[DIWA E-Journal Tomo 2, Bilang 1, Nobyembre 2014] Mga Lapit at Lapat ng Sikolohiyang Pilipino sa mga Paksaing Lokal-Global

Mario R. Sto. Domingo, Ph.D.
Department of Psychology
University of Maryland, Balimore Country, U.S.A

Jayson D. Petras
Departamento ng Filipino at mga Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Adonis L. Elumbre
Department of History and Philosophy
University of the Philippines (UP), Baguio, Baguio City

Malawak at malalim na ang saklaw ng Sikolohiyang Pilipino (SP) sa larangan ng batayang pananaliksik at aplikasyon sa iba’t ibang larangan sa Agham Panlipunan at Humanidades sa Pilipinas.  Sa loob ng mahabang panahon, mula sa kauna-unahang kumperensiya noong 1975 (Antonio 1976) kung kailan nailahad ang tunguhin ng disiplina/kilusan, ay patuloy na hinimay-himay ng mga iskolar at mag-aaral ang mga saloobin, ugali, at mithiin ng mga Pilipino na gumagamit ng maka-Pilipinong lapit (Pe-Pua 1982; Aganon at David 1985; Navarro, Petras, at Ujano-Batangan 2013), nailapat ang mga kaalaman sa aktuwal na buhay sa loob at labas ng pamantasan, mga pamayanan at sektor ng lipunan (hal. Aguiling-Dalisay et al. 2000; Protacio-de Castro, et al. 2002; Estrada-Claudio 1995), naikumpara at/o naitagni sa ibang mga modelo ng kaisipang panlipunan at sikolohikal (Aquino 2013; Paredes-Canilao at Babaran-Diaz 2013), nalibot na rin ang buong Pilipinas at buong mundo sa pagpapakalat at paggamit ng perspektibong sumasalamin sa buhay at nagsisilbi sa kapwa Pilipino (Mendoza 2006), at malalimang sinuri at tumanggap ng mga kritisismo (Bernardo 2009; Santamaria 2000; San Juan 2006).

ANG MGA LAPIT AT LAPAT NG SIKOLOHIYANG PILIPINO

Ang isyung ito ng DIWA ay magtututok ng liwanag sa mga lapit at lapat ng Sikolohiyang Pilipino sa animo ay magkahiwalay, subalit magkakawing, na dimensiyon ng lipunan: ang lokal at global.  Ang mga lapit ng SP ay bunga ng batayang paniniwala na ang mga teorya at metodo ng anumang gawain o pag-aaral ay halaw sa karanasang Pilipino, nakaugat sa ating diwa at nagsisilbi sa kabutihang panlahat.  Mula sa batayang paniniwalang ito nabuo ang konseptwalisasyon at balangkas ng teorya ng kapwa (Enriquez 1978) at iba pang teorya/konsepto, ang pamamaraang pagtatanung-tanong (Pe-Pua 1982) at iba pang metodo.

Susog pa rin sa batayang paniniwala ang paggamit ng katutubong wika sa pananaliksik at paglalathala dahil sa sinasalamin ng wika ang diwa at karanasan ng anumang populasyon (Añonuevo 2013; Enriquez at Protacio-Marcelino 1984).  Sa pamamagitan nito magkakaunawaan ang mananaliksik at kalahok, manunulat at mambabasa, guro at mag-aaral, pamahalaan at taumbayan.

Ang mga lapat o gamit ng Sikolohiyang Pilipino ay matatagpuan sa iba’t ibang konteksto—sa paaralan, pamayanan, negosyo, pamahalaan, midya; gayundin sa ibat ibang sektor o kilusan—kalusugan, relihiyon o pananampalataya, kasarian, pangkalikasan o kapaligiran.  Ang mga lapat na ito ay susog din sa batayang pananampalatayang ang mga Pilipino ay mauunawaan mula sa kanilang sariling perspektibo.  Samakatwid, ang anumang hakbang, kilos, hatol ng indibidwal, mga gawain at patakaran ng mga grupo/organisasyon, at polisiya at batas ng malaking lipunang Pilipino ay inaasahang bumabaybay sa mga katotohanan at karanasan ng buhay Pilipino: mula sa mga kaisipan tungo sa pagsasabuhay ng kapilipinuhan.

