha ng may-akda.

Larawan 3
Ilog Inabanga (1997)

Ilog Inabanga (1997)

Ang Ilog Inabanga sa hilaga, pinakamalaking ilog sa Bohol.
Larawang kuha ng may-akda.

Larawan 4
Ilog Loboc (1997)

Ilog Loboc (1997)

Ang Ilog Loboc na dumadaloy patungo sa bayan ng Loay at dating
sakop ng Baclayon sa panahon ni Katunao. Sa bukana ng ilog na ito
dumaong ang puwersa ni Legazpi. Larawang kuha ng may-akda.

Liban sa agrikultura, naging pangunahing kabuhayan ng mga sinaunang komunidad sa Bohol ang kalakalan, partikular sa mga baybaying komunidad.  Upang mapag-ibayo ang produksyon, isinagawa ng mga Bol-anon ang pananalakay sa ibang bayan na maaaring pagkunan ng produktong pangkalakal tulad ng alipin.  Para sa mga komunidad na ito, sistematisado ang pang-aalipin bilang batayan ng kalakalan at agrikultura.  Ang mga pananalakay ay okasyon din ng pagpapabatid at balidasyon ng kapangyarihan ng mga lokal na pinuno.

MGA SINAUNANG BOL-ANON AT PAMAYANAN

Tinawag ni Morga (1609) ang Bohol bilang lupain ng mga Pintados.  Ang kalalakihan at kababaihan ay inilarawang may maayos na disposisyon sa buhay.  Dagdag pa ni Morga, mabubuti ang ugali ng mga Bisaya tulad ng mga Bol-anon kung ihahambing sa ibang katutubo.  Ayon naman sa obserbasyon ni Pedro Chirino (1604), mapuputi at magaganda ang mga katutubong Bol-anon kung ihahambing sa ibang Bisaya.  Dahil sa ganitong anyong pisikal, ipinagpalagay ng paring si Francisco Ignacio Alcina (1668-1670) na galing ang mga Bol-anon sa Borneo at Makassar.  Ayon sa pagsasalarawan ni Miguel de Loarca (1582), mahusay na manlalayag at tagagaud ang mga tao sa Vohol na bihasa sa ekspedisyong pakay ay pananalakay.  Dahil sa mga kakayahang ito, kinilala sila ng mga Español bilang matatapang at mababangis na mandirigma.  Puno ng makukulay na disenyo ang katawan ng kalalakihan na kilala bilang patik.  Tanda ang mga disenyong ito ng katapangan ng isang indibidwal at salamin ng isang lipunang nabubuhay sa pakikidigma.  Bunga nito, naging tanyag ang mga mandirigmang ito sa tawag na Pintados (Alcina 1668-1670).  Ang kababaihan ay inilalarawang naglalagay ng patik sa kanilang mga kamay lamang (Boxer Codex 1590).  Nagsusuot ang kalalakihan ng malalaking hikaw na yari sa ginto at gareng na kilala bilang panico, barat, at pamarang (Morga 1609; Alcina 1668-1670).  Suot naman ng mga mandirigma ang kulay pulang bahag na kilala bilang pinayusan.  Yari sa abaka ang bahag ng karaniwang tao habang yari naman sa seda ang suot ng mga datu (Alcina 1668-1670).  Katulad ng kalalakihan, suot din ng kababaihan ang mga alahas na yari sa ginto sa kanilang mga leeg, kamay, at daliri.  Isang balabal na gawa sa telang ginto na kilala bilang pinarogmoc ang suot ng mga katutubo na kadalasa’y sumasayad sa lupa (Alcina 1668-1670).  Bahagi rin ng kanilang kasuotan ang makukulay na tapis na kilala bilang habul sa Kabisayaan.  Sa ika-16 na dantaon, inilarawang nakatira ang mga Bol-anon sa tabi ng dagat, ilog, sapa, at bambang (Morga 1609).  Ang kanilang kabahayan ay may makikitid na silid na karaniwang yari sa isang uri ng kawayan na kilala bilang botong at may mababang bubong na gawa sa nipa.  May kataasan ang kabahayang nakatindig sa mahahabang haligi na nakatusok sa lupa o buhangin (Alcina 1668-1670).  Umaabot sa anim hanggang walo ang bilang ng haliging gamit na mula sa kahoy na tugas.  Karaniwang dalawa hanggang tatlong pamilya ang nakatira rito.  Masasalamin sa mga diskripsyong ito ang isang lipunang may pagkakaiba sa antas at katayuan ang mga mamamayan.  Larawan ito ng isang lipunang nasa proseso ng pagbuo ng higit na kumplikadong kaayusan.  Dala ito ng ugnayang pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkultura na nalikha sa pagitan ng mga komunidad.

