[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Kagandahang Panloob at Panlabas sa Paglalarawan ng Kababaihan sa Piling Epikong Pilipino

Ignatius H. Vinzons
Department of Social Sciences
University of the Philippines (UP), Manila

Mary Dorothy dL. Jose
Department of Social Sciences
University of the Philippines (UP), Manila

Abstrak

Mayroong umiiral na paniniwalang mataas ang katayuan ng kababaihan sa sinaunang lipunang Pilipino.  Katibayan nito ang pagkakaroon ng babaylan bilang lider-ispiritwal at pagtatamasa ng kababaihan ng mga karapatan sa lipunan.  Ang kakulangan sa historikal na sanggunian hinggil sa mataas na katayuan ng kababaihan sa lipunan ang nagbunsod upang balikan ang mga epiko bilang mayamang batis pangkasaysayan.  Kung “nawawala” man ang kababaihan sa mga kronikang Español at sa iba pang sanggunian, matatagpuan natin sila sa mga anyo ng tradisyong pasalita, na itinuturing bilang sinaunang anyo ng kasaysayan, gaya ng mga epiko.

Upang lubos na maunawaan ang pagtingin sa kababaihan sa lipunan, piniling suriin ang kagandahang panloob at panlabas sa paglalarawan ng kababaihan sa piling epikong Pilipino.  Gamit ang feministang pananaw at perspektibang Sikolohiyang Pilipino, susuriin ang pagtatalaban ng kagandahang panloob at panlabas ng kababaihan nang sa gayo’y mapagtanto kung ano ang mas pinapahalagahan sa pagturing sa kababaihan sa lipunan.  Kaugnay nito, tatalakayin ang mga batayan ng kagandahang panloob (pagmamalasakit, pakikipagkapwa, at kalinisan ng loob) at panlabas (pagiging maputi, makinis, maganda, at mahinhin) upang magsilbing balangkas sa pagsusuri sa imahen ng kababaihan sa mga epiko.  Tatlong epiko lamang ang pinili (Hudhud hi Aliguyon mula sa Luzon; Epiko ni Labaw Donggon mula sa Visayas; at Ang Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin mula sa Mindanao) at sinuri upang mapalitaw ang ugnayan ng kagandahang panloob at panlabas sa paglalarawan ng kababaihan sa mga epiko.

Abstract

There is an existing belief that women have high social standing in ancient Philippine society.  This may be corroborated by the presence of the babaylan as early woman spiritual leader and the existence of social rights enjoyed by women.  It is the lack of historical sources to women’s high social standing which provoked this study to look at epics as fertile historical sources.  If the existence of women’s high status in society is not found in the Spanish accounts or other references, we can find them in the form of oral traditions, like the epics, which are considered early forms of history.

To have a better understanding of how women are viewed in society, the concepts of kagandahang panloob and panlabas of women as portrayed in selected epics are investigated.  Using the feminist view and the perspective of Sikolohiyang Pilipino, an analysis of the relationship between kagandahang panloob and panlabas will be conducted to eventually determine which of these two is more valued in terms of how women are regarded in society.  Consequently, the criteria for kagandahang panloob (concern, pakikipagkapwa, and purity of heart) and panlabas (having fair skin, smooth skin, being pretty, and ladylike/modest) will be discussed to serve as bases for the analysis of the image of women in the epics.  Only three epics were chosen (Hudhud hi Aliguyon from Luzon; Epiko ni Labaw Donggon from Visayas; and Ang Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin from Mindanao) and evaluated to make evident the connection that exists between kagandahang panloob and panlabas in describing women in the epics.

PANIMULA

Mahalaga ang pagdadalumat sa konsepto ng kagandahang panloob at panlabas sapagkat maituturing itong bahagi hindi lamang ng kalinangan kundi lalo’t higit ng pagkataong Pilipino.  Kinikilala ng dalubhasang gaya ni Prospero Covar (1991) na binubuo ang pagkataong Pilipino ng “loob” at “labas” kung kaya’t mainam na masuri ang pagtatalaban ng dalawang nabanggit na konsepto tungo sa higit pang pag-unawa sa pagkakakilanlang Pilipino.  Mahalaga ang konsepto ng “loob” sapagkat dito nakasalalay ang relasyon natin sa “kapwa,” na kaiba sa others sa wikang Ingles, na binibigyang-kahulugan sa kulturang Pilipino bilang “ekstensyon ng sarili” o “pagkakaisa ng sarili at iba” (Enriquez 1978).  Sa sinaunang kalinangan, mas pinapahalagahan ang pagbubuklod ng loob at labas, ng “katawan” at “kaluluwa,” upang makamit ang ginhawa.  Kaiba ito sa panahon ng kolonyalismong Español kung saan mas pinapahalagahan ang paghihiwalay ng katawan (labas) at kaluluwa (loob) sapagkat sa paghihiwalay lamang nito makakamit ang “kaligtasan” o ang buhay na walang hanggan ayon sa Simbahang Katoliko (Jose at Navarro 2004).

Sa pag-aaral ng kalinangang Pilipino, mahalagang balikan ang sinaunang panahon sapagkat dito natin matatagpuan ang katutubong kalinangan, ibig sabihin, hindi pa nabahiran ng impluwensiyang dayuhan dahil sa kolonyalismo.  At dahil ang kasaysayan ng isang lahi ay hindi lamang salaysay na patungkol sa kalalakihan kundi maging sa kababaihan din, mahalagang tukuyin ang katayuan at papel ng kababaihan sa panahong hindi pa nasasadlak ang lipunan sa patriyarkang dulot ng kolonyalismo upang mas maunawaan natin ang ating pinagmulan.

 

Sa papel na ito, susuriin ang mga konsepto ng kagandahang panloob at panlabas sa paglalarawan ng kababaihan sa piling epikong Pilipino (isa mula sa Luzon, isa mula sa Visayas, at isa mula sa Mindanao).  Sa kadahilanang nagsimula lamang sa pagsakop sa Pilipinas ang pagsusulat ng kasaysayan batay sa kronolohiya, masasabing ang tradisyong pasalita na gaya ng mga alamat, awit, epiko, tula, at iba pa ang maituturing na sinaunang anyo ng kasaysayan (Veneracion 1990).  Bagama’t maituturing na kathang-isip lamang ang mga ito, ipinapahiwatig nito ang katotohanang umiral sa lipunan ng mga grupong etniko sa sinaunang panahon—ang mga halagahin at konseptong taglay na ng ating mga ninuno dati pa.  Samakatwid, sa paraan ng tradisyong pasalita ang pagsasakasaysayan nila sa sinaunang panahon.