Ang mga lapit at lapat ng SP ay may malaking gampanin sa pagpapalinaw ng kawing ng mga paksain at usaping lokal at global.  Gamit ang lenteng nakaangkla sa karanasan at interes ng mga Pilipino, ang prosesong ito ay sasaklaw ng pagsusuri ng mga penomenong katutubo at lokalisado, matatagpuan sa mga pook na may sariling kasaysayan at pagkakakilanlan subalit naiipluwensyahan ng mga karatig pook at mga pwersang kultural at ekonomiko ng mas malaking lipunan.  Kasama sa mas malaking lipunan ang buong bansa at rehiyong pambansa, buong mundo at mga rehiyong pangmundo, gayundin naman ang mga transkultural at transnasyonal na mga pangkat na kumikilos sa labas ng balangkas ng mga bansa.

Bagama’t malakas ang pwersa ng globalisasyon, ang mga lokal na aksyon ay may tinig na pumapailanlang papalabas na nag-aalaga, sumasagip, at nagpapayaman ng mga lokal na pamayanan at kultura, mula sa maliliit na baranggay hanggang sa bansa.  Malaki ang papel na ginagampanan ng Sikolohiyang Pilipino mga usaping ito.

PAGLUSONG SA MGA USAPANG/USAPING LOKAL-GLOBAL AT SIKOLOHIYANG PILIPINO

Malaon nang binabaybay ng Sikolohiyang Pilipino ang mga usapang/usaping lokal-global sa pagtalima nito sa prinsipyo ng pagiging disiplina at kilusan. Tumindig ito sa lapit ng indihenisasyon—pagsasakatutubo mula sa labas at kultural na pagpapatibay (Enriquez 1992; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2002; Pe-Pua 2005)—tungo sa lapat ng mga pag-aaral ayon sa danas, pananaw, at konteksto ng mga Pilipino.  Gayundin, bilang sikolohiyang malaya at mapagpalaya, sinusulong nito ang paglaban sa iba’t ibang anyo at antas ng pagsasantabi (Yacat 2013) na kadalasang bunga ng Anglosentrikong pananaw sa teorya at praktika.

Tugon sa mga paksaing global sa hubog ng oryentasyong lokal ang hain ng mga pag-aaral na nakabilang sa ikalawang edisyon ng DIWA E-Journal.  Matutunghayan sa mga artikulong narito ang patuloy na pagtugon sa pagdalumat ng mga konseptong Pilipino at pag-unawa sa sosyo-kultural na reyalidad bilang ambag sa pagkilala sa dibersidad ng iba’t ibang pag-iral sa layuning humubog ng unibersal na sikolohiya.

Pinangunahan ni Antonio Contreras ang usapang global-lokal sa kasalukuyang edisyon ng E-Journal sa kaniyang talakay hinggil sa konsepto ng pagsasaayos bilang panimulang postkolonyal na pagdalumat politikal sa panahong postmoderno.  Ipinakita sa kaniyang ambag ang posibilidad ng pagsasagitna ng isang katutubong konsepto sa harap ng mga banyagang diskursong postkolonyal at postmoderno.  Makatuturang gawain ito dahil napapatingkad ang talaban ng mga kaisipan tungo sa layunin ng pagbibigay-kahulugan sa ating pagka-Pilipino.  Isang aspekto nito, ang ating buhay pampolitika, ang nilapatan ng pagsusuri ni Contreras gamit ang dalumat ng pagsasaayos.  Bilang isang prosesong nakapaloob sa ugnayan ng kapangyarihan, tumatawid ang pagsasaayos mula sa pakikipagkapwa hanggang sa mismong pagbubuo ng pamayanan.  Bilang diskursong politikal naman, iminatuwid niyang mas lapat ito sa kamalayang Pilipino kaysa sa mga palasak na konsepto ng nasyon at estado.  Nakaangkla ang inihain niyang dalumat sa mas malalim na diwa ng pakikipagkapwa at mga halagahing nakapaloob dito sa pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan.  Lumilitaw sa gayon na kapwa ang teoretikal na kawing sa pagitan ng politika at sikolohiyang Pilipino at praktikal na batayan naman sa pagsasaayos ng kabuuang bayan.

