[DIWA E-Journal Tomo 4, Nobyembre 2016] Mga Kumbati ng Pagbalikwas: Mga Salimbayang Naratibo ng Pagtanggi sa Planta ng Koryente sa Mauban, 1996–2004

Nelson Turgo
Cardiff University, United Kingdom

Abstrak

Hinaharaya ang mga pook sa iba’t ibang paraan ng iba’t ibang mga tao, at ang mga harayang nangingibabaw ang siyang lumilikha sa pook at dinadalumat ito sa lohika ng naturang pagharaya, sa paraang, kung sinuman ang nagwawagi ang siyang masusunod sa pagdisenyo ng mga pook batay sa kaniyang nais.  Ang mga nagaping haraya ay naisasaisantabi, madalas ay nababaon sa limot at guho ng kanilang pagkabigo.  Subalit ang ganitong pangyayari ang nag-aalis sa mga pook ng kanilang dinamismo, ng mga sapin-saping naratibo na nagbibigay-katangian sa kanilang pag-iral.  Ito ang dahilan kung bakit may pangangailangang buhaying muli ang mga ‘di-maburang’ tinig ng mga pook sapagkat ang mga ito rin ay may katuturan sa paghubog ng huli.  Kung hindi maisasalba at tuluyan nang makakalimutan, tuluyang matatabunan ang mga proseso at espasyo ng nagbabanggaang puwersa na nakipagtutungali upang buuin ang mga pook na ito, at magbibigay ng impresyon na ang mga pook na ito, sa kanilang kaibuturan, ay hindi naging sentro ng tunggalian kundi mapayapang lugar ng pagkakaunawaan at kooperasyon.  Sa isang banda, sa pagsipat sa isang partikular na lugar, tulad ng isang planta ng kuryente sa Mauban, Quezon, mauunawaan natin kung paano ang paglikha ng mga pook ay puno ng pakikibaka, at kapagdaka, (isang bagay na lagi nating naisasawalang-bahala), ang pook ay higit pa sa pagiging espasyo, ito rin ay isang naratibo ukol sa mga tao at ang kanilang pagharaya sa sarili nilang papel sa kasaysayan at paghuhubog-pook.

Abstract

Places are imagined in different ways by different people and the imagining that dominates constructs the place and permeates it with the logic of its own imagining, in a way, whoever wins designs the landscape to his desire. The vanquished imaginings are parlayed and relegated to the margins, often forgotten and buried under the rubble of their own defeat. But that deprives places of their dynamism, of multi-layered narratives that characterise their very fabric of existence. That is the reason why there is a need to recuperate the ‘unforgotten’ voices of places because they too matter in the construction of their existence. If not salvaged and totally forgotten, the processes and spaces of opposing forces that did battle in producing places are muted and rendered invisible, giving the impression that in essence places are never a site of contestation but rather a peaceful arena of mutual understanding and cooperation. In a sense, by looking at a particular place, a power plant in Mauban, Quezon in this instance, we get to understand how creation of places are fraught with struggle. It tells us how places are more than structures, they are also geographies of resistance, and as such, and this we always take for granted, a place is more than a place, it is also a narrative about its people and their take on their imagining of their own role in history and place-making.

Keywords: geographies of resistance, local history, locality, modernity, place, space

Introduksiyon

Sa papel na ito, nais kong bigyan ng pansin ang mga kumbatihang naganap sa panahong itatayo at sa mga unang taon ng pagkakatayo ng isang power plant sa Mauban, mula 1996 hanggang 2004. Kumbaga, isang hugpungan ng kasaysayan ng planta ang nais kong idarang sa lente ng pagsusuri. “Kumbati” ang tawag namin sa Mauban sa kuwentuhan o istoryahan subalit nais ko itong gamitin bilang isang kritikal na termino na nagpapanukala ng diskursibong talabtaban ng haka-haka sa pagitan ng iba-ibang sektor ng lipunan na may interes sa isang partikular na isyu. Kaya naman, tila isang parang ng digma ang kumbatihan sapagkat ito’y pagpukol at pag-ilag sa hagis ng matutulis na ideya na maaaring makasugat o magbuo ng bagong pananaw sa mga nakikibahagi. Kumbaga, critical engagement ito sa isyung pinag-uusapan at pagtatampok din naman ng posisyon ng mga nakikibahagi, kung nasa luklukan ba ng kapangyarihan o nasa laylayan. Dahil usapin din ng kapangyarihan ang anumang kumbatihan, lagi’t laging may nalilikhang paraan at panahon ng pagtutol at pagsalunga sa orasyon o dikta ng may kapangyarihan at tatawagin ko itong heograpiya ng pagbalikwas. Kapag sinabing heograpiya ng pagbalikwas, interesado ako sa mga akto o pahayag na nagtatampok sa pagkuwestiyon at pagtutol sa diskurso ng namamayaning kalagayan o order, alalaong baga, yaong diskurso ng kapangyarihan. Iminumuwestra ng heograpiya ng pagbalikwas na maaaring yugyugin ang kapangyarihan sapagkat “power is open to gaps, tears, inconsistencies, ambivalences, possibilities for inversion, mimicry, parody and so on” (Pile and Keith, 1997, 27).

Dahil dito, hindi maiiwasang magkaroon ng dikotomiya—ang heograpiya ng kapangyarihan at heograpiya ng pagbalikwas. Ang heograpiya ng kapangyarihan ay napapatungkol sa mga gawi ng nasa poder o may hawak ng mga instrumento ng pananaig upang itaguyod ang isang proyekto o ideolohiya samantalang ang heograpiya ng pagbalikwas ay tumuturol sa mga gawi ng pagtutol ng mga grupo at indibidwal. Kasabay nito, nakasalalay sa heograpiya ng pagbalikwas ang halagahin ng pag-unawa sa konsepto ng pook—na hindi lamang ito koleksiyon ng mga gusali o estruktura kung hindi sona din ng produksiyon ng mga nagtutunggaliang interes at diskurso, kumbaga sona ng ugnayan ng kapangyarihan na may ipinababatid na mensahe sa babasa nito. Ibig sabihin, dapat na igpawan ang materyalidad ng mga pook na nilulugaran natin at bagkus damhin at hanapin din ang mga tagong naratibong nagluwal sa kanila, kasama na dito ang mga heograpiya ng pagbalikwas. Ayon nga kay Escobar,

“Yet the fact remains that place continues to be important in the lives of many people, perhaps most, if we understand by place the experience of a particular location with some measure of groundedness (however, unstable), sense of boundaries (however, permeable), and connection to everyday life, even if its identity is constructed, traversed by power, and never fixed” (2001, 140).