Bilang lipunang nabubuhay sa pananalakay, aktibong nakilahok sa gawaing ito ang mga Bol-anon kasama ang mga lokal na datu.  Dahil salat sa lupaing maaaring linangin, hindi naging pangunahing batayan ng kabuhayang Bol-anon ang agrikultura.  Dulot ng pagsasagawa ng pananalakay sa mga baybaying dagat, itinuring silang kinatatakutang mandaragat.  Pirateria ang turing ng mga Español sa gawaing ito na ayon kay Gobernador Heneral Francisco de Sande ay isang uri ng krimeng pagnanakaw na naganap sa karagatan at baybayin (Marcos 1976).  Ngunit para sa mga sinaunang lipunang Pilipino, bahagi ito ng kalakarang laganap sa Timog Silangang Asya sa mga panahong iyon.  Ayon sa ulat ni Francisco Colin (1663), isang kilalang datu sa Bohol ang inilibing sa bangkang tinawag na barangay.  Ang bangkang ito ang ginamit ng mga manlalayag sa kanilang pakikidigma at pananalakay.  Habang ginaganap ang ritwal, napalilibutan ang labi ng datu ng 70 armadong alipin at pinapabaunan pa ng pagkain.  Pagkilala ang ganitong paglilibing sa giting at husay ng yumao bilang manlalayag at mangangayaw.  Sa Kabisayaan, tinawag ang mga pananalakay sa kalupaan na mangubat, samantalang pangangayaw ang tawag sa isinagawa sa mga katubigan (Scott 1994).  Naging madali ang paglakbay sa karagatan nang matutunan ng mga Bisaya ang paggamit ng compass na kilala bilang padolaman (Alcina 1668-1670). Ang katanyagan ng mga Bisaya bilang mababangis na manlalayag ay umabot hanggang Tsina.  Kilala roon ang mga Pi-she-ya dahil sa pananalasa ng mga ito sa maraming komunidad baybayin ng Timog Tsina sa huling bahagi ng ika-12 na dantaon (Scott 1994).  Isa sa mga kuwentong inawit ng mga manlalayag noong ika-16 na dantaon ang buhay pag-ibig ng isang mahusay na mangayaw na nagngangalang Datu Sumanga.  Naging tanyag siya sa pananalakay na inilunsad mabihag lamang ang puso ng isang dalagang mula Bohol na nagngangalang Bugbung Humasanun (Scott 1994).  Nilusob niya ang mga lugar ng Tandag, Camiguin, Siquijor, Dapitan, Mindanao, Jolo, at Tsina.

Nasa ganitong kalagayan ang Bohol nang dumating ang Español na si Legazpi.  Ilang komunidad baybayin ang nasa proseso ng pagbuo ng higit na kumplikadong lipunan nang datnan nila ang mga ito.  Ang mga pamayanang ito ay aktibong nakipag-ugnayan sa mga karatig-lugar at ibayong dagat sa parehong anyo ng kalakalan at pananalakay.  Sa ganitong konteksto natunghayan ni Legazpi ang ritwal ng sandugo sa mga pamayanang nadaanan niya katulad ng Bohol.  Naganap ang sanduguan nina Katunao at Legazpi sa gitna ng pangangailangan ng maraming pamayanan sa kapuluan tulad ng Bohol na pag-ibayuhin ang impluwensiya di lamang sa larangang pulitikal ngunit lalo’t higit sa usapin ng kalakalan at kabuhayan.

KOMUNIDAD BAYBAYIN SA PANAHON NG SANDUGUAN NINA KATUNAO AT LEGAZPI

Parehong inilarawan ng ulat ni Loarca (1582) at ng Boxer Codex (1590) ang sandugo bilang ritwal ng pagkakasundo at pagkakaibigan.  Isa itong kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang tao o pangkat ng tao.  Isinagawa ito sa pamamagitan ng pagkuha ng ilang patak ng dugo mula sa braso ng dalawang tao na pagsasamahin sa isang lalagyan.  Hahaluan ng konting alak ang pinagsamang dugo sabay iinumin ng mga taong nais magsanduguan.  Sinasabing malalim at habambuhay ang bisa ng kasunduang ito (Boxer Codex 1590).  Ayon sa mga ulat Español, palasak at palagiang isinasagawa ng maraming komunidad ang sandugo.  Mahalagang masilip ang anyo at kalagayan ng mga komunidad sa Bohol na nakilahok sa sandugo.

Ang Pamayanan ng Dauis sa Ilalim ng Magkapatid na Pagbuaya at Dailisan

Isa sa mga komunidad na nadatnang maunlad ng mga Español ang Dauis.  Bahagi ito ng maliit na pulo ng Panglao at malapit sa pangunahing pulo ng Bohol (tingnan ang Larawan 5).  Isang mababaw na kipot na tinawag na awo ang naghihiwalay sa pangunahing pulo ng Bohol at Dauis (Alcina 1668-1670) (tingnan ang Larawan 6).  Ang Dauis ang pinakamalapit na pamayanan sa kasalukuyang kabisera ng Bohol, ang Tagbilaran, at may layong isang kilometro mula rito.  Sa tuwing mababa ang lebel ng dagat, natutuyo ang kipot na nagpapalitaw sa napakalawak na buhanginan.  Ayon sa ulat ni Francisco Combes (1663), abot baywang lamang ang tubig na maaaring pasukin ng maliliit na sasakyang dagat.  Mula sa lugar na ito ang kilalang Dapitanos ng Hilagang Mindanao.  Hindi naabutan ni Legazpi ang katanyagan ng pamayanang ito sa kadahilanang naglaho ito bago pa man siya mapadako sa Bohol.  Nanatiling sariwa sa alaala ng mga katutubo mula sa loob at labas ng Bohol ang katanyagan ng nasabing lugar.  Unang nabatid ni Legazpi ang kuwento ng Dauis sa mga katutubo ng Mindanao nang mapadako siya roon.  Nakita roon ni Legazpi si Pagbuaya, pinuno ng mga Dapitanos na nagmula sa Dauis.  Ipinagbigay-alam ni Pagbuaya kay Legazpi ang mga lugar na maaaring lakbayin tulad ng Panglao at Dauis.  Ibinahagi pa ni Pagbuaya kay Legazpi ang kuwento ng bayang pinanggalingan at bilang tanda ng pagkakaibigan, ipinadala ni Pagbuaya ang isang pilotong gabay sa paglalakbay ni Legazpi tungong Kabisayaan.  Ang dating maunlad na pamayanan ng Dauis na pinanggalingan ni Pagbuaya ay nakatayo sa mismong kipot ilang taon bago dumating ang hukbo ni Legazpi.  Nakipagpalitan ang mga dayuhang mangangalakal, lulan ng kanilang mga bangka, sa mga katutubo ng Dauis sa ilalim mismo ng kabahayang nasa ibabaw ng tubig.  Sinasabing nakahanay ang kabahayan mula sa dalampasigan hanggang looban at kabuuan ng pulo ng Panglao.  Dahil sa pagiging sentro ng kalakalan, inihalintulad ni Alcina (1668-1670) sa Venice ang mayamang pamayanan ng Dauis.  Bilang bahagi ng paglawak ng kapangyarihan, nagsagawa ito ng mga paglusob sa mga katunggaling pamayanan tulad ng Baclayon (Combes 1663).  Ilan sa mga taong lumikas ang nagtatag ng panibagong komunidad sa interyor na lugar ng Loboc na nasa tabi ng isang ilog.  Napunta sa Dauis ang monopolyo sa paghawak ng kalakalan sa mga baybaying komunidad ng Bohol.  Nakinabang nang husto ang pamayanang ito sa mga oportunidad na dala ng lokasyon at katangiang pisikal.  Naging natural ang pagpasok nito sa sona ng kalakalang sumaklaw sa maraming lugar na baybayin at interyor ng Bohol at karatig-pook.