Sinuri naman Noahlyn Maranan ang mga kakayahang pangkaisipan ng mga retiradong guro ng Unibersidad ng Pilipinas bilang panimulang pag-aaral kung paano mag-isip ang mga Pilipino.  Ang mga kakayahang ito ay binubuo ng pagsasalugar, paghugot, pag-aninaw, pagtumbok, at pagkakawing, mga prosesong kognitibo-replektibo na bahagi ng isang kaisipang bihasa’t may malawak at malalim na pagtunghay sa mga bagay-bagay.  Humalaw ang may-akda ng mga halimbawa mula sa mga panayam at ipinakita niya na may iba’t ibang manipestasyon ang mga prosesong ito.  Marami ring gamit ang mga kakayahang ito tulad ng matalas na pagtingin sa mga bagay-bagay, pagdadala ng sarili, paggampan, at paghawak ng damdamin o emosyon.

Pagtanaw rin sa isang konseptong Pilipino ang pakay ni April Perez sa kaniyang deskriptibong paglalahad ng konsepto ng sulit ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong sa mga mag-aaral ng Filipino 40 (Wika, Kultura, at Lipunan) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.  Dulot ng pagsakay nito sa global na daloy ng konsumerismo at kulturang popular, nakita ng may-akda ang bisa ng pagtalunton sa konsepto sa kasalukuyang panahon, na may ugnay at talab sa isinasaad ng literatura hinggil sa pamantayan, halagahin, at sikolohiyang Pilipino.  Itinambal niya ang sulit sa konseptong okey/okey lang at mula rito at inilatag ang posibleng positibo at negatibong implikasyon ng paggamit ng konsepto at pagsasaloob ng kahulugan nito.  Sa huli, ipinapalagay ng mananaliksik ang lokal na danas at pag-asam sa sulit kaysa sa okey lang kaugnay ng mga bilihin at serbisyong tinatangkilik sa araw-araw.

Nagsasanga-sanga sa ugnayan at pag-unlad ng tao sa nagbabagong lipunan ang hain ng tatlo pang artikulo.  Binusisi nina Teresa Rungduin at Darwin Rungduin ang proseso ng pagpapatawad sa iba’t ibang lebel ng pag-unlad ng indibidwal sa pamamagitan ng mga buhay-salaysay ng mga kalahok galing sa iba’t ibang antas ng pamumuhay at pinag-aralan.  Lumabas sa mga buhay-salaysay ng mga kalahok na may pagkakaiba ang mga dahilan ng paglabag sa kabutihang asal sa bawat yugto ng pag-unlad, mula sa pagkabata (middle childhood) tungo sa pagtanda (late adulthood).  Ang mga nakalap na buhay-salaysay ay nakatulong upang makabuo ng modelo ng pagpapatawad na angkop sa kontekstong Pilipino—na ang pagpapatawad ay binubuo ng tatlong mahalagang salik—ang pag-iisip sa pamamagitan ng paniniwala na nagsisisi ang nagkasala, ang pakiramdam na gumagaan ang loob ng nagpapatawad, at ang pagpapahayag ng higit na positibong pananaw na makikita sa pagbabago ng ugali ng nagpapatawad.

Dikit sa pagtanda at ugnayan ng tao, na maaninag din sa mga naunang artikulo, ang pag-aaral ni Christine Joy Lim hinggil sa relasyon ng magkapisang matandang ina at nangangalagang anak na babae.  Bagaman hindi ganap na nabubuwag ang istruktura ng ugnayan, ipinakita ng may-akda ang nagbabagong imahen at papel ng ina at anak sa natural na kurso ng buhay.  Dahil sa estadong pangkalusugan, litaw ang pangangalaga ng anak sa kaniyang ina na sinusuklian naman din ng pagmamalasakit ng huli.  Mula rito, pinatingkad ng artikulo ang konsepto ng kapwa sa pagiging magkatambal ng mag-ina at sa patuloy na pagbibigay-suporta sa isa’t isa.

Mula sa mga pag-aaral na kapaloob ng bagong edisyon ng E-Journal, ipinapakita ang patuloy na paglusong sa mga usapang/usaping lokal-global sa lapit at lapat ng Sikolohiyang Pilipino tungo sa pagtugon sa hamon ng pag-ahon sa pagkakakilanlang Pilipino.