Masasalamin sa mga epiko ang konsepto ng bayani bilang mandirigma na taglay ng sinaunang lipunan ng mga grupong etniko.  Bagama’t puro lalaki ang bida sa mga epiko, may mahahalagang papel na ginampanan ang kababaihan sa pakikipagsapalaran ng lalaking bayani at kadalasang nagtatagumpay ang lalaking bayani sa tulong ng kababaihan (Jose 2012).  Maaaring repleksyon ng mataas na katayuan sa sinaunang lipunan ng kababaihan ang mahahalagang papel nila na ipinapakita sa mga epiko, subalit hindi nangangahulugang walang diskriminasyon o opresyong nararanasan ang kababaihan sa lipunan, at maaaring maging ito ay masasalamin sa mga epiko.  Gamit ang perspektibang feminista sa pananaliksik kung saan kinikilalang “nawawala ang kababaihan sa kasaysayan” (Camagay 1998) at perspektibang Sikolohiyang Pilipino na nagsusuri at umuunawa sa diwa at pagkataong Pilipino (Enriquez 1976), tatangkaing mapalitaw sa papel na ito ang katutubong konsepto ng kagandahang panloob at panlabas sa paglalarawan ng kababaihan sa piling epikong Pilipino—ano ang mga batayan ng kagandahang panloob at panlabas batay sa mga epiko—at susuriin kung alin ang mas pinapahalagahan sa paglalarawan sa kababaihan.

ANG KONSEPTO NG KAGANDAHANG PANLOOB AT PANLABAS

Maiuugnay natin ang konsepto ng loob at labas sa konsepto ng espasyo.  Ang mga bagay na may loob ay may labas.  Ang loob at labas ng isang bagay ay pawang may mga bahaging nakatago at nakalantad.  Animo’y isang laro ng taguan ang ugnayang namamagitan sa konsepto ng loob at labas, kung saan nagsisiwalat ang nakatago at nagkukubli ang nakalantad.  Isa itong kaganapang napuna ng mga sinaunang Griyego na tinawag nilang aletheia (Alejo 1990).  Hindi madaling masiyasat ang loob sapagkat may sarili itong espasyong ikinukubli.  Samantalang ang labas, bagama’t lantad ay maaaring magkubli ng kung ano ang nasa loob.  At dahil dito, isang hamon ang pagtukoy sa loob ng isang tao.  At higit pang mabigat na hamon ang pagkilala sa ugnayang namamagitan sa panloob at panlabas ng isang tao.

Ang ugnayan ng panloob at panlabas ay nagbibigay sa atin ng sukatan sa pagkilala sa kung ano ang nararapat, mabuti, at maganda. Mahalaga ang ugnayan ng loob (kaluluwa) sa labas (katawan).  May kinalaman ang loob sa pag-iisip at damdamin samantalang tinutukoy naman ng labas ang pisikal na anyo at galaw/kilos (Jose at Navarro 2004).  Sa karamihan ng pagsisiyasat at pag-aaral, kapuna-puna na mas pinagtutuunan ng pansin ang panloob kaysa sa panlabas, sapagkat ang loob ang siyang pinakasalamin ng katauhan at pagkatao ng isang tao (Miranda 1989).  Bukod pa rito, ang loob ang siyang nagtatagpi sa ating kapasyahan, pag-iisip, at pakiramdam.  At ang pag-iisang ito ang ugat ng ating etikal na direktibo na kilala rin bilang konsensya o budhi ng tao (Mercado 1972).  At kung gusto nating makilala ang isang tao, ang loob nito ang dapat nating siyasatin sapagkat ito ang tanging makakapagbibigay ng totoong anyo nito (Ileto 1979).  Hindi walang basehan ang pagbibigay ng higit na pansin sa panloob kaysa sa panlabas.  Subalit may panganib na makulong tayo sa panloob na aspekto nang hindi batid ang kaugnayan nito sa panlabas na salik.  Nagnanais ang tao na may pagtutugma ang ugnayan ng loob at labas.  Ito ang dahilan kung bakit kapag di tumutugma ang loob sa labas, sinasabi nating may mali, o hindi maganda.  Halimbawa, “maganda nga siya subalit pangit naman ang ugali.”  Kung papipiliin, makikita rin ang mas pagbibigay-halaga sa loob sa komentong “hindi bale nang hindi maganda o guwapo, basta mabuti ang kalooban.” Isa pang halimbawa ang obserbasyong “nagbabait-baitan ngunit nasa loob naman ang kulo.”

Sa ating paglalarawan ng kagandahang loob, kailangan muna nating maunawaang hindi maihihiwalay ang konseptong ito sa konsepto ng kapwa, sapagkat hindi mababatid ang kagandahang loob kung walang kapwa na pagtutuunan nito.  Sinasabing tunay na konseptong Pilipino ang konsepto ng kapwa sapagkat kahit na patungkol ito sa ibang tao, nananatili pa rin ang pagkilala na may pagkakahalintulad tayo sa iba pang tao, di tulad ng katumbas sa Ingles na others na kung saan kinikilala mismo ang ibang tao bilang iba sa ating sarili.  Samakatwid, ang pagpapamalas ng kagandahang loob ay may kaakibat na pagkilala sa kapwa bilang kapwa, maging sila man ay ibang tao (outsider) o hindi ibang-tao (one-of-us).  At sa ating pagtingin sa konsepto ng kagandahang loob, masasabi nating isa lamang ito sa mga elementong bumubuo ng mas malawak na pakikipag-ugnayan ng kapwa sa kapwa, o pakikipagkapwa (Enriquez 1978).

Madalas na iniuugnay ang kagandahang loob sa pagbibigay o pagiging mapagbigay.  At madaming posibleng paraan upang makapagbigay at maipakita ang kagandahang loob.  Subalit sa dami ng mga posibleng indikasyon ng kagandahang loob sa pamamagitan ng pagbibigay, maaaring maituro ang ugat nito sa dalawang bagay: ang pagkukusa at ang layunin ng tao (Enriquez 1978; Miranda 1989; De Castro at Sy 1998; Resurreccion 2007).  Hindi maituturing na may magandang loob ang taong nagbibigay nang walang pagkukusa o hindi bukal sa loob.  Gayundin ang masasabi natin sa taong nagbibigay nang may hindi magandang layunin.  Pagpapatunay ito sa mahalagang ugnayan ng panloob at panlabas—na ang mga indikasyon ng kagandahang loob na makikita sa pamamagitan ng panlabas na pagkilos ay tumutugma sa kalooban ng tao.  Samakatwid, maaaring ang pagkilos ng isang tao ay nagbubunga ng maganda at nakakatulong sa kapwa, maaaring ang taong yaon ay may sapat na kakayahang magbigay, at maaaring may kakayahan ding magkusa.  Subalit kung walang tahasang pagkukusa at walang mabuting layunin, ang taong may mga kilos na nagdudulot ng maganda ay hindi maaaring matawag na may magandang kalooban (De Castro at Sy 1998).