Larawan 5
Pulo ng Panglao, Dauis (1997)

Pulo ng Panglao, Dauis (1997)

Mula baybayin ng Baclayon, tanaw ang pulo ng Panglao. Bayan ng Dauis ang
bahaging ito ng Panglao na katapat ng Baclayon. Larawang kuha ng may-akda.

Larawan 6
Awo na Naghihiwalay sa Dauis at Tagbilaran (1997)

Awo na Naghihiwalay sa Dauis at Tagbilaran (1997)

Ang awo o kipot na naghihiwalay sa Dauis at Tagbilaran, dating
kinatitirikan ng kabahayang parte ng pamayanang nasa pamumuno ng
magkapatid na Pagbuaya at Dailisan. Sa larawang ito, tanaw rin
ang Bundok Banat-e ng Tagbilaran mula Dauis, maging ang kipot na
naghihiwalay sa dalawang lugar. Larawang kuha ng may-akda.

Regular ang pagdating sa Dauis ng mga mangangalakal mula sa iba’t ibang lugar sa Timog Silangang Asya tulad ng Siam, Cambodia, at Ternate na isa sa mga pulo ng Maluku (Combes 1663).  Masalimuot ang naging ugnayan ng Dauis at Ternate.  Di lamang sa kalakalan nagkatagpo ang mga pamayanang ito, maging sa paglunsad ng pangangayaw ay nagpalitan din ang mga ito.  Maraming taon bago dumating ang mga Español, isang serye ng gantihan ng pangangayaw ang inilunsad ng Bohol at Ternate sa isa’t isa (Scott 1994).  Bago manghimasok ang mga dayuhang Europeo sa katutubong kalakaran, maituturing na balanse lang ang puwersa sa pagitan ng mga magkatunggaling pamayanan.  Sinira ng panghihimasok ng mga dayuhan tulad ng mga Portuges ang balanseng ito sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa ilang lokal na pinuno tulad ng Ternate.  Ibinahagi ng mga Portuges sa kanilang mga bagong kaibigan at kaalyado ang mga modernong kagamitang pandigma na nagpaangat sa kakayahan ng mga komunidad na gapiin ang kanilang mga tradisyunal na kaaway.  Isa ang Dauis sa mga pamayanang negatibong naapektuhan ng pagkalansag ng balanse ng kapangyarihan sa mga kapuluan ng rehiyon.  Hudyat ang pakikipagkasundo ng mga taga-Ternate sa mga Portuges ng pangingibabaw ng una sa uri ng ekonomiya at pulitikang nag-ugnay sa maraming komunidad.  Lubhang nasalanta ang Dauis nang lusubin ito sa huling pagkakataon ng mga taga-Ternate kasama ang mga kaalyadong Portuges (Combes 1663).  Dahil sa malagim na sinapit ng Dauis sa kamay ng nagsanib puwersang Portuges at taga-Ternate, minabuti ng mga katutubo na mangibang-bayan.  Nagsimula ang kaganapan nang minsang dumalaw ang mga taga-Ternate upang makipagkalakalan.  Naakit ang isang mangangalakal na taga-Ternate sa isa sa mga paboritong asawa ng datu ng Dauis (Combes 1663).  Hindi malinaw na tinukoy ng ulat kung sino ang datung ito, bagama’t ang magkapatid na Pagbuaya at Dailisan ang mga pinuno ng Dauis.  Ikinagalit ng datu ang pangyayaring ito na isang pagyurak sa kanyang karangalan kaya’t humantong sa isang labanan.  Ayon sa ulat, pinutol ng mga Bol-anon ang mga ilong at tenga ng mga mangangalakal ng Ternate (Combes 1663).  Nang umabot sa kaalaman ng Sultan ng Ternate ang pangyayari, nagbalak ito ng isang paghihiganti.  Ilang taon muna ang lumipas bago isinagawa ng mga taga-Ternate ang kanilang balakin.  Minabuti muna nilang palakasin ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga dayuhang Portuges.  Makaraan ang ilang taon, bumalik ang mga taga-Ternate kasama ang mga kaalyadong Portuges dala ang 20 joanga na may kargang kanyon at musket (Combes 1663).  Ang joanga ay maaaring magsakay ng 100 armadong katao (Dery 1997).  Ayon naman kay Legazpi, walong prahu ang dala ng mga taga-Ternate nang sila ay sumalakay at kumitil ng mahigit 1,000 katao (Legazpi 1564-1568a).  Ayon naman sa isa pang salaysay na nakuha ni Legazpi, 500 katao ang nasawi sa labanan habang tangay ng mga taga-Ternate ang 600 na bihag (Legazpi 1564-1568a).  Biglaan ang naging paglusob ng magkasanib-puwersang Portuges at mga taga-Ternate na kunwari’y nakipagkalakalan.  Tila sanay ang mga katutubong Bol-anon na makiharap sa mga dayuhang puti dahil maayos nila itong pinakitunguhan.  Maayos din ang naging pagtanggap ng mga Bol-anon sa mga taga-Ternate na minsan nang lumapastangan sa kanila.  Marahil idinikta ang mabuting pagtanggap na ito ng sitwasyong pang-ekonomikong namayani sa mga pamayanang nakinabang sa trapiko ng kalakalan.  Ang kaaway at kaibigan ay di permanente sa ganitong kalakaran.  Ikinasawi ng datung si Dailisan ang nasabing paglusob.  Ilan sa mga mamamayan ng Dauis ang lumikas patungo sa interyor na bahagi ng Bohol tulad ng Loboc, habang ang iba ay naglayag sa ibang kapuluan tulad ng Negros at nanatili sa lugar ng Tanay na nasa bukana ng isang ilog.  Ayon sa ulat ni Loarca (1582), mahigit kalahati ng mamamayan ng Dauis ang lumipat dito.  Ilan sa kanila ang nagtungo ng Cebu, habang ang datung si Pagbuaya at kanyang angkan ay lumisan patungong Dapitan sa Hilagang Mindanao (Legazpi 1564-1568a).  Patunay ang pagkatalo ng Dauis sa superyor na kakayahang makidigma ng magkasabwat na puwersa ng mga taga-Ternate at Portuges.  Sa kabila ng husay sa pakikidigma na taglay ng mga Bol-anon, hindi nila natapatan ang lakas ng magkasabwat na puwersa na gumamit ng panlilinlang.  Ang pagiging talamak ng panlilinlang sa ugnayan ng mga komunidad baybayin sa panahong ito ay lalong nagpaigting sa pangangailangan ng pagtakda ng higit na matibay na ugnayan sa pagitan ng mga grupo o indibidwal.  Tanging sandugo ang makakapagpatibay ng ganitong uri ng ugnayan.  Pinatunayan ito ng mga naging pagkilos ni Pagbuaya sa Dapitan—sinimulan niya ang pagbuo muli ng impluwensiya at kapangyarihan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Español.