PANUNURING SP AT NATATANGING TALA

Taglay din ng mga rebyung kabilang sa tomong ito ang tema ng talabang lokal at global na nakapaloob sa at kinapapalooban ng Sikolohiyang Pilipino.  Minarapat gamitin bilang kasangkapang konseptwal ang ideya ng talaban upang palitawin ang lokal at global hindi bilang mga absoluto o de-kahong mga kategorya, kundi mga kaganapang nasa patuloy na proseso ng pag-uugnayan at/o pagtutunggalian.  Sa talaban, higit na pinatitingkad ang bisa ng mga ideya sa isa’t isa (Ferriols 1991).  Tila metaporikal nitong nilalansag ang hirarkiyang nakapaloob sa magkakaibang konsepto, hindi upang ikubli ang di-patas na ugnayan ng mga ito (halimbawa sa kasong ito, ang lokal at global) kundi, sa kabaliktaran pa nga, palitawin na hindi monolitiko ang alinmang kaisipan at laging nakabatay sa konteksto ang posisyonalidad ng mga ito.  Sa ganitong sentido, ang lokal ay maaaring maging global at ang global ay pwedeng mapasa-lokal.

Ganito rin ang tinutungtungan ng Sikolohiyang Pilipino sa pagdidiing ang mga katutubong sikolohiya ang “magsisilbing daan tungo sa isang tunay na masaklaw at unibersal na sikolohiya” (Enriquez 1976).  Nais yanigin ng ganitong paninindigang intelektwal ang dominanteng anyo ng iskolarsyip na nagtuturing sa alinmang global—na madalas ibinatay lang naman sa Kanluran—bilang lehitimong pinagmumulan ng kaalaman.  Sa pagtinging ito, higit na pinalilitaw ang kakayahan ng mga katutubong sikolohiya na maging bahagi ng isang makatotohanang pagtataguyod ng unibersal na sikolohiya.  Kros-katutubong sikolohiya ang lapit na iminamatuwid sa paglalapat na ito, isang pagtatalaban sa pagitan ng mga katutubong sikolohiya ng daigdig.  Sa mga tampok na rebyu, mapapansin ang pag-aangking Pilipino ng mga usaping global habang malay rin sa pag-iimpok ng kaalamang sarili.

Makikita sa rebyu ni Joseph Torrecampo sa librong pinamagatang Forging Management Excellence ang sikolohiya ng paggawa sa pagkakalapat nito sa karanasang Pilipino.  Binigyan ng kaukulang pansin sa kanyang sulatin ang kultura ng pamamahala at ang kaugnayan nito sa mga pagpapahalagang sinikap nang siyasatin sa larangan ng Sikolohiyang Pilipino.  Pangunahin rito ang pananagutan, malasakit, at bayanihan, mga pagpapahalagang nakaangkla sa diwa ng pakikipagkapwa.  Talaban ang masusundan sa pagtalakay ng iba’t ibang mga pagpapahalaga upang makapaghatid ng isang balangkas sa pag-unawa ng kultura ng pamamahala.  Ganito rin ang lumilitaw na pagtataya ni Torrecampo nang ihanay nya ang kalipunan sa iba pang mga pagtatangkang unawain ang sikolohiya ng paggawa sa loob at labas ng bayan.  Lumilitaw, aniya, na kung paiiralin lamang ang mga pagpapahalagang nabanggit, higit na magiging matatag ang mga samahan, mapapagtibay ang ugnayan sa pagitan ng namamahala at pinamamahalaan, at mabibigyang-kapangyarihan ang mga manggagawang Pilipino.  Nagsisilbing giya ang antolohiya, sa gayon, sa mas malalim pang pag-unawa sa kamalayan ng paghahanap-buhay at pagtataguyod ng maka-kapwang pangangasiwa ng paggawa.