Itong pahimatong na ugnayan sa pang-araw-araw na buhay ang sadyang marikit para sa akin sapagkat ang power plant bilang pook ay luklukan ng kasaysayan ng Mauban sa isang bahagi ng panahon nito na nagbabadya ng nagbabago at pinagbabagong pagbasa sa Mauban bilang isang kultural at historikal na komunidad. Dagdag pa, may pagtukoy din ito sa aking paniniwala na may pag-iral lamang ang pook batay sa at kaugnay ng partikular na salalayan. Hindi ito “nariyan lamang” na maaaring ideskubri kundi may materyalidad at binuo ng lipunan (Hudson, 2001, 257). Mahalaga rin sa akin ang pagtatampok ng power plant bilang isang pook at paggamit sa pook bilang kritikal na lunsaran ng pag-unawa sa bayang aking pinagmulan sa panahon ng pagsasantabi sa fixity at lokalidad upang bigyang-daan ang samot-saring ideya ng mobilidad at non-place katulad ng “displacement, deterritorialisation, diaspora, migration, traveling, nomadology” (Escobar, 2001,  141) at marami pang iba. Alalaong baga, ang sambit ko’y “getting back into place” sambit nga ni Casey (1993).

Nais mag-ambag ang pag-aaral sa pagpapayaman pa lalo ng iskolarsyip ng Sikolohiyang Pilipino lalong-lalo na sa pagsasanib ng dalawang larangan, kasaysayan at heograpiya, na may tuon sa nosyon ng kumbati bilang metodolohiya sa pananaliksik at sa extensiyon, pagpapaliwanag ukol sa tagpuang pangkapangyarihan ng mga heograpiya ng pagbalikwas. Sa mas espesipikong layon, una, nais pang dukalin ng pag-aaral ang paglikha ng mga alternatibong kasaysayang pambayan gamit ang mga kumbati sa isang partikular na estruktura, sa kaso ng pag-aaral na ito, isang power plant sa bayan ng Mauban; ikalawa, nag-aambag din ang pag-aaral sa kahalagahan ng pagbawi o rekuperasyon ng mga naglaho nang tinig lalo na yaong mga naisantabi ng mainstream discourse sa pagpapalalim ng ating unawa sa ugnayan ng nalikhang kapaligiran sa akto ng mga taong gumagamit nito at ikatlo, mahalaga ring banggitin na may balakin ding mag-ambag ang pag-aaral sa pagpapayaman ng mga kritikal na konsepto sa Filipino na maaaring magamit sa pag-unawa sa kompleksidad ng kontemporanyong panahon kagaya ng salitang kumbati.

Ang bayan ng Mauban ay isa sa 40 bayan sa lalawigan ng Quezon. Nasa baybayin ito ng Lamon Bay at pinaggigitnaan ng mga bayan ng Atimonan at General Luna. May populasyon itong 61,141 noong 2010. Isa itong first class municipality at isa sa may pinakamataas na annual budget sa lahat ng mga bayan sa Quezon. Agrikultura pa rin ang pangunahing ikinabubuhay ng mga naninirahan dito katulad ng mga taong sinasakop ng pag-aaral bagama’t ang pinakamalaking pinagkukunang kita ng bayan ay ang buwis na ibinabayad ng planta. Ang power plant ay natatayo sa Cagsiay 1, mga kalahating oras na paglalakbay gamit ang traysikel o awto mula sa bayan. Naitayo ito noong 2000 at noong 2015 naitayo din ang karagdagang planta sa nasabi ring lokasyon na may kapasidad na 455 megawatts.

Noong 1996, sa taon ng pagsisimula ng konsultasyon ng QPL para sa pagtatayo ng power plant, ang Mauba’y isang fourth class municipality. Bagama’t malaki ang potensiyal nitong umunlad bunsod ng mayamang lupa’t malawak na dagat ng Lamon Bay, tila napakakupad pa rin ng pag-angat nito. Noong 1996, PHP24,138,232.73 milyon ang laang gugugulin ng Mauban. Sa populasyon nitong 47,457 (noong 1996), masasabing hindi ito sapat para sa mga proyektong mag-aangat sa antas ng buhay ng mga mamamayan nito. Wala rin namang major investment na nangyayari sa Mauban bago ang power plant. Ang mga bansuhan o sawmill na dati’y nagpapasok ng malaking salapi sa kabang-yaman ng Mauban ay hindi na rin maasahan. Naging mahigpit na ang pambansang pamahalaan sa pagkakaloob ng license to operate sa mga sawmill bunsod na rin ng malawakang illegal logging sa mga kabundukan ng bansa. Iisa na lamang ang nagpapatuloy sa operasyon at ang tatlong natitira pa’y tumigil na. Sa kalakhan, katulad ng iba pang local government unit, umaasa lamang ang bayan sa Internal Revenue Allotment (IRA) na nagmumula sa pambansang pamahalaan. Kaya naman, sa foreign investment na nagkakahalaga ng USD800 M na dala ng power plant, inaasahan ang malaking epekto nito sa lokal na ekonomiya ng Mauban.

Pinakamalaki na sigurong investment ang power plant sa kasaysayan ng Mauban, banyaga man o lokal. Makikita lamang ang imposing infrastructure ng planta kung sasadyain ito sa Cagsiay 1 o mula sa isla ng Cagbalete, lalo na sa gabi kung saan puskit ang dagitab nito sa rurok ng kadiliman na lalo pang pinatingkad ng repleksiyong likha ng dagat. May lawak na 87 ektarya ang planta, at binubuo ito ng catchment basin para sa coal, ang main power plant building, ang chimney at residential colony para sa ilang mga taong naninirahan dito lalo na ang mga banyagang manggagawa na nakaaalam sa mga technical at management aspect ng planta. Isa itong coal-fired power plant at may kapasidad na 460MW at nagsu-supply sa Luzon grid. Ilang beses na ring nagpalit ng pagmamay-ari ang planta at sa kasalukuyan ay isang Thai company, ang Electricity Generating Public Co (EGCO), ang nagmamay-ari nito.

METODOLOHIYA NG PAG-AARAL

Alternatibong kasaysayang pambayan ang himatong ng pag-aaral na ito sa pamamagitan ng pag-ukilkil sa mga heograpiya ng pagbalikwas na nalikha ng pagtatayo ng power plant sa bayan ng Mauban. Bunsod nito, limitado ang panahong sakop ng pag-aaral, mulang 1996–2004. Sa pamamagitan ng paglalantad sa artsibo ng mga tinig na nagbigay hugis sa diskusyon bago matayo ang planta at sa mga unang taon ng operasyon nito, nais ng pag-aaral na ipakitang ang pagbubuo ng anumang pook o gusali ay may kasama ring pagniniig ng mga nga-uumpugang palagay partikular na yaong lumilikha ng oposisyonal na kuro sa opisyal at tinig ng establisimyento. Ibig sabihin, hindi lamang halimbawa dapat pansinin ang mga yero at semento o tubo o kawad na nagbigay hugis sa planta, bagkus mahalaga ring mabatid ang mga kumbati ng kaniyang pagkakatatag—ang mga heograpiya ng pagbalikwas.