Ang Pamayanan ng Baclayon sa Ilalim ni Katunao

Sa paglaho ng Dauis, umusbong naman ang ibang pamayanang baybayin tulad ng Baclayon (Alcina 1668-1670).  Nagsilbing tagatanggap ang Baclayon ng mga produktong mula sa interyor na bahagi ng Bohol at naging tagapamahagi ng mga ito sa ibang lugar.  Regular na dinadalaw ng mga katutubo at dayuhang mangangalakal ang pamayanang ito.  Katulad ng Dauis, salat sa pananim ang lugar na ito bunga ng mabato at mabuhanging lupa (Cavada Mendez de Vigo 1876; Buzeta at Bravo 1851).  Karugtong ng Dauis ang baybayin ng pamayanang ito.  Napapaligiran ang nasabing lugar ng dagat, ilog, at kabundukan.  Nasa pamumuno ng datung si Katunao ang lugar na ito nang datnan ni Legazpi.  Sinasabing kaanak ng nasabing datu ang mga dating pinuno ng Dauis na sina Pagbuaya at Dailisan (Dery 1997).  Nang lisanin ni Pagbuaya ang Dauis, naiwan si Katunao na pangasiwaan ang Baclayon at ipagpatuloy ang paghawak sa kalakalan sa katimugang Bohol (Marcos 1976).  Sa ulat ni Alcina (1668-1670), isa sa pinakamalalaking pamayanan sa Kabisayaan ang Baclayon.  Katulad ng Dauis, binuo ang Baclayon ng kabahayang nasa ibabaw ng tubig.  Pinatunayan ito ng malalaking haliging nahukay sa lugar ng Guiwanon na nasa pangangalaga ng Museo ng Baclayon.