Ngayong malinaw na ang batayan ng kagandahang loob, maaari na nating balangkasin ang iba’t ibang indikasyon nito.  Ayon kay Ron Resurreccion (2007), nananatili sa antas ng konsepto ang mga naunang pag-aaral kaugnay ng katangiang tinataglay ng kagandahang loob kaya’t gumawa siya ng pagsusuri na may empirikal na basehan.  Gayumpaman, lumalabas na halos magkakatulad ang kanilang natuklasan.  Para kay Resurreccion (2007), lumalabas na may tatlong katangiang kumakatawan bilang pundasyon ng kagandahang loob: (1) malasakit, (2) pakikipagkapwa, at (3) malinis na kalooban.  Ang taong may malasakit ay sensitibo kung kaya’t nararamdaman niya ang pangangailangan ng kapwa.  May konsiderasyon siya.  Inuuna niya ang kapakanan ng iba, at hindi alintana ang abalang dulot ng pagtulong.  Ang katangian ng pakikipagkapwa naman ay patungkol sa pagbibigay-serbisyo, pagiging maalalahanin, at pagiging laging handa sa pagtulong na walang kapalit.  At huli sa lahat, ang taong may malinis na kalooban ay marangal, marunong tumanaw ng utang na loob, nagbibigay pag-asa sa ibang tao, at parating sinsero o tapat.  Maaaring magbigay-larawan ang lahat ng mga katangiang ito sa kung ano ang ibig sabihin ng taong may mabuting kalooban.

Gamit ang mga nabanggit na indikasyon ng kagandahang panloob at panlabas, ating tunghayan ang mga batayan ng kagandahang panloob at panlabas sa paglalarawan ng kababaihan sa piling epikong Pilipino.  Sa pamamagitan nito, inaasahang maitanghal ang halaga ng kababaihan sa lipunan na sinasalamin ng mga epiko, at matuklasan kung alin ang mas binibigyang-pansin sa paglalarawan sa kababaihan—ang kagandahang panloob ba o panlabas.

PAGLALARAWAN NG KABABAIHAN SA PILING EPIKONG PILIPINO

Sa tradisyunal na kasaysayan, kapansin-pansing hindi gaanong nababanggit ang papel ng kababaihan sa pagbubuo ng bayan.  Sa mga epiko, mas litaw ang papel na ginampanan ng kababaihan sa ikatatagumpay ng mga lalaking bida.  Kadalasang may kakaibang kapangyarihan o lakas ang kababaihan upang tulungan ang lalaking bida na talunin ang kalaban o di kaya’y palakasin o buhaying muli ang nanghina o namatay na lalaking bida (Jose 2012).  Ating tunghayan kung paano isinalarawan ang kagandahang panloob at panlabas ng kababaihan sa piling epiko.

Mula sa Luzon:
“Hudhud hi Aliguyon” ng mga Ifugao 

Itinuturing na buhay na kayamanan at isa sa mga katangi-tanging pamanang pampanitikan at kultural sa daigdig, ang “Hudhud hi Aliguyon” ay epikong nanggaling sa mga Ifugao na naninirahan sa kabundukan ng Cordillera.  Umiinog ang epiko sa labanan sa pagitan nina Aliguyon at Pumbakhayon, mga bayani ng magkalabang kaharian, na nagwakas lamang sa pagpapakasal ni Aliguyon kay Bugan na kapatid ni Pumbakhayon, at ni Pumbakhayon kay Aginaya, na kapatid naman ni Aliguyon (Daguio 1952).  Bagama’t umiinog ang kuwento sa labanan sa pagitan nina Aliguyon at Pumbakhayon, masasalamin ang paglalarawan sa kagandahang panloob at panlabas ng kababaihan sa epiko.

Kapansin-pansin ang pagbibigay-diin sa pisikal na anyo at galaw/kilos bilang indikasyon ng kagandahang panlabas ng kababaihan.  Kinakailangang maganda ang babaeng pakakasalan ng lalake, lalo na ng anak ng datu.  Kahit ang karaniwang kababaihan ay isinalarawan din bilang “kaibig-ibig,” mapuputi, na tumutukoy sa pisikal na anyo, at mahihinhin, na tumutukoy naman sa galaw/kilos.  Makikita rin ito sa paglalarawan kay Bugan, kapatid ni Pumbakhayon na pinakasalan ni Aliguyon, nang ibigay ni Pumbakhayon ang gong kay Aliguyon at sabihing hindi sanay na nasisikatan ng araw at naiinitan ang kanyang kapatid:

Ibig sabihin, kagaya ng isang binukot (o babaeng inalagaan mula pagkabata upang mapanatili ang kinis ng kutis at kagandahan nang sa gayo’y makahingi ng malaking bigay-kaya ang mga magulang sa sinumang magpapakasal dito balang araw), kailangang alagang-alaga ang babae mula pagkabata upang manatiling makinis at maputi ang kutis.  Mapapansin din ang pagproprotekta ng kalalakihan sa kababaihan nang iuwi na ni Aliguyon si Bugan sa kanyang kaharian at siya mismo ang nag-asikaso ng magiging paliguan ni Bugan.

Bumaba si Aliguyon sa bakuran;
Tumayo si Pumbakhayon,
Tinanggal sa dingding ang gong na tanso;
Kumuha ng mamahaling kumot na habi sa kanilang bahay.
Inilagay niya ang mga ito sa pinto ng bahay,
Sinabihan si Aliguyon, “Gamitin mo ang gong sa daan
At sa pamamagitan nito payungan mo si Bugan,
Pagkat napakainit,
At hindi siya sanay sa init” (Abul 1984).