Bahagi ang artikulong ito ng mas masaklaw na pag-aaral na sumipat sa kumbatihang pampook sa bayan ng Mauban bilang isang paraan ng pagbubuo ng alternatibong kasaysayan nito. Natapos ang pag-aaral noong 2005 at isinumite sa UP Diliman bilang MA tesis (Turgo, 2005). Kumbaga, rekuperasyon din ito ng mga datos na matagal ding nabinbin at nakulong sa mga pahina ng tesis. Bagama’t ang mayorya ng datos ay nagmula sa tesis, dinagdagan din naman ito ng mga bago sa taunang pagbisita sa Mauban ng may-akda at pakikipagkumbati sa mga taong may kaugnayan sa pagtatayo ng planta. Para sa partikular na pag-aaral na ito, eklektiko ang lapit at gamit na metodo sa pagbubungkal sa mga kumbati na nakapulupot sa pagbuo ng power plant. Una, arkaybal ang paraan ng pag-aapuhap sa mga kumbati ukol sa planta. Mahalagang daymensiyon ng pagbubungkal sa mga kumbati at pumailanlang kaakibat ng power plant ang mga nasulat dito sa mga lokal at pambansang pahayagan, yaong mga online, kasama na rin ang mga annual report ng mga kompanyang may-ari nito, ang katitikan ng mga pagpupulong ng Sangguniang Bayan ng Mauban sa mga panahong itatayo at nasa mga unang taon ng pagkakatayo nito. Ikalawa, sa mga giwang at sulok ng mga usapan at usapin ukol sa power plant na hindi lumabas o nabanggit sa mga sinuring publikasyon, nagsagawa ang may-akda ng panayam sa mga taong naging bahagi at nakialam o may kinalaman sa pagkakatayo ng power plant.

Sa pangkalahatan, 15 tao ang kinapanayam, mula sa mga lider ng mga samahang tumutol o sumuporta sa pagkakatayo ng power plant hanggang sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ng mga kompanyang nagpondo sa power plant. Nagtagal ang mga panayam sa loob ng 30 minuto hanggang dalawang oras. Katulad ng mga publikasyon, binusisi at kinategorya ang mga panayam ayon sa mga paunang namamayaning tema ng pag-aaral na may patungkol sa pagtutol sa power plant at ang mga kompleksidad nito. Hindi gumamit ng anumang computer assisted qualitative data analysis (CAQDAS) sa pagsusuri sa mga panayam dahil nang mga panahong ginagawa ang pag-aaral, walang kabatiran ang may-akda ukol dito. Ikatlo, bilang dating miyembro ng Sangguniang Bayan ng Mauban bilang kinatawan ng mga kabataan (tumayong pangulo ng Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan mula 1994–1999) at tagapayo sa Punong Bayan (mula 2000–2005), sa ganang sarili, balon din ng impormasyon ang may-akda. Kaya naman, may gahis ding awtoetnograpi (tingnan halimbawa si Ellis, 1998) ang pag-aaral. Personal niyang nakasalamuha ang mga taong nabanggit sa pag-aaral at may danas din siya sa mga pangyayaring nabanggit dito. Nailangkap din dahil dito ang mga personal na kaalaman ng may-akda ukol sa mga isyung kinaharap ng power plant sa mga krusyal na panahong sakop ng pag-aaral. Maraming beses na ring nakabisita ang awtor sa power plant bilang opisyal ng lokal na pamahalaan.

KUMBATI: PAUNANG TALA SA MGA HEOGRAPIYA NG PAGBALIKWAS

Hindi kagyat na lantad na bago maisaayos ang arkitektura o reglamento ng isang pook o gusali ay madami itong pinagdadaanan. Halimbawa na, may prosesong legal na kailangang tuparin. Ang plano’y kailangang aprobahan ng awtoridad. Kung ang pagtatayo ng isang gusali o pagsasaayos ng isang pook ay makaaapekto sa buhay ng mga naninirahan o gumagamit ng pasilidad nito, may konsultasyong pampubliko upang alamin ang opinyon ng mga may interes sa usapin. Ibig sabihin, ang mga pook at gusali na ating inookupa o ginagamit ay natayo o nabuo kabahagi ng mga pag-uusap—kaulayaw ng mga kontradiksiyon at pagkakaiba—ng mga tao at sektor na may bahagi sa kanila. Alalaong baga, hindi lamang may materyalidad ang mga pook at gusali o ginagamit sa mas praktikal na usapin (ang bahay bilang tirahan o playground bilang libangan ng mga bata, halimbawa), kaakibat din nito ang mga ideolohiyang nakakabit sa kanilang pagkabuo, ang mga usaping nagbigay buhay sa kanila sa proseso ng paglikha. Himatong nga kay Escobar,

This means recognizing that place, body, and environment integrate with each other, that places gather things, thoughts, and memories in particular configurations; and that place, more an event than a thing, is characterized by openness rather than by a unitary self-identity (2001, 143).

Kaya naman, anumang pook na nalilikha ay may mga kaakibat na kumbati. Subalit ang kakanyahang ito ng mga pook ay hindi nalalantad sapagkat kapag nalikha na sila, malaki ang posibilidad na ang namayaning ideolohiya o pagtingin sa nabuong estruktura ang kakatha sa pang-araw-araw na paggamit o pag-unawa nila. Halimbawa, ipinakita ng pag-aaral ni Lico (2003) sa mga estrukturang nabuo sa panahon ni Marcos ang ideolohiya ng awtoritaryanismo na nakapaloob sa pagkakagawa at disenyo ng mga gusali sa kaniyang administrasyon, ibig sabihin, maaaring basahin ang mga gusali bilang daluyan ng mga ideya—ng mga namamayaning ideya ng kaniyang panahon. Repleksiyon kung gayon ang mga pook at gusali ng mga pangyayari at idelohiya ng panahong sa kanila’y lumikha. O ayon nga kay Lico, maaari din naman talagang magamit ang pook at gusali bilang paraan ng lehitimasyon ng kapangyarihan ng namamayaning dispensasyon. Kaugnay nito, hindi naman semyotika ng disenyo o ideolohiya ng lumikha ng pook at gusali ang pakay ko o representasyon ng pook sa mas kultural na heograpiya nito (Duncan and Ley, 1993) kundi ang mga kumbati ng pagbalikwas o pagtutol sa paglikha ng gusali o pook, o yaong patiwalag na kumbating naganap sa paglikha ng isang estruktura—ang mga heograpiya ng pagbalikwas. Kapag sinabi kong heograpiya ng pagbalikwas, nais kong ihimatong ang mga pagkakataon na gawi na lumikha ng oposisyonal na punto kontra sa namamayaning pagtingin o posisyon sa isang isyu. Sapagkat kung may sariling heograpiya ang dominasyon kung saan hinuhubog nito ayon sa internal na lohika ang mga bagay-bagay, mayroon din naman ang pagbalikwas. Ibig sabihin, kung may kumokontrol, may iigtad at pilit na tatakas. Kaya naman, pinapakita ng heograpiya ng pagbalikwas na