Ayon sa obserbasyon ni Legazpi nang mapadako rito, umabot sa 10,000 katao ang populasyon ng lugar (dela Costa 1961).  Patungong Butuan ang kanyang pangkat, dahil sa lakas ng hangin at laki ng alon, napadpad sila sa karagatan ng Camiguin hanggang sa marating nila ang Baclayon.  Unang narating ng kanyang pangkat ang baybayin ng Loay na nasa bukana ng Ilog Loboc at dating sakop ng Baclayon.  Dito nagpalipas ng ilang araw ang hukbo ni Legazpi habang kinukumpuni ang isa sa mga sirang sasakyang pandagat (Legazpi 1564-1568a).  Dahil sa pangangailangan ng pagkain at iba pang probisyon, minabuti niyang bumaba upang humingi ng tulong mula sa mga katutubo.  Habang nasa baybayin ng Loay, nakasalubong ng kanyang puwersa ang isang bangkang puno ng palay at halamang ugat mula sa Sogod, Leyte (Rodriguez 1525-1640).  Ilan pang bangkang may dalang kalakal tulad ng pagkit at karne ng kambing, na inakala ni Legazpi na aso, ang dumating.  Isang bangkang pangkalakal na may sakay na 45 armadong kalalakihan naman ang nakasagupa nina Legazpi sa baybayin ng Baclayon (Legazpi 1564-1568a).  Humantong ang labanan sa pagkasugat ng 20 katao at pagkasawi ng isang tauhan ni Legazpi.  Ilan sa mga armadong kalalakihan ang tumakas lulan ng maliit na bangkang bahagi ng kanilang plota (Legazpi 1564-1568a).  Nabihag ni Legazpi ang piloto ng bangka na katutubo ng Brunei.  Napag-alamang bihasa sa maraming wika at mahusay na manlalayag ang nasabing piloto na nakapaglakbay na sa Maluku, Java, India, Siam, at Tsina (Legazpi 1564-1568a).  Upang makakuha ng mga kinakailangang probisyon, sinabat nina Legazpi ang karga ng bangka.  Laman ng bangka ang iba’t ibang produkto tulad ng kumot, telang seda, bulak, lata, bakal, asopre, porselana, at ginto.  Ang mga nasabing produkto ay napag-alamang galing Borneo, Tsina, at India.  Ipinagbigay-alam ng piloto sa pangkat ni Legazpi ang kahirapang makaugnay nang maayos ang mga Bol-anon bunga ng kawalang-tiwala sa mga dayuhang Español.  Napatunayan ito ni Legazpi nang humingi ng tulong na pagkain at probisyon sa mga taga-Baclayon ngunit atubili ang mga itong tulungan siya (Legazpi 1564-1568a).  Kaya’t kinasangkapan ni Legazpi ang bihag na piloto upang makaugnay ang mga datung sina Katunao at Cigala.  Ayon sa paglalarawan ni Legazpi, ang higit na makapangyarihang datu na si Cigala ay nanatili lamang sa baybay-dagat kasama ang ilang tauhan (Rodriguez 1525-1640).  Si Cigala ang pinuno ng pamayanan ng Loboc na matatagpuan sa loobang parte ng katimugang Bohol (dela Costa 1961).  Sa kabila ng lantad na pagpapakita ng kawalang-tiwala, nakipagkita ang datung si Katunao sa mga dayuhan.  Ayon kay Legazpi, nagpahiwatig ng pagkakaibigan si Katunao na kanilang ipinagdiriwang sa pamamagitan ng sanduguan.  Nang hilingin ni Legazpi na bigyan sila ng mga kinakailangang pagkain at probisyon, positibong tumugon ang datu ngunit makalipas ang ilang araw hindi tinupad ng mga ito sa kanilang pangako (Legazpi 1564-1568a).  Sa pagnanasang makakuha ng mga kinakailangang pagkain at probisyon at maikot ang mga karatig-pulo, nagtungo sa Butuan, Negros, at Cebu ang ilan sa kanyang mga tauhan.  Sinamahan pa ng mga datung sina Katunao at Cigala ang mga tauhang nagtungo ng Cebu.

SANDUGUAN AYON SA PAKIKIPAGKAPWANG BOL-ANON
AT KONSEPTONG BUUT NG MGA BISAYA

Malinaw ang halaga ng sanduguan mula sa hanay ni Legazpi bilang paraan upang makakuha ng karagdagang pagkain at probisyon.  Naging daan din ito upang makaugnay ang mga katutubong atubiling makisalamuha sa kanyang pangkat.  Sa mga lugar na nadaanan bago marating ang Bohol tulad ng isang pulo sa Leyte, hayagan ang pagtutol ng mga katutubo sa puwersa ng mga Español (Legazpi 1564-1568a).  Napaslang pa ang kinatawan ni Legazpi habang nakipagsanduguan sa lokal na pinuno.  Sa kabila ng superyor na sandata, mulat si Legazpi sa katotohanang hindi magagarantiyahan nito ang kanyang tagumpay gayong salat sa pagkain at kulang sa tauhan ang kanyang pangkat.  Kinilala ni Legazpi ang kakayahan ng mga katutubong labanan ang kanyang puwersa kaya’t minabuti niyang iwasan ang mga ito at sikaping makipag-ugnay sa mga katutubong kinakitaan ng kaunting pagnanasang makipagkaibigan.  Sa madaling salita, higit na kailangan ni Legazpi ang sanduguan (Aguilar 2010).  Sa panig naman ng pangkat ni Katunao at Cigala, batid nila ang mga peligrong dala ng pakikipag-ugnay sa mga dayuhan bunga ng kanilang karanasan sa mga Portuges.  Karagdagan dito ang kanilang kabatiran sa kaganapan sa Cebu at Mactan halos 50 taon na ang nakaraan sa pagitan ng mga datung sina Humabon, Lapu-lapu, at sugo ng mga Español na si Ferdinand Magellan.  Lubhang napakalapit ng Bohol sa Cebu upang di umabot sa kaalaman ng mga Bol-anon ang kaganapang ito na nagpakita ng tunay na pakay ng mga dayuhan.  Ngunit nakita rin nila ang maaaring positibong resulta sa posibleng pakikipagkasundo sa mga ito batay na rin sa naging karanasan ng mga taga-Ternate.  Umangat ang kakayahang pandigma, impluwensiya, at kapangyarihan ng Ternate bunga ng pakikipagsabwatan sa mga Portuges.  Ang potensyal ng Bohol na maging katulad ng Ternate ay isang bukas na oportunidad na maaaring maisakatuparan sa pamamagitan ng sanduguan.  Masasabing ang pakikipagsanduguan sa mga Español ay pagtatangkang ibalik ang balanse ng kapangyarihan at impluwensiya na namayani sa mga komunidad baybayin na nalansag sa pagdating ng mga Portuges sa rehiyon.  Naging oportunidad din ito upang alamin at sukatin ang kalakasan maging ang kahinaan ng mga dayuhang Español.  Ang sanduguan ang makapagbibigay sa mga lokal na datu ng Bohol ng makatotohanang pagtataya sa kakayanan ng mga Español na may potensyal na maging kakampi at kaaway.

Sa pag-aaral ni Enriquez (1978) sa pakikipagkapwa-tao bilang pangunahing konsepto sa pag-unawa sa pakikipag-ugnayang Pilipino, binanggit niya ang dalawang uri ng pakikipagkapwa-tao, ito ang pakikiugnay sa ibang tao at hindi ibang tao.  Ang bawat isa sa mga uring ito ay kinabibilangan ng mga antas ng pakikipagkapwa (tingnan ang Hanayan 1).