Mababanaag din ang pagpapahalaga sa pisikal na anyo sa mga sumusunod na pagsasalarawan sa kababaihan.  Halimbawa, nang dumalaw si Pumbakhayon sa kaharian ni Aliguyon, ipinatawag niya ang magagandang babae upang handugan niya ng awit ng pag-ibig.  Sa okasyon ng paglalaban ng mga mandirigma, mapapansing tagamasid lamang at tagabigay ng suporta sa kalalakihan ang kababaihan.  At sa parehong pagkakataon, tila kinakailangang maganda ang anak na babae ng datu sapagkat sila ang susi sa pagkakasundo ng nagdidigmaang kaharian sa pamamagitan ng pagpapakasal sa anak na lalake ng kalabang datu.  Pinakasalan naman ni Pumbakhayon ang kapatid na babae ni Aliguyon na si Aginaya.  Bagama’t maaaring tingnang pabor ito sa kababaihan dahil sila ang susi sa kapayapaan ng kaharian, maaari ring tingnang itinuturing na obheto ang babae na hindi isinasaalang-alang ang sariling kagustuhan mapanatili lamang ang kapayapaan.  Sa kasaysayan, mahalaga sa pagsasambayanan ang pag-iisang-dibdib, lalo na sa uri ng maginoo kung kanino nakasalalay ang kapangyarihan, sapagkat nakasalalay ang bayan sa magkakaugnay na pamilya (Salazar 2010).

May paglalarawan din sa pagiging mapagmalasakit o maalalahanin bilang batayan naman ng kagandahang loob sa kaso ng mga ina nina Aliguyon at Pumbakhayon na sa magkaibang okasyon ay tumungo sa lugar kung saan naglalaban ang dalawa, karga ang kani-kanilang sanggol, at sabihan silang itigil muna ang laban dahil oras na ng pagkain:

Sigaw si Dumulao, “Ano ang
Dahilan at
Nagpapaitim kayo sa bai-baitang na palayan, mga anak?
Ikaw, Pumbakhayon, umakyat sa bakuran ng kamalig
Upang umuwi si Aliguyon at makakain” (Abul 1984).

Makikita rin ang malasakit ng ina ni Aliguyon kay Bugan nang agad niya itong niyakap, pinakain, at pinagpahinga pagdating nito sa Hannanga.  Gayundin, maaaring pagpapahayag ng pakikipagkapwa na kaugnay ng kagandahang panloob ang pagpayag nina Bugan at Aginaya na magpakasal sa kalaban ng kanilang kapatid na lalake sapagkat batid nilang ito ang magbibigay-katahimikan hindi lamang sa kani-kanilang pamilya kundi sa buong kaharian sa pangkalahatan.  Maaaring para sa kanila, ito ang ambag nila sa katiwasayan ng pamumuhay ng mga mamamayan sa kani-kanilang kaharian.  Mabuti ang kanilang layunin at alam nilang magdudulot ng maganda ang kanilang desisyon.  Isang halimbawa ito ng malinis na kalooban na kaugnay rin ng kagandahang panloob.

Mula sa Visayas:
“Hinilawod I: Ang Epiko ni Labaw Donggon” ng mga Sulod mula sa Gitnang Panay

Maipagmamalaki naman ng mga Sulod mula sa kabundukan ng Panay ang “Epiko ni Labaw Donggon.”  Uminog ang epiko sa pakikipagsapalaran ni Labaw Donggon, isa sa tatlong makikisig na anak ng diwatang si Abyang Alunsina at ng kanyang mortal na asawang si Buyung Paubari.  Kapatid niya sina Humadapnon at Dumalapdap.  Dahil diwata ang kanilang ina, mayroon din silang mga kakaibang kapangyarihan.  Si Labaw Donggon, pagkapanganak pa lamang ay agad nang lumaki at nakipagsapalaran upang maging asawa ang tatlong babae (Jocano 1964).

Sa aspekto ng kagandahang panlabas, mas detalyado ang epikong ito kaysa sa unang epiko.  Dito mapapansin ang paghahambing ng mga bahagi ng katawan ng babae sa prutas o kaya sa hayop.  Halimbawa, nang marating ang bahay ni Abyang Ginbitinan at hanapin ito sa inang si Anggoy Matan-ayon, isinalarawan ni Labaw Donggon ang babae bilang isang binukot:

Mistulang lumulutang na hikay
Di-mapakaling puting balanak
Sa loob ng umuugoy na duyan
Sa loob ng magandang kayong duyan.
Bawat bahay narating ko na
Bawat hagdan napanhik ko na
Pinakamarilag ang iyong anak
Pinakamarikit ang mutyang dilag.

Mga binti’y walang bahid
Tulad ng saha ng punong saging
Mga hita’y simputi ng balanak
Tila balat na biniyak ng kawayan
Walang bahid, hugis ay kaakit-akit.
Mga hakba’y kaaya-aya
Indayog ng balakang
Tumataas, bumababa—tunay na kaiga-igaya
Sa kanyang kawalang-malay
Ang mutya, ang pinakatagong dilag
Na si Abyang Ginbitinan
Dito sa bungad ng Handog
Dito sa Ilog Halawod (Jocano 1984).

Kapansin-pansin ang paghahambing sa mga bahagi ng katawan ng babae sa hayop, prutas, at kawayan (ang “hikay” ay malaking sugpo na kulay puti; ang “balanak” ay isdang may puting tiyan).  Litaw rin ang pagpapahalaga sa pisikal na anyo sa kagustuhan ng mga kapatid ni Labaw Donggon na sina Buyung Dumalapdap at Humadapnon na pakasalan ang magagandang kapatid ni Malitung Yawa na sina Burigadang Pada Sinaklang Bulawan, ang isa pa ay si Lubaylubyok Hanginon Mahuyukhuyukan, mga binukot.  Sa mga binanggit na halimbawa, malinaw ang pagtukoy sa pisikal na anyo bilang batayan ng kagandahang panlabas ng kababaihan.

Litaw rin ang pagturing sa babae bilang obhetong kailangang maging maganda upang magkaroon ng pagkakataong humingi ng malaking bigay-kaya ang mga magulang sa sinumang nais magpakasal dito.  Halimbawa, nang hilingin ni Labaw Donggon na paakyatin siya ni Matan-ayon sa bahay ay sinabi ni Matan-ayon na papayag lamang siya kung mag-aalay si Labaw Donggon ng mga alahas na yari sa ginto.  At nang masilayan ni Labaw Donggon si Abyang Ginbitinan ay nasabi niyang siya ang babaeng kanyang pakakasalan, siya ang babae ng kanyang pangarap dahil napakaganda niya.  Nang magbalik si Labaw Donggon sa Handog kasama ang kanyang mga magulang upang hingin ang kamay ni Ginbitinan, idineklara ni Matan-ayon kung ano ang bigay-kaya na kailangang ialay ni Labaw Donggon upang pumayag siyang maipakasal dito ang kanyang anak na si Ginbitinan: isang malaking baul na yari sa kahoy na may mga ukit ang mabigat na takip, na may lamang magagandang tela at damit.  Sumagot si Buyung Paubari na dadagdagan pa niya ang kahilingan ni Matan-ayon ng isang malaking bahay na may sampung bubong at isandaang pinto.