People are positioned differently in unequal and multiple power relationships, that more and less powerful people are active in the constitution of unfolding relationships of authority, meaning and identity, that these activities are contingent, ambiguous and awkwardly situated but that resistance seeks to occupy, deploy and create alternative spatialities from those defined through oppression and exploitation (Pile and Keith 1997, 2-3).

Bakit ko napili ang kumbati bilang salalayan ng mga argumentong aking ilalahad ukol sa pangyayaring naganap sa pagtatayo at operasyon ng planta noong 1996–2004? Nagsimula ito sa aking personal na danas. Noong miyembro pa ako ng Sangguning Bayan, tuwing mayroon kaming mga bisita sa pulong upang magpahayag ng saloobin sa amin o isyung pambayan, impormal na sasabihin ng kalihim namin na “may kumbati ang ating bisita ukol sa….” Pagkatapos ng ‘kumbati’ ng bisita, makikikumbati na ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pamamagitan ng palitan ng kuro. Nais ko ring banggitin na lumaki ako sa isang pamilya lagi kong nariringgan ng salitang kumbati. Kapag hinahanap ko ang aking tatay, pagkauwi ko mula sa eskuwela, kalimitang sasabihin ng aking nanay na nasa kumbatihan ang aking tatay. Pupuntahan ko siya sa lugar kung saan siya nakikikumbati at doon ay makikinig ako sa palitan ng kuro, sa debate, ng aking tatay at kaniyang mga kaibigan ukol sa iba-ibang isyu sa pamayanan o sa aming bayan. Dito ko nakita ang halaga ng kumbati sa aking pagpapaliwanag ng mga isyung aking tatalakayin sa artikulong ito.

Subalit bukod dito, may dagdag pa akong paliwanag ukol sa pagkapili ng salitang kumbati. Ang “kumbati” ay nagmula sa salitang Espanyol na “combate” na ang ibig sabihin ay “fight, combat, mental strife, contradiction, opposition” (Raventos and Gold, 1995, 57). Sa salin sa Tagalog na ginawa ni Andres Bonifacio, ang kaniyang pakahulugan sa salitang combate ay “pakikihamok” (Quibuyen, 1999, 5). Sa Mauban, imikin ang kumbati ng mga tao kapag nais makipag-usap sa iba: “Kumbatihan tayo.” Ang kumbati’y isang paraan ng pagkilala’t pag-unawa sa kausap at sa proseso’y pag-alam na rin sa lipunang pinagmulan ng kakumbati. Ang pagkumbati kung gayo’y pagbuo at pagwasak sa pagkilala’t pag-iral ng isang entidad. Sa pag-aaral na ito, ipinapanukala ang sumusunod na lawas ng kumbatihan:

Ang pakikipagkumbati’y paglikha ng lunan ng pag-iral na ang nag-uusap ay ang salimbayang puwersa: ang sarili, ang kausap, ang paksa. Ang tatlong nagkukumbating mga tinig na ito ay hindi lamang pagkukumbati ng ganang sarili. Anumang kumbati’y pagtatalaban din ng mga prehuwisyong namamayani at nagsasalpukan sa komunidad ng mga nakikibahagi. Ang kumbati’y hindi lamang nangyayari sa level ng salita o pakikipag-usap. Ang kumbati’y lumilikha ng mga panibagong paraan ng pakikipagkumbati na maaaring nasa porma ng isang akda, estruktura, larawan, mapa, plano, monumento, gusali. Hindi lamang tao ang nangungumbati. Lahat ay maaaring mangumbati. Ibig sabihin lamang, ang araw-araw na buhay ay araw-araw na pangungumbati. Ang pag-akda ng isang tula’y pangungumbati katulad rin naman ng pagbasa nito. Ang pagtatayo ng isang estruktura’y pangungumbati katulad rin naman ng pagbaklas nito upang magpundar ng bago. Ganoon din ang pagpapasá ng isang batas o kaya’y pagdisenyo ng isang planong pambayan. Pagkumbati sila sa lahat ng maaaring puwersang sumuporta at humadlang sa kanilang balakin at adhikain.

MGA HEOGRAPIYA NG PAGBALIKWAS: MGA KUMBATI NG PAGTUTOL SA POWER PLANT

Kahiman at dominasyon ng kumbati ng modernidad ang nagbuo ng pagtanggap sa power plant (at ang ebidensiya ng mga bagong gusali at mga pambayang proyekto na nagawa dahil sa buwis at donasyong bigay nito), may mga oposisyonal ding kumbati na nabuo at nagparating ng pagtutol sa pagtatayo ng power plant sa Mauban. Kung susumahin ang kumbati ng oposisyon sa planta na nagmumula sa mga indibidwal at grupo sa loob at labas ng Mauban, ang pangamba ng epekto ng power plant sa kalusugan ng mga mamamayan, ang epekto sa kalikasan, posibleng kawalan ng kompensasyon sa mga magsasakang nangungupahan lamang sa mga lupang ookupahin ng planta at ang pangkalahatang impak ng power plant sa lokal na buhay ng mga tao sa Mauban ang mga pangunahing dahilan ng kumbati ng pagtutol dito. Subalit hindi katulad ng ibang uri ng mga oposisyon sa mga dominanteng kaayusan, o halimbawa, partikular na pangyayari sa isang lugar katulad ng pagsulpot ng malalaking tindahang pag-aari ng mga banyaga at mayayamang lokal na kapitalista sa India bunsod ng liberalisasyon ng retail sector ng estado (Franz, 2010), hindi masasabing sistematiko at organisado ang mga kumbati ng pagsalunga sa planta. Bagama’t may isang sibikong organisasyong nalikha upang pagsama-samahin ang iba pang mga organisasyong tutol sa pagtatayo at operasyon ng planta, hindi pa rin ito naging dahilan upang mapag-isa ang mga tumututol sa planta.