Hanayan 1
Pakikipagkapwa-tao sa Ugnayang Pilipino

Pakikipagkapwa-tao sa Ugnayang Pilipino

Enriquez (1978)

Binigyang-diin ni Enriquez na parehong kapwa ang turing ng Pilipino sa mga taong malapit sa kanya, maging sa ibang tao na ang turing ay tagalabas.  Isig-kaingon ang katawagan sa kapwa ng mga Bol-anon samantalang makig-ingon-ingon ang katumbas ng pakikipagkapwa-tao.  Ang sanduguan nina Katunao at Legazpi ay sumalamin sa pakikipagkapwa-tao ng mga Bol-anon sa mga Español na nanatiling ibang tao o tagalabas ang turing.  Malinaw ito sa kawalang-tiwala at pag-alinlangang pinamalas ng mga Bol-anon na atubiling harapin ang pangkat ni Legazpi.  Nanatiling balisa at maingat sa pakikitungo ang mga lokal na datu ng Bohol matapos ang sanduguan.  Samakatwid, hindi umabot ang ugnayan sa pagturing sa mga Español bilang hindi ibang tao.  Sa pagtalakay ni Enriquez, ang ganitong uri ng ugnayan ay nangangailangan ng pakikipagpalagayang-loob sa parehong panig at maaaring humantong sa antas ng pagkikiisa na may buong tiwala at pananalig sa isa’t isa.  Mahihinuhang kaiba sa sinaunang sanduguang Pilipino ang naganap sa pagitan nina Katunao at Legazpi dahil ito ay pakikipagkapwa sa ibang tao na hindi humantong sa pagturing sa mga Español bilang hindi ibang tao.  Hindi ito kinakitaan ng pagiging “(p)inakamatalik na pakikipagkapwa” (Abrera 1995).  Ang dalawang uri ng pakikipagkapwa-tao ni Enriquez ay hindi eklusibo.  Sa sinaunang lipunang Pilipino, maaaring humantong ang pakikipagkapwa sa ibang tao tungo sa pagturing dito bilang hindi na ibang tao sa pamamagitan ng sanduguan.  Ngunit sa kaso ng mga Español, hindi naging tulay ang sandugo sa pagturing sa kanila bilang hindi ibang tao.  Nanatiling nasa antas ng pakikitungo lamang ang pakikipagkapwa na ipinamalas ng mga Bol-anon sa kanila.  Hindi na ito umabot pa sa mga antas ng pakikibagay at pakikisama.  Patunay rito ang hirap na dinanas ni Legazpi makaugnay lamang ang mga lokal na pinuno na hindi naman tumugon sa pangangailangan at kahilingan ng una.  Masasabing limitado ang bisa at gamit ng sanduguan para sa mga Español dahil hindi naging buo ang loob ng mga Bol-anon nang maisakatuparan ito.  Kaya’t angkop ding tingnan ang kaganapang ito ayon sa kahalagahan ng konseptong buut ng mga Bol-anon.  Sa akda ni Leonardo Mercado (1972), ipinapalagay na katumbas ng loob ng mga Tagalog ang buut ng mga Bisaya.  Mahalaga ang konsepto ng buut sa pag-unawa sa kamalayan, damdamin, at ugaling Bisaya.  Sa Vocabulario de la Lengua Bisaya ni Matheo Sanchez (1711) at Diccionario Español-Bisaya ni Juan Felix dela Encarnacion (1866), malawak ang nakasaad na kahulugan nito (tingnan ang Hanayan 2).  Katulad ng nabanggit ni Mercado, kabilang dito ang kakayahan sa pag-iisip at pangangatwiran (razon), kalooban (voluntad), katapatan (lealtad), pananaw (parecer), katinuan (juicio), pagpapasya (juzgar), maging ang mga emosyon ng pagkagusto (ser de gusto), at pagkatuwa (agradarse).  Mula sa mga halimbawang ito, mahihinuhang sakop nito ang kaisipan, kamalayan, at damdamin ng isang tao.  Maaaring unawain ang naging pagkilos at pakikitungo ni Katunao sa mga Español ayon sa konteksto ng kalikasan at uri ng buut na angkin ng magkabilang panig.  Binanggit ni Mercado (1975) ang ilang salitang nagbibigay-larawan sa uri ng angking buut ng isang indibidwal (tingnan ang Hanayan 3).

Hanayan 2
Iba’t Ibang Katagang Buut ang Salitang Ugat
noong Dantaon 18-19

Iba’t Ibang Katagang Buut ang Salitang Ugat

Sanchez (1711); Encarnacion (1866)

 Hanayan 3
Iba’t Ibang Katagang Buut ang Salitang Ugat
sa Kontemporaryong Panahon

Iba’t Ibang Katagang Buut ang Salitang Ugat 2

Mercado (1972)

Patunay ang sanduguan sa pagpapahalaga ng mga Bol-anon sa pagkakaibigan (maayong buut).  Ngunit upang magkaroon ng “matalik na pagkakaibigan,” nagaganap ang sandugo sa pagitan ng mga indibidwal o pangkat na may mabuting kalooban (maayong kabubut-un/pag-caayo sa buut) na hangad ang kabutihan at kagalingan ng parehong panig.  Kinakailangan sa sanduguan ang mga taong may malinis na hangarin (mahaoan ang buut) at maluwag sa loob (magaan sa buut) upang maging sagrado ang ritwal na ito.  Samakatwid, kinakailangan sa nagsasanduguan ang mga taong may mabuting kalooban (buutan) at may puso (dagcong buut) sa kapwa.  Sa sanduguan nina Katunao at Legazpi, hindi naging maluwag sa loob ang paglahok ng dalawang panig.  Para kay Katunao, mabigat sa loob (bug-at sa buut) ang pakikipag-ugnay sa mga dayuhang hindi mapagkakatiwalaan.  Hirap ang loob (cabudlay sa buut) ng lokal na pinuno na tanggapin ang alok na pagkakaibigang ipinamalas ni Legazpi.  Kitang-kita ang pagdadalawang-isip (nagcaduhaduhay buut) nito na makipagkasundo sa mga Español.  Hindi nila kinakitaan ng kabutihan (kabuutan) ang mga ito kaya’t nanatiling malamig ang kanilang pakikitungo (guibugnaoan sa buut) sa mga dayuhang ito.  Sa pagtataya ng mga Bol-anon, masama ang pakay at balakin (pagcadaotan sa tinuyo sa buut/daotay buut) ng mga ito kaya’t nararapat lamang na manmanan ang kanilang mga kilos.  Sa kabila ng sandugo, patuloy na nagmasid sa mga Español ang isang pangkat ng mga armadong Bol-anon habang nakakubli sa kakahuyan ng Baclayon (Sitoy 1985).  Bagama’t hindi kailangan ng mga Bol-anon ang sanduguan, mainam na kasangkapan ito upang mapag-aralan at masukat ang kakayahan ng mga dayuhan.