Talaban naman ng pamilya at kasarian ang tema ng rebyu ni Danielle Ochoa sa dalawang akdang pambata, Ang Ikaklit sa Aming Hardin (2012) ni Bernadette Villanueva Neri at Ang Bonggang-Bonggang Batang Beki (2013) ni Rhandee Garlitos.  Makabuluhang kontribusyon, kapwa ang mga sinuring akda mismo at ang pagtatasa ni Ochoa, sa pagdidiin ng isang sikolohiyang malaya at mapagpalaya (Enriquez 1976) hindi lamang sa konteksto ng dekolonisasyon ng disiplina kundi maging sa produktibong pagbubuo ng kaalaman na nagsusulong ng progresibong mga paninindigan. Para sa manunuri, natatangi ang paggamit sa akdang pambata bilang behikulo sa paghahatid ng makabuluhang mensahe tulad ng wastong pagkilala sa pagkakaiba at pagkakatulad ng karanasan ng tao.  Sa ispesipiko, malinaw ang diin ng mga sinuring aklat sa temang LGBT (Lesbians, Gays, Bisexuals, at Transgenders) laluna ang pagsisikap nitong hamunin ang heteronormatibong pagtatakda ng lipunan kaugnay ng gampaning pangkasarian.  Sinalungguhitan din ang malikhaing pagpapakita ng mga isyu ng LGBT kapwa sa kontekstong personal at pamilya.  Dahil usaping sikolohikal at panlipunan, nakadaragdag ang ganitong mga pagsasalaysay sa tunguhin ng higit na inklusibong Sikolohiyang Pilipino at gayundin ng pagsulong ng isang akademikong disiplina at kilusan na rin na may pandaigdigang presensya, ang sikolohiyang LGBT.

Isang makabuluhang paksa kung saan matutunghayan pa ang pagtatagpo ng lokal at global ay ang ideya ng kapwa, isa sa mga pangunahing kaisipang ibinunga ng mga pananaliksik sa Sikolohiyang Pilipino.  Sa kapwa, matingkad ang isang pananaw-pandaigdig na lapat sa karanasan ng bayan.   Hindi nakapagtatakang natukoy na dati pa ang sentralidad ng kapwa sa teorya ng pagkataong Pilipino, bagay na nakapag-engganyo na ng iba at kaugnay pang mga pag-aaral at talakayan sa Pilipinas at maging sa ibayong-dagat.  Heto ang sinikap suriin ni Charmaine Galano sa kanyang rebyu ng Pakikipagkapwa: Pilipinong Lapit sa Pananaliksik (2013) ni Roberto Javier, Jr.  Kalipunan ang librong ito ng mga sanaysay na sinulat ng awtor hinggil sa mga paksang kaugnay ng pakikipagkapwa gaya ng pagsasakapangyarihan, pamumuno, pagkamamamayan, pananagutan, at pakikipamayapa.  Para kay Galano, bukod sa pagdadalumat ng kapwa, naging makabuluhang ambag rin ng akda ang pagtugon nito sa hamon ng paggamit ng katutubong metodo.  Binigyang-pansin ng kanyang rebyu ang metodo ng pakikipagkwentuhan at iginiit ang potensyal nito bilang paraan sa pagkalap ng mapagkakatiwalaang datos.  Pakikipagkapwa pa rin ang pinaiiral na pagkilos sa pakikipag-ugnayang ito sa kalahok.  Ibig sabihin, may talabang teoretikal at metodolohikal sa kapwa—sikolohikal na praxis, samakatwid—na tumutugon sa pangangailangang bumuo ng balangkas ng pagkatao at lipunang Pilipino habang naghahawan rin ng landas tungo sa maka-Pilipinong kaparaanan ng pananaliksik.

Panghuling ambag sa koleksyon ng rebyu ang pagsusuri ni Amihan Bonifacio-Ramolete ng pagtatanghal-musikal ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas (DUP) na pinamagatang Ang Nawawalang Kapatid (2014).  Hango ang palabas sa Mahabharata, isang matandang epiko ng bansang India na kwento ng hidwaan ng dalawang makapangyarihang pamilya.  Nakapaloob ang artistikong pagpapahayag sa paniniwalang Hindu, na pinayaman pa ng pagsangguni sa Bhagavad Gita, isang kalipunan ng mga aral at etikal na preskipsyon sa Hinduismo.  Ang moral na suliranin sa likod ng pakikipagdigmaan ang syang sentral na isyu sa kwento.  Bagama’t isang kuwento mula sa labas ng Pilipinas, inangkin ng pagtatanghal-musikal ang kwento sa kapakinabangan ng Pilipinong tagatangkilik.  Hindi nalalayo ang ginawa ni Bonifacio-Ramolete na pagsusuri kung saan kanyang nilapat ang loob bilang ispesipikong tema na napalitaw sa proseso ng pagsasaling-kultural.  Sa paggamit ng loob bilang balangkas ng pag-unawa sa ugnayan at tunggalian ng mga karaker ng istorya, makikita aniya na hindi ito istatiko at nagbabago ito sa pagdaan ng panahon.  Dagdag pa niya, maaaring tanda ng kalakasan at paninindigang maka-kapwa, halimbawa na sa konteksto ng mga pinuno, ang ganitong karanasang sikolohikal.  Matingkad, sa parehong rebyu at pagtatanghal-musikal hindi lang ang siko-moral na batayan ng loob (Miranda 1989) kundi maging ang bisa ng sarili nating mga kategorya na unawain ang lawak at lalim ng pagkatao, dito man o sa labas ng bayan, noong lumang panahon man o sa kasalukuyan.  Sa madaling salita, may talab ang konseptong Pilipino sa pag-unawa sa kanyang labas.