Sa isang banda, hindi basta-basta ang babanggaing puwersa ng mga kontra-planta. May basbas ng pambansang pamahalaan ang proyekto. Kumbaga, parang bumangga sa pader ang mga tutol dito. Bilang pagpapatunay ng kahalagahan nito, mismong si Pangulong Fidel Ramos ang naging panauhing pangdangal nang magbukas ang planta noong 2001. Sa usapin ng pagkakaloob ng ordenansang pambayang magkakaloob ng legalidad sa pagtatayo ng planta, hindi rin ito malaking problema sapagkat kontrolado ng noo’y Punong Bayan Ferdinand V. Llamas ang konseho. Mayorya ng miyembro nito ay kaniyang kapartido. Alalaong baga, ang pinagdaanang mga pampubikong pagdinig at konsultasyon ay isinagawa na lamang bilang pagtupad sa mga rekisito ng pagtatayo. At dahil may basbas ng pambansang pamahalaan, kung may paminsan-minsang deskaril sa mga ahensiya katulad ng DENR, madali rin naman itong nareresolba.

Bunsod nito, hindi katulad ng mga pagbalikwas na nagdulot sa pagkansela ng mga proyekto o pagbabago ng programa o disenyo ng alinmang gawain bunsod ng matinding public pressure o lobbying na ipinakita sa ibang mga pag-aaral (tingnan halimbawa sina Brown, 1997; Franz, 2010; Routledge, 1993, 1997), walang ganitong epekto ang mga kumbati ng pagbalikwas na naganap sa Mauban laban sa planta. Kaya naman, sa aking palagay, angkop ang paggamit ng kumbatihan bilang kritikal na konseptong aakma sa mga heograpiya ng pagbalikwas na nalikha sa proseso ng pagtutol sa power plant. Kumbatihan sila sapagkat bagama’t hindi nasagkaan ng mga gawi ng protesta ang pagtatayo at operasyon ng planta, naitundos naman ang pingkian ng ideya at nakalikha ng mga pagkilos—bagama’t watak-watak—sa iba-ibang bahagi ng Mauban. Sa isang banda, groundbreaking din itong pagsagitsit ng kumbatihan sapagkat hindi naman sanay ang Mauban sa ganitong level ng girian ng ideya sapagkat una sa kasaysayan ng Mauban ang ganitong uri at kalaking proyekto.

Sa paglikha ng mga heogapiya ng pagbalikwas, may ilang tampok na espasyong nagbigay-buhay sa mga ito. Kumbaga, ang pagsasakatuparan ng pagbalikwas ay isinagawa sa mga pagkakataon at pook na nagbigay sa kanila ng pinakamahusay na exposure at impak. Isang halimbawa na dito ay ang Sangguniang Bayan.

Kung ang Sangguniang Bayan ang luklukan ng kapangyarihang nagpadaloy sa politikal at legal na proseso ng pagkakatayo ng power plant, dito rin naman iniukit ang talim ng alternatibong pakikikumbati sa power plant. Sa mismong heograpiya ng kapangyarihan nagbuo ng heograpiya ng pagbalikwas ang mga tutol sa power plant. Sa magkakasunod na pagdinig sa Sangguniang Bayan upang bigyan ng pagkakataon na marinig ang tinig ng mga mamamayan at ipahayag ang kanilang saloobin ukol sa isyu, dumagsa din ang kumbati ng mga tumututol. Kumbaga, dahil ang karakteristiko ng Sangguniang Bayan ay demokratiko at malayang diskusyon, nabigyang puwang pa din ang kumbati ng oposisyon. Naganap ito sa mga taong 1996–1998 kung saan nagsisimula pa lamang ihayin ang proyekto at nangangalap ang mga taong nasa likod ng planta ng suporta mula sa pamahalaang bayan at mga mamamayan ng Mauban.

Sa mga liham na ipinadala ng mga Maubaning naninirahan sa Maynila at mga nasa ibang bansa (katulad ng Amerika), ipinahayag nila ang pagtutol sa pagtatayo nito sa Mauban. Anila, ang pagtatayo ng planta sa Mauba’y sisira sa delicate ecological balance ng bayan at magdudulot ng sakit sa mga mamamayan nito. Sa pahayag halimbawa ng Mauban Foundation, Inc., isang samahang sibiko ng mga propesyonal na Maubaning naninirahan sa Maynila, binanggit naman nila ang naging karanasan ng mga naninirahan malapit sa planta ng koryente sa Calaca, Batangas.

Sa mga pagdinig ng Sangguniang Bayan, dumagsa ang mga tenant ng mga lupang bibilihin ng planta at nagbarikada sa harapan ng munisipyo upang iparating ang kanilang agam-agam. Yaon ang kauna-unahan at pinakamalaking pagtitipon ng mga taong nais makikumbati sa pagpapatayo ng planta sa Mauban. Sa mga aktong ito, na binigyang pagkakataon at puwang ng mismong instrumento ng lokal na pamahalaan upang itaguyod ang kaso ng planta, nailantad at nabigyan ng mas malawak na tagapakinig ang pagtutol sa planta. Kumbaga, sa isang bayang hindi sanay sa direktang kumprontasyon bunsod ng kultura ng kamag-anakan at pagkakaibigan (kalimitang ang mga nasa tig-kabilang panig ay magkakakilala at magkakamag-anak pa nga), napadaloy sa mismong luklukan ng kapangyarihan—ang Sangguniang Bayan—ang kontra-diskurso sa namamayaning kaisipan.

Isa pa sa mga aktibong dumalo sa mga pagdinig ng Sangguniang Bayan at nagpakita ng pagtutol at alternatibong pagkumbati sa Mauban ay ang Crusade for Sustainable Development, isang samahang sibiko na pinamunuan ni Elizabeth Escueta Mossman. Matagal at sustained ang kaniyang pakikibahagi sa pagbalikwas. Nakibahagi si Mossman sa mga pagbalikwas sa mga taong proposal pa lamang ang planta hanggang sa maitayo ito. Sa katunayan, hanggang 2004, aktibo pa rin siya sa mga usaping may kaugnayan sa planta. Ang Crusade for Sustainable Deverlopment naman ay nabuo bilang reaksiyon na rin sa pagkakatayo ng planta ng koryente sa Mauban. Isa si Mossman sa aktibong nagpundar ng samahang ito. Sa harap ng pangakong kaunlaran, ibang kaunlaran ng Mauban ang nasa isipan ni Mossman. Ayon sa kaniya, “The government and the politicians in our midst have to know that the real quality of lives we desire are basically simple: clean air, clean and pure water, and peace of mind among many others. [Our] lives would now be sacrifice for the glossy front of growth called progress hiding the grim reality that would bring incomprehensible damage not only to the people but also to the environment (Balik Kalikasan 2001).”