PAGLALAGOM

Bahagi ng pagpapalawak sa pag-unawa ng sanduguan nina Katunao at Legazpi ang pagsasakonteksto nito sa mga kaganapan noong ika-16 na dantaon sa maraming komunidad baybayin.  Maraming komunidad ang umunlad at naging makapangyarihan dahil naging daluyan ng trapiko ng kalakalan, kasama rito ang Bohol.  Dahil maituturing na halos magkakapantay lamang ang kapangyarihan at impluwensiya ng mga pamayanang baybayin tulad ng Bohol, palitan ang pagsasagawa ng pananalakay kasabay ng pakikipagkalakalan.  Ang sanduguan ang namagitan sa mga komunidad na kalahok sa matinding kumpetisyong idinikta ng kalakalan.  Ang walang humpay na paghahanap ng kakampi at kapanalig ang naging sandigan ng maraming lokal na pinuno upang mapag-ibayo ang kapangyarihan at impluwensiya.  Mga komunidad na may di malayong agwat sa antas ng kapangyarihan at impluwensiya ang inilarawan dito (Junker 2000).  Ngunit higit sa praktikal na silbi ng sanduguan, malalim ang kabuluhan nito sa sinaunang lipunang Pilipino.  Nagkaisa ang mga ulat Español sa pagturing dito bilang banal na ugnayang may habambuhay na bisa.  Kaya’t maaari itong ipagpalagay bilang mukha ng matalik na pakikipagkapwa ng mga sinaunang Pilipino.  Nagsilbing pamamaraan ito, upang saklawin ang tagalabas at gawing hindi ibang tao.  Bilang banal na ritwal, ang pakikipagpalagayang-loob at pagkikiisa ang binigyang-diin nito.  Mahalaga rito ang malinis na kalooban (maayong kabubut-un/pagcaayo sa buut), mabuting hangarin (mahaoan ang buut), at bukal sa loob (magaan sa buut) na pakikiugnay sa kapwa.  Sa pagdating ng mga Español, nag-iba rin ang kalikasan ng sandugo.  Ang sanduguan sa pagitan ni Katunao at Legazpi ay hindi na umayon sa nakagisnang kahulugan nito. Nanatiling tagalabas o ibang tao ang mga Español sa kabila ng sanduguan.  Samakatwid, ang pakikipag-ugnay ng mga Bol-anon ay nasa antas lamang ng pakikitungo.  Inilarawan ng mga ulat Español ang masidhing pagnanasa ni Legazpi na makaugnay ang mga Bol-anon sa kabila ng pag-atubili ng mga ito.  Batid niyang hindi palagiang makakaasa sa superyoridad ng kanilang sandata upang makaugnay ang mga Bol-anon.  Hindi kinailangan ng mga Bol-anon na makibagay at makisama sa mga Español dahil ang mga ito ang talagang may matinding pangangailangan sa kanila.  Kaya’t hindi maituturing na malalim ang pakahulugang idinikit ng mga Bol-anon sa sanduguan nina Katunao at Legazpi sapagkat batid nila ang masamang pakay ng mga ito (pagcadaotan ang tinuyo sa buut/daotay buut) batay sa mga kaalaman at impormasyong kasamang dumaloy sa mga pamayanang daanan ng kalakalan.  Sa kabila nito, kinasangkapan ng mga Bol-anon ang sandugo bilang pagkakataong palakasin muli ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan at pakikipagkasundo sa mga Español.   Kasabay ng pagharap sa mga bagong hamong dala ng kolonisasyon para sa kanilang kapakanan, binago ng mga Bol-anon ang kahulugan, gamit, at kabuluhan ng sanduguan.

Talahuli

* Ang “Si” ay isang uri ng pantukoy sa wikang Pilipino at hindi bahagi ng pangalan ng isang tao (Villanueva at Mariano 1960).  Ayon kay Augusto de Viana (2004), ikinakabit ang “si” sa pangalan bilang tanda ng paggalang.  Bagama’t ang pangalang “Sikatuna” ang binanggit ng mga ulat Español, sa akda ng ilang historyador tulad ni Luis Dery (2000), Raha Katunao ang mas akmang pangalan dahil makahulugan ito sa wikang Bisaya.

Sanggunian

Abrera, M.B.L. (1995).  Sandugo sa Katipunan.  Nasa Z.A. Salazar, E. Yulo, at A.M. Navarro, Talaarawan 1996; Handog sa sentenaryo; Himagsikang 1896.  Quezon City: Miranda Bookstore, Mr3/Mr4 [35].

Aguilar, F.J. (2010).  The pacto de sangre in the late nineteenth-century nationalist emplotment of Philippine history.  Philippine Studies, 58 (1-2), 79-109.