Ang panghuling bahagi ng isyu ay nagtatampok naman sa panayam kay Dr. Rogelia Pe-Pua, iskolar at mananaliksik ng Sikolohiyang Pilipino at isang matibay na haligi ng disiplina.  Sa pamamagitan ng panayam ay ibinahagi ni Dr. Pe-Pua ang dahilan ng kanyang pagtahak sa landas ng Sikolohiyang Pilipino, ang kanyang mga natutunan mula kay Dr. Virgilio Enriquez, ang Ama ng SP, ang kanyang mga kaisipan kaugnay ng ilang mga isyung nakapalibot sa SP kabilang ang lapat ng SP sa pag-aaral ng pandarayuhan, at ang kanyang payo sa mga batang mag-aaral ng Sikolohiyang Pilipino.  Masasabing kinakatawan ni Dr. Pe-Pua ang pakay din ng kasalukuyang E-Journal na pagtagpuin ang lokal at global, hindi lang dahil sa mga naging paksa ng kanyang pananaliksik kundi maging sa mismong karanasan nya na rin bilang iskolar na bagama’t nasa ibayong-dagat ay nakaugat pa rin sa bayan.   

Sa kabuuan, masasabing pagpapahiwatig ang lahat ng sulatin sa tomong ito na nakatungtong ang Sikolohiyang Pilipino kapwa sa talastasang bayan at diskursong unibersal.  Dinamiko ang pagtatalabang ito ng mga elementong lokal at global sa tukoy na layunin ng pagtataguyod ng isang disiplina at kilusang nagmumula sa at napapakinabangan ng Sangkapilipinuhan.  Ambag na ring masasabi ang tunguhing ito sa pagbubuo ng isang makatotohanan at makatwirang pandaigdigang sikolohiya na nagpapahalaga sa kamalayang katutubo at nagtataguyod ng makabuluhang pag-aaral sa indibidwal at lipunan.

Sanggunian

 Aganon, M.A. at A. David (1985).  Sikolohiyang Pilipino: Isyu, Etika at Kaalaman.  Quezon City: National Book Store.

Aguiling-Dalisay, G., R.M. Mendoza, E.J.L. Mirafelix, J.A. Yacat, M.R. Sto. Domingo, at F.R. Bambico (2000).  Pagkalalake [Masculinity]: Men in control? Filipino male views on love, sex & women.  Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.

Antonio, L.F. (pat.) (1976).  Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino.  Quezon City: Philippine Psychology Research & Training House.

Bernardo, A. B. I. (2009).  Culture and Philippine psychology: Progress and prospects.  Nasa M.L.T. Camagay (pat.), Pi Gamma Mu Diamond Lectures.  Quezon City: Pi Gammu Mu International Honor Society in Social Science, Philippine Alpha Chapter, 31-50.

Cabochan, G.V.Jr. (pat.) (2012).  Forging Management Excellence on the Anvil of Culture.  Mandaluyong: People Management Association of the Philippines, Center for Research and Publications.

Enriquez, V.G. (1976).  Sikolohiyang Pilipino: Perspektibo at direksyon.  Nasa E.S. Reyes, R.E. Pe, at N.R. Almonte (mga pat.), Ulat ng unang pambansang kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino.  Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 221-243.

Enriquez, V.G. (1992).  From colonial to liberation psychology: The Philippine experience.  Quezon City: University of the Philippines Press.