Mahalaga at sentral ang naging papel ni Mossman sa kumbatihang naganap sapagkat bukod sa kalidad ng diskurso na kaniyang dinala sa mga talabtaban ng opinyon lalo na sa mga eksperto na dinala ng planta sa Mauban bilang mga resource person, pinatingkad din niya ang alternatibong uri ng pag-unlad na aniya’y nararapat sa Mauban. Para sa kaniya, ang kaunlarang may konsiderasyon sa kalagayan ng kalikasan ang pinakaangkop sa Mauban lalo na nga at marami sa mga naninirahan dito ay mga nakadepende sa agrikultura at pangingisda. Sa pamamagitan ng kumbati ni Mossman, mas nabigyan ng artikulasyon ang alternatibong modernidad na sambit din naman ng ibang mga nangumbati.

Sa usapin naman ng mobilidad ng heograpiya ng pagbalikwas, bukod sa aktibong pagdalo sa mga pagdinig ng Sangguniang Bayan at pakikilahok sa mga demostrasyon sa kalye, ang pagtutol sa planta ay mismong isinakatuparan sa lugar na pinagtayuan nito. Sa kasagsagan ng paghahanda para sa pagtatayo ng planta, 1996–1998, unang aksiyon ng mga tagapagtaguyod nito ang pagbili ng lupang tutugon sa kanilang pangangailangang hindi kukulangin sa 100 ektarya. Marami ang kagyat na nagpahatid ng intensiyon na ipagbili ang kanilang lupang sinasaka bunsod ng mataas na presyong inialok ng mga mamumuhunan ng planta. Sa bayad sa lupa, gumastos ang planta ng hindi kukulangin sa PHP40 milyon. Sa kabila ng malaking bayad, hindi nagbenta ng lupa ang iba. Katulad ng paglikha ng heograpiya ng pagbalikwas sa Sangguniang Bayan, sa mismong lugar din ng dominasyon ng interes ng planta—sa lokasyon nito.

Ang pamilya ni Vivian Malubay ay isa sa matatandang pamilya sa Mauban na nag-aangkin ng ekta-ektaryang lupain. Malawak ang kanilang sakahan at niyugan. Isa lamang ang palayan na matatagpuan sa Cagsiay I  sa marami nilang pag-aaring lupa sa Mauban. Aktibo si Malubay sa mga gawaing pansimbahan at kalikasan. Isa siya sa mga nagpundar ng samahang Crusade for Sustainable Development sa Mauban. Bagama’t namalagi na nga sa Mauban pagkatapos ng kaniyang kolehiyo sa Mauban, hindi naman nawala ang kaniyang aktibong partisipasyon sa usaping pampamahalaan. Sa katunayan nga, lantad ang kaniyang kaugnayan sa mga kandidatong  kritikal sa pamumuno ng mga Llamas sa Mauban. Sa pagkabalita ng pagtatayo ng planta ng koryente sa Mauban, isa si Vivian Malubay na aktibong nangampanya para hindi matuloy ang proyekto at bilang kumbati ng kaniyang pagbalikwas, hindi niya ibinenta ang lupang pag-aari ng kaniyang pamilya na nasasakop ng pagtatayuan ng planta. Kaya naman, bagama’t natuloy ang pagtatayo ng planta, sa gitna mismo ng compound nito, mayroong isang parsela ng lupa na nababakuran—ang lupa ng pamilya ni Vivian Malubay. At sa ganitong kalagayan, katulad ng iba pang mga heorapiya ng pagbalikwas na nabanggit na, bagama’t lumilikha ng hiwa o lamat sa mukha ng kapangyarihan, hindi rin naman talaga makapananaig ang mga kumbating kagaya nito bagama’t maaari rin naman talagang mag-angka ito ng kumbati ng kaibahan o pagtutol.

Ang direkta namang pagparalisa sa pagtatayo ng power plant ang taktika ng iba. Noong ika-23 ng Nobyembre 1998, sa matinding galit ng mga mamamayang apektado ng pagtatayo ng planta, binarikadahan nila ang lansangang patungo sa power plant upang hindi makadaan ang mga sasakyang nagdadala ng mga kagamitan sa planta. Ang aksiyong ito’y resulta naman ng patuloy na pagkasira ng mga daan sa Cagsiay 1. Ayon nga kay Fe Palacio, isa sa mga apektadong naninirahan sa Cagsiay 1, “napakaputik at mapagtataniman na ng palay ang kalye lalo na sa tapat ng paaralan. Kawawa naman ang mga mag-aaral (Balik Kalikasan 2000).”

Isa pang estratehikong lokasyon ng pagtutol ay ang simbahan. Katulad ng maraming simbahan sa Pilipinas, katapat lamang ito ng Pamahalaang Bayan. Sa ganitong axis ng mga ugnayaang pampook, nakisapakat ang simbahan sa mga tutol sa planta sa paglikha ng mga heograpiya ng pagtutol. Halimbawa, sa mga araw ng Linggo, sa harap ng pamunuan ng lokal na pamahalaan na dumadalo sa misa, lantarang ipinapahayag ng simbahan ang desisyon nitong kondenahin ang pagtatayo ng planta ng koryente. Batay sa opisyal na pahayag nito, magdudulot ang planta ng mga problemang pangkalikasan sa hinaharap. Para sa mga tutol dito, ang planta ng koryente’y isang “monster facing Lamon Bay.” Kaya naman, bunsod ng kritikal na posiyon ng lokal na simbahan sa planta, nang mangailangan ng pari para sa blessing ng planta, tumungo pa si Ulysses Rivera, ang community relations officer ng QPL, sa Lucena upang makakuha ng paring magsasagawa ng ritwal. Sa labas ng simbahan naman, may isang malaking karatula na nagsasaad ng “No to Power Plant.”

DISKUSYON AT KONGKLUSYON

Walang iisang pagkumbati sa alinmang pook. Iba-iba at marami sila bagama’t lagi’t laging may mananaig at siyang magiging opisyal na kumbati. Paliwanag nga kay Rodman, “places are not inert containers. They are politicized, culturally relative, historically specific, local and multiple construction (1992, 641).” Sa Mauban, sa pamamagitan ng pag-aaral sa kumbatihang naganap sa pagtatayo at mga unang taon ng power plant, naipakita ang iba’t bang pagkumbati ukol sa hulagway ng Mauban. Kinakitaan din ang kumbating ito ng lunggating hatid ng bawat mamamayan sa kanilang pagtatawid ng kanilang hugis at porma kung ano ang kanilang pagtutundos sa Mauban bilang isang pook batay sa kanilang posisyon sa usapang naganap.