Makikita rin ang hindi pantay na turing sa kalalakihan at kababaihan sa kaso halimbawa ng pag-aasawa ng marami ng lalaking pinuno.  Matapos magpakasal kay Ginbitinan, niligawan at pinakasalan din ni Labaw Donggon si Doronoon.  Naghanap pa siya ng ikatlong asawa sa katauhan ni Malitung Yawa, isang babaeng may-asawa na.  Ang kababaihan din ay parang bagay na pinaglalabanan ng kalalakihan upang malaman kung sino ang magiging kapareha niya, isa pang manipestasyon ng pagpapahalaga sa pisikal na anyo kaugnay ng kagandahang panlabas.   Nang sabihin ni Labaw Donggon kay Buyung Saragnayan ang kanyang pakay na pakasalan ang asawa nitong si Malitung Yawa, sinabi ni Saragnayan na mapapasakanya lamang si Malitung Yawa kung mapatay siya ni Labaw Donggon sa isang laban.  Nang matunugan ni Saragnayan na matatalo na siya ng dalawang anak ni Labaw Donggon na sina Asu Mangga at Baranugun, agad niyang pinuntahan ang asawang si Malitung Yawa at pinayuhang kapag asawa na siya ni Labaw Donggon ay huwag siyang maging banidosa at suplada sa iba pang asawa nito, mga katangiang nagpapakita ng galaw/kilos kaugnay ng kagandahang panlabas.  Ipinakita rin ang pagprotekta sa kababaihan nang matapos halikan at yakapin ang asawa at makatulog si Malitung Yawa, tinawag ni Saragnayan ang mga alipin at pinabantayan ang asawa at sinabing huwag hayaang dapuan ng langaw ang amo.

Sa usapin naman ng kagandahang loob, masasabing may pakikipagkapwa ang babae; laging handang tumulong na walang hinihintay na kapalit lalo na sa kanyang mga kapamilyang itinuturing bilang “hindi ibang tao.”  Kadalasang hinihingi ang opinyon ng ina o asawang babae mula sa simpleng bagay gaya ng kasuotan ng lalake sa pagtungo sa mahalagang gawain (hal. paghahanap ng mapapangasawa) tungo sa malalaking bagay (hal. pagpapayo hinggil sa pagpatay sa kalaban).  Sa paghahanap sa unang mapapangasawa, si Abyang Ginbitinan, na nakatira sa bukana ng Handog malapit sa ilog ng Halawud, hiningi muna ni Labaw Donggon ang opinyon ng kanyang inang si Anggoy Alunsina kung angkop ang kanyang gayak sa paghahanap sa nililiyag.  Gayundin ang ginawa niya bago magpunta sa kinaroroonan ni Malitung Yawa nang pinabuksan ni Labaw Donggon ang malaking baul at kumuha rito ng magarang kasuotan pagkatapos ay kinonsulta si Ginbitinan kung angkop na ang kanyang kasuotan saka nagpunta kay Malitung Yawa.  Gayundin ang ginawa ng dalawang anak ni Labaw Donggon na sina Asu Mangga at Baranugun nang konsultahin nila ang lolang si Abyang Alunsina kung paano nila mapapatay si Saragnayan.  Agad ding nagpadala ng lason si Abyang Alunsina upang matalo ng kanyang mga apo ang kalaban.  Sa lahat ng nabanggit na halimbawa, mapapansin ang kahandaang tumulong ng kababaihan nang walang hinihintay na kabayaran o kapalit, halimbawa pa rin ng pagmamalasakit kaugnay ng kagandahang loob.

Ang pagiging sinsero o matapat naman ay indikasyon ng pagkakaroon ng malinis na kalooban na isa ring batayan ng kagandahang loob.  Ipinakita ng kababaihan sa epiko ang pagiging matapat sa pamamagitan ng pagsasabi kung ano ang saloobin nila.  Nang magbigay ng huling habilin si Saragnayan kay Malitung Yawa, tinanong siya ng asawang babae kung bakit ikinulong lamang niya si Labaw Donggon sa halip na pinatay at kinain nang sa gayo’y hindi na siya natagpuan at nailigtas ng kanyang mga anak.  Nang makabalik si Labaw Donggon sa dalawang asawa, naawa ang mga ito sa kanya subalit hindi napigilang sabihin ni Ginbitinan na kaya ganoon ang sinapit ng asawa ay dahil sa kagustuhan nitong agawin ang asawa ng iba, si Malitung Yawa.  Mapapansing walang pangingiming inihayag ng kababaihang nabanggit ang kanilang saloobin kahit na may posibilidad na magalit ang kausap na lalake dahil tila kinukuwestyon nila ang desisyon nito.

Ang malasakit at kahandaang tumulong nang walang kapalit na indikasyon ng kagandahang loob ay ipinamalas ng kababaihan sa epiko.  Nang makita ng dalawang babae ang asawa sa kalunos-lunos na kalagayan ay pumalahaw sila ng iyak at pinag-isipan kung paano matutulungan ang asawa.

Gayumpaman, nang mapag-alaman nilang matatag pa rin ang kagustuhan ni Labaw Donggon na gawing asawa si Malitung Yawa, sinabi nila ritong hindi nila ibabalik ang lakas nito kung itutuloy nito ang planong pagpapakasal kay Malitung Yawa.  Kinumbinsi sila ni Labaw Donggon na maghahati-hati silang lahat sa kalinga at pagmamahal nito.  Sinabi rin ni Labaw Donggon na kailangan sa isang mandirigmang kagaya niya ang magkaroon ng maraming asawa sapagkat kailangan niya ng mga tagapagmana ng kanyang pangalan at kapangyarihan.  Nakumbinsi naman ang dalawang babae at habang nakahiga si Labaw Donggon, tumalon sila sa ulo at paa ng asawa habang tinatawag ang pamlang (mga anting-anting na nagbibigay ng lakas kay Labaw Donggon) upang ibalik ang lakas niya:

Habang nakahiga si Labaw Donggon
Niluksuhan ng dalawang babae
Sa ulunan, sa paanan.
“Kami’y sumasamo sa iyo, pamlang
Ipahiram ang iyong kapangyarihan
Ibalik sa kanya ang dating kakayahan
Ang katatagan ng isang manlalaban
Ang kasanayan ng isang binata
Ang katapangan ng isang bagong tao
Angkop kay Buyung Labaw Donggon” (Jocano 1984).