Alcina, F.I. (1668-1670).  Historia de las islas e indios de Bisayas 1668.  Mga tsln. C. Kobak at P. Fernandez.  Philippine Sacra, 13-20 (1978-1985), 123-469.

Bonifacio, A. (1896).  Ang dapat mabatid ng mga Tagalog.  Nasa Z.A. Salazar, E. Yulo, at A. Navarro, Talaarawan 1996; Handog sa sentenaryo; Himagsikang 1896.  Quezon City: Miranda Bookstore, En7/En8 [6-7].

Boxer Codex (1590).  Customs and ceremonial usages and rites of Bisayans.  Nasa F.L. Jocano (pat.), The Philippines at the Spanish contact.  Manila: MCS Enterprise, Inc., 1975, 216-235.

Buzeta, M. at F. Bravo (1851).  Diccionario-geografico-estadistico-historico de las islas Filipinas; Tomo I-II.  Manila: Jose C. dela Pena.

Cavada Mendez y Vigo, A.dla. (1876).  Historia, geografica, geologica y estadistica de Filipinas; Tomo I-II.  Manila: Imprenta de Ramirez y Girauder.

Chirino, P. (1604).  Relacion de las islas Filipinas.  Tsln. Ramon Echevarria.  Manila: Filipiniana Book Guild, 1969.

Colin, F. (1663).  Native races and their customs.  Nasa E.H. Blair at J.A. Robertson (mga pat. at tsln.), The Philippine islands, 1493-1898; Volume XL.  Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909, 37-98.

Combes, F. (1663).  The natives of the southern islands.  Nasa E.H. Blair at J.A. Robertson (mga pat. at tsln.), The Philippine islands, 1493-1898; Volume XL.  Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909, 99-182.

Dela Costa, H. (1961).  Jesuits in the Philippines, 1581-1768.  Massachusetts: Harvard University Press.

Dery, L.C. (1997).  The kris in Philippine history: A study of the impact of the Moro anti-colonial resistance, 1571-1896.  Manila: L.C. Dery.

Dery, L.C. (2000).  Remember the ladies and other historical essays on the Philippine revolution.  Manila: M and L Licudine Enterprises.

Encarnacion, J.F.dla. (1866).  Diccionario Español-Bisaya.  Binondo: Imprenta de Miguel Sanchez y Cia.

Enriquez, V. (1978).  Kapwa as a core concept in Filipino social psychology.  Nasa A.M. Navarro at F. Lagbao-Bolante (mga pat.), Mga babasahin sa agham panlipunan at pilosopiyang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at pantayong pananaw.  Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2007, 23-33.

Guia de Filipinas (1885).  Manila: Establicimiento Tirog. de Ramirez y Girauder.

Jagor, F. (1875).  Travels in the Philippines.  Manila: Filipiniana Book Guild, 1965.

Junker, L.L. (2000).  Feasting, raiding, and trading: The political economy of Philippine native chiefdoms.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Legazpi, M.L.d. (1564-1568a).  Expedition of Miguel Lopez de Legazpi, 1565, Cubu.  Nasa E.H. Blair at J.A. Robertson (mga pat. at tsln.), The Philippine islands, 1493-1898; Volume II.  Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909, 196-221.

Legazpi, M.L.d. (1564-1568b).  Letters to Felipe II of Spain, Cubu, July 12, 15, and 23, 1567 and June 26, 1568.  Nasa E.H. Blair at J.A. Robertson (mga pat. at tsln.), The Philippine islands, 1493-1898; Volume II.  Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909, 232-243.

Loarca, M.L.d. (1582).  Relation of the Filipinas islands.  Nasa E.H. Blair at J.A. Robertson (mga pat. at tsln.), The Philippine islands, 1493-1898; Volume V.  Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909, 34-187.

Marcos, F.E. (1976).  Tadhana: The history of the Filipino people; Volume II.  Manila: F.E. Marcos.

Memorias de Bohol (1890).  Kalipunan ng mga dokumento hinggil sa Bohol.  Manila: Philippine National Archives.

Mercado, L.N. (1972).  Reflections on buut-loob-nakem.  Philippine Studies, 20 (4), 577-602.

Morga, A.d. (1609).  Historical events of the Philippine islands.  Pat. Jose Rizal.  Manila: National Historical Institute, 1997.

Moya, F.J.d. (1883).  Las islas Filipinas en 1882.  Madrid: Establicimento Tipograpico de El Correo.

Pretchett, H.S. (1900).  Atlas of the Philippine islands.  Washington: Governtment Printing Office.

Putong, C. (1965).  Bohol and its people.  Manila: C. Putong.

Rodriguez, I.R. (1525-1640).  Historia de la provincia Agustiniana del Smo. nombre de Jesus de Filipinas.  Manila: Arnoldus Press, 1978.

Salazar, Z.A. (2011, Hunyo 22-24).  Ang pagsasakasaysayan ni Rizal sa sinaunang pamayanang Pilipino at pagtingin dito ng bagong historiograpiyang Pilipino.  Di-nalathalang papel, International Conference on Rizal in the 21st Century: Global and Local Perspectives, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.  Nakuha noong Hunyo 9, 2013, mula sa Bahay-Dagitab ng Bagong Kasaysayan: http://goo.gl/lf38K.

Sanchez, M. (1711).  Vocabulario de la lengua Bisaya.  Manila: Gaspar Aquino de Belen.

Scott, W.H. (1994).  Barangay: Sixteenth century Philippine culture and society.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Sitoy, V.Jr. (1985).  A history of Christianity in the Philippines: The initial encounter; Volumes I-II.  Quezon City: New Day Publishers.

Villanueva, A.F. at A.DG. Mariano (1960).  Ang wika natin.  Quezon City: Bedes Publishing House.

Wernstedt, F. at J.E. Spencer (1967).  The Philippine island world: A physical, cultural, and regional geography.  Los Angeles: University of California Press.