Sa opisyal na tindig ng pambansa at lokal na pamahalaan ukol sa power plant, may kontra-kumbating pagtingin na ipinarating ang iba. Mahalaga itong mabigyang puwang at pansin dahil sa konstitusyon ng natapos na power plant, ang tanging nasasambit ay ang nagwaging kumbati—ang kumbati ng pagsuporta dito na kaipala nama’y kumakatawan sa opisyal na linya ng pagdadala ng kaunlaran, ng modernidad sa Mauban. Sa kabilang banda, dahil dito, ang ipinaglalaban naman ng mga tumututol ay pananatili ng dati, ng kung anong mayroon, ng lokal na hulagway ng buhay sa Mauban o yaong pag-unlad na ayon nga sa mga tumutol ay hindi isasakripisyo ang kalagayan ng kapaligiran.

Sa sagupaan ng dikotomiya sa pagitan ng modernidad na kinakatawan ng panig sa planta, hindi maiiwasang lumikha ng kabilang panig na lihis sa pangako ng kaunlaran—ang pagkabalaho sa dati, hindi pag-usad, pananatili sa kinasasadlakan o sa mas kongkretong asta, ang pagtutol sa power plant ay pagtanggi sa kaunlaran—sa mga bagong klasrum, bagong munisipyo, mas malaking pondo para sa mga proyektong pambayan. Hinihimatong ang ganitong asersiyon ng mga tagapagbandila ng power plant na itinatanghal ito bilang simbolo ng pag-asa, ng matagal ng inaasam na kaunlaran ng Mauban. Subalit ang kaunlaran din naman ay walang iisang mukha. Para sa tutol sa power plant, anong kaunlaran ang mayroon sa posibleng sakit na idudulot ng planta, sa maduming hangin at tubig, sa pagkasira ng mga daan at bahay na dinadaanan ng mga dambuhalang sasakyan na naghahatid ng mga suplay? Kumbaga, naririto ang kumbatihan, ang bersiyon ng kaunlarang nararapat para sa Mauban.

Ang anumang pook na ating nakikita at dinaranas ay dulot ng mga paggalaw at aktibasyon ng mga kumbati kasama na ang mga pagsalunga at pananaig (Lefebvre 1991; Steve and Keith 1997). Sa kaso ng Mauban, ang pagtatayo ng planta ng koryente ay nagbunsod ng daluyong ng mga kumbati. Ibig sabihin, samot-sari itong mga tinig na nagbigay hugis sa mga paraan at proseso ng pag-imahen sa Mauban bilang isang pook. Dating pasibo at nakikikumbati lamang sa kalagayang pampolitika ng bayan tuwing eleksiyon, naging aktibo ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa Mauban sa pakikibahagi sa hugis at wangis ng Mauban. Bagama’t ang lahat ay may angking-pangarap sa pagkakaroon ng isang maalwang komunidad kung saan ang mga miyembro’y may akses sa mga pangunahing serbisyong pampubliko katulad ng malinis na tubig, koryente, mahusay na edukasyon, matatag na hanapbuhay, at masiglang pangangatawan, nag-iiba naman ang paraan ng pagkilos patungo sa pagkakamit ng layuning ito. Ibig sabihin, may iba-ibang bersiyon ng Mauban sa isip ng bawat isa. Sa pagkatayo ng planta ng koryente, ang dalawang magkatambal na diskurso ng modernidad at lokalidad at ang dala-dala nitong epekto sa komunidad ang mga susing diskurso sa konstitusyon ng kumbatihan sa Mauban. Ang lahat ay mas aspirasyong mag-angkin nito subalit ang paraan at pagpapakahulugan sa salitang ito’y siyang parang ng tunggalian.

Mahalaga ring bigyang pansin at lagom dito ang mga pinagmulan ng pagtutol. Sa kalakhan, ang mga kritikal sa power plant ay kabilang din sa mga grupong kritikal sa pamumuno ng pamilya Llamas, ang pamilyang namuno sa Mauban ng maraming taon (hanggang sa kasalukuyan). Masasabing ang pagpapahayag ng pagbalikwas sa power plant ay mailalangkap din bilang ekspresyon ng pagtutol sa pamamahala ng mga Llamas sa Mauban. Subalit dapat ding idagdag na mas komplikado ang realidad at dapat na ilangkap ang progresibong mga ideya ukol sa kapaligiran na dulot ng pagbabalik-bayan ni Elizabeth Mossman mula sa kanyiang trabaho sa International Atomic Enery Agency sa Vienna. Bago pa man pasimulan ang power plant, aktibo na siya sa kampanya para sa kalikasan at bunsod ng kaniyang mga gawain, yumabong ang samahan ukol sa kalikasan sa Mauban na kalimitang sinalihan ng mga magsasaka at taong-simbahan. Kumbaga, nang sumilakbo ang usapin ukol sa planta, may critical mass na ng mga Maubaning may alam sa mga usaping pangkapaligiran. Bunsod ng ugnayan ni Mossman sa mga national at international organization kagaya ng Greenpeace, nagkaroon ng critical at discursive exposure ang mga miyembro ukol sa mga isyung pangkapaligiran na nagpasidhi sa kanilang pagtutol sa planta. Kumbaga, nagsanib ang lokal na desgusto sa uri ng politikang dala ng pamilya Llamas at ang isyu ng power plant upang magmitsa ng pagkilos ng mga progresibong mamamayan ng Mauban (na kalimitang edukado, taong simbahan o nakabase sa ibang bansa) na tutulan ang power plant. Subalit dapat ding idagdag na sa kalaunan ng pagtutol lalo na sa mga panahong itinatayo na ang planta, ang paglikha ng mga kumbati ng pagbalikwas ay hindi na monopolyo ng grupo ni Mossman bagkus ay isinasagawa na rin ng mga taong direktang naaapektuhan ng planta. Kumbaga, ang mga kumbati ng pagbalikwas ay dulot na rin ng personal na danas ng mga Maubaning hindi nakakuha ng trabaho sa power plant (na paglabag sa pangakong priority ang mga Maubanin sa hiring sa power plant, halimbawa) o kaya naman ay nasira ang bahay dulot ng pagdaan ng malalaking sasakyan ng planta. Sa kalaunan, magkagayon, mas malawak na ang kasapian ng mga taong lumikha ng mga kumbati ng pagbalikwas sa power plant.