Makikita sa huli ang pagtatagumpay ng mga asawa ni Labaw Donggon na ibalik ang kanyang lakas at kapangyarihan.  Pagkatapos ng ritwal, tinulungan siya ni Doronoon na makatayo at saka pinasigaw nang malakas upang patunayang nagbalik na ang kanyang kapangyarihan.  Bagama’t may pag-aatubili, pinili pa rin ng dalawang asawa na tulungan si Labaw Donggon upang muli itong lumakas.

Mula sa Mindanao:
“Ang Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin” ng mga Talaandig ng Bukidnon 

Nanggaling naman sa mga Talaandig mula sa gitnang Bukidnon ang epiko tungkol sa “Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin” (Eugenio 2001).  Matatagpuan kay Matabagka hindi lamang ang kagandahang panlabas gaya ng paglalarawan sa mga babae sa mga naunang epikong sinuri, kundi lalo’t higit ang kagandahang panloob na kanyang taglay.

Kung ihahambing sa unang dalawang epiko, masasabing mas may pagbibigay-pansin sa kagandahang panloob ng kababaihan ang epikong ito.  Makikita kay Matabagka (kilala rin bilang Pigsayo at Yambunganon, na ang ibig sabihi’y di mapapantayan ng kahit na sinong babae) ang malasakit bilang indikasyon ng kagandahang loob, lalo na ang pagiging sensitibo sa nararamdaman ng iba, nang hikayatin niyang maglabas ang kapatid na si Agyu ng saloobin nito sa kanya.  Alam niyang mabigat ang bumabagabag sa kapatid, at maging ang kanilang ina ay nag-aalala na sa ikinikilos ni Agyu, kung kaya’t kahit na ayaw nitong sabihin sa kanya ang suliranin, ginawa niya ang lahat mapagkuwento lamang ito.  Alam ni Matabagka na hindi matitiis ng kapatid kung makita siyang nalulungkot kung kaya’t nang umiyak siya’y napilitan na si Agyu na sabihin ditong ang ikinakabagabag niya’y ang napipintong paglusob ni Imbununga sa kanilang kaharian, ang Nalandangan.  Dahil pinaniniwalaang anak ng diyos ng araw ang kalabang si Imbununga kung kaya’t kilala siya dahil sa kakaibang lakas at tapang.  Nanggagaling ang kanya diumanong kapangyarihan sa taklubu, isang anyo ng anting-anting ng mga mandirigma at mang-aawit na nagbibigay ng kapangyarihang hindi makita ng iba at ibayong lakas, at kasanayan sa pagsasalaysay para sa mga mang-aawit.  Siya rin ang itinuturing na ama ng pinakamalakas na buhawi.

Ang pagkukusa o bukal sa loob na pagtulong na walang hinihintay na kapalit ay isa pang indikasyon ng pakikipagkapwa kaugnay ng kagandahang loob.  Ipinakita ito ni Matabagka nang magdesisyon siyang kumilos upang tulungan si Agyu at ang kaharian ng Nalandangan na walang nagsasabi sa kanyang gawin ito.  Ang kalinisan ng kalooban, partikular ang pagbibigay ng pag-asa sa ibang tao na isa ring indikasyon ng kagandahang loob, ay ipinamalas naman niya nang tumawa lamang siya matapos malaman ang suliranin ni Agyu at siniguro sa kapatid na wala siyang dapat ipag-alala sapagkat siya na ang gagawa ng paraan upang mapigilang mangyari ang kinatatakutan ng kapatid.  Sinabi sa kanya ni Agyu na huwag niyang ituloy ang kanyang binabalak sapagkat kahit sa pinakamatapang nilang mandirigma’y hindi niya ito sinabi sapagkat ayon sa bantay ay walang makakatalo kay Imbununga.  Ipinaalala niya sa kapatid na siya’y isang babae at hinubog siya hindi para makisangkot sa digmaan kundi upang maging isang babae, gayunpaman batid ni Agyu ang taglay na ibayong lakas at tapang ng kapatid.  Indikasyon naman ng galaw/kilos na may kinalaman sa kagandahang panlabas ang pagiging malakas at matapang ni Matabagka.  Ipinamalas niya ito sa pamamagitan ng pakikidigma sa mga kaaway:

Sila ay nangabigla
Pagkat walang babala
Yaong mga malalapit
Tinamaan ng sibat
Nahuling walang-malay
Nangasawing-palad
Nalagutan ng hininga

…Walang makasawata
Walang makaapula
Kay Bongkatolan Haglawan
Kay Momosan Laglagingan (Melendrez-Cruz 1984).

Samantala, inihanda ni Matabagka ang kanyang libon (maliit na basket na lalagyan ng nganga) at binulay (maliit na patalim), at sulinday (sombrero na nagagawa niyang paliparin at sakyan).  Nang mapag-alaman ni Agyu na umalis si Matabagka sakay ng kanyang sulinday, agad niya itong pinasundan sa kanyang mga kawal.

Kaakibat pa rin ng pagiging mapagmalasakit ang bukal sa loob na pagtulong nang hindi alintana ang sariling kapakanan matulungan lamang ang iba, na maaari ring maging batayan ng pakikipagkapwa kaugnay ng kagandahang loob.  Ipinamalas ito ni Matabagka nang magdesisyon siyang puntahan ang kaaway na si Imbununga kahit alam niyang delikado ang kanyang gagawin.  Nang makaharap na si Imbununga at alukin siya nitong magpakasal ay pumayag siya kahit labag ito sa loob niya, maisagawa lamang niya ang kanyang plano.  Nang magkaroon ng pagkakataon ay pinatulog niya si Imbununga sa pamamagitan ng pagpapakain dito ng ngangang may pampatulog.  Dito, kapansin-pansin ang pagiging mapangahas ni Matabagka, na maaaring tingnan bilang indikasyon ng galaw/kilos kaugnay ng kagandahang panlabas na hindi tipikal na ikinakabit sa kababaihan.  Hinanap niya ang baklaw at taklubu na naglalaman ng pinakamalakas na buhawi at pinanggagalingan ng lakas ni Imbununga at nang matagpuan niya ang mga ito, agad siyang tumakas sakay ng kanyang sulinday.  Nang magising si Imbununga at matuklasang ninakaw ni Matabagka ang kanyang baklaw at taklubu, agad niya itong ipinahabol sa kanyang mga kawal.  Nahirapan ang mga kawal na habulin si Matabagka sapagkat napakabilis ng sulinday nito.  Inutusan ni Imbununga ang hangin na ibaba si Matabagka sa dalampasigan.