Enriquez, V.G. at E. Protacio-Marcelino, E. (1984).  Neo-colonial politics and language struggle in the Philippines.  Quezon City: Akademya ng Sikolohiyang Pilipino.

Estrada-Claudio, S. (1995).  Ang Sikolohiya ng Kababaihan.  Nasa L. Quindoza-Santiago (pat.), Mga idea at estilo: Komposisyong pangkolehiyo sa wikang Filipino.  Quezon City: University of the Philippines Press, 145-158.

Ferriols, R. (1991).  Pambungad sa metapisika.  Quezon City: Office of Research and Publications,

Ateneo de Manila University.

Garlitos R. at T.S. Peñaflorida (2013).  Ang Bonggang Bonggang Batang Beki.  Manila: LG&M Corporation.

Javier, R.E.Jr. (2013).  Pakikipagkapwa: Pilipinong Lapit sa Pananaliksik.  Quezon City: Central Book Supply, Inc.

Mendoza, S.L. (2006).  Between the homeland and the diaspora: the politics of theorizing Filipino and Filipino American identities.  Manila: University of Santo Tomas Press.

Miranda, D. (1989).  Loob: The Filipino within: A preliminary investigation into a pre-theological moral anthropology.  Manila: Divine Word Publications, Inc.

Navarro, A.M., J.D. Petras, at M.T. Ujano-Batangan (mga pat.) (2014).  DIWA E-Journal, 1 (1).

Neri, B.V. at C.J. de Silva (2012).  Ikaklit sa aming Hardin.  Manila: Publikasyong Twamkittens.

Paredes-Canilao, N. at M.A. Babaran-Diaz (2013).  Sikolohiyang Pilipino: 50 Years of Critical-Emancipatory Social Science in the Philippines.  Annual Review of Critical Psychology, 10.     

Pe-Pua, R. (pat.) (1982).  Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit.  Quezon City: Philippine Psychology Research and Training House.

Pe-Pua, R. (2005).  Kros-katutubong perspektibo sa metodolohiya: Ang karanasan ng Pilipinas.  Binhi, 2 (1).

Pe-Pua, R. at E. Protacio-Marcelino (2002).  Sikolohiyang Pilipino: Pamana ni Virgilio G. Enriquez.  Binhi, 1 (1).

Protacio-De Castro, E., F.A.G. Balanon, A.Z.V. Camacho, M.G. Ong, A.G. Verba, at J.A. Yacat (2002).  Integrating child-centered approaches in children’s work.  Quezon City: Center for Integrative and Development Studies Program on Psychosocial Trauma and Human Rights, University of the Philippines.

Santos, D.M. (direktor at koreograpo), C. Javier (musika), at F. Quintos (manunulat) (2014).  Ang Nawawalang Kapatid [Dulang musikal].  Quezon City: Dulaang Unibersidad ng Pilipinas.

San Juan, E. (2006).  Toward a decolonizing indigenous psychology in the Philippines: Introducing Sikolohiyang Pilipino.  Journal for Cultural Research, 10, 47-67.

Sta. Maria, M. (2000).  Indigenous psychology, ethnopsychology, crosscultural psychology and cultural psychology: Distinction implications for Sikolohiyang Pilipino.  Asia-Pacific Social Science Review, 1, 11-22.

Yacat, J.A. (2013). Tungo sa isang mapagbuong sikolohiya: Hamon sa makabagong sikolohiyang Pilipino. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19 (2), 5-32.

PASASALAMAT

Lubos na nagpapasalamat ang patnugutan ng DIWA E-Journal sa mga nag-ambag ng mga  artikulo na sina Antonio Contreras, Ph.D. (De La Salle University, Manila, Philippines), Noahlyn Maranan (University of the Philippines, Los Baños), April J. Perez (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Teresita T. Rungduin (Philippine Normal University, Manila, Philippines), Darwin C. Rungduin (Colegio de San Juan de Letran, Manila, Philippines), at Christine Joy C. Lim (Mariano Marcos State University, Ilocos Norte, Philippines).  Gayundin, nagpapasalamat ang patnugutan sa mga nagrebyu na sina Joseph Torrecampo (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Danielle Ochoa (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Charmaine Galano (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), at Amihan Bonifacio Ramolete, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City).