Sa ngayon hindi na makikita o mararamdaman ang mga kontra-kumbating naganap sa mga panahon ng pagtatayo ng planta (maliban na lamang sa parsela ng lupa ng mga Malubay sa compound ng power plant). Kumbaga, dinaluyong na ng mga pagbabagong pambayan (mga bagong gusaling pampubliko, mga proyekto na galing sa buwis ng power plant) ang dati’y malusog na kumbati ng mga tutol sa planta. Alalaong baga, kung hindi bubungkalin sa artsibo at muling sisipatin ang wangis ng kaligiran ng Mauban at alaala ng mamamayan, hindi malalantad ang mga heograpiya ng pagbalikwas na nalikha sa mga panahong ikinakasa at nasa unang mga taon ng operasyon ang planta. Mahalaga ring mabanggit na sa paglikha ng mga heograpiya ng pagbalikwas—demostrasyon, hindi pagpayag sa pagbenta ng lupa, pagdalo sa mga pagdinig ng Sangguniang Bayan, pagharang sa daraanan ng mga supply vehicle ng planta—ipinakita ng mga nakibahagi na bulnerable din ang gahum, hindi ito manhid sa kumbati ng iba, ng mga nasa laylayan ng lipunan.

Ang salimbayang kumbatihang ito’y dumadaloy sa iba’t ibang lagusan at landas na naglulundo sa paglikha sa isang pook ng nagbabanggaang interes. Sa pag-aaral na ito, mahalagang makitang ang pagkakatayo ng planta ng koryente sa Mauba’y nagbunsod ng okasyon tungo sa pakikipagkumbati ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa Mauban. Nagkaroon ng matinding pagkamulat at paglahok sa politika  ang maraming Maubanin. Kaya naman, sa pagbabagong pisikal at kultural ng Mauban, dapat pansinin ang mga kumbati ng iba’t ibang puwersa bilang mga lehitimong salalayan ng pagkilala sa isang bayan bilang luklukan ng mga kaibahan at pagsasama-sama.

Postscript

Dahil sadyang matagal nang lumipas ang mga taong kinapapalooban ng pag-aaral, mabuti sigurong magbigay ng update ukol sa kasalukuyang kalagayan ng power plant. Sa kasalukuyan, tila limot na ang mga kumbatihang naganap sa panahong itinatayo at nasa unang mga taon ng operasyon ang planta. Mula sa rurok ng mga pagbalikwas noong 1996–2004, wala na ngayong mga katulad na kumbatihan, sa halip, nakikita na ngayon ng marami ang power plant bilang isang biyaya sa Mauban. Aspirasyon ng maraming Maubanin na makapagtrabaho dito (sa kompanyang mismong may-ari ng planta at hindi sa mga contractors nito) bunsod ng mahusay na pasuweldo at benepisyo nito sa mga manggagawa. Nalusaw na rin ang mga grupong dating aktibong naglulunsad ng mga pagkilos laban sa planta. Bunsod ito ng kamatayan ng mga dating lider, pangingibang-bayan ng iba at kawalan na ng mass support sa mga katulad na organisasyon. Masasabing matagumpay din ang mga programang pansibiko na inilunsad ng planta katulad ng mga taunang medical-dental mission, scholarship program, at pagkakaloob ng puhunan para sa kooperatiba ng mga naninirahan na malapit dito na naglapit sa planta sa puso ng mga Maubanin. Mahusay din ang ugnayan sa pagitan ng planta at ng lokal na pamahalaan na nagpapadali sa mga proyektong pambayan na pinopondohan ng planta. Sa pagtatayo ng karagdagang pasilidad ng planta, muling nagbalik ang mga dating isyu ng pagkasira ng mga bahay sa mga lansangang dinadaanan ng mga sasakyang nagdadala ng materyales para sa konstruksiyon ng dagdag na planta at ang pag-hire ng mga manggagawang hindi Maubanin. Subalit hindi katulad ng dati, walang mga demostrasyon o malawakang pagkilos. Kagyat na nireresolba ang mga isyu sa pamamagitan ng pulong sa pagitan ng Punong Bayan at kinatawan ng planta. Kumbaga, sa kasalukuyan, hindi na makikita ang mga heograpiya ng pagbalikwas na nangyari sa mga taong 1999–2004. Ang tangi na lamang paalala sa tagong kasaysayang ito ng planta ay ang isang piraso ng lupa sa gitna mismo ng planta—may mataas na bakod at nakatiwangwang—ang lupa ng pamilya ni Vivian Malubay na hindi binenta sa power plant bilang sagisag ng pagtutol. Subalit sinong magpapaliwanag sa magtatanong at sinong makaaalam lalo na nga sa paglipas ng maraming taon?

Ang papel na ito ang isang maaaring tugon.

Sanggunian

Balik Kalikasan. (1998-2002).

Brown, M. (1997). The curious case of ACT UP Vancouver. In: Pile, S and Keith, M. (Eds.), Geographies of resistance (pp. 152-167). London: Routledge.

Casey, E. (1993). Getting back into place: Toward a renewed understanding of the place-world. Bloomington: Indiana University Press.

Duncan, J. and Ley, D. (Eds.). (1993). Place/culture/representation. London: Routledge.

Ellis, C. (1998). Connecting “Auto” to “Ethno” in writing self and other. Anthropology and Humanism, 23(2), 219-220.

Hudson, R. (2001). Producing places. New York: Guilford Press.

Escobar, A. (2001). Culture sits in places: Reflections on globalism and subaltern strategies of localization. Political Geography, 20, 139-174.

Franz, M. (2010). The role of resistance in a retail production network: Protests against supermarkets in India. Singapore Journal of Tropical Geography, 31, 317-329.

Katz, C. (2004). Growing up global: Economic restructuring and children’s everyday lives. Minneapolis, MN: University of Minnesota Press.

Lico, G. (2003). Edifice complex: Power, myth, and Marcos state architecture. Quezon City: Ateneo de Manila University.

Pile, S and Keith, M. (Eds.). (1997). Geographies of Resistance. London and New York: Routledge.

Quibuyen, F. (1999). A nation aborted: Rizal, American hegemony, and Philippine nationalism. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Raventos, M. H. and Gold, D. (1995). Random House Spanish-English English Spanish dictionary. New York: Random House.

Rodman, M. (1992). Empowering place: Multilocality and multivocality. American Anthropologist, 94 (3), 640-656.

Routledge, P. (1993). Terrains of resistance: Nonviolent social movements and the contestation of place in India. Westport, CT: Praeger.

Routledge, P. (1997). A spatiality of resistances: Theory and practice in Nepal’s revolution of 1990. In: Pile, S. and Keith, M. (Eds.), Geographies of resistance (pp. 68-86). London: Routledge.

Turgo, N. (2005). Turungkuhan ng lunan: Ang bayan ng Mauban bilang kinukumbating heograpiya. MA tesis. Lungsod Quezon: Unibersidad ng Pilipinas.