Ang kagandahang panlabas na may kinalaman sa pisikal na anyo ay pahapyaw lamang na isinalarawan nang habang nakikipaglaban si Matabagka sa mga kawal ni Imbununga sa dalampasigan ay umitim ang kanyang maputing kutis dahil sa tagal ng labanan.  Maging ang mga kawal ni Agyu ay nagulat sa pangingitim ni Matabagka.  Tinulungan nila si Matabagka upang makatakas mula sa mga kawal at makauwi sa Nalandangan.  Nagpatuloy ang paglalarawan sa kanyang pisikal na anyo kaugnay ng kagandahang panlabas nang makabalik sa Nalandangan kung saan halos hindi makilala si Matabagka at nanghihinang igalaw ang kanyang mga “kaibig-ibig at kahali-halinang mga binti.”  Pagkakita sa kanya, natuwa si Agyu sa kanyang pagbabalik, gayundin ang libo-libong kababaihan sa Nalandangan.  Hindi rin halos makapagsalita sa tuwa si Matabagka.  Naupo siya sa itinalagang lugar para sa kanya. Ang pagbibigay-serbisyo na manipestasyon ng pakikipagkapwa na isa ring batayan ng kagandahang loob ay ipinamalas ng kanyang ina nang bigyan siya nito ng nganga upang magbalik diumano ang lakas nito.  Agad na bumalik ang lakas ni Matabagka pagkanguya sa nganga at isinalaysay ang mga nangyari sa kanya.

Sa bandang huli, ipinamalas pa rin ni Matabagka ang malasakit at malinis na kalooban na indikasyon ng kagandahang loob nang pagbigyan niya ang hiling ni Imbununga na buhayin ang kanyang mga napatay na kawal sa pamamagitan ng paglalagay ng nganga sa kanilang mga bibig:

Inutusan ang mamaen
Inatasan ang nganga:
“Mamaeng mahimala
Paro’n sa mga bihag
Nganga na mahiwaga
Sa ngipin ng alipin
Na mamamayang Nengnengan
Taumbayang Nalandangan
Muli mo silang palakasin
Muli mo silang buhayin” (Melendrez-Cruz 1984).

Napanumbalik ang kapayapaan sa kaharian sa pagkakaisang-dibdib ni Matabagka at ni Imbununga.  Sa kabuuan, makikita kay Matabagka hindi lamang ang kagandahang panlabas kundi ang kagandahang panloob.

PAGLALAGOM

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa kagandahang panloob at panlabas sa paglalarawan ng kababaihan sa piling epikong Pilipino mula Luzon, Visayas, at Mindanao, magkakaroon tayo ng ideya hinggil sa katayuan ng kababaihan sa sinaunang lipunan.  Bagama’t parehong mahalaga ang konsepto ng loob at labas sa pagkatao, at mas mainam pa ngang magkaugnay ang dalawa upang makamit ang ginhawa (Salazar 1977; Covar 1991; Jose at Navarro 2004), mapapansin sa tatlong epiko ang mas pagbibigay-diin sa kagandahang panlabas na may kinalaman sa pisikal na anyo at galaw/kilos (bagama’t mas hayag ang kagandahang panloob sa kaso ni Matabagka na nagpamalas ng malasakit, pakikipagkapwa, at kalinisan ng loob; subalit kung isaaalang-alang ang kabuuang epiko ni Agyu, malinaw pa rin ang pagpapahalaga sa kagandahang panloob kaugnay ng pagtingin sa kababaihan).  Samantala, ang manaka-nakang paglalarawan sa kagandahang panlabas ng kalalakihan at pagtutuon naman sa batayan ng kagandahang panloob nila na nakabatay sa kahandaang tumulong sa kapwa gamit ang kanilang tapang at lakas ay nagpapahiwatig din sa kung ano ang mas pinapahalagahan sa kalalakihan kung ang mga epiko ang pagbabatayan.

Mainam na sanggunian ang mga epiko ng mga konseptong umiral sa sinaunang lipunan.  Ang papel ng kalalakihan bilang bayaning mandirigma ang sentral na tema ng mga epiko.  Habang malinaw na ang katapangan at pagiging malakas at matagumpay sa laban ang mga katangiang mahalaga para sa kalalakihan, hayagan ding ipinakita sa mga epiko ang masusing paglalarawan sa pisikal na anyo gayundin ang galaw/kilos ng kababaihan na tila ba sinusukat ang kanilang pagkatao batay sa kagandahang panlabas.  Hindi rin maitatatwang ang pagturing sa kababaihan bilang obheto ay naroon na sa sinaunang lipunan (pagkukumpara sa bahagi ng katawan ng babae sa prutas o hayop; konsepto ng binukot; pagsasakripisyo sa kanila sa pamamagitan ng pagpapakasal sa kalabang lalake; pagsasakripisyo ng pagkababae upang magampanan ang tungkulin ng lalake).  Sa pagsusuri sa epiko ni Matabagka, tila kakaiba ang matutunghayan dito sapagkat si Matabagka ay nagpamalas ng pambihirang kagandahang panloob (pagiging mapagbigay, pagkukusa, pagkakaroon ng mabuting layunin, pagkilos na nagdulot ng maganda, pagmamalasakit, pakikipagkapwa, at pagkakaroon ng malinis na kalooban).  Sa katunayan, nakasalalay ang tagumpay ng bidang lalake na si Agyu sa mga katangiang ito ni Matabagka.  Maaaring tingnan ito bilang patunay na hindi lamang nasusukat ang kahalagahan ng kababaihan sa panlabas na anyo kundi lalo’t higit sa taglay na kagandahang panloob.  Mas mainam kung magkatugma ang kagandahang panloob at panlabas gaya ng kaso ni Matabagka.  Gayunpaman, kung babasahin ang buong epiko ni Agyu (na binubuo ng tatlong bahagi: (1) pamahra o panawagan; (2) kepu’unpu’un o simula; at (3) sengedurug o buong pangyayari (Melendrez-Cruz 1984), masasabi pa ring nakatuon sa kalalakihan ang kabuuan ng salaysay at sa kabila ng kakaibang tapang at lakas na ipinamalas ni Matabagka, mababanaag pa rin ang seksistang katangian ng lipunan.  Halimbawa, kinakailangang “magpakalalaki” ni Matabagka upang maisakatuparan lamang ang pagnanais na maipagtanggol ang kaharian.  At nang sa gitna ng labanan ay malaman ng mga kalabang kalalakihan na siya ay babae, itinigil nila ang laban sapagkat napagtanto nila na “hindi nila kapantay” ang kalaban (bagay na sinamantala naman ni Matabagka sapagkat nang iurong nila ang mga sibat ay pinagpapatay naman sila ni Matabagka).

Sa pangkalahatan, masasabing mas mataas ang katayuan ng kababaihan sa lipunan sa sinaunang panahon.  Ilang katibayan nito ang pamumuno ng kababaihan sa larangang ispiritwal bilang babaylan at pagkakaroon nila ng mga karapatan gaya ng pakikipagdiborsyo, pagpapalaglag, pakikipagkalakalan, pagpapangalan sa anak, at iba pa (Salazar 1996; Salazar 2010; Jose 2012).  Gayumpaman, batay sa mga epiko ng mga grupong etniko mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao, masasabing nagpapatunay ang mas maigting na paglalarawan sa kagandahang panlabas ng kababaihan na may pagturing din sa kababaihan bilang mga obheto na kailangang maging kaaya-aya sa paningin lalo na ng kalalakihan.  Sa pagtatangkang maitanghal ang kahalagahan ng kababaihan sa sinaunang lipunan, maaaring magkaroon ng tendensyang lumikha ng ilusyon na nagsimula lamang nilang maranasan ang diskriminasyon at opresyon sa panahong kolonyal.  Kaugnay naman ng etnisidad, mababanaag sa mga epiko na sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kalinangan ng mga grupong etniko sa Pilipinas, nananalaytay ang pagkakatulad sa usapin ng pagpapahalaga sa bayaning mandirigma bilang tagapagpanatili ng kaayusan ng lipunan.  Subalit kung sisilipin ang mga epiko, masasabing may pagkakapareho rin ang mga grupong etniko sa aspektong hindi pa rin ganap na ligtas ang kababaihan sa seksistang pagtingin sa kanila ng sinaunang lipunan.

Sanggunian

Abul, P. (1984).  Aliguyon: Isang hudhud ng mga Ifugao.  Tsln. J.T. Mariano.  Nasa J. Castro, A. Antonio, P. Melendrez-Cruz, J. Mariano, at R.J. Makasiar-Puno (mga pat.), Antolohiya ng mga panitikang ASEAN: Mga epiko ng Pilipinas.  Manila: Komite ng Kultura at Kabatiran ng ASEAN, 7-62.

Alejo, A.E. (1990).  Tao po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao.  Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University.  Binagong edisyon, 1992.

Camagay, M.L.T. (1998, Hulyo-Setyembre).  Wither women’s history?  Review of Women’s Studies, 8 (2), 1-9.

Covar, P.R. (1991).  Pilipinolohiya.  Nasa V.V. Bautista at R. Pe-Pua (mga pat.), Pilipinolohiya: Kasaysayan, pilosopiya, at pananaliksik.  Manila: Kalikasan Press, 37-45.

Daguio, A.T. (1952).  Hudhud hi Aliguyon: A translation of an Ifugao harvest song with an introduction and notes.  Di-nalathalang tesis masterado, Stanford University, USA.

 

De Castro, L.D. at P.A. Sy (1998).  Critical care in the Philippines: The “Robin Hood principle” vs. kagandahang loob.  Journal of Medicine and Philosophy, 23 (6), 563-580.

Enriquez, V.G. (1976).  Sikolohiyang Pilipino: Perspektibo at direksyon.  Nasa L.F. Antonio, E.S. Reyes, R.E. Pe, at N.R. Almonte (mga pat.), Ulat ng unang pambansang kumperensya sa sikolohiyang Pilipino.  Quezon City: Pambansang Samahan ng Sikolohiyang Pilipino, 221-243.

Enriquez, V.G. (1978, Enero-Disyembre).  Kapwa: A core concept in Filipino social psychology.  Philippine Social Sciences and Humanities Review, 42 (1-4), 100-108.

Eugenio, D.L. (pat.) (2001).  Philippine folk literature: The epics.  Quezon City: University of the Philippines Press.

Ileto, R.C. (1979).  Pasyon and revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Jocano, F.L. (1964, Marso).  The epic of Labaw Donggon.  Philippine Social Sciences and Humanities Review, 29 (1), 45-103.

Jocano, F.L. (1984).  Labaw Donggon: Epikong Sulod.  Tsln. R.J. Makasiar-Puno.  Nasa J. Castro, A. Antonio, P. Melendrez-Cruz, J. Mariano, at R.J. Makasiar-Puno (mga pat.), Antolohiya ng mga panitikang ASEAN: Mga epiko ng Pilipinas.  Manila: Komite ng Kultura at Kabatiran ng ASEAN, 115-194.

Jose, M.D.dL. (2012).  Imahen ng kababaihan sa mga piling epikong Filipino.  Dalumat E-Journal, 3 (2), 105-117.

Jose, M.D.dL. at A.M. Navarro (2004).  Katawan at kaluluwa sa kronikang Espanyol: Pagtatalaban ng seksuwalidad at espiritwalidad noong dantaon 16-18.  Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 12 (1), 64-80.

Melendrez-Cruz, P. (1984).  Agyu: Isang ulaging Manobo.  Nasa J. Castro, A. Antonio, P. Melendrez-Cruz, J. Mariano, at R.J. Makasiar-Puno (mga pat.), Antolohiya ng mga panitikang ASEAN: Mga epiko ng Pilipinas.  Manila: Komite ng Kultura at Kabatiran ng ASEAN, 195-360.

Mercado, L.N. (1972).  Reflections on buut-loob-nakem.  Philippines Studies, 20 (4), 577-602.

Miranda, D.M. (1989).  Loob; The Filipino within: A preliminary investigation into a pre-theological moral anthropology.  Manila: Divine Word Publications.

Resurreccion, R.R. (2007).  Malasakit, pakikipagkapwa, at kalinisang loob: Mga pundasyon ng kagandahang loob.  Malay, 19 (3), 67-78.

Salazar, Z.A. (1977).  Ang kamalayan at kaluluwa: Isang paglilinaw ng ilang konsepto sa kinagisnang sikolohiya.  Nasa L.F. Antonio, L.L. Samson, E.S. Reyes, at M.A. Paguio (mga pat.), Ulat ng ikalawang pambansang kumperensya sa sikolohiyang Pilipino.  Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 131-144.

Salazar, Z.A. (1996).  Ang babaylan sa kasaysayan ng Pilipinas.  Nasa University of the Philippines Center for Women’s Studies, Women’s role in Philippine history: Selected essays.  Quezon City: University of the Philippines Center for Women’s Studies, 52-72.

Salazar, Z.A. (2010, Mayo 5-7).  Kasarian at kapangyarihan sa panahon ng inskripsyon sa binatbat na tanso ng Laguna (IBTL).  Di-nalathalang papel, Pambansang BAKAS Seminar-Workshop, University of the Philippines, Manila.

Veneracion, J.B. (1990).  Ang kasaysayan sa kasalukuyang henerasyon.  Historical Bulletin, 27-28 (1983-1984), 13-27.